Juan 7:32-53
Ang Salita ng Diyos
32 Nang nag-usap-usap ang mga tao patungkol sa kaniya, narinig ito ng mga Fariseo. Ang mga Fariseo at ang mga pinunong-saserdote ay nagsugo ng mga tanod ng templo upang hulihin siya.
33 Kaya sinabi ni Jesus sa kanila: Makakasama pa ninyo ako ng maikling panahon. Pagkatapos, ako ay pupunta sa nagsugo sa akin. 34 Hahanapin ninyo ako at hindi ninyo ako matatagpuan. Hindi kayo makakapunta sa kinaroroonan ko.
35 Ang mga Judio nga ay nag-usap-usap: Saan ba siya papunta na hindi natin siya matatagpuan? Siya ba ay pupunta sa mga Judio na kumalat sa mga Griyego at tuturuan ang mga Griyego? 36 Ano ang salitang ito na sinabi niyang, hahanapin ninyo ako at hindi ninyo ako matatagpuan. Hindi kayo makakapunta sa paroroonan ko.
37 Sa huli at dakilang araw ng kapistahan tumayo si Jesus. Sa malakas na tinig siya ay nagsabi: Kung ang sinuman ay nauuhaw, hayaan siyang lumapit sa akin at uminom. 38 Mangyayari sa sumasampalataya sa akin ang gaya ng sinabi ng kasulatan: Magkakaroon siya ng ilog ng tubig na buhay. Ito ay aagos mula sa loob niya. 39 Sinabi niya ito patungkol sa Espiritu na tatanggapin na ng mga sumasampalataya sa kaniya sapagkat hindi pa naibibigay ang Banal na Espiritu dahil hindi pa naluluwalhati si Jesus.
40 Marami nga sa mga tao, nang marinig ang pananalitang ito ay nagsabi: Totoong ito na nga ang propeta.
41 Ang iba ay nagsabi: Ito ang Mesiyas.
Ang iba naman ay nagsabi: Kung gayon, manggagaling ba ang Mesiyas sa Galilea?
42 Hindi ba sinabi ng kasulatan: Ang Mesiyas ay magmumula sa lahi ni David? Hindi ba siya ay magmumula sa Bethlehem, ang bayang kinaroonan ni David? 43 Nagkaroon nga ng pagkabaha-bahagi ang mga tao dahil kay Jesus. 44 Ang iba ay nagnais na hulihin siya ngunit walang humuli sa kaniya.
Hindi Sumampalataya ang mga Tagapanguna ng mga Judio
45 Ang mga tanod ay pumunta sa mga pinunong-saserdote at mga Fariseo. Sinabi nila sa kanila: Bakit hindi ninyo siya dinala?
46 Sumagot ang mga tanod: Walang taong nakapagsalita tulad ng taong ito.
47 Sumagot nga sa kanila ang mga Fariseo: Nailigaw rin ba kayo? 48 Mayroon ba sa mga pinuno o sa mga Fariseo na sumampalataya sa kaniya? 49 Ang mga taong ito na hindi nakakaalam ng kautusan ay mga isinumpa.
50 Si Nicodemo, na pumunta kay Jesus nang gabi, ay kasama nila. Sinabi niya sa kanila: 51 Hindi ba ang ating kautusan ay hindi humahatol sa isang tao kung hindi muna siya naririnig nito o hindi muna inaalam ang kaniyang ginagawa?
52 Sumagot sila at sinabi sa kaniya: Ikaw ba ay taga-Galilea rin? Saliksikin mo at tingnan sapagkat walang propetang nagbuhat sa Galilea.
53 Ang bawat isa ay umuwi sa kani-kaniyang tahanan.
Read full chapterCopyright © 1998 by Bibles International