Juan 7
Ang Salita ng Diyos
Dumalo si Jesus sa Kapistahan sa Araw ng mga Kubol
7 Pagkatapos ng mga bagay na ito, si Jesus ay naglibot sa Galilea. Ayaw niyang maglibot sa Judea dahil ang mga Judio ay naghahanap ng pagkakataon upang siya ay patayin.
2 Ang Kapistahan ng mga Kubol ng mga Judio ay malapit na. 3 Kaya nga, sinabi sa kaniya ng mga kapatid niyang lalaki: Umalis ka rito. Pumunta ka sa Judea nang makita rin ng iyong mga alagad ang mga gawang ginagawa mo. 4 Ito ay sapagkat ang isang tao na nagnanais na makilala ng madla ay hindi gumagawa ng anuman ng palihim. Kung dahil ginagawa mo ang mga bagay na ito, ipakita mo ang iyong sarili sa sanlibutan. 5 Ito ay sapagkat maging ang mga kapatid niyang lalaki ay hindi sumasampalataya sa kaniya.
6 Kaya nga, sinabi ni Jesus sa kanila: Ang aking oras ay hindi pa dumarating ngunit ang inyong oras ay laging handa. 7 Hindi magagawa ng sangkatuhan na kapootan kayo ngunit ito ay napopoot sa akin dahil nagpatotoo ako patungkol dito. Nagpatotoo ako na ang mga gawa nito ay masama. 8 Sa kapistahang ito, umahon kayo. Hindi pa ako aahon sa kapistahang ito dahil ang aking oras ay hindi pa nagaganap. 9 Pagkasabi niya sa kanila ng mga bagay na ito, nanatili siya sa Galilea.
10 Pagkaahon ng mga kapatid niyang lalaki ay umahon din siya sa kapistahan. Umahon siya ng hindi hayag kundi palihim. 11 Hinanap nga siya ng mga Judio at nagtanong: Nasaan siya?
12 Nagkaroon ng maraming bulung-bulungan sa mga tao patungkol sa kaniya. Sabi ng iba, siya ay mabuti.
Sabi ng iba: Hindi. Kaniyang inililigaw ang mga tao.
13 Magkagayon man, walang nagsalita ng hayag patungkol sa kaniya dahil sa takot sa mga Judio.
Nagturo si Jesus sa Kapistahan
14 Nang nasa kalagitnaan na ang kapistahan ay umahon si Jesus sa templo at nagturo.
15 Namangha ang mga Judio na nagsasabi: Papaanong nakakabasa ang taong ito gayong hindi naman siya nag-aral?
16 Sumagot si Jesus sa kanila at sinabi: Ang aking turo ay hindi sa akin kundi sa kaniya na nagsugo sa akin. 17 Kung ang sinuman ay nagnanais na gumawa ng kalooban ng Diyos ay malalaman niya ang patungkol sa turo. Malalaman niya kung ito ay mula sa Diyos o ako ay nagsasalita mula sa aking sarili. 18 Siya na nagsasalita mula sa kaniyang sarili ay naghahanap ng kaniyang sariling kaluwalhatian. Siya na naghahanap ng kaluwalhatian ng nag-utos sa kaniya ay totoo. Sa kaniya ay walang kalikuan. 19 Hindi ba binigyan kayo ni Moises ng kautusan? Gayunman, walang nagsasagawa isa man sa inyo ng kautusan? Bakit hinahanap ninyo ako upang patayin?
20 Sumagot ang mga tao at sinabi: Ikaw ay mayroong demonyo. Sino ang naghahanap upang pumatay sa iyo?
21 Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila: Isang gawa ang aking ginawa at kayong lahat ay namangha. 22 Kaya nga, binigyan kayo ni Moises ng pagtutuli, bagama’t hindi ito mula kay Moises kundi sa mga ninuno. At sa Araw ng Sabat ay tinutuli ninyo ang isang lalaki. 23 Sa araw ng Sabat ay nagtutuli kayo ng isang lalaki upang huwag lumabag sa kautusan ni Moises. Ano at nagagalit kayo sa akin dahil pinagaling ko ang isang lalaki sa araw ng Sabat? 24 Huwag kayong humatol ayon sa nakikita. Humatol kayo ng matuwid na paghatol.
Si Jesus ba ang Mesiyas?
25 Sinabi nga ng ilan sa mga taga-Jerusalem: Hindi ba siya ang kanilang hinahanap upang patayin?
26 Narito, siya ay hayagang nagsasalita at wala silang sinasabi sa kaniya. Totoo kayang kinikilala ng mga namumuno na ito nga ang Mesiyas? 27 Alam natin kung saan nagmula ang taong ito. Ngunit kapag dumating ang Mesiyas ay walang nakakaalam kung saan siya nagmula.
28 Sa malakas na tinig nga ay nagtuturo si Jesus sa templo. Kaniyang sinabi: Kilala ninyo ako at alam ninyo ang aking pinagmulan. Hindi ako narito nang sa sarili ko lamang. Subalit siya na nagsugo sa akin ay totoo. Hindi ninyo siya kilala. 29 Kilala ko siya dahil ako ay mula sa kaniya at ako ay sinugo niya.
30 Humahanap nga sila ng pagkakataon upang hulihin siya ngunit walang humuli sa kaniya dahil hindi pa dumarating ang kaniyang oras. 31 Marami sa mga tao ang sumampalataya sa kaniya. Kanilang sinabi: Kapag dumating ang Mesiyas, gagawa ba siya ng mas maraming tanda? Mas marami pa kaya kaysa sa ginawa ng lalaking ito?
32 Nang nag-usap-usap ang mga tao patungkol sa kaniya, narinig ito ng mga Fariseo. Ang mga Fariseo at ang mga pinunong-saserdote ay nagsugo ng mga tanod ng templo upang hulihin siya.
33 Kaya sinabi ni Jesus sa kanila: Makakasama pa ninyo ako ng maikling panahon. Pagkatapos, ako ay pupunta sa nagsugo sa akin. 34 Hahanapin ninyo ako at hindi ninyo ako matatagpuan. Hindi kayo makakapunta sa kinaroroonan ko.
35 Ang mga Judio nga ay nag-usap-usap: Saan ba siya papunta na hindi natin siya matatagpuan? Siya ba ay pupunta sa mga Judio na kumalat sa mga Griyego at tuturuan ang mga Griyego? 36 Ano ang salitang ito na sinabi niyang, hahanapin ninyo ako at hindi ninyo ako matatagpuan. Hindi kayo makakapunta sa paroroonan ko.
37 Sa huli at dakilang araw ng kapistahan tumayo si Jesus. Sa malakas na tinig siya ay nagsabi: Kung ang sinuman ay nauuhaw, hayaan siyang lumapit sa akin at uminom. 38 Mangyayari sa sumasampalataya sa akin ang gaya ng sinabi ng kasulatan: Magkakaroon siya ng ilog ng tubig na buhay. Ito ay aagos mula sa loob niya. 39 Sinabi niya ito patungkol sa Espiritu na tatanggapin na ng mga sumasampalataya sa kaniya sapagkat hindi pa naibibigay ang Banal na Espiritu dahil hindi pa naluluwalhati si Jesus.
40 Marami nga sa mga tao, nang marinig ang pananalitang ito ay nagsabi: Totoong ito na nga ang propeta.
41 Ang iba ay nagsabi: Ito ang Mesiyas.
Ang iba naman ay nagsabi: Kung gayon, manggagaling ba ang Mesiyas sa Galilea?
42 Hindi ba sinabi ng kasulatan: Ang Mesiyas ay magmumula sa lahi ni David? Hindi ba siya ay magmumula sa Bethlehem, ang bayang kinaroonan ni David? 43 Nagkaroon nga ng pagkabaha-bahagi ang mga tao dahil kay Jesus. 44 Ang iba ay nagnais na hulihin siya ngunit walang humuli sa kaniya.
Hindi Sumampalataya ang mga Tagapanguna ng mga Judio
45 Ang mga tanod ay pumunta sa mga pinunong-saserdote at mga Fariseo. Sinabi nila sa kanila: Bakit hindi ninyo siya dinala?
46 Sumagot ang mga tanod: Walang taong nakapagsalita tulad ng taong ito.
47 Sumagot nga sa kanila ang mga Fariseo: Nailigaw rin ba kayo? 48 Mayroon ba sa mga pinuno o sa mga Fariseo na sumampalataya sa kaniya? 49 Ang mga taong ito na hindi nakakaalam ng kautusan ay mga isinumpa.
50 Si Nicodemo, na pumunta kay Jesus nang gabi, ay kasama nila. Sinabi niya sa kanila: 51 Hindi ba ang ating kautusan ay hindi humahatol sa isang tao kung hindi muna siya naririnig nito o hindi muna inaalam ang kaniyang ginagawa?
52 Sumagot sila at sinabi sa kaniya: Ikaw ba ay taga-Galilea rin? Saliksikin mo at tingnan sapagkat walang propetang nagbuhat sa Galilea.
53 Ang bawat isa ay umuwi sa kani-kaniyang tahanan.
Copyright © 1998 by Bibles International