Add parallel Print Page Options

Pagkatapos ng mga bagay na ito ay (A)naparoon si Jesus sa kabilang ibayo ng dagat ng Galilea, na siyang dagat ng Tiberias.

At sumusunod sa kaniya ang lubhang maraming tao, sapagka't kanilang nangakikita ang mga tanda na ginagawa niya sa mga maysakit.

At umahon si Jesus sa (B)bundok, at doo'y naupo siya na kasama ng kaniyang mga alagad.

Malapit na nga ang (C)paskua, na pista ng mga Judio.

Itinanaw nga ni Jesus ang kaniyang mga mata, at pagkakita na ang lubhang maraming tao'y lumalapit sa kaniya, ay sinabi kay (D)Felipe, Saan tayo magsisibili ng tinapay, upang mangakakain ang mga ito?

At ito'y sinabi niya upang siya'y subukin: sapagka't nalalaman niya sa kaniyang sarili kung ano ang kaniyang gagawin.

Sumagot si Felipe sa kaniya, Hindi magkakasiya sa kanila ang dalawang daang denariong tinapay, upang makakain ng kaunti ang bawa't isa.

Sinabi sa kaniya ng isa sa kaniyang mga alagad, (E)si Andres, na kapatid ni Simon Pedro,

May isang batang lalake rito, na mayroong limang tinapay na sebada, at dalawang isda: datapuwa't gaano na ang mga ito sa ganyang karamihan?

10 Sinabi ni Jesus, Inyong paupuin ang mga tao. Madamo nga sa dakong yaon. Kaya't nagsiupo ang mga lalake, na may limang libo ang bilang.

11 Kinuha nga ni Jesus ang mga tinapay; at (F)nang makapagpasalamat, ay ipinamahagi niya sa kanilang nangakaupo; at gayon din naman binigyan sila ng mga isda kung gaanong ibigin nila.

12 At nang sila'y mangabusog, ay sinabi niya sa kaniyang mga alagad, Pulutin ninyo ang mga pinagputolputol na lumabis, upang walang anomang masayang.

13 Kaya't kanilang tinipon, at nangapuno ang labingdalawang bakol ng mga pinagputolputol sa limang tinapay na sebada, na lumabis sa nagsikain.

14 Kaya't nang makita ng mga tao ang tandang ginawa niya, ay kanilang sinabi, Totoong ito nga (G)ang propeta na paririto sa sanglibutan.

15 (H)Nang mapaghalata nga ni Jesus na sila'y magsisilapit at siya'y agawin, upang siya'y gawing hari, ay muling nagbalik sa bundok na nagiisa.

16 At nang kinahapunan, ay nagsilusong ang kaniyang mga alagad sa dagat;

17 At nagsilulan sila sa isang daong, at kanilang tinatawid ang dagat hanggang sa (I)Capernaum. At madilim na nga, at hindi dumarating sa kanila si Jesus.

18 At lumalaki ang dagat dahil sa isang malakas na hanging humihihip.

19 Nang sila nga'y mangakagaod na ng may (J)dalawangpu't lima o tatlongpung (K)estadio, ay kanilang nakita si Jesus na lumalakad sa ibabaw ng dagat, at lumalapit sa daong: at sila'y nangahintakutan.

20 Datapuwa't sinabi niya sa kanila, Ako nga; huwag kayong mangatakot.

21 Malugod nga nilang tinanggap siya sa daong: at pagdaka'y dumating ang daong sa lupang kanilang tinutumpa.

22 Nang kinabukasan ay nakita ng karamihang nakatayo sa (L)kabilang ibayo ng dagat na doo'y walang ibang daong, kundi isa, at hindi lumulan sa daong si Jesus na kasama ng kaniyang mga alagad, kundi ang kaniyang mga alagad lamang ang nagsipaglayag

23 (gayon man ay may mga daong na nagsidating na mula sa Tiberias malapit sa dako na kanilang kinainan ng tinapay pagkatapos na makapagpasalamat ang Panginoon):

24 Nang makita nga ng karamihan na wala roon si Jesus, ni ang kaniyang mga alagad man, ay nagsilulan sila sa mga daong, at nagsidating sa Capernaum, na hinahanap si Jesus.

25 At nang siya'y kanilang masumpungan sa kabilang ibayo ng dagat, ay kanilang sinabi sa kanila, Rabi, kailan ka dumating dito?

26 Sinagot sila ni Jesus at sinabi, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ako'y inyong hinahanap, hindi dahil sa inyong nangakitang mga tanda, kundi dahil sa kayo'y nagsikain ng tinapay, at kayo'y nangabusog.

27 Magsigawa kayo hindi dahil sa pagkaing napapanis, kundi dahil sa pagkaing tumatagal (M)sa buhay na walang hanggan, na ibibigay sa inyo ng Anak ng tao: (N)sapagka't siyang tinatakan ng Ama, sa makatuwid baga'y ang Dios.

28 Sinabi nga nila sa kaniya, (O)Ano ang kinakailangan naming gawin, upang aming magawa ang mga gawa ng Dios?

29 Sumagot si Jesus at sa kanila'y sinabi, Ito ang gawa ng Dios, na inyong sampalatayanan yaong kaniyang sinugo.

30 Sinabi nga nila sa kaniya, Ano nga ang inyong ginagawa na pinakatanda, upang aming makita, at sampalatayanan ka namin? ano ang ginagawa mo?

31 Nagsikain ang aming mga magulang ng mana sa ilang; gaya ng nasusulat, (P)Tinapay na galing sa langit ang sa kanila'y kaniyang ipinakain.

32 Sinabi nga sa kanila ni Jesus, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng tinapay na galing sa langit; kundi ang aking Ama ang nagbibigay sa inyo ng tunay na tinapay na galing sa langit.

33 Sapagka't ang tinapay ng Dios ay yaong bumababang mula sa langit, at nagbibigay buhay sa sanglibutan.

34 Sa kaniya nga'y kanilang sinabi, (Q)Panginoon, bigyan mo kaming palagi ng tinapay na ito.

35 Sa kanila'y sinabi ni Jesus, Ako (R)ang tinapay ng kabuhayan: (S)ang lumalapit sa akin ay hindi magugutom, at ang sumasampalataya sa akin kailan ma'y hindi mauuhaw.

36 Datapuwa't sinabi ko sa inyo, na nakita ninyo ako, at gayon ma'y hindi kayo nagsisampalataya.

37 (T)Ang lahat ng ibinibigay sa akin ng Ama ay magsisilapit sa akin; at ang lumalapit sa akin sa anomang paraan ay hindi ko itataboy.

38 Sapagka't (U)bumaba akong mula sa langit, (V)hindi upang gawin ko ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.

39 At ito ang kalooban ng nagsugo sa akin, (W)na sa lahat ng ibinigay niya sa akin ay huwag kong iwala ang anoman, kundi ibangon sa huling araw.

40 Sapagka't ito ang kalooban ng aking Ama, na ang bawa't nakakakita sa Anak, at sa kaniya'y sumampalataya, ay magkaroon ng walang hanggang buhay; at akin siyang ibabangon sa huling araw.

41 (X)Ang mga Judio nga ay nagbulongbulungan tungkol sa kaniya sapagka't kaniyang sinabi, Ako ang tinapay na bumabang galing sa langit.

42 At kanilang sinabi, Hindi baga ito'y si Jesus, (Y)ang anak ni Jose, na nakikilala natin ang kaniyang ama at ina? paano ngang sinasabi niya, Ako'y bumabang galing sa langit?

43 Sumagot si Jesus at sa kanila'y sinabi, Huwag kayong mangagbulongbulungan.

44 Walang taong makalalapit sa akin, maliban nang ang Amang nagsugo sa akin ang sa kaniya'y (Z)magdala sa akin; at siya'y aking ibabangon sa huling araw.

45 Nasusulat sa mga propeta, (AA)At tuturuan silang lahat ng Dios. Ang bawa't nakarinig sa Ama, at natuto, ay lumalapit sa akin.

46 (AB)Hindi sa ang sinoma'y nakakita sa Ama, kundi yaong nanggaling sa Dios, siya ang nakakita sa Ama.

47 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, (AC)Ang sumasampalataya ay may buhay na walang hanggan.

48 (AD)Ako ang tinapay ng kabuhayan.

49 Nagsikain ang inyong mga magulang ng mana sa ilang, at sila'y nangamatay.

50 Ito ang tinapay na bumababang galing sa langit, upang ang taong makakain, ay huwag mamatay.

51 Ako ang tinapay na buhay (AE)na bumabang galing sa langit: kung ang sinoman ay kumain ng tinapay na ito, siya'y mabubuhay magpakailan man: oo at (AF)ang tinapay na aking ibibigay ay ang aking laman, (AG)sa ikabubuhay ng sanglibutan.

52 Ang mga Judio nga'y nangagtatalo, na nangagsasabi, Paanong maipakakain sa atin ng taong ito ang kaniyang laman?

53 Sinabi nga sa kanila ni Jesus, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, (AH)Maliban nang inyong kanin ang laman ng Anak ng tao at inumin ang kaniyang dugo, ay wala kayong buhay sa inyong sarili.

54 Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan; at siya'y aking ibabangon sa huling araw.

55 Sapagka't ang aking laman ay tunay na pagkain, at ang aking dugo ay tunay na inumin.

56 Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananahan (AI)sa akin, at ako'y sa kaniya.

57 Kung paanong sinugo ako ng Amang buhay, at ako'y nabubuhay dahil sa Ama; gayon din naman ang kumakain sa akin, siya nama'y mabubuhay dahil sa akin.

58 Ito ang tinapay na bumabang galing sa langit: (AJ)hindi gaya ng mga magulang na nagsikain, at nangamatay; ang kumakain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailan man.

59 Sinabi niya ang mga bagay na ito sa sinagoga, samantalang siya'y nagtuturo sa (AK)Capernaum.

60 Marami nga sa kaniyang mga alagad, nang kanilang marinig ito, ay nangagsabi, Matigas ang pananalitang ito; sino ang makaririnig noon?

61 Datapuwa't pagkaalam ni Jesus (AL)sa kaniyang sarili na nagbubulongbulungan ang kaniyang mga alagad tungkol dito, sa kanila'y sinabi, (AM)Ito baga'y nakapagpapatisod sa inyo?

62 Ano nga kung makita ninyong (AN)umaakyat ang Anak ng tao (AO)sa kinaroroonan niya nang una?

63 Ang espiritu nga ang bumubuhay; sa laman ay walang anomang pinakikinabang: ang mga salitang sinalita ko sa inyo ay pawang espiritu, at pawang buhay.

64 Datapuwa't may ilan sa inyong hindi nagsisisampalataya. Sapagka't talastas na ni (AP)Jesus buhat pa nang una kung sino-sino ang hindi nagsisisampalataya, at kung sino ang sa kaniya'y magkakanulo.

65 At sinabi niya, Dahil dito'y sinabi ko sa inyo, (AQ)na walang taong makalalapit sa akin, maliban na ipagkaloob sa kaniya ng Ama.

66 Dahil dito'y marami sa kaniyang mga alagad ay nagsitalikod, at hindi na nagsisama sa kaniya.

67 Sinabi nga ni Jesus sa labingdalawa, Ibig baga ninyong magsialis din naman?

68 Sinagot siya ni (AR)Simon Pedro, Panginoon, kanino kami magsisiparoon? ikaw ang may (AS)mga salita ng buhay na walang hanggan.

69 At kami'y nagsisisampalataya at nakikilala namin na ikaw (AT)ang Banal ng Dios.

70 Sinagot sila ni Jesus, Hindi baga (AU)hinirang ko kayong labingdalawa, at ang isa sa inyo ay diablo?

71 Tinukoy nga niya si Judas (AV)na anak ni Simon Iscariote, sapagka't siya ang sa kaniya'y magkakanulo, palibhasa'y isa sa labingdalawa.

Ang Pagpapakain ni Jesus sa Limang Libong Lalaki

Pagkatapos ng mga bagay na ito ay tumawid si Jesus sa lawa ng Galilea. Ito ay ang lawa ng Tiberias.

Maraming mga tao ang sumunod sa kaniya dahil nakita nila ang mga tanda na kaniyang ginawa sa mga maysakit. Si Jesus ay umakyat sa bundok at umupo roon na kasama ng kaniyang mga alagad. Malapit na ang araw ng Paglagpas, ang kapistahan ng mga Judio.

Nang tumingin si Jesus sa paligid, nakita niya ang napakaraming taong papalapit sa kaniya. Sinabi niya kay Felipe: Saan tayo makakabili ng tinapay upang makakain ang mga ito? Sinabi niya ito upang subukin si Felipe sapagkat alam na niya kung ano ang kaniyang gagawin.

Sumagot si Felipe sa kaniya: Ang dalawandaang denaryong tinapay ay hindi sapat sa kanila upang makatanggap ng kaunti ang bawat isa sa kanila.

Isa sa kaniyang mga alagad, si Andres, na kapatid ni Simon Pedro ay nagsabi sa kaniya: Mayroong isang batang lalaki rito na may limang tinapay na sebada at dalawang maliit na isda. Gasino na ito sa ganitong karaming tao?

10 Sinabi ni Jesus: Paupuin ninyo ang mga tao. Madamo sa dakong iyon kaya umupo ang mga lalaki na ang dami ay humigit-kumulang sa limang libo. 11 Kinuha ni Jesus ang mga tinapay. Nang makapagpasalamat siya, ipinamahagi niya ito sa mga alagad at ipinamahagi naman ng mga nila sa mga nakaupo. Gayundin ang ginawa sa mga isda, ito ay ipinamahagi gaano man ang kanilang ibigin.

12 Nang sila ay mabusog, sinabi niya sa kaniyang mga alagad: Ipunin ninyo ang mga lumabis na bahagi upang walang masayang. 13 Inipon nga nila ang mga lumabis. Nakapuno sila ng labindalawang bakol ng bahaging mula sa limang tinapay na sebada na lumabis sa mga kumain.

14 Nakita ng mga tao ang tandang ginawa ni Jesus. Dahil dito kanilang sinabi: Totoong ito na nga ang propeta na darating sa sanlibutan. 15 Nalaman ni Jesus na sila ay papalapit at siya ay susunggaban upang gawing hari. Dahil dito siya ay umalis at pumuntang muli na nag-iisa sa bundok.

Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig

16 Nang magtakipsilim na, lumusong ang kaniyang mga alagad sa lawa.

17 Sumakay sila sa bangka. Sila ay papatawid ng lawa patungong Capernaum. Dumilim na at hindi pa nila kasama si Jesus. 18 Sa pag-ihip ng malakas na hangin, ang lawa ay naging maalon. 19 Nang sila ay nakagaod na ng may lima o anim na kilometro nakita nila si Jesus. Siya ay lumalakad sa ibabaw ng lawa papalapit sa bangka at sila ay natakot. 20 Ngunit sinabi niya sa kanila: Ako ito, huwag kayong matakot. 21 Malugod nga nilang pinasakay si Jesus sa bangka. Kapagdaka, ang bangka ay nasa lupa na ng kanilang pupuntahan.

22 Kinabukasan, nakita ng mga taong nanatili sa kabilang ibayo ng lawa na walang ibang bangka roon. Ang naroroon lang ay ang sinakyan ng mga alagad ni Jesus. Alam nilang hindi sumama si Jesus sa kaniyang mga alagad sa bangka at sila lang ang umalis. 23 May ibang mga bangkang dumating na mula sa Tiberias. Ito ay malapit sa pook na kung saan sila ay kumain ng tinapay pagkatapos pasalamatan ng Panginoon. 24 Nakita nga ng mga tao na wala si Jesus maging ang mga alagad niya. Pagkatapos sumakay rin sila sa mga bangka at pumunta sa Capernaum at hinahanap nila si Jesus.

Si Jesus ang Tinapay ng Buhay

25 Natagpuan nila siya sa kabilang dako ng lawa. Pagkakita nila, tinanong nila siya: Guro, kailan ka pumunta rito?

26 Sumagot si Jesus sa kanila at sinabi: Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo: Hinanap ninyo ako hindi sa dahilang nakita ninyo ang mga tanda. Ang dahilan ay nakakain kayo ng mga tinapay na sebada at nasiyahan. 27 Huwag kayong gumawa para sa pagkaing nasisira kundi gumawa kayo para sa pagkaing mananatili sa walang hanggang buhay. Ito ay ang ibibigay sa inyo ng Anak ng Tao sapagkat siya ang tinatakan ng Diyos Ama.

28 Sinabi nga nila sa kaniya: Ano ang gagawin namin upang aming magawa ang mga gawaing mula sa Diyos?

29 Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila: Ito ang gawain mula sa Diyos, na kayo ay sumampalataya sa kaniya na isinugo ng Ama.

30 Sinabi nga nila sa kaniya: Ano ngayon ang tandang gagawin mo upang makita namin at sumampalataya kami sa iyo? Ano ang gagawin mo? 31 Ang mga ninuno namin ay kumain ng mana sa ilang. Katulad ng nasusulat: Binigyan niya sila ng tinapay na kakainin na nagmula sa langit.

32 Sinabi nga ni Jesus sa kanila: Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo: Hindi kayo binigyan ni Moises ng tinapay mula sa langit. Ang aking Ama ang nagbibigay sa inyo ng tunay na tinapay mula sa langit. 33 Ito ay sapagkat ang tinapay ng Diyos ay siya na bumabang mula sa langit at nagbibigay ng buhay sa sanlibutan.

34 Kanila ngang sinabi sa kaniya: Panginoon, bigyan mo kami ng tinapay na ito.

35 Sinabi ni Jesus sa kanila: Ako ang tinapay ng buhay. Siya na lumalapit sa akin ay hindi na magugutom kailanman. Siya na sumasampalataya sa akin ay hindi na mauuhaw kailanman. 36 Sinabi ko sa inyo, na nakita rin ninyo ako at hindi kayo sumampalataya. 37 Ang lahat ng ibinigay sa akin ng Ama ay lalapit sa akin. Siya na lalapit sa akin ay hindi ko itataboy kailanman. 38 Ito ay sapagkat ako ay bumaba mula sa langit hindi upang gawin ang sarili kong kalooban kundi ang kalooban niya na nagsugo sa akin. 39 Ito ang kalooban ng Ama na nagsugo sa akin: Wala akong iwawaglit sa lahat nang ibinigay niya sa akin ngunit ibabangon siya sa huling araw. 40 Ito ang kalooban niya na nagsugo sa akin: Ang bawat isa na nakakakita sa Anak at sumasampalataya sa kaniya ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan. Ibabangon ko siya sa huling araw.

41 Ang mga Judio nga ay nagbulung-bulungan patungkol sa kaniya dahil sinabi niya: Ako ang tinapay na bumabang mula sa langit. 42 Sinabi nila: Hindi ba ito ay si Jesus na anak ni Jose at kilala natin ang kaniyang ama at ina? Papaano nga niya masasabing: Ako ay bumabang mula sa langit?

43 Sumagot nga si Jesus at sinabi sa kanila: Huwag kayong magbulong-bulungan. 44 Walang taong makakalapit sa akin malibang ilapit siya ng Ama na nagsugo sa akin at ibabangon ko siya sa huling araw. 45 Nasusulat sa aklat ng mga propeta: At silang lahat ay tuturuan ng Diyos. Ang bawat isa nga na nakarinig sa Ama at natuto ay lumalapit sa akin. 46 Ito ay hindi dahil sa nakita ng sinuman ang Ama. Ang tanging nakakita sa Ama ay siya na mula sa Diyos. 47 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo: Siya na sumasampalataya sa akin ay may buhay na walang hanggan. 48 Ako ang tinapay ng buhay. 49 Ang inyong mga magulang na kumain ng tinapay sa ilang ay nangamatay na. 50 Ito ang tinapay na bumabang mula sa langit. Maaaring kumain nito ang sinuman at hindi mamamatay. 51 Ako ang tinapay na buhay na bumaba mula sa langit. Ang sinumang makakain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpaka­ilanman. Ang tinapay na aking ibibigay ay ang aking laman. Ito ang aking ibibigay para sa buhay ng sanlibutan.

52 Nagtalo-talo nga ang mga Judio. Kanilang sinabi: Papaano niya maibibigay sa atin ang kaniyang laman upang kainin?

53 Sinabi nga ni Jesus sa kanila: Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo: Malibang kayo ay makakain ng laman ng Anak ng tao at makainom ng kaniyang dugo ay wala kayong buhay. 54 Siya na kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan. Ibabangon ko siya sa huling araw. 55 Ito ay sapagkat ang aking laman ay totoong pagkain at ang aking dugo ay totoong inumin. 56 Siya na kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananatili sa akin. Ako naman ay sumasa kaniya. 57 Ang Amang buhay ang nagsugo sa akin at ako ay nabubuhay dahil sa Ama. Gayundin ang kumakain sa akin. Siya ay mabubuhay dahil sa akin. 58 Ito ang tinapay na bumabang mula sa langit. Hindi ito tulad nang ang inyong mga ninuno ay kumain ng mana at ngayon ay mga patay na. Siya na kumakain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman. 59 Sinabi niya ang mga bagay na ito nang siya ay nagtuturo sa sinagoga sa Capernaum.

Marami sa mga Alagad ang Tumalikod kay Jesus

60 Marami nga sa kaniyang mga alagad na nang marinig ito ay nagsabi: Mahirap ang pananalitang ito. Sino ang makaka­unawa nito?

61 Nalalaman ni Jesus sa sarili niya na nagbubulong-bulungan ang kaniyang mga alagad patungkol dito. Sinabi niya sa kanila: Nakakatisod ba ang sinabi ko sa inyo? 62 Gaano pa kaya kung makita ninyo ang Anak ng Tao na pumapaitaas sa dati niyang kinaroroonan? 63 Ang Espiritu ang siyang nagbibigay buhay. Walang napapakinabangan ang laman. Ang mga salitang sinasabi ko sa inyo ay espiritu at buhay. 64 Subalit mayroong ilan sa inyo na hindi sumasampalataya. Alam ni Jesus nang simula pa kung sino sila na hindi sasampalataya at kung sino ang magkakanulo sa kaniya. 65 Sinabi niya: Kaya nga, sinabi ko sa inyo: Walang sinumang makakalapit sa akin malibang ibigay ito sa kaniya ng aking Ama.

66 Mula noon marami sa kaniyang mga alagad ang bumalik at hindi na sumama sa kaniya.

67 Kaya nga, sinabi ni Jesus sa labindalawa: Nais din ba ninyong umalis?

68 Sumagot sa kaniya si Simon Pedro: Panginoon, kanino kami pupunta? Nasa iyo ang mga salita ng walang hanggang buhay. 69 Kami ay sumampalataya at nalaman namin na ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng buhay na Diyos.

70 Sumagot sa kanila si Jesus: Hindi ba labindalawa kayong pinili ko at isa sa inyo ay diyablo? 71 Ang tinutukoy niya ay si Judas na taga-Keriot na anak ni Simon sapagkat siya ang magkakanulo sa kaniya. Siya ay isa sa labindalawa.

Pinakain ni Jesus ang Limang Libo

Matapos ang mga pangyayaring ito pumunta si Jesus sa kabilang bahagi ng lawa ng Galilea na tinatawag ding lawa ng Tiberias. Napakaraming tao ang sumunod sa kanya, dahil nakita nila ang mga himala na kanyang ginawa sa mga maysakit. Umakyat si Jesus sa bundok at doo'y naupo kasama ng kanyang mga alagad. Nalalapit na noon ang Paskuwa na pista ng mga Judio. Paglingon ni Jesus, nakita niyang lumalapit sa kanya ang napakaraming tao kung kaya sinabi niya kay Felipe, “Saan tayo makabibili ng tinapay upang makakain ang mga taong ito?” Alam na ni Jesus ang kanyang gagawin, ngunit sinabi niya iyon upang subukin si Felipe. Sumagot ito, “Kulang po ang tinapay na mabibili ng dalawang daang denaryo[a] upang makakain kahit kaunti ang mga taong ito.” Si Andres na kapatid ni Simon Pedro, isa sa kanyang mga alagad ay nagsabi sa kanya, “May isang bata po rito na may limang tinapay na sebada[b] at dalawang isda, ngunit sapat ba ito para sa napakaraming tao?” 10 Sinabi ni Jesus, “Paupuin ninyo ang mga tao.” Sa lugar na iyon ay maraming damo, kaya naupo ang mga lalaking may limang libo ang bilang. 11 Kinuha ni Jesus ang mga tinapay, at matapos magpasalamat, ipinamigay niya sa mga nakaupo; ganoon din ang ginawa niya sa mga isda. Kumuha ang mga tao hangga't ibig nila. 12 Nang mabusog sila, inutusan niya ang kanyang mga alagad, “Tipunin ninyo ang mga sobrang pagkain upang walang masayang.” 13 Kaya tinipon nga nila ang mga sumobrang pagkain, at mula sa limang pinagpira-pirasong tinapay ay nakapuno sila ng labindalawang kaing. 14 Nang makita ng mga tao ang himalang ginawa ni Jesus, sinabi nila, “Ito nga talaga ang propetang darating sa sanlibutan!” 15 Nang makita ni Jesus na lumalapit ang mga tao at sapilitan siyang kukunin upang gawing hari, lumayo siya at muling pumuntang mag-isa sa bundok.

16 Kinagabihan, pumunta sa lawa ang kanyang mga alagad. 17 Sumakay sila ng bangka at nagsimulang baybayin ang lawa patungong Capernaum. Madilim na noon, at hindi pa dumarating sa kanila si Jesus. 18 Lumaki ang alon sa lawa dahil sa malakas na ihip ng hangin. 19 Nang makasagwan sila nang lima hanggang anim na kilometro, nakita nila si Jesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig ng lawa papalapit sa bangka, at sila'y natakot. 20 Ngunit sinabi niya sa kanila, “Huwag kayong matakot, ako ito!” 21 Kaya pinasakay nila si Jesus sa bangka; at nakarating agad ang bangka sa lugar na kanilang pupuntahan.

22 Kinabukasan, nakita ng mga taong nakatayo sa kabilang dako ng lawa na isang bangka lamang ang naroon. Nakita din nilang hindi sumama si Jesus sa bangkang iyon nang umalis ang kanyang mga alagad. 23 Gayunman, may mga bangka mula sa Tiberias na dumating malapit sa lugar na kinainan nila ng tinapay matapos magpasalamat ang Panginoon. 24 Kaya nang makita ng mga tao na wala roon si Jesus pati ang kanyang mga alagad, sumakay sila sa mga bangka at pumuntang Capernaum upang hanapin si Jesus. 25 At nang matagpuan nila si Jesus sa ibayo ng lawa, sinabi nila sa kanya, “Rabbi, kailan pa kayo rito?” 26 Sinagot sila ni Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hinahanap ninyo ako hindi dahil nakakita kayo ng mga himala, kundi dahil nabusog kayo sa tinapay. 27 (A)Huwag kayong magpagod para sa pagkaing nabubulok, kundi para sa pagkaing nananatili tungo sa buhay na walang hanggan, na siyang ibibigay sa inyo ng Anak ng Tao, sapagkat siya ang tinatakan ng Diyos Ama.” 28 Kaya sinabi nila, “Ano ang dapat naming gawin upang magawa namin ang mga gawain ng Diyos?” 29 Sinagot sila ni Jesus, “Ito ang gawain ng Diyos, na kayo ay manampalataya sa kanyang isinugo.” 30 Kaya sinabi nila sa kanya, “Ano pong himala ang maipapakita ninyo sa amin upang maniwala kami sa iyo? Ano pong ginagawa ninyo? 31 (B)Ang mga ninuno namin ay kumain ng manna sa ilang; tulad ng nasusulat, ‘Binigyan niya sila ng tinapay mula sa langit upang makain.’ ” 32 Kaya't sinabi ni Jesus sa kanila, “Ito ang katotohanan, sinasabi ko sa inyo, hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng tinapay mula sa langit, kundi ang aking Ama ang nagbigay sa inyo ng tunay na tinapay mula sa langit. 33 Sapagkat ang tinapay ng Diyos ay siya na bumaba mula sa langit at nagbibigay ng buhay sa sanlibutan.” 34 Sinabi nila sa kanya, “Ginoo, bigyan po ninyo kaming lagi ng tinapay na iyon.” 35 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ako ang tinapay ng buhay. Ang lumalapit sa akin ay hindi na magugutom at ang sumasampalataya sa akin ay hindi na mauuhaw. 36 Sinabi ko sa inyo na nakita na ninyo ako subalit hindi kayo naniniwala. 37 Ang lahat ng ibinibigay ng Ama sa akin ay lalapit sa akin, at ang lumalapit sa akin ay hinding-hindi ko itataboy. 38 Bumaba ako mula sa langit hindi upang gawin ang nais ko, kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin. 39 Ito ang kalooban ng nagsugo sa akin—na hindi ko maiwala ang isa man sa mga ibinigay niya sa akin, kundi, ito’y buhaying muli sa huling araw. 40 Sapagkat ito ang kalooban ng aking Ama, na ang bawat tumitingin sa Anak at sumasampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan at muli ko siyang bubuhayin sa huling araw.” 41 Kaya't nagbulung-bulungan ang mga Judio tungkol sa kanya sapagkat sinabi niya, “Ako ang tinapay na bumaba mula sa langit.” 42 Sinabi nila, “Hindi ba ito si Jesus na anak ni Jose, at kilala natin ang kanyang ama't ina? Paano niya nasasabing bumaba siya mula sa langit?” 43 Sumagot si Jesus, “Huwag na kayong magbulung-bulungan. 44 Walang makalalapit sa akin malibang ilapit siya ng Ama na nagsugo sa akin. Siya'y muli kong bubuhayin sa huling araw. 45 (C)Sinulat ng mga propeta, ‘At silang lahat ay tuturuan ng Diyos.’ Ang sinumang nakarinig at natuto mula sa Ama ay lumalapit sa akin. 46 Ang nagmula sa Diyos ang tanging nakakita sa Ama. Siya lamang ang nakakita sa Ama. 47 Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, ang sumasampalataya ay may buhay na walang hanggan. 48 Ako ang tinapay ng buhay. 49 Kumain ng manna ang inyong mga ninuno sa ilang, gayunma'y namatay sila. 50 Ito ang tinapay na bumaba mula sa langit, upang ang sinumang kumain nito ay hindi mamatay. 51 Ako ang tinapay na nabubuhay na bumaba mula sa langit; sinumang kumain sa tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman; at ang tinapay na ibibigay ko para sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking katawan.” 52 Kaya nagtalu-talo ang mga Judio na nagsasabing, “Paano ibibigay ng taong ito ang kanyang katawan para kainin natin?” 53 Dahil dito, sinabi ni Jesus sa kanila, “Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, malibang kainin ninyo ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, wala kayong buhay sa inyong sarili. 54 Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan, at bubuhayin ko siyang muli sa huling araw. 55 Sapagkat tunay na pagkain ang aking katawan, at totoong inumin ang aking dugo. 56 Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananatili sa akin, at ako ay mananatili rin sa kanya. 57 Kung paanong sinugo ako ng buhay na Ama at nabubuhay ako dahil sa Ama, ganoon din naman, ang kumakain sa akin ay mabubuhay dahil sa akin. 58 Ito ang tinapay na mula sa langit, hindi tulad ng kinain ng inyong mga ninuno na namatay; ang kumakain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman.” 59 Ito ang mga sinabi niya nang siya'y magturo sa bahay-pulungan ng mga Judio sa Capernaum. 60 Nang marinig nila ito, marami sa kanyang mga alagad ang nagsabing, “Mahirap na turo ito, sino ang may kayang tumanggap nito?” 61 Alam ni Jesus na nagbubulungan sila tungkol dito kaya sinabi niya, “Ikinagalit ba ninyo ang sinabi ko? 62 Paano kung makita ninyo ang Anak ng Tao na umaakyat sa dati niyang kinaroroonan? 63 (D)Ang espiritu ang nagbibigay ng buhay, ang laman ay walang pakinabang; ang mga salitang sinabi ko sa inyo ay espiritu at buhay. 64 Subalit may ilan sa inyo na hindi naniniwala.” Sapagkat alam na ni Jesus sa simula pa lamang ang mga hindi naniniwala, at kung sino ang magkakanulo sa kanya. 65 At sinabi niya, “Ito ang dahilan kung bakit sinabi ko sa inyo na walang makakalapit sa akin malibang ipahintulot ito ng Ama.” 66 Pagkatapos nito marami sa mga alagad niya ang tumalikod at hindi na sumunod sa kanya. 67 Sinabi ni Jesus sa labindalawa, “Nais din ba ninyong umalis?” 68 (E)Sumagot si Simon Pedro, “Panginoon, kanino po kami pupunta? Nasa inyo ang mga salita ng buhay na walang hanggan, 69 at sumasampalataya kami, at nakatitiyak kami na kayo nga ang Banal ng Diyos.” 70 Sumagot si Jesus, “Hindi ba pinili ko kayong labindalawa, at isa sa inyo ay diyablo?” 71 Ang tinutukoy niya ay si Judas, anak ni Simon Iscariote, ang isa sa labindalawa na magkakanulo sa kanya.

Footnotes

  1. Juan 6:7 Ang isang denaryo ay katumbas ng sahod ng manggagawa sa isang araw.
  2. Juan 6:9 Sebada: ito ay harinang ginagamit ng mga mahihirap.