Add parallel Print Page Options

22 Kinabukasan, nakita ng mga taong nakatayo sa kabilang dako ng lawa na isang bangka lamang ang naroon. Nakita din nilang hindi sumama si Jesus sa bangkang iyon nang umalis ang kanyang mga alagad. 23 Gayunman, may mga bangka mula sa Tiberias na dumating malapit sa lugar na kinainan nila ng tinapay matapos magpasalamat ang Panginoon. 24 Kaya nang makita ng mga tao na wala roon si Jesus pati ang kanyang mga alagad, sumakay sila sa mga bangka at pumuntang Capernaum upang hanapin si Jesus. 25 At nang matagpuan nila si Jesus sa ibayo ng lawa, sinabi nila sa kanya, “Rabbi, kailan pa kayo rito?” 26 Sinagot sila ni Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hinahanap ninyo ako hindi dahil nakakita kayo ng mga himala, kundi dahil nabusog kayo sa tinapay. 27 (A)Huwag kayong magpagod para sa pagkaing nabubulok, kundi para sa pagkaing nananatili tungo sa buhay na walang hanggan, na siyang ibibigay sa inyo ng Anak ng Tao, sapagkat siya ang tinatakan ng Diyos Ama.” 28 Kaya sinabi nila, “Ano ang dapat naming gawin upang magawa namin ang mga gawain ng Diyos?” 29 Sinagot sila ni Jesus, “Ito ang gawain ng Diyos, na kayo ay manampalataya sa kanyang isinugo.” 30 Kaya sinabi nila sa kanya, “Ano pong himala ang maipapakita ninyo sa amin upang maniwala kami sa iyo? Ano pong ginagawa ninyo? 31 (B)Ang mga ninuno namin ay kumain ng manna sa ilang; tulad ng nasusulat, ‘Binigyan niya sila ng tinapay mula sa langit upang makain.’ ” 32 Kaya't sinabi ni Jesus sa kanila, “Ito ang katotohanan, sinasabi ko sa inyo, hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng tinapay mula sa langit, kundi ang aking Ama ang nagbigay sa inyo ng tunay na tinapay mula sa langit. 33 Sapagkat ang tinapay ng Diyos ay siya na bumaba mula sa langit at nagbibigay ng buhay sa sanlibutan.” 34 Sinabi nila sa kanya, “Ginoo, bigyan po ninyo kaming lagi ng tinapay na iyon.” 35 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ako ang tinapay ng buhay. Ang lumalapit sa akin ay hindi na magugutom at ang sumasampalataya sa akin ay hindi na mauuhaw. 36 Sinabi ko sa inyo na nakita na ninyo ako subalit hindi kayo naniniwala. 37 Ang lahat ng ibinibigay ng Ama sa akin ay lalapit sa akin, at ang lumalapit sa akin ay hinding-hindi ko itataboy. 38 Bumaba ako mula sa langit hindi upang gawin ang nais ko, kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin. 39 Ito ang kalooban ng nagsugo sa akin—na hindi ko maiwala ang isa man sa mga ibinigay niya sa akin, kundi, ito’y buhaying muli sa huling araw. 40 Sapagkat ito ang kalooban ng aking Ama, na ang bawat tumitingin sa Anak at sumasampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan at muli ko siyang bubuhayin sa huling araw.” 41 Kaya't nagbulung-bulungan ang mga Judio tungkol sa kanya sapagkat sinabi niya, “Ako ang tinapay na bumaba mula sa langit.” 42 Sinabi nila, “Hindi ba ito si Jesus na anak ni Jose, at kilala natin ang kanyang ama't ina? Paano niya nasasabing bumaba siya mula sa langit?” 43 Sumagot si Jesus, “Huwag na kayong magbulung-bulungan. 44 Walang makalalapit sa akin malibang ilapit siya ng Ama na nagsugo sa akin. Siya'y muli kong bubuhayin sa huling araw.

Read full chapter