Juan 4
Magandang Balita Biblia
Si Jesus sa Samaria
4 Nabalitaan ng mga Pariseo na si Jesus ay mas maraming nahihikayat na maging alagad at nababautismuhan kaysa kay Juan. Nalaman ito ng Panginoon[a] 2 (bagaman hindi si Jesus mismo ang nagbabautismo, kundi ang kanyang mga alagad), 3 kaya umalis siya sa Judea at bumalik sa Galilea. 4 Kailangan dumaan siya sa Samaria.
5 Dumating(A) siya sa isang bayan na tinatawag na Sicar. Malapit ito sa bukid na ibinigay ni Jacob sa kanyang anak na si Jose. 6 Dito matatagpuan ang balon ni Jacob. Dahil napagod si Jesus sa paglalakbay, umupo siya sa tabi ng balon. Halos katanghalian na noon.
7 May isang Samaritanang dumating upang umigib, at sinabi ni Jesus sa kanya, “Maaari bang makiinom?” 8 Wala noon ang kanyang mga alagad dahil sila'y bumibili ng pagkain sa bayan.
9 Sinabi(B) sa kanya ng babae, “Ikaw ay Judio at Samaritana naman ako. Bakit ka humihingi sa akin ng inumin?” Sinabi niya iyon sapagkat hindi nakikihalubilo ang mga Judio sa mga Samaritano.[b]
10 Sumagot si Jesus, “Kung alam mo lamang ang kaloob ng Diyos, at kung sino itong humihingi sa iyo ng inumin, ikaw ang hihingi sa kanya at bibigyan ka niya ng tubig na nagbibigay-buhay.”
11 Nagsalita ang babae, “Ginoo, malalim ang balong ito at wala ka namang pansalok. Saan ka kukuha ng tubig na nagbibigay-buhay? 12 Ang balong ito ay pamana pa sa amin ng aming ninunong si Jacob. Dito siya uminom, gayundin ang kanyang mga anak at mga hayop. Higit ka pa ba sa kanya?”
13 Sumagot si Jesus, “Ang bawat uminom ng tubig na ito'y muling mauuhaw, 14 ngunit ang sinumang uminom ng tubig na ibibigay ko sa kanya ay hindi na muling mauuhaw kailanman. Ang tubig na ibibigay ko ay magiging batis sa loob niya, at patuloy na bubukal at magbibigay sa kanya ng buhay na walang hanggan.”
15 Sinabi ng babae, “Ginoo, bigyan po ninyo ako ng tubig na iyan upang hindi na ako mauhaw, ni pumarito pa upang sumalok muli.”
16 “Umuwi ka at isama mo rito ang iyong asawa,” wika ni Jesus.
17 “Wala akong asawa,” sagot ng babae.
Sinabi ni Jesus, “Tama ang sinabi mong wala kang asawa 18 sapagkat lima na ang iyong naging asawa, at ang kinakasama mo ngayon ay hindi mo asawa. Totoo nga ang sinabi mo.”
19 Sinabi ng babae, “Ginoo, palagay ko ay isa kang propeta. 20 Dito sa bundok na ito sumamba sa Diyos ang aming mga ninuno, ngunit sinasabi ninyong mga Judio na sa Jerusalem lamang dapat sambahin ang Diyos.”
21 Sinabi naman ni Jesus, “Maniwala ka sa akin, darating ang panahon na sasambahin ninyo ang Ama hindi na sa bundok na ito o sa Jerusalem. 22 Hindi ninyo kilala ang inyong sinasamba, ngunit kilala namin ang aming sinasamba, sapagkat ang kaligtasan ay nagmumula sa mga Judio. 23 Subalit dumarating na ang panahon at ngayon na nga, na ang mga tunay na sumasamba sa Ama ay sasamba sa kanya sa espiritu at sa katotohanan. Sapagkat ganyan ang uri ng pagsambang ninanais ng Ama. 24 Ang Diyos ay Espiritu at ang mga sumasamba sa kanya ay dapat siyang sambahin sa espiritu at sa katotohanan.”
25 Sinabi ng babae, “Nalalaman ko pong darating ang Mesiyas, ang tinatawag na Cristo. Pagdating niya, siya ang magpapahayag sa amin ng lahat ng bagay.”
26 “Akong kausap mo ngayon ang iyong tinutukoy,” sabi ni Jesus.
27 Dumating ang kanyang mga alagad nang sandaling iyon, at nagtaka sila nang makita nilang nakikipag-usap si Jesus sa isang Samaritana. Ngunit isa man sa kanila'y walang nagtanong sa babae, “Ano ang kailangan ninyo?” Wala ring nagtanong kay Jesus, “Bakit ninyo siya kinakausap?”
28 Iniwan ng babae ang kanyang banga, bumalik sa bayan at sinabi sa mga tagaroon, 29 “Halikayo! Tingnan ninyo ang taong nagsabi sa akin ng lahat ng ginawa ko. Siya na kaya ang Cristo?”
30 Kaya't lumabas ng bayan ang mga tao at nagpunta kay Jesus.
31 Samantala, makailang ulit na sinabi ng mga alagad kay Jesus, “Rabi, kumain na kayo.”
32 Ngunit sumagot siya, “Ako'y may pagkaing hindi ninyo nalalaman.”
33 Kaya't nagtanung-tanungan ang mga alagad, “May nagdala kaya sa kanya ng pagkain?”
34 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang pagkain ko'y ang tuparin ang kalooban ng nagsugo sa akin at tapusin ang ipinapagawa niya sa akin.
35 “Hindi ba sinasabi ninyo, ‘Apat na buwan pa at anihan na’? Sinasabi ko naman sa inyo, masdan ninyo ang mga bukid, hinog na ang trigo at handa nang anihin. 36 Ang umaani ay tumatanggap ng kabayaran at nagtitipon ng bunga para sa buhay na walang hanggan. Kaya't magkasamang magagalak ang nagtatanim at ang umaani. 37 Dito nagkakatotoo ang kasabihang, ‘Iba ang nagtatanim at iba naman ang umaani.’ 38 Isinugo ko kayo upang anihin ang hindi ninyo itinanim. Iba ang naghirap dito at kayo naman ang umani ng kanilang pinaghirapan.”
39 Maraming Samaritano sa bayang iyon ang naniwala kay Jesus dahil sa patotoo ng babae, “Sinabi niya sa akin ang lahat ng aking ginawa.” 40 Kaya't pumunta sila kay Jesus at nakiusap na tumigil muna siya roon, at tumigil nga siya roon sa loob ng dalawang araw.
41 At marami pang sumampalataya nang mapakinggan siya. 42 Pagkatapos, sinabi nila sa babae, “Naniniwala kami ngayon, hindi na dahil sa sinabi mo kundi dahil sa narinig namin siya. Alam na naming siya nga ang Tagapagligtas ng sangkatauhan.”
Pinagaling ni Jesus ang Anak ng Isang Pinuno ng Pamahalaan
43 Pagkaraan ng dalawang araw, bumalik si Jesus sa Galilea. 44 (Si(C) Jesus na rin ang nagpatotoo na ang isang propeta'y hindi iginagalang sa sarili nitong bayan.) 45 Pagdating(D) niya sa Galilea ay mabuti ang pagtanggap sa kanya ng mga tagaroon, sapagkat nasa Jerusalem din sila noong Pista ng Paskwa at nakita nila ang lahat ng kanyang ginawa roon.
46 Nagpunta(E) muli si Jesus sa Cana sa Galilea, kung saan ginawa niyang alak ang tubig. Sa bayan naman ng Capernaum ay may isang pinuno ng pamahalaan. Ang anak niyang lalaki ay may sakit 47 at naghihingalo na. Nang mabalitaan niyang bumalik si Jesus sa Galilea mula sa Judea, pinuntahan niya ito at pinakiusapang pumunta sa Capernaum upang pagalingin ang kanyang anak. 48 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Hangga't hindi kayo nakakakita ng mga himala at mga kababalaghan, kailanman ay hindi kayo sasampalataya.”
49 Ngunit sinabi ng pinuno, “Tayo na po, Panginoon, bago mamatay ang aking anak.”
50 Sumagot si Jesus, “Umuwi ka na, hindi mamamatay ang iyong anak.” Naniwala ang lalaki sa sinabi ni Jesus, at umuwi na nga siya. 51 Sa daan pa lamang ay sinalubong na siya ng kanyang mga alipin at sinabing gumaling na ang kanyang anak.
52 Tinanong niya ang mga iyon, “Anong oras nang bumuti ang kalagayan niya?”
“Ala-una po kahapon nang siya'y mawalan ng lagnat,” tugon nila.
53 Naalala ng ama na noong oras na iyon sinabi sa kanya ni Jesus, “Hindi mamamatay ang iyong anak.” Kaya't siya at ang kanyang buong sambahayan ay sumampalataya kay Jesus.
54 Ito ang pangalawang himalang ginawa ni Jesus sa Galilea pagkagaling mula sa Judea.
Juan 4
Ang Biblia (1978)
4 Nang maalaman nga ng Panginoon na nabalitaan ng mga Fariseo na si Jesus ay gumagawa at bumabautismo ng lalong maraming alagad kay sa kay Juan
2 (bagaman hindi bumabautismo si Jesus, kundi ang kaniyang mga alagad),
3 Nilisan niya ang (A)Judea, at naparoong (B)muli sa Galilea.
4 At kinakailangang magdaan siya sa Samaria.
5 Sumapit nga siya sa isang bayan ng Samaria, na tinatawag na Sicar, malapit sa bahagi ng lupang (C)ibinigay ni Jacob kay Jose na kaniyang anak:
6 At naroon ang balon ni Jacob. Si Jesus nga, nang napapagod na sa kaniyang paglalakbay, ay naupong gayon sa tabi ng balon. Magiikaanim na nga ang oras.
7 Dumating ang isang babaing taga Samaria upang umigib ng tubig: sa kaniya'y sinabi ni Jesus, Painumin mo ako.
8 Sapagka't napasa bayan ang kaniyang mga alagad upang magsibili ng pagkain.
9 Sinabi nga sa kaniya ng babaing Samaritana, Paano ngang ikaw, na isang Judio, ay humingi ng maiinom sa akin, na ako'y babaing Samaritana? (Sapagka't hindi nangakikipagusap (D)ang mga Judio sa mga Samaritano.)
10 Sumagot si Jesus at sa kaniya'y sinabi, Kung napagkikilala mo ang kaloob ng Dios, at kung sino ang sa iyo'y nagsasabi, Painumin mo ako; ikaw ay hihingi sa kaniya, at ikaw ay bibigyan niya (E)ng tubig na buhay.
11 Sinabi sa kaniya ng babae, Ginoo, wala kang sukat isalok ng tubig, at malalim ang balon: saan nga naroon ang iyong tubig na buhay?
12 Dakila ka pa baga sa aming amang si Jacob, na sa ami'y nagbigay ng balon, at dito'y uminom siya, at ang kaniyang mga anak, at ang kaniyang mga hayop?
13 Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya, Ang bawa't uminom ng tubig na ito ay muling mauuhaw:
14 Datapuwa't (F)ang sinomang umiinom ng tubig na sa kaniya'y aking ibibigay ay hindi mauuhaw magpakailan man; nguni't ang tubig na sa kaniya'y aking ibibigay ay magiging isang balon ng tubig na bubukal sa (G)kabuhayang walang hanggan.
15 Sinabi sa kaniya ng babae, (H)Ginoo, ibigay mo sa akin ang tubig na ito, upang ako'y huwag mauhaw, ni pumarito man sa ganito kalayo upang umigib pa.
16 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Humayo ka, tawagin mo ang iyong asawa, at pumarito ka.
17 Sumagot ang babae at sinabi sa kaniya, Wala akong asawa. Sinabi sa kaniya ni Jesus, Mabuti ang pagkasabi mo, Wala akong asawa:
18 Sapagka't nagkaroon ka na ng limang asawa; at ang nasa iyo ngayon ay hindi mo asawa: dito'y sinabi mo ang katotohanan.
19 Sinabi sa kaniya ng babae, Ginoo, (I)napaghahalata kong ikaw ay isang propeta.
20 Nagsisamba ang aming mga magulang sa bundok na (J)ito; at sinasabi ninyo, na (K)sa Jerusalem ay siyang dakong kinakailangang pagsambahan ng mga tao.
21 Sa kaniya'y sinabi ni Jesus, Babae, paniwalaan mo ako, na dumarating ang oras, (L)na kahit sa bundok na ito, ni sa Jerusalem, ay hindi ninyo sasambahin ang Ama.
22 Sinasamba ninyo (M)ang hindi ninyo nalalaman: sinasamba namin ang nalalaman namin; (N)sapagka't ang kaligtasan ay nanggagaling sa mga Judio.
23 Datapuwa't dumarating ang oras, at ngayon nga, na sasambahin ng mga tunay na mananamba ang Ama sa (O)espiritu at (P)katotohanan: sapagka't hinahanap ng Ama ang mga gayon na maging mananamba sa kaniya.
24 Ang Dios ay Espiritu: at ang mga sa kaniya'y nagsisisamba ay kinakailangang magsisamba sa espiritu at sa katotohanan.
25 Sinabi sa kaniya ng babae, Nalalaman ko na paririto (Q)ang Mesias (ang tinatawag na Cristo): na pagparito niya, ay ipahahayag niya (R)sa amin ang lahat ng mga bagay.
26 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Ako na nagsasalita sa iyo ay siya nga.
27 At sa ganito'y nagsidating ang kaniyang mga alagad; at sila'y nangagtaka na siya'y nakikipagsalitaan sa isang babae; gayon ma'y walang taong nagsabi, Ano ang iyong hinahanap? o, Bakit nakikipagsalitaan ka sa kaniya?
28 Sa gayo'y iniwan ng babae ang kaniyang banga ng tubig, at napasa bayan, at sinabi sa mga tao,
29 Magsiparito kayo, tingnan ninyo ang isang lalake, (S)na nagsabi sa akin ng lahat ng mga bagay na aking ginawa: mangyayari kayang ito ang Cristo?
30 Nagsilabas sila sa bayan, at nagsisiparoon sa kaniya.
31 Samantala ay ipinamamanhik sa kaniya ng mga alagad, na nangagsasabi, Rabi, (T)kumain ka.
32 Datapuwa't sinabi niya sa kanila, Ako'y may pagkaing kakanin na hindi ninyo nalalaman.
33 Ang mga alagad nga ay nangagsangusapan, May tao kayang nagdala sa kaniya ng pagkain?
34 Sinabi sa kanila ni Jesus, (U)Ang pagkain ko ay ang aking gawin ang kalooban ng sa akin ay nagsugo, at tapusin ang kaniyang gawa.
35 Hindi baga sinasabi ninyo, May apat na buwan pa, at saka darating ang pagaani? narito, sa inyo'y aking sinasabi, Itanaw ninyo ang inyong mga mata, at inyong tingnan ang mga bukid, (V)na mapuputi na upang anihin.
36 Ang umaani ay tumatanggap ng upa, at nagtitipon ng bunga sa buhay na walang hanggan; upang (W)ang naghahasik (X)at ang umaani ay mangagalak kapuwa.
37 Sapagka't dito'y totoo ang kasabihan, Isa ang naghahasik, at iba ang umaani.
38 Kayo'y sinugo ko upang anihin ang hindi ninyo pinagpagalan: iba ang nangagpagal, at (Y)kayo'y siyang nagsipasok sa kanilang pinagpagalan.
39 At marami sa mga Samaritano sa bayang (Z)yaon ang sa kaniya'y nagsisampalataya dahil sa salita ng babae, na nagpatotoo, Sinabi niya sa akin ang lahat ng mga bagay na aking ginawa.
40 Kaya nang sa kaniya'y magsidating ang mga Samaritano, ay sa kaniya'y ipinamanhik nila na matira sa kanila: at siya'y natira roong dalawang araw.
41 At lalo pang marami ang mga nagsisampalataya sa kaniya dahil sa kaniyang salita;
42 At sinabi nila sa babae, Ngayo'y nagsisisampalataya kami, hindi dahil sa iyong pananalita: sapagka't (AA)kami rin ang nakarinig, at nalalaman naming ito nga ang Tagapagligtas ng sanglibutan.
43 At pagkaraan ng (AB)dalawang araw ay umalis siya doon at napasa Galilea.
44 Sapagka't si (AC)Jesus din ang nagpatotoo, na ang isang propeta ay walang kapurihan sa kaniyang sariling lupain.
45 Kaya nang siya'y dumating sa Galilea, ay tinanggap (AD)siya ng mga Galileo, (AE)nang kanilang mangakita ang lahat ng mga bagay na kaniyang ginawa sa Jerusalem sa kapistahan: sapagka't sila man ay nagsiparoon din sa kapistahan.
46 Naparoon ngang muli (AF)siya sa Cana ng Galilea, na doo'y kaniyang pinapaging alak ang tubig. At naroroon ang isang mahal na tao, na ang kaniyang anak na lalake ay may-sakit sa Capernaum.
47 Nang mabalitaan niya na si Jesus ay dumating sa Galilea na mula sa Judea, ay naparoon siya sa kaniya, at ipinamanhik sa kaniya na siya'y lumusong, at pagalingin ang kaniyang anak na lalake; sapagka't siya'y naghihingalo.
48 Sinabi nga sa kaniya ni Jesus, (AG)Malibang kayo'y mangakakita ng mga tanda at mga kababalaghan, ay hindi kayo magsisipaniwala sa anomang paraan.
49 Ang mahal na tao ay nagsabi sa kaniya, Ginoo, lumusong ka bago mamatay ang aking anak.
50 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Yumaon ka ng iyong lakad; buhay ang anak mo. Pinaniwalaan ng lalake ang salitang sinalita sa kaniya ni Jesus, at siya'y yumaon sa kaniyang lakad.
51 At samantalang siya'y lumulusong, ay sinalubong siya ng kaniyang mga alipin, na nangagsasabi, na ang kaniyang anak ay buhay.
52 Itinanong nga niya sa kanila ang oras nang siya'y pasimulan ng paggaling. Sa kaniya nga'y kanilang sinabi, Kahapon nang ikapitong oras inibsan siya ng lagnat.
53 Naunawa nga ng ama na sa oras na yaon nang sabihin sa kaniya ni Jesus, Buhay ang anak mo: at siya'y sumampalataya, at ang kaniyang buong sangbahayan.
54 (AH)Ito nga ang muling pangalawang tanda na ginawa ni Jesus, nang siya'y pumaroon sa Galilea na mula sa Judea.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978