Add parallel Print Page Options

Hinugasan ni Jesus ang mga Paa ng Kaniyang mga Alagad

13 Bago dumating ang kapistahan ng Paglagpas, alam ni Jesus na ang kaniyang oras ay sumapit na upang siya ay lumisan sa sanlibutang ito at pumunta sa Ama. Inibig niya ang mga sa kaniya na nasa sanlibutang ito, inibigniya sila hanggang sa wakas.

At nang matapos ang hapunan ay inilagay nga ng diyablo sa puso ni Judas na ipagkanulo si Jesus. Si Judas ay taga-Keriot na anak ni Simon. Alam ni Jesus na ibinigay na ng Ama ang lahat ng mga bagay sa kaniyang mga kamay. Siya ay galing sa Diyos at babalik sa Diyos. Kaya nga, siya ay tumindig mula sa paghahapunan at itinabi ang kaniyang mga kasuotan. Siyaay kumuha ng tuwalya at binigkisan ang kaniyang sarili. Pagkatapos, nagbuhos siya ng tubig sa palanggana. Sinimulan niyang hugasan ang mga paa ng mga alagad. Pinunasan niya ang kanilang mga paa ng tuwalyang nakabigkis sa kaniya.

Lumapit siya kay Simon Pedro. Sinabi ni Pedro sa kaniya: Panginoon, huhugasan mo ba ang aking mga paa?

Si Jesus ay sumagot at sinabi sa kaniya: Ang aking ginagawa ay hindi mo nababatid sa ngayon, ngunit mauuna­waan mo rin ito pagkatapos.

Tumugon si Pedro sa kaniya: Kailanman ay hindi mo huhugasan ang aking mga paa.

Sumagot si Jesus sa kaniya: Kung hindi kita huhugasan, wala kang bahagi sa akin.

Sinabi ni Simon Pedro sa kaniya: Panginoon, hindi lamang ang aking mga paa kundi gayundin ang aking mga kamay at ulo.

10 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Ang taong napaliguan na ay ang paa na lang ang kailangang hugasan. Siya ay lubos nang malinis. Kayo ay malilinis na bagamat hindi lahat. 11 Ito ay sapagkat alam niya kung sino ang magkakanulo sa kaniya. Ito ang dahilan kaya niya sinabi: Hindi ang lahat sa inyo ay malinis.

12 Pagkahugas nga niya ng kanilang mga paa at muling makapagsuot ng kaniyang kasuotan, siya ay umupo. Sinabi niya sa kanila: Naunawaan ba ninyo kung ano ang ginawa ko sa inyo? 13 Tinatawag ninyo akong Guro at Panginoon. Tama ang sinasabi ninyo sapagkat ako nga. 14 Yamang ako na inyong Panginoon at Guro ay naghugas ng inyong mga paa, dapat din nga kayong maghugasan ng mga paa ng isa’t isa. 15 Binigyan ko kayo ng halimbawa upang inyong gawin ang tulad ng ginawa ko sa inyo. 16 Katoto­hanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo: Ang alipin ay hindi higit na dakila kaysa sa kaniyang panginoon. Ang sinugo ay hindi rin higit na dakila kaysa sa nagsugo sa kaniya. 17 Kung alam na ninyo ang mga bagay na ito ay pinagpala kayo kung gagawin ninyo ang mga ito.

Ipinagpauna nang Sabihin ni Jesus na may Magkakanulo sa Kaniya

18 Hindi kayong lahat ang tinutukoy ko. Kilala ko ang aking mga hinirang. Dapat matupad ang kasulatan: Ang kumakain ng tinapay na kasama ko ang siyang nagtaas ng kaniyang sakong laban sa akin.

19 Ngayon ay sinasabi ko na sa inyo bago pa ito dumating. Kung mangyayari na ito ay maaaring sasampalataya kayo na ako nga iyon. 20 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo: Ang tumatanggap sa sinumang susuguin ko ay tuma­tanggap sa akin. Ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa kaniya na nagsugo sa akin.

21 Nang masabi na ito ni Jesus ay naligalig siya sa espiritu. Siya ay nagpatotoo at nagsabi: Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo: Isa sa inyo ay magkakanulo sa akin.

22 Kaya ang mga alagad ay nagtinginan sa isa’t isa, naguguluhan sila kung sino ang tinutukoy niya. 23 Mayroon ngang nakahilig sa piling niJesus na isa sa kaniyang mga alagad, siya ang iniibig ni Jesus. 24 Si Simon Pedro nga ay humudyat sa kaniya na tanungin si Jesus kung sino ang kaniyang tinutukoy.

25 Sa paghilig niya sa dibdib ni Jesus, sinabi niya: Pangi­noon, sino siya?

26 Sumagot si Jesus: Siya ang bibigyan ko ng kapirasong tinapay pagkatapos ko itong maisawsaw. Nang maisawsaw na niya ang kapirasong tinapay ibinigay niya iyon kay Judas na taga-Keriot na anak ni Simon. 27 Pagkatapos ng isang subo ay pumasok kay Judas si Satanas.

Sinabi nga ni Jesus sa kaniya: Kung ano ang iyong gagawin ay gawin mo agad.

28 Walang sinuman sa nakaupong kasalo niya ang nakaunawa kung bakit niya iyon sinabi sa kaniya. 29 Si Judas ang may hawak ng supot ng salapi. Ito ang dahilan kaya inakala ng ilan na ang sinabi sa kaniya ni Jesus ay bumili siya ng mga kakailanganin para sa kapistahan. O kaya ay may ipinabibigay sa kaniya sa mga dukha. 30 Pagkatanggap nga niya ng isang subo ay agad siyang umalis. Noon ay gabi na.

Ipinagpauna ni Jesus na Ipagkakaila Siya ni Pedro

31 Kaya nga, pagkaalis ni Judas, sinabi ni Jesus: Ngayon ay naluwalhati na ang Anak ng Tao. At ang Diyos ay naluwalhati sa kaniya.

32 Yamang ang Diyos ay naluwalhati sa kaniya, siya naman ay luluwalhatiin ng Diyos sa kaniyang sarili. At siya ay agad niyang luluwalhatiin.

33 Munting mga anak, makakasama ninyo ako nang kaunting panahon na lamang. Hahanapin ninyo ako. Sinabi ko sa mga Judio: Hindi kayo makakapunta sa aking pupuntahan. Ganito rin ang sinasabi ko sa inyo.

34 Isang bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo, kayo ay mag-ibigan sa isa’t isa. Kung papaanong inibig ko kayo ay gayundin naman kayong mag-ibigan sa isa’t isa. 35 Sa pamamagitan nito ay malalaman ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad. Ito ay kung may pag-ibig kayo sa isa’t isa.

36 Sinabi ni Simon Pedro sa kaniya: Panginoon, saan ka pupunta?

Sumagot si Jesus sa kaniya: Sa pupuntahan ko ay hindi ka makakasunod sa ngayon ngunit susunod ka sa akin pagkatapos.

37 Sinabi ni Pedro sa kaniya: Panginoon, bakit hindi ako makakasunod sa iyo sa ngayon? Iaalay ko ang aking buhay alang-alang sa iyong kapakanan.

38 Sumagot si Jesus sa kaniya: Iaalay mo ba ang iyong buhay alang-alang sa aking kapakanan? Katotohanan, katoto­hanang sinasabi ko sa iyo: Hindi titilaok ang tandang hanggang sa ipagkaila mo ako nang tatlong ulit.

Ang Paghuhugas ni Jesus sa mga Paa ng mga Alagad

13 Bago sumapit ang pista ng Paskuwa, alam ni Jesus na dumating na ang kanyang oras upang iwan na ang mundong ito at magpunta sa Ama. Dahil mahal niya ang kanyang mga tagasunod na nasa sanlibutan, minahal niya sila hanggang sa katapusan. Bago pa man ang hapunan, naipasok na ng diyablo sa puso ni Judas, anak ni Simon Iscariote, na ipagkanulo si Jesus. Alam ni Jesus na ibinigay na sa Kanya ng Ama ang lahat ng bagay at siya ay nagmula sa Diyos at papunta sa Diyos. Tumayo siya pagkahapunan at naghubad ng kanyang panlabas na damit, at nagbigkis ng tuwalya. Pagkatapos ay naglagay siya ng tubig sa palanggana at sinimulan niyang hugasan ang mga paa ng mga alagad at punasan ang mga ito gamit ang tuwalyang nakabigkis sa kanya. Pagdating niya kay Simon Pedro ay nagsabi ito sa kanya, “Panginoon, kayo ba ang maghuhugas ng mga paa ko?” Sumagot si Jesus, “Hindi mo naiintindihan ngayon kung ano ang ginagawa ko, subalit pagkatapos ng mga ito'y maiintindihan mo rin.” Sinabi ni Pedro sa kanya, “Hindi ninyo huhugasan kailanman ang aking mga paa.” Sumagot si Jesus, “Kung hindi kita huhugasan, wala kang bahagi sa akin.” Sinabi ni Pedro sa kanya, “Panginoon, huwag po ang mga paa ko lamang, pati na rin ang aking mga kamay at aking ulo!” 10 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Ang nakapaligo na ay hindi na kailangan pang hugasan maliban sa kanyang mga paa, sapagkat malinis na siya. Kayo'y malinis na, bagama't hindi lahat.” 11 Sinabi niya, “Hindi lahat sa inyo ay malinis.” Sapagkat kilala niya kung sino ang magkakanulo sa kanya. 12 (A)Matapos niyang hugasan ang kanilang mga paa, nagsuot siya ng kanyang damit at muling naupo. Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila, “Naiintindihan ba ninyo kung ano ang ginawa ko sa inyo? 13 Tinatawag ninyo akong Guro at Panginoon, at tama kayo, dahil gayon nga ako. 14 Kaya nga, kung akong inyong Panginoon at Guro ay naghugas ng inyong mga paa, dapat din ninyong hugasan ang mga paa ng isa't isa. 15 Nagbigay ako sa inyo ng halimbawa upang gawin din ninyo ang tulad ng ginawa ko sa inyo. 16 (B)Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, ang mga alipin ay hindi higit kaysa kanilang panginoon, at ang sinugo kaysa sa nagsugo sa kanya. 17 Kung alam ninyo ang mga bagay na ito, pinagpala kayo kung ginagawa ninyo ang mga ito. 18 (C)Hindi tungkol sa inyong lahat ang sinasabi ko; kilala ko kung sino ang mga pinili ko. Subalit ito ay upang matupad ang nasusulat, ‘Ang kumain ng aking tinapay ay naghandang sumipa[a] sa akin.’ 19 Sinasabi ko ito sa inyo ngayon bago pa ito mangyari, upang kapag ito'y nangyari na, sumampalataya kayo na ako'y Ako Nga. 20 (D)Tinitiyak ko sa inyo, ang tumatanggap sa isinugo ko ay tumatanggap sa akin; at sinumang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin.”

Ang Pahiwatig ni Jesus tungkol sa Pagtataksil sa Kanya(E)

21 Matapos niyang sabihin ito, nabagabag ang kalooban ni Jesus at siya'y nagsabi, “Tandaan ninyo itong sinasabi ko, isa sa inyo ang magkakanulo sa akin.” 22 Nagtinginan ang mga alagad at nalito kung sino ang tinutukoy niya. 23 Isa sa mga alagad—ang minamahal ni Jesus—ay nakaupo sa tabi niya; 24 kaya sumenyas sa kanya si Simon Pedro na alamin kung sino ang tinutukoy ni Jesus. 25 Kaya habang nakahilig kay Jesus ang alagad ay nagtanong ito, “Panginoon, sino po ba siya?” 26 Sumagot si Jesus, “Siya iyong bibigyan ko ng tinapay pagkatapos kong isawsaw ito.” Kaya nang maisawsaw na niya ang tinapay, ibinigay niya ito kay Judas na anak ni Simon Iscariote. 27 At pagkatanggap ni Judas ng tinapay, pumasok si Satanas sa kanya. Sinabi ni Jesus sa kanya, “Anumang gagawin mo, gawin mo na agad.” 28 Wala ni isa mang nasa hapag-kainan ang may alam kung bakit niya ito sinabi kay Judas. 29 Dahil siya ang nag-iingat ng supot ng salapi, inakala ng ilan na pinabibili siya ni Jesus ng kailangan nila sa pista, o kaya naman ay pinapaglimos sa mga dukha. 30 Kaya, pagkatanggap niya ng tinapay, agad siyang lumabas. Gabi na noon.

Ang Bagong Kautusan

31 Pagkalabas ni Judas, sinabi ni Jesus, “Ngayon, ang Anak ng Tao ay naluwalhati na, at ang Diyos ay naluwalhati sa pamamagitan niya. 32 Kung ang Diyos ay naluwalhati sa pamamagitan niya, luluwalhatiin din siya ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang sarili at luluwalhatiin siya agad. 33 (F)Mga anak, sandali na lamang ninyo akong makakapiling. Hahanapin ninyo ako, at ang sinabi ko noon sa mga pinuno ng mga Judio ay sinasabi ko na sa inyo ngayon, ‘Hindi kayo makararating sa pupuntahan ko.’ 34 (G)Isang bagong utos ang ibinibigay ko: ibigin ninyo ang isa't isa. Tulad ng pag-ibig ko sa inyo, dapat din kayong umibig sa isa't isa. 35 Malalaman ng lahat na kayo'y aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa't isa.” 36 Sinabi ni Simon Pedro sa kanya, “Panginoon, saan kayo pupunta?” Sumagot si Jesus, “Kung saan ako pupunta, hindi ka makasusunod sa ngayon; subalit makasusunod ka pagkatapos.” 37 Sinabi ni Pedro sa kanya, “Panginoon, bakit hindi ako makasusunod sa inyo ngayon? Ibibigay ko ang buhay ko para sa iyo.” 38 Sumagot si Jesus, “Ibibigay mo nga ba ang buhay mo para sa akin? Tinitiyak ko sa iyo, titilaok lamang ang tandang pagkatapos mo akong ipagkaila ng tatlong beses.

Footnotes

  1. Juan 13:18 Sa Griyego: nagtaas ng kanyang sakong.