Juan 12
Magandang Balita Biblia
Binuhusan ng Pabango ang mga Paa ni Jesus(A)
12 Anim na araw bago sumapit ang Pista ng Paskwa, si Jesus ay nagpunta sa Bethania, kung saan nakatira si Lazaro na kanyang muling binuhay. 2 Isang hapunan ang inihanda roon para sa kanya. Si Lazaro ay isa sa mga kasalo ni Jesus samantalang si Martha naman ay tumutulong sa paglilingkod sa kanila. 3 Kumuha(B) naman si Maria ng isang bote ng mamahaling pabangong galing sa katas ng dalisay na nardo, at ibinuhos sa mga paa ni Jesus. Pagkatapos, pinunasan niya ang mga ito ng kanyang buhok. At napuno ang buong bahay ng halimuyak ng pabango. 4 Ito'y pinuna ni Judas Iscariote, ang alagad na magkakanulo sa kanya. Sinabi niya, 5 “Bakit hindi na lamang ipinagbili ang pabango at ibinigay sa mga dukha ang pinagbilhan? Maaaring umabot sa tatlong daang salaping pilak ang halaga ng pabangong iyan!” 6 Sinabi iyon ni Judas, hindi dahil sa siya'y may malasakit sa mga dukha, kundi dahil sa siya'y magnanakaw. Siya ang tagapagdala ng kanilang salapi, at madalas niyang kinukupitan ito.
7 Ngunit sinabi ni Jesus, “Pabayaan ninyo siya! Hayaan ninyong ilaan niya ito para sa araw ng aking libing. 8 Habang(C) panaho'y kasama ninyo ang mga dukha, ngunit ako'y hindi ninyo kasama habang panahon.”
Ang Balak Laban kay Lazaro
9 Nabalitaan ng maraming Judio na si Jesus ay nasa Bethania kaya't nagpunta sila roon upang makita siya at si Lazaro, na kanyang muling binuhay. 10 Kaya't binalak ng mga punong pari na ipapatay din si Lazaro, 11 sapagkat dahil sa kanya'y maraming Judio ang humihiwalay na sa kanila at sumasampalataya kay Jesus.
Ang Matagumpay na Pagpasok sa Jerusalem(D)
12 Kinabukasan, nabalitaan ng maraming taong dumalo sa pista na si Jesus ay papunta sa Jerusalem. 13 Kumuha(E) sila ng mga palapa ng palmera, at lumabas sila sa lungsod upang siya'y salubungin. Sila'y sumisigaw, “Purihin ang Diyos.[a] Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! Purihin ang Hari ng Israel!”
14 Nakakita si Jesus ng isang batang asno at sinakyan niya ito, gaya ng nasusulat,
15 “Huwag(F) kang matakot, lungsod ng Zion!
Masdan mo, dumarating ang iyong hari,
nakasakay sa isang batang asno!”
16 Hindi ito naunawaan noon ng kanyang mga alagad. Ngunit matapos na si Jesus ay maluwalhating nabuhay muli, naalala nilang ganoon nga ang sinasabi sa kasulatan tungkol sa kanya, kaya't gayon nga ang nangyari.
17 Ang mga taong kasama ni Jesus noong tawagin niya si Lazaro mula sa libingan at muli niya itong binuhay ay nagpatotoo tungkol sa nangyari. 18 At ito ang dahilan kaya siya sinalubong ng napakaraming tao—nabalitaan nila ang himalang ginawa niya.
19 Kaya't nasabi ng mga Pariseo, “Nakikita ninyong walang nangyayari sa mga ginagawa natin. Tingnan ninyo, sumusunod sa kanya ang buong mundo!”
Hinanap ng Ilang Griego si Jesus
20 May ilang Griegong dumalo sa pista upang sumamba. 21 Lumapit sila kay Felipe na taga-Bethsaida sa Galilea, at nakiusap, “Ginoo, nais po naming makita si Jesus.”
22 Ito'y sinabi ni Felipe kay Andres, at magkasama silang nagsabi nito kay Jesus. 23 Sumagot si Jesus, “Dumating na ang oras upang luwalhatiin ang Anak ng Tao. 24 Pakatandaan ninyo: hangga't hindi nahuhulog sa lupa ang butil ng trigo at mamatay, mananatili itong nag-iisa. Ngunit kung ito'y mamatay, mamumunga ito nang sagana. 25 Ang(G) taong nagpapahalaga sa kanyang buhay ay siyang mawawalan nito, ngunit ang taong hindi nagpapahalaga sa kanyang buhay sa daigdig na ito ay siyang magkakaroon ng buhay na walang hanggan. 26 Ang naghahangad na maglingkod sa akin ay dapat sumunod sa akin, at saanman ako naroroon ay naroroon din siya. Pararangalan ng Ama ang sinumang naglilingkod sa akin.”
Ipinahiwatig ni Jesus ang Kanyang Pagkamatay
27 “Ako'y nababagabag ngayon. Sasabihin ko bang, ‘Ama, huwag mong hayaang sumapit sa akin ang oras na ito ng paghihirap’? Hindi! Sapagkat ito ang dahilan kung bakit ako naparito—upang danasin ang oras na ito. 28 Ama, luwalhatiin mo ang iyong pangalan.”
Isang tinig mula sa langit ang nagsabi, “Niluwalhati ko na ito, at muli kong luluwalhatiin.”
29 Narinig iyon ng mga taong naroon kaya't sinabi nila, “Kumulog!” Sabi naman ng iba, “Nagsalita sa kanya ang isang anghel!”
30 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang tinig na iyon ay ipinarinig para sa inyo at hindi para sa akin. 31 Panahon na upang hatulan ang mundong ito. Panahon na rin upang hatulan ang pinuno ng mundong ito. 32 At kung ako'y maitaas na, ilalapit ko sa aking sarili ang lahat ng tao.” 33 Sinabi niya ito upang ipahiwatig kung paano siya mamamatay.
34 Sinagot(H) siya ng mga tao, “Sinasabi sa amin ng Kautusan na ang Cristo ay mananatili magpakailanman. Bakit mo sinasabing dapat maitaas ang Anak ng Tao? Sino ba ang Anak ng Taong ito?”
35 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kaunting panahon na lamang ninyong makakasama ang ilaw. Lumakad kayo habang kasama pa ninyo ang ilaw upang hindi kayo abutan ng dilim. Hindi alam ng lumalakad sa dilim kung saan siya pupunta. 36 Sumampalataya kayo sa ilaw habang kasama pa ninyo ang ilaw, upang kayo'y maging mga anak ng liwanag.”
Hindi Sumampalataya kay Jesus ang mga Judio
Pagkasabi nito, si Jesus ay umalis doon at hindi na muling nagpakita sa kanila. 37 Kahit na nasaksihan nila ang maraming himalang ginawa niya, hindi pa rin sila naniwala sa kanya. 38 Nangyari(I) ito upang matupad ang sinabi ni Propeta Isaias,
“Panginoon, sino ang naniwala sa aming ibinalita?
Kanino ipinakita ng Panginoon ang kanyang kapangyarihan?”
39 Hindi nga sila makapaniwala sapagkat tulad ng sinabi ni Isaias,
40 “Binulag(J) ng Diyos ang kanilang mga mata
at pinatigas ang kanilang mga puso,
upang sila'y hindi makakita,
ni makaunawa ang kanilang mga isip,
baka pa sila'y manumbalik sa akin
at sila'y pagalingin ko.”
41 Sinabi ito ni Isaias sapagkat nakita niya ang kaluwalhatian ni Jesus, at nagpahayag siya tungkol kay Jesus.[b]
42 Gayunman, marami ring pinuno ng mga Judio ang naniwala sa kanya. Subalit hindi nila maipahayag ito dahil sa takot sa mga Pariseo, na baka sila'y itiwalag sa sinagoga. 43 Mas ginusto nilang parangalan sila ng tao kaysa parangalan ng Diyos.
Ang Salita ni Jesus ang Hahatol
44 Malakas na sinabi ni Jesus, “Ang nananalig sa akin ay hindi lamang sa akin nananalig, kundi pati sa nagsugo sa akin. 45 At ang nakakita sa akin ay nakakita na rin sa nagsugo sa akin. 46 Ako'y naparito bilang ilaw ng sanlibutan, upang ang manalig sa akin ay huwag manatili sa kadiliman. 47 Hindi ako ang humahatol sa taong dumirinig ng aking salita, ngunit ayaw namang sumunod dito. Sapagkat hindi ako naparito upang hatulan ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito. 48 May ibang hahatol sa mga ayaw tumanggap sa akin at sa aking mga salita. Ang salitang ipinahayag ko ang hahatol sa kanila sa huling araw. 49 Sapagkat hindi ako nagsalita nang mula sa sarili ko lamang; ang Ama na nagsugo sa akin ang siyang nag-utos kung ano ang aking sasabihin at ipahahayag. 50 At alam kong ang kanyang utos ay nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Kaya't ang ipinapasabi ng Ama ang siya kong ipinapahayag.”
Footnotes
- Juan 12:13 PURIHIN ANG DIYOS: o kaya'y Hosanna, na nangangahulugan ding “Iligtas mo kami” ngunit mas madalas itong ginagamit bilang isang sigaw ng pagpupuri.
- Juan 12:41 nakita niya…kay Jesus: o kaya'y nakita niya ang kaluwalhatian ng Diyos at nagpahayag siya tungkol kay Jesus .
Juan 12
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Binuhusan ng pabango si Jesus
12 Anim na araw bago ang Paskuwa nang magpunta si Jesus sa Betania, sa bahay ni Lazaro na binuhay niya mula sa mga patay. 2 Naghanda sila ng pagkain para kay Jesus. Nagsisilbi si Marta sa hapag kainan habang si Lazaro naman ay isa sa mga kasalo ni Jesus. 3 (A)Kumuha si Maria ng halos kalahating litro ng mamahaling pabango na gawa sa purong nardo. Ibinuhos niya ito sa mga paa ni Jesus at pinunasan ng kanyang buhok. Napuno ng halimuyak ng pabango ang buong bahay. 4 Subalit isa sa kanyang mga alagad, si Judas Iscariote, na siyang magkakanulo sa kanya ay nagsabi, 5 “Bakit hindi na lang ibinenta ang pabangong ito sa halagang tatlong daang denaryo at ibinigay sa mahihirap?” 6 Sinabi niya ito hindi dahil may malasakit siya sa mga dukha, kundi dahil siya ay magnanakaw. Siya ang nag-iingat ng supot ng salapi at kinukupitan niya ito. 7 Sinabi ni Jesus, “Hayaan mo siya. Pinaghahandaan lamang niya ang araw ng aking libing. 8 (B)Lagi ninyong kasama ang mga dukha, ngunit ako’y hindi ninyo laging makakasama.”
9 Nang malaman ng napakaraming Judio na naroon si Jesus, pumunta sila roon hindi lamang dahil kay Jesus, kundi upang makita rin nila si Lazaro na muli niyang binuhay. 10 Nagplano rin ang mga punong pari na patayin si Lazaro, 11 sapagkat siya ang dahilan kung bakit marami sa mga Judio ang lumalayo sa kanila at sumasampalataya kay Jesus.
Matagumpay na Pagpasok sa Jerusalem
12 Kinabukasan, nabalitaan ng napakaraming taong naroon sa pista na si Jesus ay pupunta sa Jerusalem. 13 (C)Kaya kumuha sila ng mga sanga ng puno ng palma at lumabas sila upang salubungin siya. Nagsigawan sila,
“Hosanna!
Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon,
ang Hari ng Israel!”
14 Nakita ni Jesus ang isang asno at sumakay siya rito. Gaya ng nasusulat,
15 (D)“Huwag kang matakot, anak na babae ng Zion.
Narito ang iyong hari,
dumarating na nakasakay sa batang asno!”
16 Noong una, hindi naunawaan ng mga alagad ni Jesus ang mga bagay na ito. Subalit nang siya ay luwalhatiin na, naalala nila na ang mga ito ay nakasulat tungkol sa kanya at ginawa nga sa kanya. 17 Kaya patuloy na nagpatotoo ang mga taong kasama niya noong tawagin niya si Lazaro mula sa libingan at muli itong binuhay. 18 Nabalitaan din nila na gumawa si Jesus ng ganitong himala, kaya't nagpunta sila para salubungin siya. 19 Dahil dito sinabi ng mga Fariseo sa isa't isa, “Wala tayong magagawa. Tingnan ninyo at sumusunod na sa kanya ang buong mundo.”
20 May mga Griyego ang kabilang doon sa mga nagpunta sa pista upang sumamba. 21 Lumapit sila kay Felipe na taga-Bethsaida ng Galilea at nakiusap sa kanya, “Ginoo, gusto sana naming makita si Jesus.” 22 Pinuntahan ni Felipe si Andres at sinabi ang tungkol dito. Pagkatapos, magkasama silang pumunta at sinabi ito kay Jesus. 23 Sumagot si Jesus, “Dumating na ang oras upang luwalhatiin ang Anak ng Tao. 24 Tandaan ninyo ito, malibang mahulog sa lupa at mamatay ang isang butil ng trigo, ito ay mananatiling butil; subalit kung ito'y mamatay, mamumunga ito nang sagana. 25 (E)Ang nagmamahal sa kanyang buhay ay mawawalan nito at ang mga napopoot sa kanyang buhay sa sanlibutang ito ay mag-iingat nito tungo sa buhay na walang hanggan. 26 Ang sinumang naglilingkod sa akin ay dapat sumunod sa akin, at kung nasaan ako ay naroon din ang aking lingkod. Ang sinumang naglilingkod sa akin ay pararangalan ng Ama.
Ang Pagpapahiwatig ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan
27 “Ngayon, ang kaluluwa ko'y nababagabag. At ano'ng sasabihin ko? ‘Ama, iligtas mo ako sa oras na ito’? Ngunit ang oras na ito ang dahilan kung bakit naparito ako. 28 Ama, luwalhatiin mo ang iyong pangalan.” At isang tinig mula sa langit ang nagsabi, “Niluwalhati ko na ito, at muli kong luluwalhatiin.” 29 Narinig ito ng mga taong nakatayo roon at sinabi nilang kumulog. Ang iba naman ay nagsabing, “May anghel na kumausap sa kanya.” 30 Sumagot si Jesus, “Ang tinig na ito'y dumating para sa inyo, at hindi para sa akin. 31 Ngayon na ang paghuhukom ng sanlibutang ito. Ngayon, ang pinuno ng sanlibutang ito ay palalayasin. 32 At ako, kapag naitaas na mula sa lupa, ilalapit ko ang mga tao sa akin.” 33 Sinabi niya ito upang ilarawan kung paano siya mamamatay. 34 (F)Sumagot ang mga tao, “Narinig namin mula sa kautusan na ang Cristo ay mananatili magpakailanman. Bakit mo sinasabing ang Anak ng Tao ay itataas? Sino ba itong Anak ng Tao?” 35 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Makakasama pa ninyo ang ilaw nang ilang sandali. Lumakad kayo habang kasama pa ninyo ang ilaw, upang sa gayo'y hindi kayo madaig ng kadiliman. Hindi nalalaman ng lumalakad sa dilim ang kanyang pupuntahan. 36 Habang kasama pa ninyo ang ilaw, sumampalataya kayo sa ilaw, upang kayo'y maging mga anak ng ilaw.” Pagkasabi nito, umalis si Jesus at nagtago sa kanila.
Ang Kawalan ng Pananampalataya ng mga Tao
37 Kahit na gumawa si Jesus ng maraming himala sa harap ng mga tao, hindi pa rin sila sumampalataya sa kanya. 38 (G)Ito ay katuparan ng sinabi ni propeta Isaias:
“Panginoon, sino ang naniwala sa aming balita,
at kanino nahayag ang bisig ng Panginoon?”
39 Hindi sila makapaniwala sapagkat sinabi rin ni Isaias,
40 (H)“Binulag niya ang kanilang mga mata
at pinatigas ang kanilang mga puso,
upang hindi makakita ang kanilang mga mata
at hindi makaunawa ang kanilang puso, o makapanumbalik,
upang pagalingin ko.”
41 Ang mga ito'y sinabi ni Isaias dahil nakita niya ang kaluwalhatian ng Diyos at siya'y nagsalita tungkol sa kanya. 42 Gayunman, marami ang sumampalataya sa kanya, maging ang ilan sa mga pinuno. Subalit dahil sa mga Fariseo, hindi nila ito ipinaalam sa iba sa takot na palayasin sila sa sinagoga; 43 sapagkat mas ibig nila ang papuri mula sa tao kaysa papuring mula sa Diyos.
44 At pagkatapos, sumigaw si Jesus, “Ang sinumang sumasampalataya sa akin ay hindi sa akin sumasampalataya kundi sa kanya na nagsugo sa akin. 45 At ang nakakikita sa akin ay nakakakita sa kanya na nagsugo sa akin. 46 Ako ang ilaw na dumating sa sanlibutan, upang ang sinumang sumampalataya sa akin ay hindi na manatili sa kadiliman. 47 Hindi ako ang humahatol sa sinumang nakikinig sa aking mga salita ngunit hindi sinusunod ang mga ito. Sapagkat naparito ako hindi upang hatulan ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito. 48 May hukom na hahatol sa sinumang nagbabale-wala sa akin at hindi tumanggap ng aking salita; ang salitang sinabi ko ang hahatol sa kanya sa huling araw. 49 Sapagkat hindi galing sa akin ang sinasabi ko. Ang Ama na nagsugo sa akin ang nagbigay sa akin ng utos kung ano ang aking sasabihin at bibigkasin. 50 At alam kong ang kanyang utos ay buhay na walang hanggan. Kaya, ang sinasabi ko ay sinabi sa akin ng Ama.”
Juan 12
Ang Biblia, 2001
Pinahiran ng Pabango si Jesus sa Betania(A)
12 Anim na araw bago magpaskuwa ay pumunta si Jesus sa Betania, na kinaroroonan ni Lazaro, na muling binuhay ni Jesus mula sa mga patay.
2 Siya'y ipinaghanda nila roon ng isang hapunan. Si Marta ay naglilingkod, at si Lazaro ay isa sa nakaupo[a] sa may hapag-kainan na kasalo niya.
3 Si(B) Maria ay kumuha ng isang libra[b] ng mamahaling pabango mula sa purong nardo at pinahiran ang mga paa ni Jesus, at pinunasan ang mga paa nito ng kanyang mga buhok. At ang bahay ay napuno ng amoy ng pabango.
4 Subalit si Judas Iscariote, isa sa kanyang mga alagad na magkakanulo sa kanya, ay nagsabi,
5 “Bakit hindi ipinagbili ang pabangong ito ng tatlong daang denario,[c] at ibinigay sa mga dukha?”
6 Ngunit ito'y sinabi niya, hindi dahil nagmamalasakit siya sa mga dukha, kundi sapagkat siya'y isang magnanakaw. At palibhasa'y nasa kanya ang supot ay kinukuha niya ang inilalagay doon.
7 Kaya't sinabi ni Jesus, “Hayaan ninyo siya. Inilaan niya ito sa araw ng paglilibing sa akin.
8 Sapagkat(C) ang mga dukha ay laging nasa inyo; ngunit ako'y hindi laging nasa inyo.”
Sabwatan Laban kay Lazaro
9 Nang malaman ng maraming mga Judio na siya'y naroroon, sila'y pumunta hindi dahil kay Jesus lamang, kundi upang makita nila si Lazaro, na muling binuhay mula sa mga patay.
10 Kaya't pinanukala ng mga punong pari na kanilang patayin din si Lazaro,
11 sapagkat dahil sa kanya'y marami sa mga Judio ang umaalis at naniniwala kay Jesus.
Matagumpay na Pagpasok sa Jerusalem(D)
12 Kinabukasan, nang mabalitaan ng maraming taong dumalo sa pista na si Jesus ay darating sa Jerusalem,
13 sila'y(E) kumuha ng mga palapa ng puno ng palma, at lumabas upang sumalubong sa kanya, na sumisigaw, “Hosana! Mapalad siya na dumarating sa pangalan ng Panginoon, ang Hari ng Israel.”
14 Nakakita si Jesus ng isang batang asno, at sumakay siya roon, gaya ng nasusulat,
15 “Huwag(F) kang matakot, anak na babae ng Zion, tingnan mo, ang iyong Hari ay dumarating, na nakasakay sa isang anak ng asno.”
16 Sa simula ang mga bagay na ito ay hindi naunawaan ng kanyang mga alagad. Ngunit nang si Jesus ay niluwalhati na, saka nila naalala na ang mga bagay na ito ay sinulat tungkol sa kanya, at nangyari ang mga bagay na ito sa kanya.
17 Kaya't ang maraming tao na kasama niya, nang tawagin niya si Lazaro mula sa libingan, at siya'y buhayin mula sa mga patay, ay siyang nagpapatunay.
18 Ang dahilan kung bakit ang maraming tao ay sumalubong sa kanya ay sapagkat nabalitaan nila na ginawa niya ang tandang ito.
19 Sinabi ng mga Fariseo sa isa't isa, “Tingnan ninyo, wala kayong magagawa. Ang sanlibutan ay sumusunod sa kanya.”
Hinanap ng Ilang Griyego si Jesus
20 Kabilang sa mga umahon upang sumamba sa kapistahan ay ilang mga Griyego.
21 Ang mga ito'y lumapit kay Felipe, na taga-Bethsaida ng Galilea, at sinabi sa kanya, “Ginoo, ibig sana naming makita si Jesus.”
22 Umalis si Felipe at sinabi kay Andres. Sumama si Andres kay Felipe, at kanilang sinabi kay Jesus.
23 Sinagot sila ni Jesus, “Dumating na ang oras upang ang Anak ng Tao ay luwalhatiin.
24 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, maliban na ang butil ng trigo ay mahulog sa lupa at mamatay, ito ay mananatiling nag-iisa. Ngunit kung ito'y mamatay, ay nagbubunga ng marami.
25 Ang(G) umiibig sa kanyang buhay ay mawawalan nito, at ang napopoot sa kanyang buhay sa sanlibutang ito ay maiingatan ito para sa buhay na walang hanggan.
26 Kung ang sinuman ay maglilingkod sa akin ay dapat sumunod sa akin, at kung saan ako naroroon, ay naroroon din ang lingkod ko. Kung ang sinuman ay maglilingkod sa akin, siya'y pararangalan ng Ama.
Nagsalita si Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan
27 “Ngayon ay nababagabag ang aking kaluluwa. At ano ang aking sasabihin? ‘Ama, iligtas mo ako sa oras na ito?’ Ngunit dahil dito ay dumating ako sa oras na ito.
28 Ama, luwalhatiin mo ang iyong pangalan.” At dumating ang isang tinig mula sa langit, “Niluwalhati ko na, at muli kong luluwalhatiin.”
29 Narinig ito ng maraming taong nakatayo roon at sinabi nilang kumulog. Sinabi naman ng iba na, “Isang anghel ang nakipag-usap sa kanya.”
30 Sumagot si Jesus, “Ang tinig na ito'y dumating para sa inyo, hindi para sa akin.
31 Ngayon ang paghatol sa sanlibutang ito. Ngayon ang pinuno ng sanlibutang ito ay palalayasin.
32 At ako, kapag ako'y itinaas na mula sa lupa, ang lahat ng mga tao ay papalapitin ko sa aking sarili.”
33 Ito'y sinabi niya, upang ipahiwatig kung sa anong uri ng kamatayan ang ikamamatay niya.
34 Sinagot(H) siya ng mga tao, “Aming narinig mula sa kautusan na ang Cristo ay nananatili magpakailanman. Paano mong nasabi na ang Anak ng Tao ay kailangang itaas? Sino itong Anak ng Tao?”
35 Kaya't sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang ilaw ay kasama ninyo ng kaunti pang panahon. Kayo'y lumakad habang nasa inyo ang ilaw, upang huwag kayong abutin ng dilim. Ang lumalakad sa dilim ay hindi nalalaman kung saan siya tutungo.
36 Samantalang nasa inyo ang ilaw, sumampalataya kayo sa ilaw, upang kayo'y maging mga anak ng ilaw.” Nang masabi ni Jesus ang mga bagay na ito siya'y umalis at nagtago sa kanila.
37 Bagama't gumawa siya sa harapan nila ng maraming mga tanda, sila ay hindi naniwala sa kanya;
38 upang(I) matupad ang sinabi ni propeta Isaias:
“Panginoon, sino ang naniwala sa aming balita?
At kanino nahayag ang bisig ng Panginoon?”
39 Kaya't hindi sila makapaniwala, sapagkat sinabi rin ni Isaias,
40 “Binulag(J) niya ang kanilang mga mata,
at pinatigas niya ang kanilang mga puso;
upang sila'y huwag makakita sa pamamagitan ng kanilang mga mata,
at makaunawa sa pamamagitan ng kanilang puso, at magbalik-loob,
at sila'y pagalingin ko.”
41 Ang mga bagay na ito'y sinabi ni Isaias, sapagkat nakita niya ang kanyang kaluwalhatian, at nagsalita tungkol sa kanya.
42 Gayunman, maging sa mga pinuno ay maraming sumampalataya sa kanya; subalit dahil sa takot sa mga Fariseo ay hindi nila ito ipinahayag, baka sila'y mapalayas sa sinagoga,
43 sapagkat inibig nila ang papuri ng mga tao kaysa papuri ng Diyos.
Paghatol sa Pamamagitan ng mga Salita ni Jesus
44 Si Jesus ay sumigaw at nagsabi, “Ang sumasampalataya sa akin ay hindi sa akin sumasampalataya, kundi doon sa nagsugo sa akin.
45 At ang nakakita sa akin ay nakakita doon sa nagsugo sa akin.
46 Ako'y naparito na isang ilaw sa sanlibutan, upang ang sinumang sumampalataya sa akin ay huwag manatili sa kadiliman.
47 Kung ang sinuman ay nakikinig sa aking mga salita, at hindi tumutupad ng mga iyon ay hindi ko siya hinahatulan, sapagkat hindi ako naparito upang humatol sa sanlibutan, kundi upang iligtas ang sanlibutan.
48 Ang nagtatakuwil sa akin at hindi tumatanggap sa aking mga salita ay mayroong isang humahatol sa kanya. Ang salitang aking sinabi ang siyang hahatol sa kanya sa huling araw.
49 Sapagkat ako'y hindi nagsasalita mula sa aking sarili kundi ang Ama na nagsugo sa akin ay siyang nagbigay sa akin ng utos, kung ano ang dapat kong sabihin, at kung ano ang dapat kong bigkasin.
50 Nalalaman ko na ang kanyang utos ay buhay na walang hanggan. Kaya't ang mga bagay na sinasabi ko ay aking sinasabi ayon sa sinabi ng Ama.”
Juan 12
Ang Dating Biblia (1905)
12 Anim na araw nga bago magpaskua ay naparoon si Jesus sa Betania, na kinaroroonan ni Lazaro, na ibinangon ni Jesus mula sa mga patay.
2 Kaya't iginawa siya doon ng isang hapunan: at si Marta ay naglilingkod; datapuwa't si Lazaro ay isa sa nangakaupo sa pagkain na kasalo niya.
3 Si Maria nga'y kumuha ng isang libra ng unguentong taganas na nardo, na totoong mahalaga, at pinahiran ang mga paa ni Jesus, at kinuskos ang kaniyang mga paa ng kaniyang mga buhok: at ang bahay ay napuno ng amoy ng unguento.
4 Datapuwa't si Judas Iscariote, na isa sa kaniyang mga alagad, na sa kaniya'y magkakanulo, ay nagsabi,
5 Bakit hindi ipinagbili ang unguentong ito ng tatlong daang denario, at ibigay sa mga dukha?
6 Ito'y sinabi nga niya, hindi sapagka't ipinagmalasakit niya ang mga dukha; kundi sapagka't siya'y magnanakaw, at yamang nasa kaniya ang supot ay kinukuha niya ang doon ay inilalagay.
7 Sinabi nga ni Jesus, Pabayaan ninyong ilaan niya ito ukol sa araw ng paglilibing sa akin.
8 Sapagka't ang mga dukha ay laging nasa inyo; nguni't ako'y hindi laging nasa inyo.
9 Ang karaniwang mga tao nga sa mga Judio ay naalaman na siya'y naroroon: at sila'y nagsiparoon, hindi dahil kay Jesus lamang, kundi upang makita nila si Lazaro naman, na muling ibinangon niya mula sa mga patay.
10 Datapuwa't nangagsanggunian ang mga pangulong saserdote upang kanilang maipapatay pati si Lazaro;
11 Sapagka't dahil sa kaniya'y marami sa mga Judio ang nagsisialis at nagsisipanampalataya kay Jesus.
12 Nang kinabukasan ang isang malaking karamihan na nagsiparoon sa pista, pagkabalita nila na si Jesus ay dumarating sa Jerusalem,
13 Ay nagsikuha ng mga palapa ng mga puno ng palma, at nagsilabas na sumalubong sa kaniya, na nagsisigawan, Hosanna: Mapalad ang pumaparito sa pangalan ng Panginoon, sa makatuwid baga'y ang Hari ng Israel.
14 At si Jesus, pagkasumpong sa isang batang asno, ay sumakay doon, gaya ng nasusulat,
15 Huwag kang matakot, anak na babae ng Sion: narito, ang iyong Hari ay pumaparito, na nakasakay sa isang anak ng asno.
16 Ang mga bagay na ito ay hindi napagunawa ng kaniyang mga alagad sa pasimula: nguni't nang si Jesus ay maluwalhati na, ay saka nila naalaala na ang mga bagay na ito ay sinulat tungkol sa kaniya, at kanilang ginawa ang mga bagay na ito sa kaniya.
17 Ang karamihan ngang kasama niya nang tawagin niya si Lazaro mula sa libingan, at siya'y ibangon sa mga patay, ay siyang nangagpapatotoo.
18 Dahil dito rin naman ang karamihan ay nagsiyaon at sumalubong sa kaniya, sapagka't nabalitaan nila na siyang gumawa ng tandang ito.
19 Ang mga Fariseo nga'y nangagsangusapan, Tingnan ninyo kung paanong kayo'y walang anomang ikapanaig; narito, ang sanglibutan ay sumusunod sa kaniya.
20 Mayroon ngang ilang Griego sa nagsiahon sa kapistahan upang magsisamba:
21 Ang mga ito nga'y nagsilapit kay Felipe, na taga Betsaida ng Galilea, at nagsipamanhik sa kaniya, na sinasabi, Ginoo, ibig sana naming makita si Jesus.
22 Lumapit si Felipe at sinabi kay Andres: lumapit si Andres, at si Felipe, at kanilang sinabi kay Jesus.
23 At sinagot sila ni Jesus, na nagsasabi, Dumating na ang oras, na ang Anak ng tao ay luluwalhatiin.
24 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Maliban ang butil ng trigo ay mahulog sa lupa at mamatay, ay natitira siyang magiisa; nguni't kung mamatay, ay nagbubunga ng marami.
25 Ang umiibig sa kaniyang buhay ay mawawalan nito; at ang napopoot sa kaniyang buhay sa sanglibutang ito ay maiingatan yaon sa buhay na walang hanggan.
26 Kung ang sinomang tao'y naglilingkod sa akin, ay sumunod sa akin; at kung saan ako naroroon, ay doon naman doroon ang lingkod ko: kung ang sinomang tao'y maglingkod sa akin, ay siya'y pararangalan ng Ama.
27 Ngayon ay nagugulumihanan ang aking kaluluwa; at ano ang aking sasabihin? Ama, iligtas mo ako sa oras na ito. Nguni't dahil dito ay naparito ako sa oras na ito.
28 Ama, luwalhatiin mo ang iyong pangalan. Dumating nga ang isang tinig na mula sa langit, na nagsasabi, Niluwalhati ko na, at muli kong luluwalhatiin.
29 Ang karamihan ngang nangaroroon, at nangakarinig, ay nagsipagsabing kumulog: sinabi ng mga iba, Isang anghel ang nakipagusap sa kaniya.
30 Sumagot si Jesus at sinabi, Ang tinig na ito'y hindi dumating dahil sa akin, kundi dahil sa inyo.
31 Ngayon ang paghatol sa sanglibutang ito: ngayon ang prinsipe ng sanglibutang ito ay palalayasin.
32 At ako, kung ako'y mataas na mula sa lupa, ang lahat ng mga tao ay palalapitin ko sa akin din.
33 Datapuwa't ito'y sinabi niya, na ipinaaalam kung sa anong kamatayan ang ikamamatay niya.
34 Sinagot nga siya ng karamihan, Aming narinig sa kautusan na ang Cristo ay lumalagi magpakailan man: at paanong sinasabi mo, Kinakailangan na ang Anak ng tao ay mataas? sino ang Anak ng taong ito?
35 Sinabi nga sa kanila ni Jesus, Kaunting panahon na lamang sasagitna ninyo ang ilaw. Kayo'y magsilakad samantalang nasa inyo ang ilaw, upang huwag kayong abutin ng kadiliman: at ang lumalakad sa kadiliman ay hindi nalalaman kung saan siya tutungo.
36 Samantalang nasa inyo ang ilaw, ay magsisampalataya kayo sa ilaw, upang kayo'y maging mga anak ng ilaw. Ang mga bagay na ito'y sinalita ni Jesus, at siya'y umalis at nagtago sa kanila.
37 Nguni't bagaman gumawa siya sa harap nila ng gayon maraming mga tanda, gayon ma'y hindi sila nagsisampalataya sa kaniya:
38 Upang maganap ang salita ng propeta Isaias, na kaniyang sinalita, Panginoon, sino ang naniwala sa aming balita? At kanino nahayag ang bisig ng Panginoon?
39 Dahil dito'y hindi sila makapaniwala, sapagka't muling sinabi ni Isaias,
40 Binulag niya ang kanilang mga mata, at pinatigas niya ang kanilang mga puso; Baka sila'y mangakakita ng kanilang mga mata, at mangakaunawa ng kanilang puso At mangagbalik-loob, At sila'y mapagaling ko.
41 Ang mga bagay na ito'y sinabi ni Isaias, sapagka't nakita niya ang kaniyang kaluwalhatian; at siya'y nagsalita ng tungkol sa kaniya.
42 Gayon man maging sa mga pinuno ay maraming nagsisampalataya sa kaniya; datapuwa't dahil sa mga Fariseo ay hindi nila ipinahayag, baka sila'y mapalayas sa sinagoga:
43 Sapagka't iniibig nila ng higit ang kaluwalhatian sa mga tao kay sa kaluwalhatian sa Dios.
44 At si Jesus ay sumigaw at nagsabi, Ang sumasampalataya sa akin, ay hindi sa akin sumasampalataya, kundi doon sa nagsugo sa akin.
45 At ang nakakita sa akin, ay nakakita doon sa nagsugo sa akin.
46 Ako'y naparito na isang ilaw sa sanglibutan, upang ang sinomang sumampalataya sa akin ay huwag manatili sa kadiliman.
47 At kung ang sinomang tao'y nakikinig sa aking mga pananalita, at hindi ingatan, ay hindi ko siya hinahatulan: sapagka't hindi ako naparito upang humatol sa sanglibutan, kundi upang iligtas ang sanglibutan.
48 Ang nagtatakuwil sa akin, at hindi tumatanggap sa aking mga pananalita, ay mayroong isang hahatol sa kaniya: ang salitang aking sinalita, ay siyang sa kaniya'y hahatol sa huling araw.
49 Sapagka't ako'y hindi nagsasalita na mula sa aking sarili; kundi ang Ama na sa akin ay nagsugo, ay siyang nagbigay sa akin ng utos, kung ano ang dapat kong sabihin, at kung ano ang dapat kong salitain.
50 At nalalaman ko na ang kaniyang utos ay buhay na walang hanggan; ang mga bagay nga na sinasalita ko, ay ayon sa sinabi sa akin ng Ama, gayon ko sinasalita.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
