Add parallel Print Page Options

30 Hindi pa nakararating si Jesus sa nayon, naroon pa lang siya sa lugar na kinasalubungan sa kanya ni Marta. 31 Nakita ng mga Judiong kasama ni Maria sa bahay at umaaliw sa kanya na nagmadali siyang tumayo at umalis. Kaya sinundan nila si Maria sa pag-aakalang pupunta siya sa libingan para tumangis doon. 32 Pagdating ni Maria sa kinaroroonan ni Jesus, lumuhod siya sa paanan nito at nagsabi, “Panginoon, kung narito ka lang, hindi po sana namatay ang aking kapatid.” 33 Nang makita ni Jesus na tumatangis si Maria, maging ang mga Judiong kasama niya, nabagbag ang kanyang kalooban at siya'y nabahala. 34 Nagtanong si Jesus, “Saan ninyo siya inilagay?” Sumagot sila, “Halikayo, Panginoon, at tingnan ninyo.” 35 Tumangis si Jesus. 36 Dahil dito, sinabi ng mga Judio, “Tingnan ninyo kung gaano niya kamahal si Lazaro!” 37 Subalit ilan sa kanila ang nagsabi, “Hindi ba ang taong ito ang nagpagaling sa taong bulag? Bakit hindi niya napigilan ang pagkamatay ni Lazaro?”

Binuhay ni Jesus si Lazaro

38 Muling nabagabag si Jesus nang dumating siya sa libingan. Ito’y isang yungib at may batong nakatakip doon. 39 Sinabi ni Jesus, “Alisin ninyo ang bato.” Sinabi sa kanya ni Marta na kapatid ng namatay, “Panginoon, nangangamoy na siya dahil apat na araw na siyang patay.” 40 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Hindi ba sinabi ko na sa iyo na kung ikaw ay sasampalataya, makikita mo ang kaluwalhatian ng Diyos?” 41 Kaya tinanggal nila ang bato. Tumingala si Jesus at nagsabi, “Ama, salamat dahil dininig mo ako. 42 Alam kong lagi mo akong pinakikinggan, ngunit sinabi ko ito para sa mga taong nakatayo rito, upang sila'y maniwala na isinugo mo ako.” 43 Pagkasabi niya nito, sumigaw siya nang malakas, “Lazaro, lumabas ka!” 44 Lumabas nga si Lazaro na nababalot ng tela ang mga kamay at paa, gayundin ang kanyang mukha. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kalagan ninyo siya, at hayaang makaalis.”

Ang Balak na Pagpatay kay Jesus

45 Kaya’t maraming Judiong sumama kay Maria na nakakita ng ginawa ni Jesus ang sumampalataya sa kanya. 46 Ngunit ilan sa kanila ay nagpunta sa mga Fariseo at nagbalita ng ginawa ni Jesus. 47 Dahil dito, ang mga punong pari at mga Fariseo ay nagpatawag ng pulong. “Ano'ng gagawin natin?” tanong nila. “Maraming himalang ginagawa ang taong ito. 48 Kung pababayaan natin siyang ganito, lahat ay maniniwala sa kanya at darating ang mga Romano para wasakin ang ating templo at ating bansa.” 49 Si Caifas na kabilang sa kanila na siya ring punong pari nang panahong iyon ay nagsabi, “Wala talaga kayong alam! 50 Hindi ninyo naiintindihan na mas mabuti para sa inyo na hayaang mamatay ang isang tao para sa bayan, kaysa hayaang mawasak ang buong bansa.” 51 Hindi niya ito sinabi mula sa kanyang sarili; kundi, bilang isang punong pari nang panahong iyon, nagpropesiya siya na si Jesus ay malapit nang mamatay para sa bansa. 52 At hindi lamang para sa bansa, kundi upang tipunin niya at pag-isahin ang mga nagkawatak-watak na anak ng Diyos. 53 Kaya’t mula sa araw na iyon, nagbalak silang patayin si Jesus. 54 Dahil dito, hindi na naglakad nang hayagan sa Judea si Jesus. Mula roon, nagpunta siya sa isang bayang tinatawag na Efraim, isang bayang malapit sa ilang. Nanatili siya roon kasama ang kanyang mga alagad.

55 Malapit na noon ang pista ng Paskuwa ng mga Judio, at maraming nagpunta sa Jerusalem mula sa kanayunan bago mag-Paskuwa upang maglinis ng mga sarili ayon sa kautusan. 56 Hinahanap nila si Jesus at habang nakatayo sa templo ay nagtatanungan, “Ano sa palagay ninyo? Hindi kaya siya pupunta sa pista?” 57 Nag-utos ang mga punong pari ng mga Judio at ang mga Fariseo na ipagbigay-alam sa kanila ng sinumang nakaaalam kung nasaan si Jesus upang siya'y maipadakip nila.

Read full chapter