Add parallel Print Page Options

Nagkatawang tao ang Salita

Noong simula pa lamang ay naroon na ang Salita, at ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos. Kasama na niya ang Diyos noong simula pa. Nilikha ang lahat ng mga bagay sa pamamagitan niya, at kung wala siya, walang anumang nilikha. Ang lahat ng nilikha ay nagkaroon ng buhay sa pamamagitan niya, at ang buhay na ito ay ilaw ng sangkatauhan. Ang ilaw ay nagliliwanag sa kadiliman at ang kadiliman ay hindi nanaig sa ilaw. (A)Isinugo ng Diyos ang isang taong nagngangalang Juan. Dumating siya bilang isang saksi at upang magpatotoo tungkol sa ilaw, nang sa gayon ay maniwala ang lahat sa pamamagitan niya. Hindi siya ang ilaw, kundi isang magpapatotoo lamang tungkol sa ilaw. Dumarating sa sanlibutan ang tunay na ilaw upang magliwanag sa bawat tao. 10 Siya ay nasa sanlibutan, at nilikha ang sanlibutan sa pamamagitan niya subalit hindi siya naunawaan nito. 11 Dumating siya sa sarili niyang bayan subalit hindi siya tinanggap ng bayan niyang ito. 12 Subalit sa lahat ng tumanggap sa kanya, sa mga sumampalataya sa pangalan niya, sila'y binigyan niya ng karapatang maging mga anak ng Diyos; 13 na hindi ipinanganak ayon sa dugo, ni ayon sa laman o kalooban ng tao, kundi ayon sa Diyos. 14 Naging tao ang Salita, at nanirahan sa piling natin na puspos ng kagandahang-loob at katotohanan; nasaksihan namin ang kanyang kaluwalhatian, isang kaluwalhatian na tulad ng sa kaisa-isang anak na nagmula sa Ama. 15 Nagpatotoo si Juan tungkol sa kanya at sumigaw na sinasabi, “Siya ang tinukoy ko nang sabihin kong, ‘Siya na dumarating kasunod ko ay higit kaysa akin, sapagkat siya'y nauna sa akin.’ ” 16 At tumanggap tayong lahat mula sa kanyang kapuspusan; kagandahang-loob na sinundan pa ng kagandahang-loob. 17 Sapagkat ang kautusan ay ibinigay sa pamamagitan ni Moises; ang kagandahang-loob at katotohanan ay dumating sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. 18 Kailanma'y walang nakakita sa Diyos; ang natatanging Diyos[a] na nasa kandungan ng Ama ang nagpakilala sa kanya.

Ang Pagpapatotoo ni Juan

19 At ito ang patotoo ni Juan nang nagpadala ang mga Judio ng mga pari at mga Levita mula sa Jerusalem upang tanungin siya, “Sino ka ba?” 20 Nagpahayag siya at hindi nagkaila, kundi sinabi niya, “Hindi ako ang Cristo.” 21 (B)At tinanong nila si Juan, “Kung gayon, ikaw ba si Elias?” Sinabi niya, “Hindi ako.” “Ikaw ba ang propeta?” At sumagot siya, “Hindi.” 22 Kaya't sinabi nila sa kanya, “Sino ka? Bigyan mo kami ng kasagutang maaari naming ibigay sa mga nagsugo sa amin. Ano ang masasabi mo tungkol sa sarili mo?” 23 (C)Sinabi niya,

“Ako ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang,
‘Tuwirin ninyo ang daan ng Panginoon,’

tulad ng sinabi ni propetang Isaias.” 24 Ang mga ito ay sugo mula sa mga Fariseo. 25 Muli silang nagtanong sa kanya, “Kung gayon bakit ka nagbabautismo, kung hindi ikaw ang Cristo, hindi rin ikaw si Elias, ni ang propeta?” 26 Sinagot sila ni Juan, “Nagbabautismo ako sa tubig, ngunit may nakatayong kasama ninyo na hindi ninyo kilala; 27 siya ang dumarating na kasunod ko; hindi ako karapat-dapat na magkalag man lamang ng kanyang sandalyas.” 28 Nangyari ito sa Betania sa kabilang ibayo ng Jordan kung saan nagbabautismo si Juan.

Ang Kordero ng Diyos

29 Nang sumunod na araw, nakita ni Juan si Jesus na papalapit sa kanya, at sinabi niya, “Narito ang kordero ng Diyos na siyang nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan! 30 Siya ang binanggit ko sa inyo, ‘Kasunod ko ang lalaking mas una kaysa sa akin sapagkat siya'y nauna sa akin.’ 31 Hindi ko siya nakilala; ngunit ako'y dumating at nagbabautismo sa tubig, upang siya'y maihayag sa Israel.” 32 Pagkatapos nito'y nagpatotoo si Juan, “Nakita ko ang Espiritu na bumaba gaya ng isang kalapati mula sa langit at nanatili ito sa kanya. 33 Hindi ko siya nakilala; ngunit ang nagsugo sa akin upang magbautismo sa tubig ay nagsabi sa akin, ‘Kung kanino mo makikitang bababa at mananatili ang Espiritu ay siyang magbabautismo sa inyo sa Banal na Espiritu.’ 34 Nakita ko't napatunayan na ito ang Anak ng Diyos.”

Ang Mga Naunang Alagad ni Jesus

35 Nang sumunod na araw, naroon muli't nakatayo si Juan kasama ng dalawa sa mga tagasunod niya. 36 Minasdan niya si Jesus habang naglalakad ito at sinabing, “Narito, ang kordero ng Diyos!” 37 Narinig ng dalawang tagasunod niya nang sabihin niya ito kaya sumunod sila kay Jesus. 38 Paglingon ni Jesus, nakita niya silang sumusunod kaya sinabi niya sa kanila, “Ano ang hinahanap ninyo?” At sinabi nila, “Rabbi, saan po kayo nakatira?” (Ang kahulugan ng “Rabbi” ay guro.) 39 Sinabi niya sa kanila, “Halikayo nang makita ninyo.” Sumama nga sila at nakita kung saan siya nakatira; at nanatili silang kasama niya nang araw na iyon, at mag-iikaapat na ng hapon noon. 40 Isa sa dalawang nakarinig sa sinabi ni Juan at sumunod kay Jesus ay si Andres na kapatid ni Simon Pedro. 41 Una niyang hinanap ang kapatid niyang si Simon at sinabi niya sa kanya, “Natagpuan na namin ang Mesiyas” (na ang katumbas ay Cristo). 42 Siya'y dinala niya kay Jesus. Tumingin si Jesus sa kanya at sinabi, “Ikaw si Simon na anak ni Juan. Ang itatawag na sa iyo ay Cefas[b] ”(na ang katumbas ay Pedro).

Si Felipe at Nathanael

43 Kinabukasan, nagpasya si Jesus na magpunta sa Galilea. Doon ay natagpuan niya si Felipe at sinabi rito, “Sumunod ka sa akin.” 44 Si Felipe ay taga-Bethsaida, lungsod nina Andres at Pedro. 45 Natagpuan ni Felipe si Nathanael at sinabi sa rito, “Natagpuan na namin siya na tinutukoy ni Moises sa Kautusan, na siya ring isinulat ng mga propeta, si Jesus na taga-Nazareth, ang anak ni Jose.” 46 Sinabi ni Nathanael sa kanya, “May mabuting bagay ba na maaring manggaling sa Nazareth?” Sinabi ni Felipe sa kanya, “Halika at tingnan mo.” 47 Nakita ni Jesus si Nathanael na lumalapit kung kaya't siya'y nagsalita ng tungkol sa kanya, “Narito ang isang tunay na Israelita na sa kanya'y walang pandaraya.” 48 Sinabi ni Nathanael sa kanya, “Paano po ninyo ako nakilala?” Sinagot siya ni Jesus, “Bago ka tawagin ni Felipe, nakita kita habang nasa ilalim ng puno ng igos.” 49 Sinagot siya ni Nathanael at sinabi, “Rabbi, ikaw ang Anak ng Diyos! Ikaw ang hari ng Israel!” 50 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Naniniwala ka ba dahil sinabi ko sa'yo na nakita kita sa ilalim ng puno ng igos? Mga dakilang bagay na higit pa sa mga ito ang makikita mo.” 51 (D)At sinabi pa niya sa kanya, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, makikita ninyong bukas ang langit at ang mga anghel ng Diyos na umaakyat at bumababa sa Anak ng Tao.”

Ang Kasalan sa Cana

Nang ikatlong araw, nagkaroon ng kasalan sa Cana ng Galilea at naroon ang ina ni Jesus. Inanyayahan din sa kasalan si Jesus at ang kanyang mga alagad. At nang kinulang ang alak, sinabi ng ina ni Jesus sa kanya, “Wala na silang alak.” Kaya't sinabi ni Jesus sa kanya, “Ginang, ano'ng kinalaman nito sa akin at sa iyo? Hindi pa ito ang aking panahon.” Kinausap ng kanyang ina ang mga lingkod, “Gawin ninyo ang anumang sabihin niya.” Mayroon doong anim na banga na ginagamit ng mga Judio sa paglilinis ayon sa Kautusan. Ang bawat isa ay maaaring maglaman ng dalawampu hanggang tatlumpung galong tubig. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Punuin ninyo ng tubig ang mga banga.” Kaya pinuno nga nila ang mga ito hanggang halos umapaw. At sinabi ni Jesus sa kanila, “Ngayon, kumuha kayo, at dalhin ninyo sa namamahala ng handaan.” Kaya iyon nga ang ginawa nila. Tinikman ng namamahala ng handaan ang tubig na naging alak na. Dahil hindi niya alam kung saan ito nanggaling, bagama't alam ng mga lingkod na kumuha ng tubig, tinawag niya ang lalaking bagong kasal 10 at sinabi sa kanya, “Karaniwang inihahain muna ng tao ang mataas na uri ng alak, at saka pa lamang ihahain ang mababang uri nito kapag ang lahat ay lasing na. Ngunit ngayon mo lamang inilabas ang mataas na uri ng alak.” 11 Ito ang una sa mga himalang ginawa ni Jesus. Nangyari ito sa Cana ng Galilea at sa gayo'y ipinahayag niya ang kanyang kaluwalhatian. At sumampalataya nga sa kanya ang kanyang mga alagad. 12 (E)Pagkaraan nito nagtungo siya sa Capernaum kasama ang kanyang ina, mga kapatid at mga alagad. Doo'y nanatili sila ng ilang araw.

Nilinis ni Jesus ang Templo(F)

13 (G)Malapit na noon ang Pista ng Paskuwa ng mga Judio kaya't pumunta si Jesus sa Jerusalem. 14 Nadatnan niya sa templo ang mga nagtitinda ng mga baka, mga tupa, mga kalapati, at mga mámamalit ng salapi. 15 Dahil dito, gumawa siya ng panghagupit na lubid, at itinaboy niya ang lahat palabas ng templo, kasama ang mga tupa at mga baka. Ipinagtatapon niya ang mga salapi ng mga mámamalit at ipinagtataob ang kanilang mga mesa. 16 Sinabi niya sa mga nagtitinda ng kalapati, “Alisin ninyo ang lahat ng ito! Huwag ninyong gawing palengke ang bahay ng aking Ama.” 17 (H)At naalala ng kanyang mga alagad ang nasusulat, “Ang malasakit para sa iyong bahay ang tutupok sa akin.” 18 Dahil dito, sinabi ng mga Judio sa kanya, “Anong tanda ang maipapakita mo sa amin bilang dahilan para gawin mo ang mga bagay na ito?” 19 (I)Sumagot sa kanila si Jesus, “Gibain ninyo ang templong ito, at sa loob ng tatlong araw ay muli kong itatayo.” 20 Kaya't sinabi ng mga Judio, “Itinayo ang templong ito sa loob ng apatnapu't anim na taon, at itatayo mo ito sa loob lamang ng tatlong araw?” 21 Ngunit ang tinutukoy niyang templo ay ang kanyang katawan. 22 At nang siya'y binuhay mula sa kamatayan, naalala ng kanyang mga alagad ang sinabi niyang ito. Kaya't naniwala sila sa kasulatan at sa salitang sinabi ni Jesus.

Kilala ni Jesus ang Lahat ng Tao

23 Nang siya'y nasa Jerusalem noong Pista ng Paskuwa, marami ang sumampalataya sa kanyang pangalan nang makita nila ang mga himala na kanyang ginawa. 24 Subalit hindi nagtiwala si Jesus sa kanila, 25 dahil kilala niya ang lahat ng mga tao at hindi niya kailangan ang sinuman para magpatunay tungkol sa tao, sapagkat alam niya kung ano ang niloloob nila.

Si Jesus at si Nicodemo

May isang taong nagngangalang Nicodemo, isang Fariseo at pinuno ng mga Judio. Kinagabiha'y pumunta kay Jesus ang taong ito at sinabi sa kanya, “Rabbi, alam po naming ikaw ay isang gurong mula sa Diyos, sapagkat walang sinumang makagagawa ng mga himalang ginagawa mo malibang sumasakanya ang Diyos.” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Katotohanang sinasabi ko sa iyo, malibang ang tao'y ipanganak mula sa itaas,[c] hindi niya makikita ang kaharian ng Diyos.” Sinabi ni Nicodemo sa kanya, “Paanong maipanganganak ang isang tao kung siya'y matanda na? Maaari ba siyang pumasok muli sa sinapupunan ng kanyang ina upang maipanganak?” Sumagot si Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa iyo, malibang ang isang tao ay ipanganak sa tubig at sa Espiritu, hindi siya makapapasok sa kaharian ng Diyos. Ang isinilang sa laman ay laman at ang isinilang sa Espiritu ay espiritu. Huwag kang magtaka sa sinabi ko sa iyo, ‘kailangang kayo'y ipanganak mula sa itaas[d].’ Ang hangin[e] ay umiihip kung saan nito nais, at naririnig mo ang tunog nito, ngunit hindi mo alam kung saan ito nagmumula at kung saan ito pumupunta. Gayundin ang sinumang ipinanganak sa Espiritu.” Sumagot si Nicodemo sa kanya, “Paano pong mangyayari ang mga ito?” 10 Sumagot si Jesus, “Guro ka ng Israel, at hindi mo alam ang mga bagay na ito? 11 Katotohanang sinasabi ko sa iyo, nagsasalita kami tungkol sa alam namin, at nagpapatotoo sa mga nakita namin; ngunit hindi ninyo ito tinatanggap. 12 (J)Kung ang sinabi ko sa inyo na mga bagay na panlupa ay hindi ninyo pinaniniwalaan, paano kayong maniniwala kung mga bagay na panlangit na ang sasabihin ko sa inyo? 13 (K)Walang sinumang nakaakyat sa langit maliban sa kanya na bumaba mula sa langit, ang Anak ng Tao. 14 (L)At kung paanong itinaas ni Moises ang ahas sa ilang, ganoon din kailangang maitaas ang Anak ng Tao, 15 upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. 16 Sapagkat ganoon inibig ng Diyos ang sanlibutan, kaya ipinagkaloob niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. 17 Sapagkat isinugo ng Diyos ang Anak sa sanlibutan, hindi upang hatulan ang sanlibutan kundi upang sa pamamagitan niya ay maligtas ang sanlibutan. 18 Ang sumasampalataya sa kanya ay hindi hinahatulan, ngunit ang hindi sumasampalataya ay nahatulan na, sapagkat hindi siya sumasampalataya sa pangalan ng tanging Anak ng Diyos. 19 At ito ang hatol: dumating sa sanlibutan ang ilaw, ngunit mas inibig ng mga tao ang kadiliman kaysa ilaw, dahil masasama ang kanilang mga gawa. 20 Ang sinumang gumagawa ng mga masama ay namumuhi sa ilaw, at hindi siya lumalapit sa ilaw upang hindi malantad ang kanyang mga gawa. 21 Ngunit ang sinumang nagsasagawa ng katotohanan ay lumalapit sa ilaw, nang sa gayon ay mahayag na ang ginagawa niya ay naaayon sa Diyos.”

Si Jesus at si Juan na Tagapagbautismo

22 Pagkatapos ng mga ito, nagtungo si Jesus at ang kanyang mga alagad sa lupain ng Judea, at doo'y nanatili siya kasama nila at nagbautismo. 23 Nagbabautismo rin si Juan sa Enon malapit sa Salim dahil maraming tubig doon. Maraming tao ang dumating at nabautismuhan. 24 (M)(Hindi pa nakakulong si Juan nang mga panahong ito.) 25 Nagkaroon ng pagtatalo ang mga alagad ni Juan at ang isang Judio tungkol sa rituwal ng paglilinis. 26 Kaya't lumapit sila kay Juan at sinabi sa kanya, “Rabbi, ang taong kasama mo sa kabila ng Jordan, na iyong pinatotohanan ay nagbabautismo. Pumupunta sa kanya ang lahat.” 27 Sumagot si Juan, “Hindi makatatanggap ng anuman ang isang tao malibang ito ay ibinigay sa kanya mula sa langit. 28 (N)Kayo mismo ay mga saksi nang sabihin kong hindi ako ang Cristo, kundi ako ay isinugong una sa kanya. 29 Ang kasama ng kasintahang babae ay ang lalaking ikakasal. Nakatayo ang kaibigan ng lalaking ikakasal at siya'y lubos na nagagalak dahil sa narinig na niya ang tinig ng lalaking ikakasal. Dahil dito'y lubos na rin ang aking kagalakan. 30 Dapat siyang maitaas at ako nama'y maibaba.”

Ang Nagmula sa Langit

31 Siya na nanggaling sa itaas ang pinakamataas; siya na mula sa lupa ay kabilang sa lupa, at nagsasalita nang ayon sa lupa; siya na mula sa langit ang pinakamataas. 32 Nagpapatotoo siya sa kanyang nakita at narinig, ngunit walang tumatanggap ng kanyang patotoo. 33 Ang tumatanggap ng kanyang patotoo ay nagpapatunay na ang Diyos ay totoo. 34 Sapagkat ang isinugo ng Diyos ay nagpapahayag ng mga salita ng Diyos, dahil walang hangganan ang kanyang pagbibigay ng Espiritu. 35 (O)Iniibig ng Ama ang Anak, at ibinigay ang lahat ng bagay sa kanyang kamay. 36 Ang sumasampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan; subalit ang sumusuway sa Anak ay hindi makalalasap ng buhay. Sa halip, ang poot ng Diyos ang mananatili sa kanya.

Si Jesus at ang Babaing Taga-Samaria

Nang malaman ni Jesus na narinig ng mga Fariseo na siya ay nakahihikayat ng mas maraming alagad at nagbabautismo ng mas marami kaysa kay Juan— bagama't hindi naman si Jesus ang nagbabautismo kundi ang kanyang mga alagad,— umalis siya ng Judea at nagtungo muli sa Galilea. Kailangan niyang dumaan sa Samaria, (P)kaya nakarating siya sa Sicar, isang bayan ng Samaria, malapit sa bukirin na ibinigay ni Jacob sa anak niyang si Jose. Naroon ang balon ni Jacob, kaya't nang mapagod si Jesus mula sa kanyang paglalakbay, umupo siya sa tabi niyon. Magtatanghaling tapat[f] na noon nang may isang Samaritanang dumating upang sumalok ng tubig. Sinabi ni Jesus sa kanya, “Pahingi nga ng inumin.” (Ang kanyang mga alagad ay nakaalis na noon patungong bayan upang bumili ng pagkain.) (Q)Sinabi ng Samaritana sa kanya, “Ikaw ay isang Judio, bakit ka humihingi ng tubig sa akin na isang Samaritana?” (Dahil ang mga Judio ay hindi nakikitungo sa mga Samaritano.) 10 Sumagot si Jesus sa kanya, “Kung alam mo lamang ang kaloob ng Diyos at kung sino itong nagsasabi sa iyo, ‘Pahingi ng inumin,’ ikaw pa ang hihingi sa kanya, at bibigyan ka niya ng tubig ng buhay.” 11 Sinabi ng babae sa kanya, “Ginoo, wala kang pansalok ng tubig, at malalim ang balon; saan ka kukuha ng tubig ng buhay? 12 Mas dakila ka pa ba kaysa ama naming si Jacob na nagbigay ng balon sa amin, at siya mismo'y uminom mula rito, pati na rin ang kanyang mga anak at mga hayop?” 13 Sumagot si Jesus sa kanya, “Ang sinumang uminom sa tubig na ito'y muling mauuhaw, 14 subalit, ang iinom ng tubig na ibibigay ko ay hindi na kailanman mauuhaw. Ang tubig na ibibigay ko ay magiging bukal ng tubig sa kanya patungo sa buhay na walang hanggan.” 15 Sinabi ng babae sa kanya, “Ginoo, bigyan mo ako ng tubig na ito nang hindi na ako mauhaw at hindi na rin pumarito para mag-igib.” 16 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Humayo ka at tawagin mo ang iyong asawa at bumalik ka rito.” 17 Sumagot ang babae, “Wala akong asawa.” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Tama ka sa iyong sinabing wala kang asawa, 18 dahil nagkaroon ka na ng limang asawa, at ang kinakasama mo ngayon ay hindi mo asawa. Totoo nga ang sinabi mo.” 19 Sinabi ng babae sa kanya, “Ginoo, sa tingin ko'y isa kang propeta. 20 Sumamba sa bundok na ito ang aming mga ninuno; ngunit kayong mga Judio'y nagsasabing sa Jerusalem dapat sumamba.” 21 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Ginang, maniwala ka sa akin, na darating ang oras na sasambahin ninyo ang Ama hindi sa bundok na ito, ni sa Jerusalem. 22 Sinasamba ninyo ang hindi ninyo nakikilala; kilala namin ang aming sinasamba, sapagkat ang kaligtasan ay mula sa mga Judio. 23 Ngunit ang oras ay dumarating, at ngayon na nga, kung saan ang mga tunay na sumasamba ay sasamba sa Ama sa espiritu at katotohanan, sapagkat ganito ang hinahanap ng Ama na sasamba sa kanya. 24 Ang Diyos ay espiritu, at ang mga sumasamba sa kanya ay dapat sumamba sa espiritu at katotohanan.” 25 Sinabi ng babae sa kanya, “Alam kong darating ang Mesiyas, siya na tinatawag na Cristo; sa pagdating niya, ipaliliwanag niya sa amin ang lahat ng bagay.” 26 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Ako mismong nagsasalita sa iyo ang tinutukoy mo.” 27 Dumating ang kanyang mga alagad at nagtaka sila dahil nakikipag-usap siya sa isang babae, ngunit wala ni isa mang nagtanong sa babae, “Anong gusto mo?” o kay Jesus, “Bakit kayo nakikipag-usap sa kanya?” 28 Pagkatapos ay iniwan ng babae ang kanyang sisidlan ng tubig at umalis papuntang lungsod, at sinabi niya sa mga tao, 29 “Halikayo, tingnan ninyo ang taong nagsabi sa akin ng lahat ng ginawa ko. Siya na nga kaya ang Cristo?” 30 Kaya't sila'y lumabas ng lungsod at nagpunta kay Jesus. 31 Samantala, pinilit siya ng mga alagad niya at sinabi, “Rabbi, kumain po kayo.” 32 Ngunit sinabi niya sa kanila, “Mayroon akong pagkaing hindi ninyo alam.” 33 Kaya't sinabi ng mga alagad sa isa't isa, “Wala namang nagdala sa kanya ng pagkain, hindi ba?” 34 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang pagkain ko'y gawin ang kalooban niya na nagsugo sa akin, at tuparin ang kanyang gawain. 35 Hindi ba sinasabi ninyo, ‘Apat na buwan na lang at anihan na?’ Sinasabi ko sa inyo, imulat ninyo ang inyong mga mata at tingnan ninyo ang mga bukirin at handa na ang mga iyon para anihin. 36 Ang umaani ay tumatanggap ng kabayaran, at nagtitipon ng bunga tungo sa buhay na walang hanggan. Sa gayon, ang nagtatanim at ang umaani ay magkasalong magagalak. 37 Dahil dito, totoo nga ang kasabihan, ‘Iba ang nagtatanim, at iba naman ang nag-aani.’ 38 Isinugo ko kayo upang anihin ang hindi ninyo pinagpaguran. Iba ang nagpagod, at kayo'y umaani sa kanilang pinagpaguran.” 39 Maraming taga-Samaria mula sa lungsod na iyon ang sumampalataya kay Jesus dahil sa patotoong ito ng babae: “Sinabi niya ang lahat ng ginawa ko.” 40 Kaya noong pumunta sa kanya ang mga taga-Samaria, hiniling nila kay Jesus na manatili sa kanila. Dalawang araw siyang nanatili roon. 41 At marami pa ang sumampalataya dahil sa salita ni Jesus. 42 Sinabi nila sa babae, “Hindi na dahil sa mga salita mo kung bakit kami sumasampalataya, sapagkat kami mismo ang nakarinig sa kanya. Nalalaman naming siya nga ang Tagapagligtas ng sanlibutan.”

Pinagaling ni Jesus ang Anak ng Mayamang Pinuno

43 Pagkalipas ng dalawang araw, pumunta si Jesus sa Galilea, 44 (R)sapagkat siya mismo ang nagpatotoo na ang isang propeta ay walang karangalan sa sarili niyang bayan. 45 (S)Kaya nang dumating siya sa Galilea, tinangkilik siya ng mga tagaroon, dahil nakita nila ang lahat ng kanyang ginawa sa Jerusalem noong kapistahan, sapagkat sila man ay naroroon din. 46 (T)Muli siyang nagpunta sa Cana ng Galilea. (Doon niya ginawang alak ang tubig.) Sa Capernaum, may isang mayamang pinunong may anak na lalaki na nagkasakit. 47 Nang mabalitaan nito na si Jesus ay dumating sa Galilea mula sa Judea, nagpunta ito sa kanya. Hiniling ng pinuno kay Jesus na puntahan ang kanyang anak na lalaki upang pagalingin, sapagkat malapit na iyong mamatay. 48 Kaya sinabi sa kanya ni Jesus, “Kung hindi pa kayo makakita ng mga himala at mga kababalaghan, hinding-hindi kayo maniniwala.” 49 Sinabi ng pinuno sa kanya, “Ginoo, pumunta na po kayo bago mamatay ang anak ko.” 50 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Humayo ka na, mabubuhay ang anak mo.” Naniwala ang lalaki sa sinabi ni Jesus at siya'y umalis na. 51 Habang siya'y naglalakad, sinalubong siya ng kanyang mga lingkod at ibinalita sa kanya na magaling na ang anak niya. 52 Tinanong niya sila kung anong oras ito gumaling, at ang sabi nila, “Ala-una[g] po kahapon nang mawalan siya ng lagnat.” 53 Naalala ng ama na iyon ang oras nang sabihin sa kanya ni Jesus na mabubuhay ang kanyang anak. At siya'y sumampalataya, pati na rin ang buo niyang sambahayan. 54 Ito ang pangalawang himalang ginawa ni Jesus. Nangyari ito nang siya'y dumating sa Galilea mula sa Judea.

Pinagaling ni Jesus ang mga may Sakit

Matapos ang mga ito, habang nagdiriwang ng Pista ang mga Judio, pumunta si Jesus sa Jerusalem. Sa Jerusalem, sa tabi ng Bakod ng mga Tupa ay may imbakan ng tubig na sa wikang Hebreo ay tinatawag na Bethzatha na may limang malaking haligi. Sa mga ito'y nakahiga ang maraming may sakit—mga bulag, mga pilay, at mga paralitiko. Sapagkat isang anghel ng Panginoon ang bumababa sa imbakan ng tubig at kinalawkaw ang tubig doon; ang sinumang maunang makarating doon ay gagaling.[h] Naroon ang isang lalaking tatlumpu't walong taon nang may karamdaman. Nakita ni Jesus ang lalaking ito at alam niyang ito'y nakahiga na roon nang mahabang panahon, kaya't sinabi niya sa kanya, “Gusto mo bang gumaling?” Sinagot siya ng lalaki, “Ginoo, wala po akong kasama na maglulusong sa akin sa imbakan ng tubig habang ito'y kinakalawkaw, at kapag ako'y papunta na roon, may nauuna na sa akin.” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Tumayo ka, dalhin mo ang iyong higaan at lumakad ka.” At gumaling kaagad ang lalaki, dinala niya ang kanyang higaan at siya'y naglakad. Nangyari ito nang araw ng Sabbath. 10 (U)Kaya't sinabi ng mga Judio sa lalaking pinagaling, “Sabbath ngayon, at hindi naaayon sa batas na dalhin ang iyong higaan.” 11 Ngunit sila'y kanyang sinagot, “Ang lalaking nagpagaling sa akin ang nagsabi na dalhin ko ang aking higaan at lumakad ako.” 12 Siya'y kanilang tinanong, “Sino ang nagsabi sa iyong dalhin mo ang iyong higaan at lumakad?” 13 Ngunit hindi nakilala ng lalaki kung sino ang nagpagaling sa kanya, dahil umalis si Jesus nang dumami na ang tao sa lugar na iyon. 14 Pagkalipas ng mga ito, natagpuan siya ni Jesus sa templo, at sinabi sa kanya, “Tingnan mo, magaling ka na! Huwag ka nang gumawa ng kasalanan upang wala nang masamang mangyari sa iyo.” 15 Umalis ang lalaki at ibinalita sa mga Judio na si Jesus ang nagpagaling sa kanya. 16 Kaya, inusig ng mga Judio si Jesus, sapagkat ginawa niya ang mga ito sa araw ng Sabbath. 17 Ngunit sinagot sila ni Jesus, “Ang aking Ama ay patuloy sa gawain at ako'y ganoon din.” 18 (V)Dahil dito, lalong nagsumikap ang mga Judio na patayin siya, dahil hindi lamang niya nilabag ang tuntunin ukol sa Sabbath, kundi sinabi rin niyang sarili niyang Ama ang Diyos, sa gayo'y ipinapantay ang sarili niya sa Diyos.

Ang kapangyarihan ng Anak

19 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, walang anumang magagawa ang Anak mula sa kanyang sarili kundi ang nakikita niyang ginagawa ng Ama. Sapagkat kung anuman ang ginagawa ng Ama, iyon din ang ginagawa ng Anak. 20 Sapagkat mahal ng Ama ang Anak, at ipinapakita niya sa kanya ang lahat ng ginagawa niya; at mas higit pa sa mga bagay na ito ang ipapakita ng Ama sa kanya, nang sa gayon, kayo ay mamangha. 21 At kung paanong ibinabangon at binubuhay ng Ama ang mga patay, gayon din namang bubuhayin ng Anak ang sinumang naisin niya. 22 Hindi hinahatulan ng Ama ang sinuman, ngunit ibinigay niya sa Anak ang lahat ng paghatol. 23 Sa gayon, ang lahat ay magpaparangal sa Anak tulad ng pagpaparangal nila sa Ama. Ang sinumang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi rin nagpaparangal sa Ama na nagsugo sa kanya. 24 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang nakikinig sa salita ko at sumasampalataya sa kanya na nagsugo sa akin ay may buhay na walang hanggan; hindi na siya daranas ng paghatol, sapagkat nailipat na siya mula sa kamatayan patungo sa buhay. 25 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, darating ang oras, at ngayon na nga, kung saan maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Diyos, at ang mga makaririnig ay mabubuhay. 26 Sapagkat kung paanong ang Ama ay may buhay sa kanyang sarili, ipinagkaloob din niya sa Anak na magkaroon ng buhay sa kanyang sarili, 27 at ibinigay sa kanya ang kapangyarihang humatol, sapagkat siya ang Anak ng Tao. 28 Huwag kayong magtaka, sapagkat darating ang oras na ang lahat ng nasa libingan ay makaririnig sa kanyang tinig, 29 (W)at ang mga gumawa ng mabubuting bagay ay babangon tungo sa buhay, at ang mga gumawa ng masasamang bagay ay babangon tungo sa paghatol. 30 Hindi ako gumagawa nang ayon sa aking sariling kapangyarihan. Humahatol ako ayon sa naririnig ko. At ang hatol ko ay makatarungan, sapagkat hindi ko hangad ang sariling kalooban kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.

Mga Patotoo tungkol kay Jesus

31 “Kung ako lamang ang nagpapatotoo para sa aking sarili, ang aking patotoo ay hindi kapani-paniwala. 32 May iba pang nagpapatotoo tungkol sa akin, at alam kong ang patotoo niya ay kapani-paniwala. 33 (X)Kayo mismo ang nagpadala kay Juan ng mga sugo, at ang sinabi niya ay totoo. 34 Hindi sa kailangan ko ng patotoo ng tao, kundi sinasabi ko ang mga ito upang kayo ay maligtas. 35 (Y)Si Juan ay ilawang nagliliyab at nagliliwanag, at ginusto ninyong masiyahan kahit sandali sa kanyang liwanag. 36 Ngunit ako mismo ay may patotoo na higit kaysa patotoo ni Juan, sapagkat ang mga gawaing ibinigay sa akin ng Ama upang gampanan, na siya namang ginagawa ko, ay nagpapatunay na ako ay sinugo ng Ama. 37 (Z)Ang Ama na nagsugo sa akin ay siya ring nagpatotoo tungkol sa akin. Kailanma'y hindi ninyo narinig ang kanyang tinig ni nakita man ang kanyang anyo. 38 Hindi nananatili sa inyo ang kanyang salita, sapagkat hindi kayo naniniwala sa kanyang isinugo. 39 (AA)Sinasaliksik ninyo ang mga kasulatan, sapagkat iniisip ninyo na sa pamamagitan ng mga ito'y magkakaroon kayo ng buhay na walang hanggan. Ang mga ito ay nagpapatotoo tungkol sa akin. 40 Subalit ayaw ninyong lumapit sa akin upang magkaroon kayo ng buhay. 41 Hindi ako tumatanggap ng papuring mula sa mga tao. 42 Subalit kilala ko kayo; wala kayong pag-ibig sa Diyos. 43 Naparito ako sa ngalan ng aking Ama, at hindi ninyo ako tinatanggap; subalit kung may isang darating sa sarili niyang pangalan, siya'y inyong tatanggapin. 44 Paano kayo maniniwala kung kayu-kayo ang pumupuri sa inyong sarili, at hindi ninyo hinahangad ang papuri mula sa iisang Diyos? 45 Huwag ninyong isipin na ako ang magsasakdal sa inyo sa harapan ng Ama. Ang nagsasakdal sa inyo ay si Moises na siyang pinaglalagakan ninyo ng pag-asa. 46 Kung pinaniwalaan ninyo si Moises, sana'y pinaniwalaan din ninyo ako, sapagkat siya ay sumulat tungkol sa akin. 47 Ngunit kung hindi ninyo pinaniniwalaan ang mga sinulat niya, paano ninyo paniniwalaan ang mga sinabi ko?”

Pinakain ni Jesus ang Limang Libo

Matapos ang mga pangyayaring ito pumunta si Jesus sa kabilang bahagi ng lawa ng Galilea na tinatawag ding lawa ng Tiberias. Napakaraming tao ang sumunod sa kanya, dahil nakita nila ang mga himala na kanyang ginawa sa mga maysakit. Umakyat si Jesus sa bundok at doo'y naupo kasama ng kanyang mga alagad. Nalalapit na noon ang Paskuwa na pista ng mga Judio. Paglingon ni Jesus, nakita niyang lumalapit sa kanya ang napakaraming tao kung kaya sinabi niya kay Felipe, “Saan tayo makabibili ng tinapay upang makakain ang mga taong ito?” Alam na ni Jesus ang kanyang gagawin, ngunit sinabi niya iyon upang subukin si Felipe. Sumagot ito, “Kulang po ang tinapay na mabibili ng dalawang daang denaryo[i] upang makakain kahit kaunti ang mga taong ito.” Si Andres na kapatid ni Simon Pedro, isa sa kanyang mga alagad ay nagsabi sa kanya, “May isang bata po rito na may limang tinapay na sebada[j] at dalawang isda, ngunit sapat ba ito para sa napakaraming tao?” 10 Sinabi ni Jesus, “Paupuin ninyo ang mga tao.” Sa lugar na iyon ay maraming damo, kaya naupo ang mga lalaking may limang libo ang bilang. 11 Kinuha ni Jesus ang mga tinapay, at matapos magpasalamat, ipinamigay niya sa mga nakaupo; ganoon din ang ginawa niya sa mga isda. Kumuha ang mga tao hangga't ibig nila. 12 Nang mabusog sila, inutusan niya ang kanyang mga alagad, “Tipunin ninyo ang mga sobrang pagkain upang walang masayang.” 13 Kaya tinipon nga nila ang mga sumobrang pagkain, at mula sa limang pinagpira-pirasong tinapay ay nakapuno sila ng labindalawang kaing. 14 Nang makita ng mga tao ang himalang ginawa ni Jesus, sinabi nila, “Ito nga talaga ang propetang darating sa sanlibutan!” 15 Nang makita ni Jesus na lumalapit ang mga tao at sapilitan siyang kukunin upang gawing hari, lumayo siya at muling pumuntang mag-isa sa bundok.

16 Kinagabihan, pumunta sa lawa ang kanyang mga alagad. 17 Sumakay sila ng bangka at nagsimulang baybayin ang lawa patungong Capernaum. Madilim na noon, at hindi pa dumarating sa kanila si Jesus. 18 Lumaki ang alon sa lawa dahil sa malakas na ihip ng hangin. 19 Nang makasagwan sila nang lima hanggang anim na kilometro, nakita nila si Jesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig ng lawa papalapit sa bangka, at sila'y natakot. 20 Ngunit sinabi niya sa kanila, “Huwag kayong matakot, ako ito!” 21 Kaya pinasakay nila si Jesus sa bangka; at nakarating agad ang bangka sa lugar na kanilang pupuntahan.

22 Kinabukasan, nakita ng mga taong nakatayo sa kabilang dako ng lawa na isang bangka lamang ang naroon. Nakita din nilang hindi sumama si Jesus sa bangkang iyon nang umalis ang kanyang mga alagad. 23 Gayunman, may mga bangka mula sa Tiberias na dumating malapit sa lugar na kinainan nila ng tinapay matapos magpasalamat ang Panginoon. 24 Kaya nang makita ng mga tao na wala roon si Jesus pati ang kanyang mga alagad, sumakay sila sa mga bangka at pumuntang Capernaum upang hanapin si Jesus. 25 At nang matagpuan nila si Jesus sa ibayo ng lawa, sinabi nila sa kanya, “Rabbi, kailan pa kayo rito?” 26 Sinagot sila ni Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hinahanap ninyo ako hindi dahil nakakita kayo ng mga himala, kundi dahil nabusog kayo sa tinapay. 27 (AB)Huwag kayong magpagod para sa pagkaing nabubulok, kundi para sa pagkaing nananatili tungo sa buhay na walang hanggan, na siyang ibibigay sa inyo ng Anak ng Tao, sapagkat siya ang tinatakan ng Diyos Ama.” 28 Kaya sinabi nila, “Ano ang dapat naming gawin upang magawa namin ang mga gawain ng Diyos?” 29 Sinagot sila ni Jesus, “Ito ang gawain ng Diyos, na kayo ay manampalataya sa kanyang isinugo.” 30 Kaya sinabi nila sa kanya, “Ano pong himala ang maipapakita ninyo sa amin upang maniwala kami sa iyo? Ano pong ginagawa ninyo? 31 (AC)Ang mga ninuno namin ay kumain ng manna sa ilang; tulad ng nasusulat, ‘Binigyan niya sila ng tinapay mula sa langit upang makain.’ ” 32 Kaya't sinabi ni Jesus sa kanila, “Ito ang katotohanan, sinasabi ko sa inyo, hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng tinapay mula sa langit, kundi ang aking Ama ang nagbigay sa inyo ng tunay na tinapay mula sa langit. 33 Sapagkat ang tinapay ng Diyos ay siya na bumaba mula sa langit at nagbibigay ng buhay sa sanlibutan.” 34 Sinabi nila sa kanya, “Ginoo, bigyan po ninyo kaming lagi ng tinapay na iyon.” 35 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ako ang tinapay ng buhay. Ang lumalapit sa akin ay hindi na magugutom at ang sumasampalataya sa akin ay hindi na mauuhaw. 36 Sinabi ko sa inyo na nakita na ninyo ako subalit hindi kayo naniniwala. 37 Ang lahat ng ibinibigay ng Ama sa akin ay lalapit sa akin, at ang lumalapit sa akin ay hinding-hindi ko itataboy. 38 Bumaba ako mula sa langit hindi upang gawin ang nais ko, kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin. 39 Ito ang kalooban ng nagsugo sa akin—na hindi ko maiwala ang isa man sa mga ibinigay niya sa akin, kundi, ito’y buhaying muli sa huling araw. 40 Sapagkat ito ang kalooban ng aking Ama, na ang bawat tumitingin sa Anak at sumasampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan at muli ko siyang bubuhayin sa huling araw.” 41 Kaya't nagbulung-bulungan ang mga Judio tungkol sa kanya sapagkat sinabi niya, “Ako ang tinapay na bumaba mula sa langit.” 42 Sinabi nila, “Hindi ba ito si Jesus na anak ni Jose, at kilala natin ang kanyang ama't ina? Paano niya nasasabing bumaba siya mula sa langit?” 43 Sumagot si Jesus, “Huwag na kayong magbulung-bulungan. 44 Walang makalalapit sa akin malibang ilapit siya ng Ama na nagsugo sa akin. Siya'y muli kong bubuhayin sa huling araw. 45 (AD)Sinulat ng mga propeta, ‘At silang lahat ay tuturuan ng Diyos.’ Ang sinumang nakarinig at natuto mula sa Ama ay lumalapit sa akin. 46 Ang nagmula sa Diyos ang tanging nakakita sa Ama. Siya lamang ang nakakita sa Ama. 47 Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, ang sumasampalataya ay may buhay na walang hanggan. 48 Ako ang tinapay ng buhay. 49 Kumain ng manna ang inyong mga ninuno sa ilang, gayunma'y namatay sila. 50 Ito ang tinapay na bumaba mula sa langit, upang ang sinumang kumain nito ay hindi mamatay. 51 Ako ang tinapay na nabubuhay na bumaba mula sa langit; sinumang kumain sa tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman; at ang tinapay na ibibigay ko para sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking katawan.” 52 Kaya nagtalu-talo ang mga Judio na nagsasabing, “Paano ibibigay ng taong ito ang kanyang katawan para kainin natin?” 53 Dahil dito, sinabi ni Jesus sa kanila, “Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, malibang kainin ninyo ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, wala kayong buhay sa inyong sarili. 54 Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan, at bubuhayin ko siyang muli sa huling araw. 55 Sapagkat tunay na pagkain ang aking katawan, at totoong inumin ang aking dugo. 56 Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananatili sa akin, at ako ay mananatili rin sa kanya. 57 Kung paanong sinugo ako ng buhay na Ama at nabubuhay ako dahil sa Ama, ganoon din naman, ang kumakain sa akin ay mabubuhay dahil sa akin. 58 Ito ang tinapay na mula sa langit, hindi tulad ng kinain ng inyong mga ninuno na namatay; ang kumakain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman.” 59 Ito ang mga sinabi niya nang siya'y magturo sa bahay-pulungan ng mga Judio sa Capernaum. 60 Nang marinig nila ito, marami sa kanyang mga alagad ang nagsabing, “Mahirap na turo ito, sino ang may kayang tumanggap nito?” 61 Alam ni Jesus na nagbubulungan sila tungkol dito kaya sinabi niya, “Ikinagalit ba ninyo ang sinabi ko? 62 Paano kung makita ninyo ang Anak ng Tao na umaakyat sa dati niyang kinaroroonan? 63 (AE)Ang espiritu ang nagbibigay ng buhay, ang laman ay walang pakinabang; ang mga salitang sinabi ko sa inyo ay espiritu at buhay. 64 Subalit may ilan sa inyo na hindi naniniwala.” Sapagkat alam na ni Jesus sa simula pa lamang ang mga hindi naniniwala, at kung sino ang magkakanulo sa kanya. 65 At sinabi niya, “Ito ang dahilan kung bakit sinabi ko sa inyo na walang makakalapit sa akin malibang ipahintulot ito ng Ama.” 66 Pagkatapos nito marami sa mga alagad niya ang tumalikod at hindi na sumunod sa kanya. 67 Sinabi ni Jesus sa labindalawa, “Nais din ba ninyong umalis?” 68 (AF)Sumagot si Simon Pedro, “Panginoon, kanino po kami pupunta? Nasa inyo ang mga salita ng buhay na walang hanggan, 69 at sumasampalataya kami, at nakatitiyak kami na kayo nga ang Banal ng Diyos.” 70 Sumagot si Jesus, “Hindi ba pinili ko kayong labindalawa, at isa sa inyo ay diyablo?” 71 Ang tinutukoy niya ay si Judas, anak ni Simon Iscariote, ang isa sa labindalawa na magkakanulo sa kanya.

Pagkatapos ng mga ito naglakbay si Jesus sa Galilea. Iniwasan niyang dumaan sa Judea, sapagkat gusto siyang patayin ng mga Judio roon. (AG)Malapit na noon ang pista ng mga Kubol na ipinagdiriwang ng mga Judio. Kaya sinabi ng mga kapatid ni Jesus sa kanya, “Umalis ka na at pumunta ka sa Judea, upang makita ng mga alagad mo ang mga ginagawa mo. Sapagkat hindi gumagawa nang palihim ang sinumang nagnanais na makilala. Dahil ginagawa mo ang mga ito, ilantad mo ang iyong sarili sa lahat.” Sapagkat maging ang mga kapatid niya ay hindi naniwala sa kanya. Kaya't sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi pa ito ang panahon ko, ngunit ang panahon ninyo ay laging naririyan. Hindi kayo kamumuhian ng sanlibutan, ngunit namumuhi ito sa akin dahil nagpapatotoo ako na ang mga gawa nito ay masama. Kayo na lang ang magpunta sa pista. Hindi ako pupunta dahil hindi pa ito ang panahon ko.” Pagkasabi niya ng mga ito, nagpaiwan siya sa Galilea. 10 Subalit pagkaalis ng kanyang mga kapatid patungo sa pista, pumunta din siya nang palihim at walang pinagsabihan sinuman. 11 Hinahanap siya ng mga Judio sa pista at ipinagtanong kung nasaan siya. 12 At maraming usap-usapan tungkol sa kanya ang mga tao. Ang ilan ay nagsabi, “Siya ay mabuting tao.” Ang sabi naman ng iba, “Inililigaw niya ang mga tao.” 13 Gayunman, walang Judiong nagsalita nang hayagan tungkol sa kanya dahil sa takot sa kanilang mga pinuno. 14 Nang kalagitnaan na ng pista ay nagpunta si Jesus sa templo at nagturo. 15 Nagtaka ang mga Judio. Ang sabi nila, “Paanong nalaman ng taong ito ang mga kasulatan gayong hindi naman siya nakapag-aral?” 16 Kaya't sumagot si Jesus, “Hindi sa akin ang itinuturo ko, kundi sa kanya na nagsugo sa akin. 17 Ang sinumang naghahangad na gawin ang kalooban ng nagsugo sa akin ay makaaalam kung ang itinuturo ko ay galing sa Diyos o nagsasalita lamang ako mula sa sarili. 18 Ang nagsasalita mula sa kanyang sarili ay naghahangad ng sariling karangalan. Ngunit ang nagsisikap na parangalan ang nagsugo sa kanya, ang taong ito ay tapat, at hindi nagsisinungaling. 19 Hindi ba si Moises ang nagbigay sa inyo ng kautusan? Subalit wala naman sa inyo ang tumutupad nito. Bakit sinisikap ninyo akong patayin?” 20 Sumagot ang mga tao, “Sinasaniban ka ng demonyo. Sino'ng gustong pumatay sa iyo?” 21 Sinagot sila ni Jesus, “Gumawa ako ng himala at lahat kayo ay namangha. 22 (AH)Ibinigay sa inyo ni Moises ang batas ng pagtutuli bagama't hindi ito galing kay Moises kundi sa mga ninuno. Nagtutuli kayo sa araw ng Sabbath. 23 (AI)Kung ang pagtutuli sa araw ng Sabbath ay hindi paglabag sa Kautusan ni Moises, bakit kayo nagagalit sa akin sa pagpapagaling ko sa isang tao sa araw ng Sabbath?” 24 Huwag kayong humusga batay sa panlabas na anyo, kundi maging matuwid kayo sa inyong mga hatol.” 25 Kaya’t sinabi ng ilang taga-Jerusalem, “Hindi ba ito ang taong gusto nilang patayin? 26 At narito siya at hayagang nagsasalita, ngunit wala silang sinasabing anuman laban sa kanya. Kinikilala na kaya ng mga pinuno na siya ang Cristo? 27 Ngunit alam natin kung saan galing ang taong ito; at pagdating ng Cristo, walang makaaalam kung saan siya manggagaling.” 28 Kaya sumigaw si Jesus habang nagtuturo sa templo, “Kilala ba talaga ninyo ako at alam ninyo kung saan ako galing? Hindi ako naparito para sa sarili ko lamang. Ang nagsugo sa akin ay tapat, at siya ang hindi ninyo nakikilala. 29 Kilala ko siya, sapagkat galing ako sa kanya, at siya ang nagsugo sa akin.” 30 Dahil dito, tinangka nilang dakpin siya, subalit wala ni isa mang nangahas sapagkat hindi pa dumarating ang oras niya. 31 Gayunman, marami sa mga naroon ang sumampalataya sa kanya. Sinabi nila, “Kapag dumating ang Cristo, gagawa ba siya ng mas maraming himala kaysa ginawa ng taong ito?” 32 Narinig ng mga Fariseo ang usap-usapan ng mga tao tungkol sa kanya, kaya nagpadala ang mga punong pari at mga Fariseo ng mga kawal para dakpin siya. 33 Kaya sinabi ni Jesus, “Sandaling panahon na lamang ninyo ako makakasama, at pagkatapos ay pupunta na ako sa kanya na nagsugo sa akin. 34 Hahanapin ninyo ako ngunit hindi ninyo ako matatagpuan. At kung saan ako naroroon ay hindi ninyo ako mapupuntahan.” 35 Nag-usap-usap ang mga Judio, “Saan ba nagbabalak pumunta ng taong ito na hindi natin matatagpuan? Pupunta kaya siya sa lugar ng mga kababayan nating nakatira kasama ng mga Griyego at magtuturo sa kanila? 36 Ano'ng ibig niyang sabihin sa sinabi niyang, ‘Hahanapin ninyo ako at hindi ninyo ako matatagpuan,’ at ‘Kung saan ako naroroon hindi ninyo ako mapupuntahan’?” 37 (AJ)Sa huli at natatanging araw ng pista, tumayo si Jesus at sumigaw. Sinabi niya, “Lumapit sa akin ang sinumang nauuhaw at uminom. 38 (AK)Ang sumasampalataya sa akin, tulad ng sinabi ng kasulatan, ‘Mula sa kanyang puso ay dadaloy ang ilog ng tubig ng buhay.’ ” 39 Sinabi niya ito tungkol sa Espiritu, na tatanggapin ng mga sumasampalataya sa kanya. Hindi pa naibibigay ang Espiritu, sapagkat hindi pa naluluwalhati si Jesus. 40 Nang marinig ng ilang tao ang mga salitang ito, sinabi nila, “Tunay na ito nga ang propeta.” 41 Ang iba’y nagsabi, “Ito ang Cristo.” Subalit sinabi ng ilan, “Sa Galilea ba manggagaling ang Cristo? 42 (AL)Hindi ba sinabi ng kasulatan na ang Cristo ay magmumula sa lahi ni David at sa Bethlehem na pinanggalingan ni David?” 43 Kaya nagkaroon ng pagkakahati sa mga tao dahil sa kanya. 44 May ilang nais dumakip sa kanya, subalit walang nangahas na gawin iyon.

45 Bumalik ang mga kawal sa mga punong pari at mga Fariseo na nagsabi sa kanila, “Bakit hindi ninyo siya dala?” 46 Sumagot ang mga kawal, “Wala pa pong nakapagsasalita na tulad ng taong iyon.” 47 Tinanong sila ng mga Fariseo, “Pati ba kayo ay nalinlang na? 48 Mayroon bang mga pinuno o mga Fariseong naniwala sa kanya? 49 Ngunit ang mga taong ito na walang nalalaman sa kautusan ay mga sinumpa.” 50 (AM)Si Nicodemo na nagpunta noon kay Jesus, at isa rin sa mga kasamahan nila, ay nagsabi sa kanila, 51 “Hinuhusgahan ba ng batas natin ang isang taong hindi man lamang natin napapakinggan at inaalam ang kanyang ginagawa?” 52 Sumagot sila sa kanya, “Taga-Galilea ka rin ba? Magsaliksik ka at malalaman mong walang propetang magmumula sa Galilea.” 53 At nagsiuwi na ang lahat.

Samantala, pumunta si Jesus sa Bundok ng mga Olibo. Nang magmadaling-araw, nagpunta uli siya sa templo. Pumunta sa kanya ang lahat ng tao, kaya naupo siya at nagturo sa kanila. Dinala sa kanya ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga Fariseo ang isang babaing nahuli sa pakikiapid, at pinatayo ito sa harapan nila. Sinabi nila sa kanya, “Guro, ang babaing ito ay nahuli habang nakikiapid. (AN)Ngayon, inutos ng batas ni Moises na batuhin ang tulad niya. Ano ngayon ang masasabi mo?” Sinabi nila ito para subukin siya, upang sa gayon, mayroon silang gamitin laban sa kanya. Yumuko si Jesus at nagsulat sa lupa sa pamamagitan ng kanyang daliri. (AO)At habang nagpapatuloy sila sa pagtatanong sa kanya, tumayo siya at sinabi sa kanila, “Sinuman sa inyo na walang kasalanan, siyang unang bumato sa kanya.” At muli siyang yumuko at nagsulat sa lupa sa pamamagitan ng kanyang daliri. Matapos nilang marinig ito, isa-isa silang nagsialis, simula sa pinakamatanda. Naiwang mag-isa si Jesus kasama ang babaing nakatayo sa harap niya. 10 Tumingala si Jesus at sinabi sa kanya, “Ginang, nasaan sila? Wala bang humusga sa iyo?” 11 At sinabi ng babae, “Wala, Ginoo.” At sinabi ni Jesus, “Hindi rin kita huhusgahan; humayo ka, at huwag nang magkasala.”

12 (AP)At muling nagsalita sa kanila si Jesus, “Ako ang ilaw ng sanlibutan; ang sumusunod sa akin kailanma'y hindi mamumuhay sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng buhay.” 13 (AQ)Kaya sinabi sa kanya ng mga Fariseo, “Nagpapatotoo ka para sa iyong sarili; hindi tunay ang iyong patotoo.” 14 Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Kahit na nagpapatotoo ako para sa aking sarili, ang patotoo ko ay tunay, sapagkat alam ko kung saan ako nanggaling at kung saan ako pupunta, ngunit hindi ninyo alam kung saan ako nanggaling at kung saan ako pupunta. 15 Humuhusga kayo nang naaayon sa laman, ako'y hindi humuhusga kanino man. 16 Ngunit kahit na humusga ako, ang paghuhusga ko ay totoo, sapagkat hindi lang ako mag-isang humuhusga, kundi ako at siya na nagsugo sa akin. 17 (AR)Nakasulat sa inyong batas na ang patotoo ng dalawang tao ay totoo. 18 Nagpapatotoo ako sa sarili ko, at ang Ama na nagsugo sa akin ang nagpapatotoo tungkol sa akin.” 19 Dahil dito ay sinabi nila sa kanya, “Nasaan ang iyong Ama?” Sumagot si Jesus, “Hindi ninyo ako nakikilala, maging ang aking Ama; kung kilala ninyo ako, kilala ninyo rin sana ang Ama ko.” 20 Ito ang mga salitang sinabi niya sa may kabang-yaman habang siya ay nagtuturo sa templo. Walang humuli sa kanya dahil ang oras niya ay hindi pa dumarating. 21 Kaya muli'y sinabi niya sa kanila, “Aalis ako, at hahanapin ninyo ako at mamamatay kayo sa inyong kasalanan. Hindi kayo makapupunta sa pupuntahan ko.” 22 Sinabi ng mga Judio, “Papatayin ba niya ang kanyang sarili, dahil sinasabi niyang, ‘Hindi kayo makapupunta sa pupuntahan ko’?” 23 Sinabi niya sa kanila, “Kayo ay mula sa ibaba, ako ay mula sa itaas; kayo ay tagasanlibutang ito, ako ay hindi tagarito. 24 Sinabi ko sa inyo na mamamatay kayo sa inyong mga kasalanan; sapagkat mamamatay kayo sa inyong mga kasalanan malibang maniwala kayo na Ako’y Ako Nga.” 25 Sinabi nila sa kanya, “Sino ka?” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Bakit ba ako nakipag-usap pa sa inyo. 26 Marami pa akong sasabihin at huhusgahan tungkol sa inyo; subalit ang nagsugo sa akin ay totoo, at sinasabi ko sa sanlibutan kung ano ang narinig ko mula sa kanya.” 27 Hindi nila naintindihan na ang tinutukoy niya ay ang Ama. 28 Kaya sinabi ni Jesus, “Kapag itinaas ninyo ang Anak ng Tao, mauunawaan ninyo na ako siya, at wala akong ginagawang mula sa sarili ko, kundi, sinasabi ko ang mga bagay na ito na ayon sa itinuro sa akin ng Ama. 29 At siya na nagsugo sa akin ay kasama ko. Hindi niya ako iniwang mag-isa, sapagkat lagi kong ginagawa ang bagay na nakalulugod sa kanya.” 30 Maraming nanampalataya sa kanya habang sinasabi niya ang mga bagay na ito. 31 Kaya't sinabi ni Jesus sa mga Judio na nanampalataya sa kanya, “Kung mananatili kayo sa aking salita, kayo ay mga tunay kong alagad, 32 at malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.” 33 (AS)Sumagot sila sa kanya, “Kami ay mga lahi ni Abraham at kailanma'y hindi naging alipin nino man. Bakit mo sinasabing, ‘magiging malaya kayo’?” 34 Sinagot sila ni Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang sinumang nagkakasala ay alipin ng kasalanan. 35 Ang alipin ay hindi nananatili sa bahay habang buhay; ang anak ay nananatili habang buhay. 36 Kaya nga kung palalayain kayo ng Anak, magiging malaya nga kayong tunay. 37 Alam kong kayo ay mga lahi ni Abraham; pero pinagsisikapan ninyo akong patayin dahil walang lugar ang salita ko sa inyo. 38 Sinasabi ko kung ano ang nakita ko sa aking Ama, at ginagawa naman ninyo kung ano ang narinig ninyo sa inyong ama.” 39 Sumagot sila at sinabi sa kanya, “Ama namin si Abraham.” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung kayo ay mga anak ni Abraham, gagawin ninyo ang ginawa ni Abraham. 40 Subalit ngayon ay gusto ninyo akong patayin, isang taong nagsasabi sa inyo ng katotohanang narinig ko sa Diyos; hindi ito ang ginawa ni Abraham. 41 Ginagawa ninyo ang mga gawa ng inyong ama.” Sinabi nila sa kanya, “Hindi kami ipinanganak sa pakikiapid, mayroon kaming isang Ama, ang Diyos.” 42 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung ang Diyos ang inyong Ama, mamahalin sana ninyo ako dahil ako ay galing sa Diyos at naparito. Hindi ako naparito dahil sa aking sariling kagustuhan, dahil isinugo niya ako. 43 Bakit hindi ninyo maunawaan ang sinasabi ko? Dahil hindi ninyo kayang pakinggan ang salita ko. 44 (AT)Kayo ay mula sa inyong amang diyablo, at ang hangarin ninyo ay gawin ang mga gusto ng ama ninyo. Siya ay mamamatay-tao mula pa sa simula, at hindi naninindigan sa katotohanan sapagkat walang katotohanan sa kanya. Kapag siya ay nagsisinungaling, nangungusap siya ayon sa kanyang kalikasan, dahil siya ay sinungaling at ama ng kasinungalingan. 45 Pero dahil nagsasabi ako ng katotohanan, hindi kayo naniniwala sa akin. 46 Sino sa inyo ang makasusumbat sa akin ng kasalanan? Kung nagsasabi ako ng katotohanan, bakit hindi kayo naniniwala sa akin? 47 Ang mula sa Diyos ay nakikinig ng mga salita ng Diyos; ang dahilan kung bakit hindi ninyo pinakikinggan ang mga ito ay dahil hindi kayo nagmula sa Diyos.” 48 Sinagot siya ng mga Judio, “Hindi ba tama kami nang sabihin naming ikaw ay isang Samaritano at sinasaniban ka ng diyablo?” 49 Sumagot si Jesus, “Hindi ako sinasaniban ng diyablo. Pinaparangalan ko ang aking Ama, at sinisira ninyo ang aking karangalan. 50 Subalit hindi ako naghahanap ng karangalan para sa sarili; may isang naghahanap nito at humahatol. 51 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang sinumang tumutupad ng aking salita ay hindi kailanman daranas ng kamatayan.” 52 Sinabi ng mga Judio sa kanya, “Ngayon, alam na naming sinasaniban ka nga ng diyablo. Namatay rin si Abraham gaya ng mga propeta; at sinasabi mo na, ‘Sinumang tumutupad ng salita ko ay hindi kailanman makalalasap ng kamatayan.’ 53 Mas dakila ka pa ba kaysa aming amang si Abraham na namatay? Maging ang mga propeta ay namatay! Sino ka ba sa palagay mo?” 54 Sumagot si Jesus, “Kung niluluwalhati ko ang aking sarili, ang kaluwalhatian ko ay walang saysay. Ang aking Ama ang lumuluwalhati sa akin, siya na sinasabi ninyo na inyong Diyos. 55 Hindi ninyo siya nakikilala, ngunit kilala ko siya. Kung sabihin kong hindi ko siya kilala, magiging sinungaling din ako na tulad ninyo; pero kilala ko siya at tinutupad ko ang salita niya. 56 Ang ama ninyong si Abraham ay nagalak dahil makikita niya ang araw ko. Nakita niya ito at siya ay nagalak.” 57 Sinabi ng mga Judio sa kanya, “Wala ka pang limampung taon, nakita mo na ba si Abraham?” 58 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, wala pa man si Abraham Ako’y Ako na Nga.” 59 Dahil dito pumulot sila ng bato para batuhin siya; subalit nagtago si Jesus, at lumabas ng templo.

Habang naglalakad si Jesus, nakita niya ang isang lalaking bulag mula pa sa pagkasilang. Tinanong siya ng mga alagad niya, “Rabbi, sino ba ang nagkasala't ang lalaking ito ay ipinanganak na bulag, siya o ang kanyang mga magulang?” Sumagot si Jesus, “Hindi ang lalaking ito, ni ang mga magulang niya ang nagkasala; ipinanganak siyang bulag upang sa pamamagitan niya, ang mga gawa ng Diyos ay maihayag. Kailangan nating gawin ang mga gawa niya na nagsugo sa akin habang maliwanag pa; dumarating ang gabi at wala nang makagagawa nito. (AU)Habang ako ay nasa sanlibutan, ako ang ilaw ng sanlibutan.” Matapos niyang sabihin ito, dumura siya sa lupa at gumawa ng putik sa pamamagitan ng laway. Ipinahid niya iyon sa mata ng lalaki, at sinabihan ito, “Humayo ka at maghilamos sa imbakan ng tubig ng Siloam” (na ang ibig sabihin ay isinugo). Kaya nagpunta siya at naghilamos—at bumalik siyang nakakakita na. Ang mga kapitbahay at ang mga nakakita sa kanya noon na siya’y pulubi pa ay nagsimulang magtanong, “Hindi ba siya ang lalaking dating namamalimos?” May ilang nagsasabing, “Siya nga iyon.” Ang iba naman ay nagsasabing, “Hindi, kamukha lang siya.” Ngunit paulit-ulit niyang sinasabing, “Ako ang taong iyon.” 10 Kung kaya paulit-ulit nila siyang tinatanong, “Kung gayon, ano'ng nangyari at nakakakita ka na?” 11 Sumagot siya, “Ang lalaking tinatawag na Jesus ay gumawa ng putik, ipinahid niya iyon sa aking mga mata, at sinabihan akong pumunta sa Siloam at maghilamos. Kung kaya't nagpunta ako roon at naghilamos, at ako'y nakakita na.” 12 Sinabi nila sa kanya, “Nasaan siya?” Sinabi niya, “Hindi ko alam.”

13 Dinala nila sa mga Fariseo ang lalaking dating bulag. 14 Araw ng Sabbath noon nang gumawa ng putik si Jesus at pagalingin ang kanyang mga mata, 15 kaya nagsimula ring magtanong ang mga Fariseo sa lalaki kung paano siya muling nakakita. Sinabi niya sa kanila, “Pinahiran niya ng putik ang aking mga mata. Pagkatapos ay naghilamos ako, at ngayo’y nakakakita na ako.” 16 Ilan sa mga Fariseo ay nagsabing, “Ang taong ito ay hindi mula sa Diyos, dahil hindi niya sinusunod ang batas ng Sabbath.” Subalit ang iba naman ay nagsabi rin, “Paanong makagagawa ng mga himalang tulad nito ang isang makasalanang tao?” At sila ay nagkahati-hati. 17 Kaya sinabi uli nila sa bulag, “Ano'ng masasabi mo tungkol sa kanya na nagbigay sa iyo ng paningin?” Sinabi niya, “Siya ay propeta.”

18 Hindi makapaniwala ang mga Judio na siyang dating bulag ay nakakakita na. Kaya tinawag nila ang kanyang mga magulang 19 at tinanong nila ang mga ito, “Ito ba ang inyong anak na sinasabi ninyong ipinanganak na bulag? Paanong nangyari na nakakakita na siya ngayon?” 20 Sumagot ang kanyang mga magulang, “Alam naming siya ang aming anak, at siya ay ipinanganak na bulag. 21 Pero, hindi namin alam kung bakit nakakakita na siya ngayon, at kung sino ang nagpagaling sa kanya. Tanungin ninyo siya. Nasa tamang gulang na siya para magpaliwanag tungkol sa kanyang sarili.” 22 Sinabi ito ng mga magulang niya dahil takot sila sa mga Judio; nagkasundo na kasi ang mga Judio na ang sinumang magsabi na si Jesus ang Cristo ay palalayasin sa sinagoga. 23 Kaya sinabi ng mga magulang niya, “May sapat na gulang na siya; tanungin ninyo siya.” 24 Sa pangalawang pagkakataon, tinawag nilang muli ang lalaking dating bulag, at sinabi sa kanya, “Magbigay-luwalhati ka sa Diyos! Alam naming makasalanan ang taong iyon.” 25 Sumagot siya, “Hindi ko alam kung siya nga ay makasalanan. Isang bagay ang nalalaman ko, na ako ay dating bulag, at ngayon ay nakakakita na.” 26 Sinabi nila sa kanya, “Ano ang ginawa niya sa iyo? Paano niya pinagaling ang iyong mga mata?” 27 Sumagot siya sa kanila, “Sinabi ko na sa inyo, ngunit ayaw ninyong makinig. Bakit gusto ninyong marinig ito ulit? Gusto rin ba ninyong maging mga alagad niya?” 28 Kaya't pinagsabihan nila siya nang masakit, “Ikaw ay alagad niya, ngunit kami ay mga alagad ni Moises. 29 Alam naming nangusap ang Diyos kay Moises, ngunit ang taong iyon, hindi namin alam kung saan siya galing.” 30 Sumagot ang lalaki, “Nakapagtataka naman ito! Hindi ninyo alam kung saan siya galing, pero siya ang nagpagaling ng mga mata ko. 31 Alam nating ang Diyos ay hindi nakikinig sa mga makasalanan, at siya ay nakikinig sa sumasamba sa kanya at gumagawa ng kalooban niya. 32 Simula pa noon, wala pang nabalitaang sinuman na nagpagaling ng mga mata ng isang ipinanganak na bulag. 33 Kung ang taong ito ay hindi galing sa Diyos, wala siyang magagawa.” 34 Sumagot sila sa kanya, “Ipinanganak kang makasalanan at tinuturuan mo kami?” At pinalayas nila ang lalaki.

35 Narinig ni Jesus na itinaboy nila ang lalaki, at nang matagpuan niya ito'y sinabi niya, “Naniniwala ka ba sa Anak ng Tao?” 36 Sumagot ang lalaki, “Sino siya, ginoo? Sabihin mo sa akin upang maniwala ako sa kanya.” 37 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Nakita mo na siya, siya ngayon ang nagsasalita sa iyo.” 38 Sinabi niya, “Panginoon, naniniwala ako.” At sinamba niya si Jesus. 39 Sinabi ni Jesus, “Nagpunta ako rito sa sanlibutan upang humatol; at upang ang mga hindi nakakakita ay makakita, at ang mga nakakakita ay maging bulag.” 40 Narinig ito ng ilan sa mga Fariseong naroon kaya sinabi sa kanya, “Bulag din ba kami?” 41 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Kung kayo ay bulag, hindi sana kayo nagkasala. Ngunit ngayong sinasabi ninyong nakakakita kayo, ang kasalanan ay nananatili sa inyo.

Si Jesus ang Mabuting Pastol

10 “Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, sinumang pumapasok sa kulungan ng mga tupa nang hindi dumadaan sa pintuan nito kundi sa ibang daan ay magnanakaw at tulisan. Ang pumapasok sa pintuan ay siyang pastol ng mga tupa. Ang bantay sa pinto ang nagbubukas para sa kanya, at ang mga tupa ay nakikinig sa tinig niya. Tinatawag niya ang sarili niyang mga tupa sa pangalan at siya ang naglalabas sa kanila. Matapos niyang dalhin sa labas ang lahat ng kanya, pinangungunahan niya sila, at sumusunod sila sa kanya dahil kilala nila ang tinig niya. Hinding-hindi sila susunod sa hindi nila kakilala, kundi tatakbo silang papalayo sa kanya sapagkat hindi nila nakikilala ang tinig ng iba.” Gumamit si Jesus ng ganitong talinghaga sa kanila, subalit hindi nila naintindihan kung ano ang ibig niyang sabihin.

Kaya’t sinabi muli ni Jesus sa kanila, “Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, ako ang pintuan ng mga tupa. Ang lahat ng dumating na nauna sa akin ay mga magnanakaw at mga tulisan; ngunit ang mga tupa ay hindi nakinig sa kanila. Ako ang pintuan. Sinumang pumapasok sa pamamagitan ko ay maliligtas. Siya ay papasok at lalabas at makatatagpo ng pastulan. 10 Ang magnanakaw ay dumarating lamang upang magnakaw, pumatay, at sumira. Dumating ako upang ang mga tupa ay magkaroon ng buhay, at magkaroon nito nang sagana. 11 (AV)Ako ang mabuting pastol. Ang mabuting pastol ay nag-aalay ng kanyang buhay para sa mga tupa. 12 Ang taong upahan ay hindi pastol at hindi rin siya ang may-ari ng mga tupa. Kapag nakikita niyang dumarating ang asong gubat, iniiwan niya ang mga tupa at tumatakbong papalayo. Sinasakmal ng asong gubat ang mga ito at pinagwawatak-watak sila. 13 Tumatakbo ang taong upahan dahil wala siyang malasakit sa mga tupa. 14 (AW)Ako ang mabuting pastol. Kilala ko ang aking mga tupa at ako’y kilala nila, 15 kung paanong ako’y kilala ng Ama at siya’y kilala ko; at iniaalay ko ang aking buhay para sa mga tupa. 16 Ngunit mayroon pa akong ibang mga tupa na wala pa sa kulungang ito. Kailangang dalhin ko rin sila rito at makikinig sila sa tinig ko. Sa gayon, magkakaroon ng iisang kawan at iisang pastol. 17 Dahil dito, minamahal ako ng Ama, sapagkat iniaalay ko ang aking buhay upang muli ko itong kunin. 18 Walang kumukuha nito sa akin, subalit iniaalay ko ito nang kusang-loob. Mayroon akong kapangyarihang ialay ito, at mayroon din akong kapangyarihang bawiin ito. Tinanggap ko ang utos na ito mula sa aking Ama.”

19 At muling nagkaroon ng paghahati sa mga Judio dahil sa mga salitang ito. 20 Marami sa kanila ang nagsasabing, “Sinasaniban siya ng demonyo at siya’y nababaliw. Bakit kayo nakikinig sa kanya?” 21 Ang iba nama'y nagsasabing, “Ang mga salitang ito ay hindi galing sa isang sinasaniban ng demonyo. Kaya ba ng demonyo na magpagaling ng bulag?”

Tinanggihan ng mga Judio si Jesus

22 (AX)Taglamig noon at sa Jerusalem ay ipinagdiriwang ang Pista ng Pagtatalaga. 23 Si Jesus ay naglalakad sa templo, sa portiko ni Solomon. 24 Pinaligiran siya ng mga Judio at sinabi sa kanya, “Hanggang kailan mo kami paghihintayin? Kung ikaw ang Cristo, sabihin mo sa amin nang malinaw.” 25 Sumagot si Jesus sa kanila, “Sinabi ko na sa inyo ngunit hindi kayo naniniwala. Ang mga ginagawa ko sa pangalan ng aking Ama ang nagpapatotoo tungkol sa akin. 26 Ngunit hindi kayo naniniwala, dahil hindi kayo kabilang sa aking mga tupa. 27 Nakikinig sa tinig ko ang aking mga tupa. Kilala ko sila at sumusunod sa akin. 28 Binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan at kailanma’y hindi sila mamamatay. Walang makaaagaw sa kanila mula sa aking kamay. 29 (AY)Ang aking Ama ay higit na dakila; siya ang nagbigay sa akin ng lahat at walang makaaagaw sa kanila mula sa kamay ng aking Ama. 30 Ako at ang Ama ay iisa.” 31 Muling pumulot ng mga bato ang mga Judio para batuhin siya. 32 Sumagot si Jesus sa kanila, “Nagpakita ako sa inyo ng maraming mabubuting gawa mula sa Ama. Alin sa mga ito ang dahilan para batuhin ninyo ako?” 33 (AZ)Sumagot ang mga Judio, “Hindi ka namin babatuhin dahil sa mabuting gawa, kundi sa iyong paglapastangan. Dahil ikaw na isang tao lamang ay nagpapakilalang Diyos.” 34 (BA)Sumagot si Jesus sa kanila, “Hindi ba nasusulat sa inyong batas, ‘Sinabi ko, kayo ay mga diyos’? 35 Kung ang mga dinatnan ng salita ng Diyos ay tinawag na mga ‘diyos’, at ang kasulatan ay hindi mapapawalang bisa, 36 bakit ninyo sinasabing ako na itinalaga at isinugo ng Ama sa sanlibutan ay lumalapastangan dahil sinabi kong, ‘Ako ang Anak ng Diyos’? 37 Kung hindi ko ginagawa ang mga gawa ng aking Ama, huwag ninyo akong paniwalaan. 38 Subalit kung ginagawa ko ang mga iyon, kahit na hindi ninyo ako pinaniniwalaan, paniwalaan ninyo ang mga gawa, upang malaman ninyo at maunawaan na ang Ama ay nasa akin at ako ay nasa Ama.” 39 Pagkatapos, tinangka nilang muli na dakpin si Jesus, subalit nakatakas siya sa kanilang mga kamay.

40 (BB)Muling umalis si Jesus at tumawid ng Ilog Jordan patungo sa pinagbautismuhan ni Juan noong una, at nanatili siya roon. 41 Maraming pumunta sa kanya na nagsasabi, “Hindi gumawa si Juan ng anumang himala, ngunit lahat ng sinabi ni Juan tungkol sa taong ito ay totoo.” 42 At marami roon ang sumampalataya kay Jesus.

Namatay si Lazaro

11 (BC)May isang lalaking may sakit na ang pangalan ay Lazaro na taga-Betania. Kasama niyang naninirahan sa nayon ang mga kapatid na sina Maria at Marta. (BD)Si Maria ang nagbuhos ng pabango at nagpunas ng kanyang buhok sa mga paa ng Panginoon; ang kapatid niyang si Lazaro ay may sakit. Kaya ang magkapatid na babae ay nagpadala ng mensahe kay Jesus, “Panginoon, siya na iyong minamahal ay may sakit.” At nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya, “Ang sakit na ito ay hindi mauuwi sa kamatayan, sa halip, ito ay para sa kaluwalhatian ng Diyos, nang sa gayon ay luwalhatiin ang Anak ng Diyos sa pamamagitan nito.” Mahal ni Jesus ang magkakapatid na sina Marta, Maria at Lazaro. Gayunman matapos marinig na si Lazaro ay may sakit, dalawang araw pang nanatili si Jesus sa kanyang tinutuluyan.

Pagkatapos nito'y sinabi ni Jesus sa mga alagad, “Bumalik tayo sa Judea.” Sinabi ng mga alagad sa kanya, “Rabbi, nagtatangka ang mga Judio na batuhin kayo, nais pa ba ninyong bumalik doon?” Sumagot si Jesus, “Hindi ba may labindalawang oras ng liwanag sa isang araw? Ang naglalakad kapag araw ay hindi matitisod sapagkat nakikita niya ang liwanag ng sanlibutang ito. 10 Ngunit ang lumalakad sa gabi ay matitisod, sapagkat ang liwanag ay wala sa kanya.” 11 Matapos niyang sabihin ito'y idinugtong niya, “Ang kaibigan nating si Lazaro ay natutulog, ngunit pupunta ako roon para gisingin siya.” 12 Sinabi ng mga alagad sa kanya, “Panginoon, kung siya ay natutulog, gagaling siya.” 13 Subalit ang tinutukoy ni Jesus ay ang pagkamatay ni Lazaro, ngunit ang akala ng mga alagad ay karaniwang pagtulog lamang. 14 Kaya pagkatapos nito ay tuwirang sinabi ni Jesus sa kanila, “Patay na si Lazaro. 15 Para sa inyong kapakanan, mabuting wala ako roon, upang kayo’y sumampalataya. Gayunman, puntahan natin siya.” 16 Sinabi ni Tomas, na tinatawag na kambal, sa kapwa niya mga alagad, “Pumunta rin tayo upang mamatay na kasama niya.”

Si Jesus ang Muling Pagkabuhay at ang Buhay

17 Nang dumating si Jesus, nadatnan niyang apat na araw nang nakalibing si Lazaro. 18 Malapit ang Betania sa Jerusalem, mga tatlong kilometro[k] ang layo. 19 Maraming Judio ang pumunta kina Marta at Maria para aliwin sila dahil sa kanilang kapatid. 20 Nang marinig ni Marta na paparating si Jesus, sinalubong niya ito, habang si Maria naman ay naiwan sa bahay. 21 Sinabi ni Marta kay Jesus, “Panginoon, kung narito ka lang, hindi po sana namatay ang aking kapatid.

Footnotes

  1. Juan 1:18 Sa ibang manuskrito ay Anak.
  2. Juan 1:42 Cefas salitang Aramaiko na ang kahulugan ay bato.
  3. Juan 3:3 mula sa itaas, maaari ding isaling “muli”.
  4. Juan 3:7 mula sa itaas: maaari ding na isaling “muli”.
  5. Juan 3:8 hangin: ang salitang isinalin na “hangin” ay siya ring salitang ginamit para sa “espiritu”.
  6. Juan 4:6 Sa Griyego, ikaanim na oras.
  7. Juan 4:52 Ala-una po kahapon: Sa Griyego, ikapitong oras.
  8. Juan 5:4 Sa ibang manuskrito'y wala ang talatang ito.
  9. Juan 6:7 Ang isang denaryo ay katumbas ng sahod ng manggagawa sa isang araw.
  10. Juan 6:9 Sebada: ito ay harinang ginagamit ng mga mahihirap.
  11. Juan 11:18 Sa Griyego, 15 stadia.