Add parallel Print Page Options

Habang naglalakad si Jesus, nakita niya ang isang lalaking bulag mula pa sa pagkasilang. Tinanong siya ng mga alagad niya, “Rabbi, sino ba ang nagkasala't ang lalaking ito ay ipinanganak na bulag, siya o ang kanyang mga magulang?” Sumagot si Jesus, “Hindi ang lalaking ito, ni ang mga magulang niya ang nagkasala; ipinanganak siyang bulag upang sa pamamagitan niya, ang mga gawa ng Diyos ay maihayag. Kailangan nating gawin ang mga gawa niya na nagsugo sa akin habang maliwanag pa; dumarating ang gabi at wala nang makagagawa nito. (A)Habang ako ay nasa sanlibutan, ako ang ilaw ng sanlibutan.” Matapos niyang sabihin ito, dumura siya sa lupa at gumawa ng putik sa pamamagitan ng laway. Ipinahid niya iyon sa mata ng lalaki, at sinabihan ito, “Humayo ka at maghilamos sa imbakan ng tubig ng Siloam” (na ang ibig sabihin ay isinugo). Kaya nagpunta siya at naghilamos—at bumalik siyang nakakakita na. Ang mga kapitbahay at ang mga nakakita sa kanya noon na siya’y pulubi pa ay nagsimulang magtanong, “Hindi ba siya ang lalaking dating namamalimos?” May ilang nagsasabing, “Siya nga iyon.” Ang iba naman ay nagsasabing, “Hindi, kamukha lang siya.” Ngunit paulit-ulit niyang sinasabing, “Ako ang taong iyon.” 10 Kung kaya paulit-ulit nila siyang tinatanong, “Kung gayon, ano'ng nangyari at nakakakita ka na?” 11 Sumagot siya, “Ang lalaking tinatawag na Jesus ay gumawa ng putik, ipinahid niya iyon sa aking mga mata, at sinabihan akong pumunta sa Siloam at maghilamos. Kung kaya't nagpunta ako roon at naghilamos, at ako'y nakakita na.” 12 Sinabi nila sa kanya, “Nasaan siya?” Sinabi niya, “Hindi ko alam.”

13 Dinala nila sa mga Fariseo ang lalaking dating bulag. 14 Araw ng Sabbath noon nang gumawa ng putik si Jesus at pagalingin ang kanyang mga mata, 15 kaya nagsimula ring magtanong ang mga Fariseo sa lalaki kung paano siya muling nakakita. Sinabi niya sa kanila, “Pinahiran niya ng putik ang aking mga mata. Pagkatapos ay naghilamos ako, at ngayo’y nakakakita na ako.” 16 Ilan sa mga Fariseo ay nagsabing, “Ang taong ito ay hindi mula sa Diyos, dahil hindi niya sinusunod ang batas ng Sabbath.” Subalit ang iba naman ay nagsabi rin, “Paanong makagagawa ng mga himalang tulad nito ang isang makasalanang tao?” At sila ay nagkahati-hati. 17 Kaya sinabi uli nila sa bulag, “Ano'ng masasabi mo tungkol sa kanya na nagbigay sa iyo ng paningin?” Sinabi niya, “Siya ay propeta.”

18 Hindi makapaniwala ang mga Judio na siyang dating bulag ay nakakakita na. Kaya tinawag nila ang kanyang mga magulang 19 at tinanong nila ang mga ito, “Ito ba ang inyong anak na sinasabi ninyong ipinanganak na bulag? Paanong nangyari na nakakakita na siya ngayon?” 20 Sumagot ang kanyang mga magulang, “Alam naming siya ang aming anak, at siya ay ipinanganak na bulag. 21 Pero, hindi namin alam kung bakit nakakakita na siya ngayon, at kung sino ang nagpagaling sa kanya. Tanungin ninyo siya. Nasa tamang gulang na siya para magpaliwanag tungkol sa kanyang sarili.” 22 Sinabi ito ng mga magulang niya dahil takot sila sa mga Judio; nagkasundo na kasi ang mga Judio na ang sinumang magsabi na si Jesus ang Cristo ay palalayasin sa sinagoga. 23 Kaya sinabi ng mga magulang niya, “May sapat na gulang na siya; tanungin ninyo siya.”

Read full chapter