Add parallel Print Page Options

Ang Babaeng Nahuli sa Pangangalunya

[Si Jesus naman ay pumunta sa bundok ng mga Olibo. Kinabukasan, maaga pa ay bumalik na si Jesus sa templo. Maraming tao ang lumapit sa kanya, kaya umupo siya at nangaral sa kanila. Dumating ang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo na may dalang babae na nahuli sa pangangalunya. Pinatayo nila ang babae sa harap ng mga tao, at sinabi nila kay Jesus, “Guro, ang babaeng itoʼy nahuli sa pangangalunya. Ayon sa Kautusan ni Moises, ang mga babaeng tulad niyaʼy dapat batuhin hanggang sa mamatay. Anong masasabi mo?” Itinanong nila ito upang hanapan ng maipaparatang laban sa kanya. Pero yumuko lang si Jesus at sumulat sa lupa sa pamamagitan ng kanyang daliri. Pero paulit-ulit silang nagtanong, kaya tumayo[a] si Jesus at sinabi sa kanila, “Kung sino sa inyo ang walang kasalanan ay siya ang maunang bumato sa kanya.” At muli siyang yumuko at nagsulat sa lupa.

Nang marinig nila iyon, isa-isa silang umalis mula sa pinakamatanda, hanggang si Jesus na lang at ang babae ang naiwan. 10 Tumayo si Jesus at sinabi sa babae, “Babae, nasaan na sila? May humatol ba sa iyo?” 11 Sumagot ang babae, “Wala po.” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Hindi rin kita hahatulan. Maaari ka nang umalis, pero huwag ka na muling magkasala.”]

Si Jesus ang Ilaw ng Mundo

12 Muling nagsalita si Jesus sa mga tao, “Ako ang ilaw ng mundo. Ang sumusunod sa akin ay hindi na mamumuhay sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw na nagbibigay-buhay.” 13 Nang marinig ito ng mga Pariseo, sinabi nila, “Ikaw lang naman ang nagpapatotoo tungkol sa sarili mo, kaya hindi ka paniniwalaan.” 14 Sumagot si Jesus, “Kahit na nagpapatotoo ako tungkol sa aking sarili, ang sinasabi ko ay totoo, dahil alam ko kung saan ako nanggaling at kung saan ako pupunta. Ngunit kayo, hindi ninyo alam kung saan ako nanggaling at kung saan ako pupunta. 15 Humahatol kayo ayon sa pamamaraan ng tao, pero ako ay hindi humahatol kaninuman. 16 Kung hahatol man ako ay tama ang hatol ko, dahil hindi ako humahatol nang mag-isa kundi ako at ang Amang nagsugo sa akin. 17 Hindi baʼt nakasulat sa Kautusan ninyo na kapag tugma ang patotoo ng dalawang saksi, nangangahulugang totoo ang kanilang sinasabi? 18 Nagpapatotoo ako tungkol sa aking sarili, at ang Amang nagsugo sa akin ay nagpapatotoo rin tungkol sa akin.” 19 Nagtanong ang mga Pariseo, “Nasaan ba ang iyong Ama?” Sumagot si Jesus, “Hindi nʼyo ako kilala o ang aking Ama. Kung kilala sana nʼyo ako, makikilala nʼyo rin ang aking Ama.”

20 Ang mga itoʼy sinabi ni Jesus nang nangangaral siya sa templo, malapit sa lalagyan ng mga kaloob. Pero walang nagtangkang dumakip sa kanya dahil hindi pa dumarating ang oras niya.

Si Jesus ay Hindi Taga-mundo

21 Muling nagsalita si Jesus sa mga pinuno ng mga Judio, “Aalis ako at hahanapin nʼyo ako, ngunit mamamatay kayo na hindi pa napapatawad ang mga kasalanan ninyo. At hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko.” 22 Kaya nag-usap-usap ang mga pinuno ng mga Judio, “Magpapakamatay kaya siya? Ano ang ibig niyang sabihin na hindi tayo makakapunta sa pupuntahan niya?” 23 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kayoʼy makamundo at akoʼy makalangit. 24 Kaya sinasabi kong mamamatay kayo na hindi pa napapatawad ang mga kasalanan ninyo. Sapagkat kung hindi kayo maniniwala na ako ang Cristo, tiyak na mamamatay kayo na hindi pa napapatawad ang mga kasalanan ninyo.” 25 “Bakit, sino ka ba talaga?” tanong nila. Sumagot si Jesus, “Hindi baʼt noong una pa ay sinabi ko na sa inyo kung sino ako? 26 Marami akong masasabi at maihahatol laban sa inyo. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, wala akong ipinapahayag sa mga tao sa mundo maliban sa mga ipinapasabi ng nagsugo sa akin. At mapagkakatiwalaan ang mga sinasabi niya.”

27 Hindi nila naintindihan na nagsasalita si Jesus tungkol sa Ama. 28 Kaya sinabi ni Jesus, “Kapag itinaas na ninyo[b] ako na Anak ng Tao, malalaman ninyo na ako nga ang Cristo. At malalaman din ninyo na ang lahat ng bagay na ginagawa at sinasabi ko ay ayon sa itinuro sa akin ng aking Ama. 29 Lagi kong kasama ang nagsugo sa akin, at hindi niya ako pababayaang mag-isa, dahil lagi kong ginagawa ang mga bagay na kalugod-lugod sa kanya.” 30 Nang marinig ng mga tao ang mga sinabi ni Jesus, marami sa kanila ang sumampalataya sa kanya.

Ang Katotohanang Nagpapalaya sa Tao

31 Sinabi ni Jesus sa mga Judiong sumampalataya sa kanya, “Kung patuloy kayong susunod sa aral ko, totoo ngang mga tagasunod ko kayo. 32 Malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.” 33 Sumagot sila kay Jesus, “Nagmula kami sa lahi ni Abraham, at kailanmaʼy hindi kami naging alipin ng kahit sino. Bakit sinabi mong palalayain kami?” 34 Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sinumang nagkakasala ay alipin ng kasalanan. 35 Ang alipin ay hindi namamalagi sa isang pamilya sa habang panahon, ngunit ang anak ay namamalagi magpakailanman. 36 Kaya kung ang Anak ng Dios ang magpapalaya sa inyo, talagang magiging malaya kayo. 37 Alam kong galing kayo sa lahi ni Abraham, pero tinatangka ninyo akong patayin dahil ayaw ninyong tanggapin ang mga itinuturo ko. 38 Sinasabi ko sa inyo ang mga bagay na nakita ko sa aking Ama, ngunit ginagawa naman ninyo ang narinig ninyo sa inyong ama.”

39 Sinabi ng mga tao, “Si Abraham ang aming ama!” Sumagot si Jesus, “Kung totoong mga anak kayo ni Abraham, tinutularan sana ninyo ang mabubuting gawa niya. 40 Ngunit tinatangka ninyo akong patayin, kahit sinasabi ko lang sa inyo ang mga katotohanang narinig ko mula sa Dios. Hindi ginawa ni Abraham ang mga ginagawa ninyo. 41 Ang mga ginagawa nʼyo ay katulad ng ginagawa ng inyong ama.” Sumagot sila kay Jesus, “Hindi kami mga anak sa labas.[c] Ang Dios ang aming Ama.” 42 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung ang Dios nga ang inyong Ama, mamahalin sana ninyo ako, dahil nanggaling ako sa Dios. Hindi ako naparito sa sarili kong kagustuhan, kundi sinugo ako ng Dios. 43 Hindi nʼyo maintindihan ang sinasabi ko dahil hindi nʼyo matanggap ang aral ko. 44 Ang diyablo ang inyong ama. At kung ano ang gusto niya, iyon ang ginagawa ninyo. Siyaʼy mamamatay-tao mula pa sa simula, at ayaw niya ng katotohanan dahil walang katotohanan sa kanya. Likas sa kanya ang pagsisinungaling dahil sinungaling siya, at siya ang pinagmumulan ng lahat ng kasinungalingan. 45 Ngunit ako, pawang katotohanan ang mga sinasabi ko, at ito ang dahilan kung bakit ayaw ninyong maniwala. 46 Sino sa inyo ang makakapagsabi na nakagawa ako ng kasalanan? Wala! Bakit ayaw nʼyo akong paniwalaan kung katotohanan ang sinasabi ko? 47 Ang mga anak ng Dios ay nakikinig sa salita ng Dios. Ngunit hindi kayo mga anak ng Dios kaya hindi kayo nakikinig.”

Si Jesus at si Abraham

48 Sinabi ng mga Judio kay Jesus, “Tama nga ang sinabi naming isa kang Samaritano at sinasaniban ng masamang espiritu.” 49 Sumagot si Jesus, “Hindi ako sinasaniban ng masamang espiritu. Pinararangalan ko lang ang aking Ama, ngunit ipinapahiya ninyo ako. 50 Hindi ko hinahangad ang sarili kong karangalan. Ang Ama ang naghahangad na parangalan ako ng mga tao, at siya ang makapagpapasya na tama ang mga sinasabi ko. 51 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sinumang sumusunod sa mga aral ko ay hindi mamamatay.” 52 Sinabi ng mga pinuno ng mga Judio, “Sigurado na kami na sinasaniban ka nga ng demonyo. Si Abraham ay namatay at ganoon din ang mga propeta, pero sinasabi mong hindi mamamatay ang sinumang sumusunod sa aral mo. 53 Mas dakila ka pa ba sa ama naming si Abraham? Kahit siya at ang mga propeta ay namatay! Sino ka ba sa akala mo?” 54 Sumagot si Jesus, “Kung ako lang ang magpaparangal sa sarili ko, wala itong saysay. Ngunit ang Ama, na sinasabi nʼyong Dios ninyo, ang siyang magpaparangal sa akin. 55 Hindi nʼyo siya kilala. Ngunit ako, kilala ko siya. Kung sasabihin kong hindi ko siya kilala, magiging sinungaling akong tulad ninyo. Ngunit kilala ko talaga siya at tinutupad ko ang kanyang salita. 56 Natuwa ang ama ninyong si Abraham nang malaman niyang makikita niya ang aking kapanahunan. Nakita nga niya ito, at natuwa siya.” 57 Sinabi ng mga pinuno ng mga Judio sa kanya, “Wala ka pang 50 taon, paano mo nasabing nakita mo na si Abraham?” 58 Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, bago pa ipanganak si Abraham, nariyan na ako.” 59 Dahil dito, pumulot ng mga bato ang mga tao upang batuhin siya. Pero nakapagtago[d] si Jesus at umalis sa templo.

Footnotes

  1. 8:7 tumayo: o, tumuwid ng upo.
  2. 8:28 itinaas na ninyo: o, itinaas na ninyo sa krus.
  3. 8:41 Hindi kami mga anak sa labas: Ang ibig sabihin, Hindi kami mga anak ni Satanas.
  4. 8:59 nakapagtago: o, itinago.

Samantala, pumunta si Jesus sa Bundok ng mga Olibo. Nang magmadaling-araw, nagpunta uli siya sa templo. Pumunta sa kanya ang lahat ng tao, kaya naupo siya at nagturo sa kanila. Dinala sa kanya ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga Fariseo ang isang babaing nahuli sa pakikiapid, at pinatayo ito sa harapan nila. Sinabi nila sa kanya, “Guro, ang babaing ito ay nahuli habang nakikiapid. (A)Ngayon, inutos ng batas ni Moises na batuhin ang tulad niya. Ano ngayon ang masasabi mo?” Sinabi nila ito para subukin siya, upang sa gayon, mayroon silang gamitin laban sa kanya. Yumuko si Jesus at nagsulat sa lupa sa pamamagitan ng kanyang daliri. (B)At habang nagpapatuloy sila sa pagtatanong sa kanya, tumayo siya at sinabi sa kanila, “Sinuman sa inyo na walang kasalanan, siyang unang bumato sa kanya.” At muli siyang yumuko at nagsulat sa lupa sa pamamagitan ng kanyang daliri. Matapos nilang marinig ito, isa-isa silang nagsialis, simula sa pinakamatanda. Naiwang mag-isa si Jesus kasama ang babaing nakatayo sa harap niya. 10 Tumingala si Jesus at sinabi sa kanya, “Ginang, nasaan sila? Wala bang humusga sa iyo?” 11 At sinabi ng babae, “Wala, Ginoo.” At sinabi ni Jesus, “Hindi rin kita huhusgahan; humayo ka, at huwag nang magkasala.”

12 (C)At muling nagsalita sa kanila si Jesus, “Ako ang ilaw ng sanlibutan; ang sumusunod sa akin kailanma'y hindi mamumuhay sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng buhay.” 13 (D)Kaya sinabi sa kanya ng mga Fariseo, “Nagpapatotoo ka para sa iyong sarili; hindi tunay ang iyong patotoo.” 14 Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Kahit na nagpapatotoo ako para sa aking sarili, ang patotoo ko ay tunay, sapagkat alam ko kung saan ako nanggaling at kung saan ako pupunta, ngunit hindi ninyo alam kung saan ako nanggaling at kung saan ako pupunta. 15 Humuhusga kayo nang naaayon sa laman, ako'y hindi humuhusga kanino man. 16 Ngunit kahit na humusga ako, ang paghuhusga ko ay totoo, sapagkat hindi lang ako mag-isang humuhusga, kundi ako at siya na nagsugo sa akin. 17 (E)Nakasulat sa inyong batas na ang patotoo ng dalawang tao ay totoo. 18 Nagpapatotoo ako sa sarili ko, at ang Ama na nagsugo sa akin ang nagpapatotoo tungkol sa akin.” 19 Dahil dito ay sinabi nila sa kanya, “Nasaan ang iyong Ama?” Sumagot si Jesus, “Hindi ninyo ako nakikilala, maging ang aking Ama; kung kilala ninyo ako, kilala ninyo rin sana ang Ama ko.” 20 Ito ang mga salitang sinabi niya sa may kabang-yaman habang siya ay nagtuturo sa templo. Walang humuli sa kanya dahil ang oras niya ay hindi pa dumarating. 21 Kaya muli'y sinabi niya sa kanila, “Aalis ako, at hahanapin ninyo ako at mamamatay kayo sa inyong kasalanan. Hindi kayo makapupunta sa pupuntahan ko.” 22 Sinabi ng mga Judio, “Papatayin ba niya ang kanyang sarili, dahil sinasabi niyang, ‘Hindi kayo makapupunta sa pupuntahan ko’?” 23 Sinabi niya sa kanila, “Kayo ay mula sa ibaba, ako ay mula sa itaas; kayo ay tagasanlibutang ito, ako ay hindi tagarito. 24 Sinabi ko sa inyo na mamamatay kayo sa inyong mga kasalanan; sapagkat mamamatay kayo sa inyong mga kasalanan malibang maniwala kayo na Ako’y Ako Nga.” 25 Sinabi nila sa kanya, “Sino ka?” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Bakit ba ako nakipag-usap pa sa inyo. 26 Marami pa akong sasabihin at huhusgahan tungkol sa inyo; subalit ang nagsugo sa akin ay totoo, at sinasabi ko sa sanlibutan kung ano ang narinig ko mula sa kanya.” 27 Hindi nila naintindihan na ang tinutukoy niya ay ang Ama. 28 Kaya sinabi ni Jesus, “Kapag itinaas ninyo ang Anak ng Tao, mauunawaan ninyo na ako siya, at wala akong ginagawang mula sa sarili ko, kundi, sinasabi ko ang mga bagay na ito na ayon sa itinuro sa akin ng Ama. 29 At siya na nagsugo sa akin ay kasama ko. Hindi niya ako iniwang mag-isa, sapagkat lagi kong ginagawa ang bagay na nakalulugod sa kanya.” 30 Maraming nanampalataya sa kanya habang sinasabi niya ang mga bagay na ito. 31 Kaya't sinabi ni Jesus sa mga Judio na nanampalataya sa kanya, “Kung mananatili kayo sa aking salita, kayo ay mga tunay kong alagad, 32 at malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.” 33 (F)Sumagot sila sa kanya, “Kami ay mga lahi ni Abraham at kailanma'y hindi naging alipin nino man. Bakit mo sinasabing, ‘magiging malaya kayo’?” 34 Sinagot sila ni Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang sinumang nagkakasala ay alipin ng kasalanan. 35 Ang alipin ay hindi nananatili sa bahay habang buhay; ang anak ay nananatili habang buhay. 36 Kaya nga kung palalayain kayo ng Anak, magiging malaya nga kayong tunay. 37 Alam kong kayo ay mga lahi ni Abraham; pero pinagsisikapan ninyo akong patayin dahil walang lugar ang salita ko sa inyo. 38 Sinasabi ko kung ano ang nakita ko sa aking Ama, at ginagawa naman ninyo kung ano ang narinig ninyo sa inyong ama.” 39 Sumagot sila at sinabi sa kanya, “Ama namin si Abraham.” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung kayo ay mga anak ni Abraham, gagawin ninyo ang ginawa ni Abraham. 40 Subalit ngayon ay gusto ninyo akong patayin, isang taong nagsasabi sa inyo ng katotohanang narinig ko sa Diyos; hindi ito ang ginawa ni Abraham. 41 Ginagawa ninyo ang mga gawa ng inyong ama.” Sinabi nila sa kanya, “Hindi kami ipinanganak sa pakikiapid, mayroon kaming isang Ama, ang Diyos.” 42 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung ang Diyos ang inyong Ama, mamahalin sana ninyo ako dahil ako ay galing sa Diyos at naparito. Hindi ako naparito dahil sa aking sariling kagustuhan, dahil isinugo niya ako. 43 Bakit hindi ninyo maunawaan ang sinasabi ko? Dahil hindi ninyo kayang pakinggan ang salita ko. 44 (G)Kayo ay mula sa inyong amang diyablo, at ang hangarin ninyo ay gawin ang mga gusto ng ama ninyo. Siya ay mamamatay-tao mula pa sa simula, at hindi naninindigan sa katotohanan sapagkat walang katotohanan sa kanya. Kapag siya ay nagsisinungaling, nangungusap siya ayon sa kanyang kalikasan, dahil siya ay sinungaling at ama ng kasinungalingan. 45 Pero dahil nagsasabi ako ng katotohanan, hindi kayo naniniwala sa akin. 46 Sino sa inyo ang makasusumbat sa akin ng kasalanan? Kung nagsasabi ako ng katotohanan, bakit hindi kayo naniniwala sa akin? 47 Ang mula sa Diyos ay nakikinig ng mga salita ng Diyos; ang dahilan kung bakit hindi ninyo pinakikinggan ang mga ito ay dahil hindi kayo nagmula sa Diyos.” 48 Sinagot siya ng mga Judio, “Hindi ba tama kami nang sabihin naming ikaw ay isang Samaritano at sinasaniban ka ng diyablo?” 49 Sumagot si Jesus, “Hindi ako sinasaniban ng diyablo. Pinaparangalan ko ang aking Ama, at sinisira ninyo ang aking karangalan. 50 Subalit hindi ako naghahanap ng karangalan para sa sarili; may isang naghahanap nito at humahatol. 51 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang sinumang tumutupad ng aking salita ay hindi kailanman daranas ng kamatayan.” 52 Sinabi ng mga Judio sa kanya, “Ngayon, alam na naming sinasaniban ka nga ng diyablo. Namatay rin si Abraham gaya ng mga propeta; at sinasabi mo na, ‘Sinumang tumutupad ng salita ko ay hindi kailanman makalalasap ng kamatayan.’ 53 Mas dakila ka pa ba kaysa aming amang si Abraham na namatay? Maging ang mga propeta ay namatay! Sino ka ba sa palagay mo?” 54 Sumagot si Jesus, “Kung niluluwalhati ko ang aking sarili, ang kaluwalhatian ko ay walang saysay. Ang aking Ama ang lumuluwalhati sa akin, siya na sinasabi ninyo na inyong Diyos. 55 Hindi ninyo siya nakikilala, ngunit kilala ko siya. Kung sabihin kong hindi ko siya kilala, magiging sinungaling din ako na tulad ninyo; pero kilala ko siya at tinutupad ko ang salita niya. 56 Ang ama ninyong si Abraham ay nagalak dahil makikita niya ang araw ko. Nakita niya ito at siya ay nagalak.” 57 Sinabi ng mga Judio sa kanya, “Wala ka pang limampung taon, nakita mo na ba si Abraham?” 58 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, wala pa man si Abraham Ako’y Ako na Nga.” 59 Dahil dito pumulot sila ng bato para batuhin siya; subalit nagtago si Jesus, at lumabas ng templo.