Add parallel Print Page Options

Tinanong si Jesus ng Punong Pari(A)

19 Samantala, tinanong ng punong pari si Jesus tungkol sa mga tagasunod niya at sa mga itinuturo niya. 20 Sumagot si Jesus, “Hayagan akong nagsasalita sa mga tao. Lagi akong nangangaral sa mga sambahan at sa templo kung saan nagtitipon-tipon ang lahat ng Judio. Wala akong itinuro nang palihim. 21 Bakit nʼyo ako tinatanong ngayon? Tanungin nʼyo ang mga nakarinig sa akin; alam nila kung ano ang mga sinabi ko.” 22 Nang masabi ito ni Jesus, sinampal siya ng isa sa mga guwardya na malapit sa kanya. Sinabi ng guwardya, “Bakit ganyan ka sumagot sa punong pari?” 23 Sinagot siya ni Jesus, “Kung may masama akong sinabi, patunayan mo. Pero kung totoo ang sinabi ko, bakit mo ako sinampal?”

24 Habang nakagapos pa si Jesus, ipinadala siya ni Anas kay Caifas na punong pari.

Muling Ipinagkaila ni Pedro na Kilala Niya si Jesus(B)

25 Samantala, nakatayo pa rin si Simon Pedro malapit sa siga at nagpapainit. Tinanong siya ng mga naroon, “Hindi baʼt isa ka sa mga tagasunod niya?” “Hindi!” Tanggi ni Pedro. 26 Tinanong din si Pedro ng isa sa mga alipin ng punong pari, na kamag-anak ng pinutulan niya ng tainga, “Hindi baʼt nakita kitang kasama niya roon sa may taniman ng mga olibo?” 27 Muli itong itinanggi ni Pedro, at noon din ay tumilaok ang manok.

Dinala si Jesus kay Pilato

28 Mula kay Caifas, dinala si Jesus sa palasyo ng gobernador. Umaga na noon. Hindi pumasok ang mga Judio sa palasyo dahil ayon sa kautusan nila, ang pumasok sa bahay ng isang hindi Judio ay hindi magiging karapat-dapat kumain ng hapunan sa Pista ng Paglampas ng Anghel. 29 Kaya sa labas sila kinausap ni Pilato at tinanong, “Ano ang paratang nʼyo laban sa taong ito?” 30 Sumagot sila, “Kung hindi po siya kriminal ay hindi namin siya dadalhin sa inyo.” 31 Sinabi ni Pilato sa kanila, “Dalhin nʼyo siya at kayo na ang humatol ayon sa inyong Kautusan.” Sumagot ang mga pinuno ng mga Judio, “Ngunit wala kaming kapangyarihang humatol ng kamatayan.” 32 (Nangyari ang mga ito upang matupad ang sinabi ni Jesus tungkol sa uri ng kamatayang dadanasin niya.) 33 Muling pumasok si Pilato sa palasyo at ipinatawag si Jesus, at tinanong, “Ikaw ba ang hari ng mga Judio?” 34 Sumagot si Jesus, “Sa iyo ba nanggaling ang tanong na iyan o may nagsabi lang sa iyo tungkol sa akin?” 35 Sumagot si Pilato, “Judio ba ako? Dinala ka rito sa akin ng mga kababayan mo at ng mga namamahalang pari. Ano ba ang ginawa mo?” 36 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Ang kaharian ko ay wala rito sa mundo. Kung nandito ang kaharian ko, makikipaglaban sana ang mga tagasunod ko upang hindi ako madakip ng mga Judio. Pero tulad nga ng sinabi ko, ang kaharian ko ay wala rito.” 37 Sinabi ni Pilato, “Kung ganoon, isa kang hari?” Sumagot si Jesus, “Tama ang sinabi mo na isa akong hari. At ang dahilan kung bakit ako ipinanganak at naparito sa mundo ay upang ipahayag ang katotohanan. At ang lahat ng gustong makaalam ng katotohanan ay nakikinig sa akin.” 38 Tinanong siya ni Pilato, “Ano ba ang katotohanan?”

Hinatulan si Jesus ng Kamatayan(C)

Nang masabi ito ni Pilato, lumabas siya at sinabi sa mga Judio, “Wala akong makitang kasalanan sa taong ito. 39 Pero ayon sa kaugalian ninyo, dapat akong magpalaya ng isang bilanggo tuwing Pista ng Paglampas ng Anghel. Kaya gusto ba ninyong palayain ko ang Hari ng mga Judio?” 40 Sumigaw ang mga tao, “Hindi siya. Si Barabas!” (Si Barabas ay isang tulisan.)

Read full chapter

Ang Pagtatanong ng Kataas-taasang Pari kay Jesus(A)

19 Tinanong ng Kataas-taasang Pari si Jesus tungkol sa kanyang mga alagad at tungkol sa kanyang turo. 20 Sumagot si Jesus, “Nagsalita ako nang hayagan sa mundo. Madalas akong nagtuturo sa mga sinagoga at sa templo na pinagtitipunan ang lahat ng Judio. Wala akong inilihim. 21 Bakit ako ang tinatanong mo? Tanungin mo ang mga nakarinig sa aking mga sinabi. Sila ang nakaaalam kung ano ang mga sinabi ko.” 22 Pagkasabi niya nito, sinampal siya ng kawal na nakatayong malapit sa kanya. Sinabi nito, “Ganyan ka ba sumagot sa Kataas-taasang Pari?” 23 Sumagot si Jesus. “Kung may nasabi akong masama, patunayan mo. Ngunit kung totoo ang sinabi ko, bakit mo ako sinampal?” 24 Pagkatapos, nakagapos siyang ipinadala ni Anas kay Caifas na Kataas-taasang Pari.

Ang Muling Pagkakaila ni Pedro kay Jesus(B)

25 Habang nakatayo si Pedro at nagpapainit, siya'y kanilang tinanong, “Hindi ba isa ka rin sa mga alagad ng taong iyon?” Ikinaila niya ito. “Hindi!” sagot ni Pedro. 26 Naroon ang isang lingkod ng Kataas-taasang Pari. Kamag-anak iyon ng lalaking natagpasan ni Pedro ng tainga. Nagtanong iyon, “Hindi ba nakita kitang kasama mo siya sa hardin?”. 27 Muling nagkaila si Pedro. At nang oras ding iyon, tumilaok ang isang tandang.

Si Jesus sa Harap ni Pilato(C)

28 Mula kay Caifas, dinala si Jesus sa punong-himpilan ni Pilato. Madaling araw noon at hindi sila pumasok sa punong-himpilan upang maiwasang maging marumi ayon sa kautusan at hindi maituring na di karapat-dapat kumain ng kordero ng Paskuwa. 29 Lumabas si Pilato at sinabi sa kanila, “Ano'ng paratang ninyo laban sa taong ito?” 30 Sumagot sila, “Kung walang ginagawang masama ang taong ito, hindi na sana namin siya dinala sa inyo.” 31 Sinabi ni Pilato sa kanila, “Kunin ninyo siya at kayo ang humatol sa kanya ayon sa inyong batas.” Sumagot ang mga Judio, “Hindi kami pinapayagan ng batas na hatulan ng kamatayan ang sinuman.” 32 (D)(Ito ay upang matupad ang sinabi ni Jesus nang ipahiwatig niya kung paano siya mamamatay.) 33 Kaya pumasok muli si Pilato sa punong-himpilan. Ipinatawag niya si Jesus at tinanong, “Ikaw ba ang hari ng mga Judio?” 34 Sumagot si Jesus, “Sa iyo ba galing ang tanong na iyan, o may nagsabi lamang sa iyo tungkol sa akin?” 35 Sumagot si Pilato, “Judio ba ako? Ang mga kababayan mo mismo at mga punong pari ang nagdala sa iyo rito. Ano ba ang ginawa mo?” 36 Sumagot si Jesus, “Ang kaharian ko ay hindi mula sa sanlibutang ito. Kung mula sa sanlibutang ito ang kaharian ko, ipaglalaban ako ng mga alagad ko upang hindi ako mapasakamay ng mga pinuno ng mga Judio. Ngunit ang kaharian ko ay hindi mula rito.” 37 Tinanong siya ni Pilato, “Isa kang hari kung gayon?” Sumagot si Jesus, “Ikaw ang nagsasabing ako'y hari. Ito nga ang dahilan kung bakit ako ipinanganak at pumarito sa sanlibutan, upang magpatotoo sa katotohanan. Ang sinumang nasa panig ng katotohanan ay nakikinig sa tinig ko.” 38 Tinanong siya ni Pilato, “Ano ang katotohanan?”

Hatol na Kamatayan kay Jesus

Matapos niyang sabihin ito, muling lumabas si Pilato at sinabi sa mga Judio, “Wala akong makitang anumang dahilan laban sa kanya. 39 Ngunit mayroon kayong kaugalian na magpalaya ako ng isang tao kapag araw ng Paskuwa. Nais ba ninyong palayain ko para sa inyo ang Hari ng mga Judio?” 40 Muli silang sumigaw, “Huwag siya kundi si Barabas!” Si Barabas ay isang tulisan.

Read full chapter