Add parallel Print Page Options

16 “Sinasabi ko na sa inyo ang mga bagay na ito para hindi manghina ang inyong pananampalataya pagdating ng pag-uusig. Hindi na kayo tatanggapin ng mga kapwa nʼyo Judio sa mga sambahan nila. Sa katunayan, darating ang panahon na ang sinumang papatay sa inyo ay mag-aakalang naglilingkod siya sa Dios. Gagawin nila ang mga bagay na ito dahil hindi nila kilala ang Ama o ako. Pero sinasabi ko sa inyo ang mga ito para pagdating ng pag-uusig, maaalala nʼyong sinabi ko na ito sa inyo.

Ang Gawain ng Banal na Espiritu

“Hindi ko sinabi sa inyo ang mga bagay na ito noong una, dahil kasama nʼyo pa ako. Pero ngayon ay babalik na ako sa nagsugo sa akin, at wala ni isa man sa inyo ang nagtatanong kung saan ako pupunta. At ngayong sinabi ko na sa inyo, nalulungkot kayo. Pero ang totoo, para sa ikabubuti nʼyo ang pag-alis ko, dahil hindi paparito sa inyo ang Tagatulong kung hindi ako aalis. Pero kapag umalis na ako, ipapadala ko siya sa inyo. Pagdating niya, ipapakita niya sa mga taong makamundo na makasalanan sila at ako namaʼy matuwid. At ipapakita rin niya na hahatulan sila ng Dios. Ipapakita niya sa mga tao na makasalanan sila dahil hindi sila sumampalataya sa akin. 10 Ipapakita niya na ako ay matuwid dahil pupunta ako sa Ama at hindi nʼyo na makikita. 11 Ipapakita rin niya sa kanila na hahatulan sila ng Dios dahil hinatulan na si Satanas na siyang naghahari sa mga taong makamundo.

12 “Marami pa sana akong sasabihin sa inyo, pero hindi nʼyo pa kayang intindihin sa ngayon. 13 Pero pagdating ng Banal na Espiritu na siyang tagapagturo ng katotohanan, tutulungan niya kayo para maintindihan nʼyo ang lahat ng katotohanan. Ang ituturo niya ay hindi galing sa kanya; sasabihin niya kung ano lang ang narinig niya at ipapahayag din niya sa inyo ang tungkol sa mga bagay na darating. 14 Pararangalan niya ako dahil sa akin manggagaling ang lahat ng ipapahayag niya sa inyo. 15 Ang lahat ng nasa Ama ay nasa akin, kaya sinabi kong sa akin manggagaling ang lahat ng ipapahayag niya sa inyo.

Mapapalitan ng Galak ang Kalungkutan

16 “Sandaling panahon na lang at hindi nʼyo na ako makikita, at pagkatapos ng kaunti pang panahon ay makikita nʼyo akong muli.” 17 Nagtanungan ang ilan sa mga tagasunod niya, “Ano kaya ang ibig niyang sabihin? Bakit niya sinabing sandaling panahon na lang at hindi na natin siya makikita, at pagkatapos ng kaunti pang panahon ay makikita natin siyang muli? Sinabi pa niya na ang dahilan kung bakit hindi na natin siya makikita ay dahil babalik na siya sa kanyang Ama. 18 Ano kaya ang ibig niyang sabihin sa ‘sandaling panahon’? Hindi natin alam kung ano ang ibig niyang sabihin.” 19 Alam ni Jesus na gusto sana nilang magtanong, kaya sinabi niya sa kanila, “Nagtatanungan ba kayo tungkol sa sinabi ko na sandaling panahon na lang at hindi nʼyo na ako makikita, at pagkatapos ng kaunti pang panahon ay makikita nʼyo akong muli? 20 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, iiyak kayoʼt magdadalamhati sa mangyayari sa akin, pero sasaya ang mga taong makamundo. Malulungkot kayo, pero ang kalungkutan ninyo ay mapapalitan ng kagalakan. 21 Katulad ito ng isang babaeng naghihirap dahil malapit nang manganak. Pero pagkasilang ng sanggol, nakakalimutan na niya ang lahat ng hirap dahil sa kagalakan sapagkat naisilang na niya ang sanggol dito sa mundo. 22 Ganyan din kayo. Nalulungkot kayo ngayon, pero magagalak kayo sa araw na magkita tayong muli. At walang sinumang makakaagaw ng inyong kagalakan.

23 “Sa araw na iyon, hindi nʼyo na kailangang humingi sa akin[a] ng kahit ano. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, anumang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan ay ibibigay niya sa inyo. 24 Hanggang ngayon ay wala pa kayong hinihingi sa kanya sa aking pangalan. Humingi kayo at makakatanggap kayo, para malubos ang inyong kagalakan.

Napagtagumpayan ni Jesus ang Kapangyarihan ng Mundo

25 “Sinasabi ko sa inyo ang mga ito sa pamamagitan ng mga talinghaga, pero darating ang panahon na hindi na ako magsasalita sa inyo nang ganito. Sa halip, tuwiran ko nang sasabihin sa inyo ang tungkol sa Ama. 26 Sa araw ding iyon, kayo na mismo ang hihingi sa Ama sa pamamagitan ng aking pangalan. Hindi na kailangang ako pa ang humingi sa Ama para sa inyo. 27 Sapagkat kayo mismo ay minamahal ng Ama, dahil minamahal nʼyo ako at naniniwala kayo na nagmula ako sa Dios. 28 Galing ako sa Ama at naparito ako sa mundo. Pero ngayon ay aalis na ako at babalik na sa Ama.”

29 Sinabi ng mga tagasunod niya, “Ngayon poʼy nagsasalita na kayo sa amin nang malinaw at hindi sa pamamagitan ng talinghaga. 30 Ngayon alam na namin na alam nʼyo ang lahat ng bagay, dahil kahit hindi namin kayo tinatanong, alam nʼyo kung ano ang itatanong namin. Kaya naniniwala kami na galing kayo sa Dios.” 31 Sumagot si Jesus sa kanila, “Kung ganoon, sumasampalataya na ba kayo ngayon sa akin? 32 Pero darating ang oras, at dumating na nga, na magkakawatak-watak kayo at magkakanya-kanya, at iiwan nʼyo akong nag-iisa. Ngunit kahit iwan nʼyo ako, hindi ako nag-iisa dahil kasama ko ang Ama. 33 Sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito para magkaroon kayo ng kapayapaan sa akin.[b] Daranas kayo ng paghihirap dito sa mundo,[c] pero magpakatatag kayo dahil nagtagumpay na ako laban sa kapangyarihan ng mundo.”

Footnotes

  1. 16:23 humingi sa akin: o, magtanong sa akin.
  2. 16:33 sa akin: o, sa pakikipag-isa sa akin; o, sa pagsampalataya sa akin.
  3. 16:33 sa mundo: o, sa kamay ng mga taong makamundo.

16 “Sinabi ko ang mga ito sa inyo upang huwag ninyong talikuran ang inyong pananampalataya. Palalayasin nila kayo sa mga sinagoga. At dumarating na nga ang oras na ang mga papatay sa inyo ay mag-iisip na ginagawa nila ito bilang paglilingkod sa Diyos. At gagawin nila ito sapagkat hindi nila kilala ang Ama o ako man. Subalit sinabi ko ang mga ito sa inyo upang pagdating ng oras ay maalala ninyo ang sinabi ko tungkol sa kanila.

Ang Gawain ng Banal na Espiritu

“Hindi ko sinabi sa inyo ang mga ito noon, sapagkat kasama pa ninyo ako. Ngayon, pupunta na ako sa kanya na nagsugo sa akin, gayunma'y wala sa inyong nagtatanong kung saan ako pupunta? Subalit dahil sinabi ko na sa inyo ang mga ito, napuno na ng kalungkutan ang inyong mga puso. Sinasabi ko sa inyo ang katotohanan, para sa inyong kapakanan na ako’y aalis. Sapagkat kung hindi ako aalis, hindi darating sa inyo ang Kaagapay. At kung ako’y aalis, isusugo ko siya sa inyo. Sa kanyang pagdating, ilalantad niya ang kamalian ng sanlibutan tungkol sa kasalanan at sa katarungan at sa paghatol: tungkol sa kasalanan, dahil hindi sila sumasampalataya sa akin; 10 tungkol sa katarungan, dahil pupunta ako sa Ama at hindi na ninyo ako makikita; 11 tungkol sa paghatol, dahil ang pinuno ng sanlibutang ito ay hinatulan na.

12 “Marami pa akong sasabihin sa inyo, subalit hindi pa ninyo kayang tanggapin ngayon. 13 Kapag dumating siya, ang Espiritu ng katotohanan, gagabayan niya kayo sa lahat ng katotohanan; sapagkat hindi mula sa sarili ang kanyang sasabihin, kundi kung ano ang naririnig niya at ipapahayag niya sa inyo ang mga bagay na darating. 14 Luluwalhatiin niya ako, sapagkat tatanggapin niya kung ano ang mula sa akin at ipapahayag niya ito sa inyo. 15 Lahat ng sa Ama ay sa akin. Ito ang dahilan kung bakit sinabi ko na tatanggapin niya ang mula sa akin at sa inyo'y ipapahayag.

Kagalakan Pagkatapos ng Paghihirap

16 “Sandali na lang at hindi na ninyo ako makikita, at sandali pa, muli ninyo akong makikita.” 17 Kaya ilan sa mga alagad ang nagsabi sa isa’t isa, “Ano kaya'ng ibig sabihin ng sinabi niya sa atin na sandali na lang at hindi na natin siya makikita, at sandali pa, muli natin siyang makikita, at sinabi rin niyang pupunta siya sa Ama?” 18 Sinabi nila, “Anong ibig niyang sabihin sa ‘sandali na lang’? Hindi natin alam kung ano ang sinasabi niya.” 19 Alam ni Jesus na ibig nila siyang tanungin, kaya sinabi niya sa kanila, “Pinag-uusapan ba ninyo kung ano ang ibig kong sabihin na sandali na lang at hindi na ninyo ako makikita, at sandali pa, muli ninyo akong makikita? 20 Tinitiyak ko sa inyo na kayo’y iiyak at tatangis, ngunit ang sanlibutan ay magagalak; maghihirap kayo, subalit ang paghihirap ninyo ay magiging kagalakan. 21 Kapag manganganak ang babae, siya’y naghihirap, sapagkat dumating na ang takdang oras. Ngunit pagkatapos niyang manganak, nalilimutan na niya ang hirap dahil sa kagalakan, na isinilang ang isang sanggol sa sanlibutan. 22 Kaya, kayo'y naghihirap ngayon, ngunit muli ko kayong makikita, at mag-uumapaw sa kagalakan ang inyong mga puso, at walang makaaagaw ng inyong kagalakan. 23 Sa araw na iyon, hindi na kayo hihingi pa sa akin ng anuman. Tinitiyak ko sa inyo, kung hihingi kayo sa Ama ng anuman sa aking pangalan, ibibigay niya sa inyo. 24 Hanggang ngayon hindi pa kayo humihingi ng anuman sa aking pangalan. Humingi kayo at kayo'y tatanggap upang ang inyong kagalakan ay maging ganap.

Madadaig ang Sanlibutan

25 “Sinabi ko ang lahat ng mga ito sa inyo nang patalinghaga. Darating ang panahon na hindi na ako magsasalita sa inyo nang patalinghaga, kundi malinaw kong ipapahayag sa inyo ang tungkol sa Ama. 26 Sa araw na iyon, hihingi kayo sa Ama sa aking pangalan. Hindi ko sinasabi na hihingi ako sa Ama para sa inyo, 27 ang Ama mismo ay nagmamahal sa inyo, sapagkat minahal ninyo ako at naniwala kayo na ako’y mula sa Diyos. 28 Ako’y galing sa Ama at dumating sa sanlibutan. Muli, iiwan ko ang sanlibutan at pupunta ako sa Ama.” 29 Sinabi ng kanyang mga alagad, “Ngayon, tuwiran na po kayong nagsasalita, hindi na patalinghaga. 30 Ngayo'y alam na namin na alam ninyo ang lahat ng bagay. Hindi na kailangang magtanong ang sinuman sa inyo. Dahil dito, naniniwala kaming kayo'y nagmula sa Diyos.” 31 Sumagot si Jesus, “Naniniwala na ba kayo ngayon? 32 Dumarating na ang oras, at ngayon na nga, na kayo’y magkakawatak-watak at magkakanya-kanya, at iiwan ninyo akong nag-iisa. Subalit hindi ako nag-iisa sapagkat kasama ko ang Ama. 33 Sinabi ko ito sa inyo upang sa akin ay magkaroon kayo ng kapayapaan. Sa sanlibutan, haharap kayo sa pag-uusig. Ngunit lakasan ninyo ang inyong loob, nadaig ko na ang sanlibutan.”