Add parallel Print Page Options

Ang Pagkamatay ni Lazaro

11 May(A) isang taong nagngangalang Lazaro na nagkasakit. Nakatira siya sa Bethania kasama ang mga kapatid niyang sina Maria at Martha. Si(B) Maria ang nagbuhos ng pabango sa paa ng Panginoon at pagkatapos ay pinunasan iyon ng kanyang buhok. Dahil may sakit si Lazaro, nagpasabi kay Jesus ang magkapatid, “Panginoon, ang minamahal ninyong kaibigan ay may sakit.”

Nang marinig ito ni Jesus ay sinabi niya, “Hindi niya ikamamatay ang sakit na ito. Nangyari iyon upang maparangalan ang Diyos at sa pamamagitan nito'y maparangalan ang Anak ng Diyos.”

Mahal ni Jesus ang magkakapatid na Martha, Maria at Lazaro. Gayunman, nagpalipas pa siya doon ng dalawang araw mula nang mabalitaang may sakit si Lazaro. Pagkatapos nito, sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Magbalik tayo sa Judea.”

Sumagot ang mga alagad, “Rabi, hindi po ba't kamakailan lamang ay pinagtangkaan kayong batuhin ng mga tao? Bakit pupunta na naman kayo doon?”

Sinabi ni Jesus, “Hindi ba't may labindalawang oras sa maghapon? Hindi matitisod ang lumalakad kung umaga sapagkat nakikita niya ang nagbibigay-liwanag sa daigdig na ito. 10 Subalit natitisod ang lumalakad kung gabi sapagkat wala na siyang liwanag.” 11 Idinugtong pa ni Jesus, “Natutulog ang kaibigan nating si Lazaro. Pupunta ako upang gisingin siya.”

12 “Panginoon, kung natutulog lang po siya ay gagaling siya,” sagot ng mga alagad.

13 Ang ibig sabihin ni Jesus ay patay na si Lazaro, ngunit ang akala ng mga alagad ay talagang natutulog lamang ito. 14 Dahil dito'y tuwirang sinabi ni Jesus, “Patay na si Lazaro; 15 ngunit dahil sa inyo, ako'y nagagalak na wala ako roon, nang sa gayon ay sumampalataya kayo sa akin. Tayo na, puntahan natin siya.”

16 Sinabi ni Tomas, na tinatawag na Kambal, sa kanyang mga kasama, “Sumama tayo sa kanya, nang mamatay tayong kasama niya.”

Si Jesus ang Muling Pagkabuhay at ang Buhay

17 Pagdating ni Jesus, nalaman niyang apat na araw nang nakalibing si Lazaro. 18 May tatlong kilometro lamang ang layo ng Jerusalem sa Bethania, 19 at maraming Judio ang dumalaw kina Martha at Maria upang makiramay sa pagkamatay ng kanilang kapatid.

20 Nang mabalitaan ni Martha na dumarating si Jesus, sinalubong niya ito, ngunit si Maria nama'y naiwan sa bahay. 21 Sinabi ni Martha, “Panginoon, kung narito po kayo, hindi sana namatay ang kapatid ko. 22 Subalit alam kong kahit ngayo'y ipagkakaloob sa inyo ng Diyos ang anumang hingin ninyo sa kanya.”

23 “Muling mabubuhay ang iyong kapatid,” sabi ni Jesus.

24 Sumagot(C) si Martha, “Alam ko pong siya'y mabubuhay muli sa huling araw.”

25 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay. Ang sinumang sumasampalataya sa akin, kahit mamatay ay muling mabubuhay; 26 at sinumang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay kailanman. Naniniwala ka ba sa sinabi ko?”

27 Sumagot siya, “Opo, Panginoon! Naniniwala po akong kayo ang Cristo, ang Anak ng Diyos na inaasahang darating sa sanlibutan.”

Tumangis si Jesus

28 Pagkasabi nito, umuwi si Martha. Tinawag niya si Maria at binulungan, “Naririto na ang Guro at ipinapatawag ka.”

29 Pagkarinig nito'y nagmadaling tumayo si Maria upang salubungin si Jesus. 30 Wala pa si Jesus sa nayon; naroon pa lamang siya sa lugar kung saan siya sinalubong ni Martha. 31 Nang makitang si Maria'y nagmamadaling tumayo at lumabas, sinundan siya ng mga Judiong nakikiramay sa kanila. Akala nila'y pupunta siya sa libingan upang umiyak.

32 Pagdating ni Maria sa kinaroroonan ni Jesus, nagpatirapa siya sa paanan nito at nagsabi, “Panginoon, kung narito po lamang kayo, hindi sana namatay ang aking kapatid.”

33 Nahabag si Jesus at nabagbag ang kanyang kalooban nang makita niyang umiiyak si Maria, pati ang mga Judiong kasama nito. 34 “Saan ninyo siya inilibing?” tanong ni Jesus.

Sumagot sila, “Panginoon, halikayo at tingnan ninyo.”

35 Tumangis si Jesus. 36 Kaya't sinabi ng mga Judio, “Tingnan ninyo, talagang mahal na mahal niya si Lazaro!” 37 Sinabi naman ng ilan, “Napagaling niya ang bulag, bakit hindi niya napigilang mamatay si Lazaro?”

Muling Binuhay si Lazaro

38 Muling nabagbag ang kalooban ni Jesus pagdating sa libingan. Ang pinaglibingan kay Lazaro ay isang yungib na natatakpan ng malaking bato. 39 “Alisin ninyo ang bato,” utos ni Jesus.

Ngunit si Martha na kapatid ng namatay ay sumagot, “Panginoon, nangangamoy na po siya ngayon; apat na araw na siyang patay.”

40 Sinabi ni Jesus, “Hindi ba't sinabi ko sa iyo na kung sasampalataya ka ay makikita mo ang kaluwalhatian ng Diyos?” 41 Kaya't inalis nila ang bato. Tumingala si Jesus sa langit at sinabi, “Ama, nagpapasalamat ako sa iyo sapagkat dininig mo ako, 42 at alam kong lagi mo akong dinirinig. Ngunit sinasabi ko ito dahil sa mga taong naririto, upang maniwala silang ikaw ang nagsugo sa akin.” 43 Pagkasabi nito ay sumigaw siya, “Lazaro, lumabas ka!” 44 Lumabas nga si Lazaro na nababalot ng telang panlibing ang mga kamay at paa; may nakabalot ding tela sa mukha niya. Inutos ni Jesus sa kanila, “Kalagan ninyo siya at nang makalakad siya.”

Ang Balak Laban kay Jesus(D)

45 Marami sa mga Judiong dumalaw kina Maria ang nakakita sa ginawa ni Jesus, at sumampalataya sila sa kanya. 46 Ngunit may ilan sa kanila na pumunta sa mga Pariseo at ibinalita ang ginawa ni Jesus. 47 Kaya't tinipon ng mga punong pari at mga Pariseo ang mga kagawad ng Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio. Kanilang sinabi, “Ano ang gagawin natin? Gumagawa ng maraming himala ang taong ito. 48 Kung siya'y pababayaan nating magpatuloy sa kanyang mga ginagawa, maniniwala sa kanya ang lahat. Paparito ang mga Romano at wawasakin ang ating Templo at ang ating bansa.”

49 Ngunit ang isa sa kanila, si Caifas na siyang Pinakapunong Pari nang taóng iyon, ay nagsabing, “Wala kayong alam! 50 Hindi ba ninyo naiisip na mas mabuti sa inyo na isang tao lamang ang mamatay alang-alang sa bayan, kaysa mapahamak ang buong bansa?” 51 Hindi mula sa kanyang sarili ang sinabi niyang ito. Bilang Pinakapunong Pari nang taóng iyon, nagpahayag siya ng propesiya na dapat mamatay si Jesus alang-alang sa bansa 52 at hindi lamang para sa bansa kundi upang tipunin ang mga anak ng Diyos na nasa iba't ibang dako. 53 Mula noon, pinagplanuhan na nila kung paano maipapapatay si Jesus. 54 Dahil dito, si Jesus ay hindi na hayagang naglakad sa Judea. Sa halip, siya'y nagpunta sa Efraim, isang bayang malapit sa ilang, at doon muna tumigil kasama ng kanyang mga alagad.

55 Nalalapit na ang Pista ng Paskwa. Maraming taga-lalawigan ang pumunta sa Jerusalem bago sumapit ang kapistahan upang isagawa ang seremonya ng paglilinis. 56 Hinanap nila si Jesus, at habang sila'y nag-uusap-usap sa Templo, sila'y nagtanungan, “Ano sa palagay ninyo? Paparito kaya siya sa pista?” 57 Ipinag-utos ng mga punong pari at ng mga Pariseo na ipagbigay-alam sa kanila ng mga tao kapag nalaman nila kung nasaan si Jesus upang ito'y maipadakip nila.

Namatay si Lazaro

11 (A)May isang lalaking may sakit na ang pangalan ay Lazaro na taga-Betania. Kasama niyang naninirahan sa nayon ang mga kapatid na sina Maria at Marta. (B)Si Maria ang nagbuhos ng pabango at nagpunas ng kanyang buhok sa mga paa ng Panginoon; ang kapatid niyang si Lazaro ay may sakit. Kaya ang magkapatid na babae ay nagpadala ng mensahe kay Jesus, “Panginoon, siya na iyong minamahal ay may sakit.” At nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya, “Ang sakit na ito ay hindi mauuwi sa kamatayan, sa halip, ito ay para sa kaluwalhatian ng Diyos, nang sa gayon ay luwalhatiin ang Anak ng Diyos sa pamamagitan nito.” Mahal ni Jesus ang magkakapatid na sina Marta, Maria at Lazaro. Gayunman matapos marinig na si Lazaro ay may sakit, dalawang araw pang nanatili si Jesus sa kanyang tinutuluyan.

Pagkatapos nito'y sinabi ni Jesus sa mga alagad, “Bumalik tayo sa Judea.” Sinabi ng mga alagad sa kanya, “Rabbi, nagtatangka ang mga Judio na batuhin kayo, nais pa ba ninyong bumalik doon?” Sumagot si Jesus, “Hindi ba may labindalawang oras ng liwanag sa isang araw? Ang naglalakad kapag araw ay hindi matitisod sapagkat nakikita niya ang liwanag ng sanlibutang ito. 10 Ngunit ang lumalakad sa gabi ay matitisod, sapagkat ang liwanag ay wala sa kanya.” 11 Matapos niyang sabihin ito'y idinugtong niya, “Ang kaibigan nating si Lazaro ay natutulog, ngunit pupunta ako roon para gisingin siya.” 12 Sinabi ng mga alagad sa kanya, “Panginoon, kung siya ay natutulog, gagaling siya.” 13 Subalit ang tinutukoy ni Jesus ay ang pagkamatay ni Lazaro, ngunit ang akala ng mga alagad ay karaniwang pagtulog lamang. 14 Kaya pagkatapos nito ay tuwirang sinabi ni Jesus sa kanila, “Patay na si Lazaro. 15 Para sa inyong kapakanan, mabuting wala ako roon, upang kayo’y sumampalataya. Gayunman, puntahan natin siya.” 16 Sinabi ni Tomas, na tinatawag na kambal, sa kapwa niya mga alagad, “Pumunta rin tayo upang mamatay na kasama niya.”

Si Jesus ang Muling Pagkabuhay at ang Buhay

17 Nang dumating si Jesus, nadatnan niyang apat na araw nang nakalibing si Lazaro. 18 Malapit ang Betania sa Jerusalem, mga tatlong kilometro[a] ang layo. 19 Maraming Judio ang pumunta kina Marta at Maria para aliwin sila dahil sa kanilang kapatid. 20 Nang marinig ni Marta na paparating si Jesus, sinalubong niya ito, habang si Maria naman ay naiwan sa bahay. 21 Sinabi ni Marta kay Jesus, “Panginoon, kung narito ka lang, hindi po sana namatay ang aking kapatid. 22 Ngunit ngayon, alam kong anumang hilingin mo sa Diyos ay ibibigay niya sa iyo.” 23 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Mabubuhay muli ang iyong kapatid.” 24 (C)Sumagot si Marta, “Alam kong mabubuhay siyang muli sa Pagkabuhay, sa huling araw.” 25 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay. Ang mga sumasampalataya sa akin ay mabubuhay kahit na siya ay mamatay, 26 at sinumang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay kailanman. Naniniwala ka ba rito?” 27 Sinabi niya kay Jesus, “Opo, Panginoon, naniniwala ako na ikaw ang Cristo, ang Anak ng Diyos, na siyang dumarating sa sanlibutan.” 28 Pagkasabi niya nito, bumalik siya kay Maria. Tinawag niya ito at palihim niyang sinabi, “Nandito ang guro at tinatawag ka.” 29 Nang marinig ito ni Maria, nagmadali siyang tumayo at pinuntahan si Jesus. 30 Hindi pa nakararating si Jesus sa nayon, naroon pa lang siya sa lugar na kinasalubungan sa kanya ni Marta. 31 Nakita ng mga Judiong kasama ni Maria sa bahay at umaaliw sa kanya na nagmadali siyang tumayo at umalis. Kaya sinundan nila si Maria sa pag-aakalang pupunta siya sa libingan para tumangis doon. 32 Pagdating ni Maria sa kinaroroonan ni Jesus, lumuhod siya sa paanan nito at nagsabi, “Panginoon, kung narito ka lang, hindi po sana namatay ang aking kapatid.” 33 Nang makita ni Jesus na tumatangis si Maria, maging ang mga Judiong kasama niya, nabagbag ang kanyang kalooban at siya'y nabahala. 34 Nagtanong si Jesus, “Saan ninyo siya inilagay?” Sumagot sila, “Halikayo, Panginoon, at tingnan ninyo.” 35 Tumangis si Jesus. 36 Dahil dito, sinabi ng mga Judio, “Tingnan ninyo kung gaano niya kamahal si Lazaro!” 37 Subalit ilan sa kanila ang nagsabi, “Hindi ba ang taong ito ang nagpagaling sa taong bulag? Bakit hindi niya napigilan ang pagkamatay ni Lazaro?”

Binuhay ni Jesus si Lazaro

38 Muling nabagabag si Jesus nang dumating siya sa libingan. Ito’y isang yungib at may batong nakatakip doon. 39 Sinabi ni Jesus, “Alisin ninyo ang bato.” Sinabi sa kanya ni Marta na kapatid ng namatay, “Panginoon, nangangamoy na siya dahil apat na araw na siyang patay.” 40 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Hindi ba sinabi ko na sa iyo na kung ikaw ay sasampalataya, makikita mo ang kaluwalhatian ng Diyos?” 41 Kaya tinanggal nila ang bato. Tumingala si Jesus at nagsabi, “Ama, salamat dahil dininig mo ako. 42 Alam kong lagi mo akong pinakikinggan, ngunit sinabi ko ito para sa mga taong nakatayo rito, upang sila'y maniwala na isinugo mo ako.” 43 Pagkasabi niya nito, sumigaw siya nang malakas, “Lazaro, lumabas ka!” 44 Lumabas nga si Lazaro na nababalot ng tela ang mga kamay at paa, gayundin ang kanyang mukha. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kalagan ninyo siya, at hayaang makaalis.”

Ang Balak na Pagpatay kay Jesus

45 Kaya’t maraming Judiong sumama kay Maria na nakakita ng ginawa ni Jesus ang sumampalataya sa kanya. 46 Ngunit ilan sa kanila ay nagpunta sa mga Fariseo at nagbalita ng ginawa ni Jesus. 47 Dahil dito, ang mga punong pari at mga Fariseo ay nagpatawag ng pulong. “Ano'ng gagawin natin?” tanong nila. “Maraming himalang ginagawa ang taong ito. 48 Kung pababayaan natin siyang ganito, lahat ay maniniwala sa kanya at darating ang mga Romano para wasakin ang ating templo at ating bansa.” 49 Si Caifas na kabilang sa kanila na siya ring punong pari nang panahong iyon ay nagsabi, “Wala talaga kayong alam! 50 Hindi ninyo naiintindihan na mas mabuti para sa inyo na hayaang mamatay ang isang tao para sa bayan, kaysa hayaang mawasak ang buong bansa.” 51 Hindi niya ito sinabi mula sa kanyang sarili; kundi, bilang isang punong pari nang panahong iyon, nagpropesiya siya na si Jesus ay malapit nang mamatay para sa bansa. 52 At hindi lamang para sa bansa, kundi upang tipunin niya at pag-isahin ang mga nagkawatak-watak na anak ng Diyos. 53 Kaya’t mula sa araw na iyon, nagbalak silang patayin si Jesus. 54 Dahil dito, hindi na naglakad nang hayagan sa Judea si Jesus. Mula roon, nagpunta siya sa isang bayang tinatawag na Efraim, isang bayang malapit sa ilang. Nanatili siya roon kasama ang kanyang mga alagad.

55 Malapit na noon ang pista ng Paskuwa ng mga Judio, at maraming nagpunta sa Jerusalem mula sa kanayunan bago mag-Paskuwa upang maglinis ng mga sarili ayon sa kautusan. 56 Hinahanap nila si Jesus at habang nakatayo sa templo ay nagtatanungan, “Ano sa palagay ninyo? Hindi kaya siya pupunta sa pista?” 57 Nag-utos ang mga punong pari ng mga Judio at ang mga Fariseo na ipagbigay-alam sa kanila ng sinumang nakaaalam kung nasaan si Jesus upang siya'y maipadakip nila.

Footnotes

  1. Juan 11:18 Sa Griyego, 15 stadia.