Add parallel Print Page Options

Tinalo ni Josue si Jabin at ang mga Kasama Nito

11 Nang mabalitaan ni Jabin, hari ng Hazor, ang ganitong mga pangyayari, nagpasabi siya kay Jobab, hari ng Madon, at sa mga hari ng Simron at Acsaf. Pinabalitaan din niya ang mga hari sa kaburulan sa dakong hilaga, sa Kapatagan ng Jordan, sa timog ng lawa ng Cineret at sa kapatagan hanggang sa baybayin ng Dor sa gawing kanluran. Nagpasabi rin siya sa mga Cananeo sa magkabilang panig ng Ilog Jordan, sa mga Amoreo, Heteo at Perezeo. Nagpadala rin siya ng mensahe sa mga Jebuseo na naninirahan sa kaburulan, at sa mga Hivita na naninirahan sa paanan ng Bundok Hermon, sa lupain ng Mizpa. Dumating lahat ang mga haring iyon, kasama ang kanilang mga sandatahang lakas. Halos sindami ng buhangin sa tabing-dagat ang bilang ng kanilang hukbo. Napakarami rin ng kanilang mga kabayo at mga karwaheng pandigma. Nagkaisa ang mga haring iyon na pag-isahin ang kanilang mga pwersa at sama-sama silang nagkampo sa may batisan ng Merom upang salakayin ang Israel.

Ngunit sinabi ni Yahweh kay Josue, “Huwag kang matakot sa kanila. Asahan mo, bukas sa ganito ring oras, lilipulin ko silang lahat para sa Israel. Lalagutan ninyo ng litid upang mapilay ang kanilang mga kabayo at susunugin ang kanilang mga karwahe.” Kaya't sila'y biglang sinalakay ni Josue at ng kanyang mga kawal sa may batis ng Merom. Pinagtagumpay ni Yahweh ang mga Israelita. Hinabol nila ang mga kaaway hanggang sa Dakilang Sidon at sa Misrefot-mayim sa gawing hilaga, at hanggang sa Libis ng Mizpa sa gawing silangan. Nagpatuloy ang labanan hanggang walang natirang buháy sa mga kaaway. Ginawa sa kanila ni Josue ang utos ni Yahweh, pinilayan niya ang mga kabayo at sinunog ang kanilang mga karwahe.

10 Pagkatapos, bumalik si Josue, sinakop ang Hazor at pinatay ang hari roon. Nang panahong iyon, ang Hazor ang kinikilalang pinakamakapangyarihang lunsod sa mga kahariang iyon. 11 Sinunog ng mga Israelita ang lunsod at pinatay ang lahat ng tagaroon—walang itinira ni isa man. 12 Natalo ni Josue ang lahat ng mga haring iyon at sinakop ang kanilang mga lunsod. Pinatay niyang lahat ang mga tao roon, gaya ng iniutos ni Moises na lingkod ni Yahweh. 13 Maliban sa Hazor na sinunog ni Josue, hindi sinunog ng mga Israelita ang mga lunsod na nasa burol. 14 Sinamsam ng mga Israelita ang kanilang mahahalagang kagamitan at mga baka. Ngunit pinatay nila ang mga tao roon at walang itinirang buháy. 15 Ito ang utos na ibinigay ni Yahweh kay Moises, at ibinigay naman ni Moises kay Josue. Tinupad ni Josue ang lahat ng iniutos ni Yahweh kay Moises.

Sinakop ni Josue ang Buong Lupain

16 Sinakop nga ni Josue ang buong lupaing iyon: ang kaburulan at ang mga nasa paanan ng bundok na nasa hilaga at timog, ang buong saklaw ng Goshen, at ang tuyong bahagi sa katimugan nito, pati ang Kapatagan ng Jordan. 17 Buhat sa Bundok Halac paahon sa Seir hanggang sa Baal-gad sa Kapatagan ng Lebanon, sa may paanan ng Bundok Hermon, ay nasakop lahat ni Josue at pinatay ang kanilang mga hari. 18 Matagal ding dinigma ni Josue ang mga bansang ito. 19 Walang nakipagkasundo sa Israel kundi ang mga Hivita na naninirahan sa Gibeon. 20 Ipinahintulot(A) ni Yahweh na mahigpit silang makipaglaban sa mga Israelita, upang walang awa silang lipuling lahat at matupok ang kanilang mga lunsod, ayon sa sinabi ni Yahweh kay Moises.

21 Nang panahon ding iyon, sinalakay ni Josue ang lahi ng mga higante na tinatawag na mga Anaceo sa kaburulan ng Hebron, Debir, Anab, at sa lahat ng kaburulan ng Juda at Israel. Sila'y nilipol niya, 22 kaya't walang natirang Anaceo sa lupain ng Israel. Sa Gaza, sa Gat at sa Asdod lamang may natirang ilan. 23 Sinakop nga ni Josue ang buong lupaing iyon, tulad ng sinabi ni Yahweh kay Moises, at ipinamahagi sa bawat lipi ng Israel, upang paghati-hatian ng lahat ng bumubuo ng bawat lipi.

Pagkatapos nito, namuhay na nang mapayapa ang mga Israelita sa lupaing iyon.

'Josue 11 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Ang Hasor ay nakuha at sinilab.

11 At nangyari nang mabalitaan ni (A)Jabin na hari sa (B)Hasor, na siya'y nagsugo kay Jobab na hari sa Madon, at sa hari sa Simron, at sa hari sa Achsaph,

At sa mga hari na nangasa hilagaan, sa lupaing maburol, at sa Araba sa timugan ng (C)Cinneroth at sa mababang lupain, at sa mga (D)kaitaasan ng Dor sa kalunuran,

Sa Cananeo sa silanganan at sa kalunuran at sa Amorrheo, at sa Hetheo, at sa Pherezeo, at sa (E)Jebuseo sa lupaing maburol, at sa (F)Heveo sa ibaba ng (G)Hermon, sa lupain ng (H)Mizpa.

At sila'y lumabas, sila at ang kanilang mga hukbo na kasama nila, maraming tao, na gaya nga ng mga buhangin na nasa baybayin ng dagat sa karamihan, na may mga kabayo at mga karo na totoong marami.

At ang lahat ng mga haring ito ay nagpipisan; at sila'y naparoon at humantong na magkakasama sa tubig ng Merom, upang makipaglaban sa Israel.

At sinabi ng Panginoon kay Josue, (I)Huwag kang matakot ng dahil sa kanila; sapagka't bukas sa ganitong oras ay ibibigay ko silang lahat na patay sa harap ng Israel: inyong (J)pipilayan ang kanilang mga kabayo, at sisilaban ng apoy ang kanilang mga (K)karo.

Sa gayo'y biglang naparoon si Josue, at ang buong bayang pangdigma na kasama niya, laban sa kanila sa tabi ng tubig ng Merom, at dumaluhong sila sa kanila.

At ibinigay sila ng Panginoon sa kamay ng Israel, at sinaktan nila, at hinabol nila sila hanggang sa malaking Sidon, at hanggang sa Misrephoth-maim, at hanggang sa libis ng Mizpa, sa dakong silanganan; at sinaktan nila sila hanggang sa wala silang iniwan sa kanila nalabi.

At ginawa ni Josue sa kanila ang gaya ng iniutos ng Panginoon sa kaniya; kaniyang pinilayan ang kanilang mga kabayo, at sinilaban ng apoy ang kanilang mga karo.

10 At bumalik si Josue nang panahong yaon at sinakop ang Hasor, at sinugatan ng tabak ang hari niyaon: sapagka't ang Hasor ng una ay pangulo ng lahat ng mga kahariang yaon.

11 At kanilang sinugatan ng talim ng tabak ang lahat na tao na nandoon, na kanilang lubos na nilipol: walang naiwan na may hininga, at kaniyang sinilaban ng apoy ang Hasor.

12 At ang lahat ng mga bayan ng mga haring yaon at ang lahat ng mga hari ng mga yaon ay sinakop ni Josue, at sinugatan niya sila ng talim ng tabak at lubos na nilipol sila; (L)gaya ng iniutos ni Moises na lingkod ng Panginoon.

13 Nguni't tungkol sa mga bayang natatayo sa kanilang mga bunton, ay walang sinunog ang Israel sa mga yaon, liban sa Hasor lamang, na sinunog ni Josue.

14 At ang lahat na samsam sa mga bayang ito at ang mga hayop ay kinuha ng mga anak ni Israel na pinakasamsam para sa kanilang sarili; nguni't ang bawa't tao ay sinugatan nila ng talim ng tabak hanggang sa kanilang nalipol sila, ni hindi nagiwan sila ng anomang may hininga.

15 Kung paanong nagutos (M)ang Panginoon kay Moises na kaniyang lingkod, ay (N)gayon nagutos si Moises kay Josue: (O)at gayon ang ginawa ni Josue; wala siyang iniwang hindi yari sa lahat na iniutos ng Panginoon kay Moises.

16 Sa gayo'y sinakop ni Josue ang buong lupaing yaon, ang (P)lupaing maburol, at ang buong Timugan, at ang buong (Q)lupain ng Gosen, at ang mababang lupain, at ang Araba, at ang lupaing maburol ng Israel, at ang mababang lupain niyaon;

17 Mula sa bundok ng Halac na paahon sa (R)Seir, hanggang sa Baalgad sa libis ng Libano sa ibaba ng (S)bundok Hermon: at kinuha niya ang lahat nilang hari, at sinaktan niya sila at ipinapatay niya sila.

18 Si Josue ay nakipagdigmang malaong panahon sa lahat ng mga haring yaon.

19 Walang bayan na nakipagpayapaan sa mga anak ni Israel, liban (T)ang mga Heveo na mga taga Gabaon: kanilang kinuhang lahat sa pakikipagbaka.

20 Sapagka't (U)inakala nga ng Panginoon na papagmatigasin ang kanilang puso, upang pumaroon laban sa Israel sa pakikipagbaka, upang kanilang malipol silang lubos, na huwag silang magtamo ng biyaya, kundi kaniyang malipol sila, gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

21 At naparoon si Josue nang panahong yaon at (V)nilipol ang mga Anaceo mula sa lupaing maburol, sa (W)Hebron, sa (X)Debir, sa Anab, at sa buong lupaing maburol ng Juda, at sa buong lupaing maburol ng Israel: nilipol silang lubos ni Josue sangpu ng kanilang mga bayan.

22 Walang naiwan sa mga Anaceo sa lupain ng mga anak ni Israel: sa (Y)Gaza, sa (Z)Gath, at (AA)sa Asdod lamang, nagiwan siya ng ilan.

23 Gayon sinakop ni Josue ang buong lupain (AB)ayon sa lahat na sinalita ng Panginoon kay Moises; at ibinigay ni (AC)Josue na pinakamana sa Israel, (AD)ayon sa kanilang pagkakabahagi sangayon sa kanilang mga lipi. (AE)At ang lupain ay nagpahinga sa pakikipagdigma.