Add parallel Print Page Options

Papuri sa Karunungan

28 “May lugar kung saan ang pilak ay mahuhukay,
    at may pook kung saan ang ginto'y dinadalisay.
Nahuhukay ng tao ang bakal mula sa lupa,
at nilulusaw ang tanso mula sa batong nakuha.
Sinasaliksik ng tao ang pinakamalalim na kadiliman,
ginagalugad pati ang kailaliman
upang humukay ng batong yaman.
Humuhukay nang malalim sa ilang at kabundukan
na hindi pa naaabot ng sinumang manlalakbay,
nagmimina sila roon sa gitna ng kalungkutan.
Sa lupa tumutubo ang halamang kinakain,
ngunit parang tinupok ng apoy ang nasa ilalim.
Nasa mga bato ang mga safiro,
nasa alabok naman ang gintong puro.
Ang daang iyo'y di abot-tanaw ng lawin,
kahit mga buwitre'y hindi ito napapansin.
Hindi pa ito nadadaanan ng hayop na mababangis,
hindi pa nagagawi rito ang leong mabagsik.

“Hinuhukay ng mga tao ang batong matitigas,
pati paanan ng mga bundok ay kanilang tinitibag.
10 Sa malalaking bato'y gumagawa sila ng lagusan,
mamahaling hiyas ay kanilang natutuklasan.
11 Pinagmumulan ng ilog ay kanilang tinutunton,
at dinadala sa liwanag anumang nakatago roon.
12 Ngunit(A) saan kaya matatagpuan itong karunungan?
At ang pang-unawa, saan kaya matututunan?

13 “Hindi(B) alam ng tao ang daan tungo sa karunungan;
wala iyon sa lupain ng mga nabubuhay.
14 Ang sabi ng kalaliman, ‘Wala sa akin ang kaalaman.’
Ganito rin ang sinasabi ng buong karagatan.
15 Hindi ito mabibili kahit ginto ang ibayad,
hindi ito makukuha palitan man ng pilak.
16 Ang pinakamahal na ginto at alahas,
sa halaga ng karununga'y hindi maitutumbas.
17 Mahigit pa kaysa ginto ang timbang ng karunungan,
mas mahal kaysa sa alahas o sa gintong kayamanan.
18 Mas mahalaga ang karunungan kaysa magandang koral,
higit itong mamahalin kaysa perlas o sa kristal.
19 Kahit na ang topaz, dito'y di maipapantay,
at hindi rin mahihigitan kahit ng gintong dalisay.

20 “Kung gayo'y saan nga nagmumula ang karunungan?
At ang pang-unawa, saan kaya matututunan?
21 Hindi ito nakikita ng sinumang nilalang,
mga ibong lumilipad, hindi rin ito natatanaw.
22 Kahit ang Pagkawasak at ang Kamatayan
ay nagsasabing ang narinig nila'y mga sabi-sabi lamang.

23 “Ngunit(C) tanging ang Diyos lang ang siyang nakakaalam
kung saan naroroon ang tunay na karunungan.
24 Pagkat nakikita niya ang bawat sulok ng daigdig;
natatanaw niyang lahat ang nasa ilalim ng langit.
25 Ang hangin ay kanyang binigyan ng bigat,
ang karagatan ay itinakda niya ang sukat.
26 Ipinasya niya kung saan papatak ang ulan,
at pati ang kidlat, binigyan niya ng daraanan.
27 Dito(D) niya nakita at sinubok ang karunungan,
kanyang itinatag at binigyang kahalagahan.

28 “At(E) sinabi niya sa tao,
‘Ang pagsunod at paggalang sa Panginoon ay karunungan;
at ang paglayo sa kasamaan ay siyang tunay na kaalaman.’”

Papuri sa Karunungan

28 “Tunay na para sa pilak ay may minahan,
    at sa ginto ay may dakong dalisayan.
Ang bakal ay kinukuha sa lupa,
    at sa tinunaw na mahalagang bato, ang tanso ay nagmumula.
Ang tao'y naglalagay ng wakas sa kadiliman,
    at hinahanap hanggang sa pinakamalayong hangganan
    ang mga bato sa kalungkutan at pusikit na kadiliman.
Sila'y nagbubukas ng lagusan sa libis na malayo sa tinatahanan ng mga tao;
    sila'y nalimutan ng mga manlalakbay,
    sila'y nakabitin na malayo sa mga tao, sila'y umuugoy na paroo't parito.
Tungkol sa lupa, ang tinapay ay dito nanggagaling,
    ngunit waring tinutuklap ng apoy sa ilalim.
Ang mga bato nito'y kinaroroonan ng mga zafiro,
    at ito ay may alabok na ginto.

“Yaong landas na walang ibong mandaragit na nakakaalam,
    at hindi pa nakita maging ng mata ng falkon man.
Ang mga palalong hayop dito'y di pa nakakatuntong
    ni nadaanan man ng mabangis na leon.

“Inilalagay ng tao ang kanyang kamay sa batong kiskisan,
    at binabaligtad sa mga ugat ang mga kabundukan.
10 Sa gitna ng mga bato'y gumagawa siya ng daluyan,
    at nakikita ng kanyang mata ang bawat mahalagang bagay.
11 Kanyang tinatalian ang mga batis upang huwag lumagaslas,
    at ang bagay na nakakubli, sa liwanag ay kanyang inilalabas.

12 “Ngunit saan matatagpuan ang karunungan?
    At saan ang kinaroroonan ng kaunawaan?
13 Hindi nalalaman ng tao ang daan patungo roon,[a]
    at hindi nasusumpungan sa lupain ng mga buháy.
14 Sinasabi ng kalaliman, ‘Wala sa akin,’
    at sinasabi ng dagat, ‘Hindi ko kapiling.’
15 Hindi ito mabibili ng ginto,
    ni matitimbangan man ng pilak bilang halaga nito.
16 Hindi mahahalagahan ng ginto ng Ofir,
    ng mahalagang onix, o ng zafiro.
17 Ginto at salamin dito ay hindi maipapantay,
    ni maipagpapalit man sa mga hiyas na gintong dalisay.
18 Hindi babanggitin ang tungkol sa coral o sa cristal;
    higit kaysa mga perlas ang halaga ng karunungan.
19 Ang topacio ng Etiopia doon ay hindi maipapantay,
    ni mahahalagahan man sa gintong lantay.

20 “Saan nanggagaling kung gayon, ang karunungan?
    At saan ang kinaroroonan ng kaunawaan?
21 Nakakubli ito sa mga mata ng lahat ng nabubuhay,
    at natatago sa mga ibon sa kalangitan.

22 Ang Abadon at Kamatayan ay nagsasabi,
    ‘Narinig ng aming mga tainga ang bulung-bulungan tungkol doon!’

23 “Nauunawaan ng Diyos ang daan patungo roon,
    at nalalaman niya ang kinaroroonan niyon.
24 Sapagkat tumitingin siya hanggang sa mga dulo ng daigdig,
    at nakikita niya ang lahat ng bagay sa silong ng langit.
25 Nang ibinigay niya sa hangin ang kanyang bigat,
    at ipinamahagi ang tubig ayon sa sukat,
26 nang siya'y gumawa ng utos para sa ulan,
    at para sa kidlat ng kulog ay ang kanyang daan;
27 nang magkagayo'y nakita niya ito, at inihayag;
    ito'y kanyang itinatag, at siniyasat.
28 At(A) sa tao ay sinabi niya,
‘Narito, ang takot sa Panginoon ay siyang karunungan;
    at ang paghiwalay sa kasamaan ay kaunawaan.’”

Footnotes

  1. Job 28:13 Sa Hebreo ay ang halaga nito .
'Job 28 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.