Add parallel Print Page Options

Sumagot si Job

16 Sumagot si Job, “Napakinggan ko na iyan noon pa. Sa halip na aliwin ninyo ako, lalo nʼyo pang pinabigat ang paghihirap ko. Hindi na ba kayo titigil sa pagsasalita ng walang kabuluhan? Ano bang gumugulo sa isipan nʼyo at wala kayong tigil sa pakikipagtalo sa akin? Kung kayo ang nasa kalagayan ko, masasabi ko rin ang katulad ng mga sinasabi ninyo sa akin. Pagsasabihan ko kayo at kukutyain pa. Pero hindi ko gagawin iyon. Sa halip, magsasalita ako ng mga salitang makapagpapalakas at makapagpapaaliw sa inyo. Ngunit sa ngayon, patuloy pa rin ang paghihirap ko kahit ano pa ang sabihin ko. At kung tumahimik man ako, hindi rin ito mawawala.

O Dios, pinanghina nʼyo ako at winasak ang buong sambahayan ko. Pinapayat nʼyo ako; butoʼt balat na lang ako, at ayon sa iba ito ang katunayan na akoʼy nagkasala. Sa galit nʼyo, O Dios, sinalakay nʼyo ako. Para kayong mabangis na hayop na lumuray ng aking laman. Nagngangalit ang inyong ngipin at tinititigan nʼyo ako na parang akoʼy inyong kaaway.

10 “Kinukutya ako at pinagtatawanan ng mga tao. Sinasampal para hiyain. Nagkaisa sila laban sa akin. 11 Ipinaubaya ako ng Dios sa kamay ng taong masasama at makasalanan. 12 Maganda ang kalagayan ko noon, pero sinira niya ako. Hinawakan niya ako sa leeg, inilugmok, at ginawa niya akong puntiryahan. 13 Pinalibutan ako ng mga tagapana niya at walang awang pinagpapana. Tinamaan ang aking bato, at ang apdo koʼy bumulwak sa lupa. 14 Paulit-ulit niya akong sinusugatan. Sinasalakay niya akong parang mandirigma. 15 Nagdamit ako ng sako at naupo sa lupa para magluksa. 16 Namumula na ang mukha ko at namumugto na ang mga mata sa kakaiyak. 17 Wala akong nagawang kasalanan at tapat ang aking panalangin.

18 “Ang katulad koʼy isang taong pinatay na nakikiusap sa lupa na huwag tatabunan ang kanyang dugo hanggaʼt hindi niya nakakamtan ang katarungan. 19 Kahit ngayon ang saksi[a] koʼy nasa langit. Siya ang magpapatunay na wala akong kasalanan. 20 Hinahamak ako ng mga kaibigan ko; pero umiiyak ako sa Dios at humihingi ng tulong sa kanya. 21 Ang saksi ko ang siyang magmamakaawa sa Dios para sa akin, katulad ng taong nakikiusap para sa kanyang kaibigan. 22 Sapagkat malapit na akong pumanaw at hindi na babalik pa.

Footnotes

  1. 16:19 saksi: Maaaring isa sa makalangit na nilalang.
'Job 16 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Ang ikalimang pagsasalita ni Job. Kaniyang kinamuhian ang kaniyang mga kaibigan. Ang pagtutol sa pagpapalagay ng Dios.

16 Nang magkagayo'y sumagot si Job, at nagsabi,

Ako'y nakarinig ng maraming (A)ganyang bagay:
Maralitang mga mangaaliw kayong lahat.
Magkakawakas ba ang mga walang kabuluhang salita?
O anong naguudyok sa iyo, na ikaw ay sumagot?
Ako nama'y makapangungusap na gaya ng inyong ginagawa;
Kung ang inyong kaluluwa ay nasa kalagayan ng aking kaluluwa,
Ako'y makapagdudugtongdugtong ng salita laban sa inyo,
At maigagalaw ang aking ulo sa inyo.
Nguni't aking palalakasin kayo ng aking bibig,
At ang pagaliw ng aking mga labi ay magpapalikat ng inyong hirap,
Bagaman ako'y nagsasalita, ang aking hirap ay hindi naglilikat:
At bagaman ako'y tumatahimik, anong ikinalalayo sa akin?
Nguni't ngayo'y niyamot niya ako:
Nilansag mo ang (B)aking buong pulutong.
At ako'y pinagdalamhati mo, na siyang saksi laban sa akin;
At ang (C)aking kapayatan ay bumabangon laban sa akin,
nagpapatotoo sa aking mukha.
Niluray niya ako sa kaniyang kapootan, at inusig ako;
(D)Pinagngangalitan niya ako ng kaniyang mga ngipin:
(E)Pinangdidilatan ako ng mga mata ng aking kaaway.
10 (F)Kanilang pinagbubukahan ako ng kanilang bibig:
(G)Kanilang sinampal ako sa mukha na kahiyahiya:
Sila'y nagpipisan laban sa akin.
11 Ibinibigay ako ng Dios sa di banal,
At inihahagis niya ako sa mga kamay ng masama.
12 Ako'y nasa kaginhawahan at kaniyang niligalig akong mainam;
Oo, sinunggaban niya ako sa leeg, at pinagwaraywaray niya ako:
Inilagay naman niya akong (H)pinakatanda niya.
13 Kinubkob ako sa palibot ng kaniyang mga (I)mamamana,
Kaniyang sinaksak ang aking mga bato, at hindi nagpapatawad;
Kaniyang (J)ibinubuhos ang aking apdo sa lupa.
14 Kaniyang binubugbog ako ng (K)bugbog at bugbog;
Siya'y gaya ng isang higanti na dinadaluhong niya ako.
15 Ako'y nanahi ng kayong magaspang sa aking katawan,
At aking inilugmok ang aking kapalaluan sa alabok.
16 Ang aking mukha ay namamaga sa pagiyak,
At nasa aking mga pilik-mata ang anino ng kamatayan;
17 Bagaman walang karahasan sa aking mga kamay,
At ang aking dalangin ay malinis,
18 Oh lupa, (L)huwag mong tabunan ang aking dugo,
At huwag magkaroon ng pahingahang dako (M)ang aking daing.
19 Kahit na ngayon, narito, ang aking saksi ay nasa langit,
At siyang nananagot sa akin ay nasa kaitaasan.
20 Ginagalit ako ng aking mga kaibigan:
Nguni't ang aking mata ay nagbubuhos ng mga luha sa Dios;
21 Upang kaniyang alalayan ang katuwiran ng tao sa Dios;
At ang anak ng tao sa kaniyang kapuwa.
22 Sapagka't pagsapit ng ilang taon,
Ako'y papanaw sa daan na hindi ko pagbabalikan.