Add parallel Print Page Options

Ang Ikatlong Sagutan(A)

22 Ang sagot ni Elifaz na taga-Teman:
“Ang(B) tao ba'y may maitutulong sa Diyos na Manlilikha,
    kahit na siya'y marunong o kaya ay dakila?
May pakinabang ba ang Makapangyarihang Diyos kung ikaw ay matuwid,
    may mapapala ba siya kung ikaw man ay malinis?
Dahil ba sa takot mo sa kanya, kaya ka niya sinasaway,
    pinagsasabihan at dinadala sa hukuman?
Hindi! Ito'y dahil sa napakalaki ng iyong kasalanan,
    at sa mga ginagawa mong mga kasamaan.
Mga kapatid mo'y iyong pinaghuhubad,
    upang sa utang nila sa iyo sila'y makabayad.
Ang mga nauuhaw ay hindi mo pinainom;
    hindi mo pinakain ang mga nagugutom.
Lakas mo ang ginagamit kaya lupa'y nakakamkam,
    at ibinibigay ito sa iyong kinalulugdan.
Hindi mo na nga tinulungan ang mga biyuda,
    inaapi mo pa ang mga ulila.
10 Kaya napapaligiran ka ngayon ng mga bitag,
    at bigla kang binalot ng mga sindak.
11 Paligid mo'y nagdidilim kaya di ka makakita,
    maging tubig nitong baha ay natatabunan ka.

12 “Di ba't ang Diyos ay nasa mataas na kalangitan,
    at ang mga bituin sa itaas ay kanyang tinutunghayan?
13 Ngunit ang sabi mo, ‘Ang Diyos ay walang nalalaman,
    at hindi tayo mahahatulan, pagkat sa ulap siya'y natatakpan.’
14 Akala mo'y dahil sa ulap ay di na siya makakakita,
    at sa ibabaw ng himpapawid, ay palakad-lakad lang siya.

15 “Talaga bang nais mong lakaran ang dating daan,
    landas na tinahak ng mga nasanay sa kasamaan?
16 Kahit wala pa sa panahon sila'y tinatangay na ng baha,
    sapagkat ang kanilang pundasyon ay lubos na nagiba.
17 Sinabi nila sa Diyos na sila'y kanyang layuan,
    at wala naman daw magagawa sa kanila ang Diyos na Makapangyarihan.
18 Sa kabila nito, sila pa rin ay pinagpala;
    di ko talaga maunawaan ang pag-iisip ng masama.
19 Natutuwa ang matuwid, ang mabuti'y nagagalak
    kapag nakita nilang ang masama'y napapahamak.
20 Sabi nila, ‘Ang mga kaaway nati'y nalugmok,
    at ang mga ari-arian nila ay natupok.’

21 “Sumang-ayon ka sa Diyos, makipagkasundo ka sa kanya,
    ang buhay mo'y gaganda at magiging maginhawa.
22 Makinig ka sa kanyang itinuturo,
    mga sinasabi niya'y itanim mo sa iyong puso.
23 Manumbalik ka sa Makapangyarihan, ikaw ay magpakumbaba,
    at alisin mo sa iyong tahanan lahat ng gawaing masama.
24 Ang lahat mong kayamanan ay itapon mo sa alabok,
    at ang mamahaling ginto ay ihagis mo na sa ilog.
25 Ang Diyos na Makapangyarihan ang ituring mong yaman,
    na siyang ginto't pilak na iyong papahalagahan.
26 Sa Makapangyarihang Diyos ka palaging magtiwala,
    at ang Maykapal ang pagkukunan mo ng tuwa.
27 Papakinggan niya ang iyong panalangin,
    kaya't ang mga panata mo ay iyong tuparin.
28 Lagi kang magtatagumpay sa iyong mga balak,
    at ang landas mo ay magliliwanag.
29 Ang mga palalo'y ibinabagsak nga ng Diyos,
    ngunit inililigtas ang mapagpakumbabang-loob.
30 Ililigtas ka niya kung wala kang kasalanan,
    at kung ang ginagawa mo ay nasa katuwiran.”

'Job 22 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Ang ikatlong pagsasalita ni Eliphaz. Pinaalalahanan niya si Job na huwag tumutol sa Panginoon, kundi bumalik sa Kaniya.

22 Nang magkagayo'y sumagot si Eliphaz na Temanita, at nagsabi,

(A)Mapapakinabangan ba ang tao ng Dios?
Tunay na siyang pantas ay nakikinabang sa kaniyang sarili.
May kasayahan ba sa Makapangyarihan sa lahat na ikaw ay matuwid?
O may pakinabang ba sa kaniya na iyong pinasasakdal ang iyong mga lakad?
Dahil ba sa iyong takot sa kaniya na kaniyang sinasaway ka,
Na siya'y pumasok sa iyo sa kahatulan?
Hindi ba malaki ang iyong kasamaan?
Ni wala mang anomang wakas sa iyong mga kasamaan.
Sapagka't ikaw ay (B)kumuha ng sangla ng iyong kapatid sa wala,
At iyong hinubdan ng kanilang suot ang hubad.
Ikaw ay hindi nagbigay ng tubig sa pagod upang uminom,
At (C)ikaw ay nagkait ng tinapay sa gutom.
Nguni't tungkol sa makapangyarihang tao, siya'y nagtatangkilik ng lupa;
At ang marangal na tao, ay tumatahan doon.
(D)Iyong pinayaong walang dala ang mga babaing bao,
At ang mga kamay ng ulila ay nangabali.
10 Kaya't ang (E)mga silo ay nangasa palibot mo,
At biglang takot ay bumabagabag sa iyo,
11 O kadiliman, upang huwag kang makakita.
(F)At kasaganaan ng tubig ay tumatabon sa iyo.
12 Hindi ba ang Dios ay nasa kaitaasan ng langit?
At, narito, ang kataasan ng mga bituin, pagkataastaas nila!
13 At iyong sinasabi, (G)Anong nalalaman ng Dios?
Makahahatol ba siya sa salisalimuot na kadiliman?
14 Masinsing alapaap ang tumatakip sa kaniya, na siya'y hindi nakakakita;
At siya'y lumalakad sa (H)balantok ng langit.
15 Iyo bang pagpapatuluyan ang dating daan,
Na nilakaran ng mga masamang tao?
16 (I)Na siyang mga naalis bago dumating ang kanilang kapanahunan.
Na ang patibayan ay nahuhong parang agos:
17 Na nagsabi sa Dios: Lumayo ka sa amin;
At, Anong magagawa sa amin ng Makapangyarihan sa lahat?
18 Gayon ma'y pinuno niya ang kanilang mga bahay ng mga mabuting bagay;
(J)Nguni't ang payo ng masama ay malayo sa akin.
19 (K)Nakikita ng mga matuwid at nangatutuwa;
At tinatawanang mainam ng walang sala:
20 Na nagsasabi, Walang pagsalang silang nagsisibangon laban sa atin ay nahiwalay,
At ang nalabi sa kanila ay sinupok ng apoy.
21 Makipagkilala ka sa kaniya, at ikaw ay mapayapa:
Anopa't ang mabuti ay darating sa iyo.
22 Iyong tanggapin, isinasamo ko sa iyo, ang kautusan mula sa kaniyang bibig,
At ilagak mo ang kaniyang mga salita sa iyong puso.
23 Kung ikaw ay bumalik sa Makapangyarihan sa lahat, ay matatayo ka;
Kung iyong ilayo ang kalikuan sa iyong mga tolda.
24 At ilagay mo ang iyong kayamanan sa alabok,
At ang ginto ng Ophir sa gitna ng mga bato ng mga batis:
25 At ang Makapangyarihan sa lahat ay magiging iyong kayamanan,
At mahalagang pilak sa iyo.
26 Sapagka't ikaw ay (L)magagalak nga ng iyong sarili sa Makapangyarihan sa lahat,
At iyong itataas ang iyong mukha sa Dios.
27 (M)Ikaw ay dadalangin sa kaniya, at kaniyang didinggin ka:
At iyong babayaran ang iyong mga panata.
28 Ikaw nama'y magpapasiya ng isang bagay, at ito'y matatatag sa iyo;
At liwanag ay sisilang sa iyong mga daan.
29 Pagka inilulugmok ka nila, ay iyong sasabihin: Magpakataas;
At ililigtas niya (N)ang mapagpakumbabang tao.
30 Kaniyang ililigtas, pati ng hindi banal:
Oo, siya'y maliligtas sa kalinisan ng iyong mga kamay.