Add parallel Print Page Options

Karagdagang Parusa sa Babilonia

51 Sinabi ni Yahweh, “Makinig kayo, magpapadala ako ng isang tagapagwasak ng Babilonia at ng mga hukbo nito. Magsusugo ako sa Babilonia ng mga dayuhang wawasak dito na tulad sa malakas na hanging tumatangay sa ipa. Sa araw na iyon ng kanyang kapahamakan, iiwan nilang walang laman ang lupain paglusob nila mula sa lahat ng panig. Huwag ninyong hayaang mahatak ng mamamana ang kanyang busog, o maisuot ang kanyang kasuotang pandigma. Huwag ninyong paliligtasin ang sinuman sa mga binata; lipulin ninyo ang lahat ng kawal. Bayaan ninyong mahandusay sila sa lansangan ng Babilonia; patay at mga sugatan sa gitna ng lansangan. Sapagkat ang Israel at ang Juda ay hindi pinabayaan ng kanilang Diyos na si Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat; subalit ang lupain nila ay punô ng kasalanan laban sa Banal na Diyos ng Israel. Takasan ninyo ang Babilonia, iligtas ninyo ang inyong sarili, kung hindi'y makakasama kayo sa pagpaparusa sa kanyang kasalanan; sapagkat ito'y panahon ng paghihiganti ni Yahweh, at ipalalasap sa kanya ang ganap niyang kaparusahan. Ang(A) Babilonia ay isang gintong kopa sa kamay ni Yahweh, upang lasingin ang buong sanlibutan. Ininom ng mga bansa ang kanyang alak, kaya sila'y nalasing. Bigla ang pagbagsak at pagkasira ng Babilonia. Iyakan ninyo siya. Kumuha kayo ng panlunas para sa kanyang sugat; baka siya'y gumaling pa. Gagamutin(B) sana namin ang Babilonia, ngunit huli na ang lahat. Iwan na natin siya at magsiuwian na tayo sa ating mga bayan; sapagkat abot na hanggang langit ang kanyang kapahamakan.”

10 Tayo'y pinawalang-sala ni Yahweh; halikayo, ipahayag natin sa Zion ang ginawa ng ating Diyos.

11 Ihasa ang mga pana, ihanda ang mga kalasag.

Ginising ni Yahweh ang damdamin ng mga hari ng Media sapagkat balak niyang wasakin ang Babilonia, bilang paghihiganti ni Yahweh dahil sa pagwasak sa kanyang Templo. 12 Itaas ninyo ang watawat laban sa mga kuta ng Babilonia. Higpitan ninyo ang pagbabantay; magtakda kayo ng mga bantay. Humanda kayong sumalakay, sapagkat binalak at ginawa ni Yahweh ang sinabi niya tungkol sa Babilonia. 13 Kayong(C) naninirahan sa tabi ng maraming ilog, na sagana sa kayamanan, dumating na ang inyong wakas; tiyak na ang inyong kasasapitan. 14 Si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ay sumumpa; ang sabi niya: “Ang Babilonia ay ipasasalakay ko sa makapal na tao tulad ng mga umaatakeng balang; at isisigaw nila ang tagumpay laban sa iyo.”

Awit ng Pagpupuri

15 Ang Diyos ang lumikha ng sanlibutan sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
    Inayos niya ang daigdig ayon sa kanyang karunungan;
    iniladlad niya ang mga langit ayon sa kanyang kaunawaan.
16 Sa dagundong ng kanyang tinig, umuugong ang tubig sa kalangitan;
    pinaiilanlang niya ang mga hamog mula sa mga sulok ng sanlibutan.
Pinakikislap niya ang mga kidlat sa gitna ng ulan,
    at pinalalabas niya sa taguan ang mga hangin.
17 Sa ganitong kalagayan ay magiging mangmang at walang kaalaman ang lahat ng tao.
    Bawat panday ay inilalagay sa kahihiyan ng nililok niyang diyus-diyosan;
    sapagkat hindi tunay na diyos at walang buhay ang kanyang ginawa.
18 Walang kabuluhan ang mga iyon, at dapat sumpain
    malilipol sila pagdating ng araw ng pagpaparusa sa kanila.
19 Ang Diyos ni Jacob ay hindi gaya ng mga ito;
    sapagkat siya ang lumikha ng lahat,
    at ang Israel ang hinirang niya;
    Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ang pangalan niya.

Ang Martilyo ni Yahweh

20 Ikaw ang aking martilyo at sandatang pandigma;
sa pamamagitan mo'y dudurugin ko ang mga bansa;
    sa pamamagitan mo'y ibabagsak ko ang mga kaharian.
21 Sa pamamagitan mo'y aking wawasakin ang mga hukbong nakakabayo,
    at ang mga hukbong nakakarwahe,
22     ang lalaki at ang babae,
    ang bata at ang matanda,
    ang binata at ang dalaga,
23     ang pastol at ang kawan,
    ang magsasaka at ang katulong na mga baka,
    ang mga tagapamahala at ang mga kinatawan.

Ang Parusa sa Babilonia

24 “Paparusahan ko sa harap ninyo ang Babilonia at ang mga mamamayan nito dahil sa mga kasamaang ginawa niya sa Zion,” sabi ni Yahweh. 25 “Ako'y galit sa iyo, ikaw na mapangwasak na bundok. Winasak mo ang buong sanlibutan. Paparusahan kita. Gugulong kang pababa mula sa kabatuhan, at gagawin kitang bundok na tinupok. 26 Walang batong makukuha sa iyo upang gawing panulok, o kaya'y pundasyon. Sa halip, mananatili kang wasak habang panahon. 27 Itaas ninyo sa lupain ang isang bandila, iparinig ninyo sa mga bansa ang pag-ihip ng trumpeta. Pahandain ang mga bansa para digmain siya; tawagin ang mga kahariang laban sa kanya—ang Ararat, ang Mini at ang Askenaz. Pumili kayo ng pinuno laban sa kanya, magpadala kayo ng mga kabayo na kasindami ng mga uod na nagiging balang. 28 Humanda sa paglaban sa kanya ang mga bansa, ang mga hari sa Medo, kasama ang kanilang mga pinuno't kinatawan, at ang bawat lupaing nasasakupan nila. 29 Nanginginig at namimilipit sa sakit ang lupain, sapagkat hindi nagbabago ang pasya ni Yahweh laban sa Babilonia. Sisirain niya ang lupaing ito; wala nang maninirahan dito. 30 Tumigil na sa pakikipaglaban ang mga mandirigma ng Babilonia, at nanatili sa kanilang kuta. Sila'y pinanghinaan na ng loob na parang mga babae. Sinunog na ang kanilang mga tahanan, nawasak na ang kanilang mga pintuan. 31 Nagkakasalubong sa pagtakbo ang mga inutusan. Sinasalubong ng isang sugo ang kanyang kapwa sugo. Sasabihin nila sa hari ng Babilonia na nasakop na ang lahat ng panig ng kanyang lunsod. 32 Naagaw ang mga tawiran. Sinunog ang mga kuta. Sindak na sindak ang mga kawal. 33 Ang Babilonia ay parang giikang niyayapakan. Sandali na lamang at darating na ang panahon ng pag-ani sa kanya.”

34 Ang Jerusalem ay kinatay at nilamon ng Babilonia. Ginawa niya itong parang sisidlang walang laman. Para siyang dambuhala at ako'y nilulon. Kinuha ang magustuhan at itinapon ang iba. 35 Sabihin ninyong mga taga-Zion, “Mangyari sa Babilonia ang karahasang ginawa niya sa amin.” Sabihin naman ninyong mga taga-Jerusalem, “Pananagutan niya ang paghihirap na tiniis namin.”

Tutulungan ni Yahweh ang Israel

36 Kaya sinabi ni Yahweh sa Jerusalem, “Ipagtatanggol kita at ipaghihiganti. Tutuyuin ko ang kanyang dagat at bukal. 37 Wawasakin ko ang Babilonia. Ito'y gagawing tirahan na lang ng mga asong-gubat, magiging isang katatakutan at tampulan ng paghamak. Wala na ring maninirahan doon. 38 Sila'y uungal na parang mga leon. 39 At dahil sila'y mga ganid, ipaghahanda ko sila ng isang handaan, at lalasingin ko, hanggang mawalan sila ng malay; mahimbing sa pagtulog habang panahon, at hindi na magising.” 40 Dadalhin ko silang gaya ng mga tupang patungo sa katayan, at gaya rin ng mga lalaking tupa at barakong kambing.

Ang Pagkawasak ng Babilonia

41 “Nasakop ang Babilonia, naagaw ang lupaing hinahangaan ng buong sanlibutan. Nakakapangilabot tingnan ang kinasapitan niya! 42 Tumaas ang tubig ng dagat at natabunan ng nagngangalit na alon ang Babilonia. 43 Kinatakutan ang kanyang mga lunsod. Natuyo ang kanyang lupain na parang disyerto; ayaw panirahan, o daanan man ng sinumang tao. 44 Paparusahan ko si Bel, ang diyos ng Babilonia, at dudukutin sa kanyang bibig ang mga nalulon niya. Hindi na siya pupuntahan ng mga bansa. Bumagsak na ang pader ng Babilonia. 45 Bayan ko, lisanin ninyo siya! Iligtas ng bawat isa ang kanyang sarili mula sa matinding galit ni Yahweh! 46 Huwag manghina ang inyong loob, at huwag kayong matakot sa balitang kumakalat sa lupain; may mapapabalita sa loob ng isang taon, iba't iba bawat taon. Balita tungkol sa karahasan o mga pinuno laban sa pinuno. 47 Kaya darating ang panahon na paparusahan ko ang mga diyus-diyosan ng Babilonia. Mapapahiya ang buong lupaing ito, at mapapatay ang lahat ng mamamayan niya. 48 Kung(D) magkagayon, ang langit at ang lupa at lahat ng naroroon ay aawit sa kagalakan dahil sa Babilonia; sapagkat sasalakayin siya ng mga tagawasak mula sa hilaga,” sabi ni Yahweh. 49 “Dapat(E) ibagsak ang Babilonia bilang kapalit ng mga napatay sa Israel; sapagkat ang Babilonia ang dahilan ng mga napatay sa buong sanlibutan.”

Ang Mensahe ng Diyos para sa mga Israelita sa Babilonia

Sinabi ni Yahweh sa mga Israelita na bihag sa Babilonia, 50 “Kayong nakaligtas sa kamatayan, magpatuloy kayo at huwag kayong titigil! Alalahanin ninyo si Yahweh kung kayo'y nasa malayong lugar na, gayundin ang Jerusalem. 51 Kami'y napahiya dahil nakarinig kami ng paghamak. Nalagay kami sa kahiya-hiyang katayuan sapagkat dumating ang mga dayuhan at pumasok sa banal na dako sa bahay ni Yahweh. 52 Makikita ninyo, darating ang panahong paparusahan ko ang kanyang mga diyus-diyosan; maririnig ang daing ng mga sugatan sa buong lupain. 53 Kahit na maabot ng Babilonia ang langit, kahit tibayan niya ang kanyang kuta, darating pa rin ang wawasak sa kanya.”

Iba pang Kapahamakang Sinapit ng Babilonia

54 Sinabi pa ni Yahweh,
“Pakinggan ninyo ang iyakan mula sa Babilonia,
    ang panaghoy dahil sa kanyang pagkawasak.
55 Sapagkat ginigiba ni Yahweh ang Babilonia,
    at pinatatahimik ang kanyang malakas na sigaw.
Ang kanyang mga alon ay parang ugong ng malakas na tubig,
    matining ang alingawngaw ng kanilang tinig.
56 Sumalakay na sa Babilonia ang tagawasak.
    Binihag ang kanyang mga mandirigma.
    Pinagbabali ang kanilang mga pana
sapagkat si Yahweh ay Diyos na gumaganti,
    magbabayad siya nang buo.
57 Lalasingin ko ang kanyang mga pinuno at mga matatalino,
    ang kanyang mga tagapamahala, tagapag-utos at mandirigma.
Mahihimbing sila habang panahon at hindi na magigising.”
    Ito ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.
58 Sinabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat:
“Ang malawak na pader ng Babilonia ay mawawasak
    at masusunog ang matataas niyang pintuang-bayan.
Nagpapakahirap sa walang kabuluhan ang mga tao.
    Pinapagod nila ang kanilang sarili para mauwi lamang sa apoy.”

Ang Mensahe ni Jeremias para sa Babilonia

59 Ito naman ang iniutos ng Propeta Jeremias sa punong eunuko na si Seraias, ang anak ni Nerias at apo ni Maasias, nang siya'y magpunta sa Babilonia, kasama ni Haring Zedekias ng Juda, noong ikaapat na taon ng paghahari nito. 60 Itinala ni Jeremias sa isang kasulatan ang lahat ng kapahamakang darating sa Babilonia, at lahat ng bagay na nasulat tungkol dito. 61 Ang sabi ni Jeremias kay Seraias: “Basahin mong lahat ang nakasulat dito pagdating mo sa Babilonia. 62 Pagkatapos ay sabihin mo, ‘Yahweh, sinabi mong ang lupaing ito'y iyong wawasakin. Wala nang maninirahan dito, maging tao o hayop, at mananatili itong wasak habang panahon.’ 63 Pagkabasa(F) mo sa kasulatang ito, itali mo sa isang bato at ihagis sa gitna ng Ilog Eufrates, 64 sabay ang pagsasabing, ‘Gayon lulubog ang Babilonia, at hindi na lilitaw, dahil sa parusang ipadadala ko sa kanya.’” Hanggang dito ang mga pahayag na natipon ni Jeremias.

Ang hatol ng Panginoon sa Babilonia.

51 Ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, ako'y magbabangon laban sa Babilonia, at laban sa nagsisitahan sa Lebcamai, ng manggigibang (A)hangin.

At ako'y magsusugo sa Babilonia (B)ng mga taga ibang lupa na papalisin siya; at kanilang wawalaan ang kaniyang lupain: sapagka't sa kaarawan ng kabagabagan ay magiging laban sila sa kaniya sa palibot.

Laban sa kaniya na umaakma ay iakma ng mangbubusog ang kaniyang busog, at sa kaniya na nagmamataas sa kaniyang (C)sapyaw: at huwag ninyong patawarin ang kaniyang mga binata; inyong lipuling lubos ang buo niyang hukbo.

At sila'y mangabubuwal na patay sa lupain ng mga Caldeo, at napalagpasan sa kaniyang mga lansangan.

Sapagka't ang (D)Israel ay hindi pinababayaan, o ang Juda man, ng kaniyang Dios, ng Panginoon ng mga hukbo; bagaman ang kanilang lupain ay puno ng sala laban sa Banal ng Israel.

Tumakas ka na (E)mula sa gitna ng Babilonia, at iligtas ng bawa't tao ang kaniyang buhay; huwag kayong mangahiwalay ng dahil sa kaniyang kasamaan: sapagka't (F)panahon ng panghihiganti ng Panginoon; (G)siya'y maglalapat sa kaniya ng kagantihan.

Ang Babilonia ay naging gintong (H)tasa sa kamay ng Panginoon, na lumango sa buong lupa: ang mga bansa ay nagsiinom (I)ng kaniyang alak; kaya't ang mga bansa ay (J)nangaulol.

Ang Babilonia ay biglang nabuwal at napahamak: (K)inyong tangisan siya, (L)ikuha ninyo ng balsamo ang kaniyang sakit, baka sakaling siya'y mapagaling.

Ibig sana nating mapagaling ang Babilonia, nguni't siya'y hindi napagaling: pabayaan siya, at yumaon bawa't isa sa atin sa kanikaniyang sariling lupain; (M)sapagka't ang kaniyang kahatulan ay umaabot hanggang sa langit, at nataas hanggang sa mga alapaap.

10 (N)Inilabas ng Panginoon ang ating katuwiran: magsiparito kayo, at (O)ating ipahayag sa Sion, ang gawa ng Panginoon nating Dios.

11 Inyong patalasin ang mga pana, inyong hawakang mahigpit ang mga kalasag; pinukaw ng (P)Panginoon ang kalooban ng mga hari ng mga (Q)Medo; sapagka't ang kaniyang lalang ay laban sa Babilonia, (R)upang sirain: sapagka't siyang panghihiganti ng Panginoon, panghihiganti ng kaniyang templo.

12 Mangagtaas kayo ng (S)watawat laban sa mga kuta ng Babilonia, inyong patibayin ang bantayan, inyong lagyan ng mga bantay, kayo'y mangaghanda ng mga pangbakay: sapagka't ang Panginoon ay nagpanukala at gumawa rin naman ng kaniyang sinalita tungkol sa mga nananahan sa Babilonia.

13 Oh ikaw na tumatahan sa ibabaw ng maraming tubig, sagana sa mga kayamanan, ang iyong wakas ay dumating, ang sukat ng iyong kasakiman.

14 Ang Panginoon ng mga hukbo ay sumumpa sa pamamagitan ng kaniyang sarili, na sinasabi, Tunay na pupunuin kita ng mga tao, na parang balang; at sila'y mangaglalakas ng (T)hiyaw laban sa iyo.

15 (U)Kaniyang ginawa ang lupa sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan, kaniyang itinatag ang sanglibutan sa pamamagitan ng kaniyang karunungan, at sa pamamagitan ng kaniyang kaalaman ay iniladlad niya ang langit.

16 Paglalakas niya ng kaniyang tinig, nagkaroon ng kagulo ng tubig sa langit, at kaniyang pinailanglang ang mga singaw mula sa mga wakas ng lupa: kaniyang iginawa ng mga kidlat ang ulan, at inilabas ang hangin mula sa kaniyang mga imbakan.

17 Bawa't tao ay naging tampalasan at walang kaalaman; bawa't panday ginto ay nalagay sa kahihiyan dahil sa kaniyang larawang inanyuan; sapagka't ang kaniyang larawang binubo ay kasinungalingan, at walang hinga sa mga yaon.

18 Ang mga yaon ay walang kabuluhan, isang gawa ng karayaan: sa panahon ng pagdalaw sa mga yaon ay mangalilipol.

19 Ang bahagi ng Jacob ay hindi gaya ng mga ito; sapagka't siya ang naganyo sa lahat ng bagay; at ang Israel ay lipi ng kaniyang mana: ang Panginoon ng mga hukbo ay kaniyang pangalan.

20 Ikaw ay aking pangbakang palakol (V)at mga almas na pangdigma: at sa pamamagitan mo ay pagwawaraywarayin ko ang mga bansa; at sa pamamagitan mo ay sisira ako ng mga kaharian;

21 At sa pamamagitan mo ay pagwawaraywarayin ko ang kabayo at ang kaniyang sakay;

22 At sa pamamagitan mo ay pagwawaraywarayin ko ang karo at ang nakasakay roon; at sa pamamagitan mo ay pagwawaraywarayin ko ang lalake at ang babae; at sa pamamagitan mo ay pagwawaraywarayin ko ang matanda at ang bata: at sa pamamagitan mo ay pagwawaraywarayin ko ang binata at ang dalaga;

23 At sa pamamagitan mo ay pagwawaraywarayin ko ang pastor at ang kaniyang kawan; at sa pamamagitan mo ay pagwawaraywarayin ko ang mangbubukid at ang kaniyang tuwang na mga baka; at sa pamamagitan mo ay pagwawaraywarayin ko ang mga tagapamahala at ang mga kinatawan.

24 At aking ilalapat sa Babilonia (W)at sa lahat na nananahan sa Caldea ang buo nilang kasamaan na kanilang ginawa sa Sion sa inyong paningin, sabi ng Panginoon.

25 Narito, ako'y laban sa iyo, (X)Oh mapangpahamak na bundok, sabi ng Panginoon, na gumigiba ng buong lupa; at aking iuunat ang aking kamay sa iyo, at pagugulungin kita mula sa malaking bato, (Y)at gagawin kitang bundok na sunog.

26 At hindi ka nila kukunan ng bato na panulok, (Z)o ng bato man na mga patibayan; kundi ikaw ay magiging sira magpakailan man, sabi ng Panginoon.

27 Mangagtaas kayo ng watawat sa lupain, (AA)inyong hipan ang pakakak sa gitna ng mga bansa, magsihanda ang mga bansa laban sa kaniya, pisanin laban sa kaniya ang mga (AB)kaharian ng Ararat, ng Minmi, at ng Aschenaz: mangaghalal ng puno (AC)laban sa kaniya; pasampahin ang mga kabayo ng parang mga uod.

28 Magsihanda laban sa kaniya ang mga bansa, ang mga hari ng mga Medo, ang mga gobernador niyaon, at ang lahat na kinatawan niyaon, at ang buong lupain na kaniyang sakop.

29 At ang lupain ay manginginig at nasa paghihirap; sapagka't (AD)ang mga pasiya ng Panginoon laban sa Babilonia ay nananayo, (AE)upang sirain ang lupain ng Babilonia, na nawalan ng mananahan.

30 Ang mga makapangyarihan ng Babilonia ay nagsisiurong sa pakikipaglaban, sila'y nanatili sa kanilang mga katibayan; ang kanilang kapangyarihan ay nanglulupaypay; sila'y naging parang mga babae: ang kaniyang mga tahanang dako ay sinilaban; ang kaniyang mga halang ay (AF)nabali.

31 (AG)Ang isang utusan ay tatakbo upang sumalubong sa iba, at isang sugo upang sumalubong sa iba, upang ibalita sa hari sa Babilonia, na ang kaniyang bayan ay (AH)nasakop sa lahat ng sulok:

32 At (AI)ang mga tawiran ay nangasapol, at ang mga tambo ay nangasunog ng apoy, at ang mga lalaking mangdidigma ay nangatakot.

33 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Ang anak na babae ng Babilonia ay parang giikan ng panahong yaon ng niyayapakan; (AJ)sangdali na lamang, at ang panahon ng pagaani ay darating sa kaniya.

34 Nilamon ako ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia, kaniyang pinisa ako, kaniyang ginawa akong sisidlan na walang laman, ako'y sinakmal niyang parang buwaya, kaniyang binusog ang kaniyang tiyan ng aking mga masarap na pagkain; (AK)kaniyang itinakuwil ako.

35 Ang karahasang ginawa sa akin at sa aking laman ay mahulog nawa sa Babilonia, sasabihin ng taga Sion; at, Ang dugo ko ay mahulog nawa sa mga nananahan sa Caldea, sasabihin ng Jerusalem.

36 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, (AL)aking ipakikipaglaban ang iyong usap, at igaganti kita; at aking tutuyuin ang kaniyang dagat, at gagawin ko siyang bukal na tuyo.

37 At ang Babilonia ay magiging (AM)mga bunton, tahanang dako sa mga chakal, (AN)katigilan, at kasutsutan, na mawawalan ng mananahan.

38 (AO)Sila'y magsisiangal na magkakasama na parang mga batang leon; sila'y magsisiangal na parang mga anak ng (AP)leon.

39 Pagka sila'y nag-init, aking gagawin ang kanilang kapistahan, at akin silang lalanguhin, upang sila'y mangagalak, at patutulugin ng walang hanggang pagtulog, at huwag mangagising, sabi ng Panginoon.

40 Aking ibababa sila na parang mga kordero sa patayan, mga lalaking tupa na kasama ng mga (AQ)kambing na lalake.

41 Ano't nasakop ang (AR)Sesach! at ang (AS)kapurihan ng buong lupa ay nagitla! ano't ang Babilonia ay naging kagibaan sa gitna ng mga bansa!

42 Ang dagat ay umapaw sa Babilonia; siya'y natakpan ng karamihan ng mga alon niyaon.

43 Ang kaniyang mga bayan ay nasira, tuyong lupain at ilang, lupain na walang taong tumatahan, o dinaraanan man ng sinomang anak ng tao.

44 At ako'y maglalapat ng kahatulan kay Bel (AT)sa Babilonia, at aking ilalabas sa kaniyang bibig (AU)ang kaniyang nasakmal; at ang mga bansa ay hindi na bubugsong magkakasama pa sa kaniya: oo, ang kuta ng Babilonia ay mababagsak.

45 Bayan ko, magsilabas kayo sa kaniya, at lumigtas bawa't isa sa mabangis na galit ng Panginoon.

46 At huwag manganglupaypay ang inyong puso, o mangatakot man kayo sa balita na maririnig sa lupain; sapagka't ang balita ay darating na isang taon, at pagkatapos niyaon ay darating sa ibang taon ang isang balita, at ang pangdadahas sa lupain, pinuno laban sa pinuno.

47 Kaya't narito, ang mga araw ay dumarating, na (AV)ako'y maglalapat ng kahatulan sa mga larawang inanyuan sa Babilonia; at ang kaniyang buong lupain ay mapapahiya; at ang lahat ng mapapatay sa kaniya ay mangabubulagta sa gitna niya.

48 Kung magkagayo'y (AW)ang langit at ang lupa, at lahat na nandoon, magsisiawit dahil sa Babilonia sa kagalakan; (AX)sapagka't ang mga manglilipol ay darating sa kaniya mula sa hilagaan, sabi ng Panginoon.

49 Kung paanong ibinuwal ng Babilonia ang namatay sa Israel, gayon mabubuwal sa Babilonia ang namatay sa buong lupain.

50 Kayong nangakatanan sa tabak, magsiyaon kayo, huwag kayong magsitigil; inyong alalahanin ang Panginoon sa malayo, at pasukin ang inyong pagiisip ng Jerusalem.

51 (AY)Kami ay nangapahiya, sapagka't kami ay nangakarinig ng kakutyaan; kalituhan ay tumakip sa aming mga mukha: (AZ)sapagka't ang mga taga ibang lupa ay pumasok sa mga santuario ng bahay ng Panginoon.

52 Kaya't narito, ang mga kaarawan ay dumarating, sabi ng Panginoon, na ako'y maglalapat ng kahatulan sa kaniyang mga larawang inanyuan; at sa buong lupain niya ay dadaing ang nasugatan.

53 Bagaman ang Babilonia ay umilanglang (BA)hanggang sa langit, at bagaman kaniyang patibayin ang kataasan ng kaniyang kalakasan, gayon ma'y darating sa kaniya ang mga manglilipol na mula sa akin, sabi ng Panginoon.

54 Ang ingay ng hiyaw na (BB)mula sa Babilonia, at ng malaking paglipol na mula sa lupain ng mga Caldeo!

55 Sapagka't ang Panginoon ay nananamsam sa Babilonia, at nanglilipol doon ang dakilang tinig; at ang mga alon ng mga yaon ay nagsisihugong na parang maraming tubig; ang hugong ng kanilang kaingay ay lumabas:

56 Sapagka't ang manglilipol ay dumating doon, sa Babilonia, at ang mga makapangyarihang lalake niyaon ay nangahuli, ang kanilang mga busog ay nagkaputolputol: (BC)sapagka't ang Panginoon ay Dios ng mga kagantihan, siya'y tunay na magbabayad.

57 At aking lalanguhin ang kaniyang mga prinsipe (BD)at ang kaniyang mga pantas, ang kaniyang mga gobernador at ang kaniyang mga kinatawan, at ang kaniyang mga makapangyarihan; at siya'y matutulog ng walang hanggang pagtulog, at hindi magigising, sabi ng Hari, na ang pangalan ay ang Panginoon ng mga hukbo.

58 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Ang makapal na kuta ng Babilonia ay lubos na magigiba, at ang kaniyang mga mataas na pintuang-bayan ay masusunog ng apoy; (BE)at ang mga tao ay magpapagal sa walang kabuluhan, at ang mga bansa sa apoy; at sila'y mangapapagod.

Ang aklat ng salita ng Panginoon ay itatapon sa Eufrates.

59 Ang salita na iniutos ni Jeremias na propeta kay Seraias na anak ni Nerias, na anak ni Maasias, ng siya'y pumaroon sa Babilonia na kasama ni Sedechias na hari sa Juda, nang ikaapat na taon ng kaniyang paghahari. Si Seraias nga ay punong bating.

60 At sinulat ni Jeremias sa isang aklat ang lahat na kasamaan na darating sa Babilonia, (BF)ang lahat na salitang ito na nasusulat tungkol sa Babilonia.

61 At sinabi ni Jeremias kay Seraias, Pagdating mo sa Babilonia, iyo ngang tingnan na iyong basahin ang lahat na mga salitang ito,

62 At iyong sabihin, Oh Panginoon, ikaw ay nagsalita tungkol sa dakong ito, upang iyong ihiwalay, upang walang tumahan doon, maging tao o hayop man, kundi masisira magpakailan man.

63 At mangyayari, pagkatapos mong bumasa ng aklat na ito, na iyong tatalian ng bato, at ihahagis mo sa gitna ng Eufrates:

64 At iyong sasabihin, Ganito lulubog ang Babilonia, at hindi lilitaw uli dahil sa kasamaan na aking dadalhin sa kaniya; at sila'y mapapagod. (BG)Hanggang dito ang mga salita ni Jeremias.

'Jeremias 51 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.