Add parallel Print Page Options

Ang Babilonia ay Nagapi

50 Ang(A) salitang sinabi ng Panginoon tungkol sa Babilonia, at tungkol sa lupain ng mga Caldeo, sa pamamagitan ng propetang si Jeremias:

“Ipahayag ninyo sa gitna ng mga bansa at inyong ipatalastas,
    magtaas kayo ng watawat at ipahayag,
    huwag ninyong itago, kundi inyong sabihin,
‘Ang Babilonia ay nasakop,
    si Bel ay nalagay sa kahihiyan,
    si Merodac ay nabasag.
Ang kanyang mga larawan ay nalagay sa kahihiyan,
    ang kanyang mga diyus-diyosan ay nabasag.’

“Sapagkat mula sa hilaga ay umahon ang isang bansa laban sa kanya na sisira sa kanyang lupain, at walang maninirahan doon; ang tao at ang hayop ay tatakas.

Ang Pagbabalik ng Israel

“Sa mga araw na iyon, at sa panahong iyon, sabi ng Panginoon, ang mga anak ni Israel at ni Juda ay darating na magkakasama, umiiyak habang sila'y dumarating, at hahanapin nila ang Panginoon nilang Diyos.

Kanilang ipagtatanong ang daan patungo sa Zion, na ang kanilang mga mukha ay nakatutok doon, na sinasabi, ‘Halikayo, magsama-sama tayo sa Panginoon sa isang walang hanggang tipan na hindi kailanman malilimutan.’

“Ang aking bayan ay naging gaya ng nawawalang tupa, iniligaw sila ng kanilang mga pastol. Sila'y inilihis sa mga bundok, sila'y nagpabalik-balik sa burol at bundok; nakalimutan nila ang kanilang dakong pahingahan.

Sinakmal sila ng lahat ng nakatagpo sa kanila, at sinabi ng kanilang mga kaaway, ‘Kami ay walang kasalanan, sapagkat sila'y nagkasala laban sa Panginoon, ang kanilang tunay na pastulan, ang Panginoon, ang pag-asa ng kanilang mga ninuno.’

“Tumakas(B) kayo mula sa gitna ng Babilonia, at lumabas kayo sa lupain ng mga Caldeo, at kayo'y maging gaya ng mga lalaking kambing sa harapan ng mga kawan.

Sapagkat narito, aking inuudyukan at dinadala laban sa Babilonia ang isang pangkat ng malalaking bansa mula sa hilagang lupain. Sila'y hahanay laban sa kanya; mula doo'y sasakupin siya. Ang kanilang mga palaso ay gaya ng sa sanay na mandirigma na hindi bumabalik na walang dala.

10 Ang Caldea ay sasamsaman; lahat ng nagsisisamsam sa kanya ay mabubusog, sabi ng Panginoon.

11 “Bagaman kayo ay nagagalak, bagaman kayo'y nagsasaya,
    O kayong mandarambong ng aking mana,
bagaman kayo'y nagpapasasa na gaya ng babaing guya sa damuhan,
    at humahalinghing na gaya ng mga lalaking kabayo;
12 ang inyong ina ay lubhang mapapahiya,
    at siya na nagsilang sa inyo ay hihiyain.
Siya'y magiging huli sa mga bansa,
    isang ilang, lupaing tuyo at disyerto.
13 Dahil sa poot ng Panginoon ay hindi siya titirahan,
    kundi magiging lubos na wasak;
bawat magdaraan sa Babilonia ay magtataka,
    at susutsot dahil sa lahat niyang mga sugat.
14 Humanay kayo laban sa Babilonia sa palibot,
    kayong lahat na nag-uumang ng busog;
tudlain ninyo siya, huwag kayong magtipid ng mga palaso,
    sapagkat siya'y nagkasala laban sa Panginoon.
15 Sumigaw ka laban sa kanya sa palibot:
    Siya'y sumuko na;
ang kanyang mga muog ay gumuho na,
    ang kanyang mga pader ay bagsak na.
Sapagkat ito ang paghihiganti ng Panginoon:
    Maghiganti kayo sa kanya,
    gawin ninyo sa kanya kung ano ang ginawa niya.
16 Ihiwalay ninyo sa Babilonia ang manghahasik,
    at ang naghahawak ng karit sa panahon ng pag-aani,
dahil sa tabak ng mang-aapi.
    Bawat isa ay babalik sa kanyang bayan,
    bawat isa ay tatakas patungo sa kanyang sariling lupain.

Ang Pagbabalik ng Israel

17 “Ang Israel ay isang nagsipangalat na kawan na itinaboy ng mga leon. Una'y sinakmal siya ng hari ng Asiria; at ang huli ay si Nebukadnezar na hari ng Babilonia ang bumali ng kanyang mga buto.

18 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Narito, aking parurusahan ang hari ng Babilonia at ang kanyang lupain, kung paanong pinarusahan ko ang hari ng Asiria.

19 Ibabalik ko ang Israel sa kanyang pastulan, at siya'y manginginain sa Carmel at sa Basan, at ang kanyang nasa ay masisiyahan sa mga burol ng Efraim at ng Gilead.

20 Sa mga araw at sa panahong iyon, sabi ng Panginoon, ang kasamaan ay hahanapin sa Israel at hindi magkakaroon ng anuman; at ang kasalanan sa Juda, at walang matatagpuan, sapagkat aking patatawarin sila na aking iniwan bilang nalabi.

Ang Hatol ng Diyos sa Babilonia

21 “Umahon ka laban sa lupain ng Merathaim,[a]
at laban sa mga naninirahan sa Pekod.[b]
    Pumatay ka at ganap mong lipulin sila,
sabi ng Panginoon,
    at gawin mo ang lahat ng iniutos ko sa iyo.
22 Ang ingay ng digmaan ay nasa lupain,
    at malaking pagkawasak!
23 Pinutol at binali ang pamukpok ng buong daigdig!
Ang Babilonia ay naging
    isang katatakutan sa gitna ng mga bansa!
24 Ako'y naglagay ng bitag para sa iyo, at ikaw naman ay nakuha, O Babilonia,
    at hindi mo ito nalaman;
ikaw ay natagpuan at nahuli,
    sapagkat ikaw ay naghimagsik laban sa Panginoon.
25 Binuksan ng Panginoon ang kanyang taguan ng sandata,
    at inilabas ang mga sandata ng kanyang poot;
sapagkat iyon ay gawa ng Panginoong Diyos ng mga hukbo
    sa lupain ng mga Caldeo.
26 Pumunta kayo laban sa kanya mula sa pinakamalayong hangganan;
    buksan ninyo ang kanyang mga kamalig;
itambak ninyo siya na gaya ng bunton, at lubos ninyo siyang wasakin;
    huwag mag-iiwan ng anuman sa kanya.
27 Patayin ninyo ng tabak ang lahat niyang mga toro;
    pababain sila sa katayan.
Kahabag-habag sila! Sapagkat dumating na ang kanilang araw,
    ang araw ng pagpaparusa sa kanila.

28 “May tinig ng mga takas at mga tumatakbo mula sa lupain ng Babilonia, upang ipahayag sa Zion ang paghihiganti ng Panginoon nating Diyos, ang paghihiganti para sa kanyang templo.

29 “Magpatawag(C) kayo ng mga mamamana laban sa Babilonia, silang lahat na gumagamit ng pana. Magkampo kayo sa palibot niya; huwag hayaang makatakas ang sinuman. Gantihan siya ayon sa kanyang mga gawa, gawin ninyo sa kanya ang ayon sa lahat niyang ginawa; sapagkat may kapalaluan niyang sinuway ang Panginoon, ang Banal ng Israel.

30 Kaya't mabubuwal ang kanyang mga kabataang lalaki sa kanyang mga liwasan, at ang lahat niyang mga kawal ay malilipol sa araw na iyon, sabi ng Panginoon.

31 “Narito, ako'y laban sa iyo, O ikaw na palalo,
    sabi ng Panginoong Diyos ng mga hukbo;
sapagkat ang iyong araw ay dumating na,
    ang panahon na parurusahan kita.
32 At ang palalo ay matitisod at mabubuwal,
    at walang magbabangon sa kanya;
at ako'y magpapaningas ng apoy sa kanyang mga lunsod,
    at lalamunin niyon ang lahat ng nasa palibot niya.

33 “Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Ang mga anak ni Israel ay inaapi at gayundin ang mga anak ni Juda na kasama nila; lahat ng bumihag sa kanila ay mahigpit silang hinahawakan, sila'y ayaw nilang palayain.

34 Ang kanilang Manunubos ay malakas; ang Panginoon ng mga hukbo ang kanyang pangalan. Tiyak na kanyang ipaglalaban sila, upang mabigyan niya ng kapahingahan ang lupa, ngunit kaguluhan sa mga mamamayan ng Babilonia.

35 “Tabak laban sa mga Caldeo, sabi ng Panginoon,
    at laban sa mga mamamayan ng Babilonia,
    at laban sa kanyang mga pinuno, at sa kanyang mga pantas!
36 Tabak laban sa mga manghuhula,
    at sila'y magiging mga hangal!
Tabak laban sa kanyang mga mandirigma
    at sila'y malilipol!
37 Tabak laban sa kanilang mga kabayo at sa kanilang mga karwahe,
    at laban sa lahat ng mga dayuhang nasa gitna niya,
    at sila'y magiging mga babae!
Tabak laban sa kanyang mga kayamanan,
    at ang mga iyon ay sasamsamin.
38 Tagtuyot sa kanyang mga tubig,
    at sila'y matutuyo!
Sapagkat iyon ay lupain ng mga larawang inanyuan,
    at sila'y nahihibang sa mga diyus-diyosan.

39 “Kaya't(D) ang mababangis na hayop ay maninirahan doon na kasama ng mga asong-gubat, at ang avestruz ay maninirahan sa kanya; hindi na ito titirahan ng mga tao kailanpaman; ni matatahanan sa lahat ng mga salinlahi.

40 Kung(E) paanong winasak ng Diyos ang Sodoma at Gomorra at ang mga karatig-bayan ng mga iyon, sabi ng Panginoon, gayon walang sinumang maninirahan doon, at walang anak ng tao na titira doon.

41 “Narito, isang bayan ay dumarating mula sa hilaga;
    isang makapangyarihang bansa at maraming hari
    ang gigisingin mula sa pinakamalayong bahagi ng lupa.
42 May hawak silang busog at sibat;
    sila'y malulupit, at walang awa.
Ang kanilang tinig ay gaya ng hugong ng dagat,
    at sila'y nakasakay sa mga kabayo,
nakahanay na gaya ng isang taong makikipagdigma
    laban sa iyo, O anak na babae ng Babilonia!
43 “Narinig ng hari ng Babilonia ang balita tungkol sa kanila,
    at ang kanyang mga kamay ay nanghina;
sinaklot siya ng dalamhati,
    ng paghihirap na gaya ng sa babaing manganganak.

44 “Narito, darating ang isang gaya ng leon na umaahon mula sa gubat ng Jordan laban sa matibay na kulungan ng tupa, bigla ko silang patatakbuhing papalayo sa kanya; at hihirangin kong mamahala sa kanya ang sinumang piliin ko. Sapagkat sinong gaya ko? Sinong magpapatawag sa akin? Sinong pastol ang makakatayo sa harapan ko?

45 Kaya't inyong pakinggan ang pinanukala ng Panginoon laban sa Babilonia; at ang mga layuning binuo niya laban sa lupain ng mga Caldeo: Tiyak na kakaladkarin ang maliliit sa kanilang kawan. Tiyak na wawasakin niya ang kawan nila dahil sa kanila.

46 Sa ingay ng pagkasakop sa Babilonia ay nayayanig ang lupa, at ang kanyang sigaw ay maririnig sa mga bansa.”

Footnotes

  1. Jeremias 50:21 o Dobleng Paghihimagsik .
  2. Jeremias 50:21 o Kaparusahan .

50 Ang salita na sinalita ng Panginoon tungkol sa Babilonia, tungkol sa lupain ng mga Caldeo, sa pamamagitan ni Jeremias na propeta.

Inyong ipahayag sa gitna ng mga bansa, at inyong itanyag, at mangagtaas kayo ng watawat; inyong itanyag, at huwag ninyong ikubli: inyong sabihin, Ang Babilonia ay nasakop, si Bel ay nalagay sa kahihiyan, si Merodach ay nanglulupaypay; ang kaniyang mga larawan ay nalagay sa kahihiyan, ang kaniyang mga diosdiosan ay nanganglupaypay.

Sapagka't mula sa hilagaan ay sumasampa ang isang bansa laban sa kaniya, na sisira ng kaniyang lupain, at walang tatahan doon: sila'y nagsitakas, sila'y nagsiyaon, ang tao at gayon din ang hayop.

Sa mga araw na yaon, at sa panahong yaon, sabi ng Panginoon, ang mga anak ni Israel ay magsisidating, sila, at ang mga anak ni Juda na magkakasama: sila'y magsisiyaon ng kanilang lakad na nagsisiiyak, at hahanapin nila ang Panginoon nilang Dios.

Kanilang ipagtatanong ang daan ng Sion, na ang kanilang mga mukha ay nakaharap sa dakong yaon, na magsasabi, Magsiparito kayo, at lumakip kayo sa Panginoon sa walang hanggang tipan na hindi malilimutan.

Ang aking bayan ay naging gaya ng nawalang tupa: iniligaw sila ng kanilang mga pastor; sila'y inilihis sa mga bundok; sila'y nagsiparoon sa burol mula sa bundok; kanilang nalimutan ang kanilang pahingahang dako.

Sinasakmal sila ng lahat na nangakakasumpong sa kanila; at sinabi ng kanilang mga kaaway, Kami ay walang kasalanan, sapagka't sila'y nangagkasala laban sa Panginoon, na tatahanan ng kahatulan, sa makatuwid baga'y sa Panginoon, na pagasa ng kanilang mga magulang.

Magsitakas kayo mula sa gitna ng Babilonia, at kayo'y magsilabas mula sa lupain ng mga Caldeo, at kayo'y maging gaya ng mga kambing na lalake sa harap ng mga kawan.

Sapagka't, narito, aking patatayuin at pasasampahin laban sa Babilonia ang isang kapulungan ng mga dakilang bansa na mula sa hilagaang lupain; at sila'y magsisihanay laban sa kaniya; mula diya'y sasakupin siya; ang kanilang mga pana ay magiging gaya sa isang magilas na makapangyarihan; walang babalik na di may kabuluhan.

10 At ang Caldea ay magiging samsam: lahat na nagsisisamsam sa kaniya ay mangabubusog, sabi ng Panginoon.

11 Sapagka't kayo ay masasaya, sapagka't kayo'y nangagagalak, Oh kayong nagsisisamsam ng aking mana, sapagka't kayo'y malilikot na parang babaing guyang baka, na yumayapak ng trigo, at humahalinghing na parang mga malakas na kabayo;

12 Ang inyong ina ay mapapahiyang lubha; siyang nanganak sa inyo ay malilito: narito, siya'y magiging pinakahuli sa mga bansa, isang gubatan, isang tuyong lupain, isang ilang.

13 Dahil sa poot ng Panginoon ay hindi tatahanan, kundi magiging lubos na sira: bawa't magdaan sa Babilonia ay matitigilan, at susutsot dahil sa kaniyang lahat na pagkasalot.

14 Magsihanay kayo laban sa Babilonia sa palibot, kayong lahat na nagsisiakma ng busog; hilagpusan ninyo siya, huwag kayong manganghinayang ng mga pana: sapagka't siya'y nagkasala laban sa Panginoon.

15 Humiyaw ka laban sa kaniya sa palibot: siya'y sumuko sa kaniyang sarili; ang kaniyang mga sanggalangang dako ay nangabuwal, ang kaniyang mga kuta ay nangabagsak: sapagka't siyang kagantihan ng Panginoon: manghiganti kayo sa kaniya; kung ano ang kaniyang ginawa, gawin ninyo sa kaniya.

16 Ihiwalay ninyo ang manghahasik sa Babilonia, at siyang pumipigil ng karit sa panahon ng pagaani: dahil sa takot sa mamimighating tabak ay babalik bawa't isa sa kaniyang bayan, at tatakas bawa't isa sa kaniyang sariling lupain.

17 Ang Israel ay parang nakalat na tupa; itinaboy siya ng mga leon: ang unang sumakmal sa kaniya ay ang hari sa Asiria; at si Nabucodonosor na hari sa Babilonia ay siyang huling bumali ng kaniyang mga buto.

18 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Narito, aking parurusahan ang hari sa Babilonia, at ang kaniyang lupain, gaya ng aking pagkaparusa sa hari sa Asiria.

19 At aking dadalhin uli ang Israel sa kaniyang pastulan, at siya'y sasabsab sa Carmel at sa Basan, at ang kaniyang kalooban ay masisiyahan sa mga burol ng Ephraim at sa Galaad.

20 Sa mga araw na yaon, at sa panahong yaon, sabi ng Panginoon, ang kasamaan ng Israel ay mauusig, at hindi magkakaroon ng anoman; at ang mga kasalanan ng Juda, at hindi sila masusumpungan: sapagka't aking patatawarin sila na aking iniiwan na pinakalabi.

21 Sumampa ka laban sa lupain ng Merathaim, laban doon, at laban sa mga nananahan sa Pekod: pumatay ka at manglipol na lubos na manunod sa kanila, sabi ng Panginoon, at iyong gawin ang ayon sa lahat na iniutos ko sa iyo.

22 Ang hugong ng pagbabaka ay nasa lupain, at ang malaking kapahamakan.

23 Ano't naputol at nabali ang pamukpok ng buong lupa! ano't ang Babilonia ay nasira sa gitna ng mga bansa!

24 Pinaglagyan kita ng silo, at ikaw naman ay nahuli, Oh Babilonia, at hindi mo ginunita: ikaw ay nasumpungan at nahuli rin, sapagka't ikaw ay nakipagtalo laban sa Panginoon.

25 Binuksan ng Panginoon ang kaniyang lalagyan ng almas, at inilabas ang mga almas ng kaniyang pagkagalit; sapagka't ang Panginoon, ang Panginoon ng mga hukbo, ay may gawang gagawin sa lupain ng mga Caldeo.

26 Magsiparoon kayo laban sa kaniya, mula sa kahulihulihang hangganan; inyong buksan ang kaniyang mga kamalig; inyong ihagis na parang mga bunton, at siya'y inyong siraing lubos; huwag maiwanan siya ng anoman.

27 Inyong patayin ang lahat niyang mga toro; pababain sila sa patayan: sa aba nila! sapagka't ang kanilang araw ay dumating, ang araw ng pagdalaw sa kanila.

28 Inyong dinggin ang tinig nila na nagsisitakas at nagsisitahan mula sa lupain ng Babilonia, upang maghayag sa Sion ng kagantihan ng Panginoon nating Dios, ng kagantihan ng kaniyang templo.

29 Inyong pisanin ang mga mamamana laban sa Babilonia, silang lahat na nangagaakma ng busog; magsitayo kayo laban sa kaniya sa palibot; huwag bayaang mangakatanan: inyong gantihin siya ayon sa kaniyang gawa; ayon sa lahat niyang ginawa, gawin ninyo sa kaniya; sapagka't siya'y naging palalo laban sa Panginoon, laban sa Banal ng Israel.

30 Kaya't mabubuwal ang kaniyang mga binata sa kaniyang mga lansangan, at ang lahat niyang lalaking mangdidigma ay madadala sa katahimikan sa araw na yaon, sabi ng Panginoon.

31 Narito, ako'y laban sa iyo, Oh ikaw na palalo, sabi ng Panginoon, ng Panginoon ng mga hukbo; sapagka't ang iyong kaarawan ay dumating, ang panahon na dadalawin kita.

32 At ang palalo ay matitisod at mabubuwal, at walang magbabangon sa kaniya; at ako'y magpapaningas ng apoy sa kaniyang mga bayan, at pupugnawin niyaon ang lahat na nangasa palibot niya.

33 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Ang mga anak ni Israel at ang mga anak ni Juda ay napipighating magkasama; at lahat na nagsikuhang bihag sa kanila ay hinahawakang mahigpit sila; ayaw pawalan sila.

34 Ang Manunubos sa kanila ay malakas; ang Panginoon ng mga hukbo ay siyang kaniyang pangalan: kaniyang ipakikipaglabang maigi ang kanilang usap, upang mabigyan niya ng kapahingahan ang lupa, at bagabagin ang mga nananahan sa Babilonia.

35 Ang tabak ay nasa mga Caldeo, sabi ng Panginoon, at sa mga nananahan sa Babilonia, at sa kaniyang mga prinsipe, at sa kaniyang mga pantas.

36 Ang tabak ay nasa mga hambog, at sila'y mangahahangal, ang tabak ay nasa kaniyang mga makapangyarihan, at sila'y manganglulupaypay.

37 Ang tabak ay nasa kanilang mga kabayo, at sa kanilang mga karo, at sa buong bayang halohalo na nasa gitna niya; at sila'y magiging parang mga babae; isang tabak ay nasa kaniyang mga kayamanan, at mangananakaw;

38 Ang pagkatuyo ay nasa kaniyang tubig, at mangatutuyo; sapagka't lupain ng mga larawang inanyuan, at sila'y mga ulol dahil sa mga diosdiosan.

39 Kaya't ang mga mabangis na hayop sa ilang sangpu ng mga lobo ay magsisitahan doon, at ang avestruz ay tatahan doon: at hindi na matatahanan kailan pa man; ni matatahanan sa sali't saling lahi.

40 Kung paanong sinira ng Dios ang Sodoma at Gomorra at ang mga kalapit bayan ng mga yaon, sabi ng Panginoon, gayon hindi tatahan doon ang sinoman, o tatahan man doon ang sinomang anak ng tao.

41 Narito, isang bayan ay dumarating na mula sa hilagaan; at isang malaking bansa, at maraming hari ay mangahihikayat mula sa kaduluduluhang bahagi ng lupa.

42 Kanilang iniaakma ang busog at ang sibat; sila'y mababagsik, at walang awa; ang kanilang tinig ay humuhugong na parang dagat, at sila'y nagsisisakay sa mga kabayo, bawa't isa ay humahanay na parang lalake sa pakikipagbaka, laban sa iyo, Oh anak na babae ng Babilonia.

43 Nabalitaan ng hari sa Babilonia ang kabantugan nila, at ang kaniyang mga kamay ay nanghihina: pagdadalamhati ay humawak sa kaniya, at paghihirap na gaya ng sa isang babae sa pagdaramdam.

44 Narito, ang kaaway ay sasampa na parang leon mula sa kapalaluan ng Jordan laban sa matibay na tahanan: nguni't bigla kong palalayasin sila sa kaniya; at ang mapili, siya kong ihahalal sa kaniya: sapagka't sinong gaya ko? at sinong magtatakda sa akin ng panahon? at sino ang pastor na tatayo sa harap ko?

45 Kaya't inyong dinggin ang payo ng Panginoon, na kaniyang ipinayo laban sa Babilonia; at ang kaniyang mga pasiyang ipinasiya niya, laban sa lupain ng mga Caldeo: Tunay na kanilang itataboy ang mga maliit sa kawan; tunay na kaniyang ipapahamak ang kanilang tahanan pati sila.

46 Sa ingay ng pagsakop sa Babilonia, ay nayayanig ang lupa, at ang hiyaw ay naririnig sa mga bansa.

'Jeremias 50 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.