Add parallel Print Page Options

Ang Babala kay Zedekia

34 1-2 Sinalakay ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia ang Jerusalem at ang mga bayan sa palibot nito. Kasama niyang lumusob ang lahat ng sundalo niya pati ang mga sundalo na galing sa mga kaharian na nasasakupan niya. Sa panahong iyon, sinabi kay Jeremias ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel,

“Pumunta ka kay Haring Zedekia ng Juda at sabihin mo sa kanya na ako, ang Panginoon, ang nagsasabi, ‘Ibibigay ko sa hari ng Babilonia ang lungsod na ito at susunugin niya ito.’ Hindi ka makakatakas sa mga kamay niya. Huhulihin ka at ibibigay sa hari ng Babilonia. Haharap ka sa kanya para hatulan at dadalhin kang bihag sa Babilonia. Pero Haring Zedekia, pakinggan mo ang pangako ko sa iyo: Hindi ka mamamatay sa digmaan, kundi payapa kang mamamatay. Ang mga mamamayan moʼy magsusunog ng mga insenso para parangalan ka, katulad ng ginawa nila sa paglilibing ng mga ninuno mo na mga naunang hari. Ipagluluksa ka nila at sasabihin nila, ‘Patay na ang aming hari!’ Dahil ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Pagkatapos, pumunta si Jeremias sa Jerusalem, at sinabi ang lahat ng ito kay Haring Zedekia.[a] Sumasalakay na ng panahong iyon ang hukbo ng hari ng Babilonia sa Jerusalem, sa Lakish at sa Azeka. Ito na lang ang mga lungsod ng Juda na may mga pader.

Pagpapalaya ng mga Alipin

May sinabi pa ang Panginoon kay Jeremias nang panahong gumawa ng kasunduan si Haring Zedekia sa lahat ng taga-Jerusalem na palalayain niya ang mga alipin. Nag-utos si Zedekia na ang sinumang may mga aliping Hebreo, maging babae o lalaki ay kinakailangan nilang palayain. Walang kapwa Judio na mananatiling alipin. 10 At ang lahat ng mamamayan, pati ang mga namumuno ay pumayag sa kasunduang ito, at pinalaya nila ang mga alipin nila – lalaki man o babae. 11 Pero sa bandang huli, nagbago ang isip nila at inalipin nila ulit ang mga aliping pinalaya nila.

12-13 Kaya sinabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel, kay Jeremias, “Gumawa ako ng kasunduan sa mga ninuno nʼyo noong pinalaya ko sila sa lupain ng Egipto, sa lugar kung saan sila inalipin. Sinabi ko sa kanila, 14 ‘Sa tuwing darating ang ikapitong taon, kailangang palayain ninyo ang kapwa ninyo Hebreo na ipinagbili sa inyo bilang alipin. Kailangan ninyo silang palayain pagkatapos nilang maglingkod sa inyo ng anim na taon.’ Pero hindi ako sinunod ng mga ninuno ninyo. 15 Noong nakalipas na mga araw, nagsisi kayo at ginawa nʼyo ang matuwid sa paningin ko. Pumayag kayong lahat na palayain ang mga kababayan nʼyo na inyong inalipin. Gumawa pa kayo ng kasunduan sa akin tungkol dito doon mismo sa templo kung saan nʼyo pinararangalan ang pangalan ko. 16 Pero nagbago ang inyong mga isip at inilagay ninyo ako sa kahihiyan. Inalipin ulit ninyo ang mga alipin na inyong pinalaya, pinilit uli ninyo silang maging alipin.

17 “Kaya ako, ang Panginoon ay nagsasabing dahil hindi ninyo ako sinunod at hindi ninyo pinalaya ang inyong mga alipin na mga kababayan ninyo, bibigyan ko kayo ng kalayaan – ang kalayaan na mamatay sa digmaan, sa gutom at sa sakit. Kayoʼy gagawin kong kasuklam-suklam sa paningin ng lahat ng kaharian sa daigdig. 18-19 Ang mga pinuno ng Juda at Jerusalem, at ang mga namamahala sa palasyo, pati ang mga pari at ang mga mamamayan ay nakipagkasundo sa akin, at pinatunayan ito sa pamamagitan ng paghati ng guya,[b] at ang bawat isaʼy dumaan sa pagitan nito. Pero hindi nila tinupad ang nakasaad doon sa kasunduan kaya gagawin ko sa kanila ang ginawa nila sa guyang pinatay at hinati. 20 Ibibigay ko sila sa mga kaaway nila na nagnanais pumatay sa kanila. At magiging pagkain ng mga ibon at mababangis na hayop ang mga bangkay nila.

21 “Ibibigay ko si Haring Zedekia ng Juda at ang mga pinuno niya sa mga kaaway nila na mga sundalo ng hari ng Babilonia na gustong pumatay sa kanila. Bagamaʼt tumigil na sila sa pagsalakay sa inyo, 22 uutusan ko sila na muli kayong salakayin, sakupin at sunugin. Gagawin kong mapanglaw ang mga bayan ng Juda at wala nang maninirahan dito.”

Footnotes

  1. 34:6 Haring Zedekia: sa Hebreo, Haring Zedekia ng Juda.
  2. 34:18-19 guya: sa Ingles, “calf.”
'Jeremias 34 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Si Sedechias ay pinagsabihan ng pagkabagsak ng Jerusalem.

34 Ang salita na dumating kay Jeremias na mula sa Panginoon, nang (A)si Nabucodonosor na hari sa Babilonia, at ang buo niyang hukbo, at ang (B)lahat na kaharian sa lupa na nangasa ilalim ng kaniyang kapangyarihan, at ang lahat na bayan, ay nakipagbaka laban sa Jerusalem, at laban sa lahat ng mga bayan niyaon, na nagsasabi,

Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Ikaw ay yumaon, at magsalita kay Sedechias na hari sa Juda, at iyong saysayin sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, aking ibibigay ang bayang ito sa kamay ng hari sa Babilonia, at kaniyang susunugin ng apoy:

At ikaw ay hindi makatatanan sa kaniyang kamay, kundi tunay na (C)mahuhuli ka, at mabibigay sa kaniyang kamay; at ang iyong mga mata ay titingin sa mga mata ng hari sa Babilonia, at siya'y makikipagsalitaan sa iyo ng bibig at ikaw ay mapaparoon sa Babilonia.

Gayon ma'y iyong pakinggan ang salita ng Panginoon, Oh Sedechias na hari sa Juda: ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa iyo, Ikaw ay hindi mamamatay sa pamamagitan ng tabak;

Ikaw ay mamamatay sa kapayapaan; at ayon (D)sa pagsusunog ng kamangyan ng iyong mga magulang na mga unang hari na una sa iyo, gayon sila magsusunog para sa iyo; at kanilang tataghuyan (E)ka, na magsasabi, Ah Panginoon! sapagka't aking sinalita ang salita, sabi ng Panginoon.

Nang magkagayo'y sinalita ni Jeremias na propeta ang lahat ng salitang ito kay Sedechias na hari sa Juda sa Jerusalem,

Nang lumaban ang hukbo ng hari sa Babilonia laban sa Jerusalem, at laban sa lahat na bayan ng Juda na nalabi, laban sa Lechis at laban sa Azeca; sapagka't ang mga ito lamang ang nalalabi (F)na mga bayan ng Juda na mga bayang (G)nakukutaan.

Ang pagsuway sa pananampalataya tungkol sa mga aliping Hebreo.

Ang salita na dumating kay Jeremias na mula sa Panginoon, pagkatapos na makipagtipan ang haring Sedechias, sa buong bayan na nasa Jerusalem (H)upang magtanyag ng kalayaan sa kanila;

(I)Na papaging layain ng bawa't isa ang kaniyang aliping lalake, at ng bawa't isa ang kaniyang aliping babae, na Hebreo o Hebrea; (J)na walang paglilingkuran sila, sa makatuwid baga'y ang Judio na kaniyang kapatid.

10 At ang lahat na prinsipe at ang buong bayan ay nagsitalima, na nasok sa tipan, na bawa't isa'y palalayain ang kaniyang aliping lalake, at palalayain ng bawa't isa ang kaniyang aliping babae, na wala nang paglilingkuran pa sila; sila'y nagsitalima, at kanilang pinayaon sila:

11 Nguni't pagkatapos ay nangagbalik sila, at pinapagbalik ang mga aliping lalake at babae na kanilang pinapaging laya, at kanilang dinala sa ilalim ng pagkaaliping lalake at babae.

12 Kaya't ang salita ng Panginoon ay dumating kay Jeremias na mula sa Panginoon, na nagsasabi:

13 Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Ako'y nakipagtipan sa inyong mga magulang sa araw na aking inilabas (K)sila mula sa lupain ng Egipto, mula sa bahay ng pagkaalipin, na aking sinasabi,

14 Sa katapusan ng pitong taon (L)ay payayaunin ng bawa't isa sa inyo ang kaniyang kapatid na Hebreo, na naipagbili sa iyo, at naglingkod sa iyo na anim na taon, at iyong palalayain sa iyo: nguni't ang iyong mga magulang ay hindi nakinig sa akin, o ikiniling man ang kanilang pakinig.

15 At ngayo'y nanumbalik kayo, at nagsigawa ng matuwid sa aking mga mata sa pagtatanyag ng kalayaan ng bawa't tao sa kaniyang kapuwa; at kayo'y (M)nakipagtipan sa harap ko sa bahay na tinawag sa aking pangalan:

16 Nguni't kayo'y tumalikod at inyong nilapastangan ang aking pangalan, at pinabalik ng bawa't isa ang kaniyang aliping lalake, at ng bawa't isa ang kaniyang aliping babae na inyong pinapaging laya (N)sa kanilang ikaliligaya; at inyong dinala sila sa pagkaalipin upang maging sa inyo'y mga aliping lalake at babae.

17 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, Kayo'y hindi nangakinig sa akin, na magtanyag ng kalayaan bawa't isa sa kaniyang kapatid, at bawa't isa sa kaniyang kapuwa: (O)narito, ako'y nagtatanyag sa inyo ng kalayaan, sabi ng Panginoon, sa tabak, sa salot, o sa kagutom; at akin kayong ihahagis na paroo't parito sa lahat ng kaharian sa lupa.

18 At aking ibibigay ang mga tao na nagsisalangsang ng aking tipan, na hindi nagsitupad ng mga salita ng tipan na kanilang ginawa sa harap ko, (P)nang kanilang hatiin ang guya at mangagdaan sa pagitan ng mga bahagi niyaon;

19 Ang mga prinsipe sa Juda, at ang mga prinsipe sa Jerusalem, ang mga (Q)bating, at ang mga saserdote, at ang buong bayan ng lupain, na nagsidaan sa pagitan ng mga bahagi ng guya;

20 Akin ngang ibibigay sila sa kamay ng kanilang mga kaaway, at sa kamay ng nagsisiusig ng kanilang buhay, at (R)ang kanilang mga bangkay ay magiging pinakapagkain sa mga ibon sa himpapawid, at sa mga hayop sa lupa.

21 At si Sedechias na hari sa Juda at ang kaniyang mga prinsipe ay ibibigay ko sa kamay ng kanilang mga kaaway, at sa kamay ng nagsisiusig ng kanilang buhay at sa kamay ng hukbo ng hari sa Babilonia, (S)na umahon mula sa inyo.

22 Narito, ako'y maguutos, (T)sabi ng Panginoon, at akin silang pababalikin sa bayang ito; at sila'y magsisilaban dito, at sasakupin, at kanilang susunugin ng apoy: at aking sisirain ang mga bayan ng Juda, na mawawalan ng mananahan.