Add parallel Print Page Options

40 Inyong aliwin, inyong aliwin ang aking bayan, sabi ng inyong Dios.

Mangagsalita kayong may pagaliw sa Jerusalem; at sigawan ninyo siya, na ang kaniyang pakikipagdigma ay naganap, na ang kaniyang kasamaan ay ipinatawad, sapagka't siya'y tumanggap sa kamay ng Panginoon ng ibayong ukol sa kaniyang lahat na kasalanan.

Ang tinig ng isang sumisigaw, Ihanda ninyo sa ilang ang daan ng Panginoon pantayin ninyo sa ilang ang lansangan para sa ating Dios.

Bawa't libis ay mataas, at bawa't bundok at burol ay mabababa; at ang mga bakobako ay matutuwid, at ang mga hindi pantay na dako ay mapapatag:

At ang kaluwalhatian ng Panginoon ay mahahayag, at makikitang magkakasama ng lahat na tao, sapagka't sinalita ng bibig ng Panginoon,

Ang tinig ng isang nagsasabi, Ikaw ay dumaing. At sinabi ng isa, Ano ang aking idadaing? Lahat ng laman ay damo, at ang buong kagandahan niyaon ay parang bulaklak ng parang.

Ang damo ay natutuyo, at ang bulaklak ay nalalanta, sapagka't ang hinga ng Panginoon ay humihihip doon; tunay na ang bayan ay damo.

Ang damo ay natutuyo, ang bulaklak ay nalalanta; nguni't ang salita ng ating Dios ay mamamalagi magpakailan man.

Oh ikaw na nagsasabi ng mga mabuting balita sa Sion, sumampa ka sa mataas na bundok; Oh ikaw na nagsasabi ng mga mabuting balita sa Jerusalem, ilakas mo ang iyong tinig na may kalakasan; ilakas mo, huwag kang matakot; sabihin mo sa mga bayan ng Juda, Tingnan ang inyong Dios!

10 Narito, ang Panginoong Dios ay darating na gaya ng makapangyarihan, at ang kaniyang kamay ay magpupuno sa ganang kaniya: Narito, ang kaniyang ganting pala ay dala niya, at ang kaniyang ganti ay nasa harap niya.

11 Kaniyang papastulin ang kaniyang kawan, na gaya ng pastor, kaniyang pipisanin ang mga kordero sa kaniyang kamay, at dadalhin sila sa kaniyang sinapupunan, at papatnubayan na marahan yaong mga nagpapasuso.

12 Sino ang tumakal ng tubig sa palad ng kaniyang kamay, at sumukat sa langit ng dangkal, at nagsilid ng alabok ng lupa sa isang takal, at tumimbang ng mga bundok sa mga panimbang, at ng mga burol sa timbangan?

13 Sinong pumatnubay ng Espiritu ng Panginoon, o parang kaniyang kasangguni ay nagturo sa kaniya?

14 Kanino siya kumuhang payo, at sinong nagsaysay sa kaniya, at nagturo sa kaniya sa landas ng kahatulan, at nagturo sa kaniya ng kaalaman, at nagpakilala sa kaniya ng daan ng unawa?

15 Narito, ang mga bansa ay parang isang patak ng tubig sa timba, inaari na parang munting alabok sa timbangan: narito, kaniyang itinataas ang mga pulo na parang napakaliit na bagay.

16 At ang Libano ay hindi sukat upang sunugin, ni ang mga hayop niyaon ay sukat na pinakahandog na susunugin.

17 Lahat ng mga bansa ay parang walang anoman sa harap niya; nangabilang sa kaniya na kulang kay sa wala, at walang kabuluhan.

18 Kanino nga ninyo itutulad ang Dios? o anong wangis ang iwawangis ninyo sa kaniya?

19 Ang larawang inanyuan na binubo ng mangbububo, at binabalot ng ginto ng platero, at binubuan ng mga pilak na kuwintas.

20 Siyang napakadukha sa gayong alay ay pumipili ng isang punong kahoy na hindi malalapok; siya'y humahanap sa ganang kaniya ng isang bihasang manggagawa upang ihandang larawang inanyuan, na hindi makikilos.

21 Hindi ba ninyo naalaman? hindi ba ninyo narinig? hindi ba nasaysay sa inyo mula ng una? hindi ba nasaysay sa inyo bago nalagay ang mga patibayan ng lupa?

22 Siya ang nakaupo sa balantok ng lupa, at ang mga nananahan doon ay parang mga balang; siyang naglaladlad ng langit na parang tabing, at inilaladlad na parang tolda upang tahanan;

23 Na iniuuwi sa wala ang mga pangulo; siyang umaaring tila walang kabuluhan sa mga hukom sa lupa.

24 Oo, sila'y hindi nangatanim; oo, sila'y hindi nangahasik; oo, ang kanilang puno ay hindi nagugat sa lupa: bukod dito'y humihihip siya sa kanila, at sila'y nangatutuyo, at tinatangay sila ng ipoipo na gaya ng dayami.

25 Kanino nga ninyo itutulad ako, upang makaparis ako niya? sabi ng Banal.

26 Itingin ninyo ang inyong mga mata sa itaas, at tingnan ninyo kung sinong lumikha ng mga ito, na tinutuos ang kanilang hukbo ayon sa bilang; tinatawag niya sila sa pangalan; sa pamamagitan ng kadakilaan ng kaniyang kapangyarihan, at dahil sa siya'y malakas sa kapangyarihan ay walang nagkukulang.

27 Bakit sinasabi mo, Oh Jacob, at sinasalita mo, Oh Israel, Ang daan ko ay lingid sa Panginoon, at nilalagpasan ng aking Dios ang kahatulan ko?

28 Hindi mo baga naalaman? hindi mo baga narinig? ang walang hanggang Dios, ang Panginoon, ang Maylalang ng mga wakas ng lupa, hindi nanlalata, o napapagod man; walang makatarok ng kaniyang unawa.

29 Siya'y nagbibigay ng lakas sa mahina; at ang walang kapangyarihan ay pinananagana niya sa kalakasan.

30 Pati ng mga kabinataan ay manlalata at mapapagod, at ang mga binata ay lubos na mangabubuwal:

31 Nguni't silang nangaghihintay sa Panginoon ay mangagbabagong lakas; sila'y paiilanglang na may mga pakpak na parang mga aguila; sila'y magsisitakbo, at hindi mangapapagod; sila'y magsisilakad, at hindi manganghihina.

Mga Pananalita ng Pag-asa

40 Inyong aliwin, inyong aliwin ang aking bayan,
    sabi ng inyong Diyos.
Magsalita kayo nang sa puso sa Jerusalem,
    at sabihin ninyo sa kanya,
na ang kanyang pakikipagdigma ay tapos na,
    na ang kanyang kasamaan ay pinatawad,
sapagkat siya'y tumanggap sa kamay ng Panginoon
    ng ibayong bahagi para sa lahat niyang kasalanan.

Ang(A) (B) tinig ng isang sumisigaw:
“Ihanda ninyo sa ilang ang daan ng Panginoon,
    tuwirin ninyo sa ilang ang lansangan para sa ating Diyos.
Bawat libis ay matataas,
    at bawat bundok at burol ay mabababa;
ang mga baku-bako ay matutuwid,
    at ang mga hindi pantay na dako ay mapapatag.
At ang kaluwalhatian ng Panginoon ay mahahayag,
    at sama-samang makikita ng lahat ng laman,
    sapagkat sinalita ng bibig ng Panginoon.”

Sinasabi(C) ng isang tinig, “Ikaw ay dumaing!”
    At sinabi ko, “Ano ang aking idadaing?”
Lahat ng laman ay damo,
    at lahat niyang kagandahan ay parang bulaklak ng parang.
Ang damo ay natutuyo, at ang bulaklak ay nalalanta,
    kapag ang hininga ng Panginoon ay humihihip doon;
    tunay na ang mga tao ay damo.
Ang damo ay natutuyo, ang bulaklak ay nalalanta;
    ngunit ang salita ng ating Diyos ay mamamalagi magpakailanman.
Umakyat ka sa mataas na bundok,
    O Zion, tagapagdala ng mabubuting balita;
itaas mo ang iyong tinig na may kalakasan,
    O Jerusalem, tagapagdala ng mabubuting balita,
    itaas mo, huwag kang matakot;
sabihin mo sa mga lunsod ng Juda,
    “Tingnan ang inyong Diyos!”
10 Narito,(D) ang Panginoong Diyos ay darating na may kapangyarihan,
    at ang kanyang kamay ay mamumuno para sa kanya;
narito, ang kanyang gantimpala ay dala niya,
    at ang kanyang ganti ay nasa harapan niya.
11 Kanyang(E) pakakainin ang kanyang kawan na gaya ng pastol,
    kanyang titipunin ang mga kordero sa kanyang bisig,
at dadalhin sila sa kanyang kandungan,
    at maingat na papatnubayan iyong may mga anak.

12 Sino ang tumakal ng tubig sa palad ng kanyang kamay,
    at sumukat sa langit ng sa pamamagitan ng dangkal,
at nagsilid ng alabok ng lupa sa isang takal,
    at tumimbang ng mga bundok sa mga timbangan,
    at ng mga burol sa timbangan?
13 Sinong(F) pumatnubay sa Espiritu ng Panginoon,
    o bilang kanyang tagapayo ay nagturo sa kanya?
14 Kanino siya humingi ng payo upang maliwanagan,
    at nagturo sa kanya sa landas ng katarungan,
at nagturo sa kanya ng kaalaman,
    at nagpakilala sa kanya ng daan ng pagkaunawa?
15 Masdan mo, ang mga bansa ay parang isang patak ng tubig sa timba,
    itinuturing na parang alabok sa timbangan;
    masdan mo, kanyang itinataas ang mga pulo na parang pinong alabok.
16 Ang Lebanon ay hindi sapat upang maging panggatong,
    ni ang mga hayop niyon ay sapat na handog na sinusunog.
17 Lahat ng mga bansa ay parang walang anuman sa harap niya;
    kanyang itinuring ang mga ito na mas kulang pa sa wala at walang laman.

18 Kanino(G) nga ninyo itutulad ang Diyos?
    O anong wangis ang ihahambing ninyo sa kanya?
19 Sa larawang inanyuan! Hinulma ito ng manggagawa,
    at binabalot ito ng ginto ng platero,
    at hinulmahan ito ng mga pilak na kuwintas.
20 Siyang napakadukha ay pumipili bilang handog
    ng kahoy na hindi mabubulok;
siya'y humahanap ng isang bihasang manlililok
    upang gumawa ng larawang inanyuan na hindi makakakilos.

21 Hindi ba ninyo nalaman? Hindi ba ninyo narinig?
    Hindi ba sinabi sa inyo mula nang una?
    Hindi ba ninyo naunawaan bago pa inilagay ang mga pundasyon ng lupa?
22 Siya ang nakaupo sa balantok ng lupa,
    at ang mga naninirahan doon ay parang mga balang;
siyang naglaladlad ng langit na parang tabing,
    at inilaladlad ang mga iyon na parang tolda upang tirahan;
23 na dinadala sa wala ang mga pinuno,
    at ginagawang walang kabuluhan ang mga hukom ng lupa.

24 Oo, sila'y hindi nagtatanim, oo, sila'y hindi naghahasik,
    oo, ang kanilang puno ay hindi nag-uugat sa lupa,
at humihihip din siya sa kanila at sila'y natutuyo,
    at tinatangay sila ng ipu-ipo na gaya ng dayami.

25 Kanino nga ninyo ako itutulad,
    upang makatulad niya ako? sabi ng Banal.
26 Itingin ninyo ang inyong mga mata sa itaas,
    at tingnan ninyo kung sinong lumikha ng mga ito?
Siya na naglalabas ng kanilang hukbo ayon sa bilang;
    tinatawag niya sila ayon sa pangalan;
sa pamamagitan ng kadakilaan ng kanyang kapangyarihan,
    at dahil sa siya'y malakas sa kapangyarihan
    ay walang nagkukulang.

27 Bakit sinasabi mo, O Jacob,
    at sinasalita mo, O Israel,
“Ang daan ko ay lingid sa Panginoon,
    at nilalagpasan ng aking Diyos ang kahatulan ko”?
28 Hindi mo ba nalaman? Hindi mo ba narinig?
Ang Panginoon ang walang hanggang Diyos,
    ang Lumikha ng mga dulo ng lupa.
Hindi siya nanghihina, o napapagod man;
    walang makatatarok ng kanyang kaunawaan.
29 Siya'y nagbibigay ng lakas sa mahina;
    at sa kanya na walang kapangyarihan ay dinadagdagan niya ang kalakasan.
30 Maging ang mga kabataan ay manghihina at mapapagod,
    at ang mga binata ay lubos na mabubuwal;
31 ngunit silang naghihintay sa Panginoon ay magpapanibagong lakas,
    sila'y paiilanglang na may mga pakpak na parang mga agila,
sila'y tatakbo at hindi mapapagod,
    sila'y lalakad, at hindi manghihina.

'Isaias 40 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.