Isaias 4
Magandang Balita Biblia
4 Sa araw na iyon, pitong babae ang mag-aagawan sa isang lalaki at sasabihin nila: “Kami na ang bahala sa aming kakainin at isusuot na damit; pakasalan mo lamang kami para mawala ang kahihiyang taglay namin sapagkat kami'y walang asawa.”
Muling Itatatag ang Jerusalem
2 Pagdating ng araw na iyon, pasasaganain at pauunlarin ni Yahweh ang lahat ng nanatiling tapat sa kanyang bayan, at ang bunga ng lupain ay magiging dangal at hiyas ng mga nakaligtas na tao sa Israel. 3 Tatawaging banal ang mga matitirang buháy sa Jerusalem, silang mga pinili ng Diyos upang mabuhay. 4 Sa pamamagitan ng makatarungang paghatol, huhugasan ni Yahweh ang karumihan ng Jerusalem at ang dugong nabuhos doon. 5 Pagkatapos,(A) lilikha si Yahweh ng isang ulap kung araw na lililim sa Bundok ng Zion at sa mga nagkakatipon roon at magiging maliwanag na ningas kung gabi. Lalaganap ang kanyang kaluwalhatian gaya ng isang malawak na bubong na 6 magsisilbing lilim sa init ng araw at kublihan kapag may bagyo at ulan.
Isaias 4
Ang Biblia (1978)
Hangal na babae (karugtong).
4 At pitong babae ay (A)magsisihawak sa isang lalake sa araw na yaon, na mangagsasabi, Kami ay magsisikain ng aming sariling tinapay, at mangagsusuot ng aming sariling kasuutan: tawagin lamang kami sa iyong pangalan; alisin mo ang aming kadustaan.
Ang mga natira ay maliligtas.
2 Sa araw na yaon ay magiging maganda at maluwalhati (B)ang sanga ng Panginoon, at ang bunga ng lupain ay magiging magaling at mainam sa kanilang mga taga Israel na nangakatanan.
3 At mangyayari, na siyang naiwan sa Sion, at siyang nalabi sa Jerusalem, (C)tatawaging banal, sa makatuwid baga'y bawa't (D)nasusulat sa mga nabubuhay sa Jerusalem:
4 (E)Pagka huhugasan ng Panginoon ang karumhan ng mga anak na babae ng Sion, at lilinisin ang dugo ng Jerusalem sa gitna ng bayan sa pamamagitan ng bisa ng kahatulan, at sa pamamagitan ng bisa ng pagniningas.
5 At ang Panginoon ay lilikha sa itaas ng buong tahanan ng bundok ng Sion, at sa itaas ng kaniyang mga kapulungan ng isang (F)ulap at usok sa araw, at ng (G)liwanag ng nagniningas na apoy sa gabi: sapagka't sa itaas ng lahat ng kaluwalhatian ay magkakaroon ng isang kubong na kayo.
6 At magkakaroon ng kanlungan upang maging lilim sa kaarawan laban sa init, at (H)upang maging kanlungan at kublihan sa bagyo at sa ulan.
Isaias 4
Ang Biblia, 2001
4 Pitong babae ang hahawak sa isang lalaki sa araw na iyon, na magsasabi, “Kami ay kakain ng aming sariling tinapay at magsusuot ng aming sariling kasuotan, hayaan mo lamang na tawagin kami sa iyong pangalan; alisin mo ang aming kahihiyan.”
Muling Itatayo ang Jerusalem
2 Sa araw na iyon ay magiging maganda at maluwalhati ang sanga ng Panginoon, at ang bunga ng lupain ay ipagmamalaki at sa ikaluluwalhati ng mga nakaligtas na taga-Israel.
3 Siyang naiwan sa Zion, at siyang nanatili sa Jerusalem ay tatawaging banal, bawat nakatala sa mga nabubuhay sa Jerusalem,
4 kapag hinugasan ng Panginoon ang karumihan ng mga anak na babae ng Zion, at nilinis ang dugo ng Jerusalem sa gitna ng bayan sa pamamagitan ng espiritu ng paghuhukom at ng espiritu ng pagsunog.
5 At(A) ang Panginoon ay lilikha sa itaas ng buong kinalalagyan ng Bundok ng Zion, at sa itaas ng kanyang mga kapulungan ng isang ulap sa araw, at ng usok at liwanag ng nagniningas na apoy sa gabi; sapagkat sa itaas ng lahat ng kaluwalhatian ay magkakaroon ng isang bubong at kanlungan.
6 At iyon ay magiging kanlungan kapag araw laban sa init, at kanlungan at kublihan mula sa bagyo at ulan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
