Isaias 13
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Mensahe tungkol sa Babilonia
13 Ito ang mensahe tungkol sa Babilonia na ipinahayag ng Panginoon kay Isaias na anak ni Amoz:
2 Magtaas kayo ng isang bandila roon sa tuktok ng bundok na walang puno. Pagkatapos, sumigaw kayo nang malakas sa mga sundalo at senyasan ninyo sila para salakayin at pasukin ang lungsod ng mga kilala at makapangyarihang tao. 3 Inutusan ko na ang mga itinalaga kong sundalo na magpaparusa sa mga taong kinapopootan ko. Ang mga sundalo na itoʼy natutuwa at umaasang isasagawa ko ang parusang ito.
4 Pakinggan nʼyo ang ingay ng napakaraming tao sa mga bundok. Pakinggan nʼyo ang ingay ng mga kaharian at mga bansang nagtitipon. Tinitipon ng Panginoong Makapangyarihan ang mga sundalo niya para sa digmaan. 5 Nanggaling sila sa malalayong lugar. Wawasakin ng Panginoon at ng mga sundalo niya ang buong lupain.
6 Umiyak kayo, dahil malapit na ang araw ng Panginoon, ang araw ng pagwawasak ng Makapangyarihang Dios. 7 Sa araw na iyon, manlulupaypay ang lahat ng tao. Ang bawat isaʼy masisiraan ng loob, 8 at manginginig sa takot. Madadama nila ang labis na paghihirap katulad ng paghihirap ng isang babaeng nanganganak. Magtitinginan sila sa isaʼt isa at mamumula ang mga mukha nila sa hiya. 9 Makinig kayo! Darating na ang araw ng Panginoon, ang araw ng kalupitan at matinding galit. Wawasakin ang lupain hanggang sa hindi na matirhan, at ang mga makasalanang naroon ay lilipulin. 10 Hindi na magniningning ang mga bituin. Sisikat ang araw pero madilim pa rin, at ang buwan ay hindi na rin magbibigay ng liwanag.
11 Sinabi ng Panginoon, “Parurusahan ko ang mundo dahil sa kasamaan nito. Parurusahan ko ang mga makasalanan dahil sa kanilang kasalanan. Wawakasan ko ang kahambugan ng mayayabang. Patitigilin ko ang pagmamataas ng mga taong malupit. 12 Kaunti lang ang matitirang tao, kaya mas mahirap silang hanapin kaysa sa dalisay na gintong galing sa Ofir. 13 Yayanigin ko ang langit at ang lupa. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan ay gagawin ito sa araw na ipapakita ko ang matindi kong galit.”
14 Ang mga dayuhan sa Babilonia ay tatakas at babalik sa sarili nilang bayan na parang mga usang hinahabol. Uuwi sila na parang mga tupang walang nagbabantay. 15 Ang bawat mahuli ay sasaksakin hanggang sa mamatay. 16 Ang kanilang mga sanggol ay luluray-lurayin sa kanilang harapan. Sasamsamin ang mga ari-arian nila sa kanilang mga bahay at gagahasain ang kanilang mga asawa.
17 Makinig kayo! Ipapalusob ko ang Babilonia sa mga taga-Media na hindi nagpapahalaga sa pilak at ginto. 18 Papatayin ng mga taga-Media ang mga kabataang lalaki sa pamamagitan ng pana. Pati ang mga bata ay hindi nila kaaawaan. 19 Ang Babilonia ay kahariang pinakamaganda sa lahat ng kaharian. Ipinagmamalaki ito ng kanyang mga mamamayan.[a] Pero wawasakin ko ito katulad ng Sodom at Gomora. 20 At hindi na ito titirhan magpakailanman. Walang Arabong magtatayo roon ng kanyang tolda. At wala ring pastol na mag-aalaga roon ng kanyang mga tupa. 21 Magiging tirahan na lang ito ng mga hayop sa gubat. Titirhan ng mga kuwago at ng iba pang mababangis na hayop ang kanilang mga bahay, at lulukso-lukso roon ang mga kambing na maiilap. 22 Aalulong doon sa mga tore nila at mga palasyo ang mga asong-gubat.[b] Nalalapit na ang wakas ng Babilonia; hindi na ito magtatagal.
Isaias 13
Ang Biblia, 2001
Ang Babala Laban sa Babilonia
13 Ang(A) pahayag tungkol sa Babilonia na nakita ni Isaias na anak ni Amoz.
2 Maglagay kayo ng isang hudyat sa bundok na walang tanim,
sumigaw kayo nang malakas sa kanila,
inyong senyasan ng kamay, upang sila'y magsipasok
sa mga pintuang-bayan ng mga mahal na tao.
3 Aking inutusan ang aking mga itinalaga,
aking ipinatawag ang aking mga mandirigma, ang aking mga anak na nagsasayang may pagmamalaki,
upang isagawa ang aking galit.
4 Pakinggan ninyo ang ingay sa mga bundok,
na gaya ng napakaraming tao!
Pakinggan ninyo ang ingay ng mga kaharian,
ng mga bansa na nagtitipon!
Tinitipon ng Panginoon ng mga hukbo
ang hukbo para sa pakikipaglaban.
5 Sila'y nagmumula sa malayong lupain,
mula sa dulo ng kalangitan,
ang Panginoon at ang mga sandata ng kanyang galit,
upang wasakin ang buong lupain.
6 Manangis(B) kayo, sapagkat ang araw ng Panginoon ay malapit na;
ito'y darating na gaya ng pagkawasak mula sa Makapangyarihan sa lahat!
7 Kaya't lahat ng kamay ay manghihina,
at bawat puso ng tao ay manlulumo,
8 at sila'y mababalisa.
Mga pagdaramdam at mga kapanglawan ang daranasin nila;
sila'y maghihirap na gaya ng babaing nanganganak.
Sila'y magtitinginan na nanghihilakbot
ang kanilang mga mukha ay magliliyab.
9 Tingnan ninyo, ang araw ng Panginoon ay dumarating,
mabagsik, na may poot at mabangis na galit;
upang gawing wasak ang lupa,
at upang lipulin mula roon ang mga makasalanan niyon.
10 Sapagkat(C) ang mga bituin ng langit at ang mga buntala nito,
ay hindi magbibigay ng kanilang liwanag;
ang araw ay magdidilim sa kanyang pagsikat,
at hindi ibibigay ng buwan ang kanyang liwanag.
11 Aking parurusahan ang sanlibutan dahil sa kanilang kasamaan,
at ang masasama dahil sa kanilang kabuktutan;
at aking patitigilin ang kahambugan ng palalo,
at aking ibababa ang kapalaluan ng malulupit.
12 Aking gagawin na mas bihira ang mga tao kaysa dalisay na ginto,
at ang sangkatauhan kaysa ginto ng Ofir.
13 Kaya't aking yayanigin ang kalangitan,
at ang lupa ay yayanigin mula sa kanyang dako,
sa poot ng Panginoon ng mga hukbo,
at sa araw ng kanyang mabangis na galit.
14 At gaya ng isang usang hinahabol,
o gaya ng mga tupa na walang magtitipon sa kanila,
bawat tao ay babalik sa kanyang sariling bayan,
at bawat isa ay tatakas patungo sa kanyang sariling lupain.
15 Bawat matagpuan ay uulusin,
at bawat mahuli ay mabubuwal sa tabak.
16 Ang kanilang mga sanggol ay pagluluray-lurayin
sa harapan ng kanilang mga mata;
ang kanilang mga bahay ay pagnanakawan,
at ang kanilang mga asawa ay gagahasain.
17 Tingnan ninyo, aking kinikilos ang mga taga-Media laban sa kanila,
na hindi nagpapahalaga sa pilak,
at hindi nalulugod sa ginto.
18 Papatayin ng kanilang mga pana ang mga binata;
at sila'y hindi maaawa sa bunga ng bahay-bata;
ang kanilang mata ay hindi mahahabag sa mga bata.
19 At(D) ang Babilonia, ang kaluwalhatian ng mga kaharian,
ang kariktan at ipinagmamalaki ng mga Caldeo,
ay magiging gaya ng Sodoma at Gomorra
kapag ibinagsak sila ng Diyos.
20 Hindi ito matitirahan kailanman,
ni matitirahan sa lahat ng mga salinlahi,
ni magtatayo roon ng tolda ang taga-Arabia,
ni pahihigain doon ng mga pastol ang kanilang kawan.
21 Kundi(E) maiilap na hayop sa ilang ang magsisihiga roon,
at ang kanilang mga bahay ay mapupuno ng mga hayop na nagsisiungal;
at mga avestruz ay maninirahan doon,
at ang mga demonyong kambing ay magsasayaw doon.
22 At ang mga asong-gubat ay magsisihiyaw sa kanilang mga muog,
at ang mga chakal sa magagandang palasyo;
at ang kanilang panahon ay malapit nang sumapit,
at ang kanilang mga araw ay hindi pahahabain.
Isaias 13
Ang Biblia (1978)
Hula sa paglagpak ng Babilonia. Muling pagkatayo ng Israel.
13 (A)Ang hula tungkol sa Babilonia (B)na nakita ni Isaias na anak ni Amoz.
2 Kayo'y mangaglagay ng isang (C)watawa't (D)sa bundok, na walang punong kahoy, mangaglakas kayo ng tinig sa kanila, (E)inyong senyasan ng kamay, upang sila'y magsipasok sa mga pintuang-bayan ng mga mahal na tao.
3 Aking inutusan ang (F)aking mga itinalaga, oo, aking tinawag ang (G)aking mga makapangyarihang lalake dahil sa aking galit, sa makatuwid baga'y ang nangagagalak sa aking kamahalan.
4 Ang ingay ng karamihan sa mga bundok, gaya ng malaking bayan: ang ingay ng kagulo ng mga kaharian ng mga bansa na nagpipisan! pinipisan ng Panginoon ng mga hukbo ang hukbo ukol sa pagbabaka.
5 Sila'y nangagmumula sa malayong lupain, mula sa kaduluduluhang bahagi ng langit, sa makatuwid baga'y ang Panginoon, at ang mga almas ng kaniyang galit, upang gibain ang buong lupain.
6 (H)Magsiangal kayo; (I)sapagka't ang araw ng Panginoon ay malapit na; darating na pinaka paggiba na mula sa Makapangyarihan sa lahat.
7 Kaya't lahat ng kamay ay manghihina, at bawa't puso ng tao ay manglulumo:
8 At sila'y manglulupaypay; mga pagdaramdam at mga kapanglawan ay dadanasin nila; sila'y (J)mangaghihirap na gaya ng babae sa pagdaramdam: mangagkakatigilan; ang kanilang mga mukha ay magiging parang liyab.
9 Narito, (K)ang kaarawan ng Panginoon ay dumarating, mabagsik, na may poot at mabangis na galit; upang gawin kagibaan ang lupa, at upang (L)lipulin mula roon ang mga makasalanan niyaon.
10 Sapagka't ang mga bituin ng langit at ang mga gayak niyaon, hindi magbibigay ng kanilang liwanag: (M)ang araw ay magdidilim sa kaniyang pagsikat, at hindi pasisilangin ng buwan ang kaniyang liwanag.
11 (N)At aking parurusahan ang sanglibutan dahil sa kanilang kasamaan, at ang mga masama dahil sa kanilang kabalakyutan; (O)at aking patitigilin ang kahambugan ng palalo, at aking ibababa ang kapalaluan ng kakilakilabot.
12 At (P)aking gagawin ang isang lalake ay maging mahalaga kay sa dalisay na ginto, ang tao na (Q)higit kay sa dalisay na ginto ng Ophir.
13 Kaya't (R)aking panginginigin ang mga langit, at ang lupa ay yayanigin mula sa kinaroroonan sa poot ng Panginoon ng mga hukbo, at sa (S)kaarawan ng kaniyang mabangis na galit,
14 At mangyayari, na kung paano ang usang hinahabol, at kung paano ang mga tupa na walang pumisan, ay magsisibalik sila (T)bawa't isa sa kaniyang sariling bayan, at tatakas bawa't isa sa kaniyang sariling lupain.
15 Bawa't masusumpungan ay palalagpasan; at bawa't nahuli ay mabubuwal sa tabak.
16 Ang kanilang mga sanggol ay (U)pagluluraylurayin sa harap ng kanilang mga mata; (V)ang kanilang mga bahay ay sasamsaman, at ang kanilang mga asawa ay dadahasin.
17 Narito, aking hihikayatin ang mga Medo (W)laban sa kanila, na hindi magpapakundangan sa pilak, at tungkol sa ginto, hindi nila kaluluguran.
18 At pagluluraylurayin ng kanilang mga busog ang mga binata; at sila'y hindi maaawa sa bunga ng bahay-bata; ang kanilang mata ay hindi mahahabag sa mga bata.
19 At ang Babilonia, ang (X)kaluwalhatian ng mga kaharian, ang (Y)ganda ng kapalaluan ng mga Caldeo, ay magiging gaya (Z)nang gibain ng Dios ang Sodoma at Gomorra.
20 Hindi matatahanan kailan man, (AA)ni di tatahanan sa buong panahon: ni di magtatayo roon ang taga Arabia ng tolda; ni di pahihigain doon ng mga pastor ang kanilang kawan.
21 Kundi mga maiilap na hayop sa ilang ang magsisihiga (AB)roon; at ang kanilang mga bahay ay mangapupuno ng mga hayop na nagsisiungal; at mga avestruz ay magsisitahan doon, at ang mga lalaking kambing ay magluluksuhan roon.
22 At ang mga lobo ay magsisihiyaw sa kanilang mga moog, at ang mga chakal sa mga maligayang palasio: (AC)at ang kanilang panahon ay malapit nang sumapit, at ang kanilang mga kaarawan ay hindi magtatagal.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
