Add parallel Print Page Options

Mayamang mga pangako sa nalulungkot na Sion.

49 Kayo'y magsipakinig sa akin, Oh (A)mga pulo; at inyong pakinggan, ninyong mga bayan, sa malayo: tinawag ako ng (B)Panginoon mula sa bahay-bata; mula sa bahay-bata ng aking ina ay binanggit niya ang aking pangalan:

At kaniyang ginawa ang (C)aking bibig na parang matalas na tabak; sa lilim ng kaniyang kamay ay ikinubli niya ako: at ginawa niya akong makinang na pana; sa kaniyang lalagyan ng pana ay itinago niya ako:

At sinabi niya sa akin, Ikaw ay (D)aking lingkod; Israel, na siyang aking ikaluluwalhati.

Nguni't aking sinabi, Ako'y gumawang (E)walang kabuluhan, aking ginugol ang aking lakas sa wala, at sa walang kabuluhan; (F)gayon ma'y tunay na ang kahatulan sa akin ay nasa Panginoon, at ang kagantihan sa akin ay nasa aking Dios.

At ngayo'y sinasabi ng Panginoon na naganyo sa akin mula sa bahay-bata upang maging kaniyang lingkod, upang dalhin uli ang Jacob sa kaniya, at ang Israel ay mapisan sa kaniya: (sapagka't ako'y marangal sa mga mata ng Panginoon, at ang aking Dios ay naging aking kalakasan;)

Oo, kaniyang sinasabi, Totoong magaan ang bagay na ikaw ay naging aking lingkod upang ibangon ang mga lipi ng Jacob, at isauli ang iningatan ng Israel, ikaw ay aking ibibigay na (G)pinakailaw sa mga Gentil upang ikaw ay maging aking kaligtasan hanggang sa wakas ng lupa.

(H)Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Manunubos ng Israel, na kaniyang Banal, (I)doon sa hinahamak ng tao, doon sa kinayayamutan ng bansa, sa lingkod ng mga pinuno, Ang mga hari at ang mga pangulo, ay mangakakakita at magsisibangon, at sila'y magsisisamba; dahil sa Panginoon na tapat, sa Banal ng Israel, na siyang pumili sa iyo.

Ganito ang sabi ng Panginoon, (J)Sa kalugodlugod na panahon ay sinagot kita, at sa araw ng pagliligtas ay tinulungan kita: (K)at aking iningatan ka, at ibibigay kita na pinakatipan sa bayan, upang ibangon ang lupain, upang ipamana sa kanila ang mga sirang mana;

Na nagsasabi sa kanilang nangabibilanggo, Kayo'y magsilabas; sa kanilang nangasa kadiliman, Pakita kayo. Sila'y magsisikain sa mga daan, at ang lahat na luwal na kaitaasan ay magiging kanilang pastulan.

10 (L)Sila'y hindi mangagugutom, o mangauuhaw man; (M)at hindi man sila mangapapaso ng init, o ng araw man: sapagka't siyang may awa sa kanila ay papatnubay sa kanila, sa makatuwid baga'y sa tabi ng mga (N)bukal ng tubig ay papatnubayan niya sila.

11 At aking gagawing daan ang (O)lahat ng aking mga bundok, at ang aking mga lansangan ay patataasin.

12 Narito, (P)ang mga ito'y manggagaling sa malayo; at, narito, ang mga ito ay (Q)mula sa hilagaan, at mula sa kalunuran; at ang mga ito ay mula sa lupain ng Sinim.

13 Ikaw ay umawit, Oh langit; (R)at magalak, Oh lupa; at kayo'y biglang magsiawit, Oh mga bundok: sapagka't inaliw ng Panginoon ang kaniyang bayan, at mahahabag sa kaniyang nagdadalamhati.

14 Nguni't sinabi ng Sion, (S)Pinabayaan ako ni Jehova, at nilimot ako ng Panginoon.

15 Malilimutan ba ng babae (T)ang kaniyang batang pasusuhin; na siya'y hindi mahahabag sa anak ng kaniyang bahay-bata? oo, ito'y makalilimot, (U)nguni't hindi kita kalilimutan.

16 Narito (V)aking inanyuan ka sa mga palad ng aking mga kamay; ang iyong mga kuta ay laging nangasa harap ko.

17 Ang iyong mga anak ay mangagmamadali; ang mga manghahamak sa iyo at ang sumisira sa iyo ay aalis sa iyo.

18 Imulat mo ang iyong mga mata sa palibot, (W)at tingnan mo: lahat ng mga ito ay nagpipipisan, at naparirito sa iyo. Buháy ako, sabi ng Panginoon, ikaw ay mabibihisan (X)ng lahat ng mga yaon, na parang pinakagayak, at mabibigkisan ka (Y)ng mga yaon na parang isang kasintahang babae.

19 Sapagka't tungkol sa iyong mga sira at sa iyong mga gibang dako at sa iyong lupain na nawasak, tunay na ikaw (Z)ngayon ay magiging totoong napakakipot sa mga mananahan, at silang nagsisisakmal sa iyo ay mangalalayo.

20 (AA)Ang mga anak ng inyong kapanglawan ay mangagsasabi pa sa iyong mga pakinig, Ang dako ay totoong makipot sa ganang akin: (AB)bigyan mo ako ng dako upang aking matahanan.

21 Kung magkagayo'y sasabihin mo sa iyong sarili, (AC)Sinong nanganak ng mga ito sa akin, dangang nawalan ako ng aking mga anak, at ako'y nagiisa, tapon, at lumalaboy na paroo't parito? at sinong nagpalaki ng mga ito? Narito, ako'y naiwang magisa; mga ito, saan nangandoon?

22 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, (AD)Narito, aking ikakaway ang aking kamay sa mga bansa, at itatayo ko ang aking watawat sa mga bayan; at sila'y kakalong ng iyong mga anak na lalake sa kanilang sinapupunan, at ang iyong mga anak na babae ay papasanin ng kanilang mga balikat.

23 (AE)At mga hari ang magiging iyong mga taga kandiling ama, at ang kanilang mga reina, ay iyong mga taga kandiling ina: sila'y magsisiyukod sa iyo (AF)ng kanilang mga mukha sa lupa, at (AG)hihimuran ang alabok ng inyong mga paa: at iyong makikilala, na ako ang Panginoon, at ang nangaghihintay sa akin ay (AH)hindi mangapapahiya.

24 Makukuha baga ang huli sa makapangyarihan, o maliligtas ang mga talagang nabihag?

25 Nguni't ganito ang sabi ng Panginoon, Pati ng mga bihag ng makapangyarihan ay kukunin, at ang huli ng kakilakilabot ay maliligtas; (AI)sapagka't ako'y makikipaglaban sa kaniya na nakikipaglaban sa iyo, at aking ililigtas ang iyong mga anak.

26 (AJ)At aking pakakanin silang nagsisipighati sa iyo ng kanilang sariling laman; at sila'y mangalalango ng (AK)kanilang sariling dugo, na gaya ng matamis na alak: at (AL)makikilala ng lahat ng tao, na akong Panginoon ay iyong Tagapagligtas, at iyong (AM)Manunubos, na (AN)Makapangyarihan ng Jacob.

'Isaias 49 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Ang Israel ang Tanglaw ng mga Bansa

49 Kayo'y(A) makinig sa akin, O mga pulo;
    at inyong pakinggan, kayong mga bayan sa malayo.
Tinawagan ako ng Panginoon mula sa sinapupunan,
    mula sa katawan ng aking ina ay binanggit niya ang aking pangalan.
Ang(B) aking bibig ay ginawa niyang parang matalas na tabak,
    sa lilim ng kanyang kamay ay ikinubli niya ako;
ginawa niya akong makinang na palaso,
    sa kanyang lalagyan ng pana ay itinago niya ako.
At sinabi niya sa akin, “Ikaw ay aking lingkod;
    Israel, na siyang aking ikaluluwalhati.”
Ngunit aking sinabi, “Ako'y gumawang walang kabuluhan,
    ginugol ko ang aking lakas sa wala, at sa walang kabuluhan;
gayunma'y ang aking katarungan ay nasa Panginoon,
    at ang aking gantimpala ay nasa aking Diyos.”

At ngayo'y sinabi ng Panginoon,
    na nag-anyo sa akin mula sa sinapupunan upang maging kanyang lingkod,
upang ibalik uli ang Jacob sa kanya,
    at ang Israel ay matipon sa kanya;
sapagkat sa mga mata ng Panginoon ako'y pinarangalan,
    at ang aking Diyos ay aking kalakasan—
oo, kanyang(C) sinasabi:
“Napakagaan bang bagay na ikaw ay naging aking lingkod
upang ibangon ang mga lipi ni Jacob,
    at panumbalikin ang iningatan ng Israel;
ikaw ay aking ibibigay na pinakailaw sa mga bansa
    upang ang aking kaligtasan ay makarating hanggang sa dulo ng lupa.”

Ganito ang sabi ng Panginoon,
    ng Manunubos ng Israel at ng kanyang Banal,
sa lubos na hinamak, sa kinasuklaman ng bansa,
    ang lingkod ng mga pinuno:
“Ang mga hari at ang mga pinuno,
    ay makakakita at babangon, at sila'y magsisisamba;
dahil sa Panginoon na tapat,
    sa Banal ng Israel, na siyang pumili sa iyo.”

Ganito(D) ang sabi ng Panginoon:

“Sa kalugud-lugod na panahon ay sinagot kita,
    at sa araw ng pagliligtas ay tinulungan kita;
aking iningatan ka, at ibinigay kita
    bilang isang tipan sa bayan,
upang itatag ang lupain,
    upang ipamahagi ang mga sirang mana;
na sinasabi sa mga bilanggo, ‘Kayo'y magsilabas;’
    sa mga nasa kadiliman, ‘Magpakita kayo.’
Sila'y magsisikain sa mga daan,
    at ang lahat ng bukas na kaitaasan ay magiging kanilang pastulan.
10 Sila'y(E) hindi magugutom, o mauuhaw man;
    at hindi rin sila mapapaso ng maiinit na hangin ni sasaktan man sila ng araw.
Sapagkat siyang may awa sa kanila ang sa kanila ay papatnubay,
    at aakayin sila sa tabi ng mga bukal ng tubig.
11 At aking gagawing daan ang lahat ng aking mga bundok,
    at ang aking mga lansangan ay patataasin.
12 Narito, ang mga ito'y manggagaling sa malayo,
    at, narito, ang mga ito ay mula sa hilaga, at mula sa kanluran,
    at ang mga ito ay mula sa lupain ng Sinim.”

13 Umawit ka sa kagalakan, O kalangitan, at magalak ka, O lupa;
    kayo'y biglang umawit, O mga kabundukan!
Sapagkat inaliw ng Panginoon ang kanyang bayan,
    at mahahabag sa kanyang mga nahihirapan.

14 Ngunit sinabi ng Zion, “Pinabayaan ako ng Panginoon,
    kinalimutan ako ng aking Panginoon.”
15 “Malilimutan ba ng babae ang kanyang batang pasusuhin,
    na siya'y hindi mahahabag sa anak ng kanyang sinapupunan?
Oo, ang mga ito'y makakalimot,
    ngunit hindi kita kalilimutan.
16 Narito, aking inanyuan ka sa mga palad ng mga kamay ko,
    ang iyong mga pader ay laging nasa harapan ko.
17 Ang iyong mga tagapagtayo ay magmamadali,
    at ang sumisira, at ang nagwawasak sa iyo ay lalayo.
18 Imulat mo ang iyong mga mata sa palibot, at tingnan mo;
    silang lahat ay nagtitipon, sila'y lumalapit sa iyo.
Habang ako'y nabubuhay, sabi ng Panginoon,
    silang lahat ay isusuot mo na gaya ng panggayak,
    gaya ng ginagawa ng babaing ikakasal, bibigkisan mo silang lahat.

19 “Sapagkat ang iyong mga sira at mga gibang dako
    at ang iyong lupaing nawasak—
tiyak na ngayon ikaw ay magiging totoong napakakipot
    para sa iyong mga mamamayan, at silang lumamon sa iyo ay mapapalayo.
20 Ang mga anak na ipinanganak sa panahon ng inyong kapanglawan
    ay magsasabi pa sa iyong pandinig:
‘Ang lugar ay napakakipot para sa akin.
    Bigyan mo ako ng lugar na aking matitirahan.’
21 Kung magkagayo'y sasabihin mo sa iyong puso:
    ‘Sinong nagsilang ng mga ito sa akin?
Ako'y namanglaw at walang anak,
    itinapon at palabuy-laboy,
    ngunit sinong nagpalaki sa mga ito?
Narito, ako'y naiwang mag-isa;
    saan nagmula ang mga ito?’”

22 Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos:

“Itataas ko ang aking kamay sa mga bansa,
    at itatayo ko ang aking watawat sa mga bayan;
at ilalagay nila ang inyong mga anak na lalaki sa kanilang sinapupunan,
    at ang inyong mga anak na babae sa kanilang mga balikat ay ipapasan.
23 At mga hari ang magiging iyong mga tagapag-alaga,
    at ang kanilang mga reyna ay siyang mag-aaruga.
Sila'y yuyukod sa iyo na ang kanilang mga mukha ay nakatungo sa lupa,
    at hihimurin ang alabok ng inyong mga paa.
At iyong makikilala na ako ang Panginoon;
    ang mga naghihintay sa akin ay hindi mapapahiya.

24 Makukuha ba ang biktima mula sa makapangyarihan,
    o maililigtas ba ang nabiktima ng malupit?”
25 Ngunit, ganito ang sabi ng Panginoon:
“Pati ang mga bihag ng makapangyarihan ay kukunin,
    at ang biktima ng malupit ay maliligtas,
sapagkat ako'y makikipaglaban sa mga nakikipaglaban sa iyo,
    at aking ililigtas ang mga anak mo.
26 At ipapakain ko sa mga umaapi sa iyo ang kanilang sariling laman,
    at sila'y malalasing sa kanilang sariling dugo na gaya ng matamis na alak.
At makikilala ng lahat ng laman
    na akong Panginoon ay iyong Tagapagligtas,
    at iyong Manunubos, ang Makapangyarihan ng Jacob.”