Add parallel Print Page Options

16 Ang mga taga-Moab na nagsitakas sa Sela, na isang bayan sa ilang ay nagpadala ng mga batang tupa bilang regalo sa hari ng Jerusalem.[a] Ang mga babaeng taga-Moab na nasa tawiran ng Arnon ay parang mga ibong binulabog sa kanilang mga pugad.

Sinabi ng mga taga-Moab sa mga taga-Juda, “Payuhan ninyo kami kung ano ang dapat naming gawin. Kalingain ninyo kami, tulad ng lilim na ibinibigay ng punongkahoy sa tanghaling-tapat. Nagsitakas kami mula sa aming bayan, at ngayon ay wala nang sariling tahanan. Kupkupin nʼyo sana kami at huwag pababayaan. Patirahin nʼyo sana kaming mga taga-Moab sa inyong lupain. Ipagtanggol nʼyo kami sa mga gustong pumatay sa amin.”

Matitigil ang mga pang-aapi at pamumuksa. At mawawala na ang pang-aapi sa lupain ng Israel. At maghahari ang isa sa mga angkan ni David na may katapatan at pag-ibig. Paiiralin niya ang katarungan sa kanyang paghatol. At masigasig siyang gagawa ng matuwid.

Nabalitaan naming masyadong mapagmalaki ang mga taga-Moab. Ang pagmamataas at kahambugan nila ay walang kabuluhan. Kaya iiyakan ng mga taga-Moab ang kanilang bansa. Iiyak silang lahat dahil sa pagkawala ng masasarap nilang pagkain sa Kir Hareset. Nasira ang mga bukid sa Heshbon pati na ang mga ubasan sa Sibma. Winasak ng mga pinuno ng mga bansa ang mga ubasan hanggang sa Jazer patungo sa disyerto at umabot pa hanggang sa Dagat na Patay. Kaya umiiyak ako tulad ng mga taga-Jazer, dahil sa ubasan ng Sibma. Iniiyakan ko ang Heshbon at Eleale dahil hindi na maririnig ang masasaya nilang hiyawan dahil sa masaganang ani. 10 Naglaho ang kagalakan nila at kasayahan sa kanilang mga ubasan. Wala nang umaawit o humihiyaw sa mga ubasan. Wala na ring pumipisa ng ubas para gawing alak. Pinatigil na ng Panginoon[b] ang kanilang hiyawan. 11 Kaya nalulungkot ako sa sinapit ng Moab na katulad ng malungkot na tugtugin ng alpa. Nalulungkot din ako sa sinapit ng Kir Hareset. 12 Mapapagod lang ang mga taga-Moab sa kababalik sa kanilang mga sambahan sa matataas na lugar.[c] At wala ring kabuluhan ang kanilang pagpunta nila sa templo para manalangin.

13 Iyon ang sinabi noon ng Panginoon tungkol sa Moab. 14 At ngayon, ito ang kanyang sinabi, “Sa loob ng tatlong taon, mawawala ang kayamanan ng Moab at malalagay sa kahihiyan ang kanyang mga mamamayan. Iilan lang ang matitirang buhay sa mga mamamayan nito at mahihina pa.”

Footnotes

  1. 16:1 Jerusalem: sa literal, sa bundok ng mga anak na babae ng Zion.
  2. 16:10 Pinatigil na ng Panginoon: sa Hebreo, Pinatigil ko na. Nagsasalita rito ang Panginoon sa pamamagitan ni Isaias.
  3. 16:12 sambahan sa matataas na lugar: Tingnan sa Talaan ng mga Salita sa likod.
'Isaias 16 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Ang pagsamsam sa Moab.

16 Ipadadala ninyo ang mga (A)kordero na ukol sa pinuno ng lupain mula sa Selah na nasa dakong ilang, hanggang sa bundok ng anak na babae ng Sion.

Sapagka't mangyayari, na gaya ng mga ibong nagsisigala, na gaya ng kalat na pugad, magiging gayon ang mga anak na babae ng Moab sa mga tawiran ng (B)Arnon.

Magpayo ka, magsagawa ka ng kahatulan; (C)iyong gawin ang iyong anino na gaya ng gabi sa gitna ng katanghaliang tapat: ikubli mo ang mga tapon; huwag mong ilitaw ang palaboy.

Patirahin mong kasama mo ang aking natapon; tungkol sa Moab, maging kanlungan ka niya sa mukha ng mananamsam: sapagka't ang mamimighati ay mauuwi sa wala, ang pagsamsam ay matitigil, ang mga mamimighati ay malilipol sa lupain.

At ang luklukan ay matatatag sa kagandahang-loob, at isa'y uupo (D)roon sa katotohanan, sa tabernakulo ni David; (E)na humahatol at humahanap ng kahatulan, at nagmamadaling nagsasagawa ng katuwiran.

(F)Aming nabalitaan ang kapalaluan ng Moab, na siya'y totoong palalo; ang kaniyang kahambugan, at ang kaniyang kapalaluan, at ang kaniyang poot, ang (G)kaniyang paghahambog ay nauuwi sa wala.

Kaya't aangal ang (H)Moab dahil sa Moab, bawa't isa'y aangal: dahil sa mga binilong pasas ng (I)Kirhareseth ay mananangis kayong lubha na nangamamanglaw.

Sapagka't ang mga bukid (J)ng Hesbon ay nanghihina, at ang ubasan ng Sibma; sinira ng mga mahal na tao ng mga bansa ang mga piling pananim niyaon; sila'y nagsisapit hanggang sa (K)Jazer, sila'y nagsilaboy sa ilang; ang kaniyang mga sanga ay nangalaladlad, sila'y nagsitawid sa dagat.

Kaya't iiyak ako ng iyak ng Jazer dahil sa puno ng ubas ng Sibma: aking didiligin ka ng aking mga luha, Oh Hesbon, at Eleale; sapagka't sa iyong mga bunga ng taginit at sa iyong pagaani, dumating ang hiyaw sa pakikipagbaka.

10 At ang kasayahan ay naalis, (L)at ang kagalakan sa mainam na bukid; at sa mga ubasan ay hindi magkakaroon ng mga awitan, o masayang kaingay man: walang manyayapak na gagawa ng alak sa alakan; aking pinatigil ang awitan sa pagaani.

11 Kaya't ang (M)aking tiyan ay tumutunog na parang alpa dahil sa Moab, at ang aking mga lamang-loob dahil sa Kir-hares.

12 At mangyayari, pagka ang Moab ay humarap, pagka siya'y napagod (N)sa mataas na dako, at paroroon sa kaniyang santuario upang dumalangin, ay hindi siya mananaig.

13 Ito ang salita na sinalita ng Panginoon tungkol sa Moab (O)sa panahong nakaraan.

14 Nguni't ngayo'y nagsalita ang Panginoon, na nagsasabi, Sa loob ng tatlong taon, (P)na gaya ng mga taon ng isang upahan, ay mawawalang kabuluhan ang kaluwalhatian ng Moab sangpu ng lahat niyang karamihan; at ang nalabi ay mangangaunti at walang halaga.