Isaias 41:17-43:13
Ang Biblia (1978)
17 Ang dukha at mapagkailangan ay humahanap ng tubig, at wala, at ang kanilang dila ay natutuyo dahil sa uhaw; akong Panginoon ay sasagot sa kanila, akong (A)Dios ng Israel ay hindi magpapabaya sa kanila.
18 (B)Ako'y magbubukas ng mga ilog sa mga luwal na kaitaasan, at mga bukal sa gitna ng mga libis: (C)aking gagawin ang ilang na lawa ng tubig, at ang tuyong lupain ay mga bukal ng tubig.
19 Aking itatanim sa ilang ang cedro, ang puno ng acacia, at ang arayan, at ang olivo; aking ilalagay sa ilang ang puno ng abeto, at ang pino, at ang boj na magkakasama:
20 Upang sila'y makakita at makaalam, at makagunita, at makatalos na magkakasama, na ginawa ito ng kamay ng Panginoon, at nilikha ng Banal ng Israel.
Ang mga idolatria ay walang kapangyarihan upang maging mga propeta.
21 Iharap ninyo ang inyong usap, sabi ng Panginoon; inyong ilabas ang inyong mga matibay sa pagmamatuwid, sabi ng Hari ng Jacob.
22 Ilabas nila, (D)at ipahayag sa amin kung anong mangyayari: ipahayag ninyo ang mga dating bagay, maging anoman ang mga yaon, upang aming mabatid at maalaman ang huling wakas nila: o pagpakitaan ninyo kami ng mga bagay na darating.
23 Inyong ipahayag ang mga bagay (E)na darating pagkatapos, upang aming maalaman na kayo'y mga dios; (F)oo, kayo'y magsigawa ng mabuti, o magsigawa ng kasamaan, upang kami ay mangawalan ng loob, at mamasdan naming magkakasama.
24 Narito, (G)kayo'y sa wala, at ang inyong gawa ay sa wala: kasuklamsuklam siya na pumili sa inyo.
25 May ibinangon ako (H)mula sa hilagaan, at siya'y dumating; mula sa sikatan ng araw ay tumatawag siya sa aking pangalan: at siya'y paroroon sa mga pinuno na parang cimiento, at para ng magpapalyok na yumuyurak ng putik na malagkit.
26 Sinong nagpahayag noon (I)mula nang pasimula upang aming maalaman? at nang una, upang aming masabi, Siya'y matuwid? oo, walang magpahayag, oo, walang magpakita, oo, walang duminig ng inyong mga salita.
27 Ako'y (J)unang (K) magsasabi sa Sion, Narito, narito sila; at ako'y magbibigay sa Jerusalem ng isa na nagdadala ng mga mabuting balita.
28 At pagka ako'y tumitingin, (L)walang tao; sa gitna nila ay walang tagapayo, na makasagot ng isang salita, pagka ako'y tumatanong sa kanila.
29 Narito, silang lahat, ang kanilang mga gawa ay walang kabuluhan (M)at walang anoman ang kanilang mga larawang binubo ay hangin at kalituhan.
Ang pangako ng Panginoon sa kaniyang lingkod.
42 (N)Narito, ang (O)aking lingkod, na aking inaalalayan; (P)ang aking hinirang, (Q)na kinalulugdan ng aking kaluluwa; (R)isinakaniya ko ang aking Espiritu; siya'y maglalapat ng kahatulan sa mga bansa.
2 Siya'y hindi hihiyaw, o maglalakas man ng tinig, o iparirinig man ang kaniyang tinig sa lansangan.
3 Ang gapok na tambo ay hindi niya babaliin, ni ang timsim na umuusok ay hindi niya papatayin: siya'y maglalapat ng kahatulan sa katotohanan.
4 Siya'y hindi manglulupaypay o maduduwag man, hanggang sa maitatag niya ang kahatulan sa lupa; (S)at ang mga pulo ay maghihintay sa kaniyang kautusan.
5 Ganito ang sabi ng Dios na Panginoon, na lumikha ng langit, at nagladlad ng mga yaon; siyang naglatag ng lupa at ng nagsisilitaw rito; siyang nagbibigay ng hinga sa bayang nito, at ng diwa sa kanila na nagsisilakad dito:
6 Ako, ang Panginoon, ay tumawag sa iyo sa katuwiran, at hahawak ng iyong kamay, at magiingat sa iyo, at ibibigay (T)kita na pinakatipan sa bayan, (U)na pinakaliwanag sa mga bansa;
7 (V)Upang magdilat ng mga bulag na mata, (W)upang maglabas ng mga bilanggo sa bilangguan, at (X)nilang nangauupo sa kadiliman mula sa bilangguan.
8 Ako ang Panginoon; na siyang aking pangalan: at ang aking kaluwalhatian ay hindi ko ibibigay (Y)sa iba, o ang akin mang kapurihan sa mga larawang inanyuan.
9 Narito, ang mga dating bagay ay nangyayari na, at ang mga bagong bagay ay ipinahahayag ko: bago mangalitaw ay sinasaysay ko sa inyo.
10 Magsiawit kayo sa Panginoon (Z)ng bagong awit, at ng kapurihan niya na mula sa wakas ng lupa; (AA)kayong nagsisibaba sa dagat, at ang buong nariyan, (AB)ang mga pulo, at mga nananahan doon,
11 (AC)Mangaglakas ng kanilang tinig ang ilang at ang mga bayan niyaon, ang mga nayon na tinatahanan ng (AD)Cedar: magsiawit ang mga nananahan sa Selah, magsihiyaw sila mula sa mga taluktok ng mga bundok.
12 Mangagbigay luwalhati sila sa Panginoon, at mangagpahayag ng kaniyang kapurihan sa mga pulo.
13 Ang Panginoon ay lalabas na parang makapangyarihang lalake; siya'y pupukaw ng paninibugho na parang lalaking mangdidigma: siya'y hihiyaw, oo, siya'y hihiyaw ng malakas; siya'y gagawang makapangyarihan laban sa kaniyang mga kaaway.
Ang Israel ay hindi kinalugdan dahil sa katigasan ng ulo.
14 Ako'y tumahimik ng malaon; ako'y hindi kumibo, at nagpigil ako: ngayo'y hihiyaw akong parang nagdaramdam na babae; ako'y manggigiba at mananakmal na paminsan.
15 Aking gagawing giba ang mga bundok at mga burol, at tutuyuin ko ang lahat nilang mga pananim; at gagawin kong mga pulo ang mga ilog, at aking tutuyuin ang mga lawa.
16 At aking dadalhin ang bulag sa daan na hindi nila nalalaman; sa mga landas na hindi nila nalalaman ay papatnubayan ko sila; aking gagawing kadiliman ang liwanag sa harap nila, at mga likong daan ang matuwid. Ang mga bagay na ito ay aking gagawin, at hindi ko kalilimutan sila.
17 Sila'y mangapapaurong, (AE)sila'y mangapapahiyang mainam, na nagsisitiwala sa mga larawang inanyuan, na nangagsasabi sa mga larawang binubo, Kayo'y aming mga dios.
18 Makinig kayong mga bingi; at tumingin kayong mga bulag, upang kayo'y mangakakita.
19 Sino ang bulag (AF)kundi ang aking lingkod? o ang bingi, na gaya ng aking sugo na aking sinusugo? sino ang bulag na gaya niya na nasa kapayapaan sa akin, at bulag na gaya ng (AG)lingkod ng Panginoon?
20 Ikaw ay nakakakita ng maraming bagay, (AH)nguni't hindi mo binubulay; (AI)ang kaniyang mga tainga ay bukas, nguni't hindi niya dininig.
21 Kinalulugdan ng Panginoon dahil sa kaniyang katuwiran, na dakilain ang kautusan, at gawing marangal.
22 Nguni't ito ay isang bayang nanakaw at nasamsam; silang lahat ay nangasilo sa mga hukay, at sila'y nangakubli sa mga bilangguan: sila'y pinaka huli at walang magligtas; pinaka samsam, at walang magsabi, Iyong papanumbalikin.
23 Sino sa gitna ninyo ang makikinig nito? na makikinig at didinig para sa panahong darating?
24 Sino ang nagbigay ng Jacob na pinaka samsam, at ng Israel sa mga magnanakaw? di baga ang Panginoon? na laban sa kaniya ay nangagkasala tayo, at sa mga daan niya ay hindi sila nagsilakad, o naging masunurin man sila sa kaniyang kautusan.
25 (AJ)Kaya't ibinugso niya sa kaniya ang pusok ng kaniyang galit, at ang lakas ng pakikipagbaka; (AK)at sinulsulan siya ng apoy sa palibot, (AL)gayon ma'y hindi niya naalaman; at sinunog siya, gayon ma'y hindi siya naglagak ng kalooban.
Ang Panginoon lamang ang makapagliligtas.
43 Nguni't ngayo'y ganito ang sabi ng Panginoon na lumalang sa iyo, Oh Jacob, at naganyo sa iyo, Oh Israel, Ikaw ay huwag matakot, (AM)sapagka't tinubos kita; tinawag (AN)kita sa iyong pangalan, ikaw ay akin.
2 Pagka ikaw ay dumaraan (AO)sa tubig, (AP)ako'y sasaiyo; at sa mga ilog ay hindi ka tatakpan niyaon: pagka ikaw ay lumalakad (AQ)sa apoy, hindi ka masusunog; o magniningas man ang alab sa iyo.
3 Sapagka't ako ang Panginoon mong Dios, ang Banal ng Israel, ang Tagapagligtas (AR)sa iyo; aking ibinigay na pinakatubos sa iyo ang (AS)Egipto, ang Etiopia at ang Seba.
4 Yamang ikaw ay naging mahalaga sa aking paningin, at kagalanggalang, at aking inibig ka; kaya't magbibigay ako ng mga tao na pinakatubos sa iyo, at ng mga bayan na pinakatubos sa iyong buhay.
5 Huwag kang matakot, (AT)sapagka't ako'y sumasaiyo: aking dadalhin ang iyong lahi (AU)mula sa silanganan, at pipisanin kita mula sa kalunuran;
6 Aking sasabihin sa hilagaan, Bayaan mo, at sa timugan, Huwag mong pigilin; dalhin mo rito ang aking mga anak na lalake na mula sa malayo, at ang aking mga anak na babae na mula sa wakas ng lupa;
7 Bawa't (AV)tinatawag sa aking pangalan, at yaong aking nilikha ay (AW)sa aking kaluwalhatian, yaong aking inanyuan oo, yaong aking ginawa.
8 Iyong ilabas ang bulag na bayan (AX)na may mga mata, at ang bingi may mga tainga.
9 Mapisan ang lahat na bansa, at magpulong ang mga bayan: (AY)sino sa gitna nila ang makapagpapahayag nito, at makapagpapakita sa amin ng mga dating bagay? dalhin nila ang kanilang mga saksi, upang sila'y mapatotohanan: o dinggin nila, at magsabi, Katotohanan nga.
10 (AZ)Kayo'y aking mga saksi, sabi ng Panginoon, (BA)at aking lingkod na aking pinili: upang inyong maalaman at magsisampalataya kayo sa akin, at inyong matalastas na ako nga; (BB)walang Dios na inanyuan na una sa akin, o magkakaroon man pagkatapos ko.
11 Ako, sa makatuwid baga'y (BC)ako, ang Panginoon; at liban sa akin ay walang tagapagligtas.
12 Ako'y nagpahayag, at ako'y nagligtas, at ako'y nagpakilala, at walang (BD)ibang dios sa gitna ninyo: kaya't kayo ang aking mga saksi, sabi ng Panginoon, at ako ang Dios.
13 (BE)Oo, mula nang magkaroon ng araw ay ako nga; at walang sinomang makapagliligtas sa aking kamay: ako'y gagawa, at sinong pipigil?
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978