Hoseas 8
Ang Biblia, 2001
Hinatulan ang Israel sa Pagsamba sa Diyus-diyosan
8 Ilagay mo ang trumpeta sa iyong bibig.
    Gaya ng agila ang kaaway ay dumarating laban sa bahay ng Panginoon,
sapagkat kanilang sinuway ang aking tipan,
    at nilabag ang aking kautusan.
2 Sila'y dumadaing sa akin,
    “Diyos ko, kami ng Israel ay nakakakilala sa iyo.”
3 Itinakuwil ng Israel ang mabuti,
    hahabulin siya ng kaaway.
4 Sila'y naglalagay ng mga hari, ngunit hindi sa pamamagitan ko.
    Sila'y naglalagay ng mga prinsipe, ngunit wala akong kinalaman.
Sa kanilang pilak at ginto ay gumawa sila ng mga diyus-diyosan para sa kanilang sarili,
    upang sila'y mapahiwalay.
5 Kanyang itinakuwil ang iyong guya, O Samaria.
    Ang aking galit ay nag-aalab laban sa kanila.
Kailan pa sila magiging mga walang sala?
6 Sapagkat ito'y mula sa Israel,
    ginawa ito ng manggagawa,
    at ito'y hindi Diyos.
Ang guya ng Samaria
    ay pagpuputul-putulin.
7 Sapagkat sila'y naghahasik ng hangin,
    sila'y mag-aani ng ipu-ipo.
Ang mga nakatayong trigo ay walang mga ulo,
    hindi ito magbibigay ng butil;
at kung magbigay
    ay lalamunin ito ng mga dayuhan.
8 Ang Israel ay nilamon;
    ngayo'y kasama na siya ng mga bansa
    tulad sa sisidlang walang sinumang nalulugod.
9 Sapagkat sila'y nagsiahon sa Asiria,
    parang isang mailap na asno na nag-iisa;
    ang Efraim ay may upahang mga mangingibig.
10 Bagaman sila'y umuupa ng mga kapanalig sa mga bansa,
    akin nga silang titipunin ngayon.
At sila'y magsimulang mangaunti
    dahil sa kabigatan mula sa mga hari at ng mga pinuno.
11 Sapagkat ang Efraim ay nagparami ng mga dambana upang magkasala
    ang mga iyon sa kanya ay naging mga dambana para sa pagkakasala.
12 Kahit isulat ko para sa kanya ang aking kautusan nang sampu-sampung libo,
    ang mga iyon ay ituturing nilang kakatuwang bagay.
13 Kahit maghandog sila ng mga piling alay,
    bagaman kumain sila ng laman,
    ang mga iyon ay hindi tinatanggap ng Panginoon.
Ngayo'y aalalahanin niya ang kanilang kasamaan,
    at parurusahan sila dahil sa kanilang mga kasalanan;
    sila'y babalik sa Ehipto.
14 Sapagkat nilimot ng Israel ang Lumikha sa kanya,
    at nagtayo ng mga palasyo,
at nagparami ang Juda ng mga lunsod na may kuta,
    ngunit magsusugo ako ng apoy sa kanyang mga lunsod,
    at tutupukin nito ang kanyang mga tanggulan.
Oseas 8
Ang Biblia (1978)
Ang pagsuway ng Israel sa kautusan.
8 Ilagay mo ang (A)pakakak sa iyong bibig. Gaya ng isang (B)aguila dumarating siya laban sa bahay ng Panginoon, sapagka't (C)kanilang sinuway ang aking tipan, at nagsisalangsang laban sa aking kautusan.
2 Sila'y magsisidaing sa akin, (D)Dios ko, kaming Israel ay nangakakakilala sa iyo.
3 Itinakuwil ng Israel ang mabuti: hahabulin siya ng kaaway.
4 Sila'y nangaglagay ng mga hari, (E)nguni't hindi sa pamamagitan ko; sila'y nangaglagay ng mga prinsipe, at hindi ko nalaman: (F)sa kanilang pilak at kanilang ginto ay nagsigawa sila ng diosdiosan, upang sila'y mangahiwalay.
5 Kaniyang inihiwalay ang iyong guya, Oh Samaria; ang aking galit ay nagaalab laban sa kanila: hanggang kailan sila ay magiging mga musmos.
6 Sapagka't mula sa Israel nanggaling ito; ito'y ginawa ng manggagawa, at ito'y hindi Dios; oo, ang guya ng Samaria ay magkakaputolputol.
7 Sapagka't sila'y nangagsasabog ng hangin, at sila'y magsisiani ng ipoipo: siya'y walang nakatayong trigo; ang uhay ay hindi maglalaman ng harina; at kung maglaman, ay lalamunin ng mga (G)taga ibang lupa.
8 Ang Israel ay nalamon: ngayo'y nasa gitna siya ng mga bansa na (H)parang sisidlang hindi kinalulugdan.
9 Sapagka't (I)sila'y nagsiahon sa Asiria, na parang isang mailap na (J)asno na nagiisa: ang Ephraim ay (K)umupa ng mga mangingibig.
10 Oo, bagaman sila'y umuupa sa gitna ng mga bansa, akin nga silang pipisanin ngayon; at sila'y mangagtitigil na kaunting panahon ng pagpapahid ng langis (L)sa hari at mga prinsipe.
11 Sapagka't ang Ephraim, ay nagparami ng mga dambana upang magkasala, ang mga dambana ay naging sa kaniyang ipagkakasala.
12 Sinulat ko para sa kaniya (M)ang sangpung libong bagay ng aking kautusan; kanilang inaring parang katuwang bagay.
13 Tungkol sa mga hain na mga handog sa akin, sila'y nangaghahain ng karne, at kinakain nila; nguni't ang mga yaon ay hindi tinatanggap ng Panginoon; ngayo'y aalalahanin niya ang kanilang kasamaan, at dadalawin ang kanilang mga kasalanan; (N)sila'y mangababalik sa Egipto.
14 Sapagka't nilimot ng Israel ang May-lalang sa kaniya, at nagtayo ng mga palacio; at nagparami ang Juda ng mga bayang nakukutaan; nguni't magsusugo (O)ako ng apoy sa kaniyang mga bayan, at susupukin ang mga kuta niyaon.
Hosea 8
Ang Dating Biblia (1905)
8 Ilagay mo ang pakakak sa iyong bibig. Gaya ng isang aguila dumarating siya laban sa bahay ng Panginoon, sapagka't kanilang sinuway ang aking tipan, at nagsisalangsang laban sa aking kautusan.
2 Sila'y magsisidaing sa akin, Dios ko, kaming Israel ay nangakakakilala sa iyo.
3 Itinakuwil ng Israel ang mabuti: hahabulin siya ng kaaway.
4 Sila'y nangaglagay ng mga hari, nguni't hindi sa pamamagitan ko; sila'y nangaglagay ng mga prinsipe, at hindi ko nalaman: sa kanilang pilak at kanilang ginto ay nagsigawa sila ng diosdiosan, upang sila'y mangahiwalay.
5 Kaniyang inihiwalay ang iyong guya, Oh Samaria; ang aking galit ay nagaalab laban sa kanila: hanggang kailan sila ay magiging mga musmos.
6 Sapagka't mula sa Israel nanggaling ito; ito'y ginawa ng manggagawa, at ito'y hindi Dios; oo, ang guya ng Samaria ay magkakaputolputol.
7 Sapagka't sila'y nangagsasabog ng hangin, at sila'y magsisiani ng ipoipo: siya'y walang nakatayong trigo; ang uhay ay hindi maglalaman ng harina; at kung maglaman, ay lalamunin ng mga taga ibang lupa.
8 Ang Israel ay nalamon: ngayo'y nasa gitna siya ng mga bansa na parang sisidlang hindi kinalulugdan.
9 Sapagka't sila'y nagsiahon sa Asiria, na parang isang mailap na asno na nagiisa: ang Ephraim ay umupa ng mga mangingibig.
10 Oo, bagaman sila'y umuupa sa gitna ng mga bansa, akin nga silang pipisanin ngayon; at sila'y mangagtitigil na kaunting panahon ng pagpapahid ng langis sa hari at mga prinsipe.
11 Sapagka't ang Ephraim, ay nagparami ng mga dambana upang magkasala, ang mga dambana ay naging sa kaniyang ipagkakasala.
12 Sinulat ko para sa kaniya ang sangpung libong bagay ng aking kautusan; kanilang inaring parang katuwang bagay.
13 Tungkol sa mga hain na mga handog sa akin, sila'y nangaghahain ng karne, at kinakain nila; nguni't ang mga yaon ay hindi tinatanggap ng Panginoon; ngayo'y aalalahanin niya ang kanilang kasamaan, at dadalawin ang kanilang mga kasalanan; sila'y mangababalik sa Egipto.
14 Sapagka't nilimot ng Israel ang May-lalang sa kaniya, at nagtayo ng mga palacio; at nagparami ang Juda ng mga bayang nakukutaan; nguni't magsusugo ako ng apoy sa kaniyang mga bayan, at susupukin ang mga kuta niyaon.
Hosea 8
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Pinarusahan ng Dios ang Israel Dahil sa Kanilang Pagsamba sa mga Dios-diosan
8 “Hipan ninyo ang trumpeta upang bigyang babala ang aking mga mamamayan, ang Israel na itinuturing kong tahanan,[a] na lulusubin sila ng kalaban na kasimbilis ng agila. Sapagkat sinira nila ang kasunduan ko sa kanila at nilabag nila ang aking Kautusan. 2 Nagsusumamo sila sa akin, ‘Dios ng Israel, kinikilala ka namin.’ 3 Pero itinakwil nila ang mabuti, kaya hahabulin sila ng kanilang kalaban. 4 Pumili sila ng mga hari at mga opisyal na hindi ko pinili. Gumawa sila ng mga dios-diosan mula sa kanilang mga pilak at ginto, at ang mga ito ang nagdala sa kanila sa kapahamakan. 5 Itinatakwil ko[b] ang dios-diosang baka ng mga taga-Samaria. Galit na galit ako sa kanila. Hanggang kailan sila mananatiling marumi? 6 Ang dios-diosang baka ng Samaria ay ginawa lamang ng mga platero na taga-Israel. Hindi iyon Dios! Tiyak na dudurugin iyon.
7 “Para silang naghahasik ng hangin at nag-aani ng buhawi.[c] Para ring trigo na walang uhay, kaya walang makukuhang pagkain. At kung mamumunga man, taga-ibang bansa naman ang lalamon nito. 8 Ang Israel ay parang nilamon ng ibang bansa. At ngayong nakikisalamuha na siya sa kanila, para na siyang kasangkapang walang silbi. 9 Para siyang asnong-gubat na nag-iisa at naliligaw. Humingi siya ng tulong sa Asiria; binayaran niya[d] ang kanyang mga kakamping bansa para ipagtanggol siya. 10 Pero kahit na nagpasakop siya sa mga bansang iyon, titipunin ko ngayon ang kanyang mga mamamayan at parurusahan. At magsisimula na ang kanilang paghihirap sa pang-aapi ng isang hari at ng mga opisyal[e] niya. 11 Nagpagawa nga sila ng maraming altar para sa mga handog sa paglilinis, pero doon din sila gumawa ng kasalanan. 12 Marami akong ipinasulat na kautusan para sa kanila, pero ang mga itoʼy itinuring nilang para sa iba at hindi para sa kanila. 13 Naghahandog sila sa akin at kinakain nila ang karneng handog,[f] pero hindi ako nalulugod sa kanila. At ngayon aalalahanin ko ang kanilang kasamaan at parurusahan ko sila dahil sa kanilang mga kasalanan. Babalik sila sa Egipto. 14 Kinalimutan ng mga taga-Israel ang lumikha sa kanila. Sila at ang mga taga-Juda ay nagtayo ng mga palasyo[g] at maraming napapaderang bayan. Pero susunugin ko ang kanilang mga lungsod at ang matitibay na bahagi nito.”
Footnotes
- 8:1 Israel … tahanan: o, templo ko.
- 8:5 ko: sa Hebreo, niya.
- 8:7 Para … buhawi: Maaaring ang ibig sabihin nito, dahil sa kanilang mga ginagawa na walang kabuluhan, matinding parusa ang igaganti sa kanila.
- 8:9 niya: sa Hebreo, Efraim. Makikita rin ang salitang Efraim sa Hebreo sa talatang 11. Tingnan ang “footnote” sa 4:17.
- 8:10 isang hari at ng mga opisyal: o, mga hari at mga opisyal; o, makapangyarihang hari.
- 8:13 kinakain … handog: Ayon sa Lev. 7:11-18, ang karne na inialay bilang handog para sa mabuting relasyon ay kakainin ng pamilya ng naghandog at ng mga pari.
- 8:14 palasyo: o, templo.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
