Hoseas 12-14
Ang Biblia, 2001
12 Ang Efraim ay nanginginain sa hangin,
at humahabol sa hanging silangan sa buong araw;
sila'y nagpaparami ng mga kabulaanan at karahasan;
sila'y nakikipagkasundo sa Asiria,
at nagdadala ng langis sa Ehipto.
2 Ang Panginoon ay may paratang laban sa Juda,
at parurusahan ang Jacob ayon sa kanyang mga lakad;
at pagbabayarin siya ayon sa kanyang mga gawa.
3 Sa(A) (B) sinapupunan ay kanyang hinawakan sa sakong ang kanyang kapatid;
at sa kanyang pagkabinata ay nakipagbuno siya sa Diyos.
4 Siya'y(C) nakipagbuno sa anghel, at nanaig;
siya'y tumangis, at humiling ng pagpapala niya.
Nakatagpo niya siya sa Bethel,
at doo'y nakipag-usap siya sa kanya.[a]
5 Ang Panginoon, ang Diyos ng mga hukbo;
Panginoon ang kanyang pangalan!
6 Kaya't magbalik-loob ka sa iyong Diyos,
mag-ingat ng kabutihang-loob at katarungan,
at hintayin mong lagi ang iyong Diyos.
7 Isang mangangalakal na may timbangang madaya sa kanyang mga kamay,
maibigin siya sa pang-aapi.
8 At sinabi ng Efraim, “Tunay na ako'y mayaman,
ako'y nagkamal ng kayamanan para sa aking sarili;
sa lahat ng aking pakinabang
walang natagpuang paglabag sa akin
na masasabing kasalanan.”
9 Ngunit(D) ako ang Panginoon mong Diyos
mula sa lupain ng Ehipto;
muli kitang patitirahin sa mga tolda,
gaya sa mga araw ng takdang kapistahan.
10 Ako ay nagsalita sa mga propeta,
at ako ang nagparami ng mga pangitain;
at sa pamamagitan ng mga propeta ay nagbigay ako ng mga talinghaga.
11 Sa Gilead ba'y may kasamaan?
Sila'y pawang walang kabuluhan.
Sa Gilgal ay naghahandog sila ng mga toro;
ang kanilang mga dambana ay parang mga bunton
sa mga lupang binungkal sa bukid.
12 Si(E) Jacob ay tumakas patungo sa lupain ng Aram,
at doon ay naglingkod si Israel dahil sa isang asawa,
at dahil sa isang asawa ay nag-alaga siya ng mga tupa.
13 Sa(F) pamamagitan ng isang propeta ay iniahon ng Panginoon ang Israel mula sa Ehipto,
at sa pamamagitan ng isang propeta, siya'y napangalagaan.
14 Ang Efraim ay nagbigay ng mapait na galit,
kaya't ibababa ng kanyang Panginoon ang mga kasamaan niya sa kanya
at pagbabayarin siya sa kanyang mga panlalait.
Ang Pagkawasak ng Efraim
13 Nang magsalita ang Efraim, nanginig ang mga tao;
kanyang itinaas ang kanyang sarili sa Israel;
ngunit siya'y nagkasala dahil kay Baal, at siya'y namatay.
2 At ngayo'y patuloy silang nagkakasala,
at gumagawa ng mga larawang hinulma para sa kanilang sarili,
mga diyus-diyosang pilak na ginawa ayon sa kanilang pang-unawa,
lahat ng iyon ay gawa ng mga manggagawa.
Sinasabi nila tungkol sa mga iyon, “Maghandog kayo rito.”
Ang mga tao ay humahalik sa mga guya!
3 Kaya't sila'y magiging tulad ng ulap sa umaga,
at tulad ng hamog na maagang naglalaho,
na gaya ng ipa na tinatangay ng ipu-ipo mula sa giikan,
at gaya ng usok na lumalabas sa labasan ng usok.
4 Gayunma'y ako ang Panginoon mong Diyos
mula sa lupain ng Ehipto;
at wala kang kilalang Diyos kundi ako,
at liban sa akin ay walang tagapagligtas.
5 Ako(G) ang kumilala sa iyo sa ilang,
sa lupain ng tagtuyot.
6 Ayon sa kanilang pastulan, sila ay nabusog;
sila ay nabusog, at ang kanilang puso ay nagmalaki;
kaya't kinalimutan nila ako.
7 Kaya't ako'y magiging gaya ng leon sa kanila;
gaya ng leopardo ako'y mag-aabang sa tabi ng daan.
8 Ako'y susunggab sa kanila na gaya ng oso na ninakawan ng kanyang mga anak,
at pupunitin ko upang mabuksan ang takip ng kanilang puso;
at doo'y lalamunin ko sila na gaya ng leon;
kung paanong lalapain sila ng mabangis na hayop.
9 Sa iyong ikapapahamak, O Israel;
na ikaw ay laban sa akin, laban sa iyong katulong.
10 Nasaan(H) ngayon ang iyong hari upang mailigtas ka niya sa lahat ng iyong mga lunsod?
Nasaan ang iyong mga hukom,
na sa kanila'y sinabi mo, “Bigyan mo ako ng hari at mga pinuno?”
11 Sa(I) galit ko'y binigyan kita ng hari,
at sa poot ko'y inalis ko siya.
12 Ang kasamaan ng Efraim ay nababalot;
ang kanyang kasalanan ay nakaimbak.
13 Ang sakit ng panganganak ay dumarating para sa kanya;
ngunit siya'y isang hangal na anak;
sapagkat sa tamang panahon ay hindi siya nagpapakita
sa bungad ng sinapupunan.
14 Tutubusin(J) ko ba sila mula sa kapangyarihan ng Sheol?
Tutubusin ko ba sila mula kay Kamatayan?
O Kamatayan, nasaan ang iyong mga salot?
O Sheol, nasaan ang iyong pangwasak?
Ang kahabagan ay nakatago sa aking mga mata.
15 Bagaman siya'y maging mabunga sa kanyang mga kapatid,
ang hanging silangan ay darating,
ang malakas na hangin ng Panginoon ay tataas mula sa ilang;
at ang kanyang bukal ay matutuyo,
at ang kanyang batis ay magiging tigang.
Sasamsaman nito ang kanyang kabang-yaman
ng bawat mahalagang bagay.
16 Papasanin ng Samaria ang kanyang pagkakasala;
sapagkat siya'y naghimagsik laban sa kanyang Diyos:
sila'y ibubuwal ng tabak;
ang kanilang mga sanggol ay pagluluray-lurayin
at ang kanilang mga babaing buntis ay paluluwain ang bituka.
Panawagan upang Magsisi
14 O Israel, manumbalik ka sa Panginoon mong Diyos;
sapagkat ikaw ay nabuwal dahil sa iyong kasamaan.
2 Magdala kayo ng mga salita,
at manumbalik kayo sa Panginoon;
sabihin ninyo sa kanya,
“Alisin mo ang lahat ng kasamaan,
tanggapin mo ang mabuti;
at aming ihahandog
ang bunga ng aming mga labi.
3 Hindi kami ililigtas ng Asiria;
hindi kami sasakay sa mga kabayo;
hindi na kami magsasabi
sa gawa ng aming mga kamay, ‘Aming Diyos.’
Sa iyo'y nakakatagpo ng awa ang ulila.”
4 Aking gagamutin ang kanilang pagtataksil,
malaya ko silang iibigin;
sapagkat ang aking galit ay naalis na sa kanila.
5 Ako'y magiging tulad ng hamog sa Israel;
siya'y mamumukadkad gaya ng liryo,
at kakalat ang kanyang ugat tulad ng Lebanon.
6 Ang kanyang mga sanga ay yayabong,
at ang kanyang kagandahan ay magiging gaya ng puno ng olibo,
at ang kanyang bango ay tulad ng Lebanon.
7 Sila'y muling maninirahan sa kanyang lilim
sila'y lalago gaya ng trigo,
at mamumulaklak na gaya ng puno ng ubas,
at ang kanilang bango ay magiging gaya ng alak ng Lebanon.
8 O Efraim, ano ba ang kinalaman ko sa mga diyus-diyosan?
Ako ang siyang sumasagot at nagbabantay sa iyo.[b]
Ako'y tulad sa sipres na laging luntian,
sa akin nanggagaling ang iyong bunga.
9 Sinuman ang pantas, unawain niya ang mga bagay na ito;
sinumang may pang-unawa, alamin niya ang mga ito;
sapagkat ang mga daan ng Panginoon ay matuwid,
at nilalakaran ng mga taong matuwid,
ngunit natitisod sa mga iyon ang mga makasalanan.
Footnotes
- Hoseas 12:4 Sa Hebreo ay atin .
- Hoseas 14:8 Sa Hebreo ay kanya .