Hosea 11
Magandang Balita Biblia
Ang Pag-ibig ng Diyos sa Rebelde Niyang Bayan
11 “Nang(A) bata pa ang Israel, siya'y aking minahal,
at tinawag ko ang aking anak mula sa Egipto.
2 Ngunit habang siya'y tinatawag ko,
lalo naman siyang lumalayo.
Lagi na lamang siyang naghahandog sa mga Baal,
at nagsusunog ng insenso sa mga diyus-diyosan.
3 Ako ang nagturo kay Efraim na lumakad,
inakay ko siya sa kanyang paghakbang;
ngunit hindi niya kinilala ang pag-aalaga ko sa kanya.
4 Pinatnubayan ko siya nang buong pagmamalasakit
at nang buong pagmamahal.
Ang katulad ko'y isang nag-aalis ng busal sa kanilang bibig,
at yumuko ako upang sila'y mapakain.
5 “Magbabalik sila sa Egipto,
at paghaharian ng Asiria,
sapagkat ayaw nilang magbalik sa akin.
6 Lulusubin ng kaaway ang kanilang mga lunsod,
wawasakin ang pampinid sa kanilang mga pinto,
at lilipulin sila sa loob ng kanilang mga kuta.
7 Ang bayan ko'y nagpasya nang tumalikod sa akin;
kaya't sa pamatok sila'y itinakda,
at walang sinumang makakapag-alis nito.
8 “Pababayaan(B) ba kita, Efraim?
Ikaw ba'y ibibigay ko sa kaaway, Israel?
Maitutulad ba kita sa Adma?
Magagawa ko ba sa iyo ang aking ginawa sa Zeboim?
Hindi ito kayang gawin ng puso ko;
kahabagan ko'y nananaig.
9 Hindi ko ipadarama ang bigat ng aking poot;
Hindi ko na muling sisirain ang Efraim.
Sapagkat ako'y Diyos at hindi tao,
ang Banal na Diyos na nasa kalagitnaan ninyo,
at hindi ako naparito upang kayo'y wasakin.
10 “Susundin nila si Yahweh;
siya'y uungal na parang leon,
at mula sa kanlura'y nanginginig na darating
ang kanyang mga anak na lalaki.
11 Nagmamadali silang darating na parang mga ibong mula sa Egipto,
at mga kalapating mula sa Asiria.
Sa kanilang tahana'y ibabalik ko sila,” sabi ni Yahweh.
Hinatulan ang Israel at ang Juda
12 Sinabi ni Yahweh, “Nililinlang ako nitong si Efraim,
at dinadaya ako nitong si Israel.
Ang Juda nama'y naghahanap pa rin ng ibang diyos,
at kinakalaban ang Banal at Matapat.
Hoseas 11
Ang Biblia, 2001
Nananabik ang Diyos sa Pagbabalik ng Suwail na Bayan
11 Nang(A) bata pa ang Israel, minahal ko siya,
at mula sa Ehipto ay tinawag ko ang aking anak.
2 Habang lalo ko silang tinatawag
ay lalo naman silang lumalayo sa akin
sila'y patuloy na nag-aalay sa mga Baal,
at nagsusunog ng mga kamanyang sa mga diyus-diyosan.
3 Gayunma'y ako ang nagturo sa Efraim na lumakad;
kinalong ko sila sa aking mga bisig;
ngunit hindi nila nalaman na pinagaling ko sila.
4 Akin silang pinatnubayan ng panali ng tao,
ng mga panali ng pag-ibig.
Sa kanila ako'y naging gaya
ng nag-aalis ng pamingkaw sa kanilang mga panga;
at ako'y naglagay ng pagkain sa harap nila.
5 Sila'y hindi babalik sa lupain ng Ehipto;
ngunit ang Asiria ang magiging hari nila,
sapagkat sila'y tumangging manumbalik sa akin.
6 Ang tabak ay magngangalit sa kanilang mga lunsod,
at tutupukin ang mga halang sa kanilang mga pintuan,
at lalamunin sila dahil sa kanilang sariling mga pakana.
7 Ang bayan ko ay mahilig lumayo sa akin.
Bagaman tumatawag sila sa Kataas-taasan,
walang sinumang nagtataas sa kanya.
8 Paano(B) kitang pababayaan, O Efraim?
Paano kita itatakuwil, O Israel?
Paano kita gagawing tulad ng Adma?
Paano kita ituturing na tulad ng Zeboim?
Ang aking puso ay nabagbag sa loob ko,
ang aking habag ay nagningas.
9 Hindi ko igagawad ang aking mabangis na galit,
hindi ako babalik upang wasakin ang Efraim;
sapagkat ako'y Diyos, at hindi tao;
ang Banal sa gitna mo;
at hindi ako darating na may poot.
10 Sila'y lalakad nang ayon sa Panginoon,
siya'y uungal na parang leon; kapag siya'y umungal,
ang kanyang mga anak ay darating na nanginginig mula sa kanluran.
11 Sila'y darating na nanginginig na parang mga ibon mula sa Ehipto,
at parang mga kalapati mula sa lupain ng Asiria;
at ibabalik ko sila sa kanilang mga tahanan, sabi ng Panginoon.
Ang Kasinungalingan at Pang-aapi ng Efraim
12 Pinalibutan ako ng Efraim ng kasinungalingan,
at ng sambahayan ni Israel ng daya;
ngunit ang Juda ay lumalakad pa ring kasama ng Diyos,
at tapat pa rin sa Banal.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
