Add parallel Print Page Options

Mga Paalala at Babala

19 Kaya, mga kapatid, mayroon na tayong lakas ng loob na pumasok sa Dakong Kabanal-banalan sa pamamagitan ng dugo ni Jesus. 20 Binuksan niya para sa atin ang isang bago at buháy na daan sa gitna ng tabing; samakatuwid ay sa pamamagitan ng kanyang katawan. 21 At dahil tayo ay may isang Kataas-taasang Pari sa bahay ng Diyos, 22 lumapit tayo (A) sa Diyos na may tapat na puso at lubos na pananampalataya. Lumapit tayo na may pusong winisikan upang maging malinis mula sa maruming budhi at may katawang hinugasan ng dalisay na tubig. 23 Matatag nating panghawakan ang pag-asa na ating ipinapahayag, yamang siya na nangako ay tapat. 24 At isipin natin kung paano natin hihimukin ang isa't isa sa pag-ibig at sa paggawa ng mabuti. 25 Huwag nating pabayaan ang ating pagtitipon, gaya ng ugali ng iba, sa halip ay palakasin ang loob ng isa't isa, lalung-lalo na habang nakikita ninyo na papalapit na ang Araw.

26 Sapagkat kung sinasadya nating magkasala matapos na lubos nating malaman ang katotohanan, wala nang maaari pang ialay para sa mga kasalanan. 27 Sa halip, (B) ang natitira na lamang ay ang paghihintay sa isang kakila-kilabot na paghuhukom, at isang naglalagablab na apoy na tutupok sa mga kaaway. 28 Ang (C) sumuway sa Kautusan ni Moises, batay sa patotoo ng dalawa o tatlong saksi, ay walang awang pinapatay. 29 Sa (D) tingin ninyo, hindi ba higit na parusa ang nararapat sa taong yumurak sa Anak ng Diyos at lumapastangan sa dugo ng tipan na nagpabanal sa taong iyon, at umalipusta sa Espiritu ng biyaya? 30 Sapagkat (E) kilala natin siya na nagsabi nito, “Akin ang paghihiganti, ako ang maniningil.” Sinabi rin, “Huhukuman ng Panginoon ang kanyang bayan.” 31 Kakila-kilabot na bagay ang mahulog mula sa mga kamay ng buháy na Diyos.

32 Alalahanin ninyo ang nagdaang mga araw. Matapos kayong maliwanagan, matibay kayong nanindigan sa gitna ng mga pagtitiis at pakikipaglaban. 33 May mga panahong hayagan kayong inaalipusta at inusig; at may mga panahon ding naging kasama kayo ng mga taong pinaranas ng gayon. 34 Sapagkat kinahabagan ninyo ang mga bilanggo, at tinanggap ninyo nang buong galak ang pagkamkam ng inyong mga ari-arian, palibhasa'y alam ninyo na mayroon kayong kayamanang higit na mabuti at magpakailanman. 35 Kaya't huwag ninyong sayangin ang inyong pagtitiwala sa Diyos, sapagkat nagdudulot ito ng dakilang gantimpala. 36 Sapagkat kailangan ninyong magpakatatag, upang pagkatapos ninyong gampanan ang kalooban ng Diyos ay tatanggapin ninyo ang kanyang ipinangako.

37 Sapagkat (F) “kaunting panahon na lamang,
    Siya na dumarating ay darating at hindi maaantala.
38 Ngunit ang aking lingkod na matuwid ay mabubuhay sa pananampalataya.
Kung siya'y tumalikod,
    hindi malulugod sa kanya ang aking kaluluwa.

39 Ngunit hindi tayo kabilang sa mga tumatalikod at napapahamak; sa halip, kabilang tayo sa mga sumasampalataya at naliligtas.

Read full chapter