Add parallel Print Page Options

Ang Pagsamba Rito sa Lupa at Doon sa Langit

May mga tuntunin ang unang kasunduan tungkol sa pagsamba at may sambahang gawa ng tao. Itong Toldang Sambahan na ginawa nila ay may dalawang silid. Ang unang silid ay ang Banal na Lugar, kung saan naroon ang ilawan, ang mesa, at ang tinapay na handog sa Dios. Ang ikalawang silid ay ang Pinakabanal na Lugar. Naroon ang gintong altar na pinagsusunugan ng insenso at ang Kahon ng Kasunduan na nababalutan ng ginto. Nasa loob ng Kahon ang lalagyang ginto na may lamang “manna”, ang tungkod ni Aaron na nagkasibol, at ang malapad na mga bato kung saan nakaukit ang mga utos ng Dios. Sa ibabaw ng Kahon ay may mga kerubin na nagpapahiwatig ng presensya ng Dios, at nilililiman ng mga pakpak nito ang lugar na iyon kung saan pinapatawad ng Dios ang mga kasalanan ng tao. Ngunit hindi namin ito maipapaliwanag nang detalyado sa ngayon.

Ganoon ang pagkakaayos sa loob ng Toldang Sambahan. At araw-araw pumapasok ang mga pari sa unang silid ng Tolda para gampanan ang tungkulin nila. Ngunit ang punong pari lang ang nakakapasok sa Pinakabanal na Lugar at minsan lang sa isang taon. At sa tuwing papasok siya rito, naghahandog siya ng dugo para sa sarili niyang mga kasalanan at sa mga kasalanang nagawa ng mga tao nang hindi nila nalalaman. Sa ginagawa nilang ito, ipinapakita ng Banal na Espiritu na hindi makakapasok sa Pinakabanal na Lugar ang karaniwang tao hanggaʼt naroon pa ang dating Toldang Sambahan. Ang Toldang iyon ay larawan lang ng kasalukuyang panahon. Sapagkat ang mga handog at kaloob na iniaalay doon ng mga tao ay hindi nakapaglilinis ng kanilang konsensya. 10 Ang mga ginagawa nilang itoʼy nauukol lang sa mga pagkain at inumin at mga seremonya ng paglilinis. Mga tuntuning panlabas lamang ito na ipinapatupad hanggang sa dumating ang bagong pamamaraan ng Dios.

11 Ngunit dumating na si Cristo na punong pari ng bagong pamamaraan na higit na mabuti kaysa sa dati. Pumasok siya sa mas dakila at mas ganap na Tolda na hindi gawa ng tao, at wala sa mundong ito. 12 Minsan lang pumasok si Cristo sa Pinakabanal na Lugar. At hindi dugo ng kambing o ng guya[a] ang dala niya kundi ang sarili niyang dugo. At sa pamamagitan ng kanyang dugo, tinubos niya tayo sa mga kasalanan natin magpakailanman. 13 Ayon sa Kautusan, kung itinuturing na marumi ang isang tao, kailangan siyang wisikan ng dugo ng kambing at toro, at ng abo ng guya para maging malinis. 14 Kung nakakalinis ang mga ito, di lalo na ang dugo ni Cristo. Sa pamamagitan ng walang hanggang Banal na Espiritu, inialay ni Cristo ang sarili niya bilang handog na walang kapintasan sa Dios. Ang dugo niya ang lilinis sa ating pusoʼt isipan para matalikuran natin ang mga gawaing walang kabuluhan at paglingkuran ang Dios na buhay.

15 Kaya si Cristo ang ginawang tagapamagitan sa atin at sa Dios sa bagong kasunduan. Sapagkat sa pamamagitan ng kanyang kamatayan, tinubos niya ang mga taong lumabag sa unang kasunduan. Dahil dito, matatanggap ng mga tinawag ng Dios ang walang hanggang pagpapala na ipinangako niya. 16 Maihahalintulad ito sa isang huling testamento na kailangang mapatunayan na namatay na ang gumawa nito, 17 dahil wala itong bisa habang nabubuhay pa siya. Nagkakabisa lang ang isang testamento kapag namatay na ang gumawa nito. 18 Kaya maging ang unang kasunduan ay kinailangang pagtibayin sa pamamagitan ng dugo. 19 Sapagkat nang ipahayag ni Moises ang Kautusan sa mga tao, kumuha siya ng dugo ng mga guyaʼt kambing, at hinaluan ng tubig. Isinawsaw niya rito ang balahibo ng tupa na kinulayan ng pula na nakatali sa sanga ng isopo. Pagkatapos, winisikan niya ang aklat ng Kautusan at ang mga tao. 20 At sinabi niya: “Ito ang dugong nagpapatibay sa kasunduang ibinigay at ipinatutupad sa inyo ng Dios.”[b] 21 Winisikan din niya ng dugo ang Toldang Sambahan at ang lahat ng bagay doon na ginagamit sa pagsamba. 22 Ayon sa Kautusan, nililinis sa pamamagitan ng dugo ang halos lahat ng bagay na ginagamit sa pagsamba. At kung walang pagbubuhos ng dugo bilang handog sa Dios, wala ring kapatawaran ng mga kasalanan.

23 Kaya kailangang linisin sa pamamagitan ng ganitong paraan ng paghahandog ang mga bagay sa sambahang ito na larawan lang ng mga bagay na nasa langit. Pero nangangailangan ng mas mabuting handog ang mga bagay na nasa langit. 24 Sapagkat hindi pumasok si Cristo sa isang banal na lugar na gawa ng tao at larawan lang ng mga bagay na nasa langit, kundi sa langit mismo. Siya ngayon ay namamagitan para sa atin sa harap ng Dios. 25 Ang punong pari ng mga Judio ay pumapasok sa Pinakabanal na Lugar bawat taon, na may dalang dugo ng hayop. Ngunit si Cristo ay minsan lamang naghandog ng kanyang sarili, at hindi na niya ito inulit-ulit pa. 26 Dahil kung kailangang ulit-ulitin, maraming beses sanang nagdusa si Cristo mula pa nang likhain ang mundo. Pero minsan lamang siya naparito sa mundo para alisin ang mga kasalanan natin sa pamamagitan ng paghahandog ng kanyang sarili. Ginawa niya ito nitong mga huling araw. 27 Itinakda sa mga tao ang mamatay nang minsan at pagkatapos nitoʼy ang paghuhukom ng Dios. 28 Ganoon din naman, minsan lang namatay si Cristo nang inihandog niya ang kanyang sarili para alisin ang kasalanan ng mga tao. At muli siyang babalik dito sa mundo, hindi na para akuing muli ang kasalanan ng mga tao, kundi para iligtas ang mga taong naghihintay sa kanya.

Footnotes

  1. 9:12 guya: sa Ingles, “calf.”
  2. 9:20 Exo. 24:8.

Ang Panlupa at ang Panlangit na mga Santuwaryo

Ngayon, maging ang unang tipan ay mayroong mga alituntunin sa pagsamba at banal na dako para sa pagsamba dito sa lupa. Itinayo (A) ang tabernakulo na may dalawang bahagi. Sa unang bahagi ay naroroon ang ilawan, ang hapag, at ang mga tinapay na handog; tinatawag ito na Dakong Banal. Sa (B) kabila ng ikalawang tabing ay ang silid na tinatawag na Dakong Kabanal-banalan. Nasa (C) silid na ito ang gintong dambana ng insenso at ang Kaban ng Tipan na nababalutan ng ginto. Nasa loob ng Kaban ang sisidlang-ginto na may lamang manna, ang namulaklak na tungkod ni Aaron, at ang mga tapyas ng bato na kinasusulatan ng tipan. Naroon sa (D) ibabaw ng kaban ang mga maluwalhating kerubin. Ang mga pakpak nila ay lumililim sa luklukan ng habag. Hindi na natin mapag-uusapan ang mga ito ng isa-isa. Pagkatapos (E) maihanda ang lahat tulad nito, ang mga pari ay patuloy na pumapasok sa unang silid upang gampanan ang kanilang banal na tungkulin. Ngunit (F) ang Kataas-taasang Pari lamang ang pumapasok sa ikalawang silid, at ito'y minsan lamang sa isang taon. Hindi niya kinaliligtaang magdala ng dugo bilang handog para sa kanyang kasalanan at sa mga kasalanang di-sinasadyang nagawa ng taong-bayan. Sa pamamagitan nito, itinuturo ng Banal na Espiritu na ang daan patungo sa Dakong Kabanal-banalan ay hindi pa naihahayag, habang nakatayo pa ang unang tabernakulo. Sumasagisag ito sa kasalukuyang panahon, na nagpapakita na ang mga kaloob at ang mga alay na ihinahandog ay hindi makapaglilinis sa budhi ng sumasamba. 10 Ang mga ito ay tungkol lamang sa mga pagkain at mga inumin at iba't ibang uri ng seremonya ng paglilinis,[a] mga alituntunin tungkol sa katawan na ipinatutupad hanggang dumating ang panahon ng pagbabago ng lahat ng bagay.

11 Ngunit nang dumating si Cristo bilang Kataas-taasang Pari ng mabubuting bagay na dumating na, pumasok siya sa mas dakila at mas sakdal na tabernakulo na hindi gawa ng mga kamay ng tao, samakatuwid ay hindi bahagi ng sangnilikhang ito. 12 Minsan lamang siya pumasok sa Dakong Kabanal-banalan, at ang bisa nito'y magpakailanman. Sa kanyang pagpasok, hindi dugo ng mga kambing at ng mga toro ang kanyang ihinandog, kundi ang kanyang sariling dugo, at dahil dito ay nakamit natin ang walang hangang katubusan. 13 Sapagkat (G) kung nakapaglilinis ng pagkatao ang dugo ng mga kambing at ng mga toro, kasama ang abo ng dumalagang baka, kung ang mga ito ay iwiniwisik sa mga taong itinuturing na marumi upang sila’y gawing malinis, 14 higit ang nagagawa ng dugo ni Cristo! Sa pamamagitan ng walang hanggang Espiritu ay walang dungis na ihinandog niya ang kanyang sarili sa Diyos, upang linisin ang ating mga budhi mula sa mga gawang patay upang tayo'y maglingkod sa Diyos na buháy.

15 At dahil dito, si Cristo ang tagapamagitan ng isang bagong tipan. Dahil sa kanyang kamatayan na tumutubos sa mga tao mula sa mga paglabag na nagawa nila noong sila'y nasa ilalim pa ng unang tipan, ang mga tinawag ay tatanggap ng ipinangakong pamanang walang hanggan. 16 Kapag mayroong kasulatan ng tipan, kailangang patunayan na patay na ang gumawa nito. 17 Nagkakabisa lamang ang tipan kapag ang gumawa nito ay namatay na.Wala itong bisa habang buháy pa ang tao na gumawa nito. 18 Maging ang unang tipan ay hindi pinagtibay nang walang dugo. 19 Sapagkat (H) pagkatapos sabihin ni Moises sa buong bayan ang lahat ng sinasabi ng Kautusan na dapat nilang gawin, kumuha siya ng dugo ng baka at ng mga kambing, na may tubig at gamit ang mapulang balahibo at isopo ay winisikan niya ang aklat at ang buong bayan. 20 Kasabay nito ay kanyang sinabi, “Ito ang dugo ng tipan na ipinag-utos ng Diyos sa inyo.” 21 Sa gayon ding paraan, winisikan (I) din ni Moises ng dugo ang tabernakulo at ang lahat ng mga kasangkapang ginagamit sa pagsamba. 22 Sa (J) katunayan, itinatakda ng Kautusan na halos lahat ng bagay ay dapat linisin sa pamamagitan ng dugo, at kung walang pagdanak ng dugo ay walang kapatawaran ng mga kasalanan.

Ang Alay na Nag-aalis ng Kasalanan

23 Kaya't kailangan na ang mga larawan ng mga bagay na panlangit ay linisin sa pamamagitan ng ganitong mga alay. Ngunit ang mga bagay sa kalangitan ay dapat linisin sa pamamagitan ng mga handog na mas mabuti kaysa mga ito. 24 Sapagkat si Cristo ay mismong sa langit pumasok at hindi sa santuwaryong gawa ng mga kamay ng tao, na larawan lamang ng mga tunay na bagay. Ngayo'y nasa harap siya ng Diyos upang dumulog para sa atin. 25 Naroon siya hindi upang ihandog ng maraming ulit ang kanyang sarili, hindi tulad ng Kataas-taasang Pari ng mga Judio na pumapasok sa Dakong Kabanal-banalan taun-taon at may dalang dugo na hindi naman sa kanya. 26 Sapagkat kung ihahandog niya ang kanyang sarili taun-taon, kailangan siyang paulit-ulit na maghirap mula pa nang lalangin ang sanlibutan. Subalit ngayon, minsanan siyang nagpakita sa pagtatapos ng panahon upang pawiin ang kasalanan sa pamamagitan ng pag-aalay ng kanyang sarili. 27 Itinakda sa mga tao ang mamatay na minsan, at pagkatapos nito ay ang paghuhukom. 28 Gayundin (K) naman, minsanang ihinandog si Cristo upang pasanin ang kasalanan ng marami. Magpapakita siya sa ikalawang pagkakataon, hindi na upang pasanin ang kasalanan, kundi upang iligtas ang mga sabik na naghihintay sa kanya.

Footnotes

  1. Mga Hebreo 9:10 paglilinis: Sa Griyego, bautismo.