Add parallel Print Page Options

20 Dahil sa pananampalataya, binasbasan ni Isaac sina Jacob at Esau para maging mabuti ang hinaharap nila.

21 Dahil sa pananampalataya, binasbasan ni Jacob ang mga anak ni Jose bago siya namatay. At sumamba siya sa Dios habang nakatukod sa kanyang tungkod.

22 Dahil sa pananampalataya, sinabi ni Jose nang malapit na siyang mamatay na aalis ang mga Israelita sa Egipto, at ipinagbilin niyang dalhin nila ang mga buto niya kapag umalis na sila.

23 Dahil sa pananampalataya, hindi natakot sumuway ang mga magulang ni Moises sa utos ng hari. Sapagkat nang makita nilang maganda ang sanggol, itinago nila ito sa loob ng tatlong buwan.

24 Dahil sa pananampalataya, nang malaki na si Moises ay tumanggi siyang tawaging anak ng prinsesa ng Egipto. 25 Mas ginusto niyang makibahagi sa paghihirap na dinaranas ng mga taong sakop ng Dios kaysa lasapin ang mga panandaliang kaligayahan na dulot ng kasalanan. 26 Itinuring niyang mas mahalaga ang maalipusta para kay Cristo kaysa sa mga kayamanan ng Egipto, dahil inaasam niya ang gantimpalang matatanggap niya.

27 Dahil sa pananampalataya, iniwan ni Moises ang Egipto at hindi siya natakot kahit na magalit ang hari sa kanya. Nanindigan siya dahil parang nakita niya ang Dios na hindi nakikita. 28 Dahil sa pananampalataya niya, sinimulan niya ang pagdaraos ng Pista ng Paglampas ng Anghel. Inutusan niya ang mga Israelita na pahiran ng dugo ng tupa ang mga pintuan nila, para maligtas ang mga panganay nila sa anghel na papatay sa mga panganay ng mga Egipcio.

29 Dahil sa pananampalataya, nakatawid ang mga Israelita sa Dagat na Pula na parang dumadaan sa tuyong lupa. Pero nang sinubukang tumawid ng mga humahabol na Egipcio, nalunod sila.

30 Dahil sa pananampalataya, gumuho ang mga pader ng Jerico matapos itong ikutan ng mga Israelita sa loob ng pitong araw.

31 Dahil sa pananampalataya, tinulungan ni Rahab na babaeng bayaran ang mga espiya at hindi siya pinatay kasama ng mga kababayan niyang suwail sa Dios.

32 Kailangan ko pa bang magbigay ng maraming halimbawa? Kakapusin ako ng panahon kung iisa-isahin ko pa ang mga ginawa nina Gideon, Barak, Samson, Jefta, David, Samuel, at ng iba pang mga propeta. 33 Dahil sa pananampalataya nila, nilupig nila ang mga kaharian, namahala sila nang may katarungan, at tinanggap nila ang mga ipinangako ng Dios. Dahil sa pananampalataya nila, hindi sila ginalaw ng mga leon, 34 hindi sila napaso sa nagliliyab na apoy, at nakaligtas sila sa kamatayan sa pamamagitan ng espada. Ang iba sa kanilaʼy mahihina, pero pinalakas sila ng Dios. At naging makapangyarihan sila sa digmaan at nilupig ang mga dayuhang hukbo. 35 May mga babae naman na dahil sa pananampalataya nila sa Dios ay muling nabuhay ang kanilang mga anak na namatay. Ang iba namang sumasampalataya sa Dios ay pinahirapan hanggang sa mamatay. Tinanggihan nila ang alok na kalayaan kapalit ng pagtalikod nila sa kanilang pananampalataya dahil nalalaman nilang darating ang araw na bubuhayin sila ng Dios at matatanggap nila ang mas mabuting gantimpala. 36 Ang iba naman ay dumanas ng mga panlalait at panghahagupit dahil sa pananampalataya nila, at ang iba ay ikinadena at ibinilanggo. 37 Pinagbabato ang iba hanggang sa mamatay, ang iba naman ay nilagari hanggang mahati ang katawan nila, at mayroon ding pinatay sa espada. Ang ilan sa kanila ay nagdamit na lang ng balat ng tupa at kambing. Naranasan nilang maghikahos, usigin at apihin. 38 Nagtago sila sa mga ilang, mga kabundukan, mga kweba at mga lungga sa lupa. Hindi karapat-dapat ang mundong ito para sa kanila.

39 Kinalugdan silang lahat ng Dios dahil sa pananampalataya nila. Ngunit hindi nila natanggap sa panahon nila ang ipinangako ng Dios sa kanila. 40 Itoʼy dahil may mas mabuting plano ang Dios para sa atin, dahil nais niyang makasama nila tayo kapag tinupad na niya ang ipinangako niya sa kanila.

Read full chapter

20 Sa (A) pamamagitan ng pananampalataya, binasbasan ni Isaac sina Jacob at Esau tungkol sa mga bagay na magaganap. 21 Sa (B) pamamagitan ng pananampalataya, nang si Jacob ay mamamatay na, isa-isa niyang binasbasan ang mga anak ni Jose, at sumamba sa Diyos habang nakahawak sa kanyang tungkod. 22 Sa (C) pamamagitan ng pananampalataya, nang malapit nang mamatay si Jose, binanggit niya ang tungkol sa paglikas ng mga Israelita mula sa Ehipto, at nagbiling dalhin nila ang kanyang mga buto.

23 Sa (D) pamamagitan ng pananampalataya, itinago si Moises ng kanyang mga magulang sa loob ng tatlong buwan matapos siyang ipanganak, sapagkat nakita nilang siya ay magandang bata. Hindi sila natakot sa utos ng hari. 24 Sa (E) pamamagitan ng pananampalataya, nang si Moises ay nasa hustong gulang na, tumanggi siya na kilalaning apo ng Faraon.[a] 25 Sa halip, pinili pa niyang makibahagi sa kaapihang dinaranas ng bayan ng Diyos, kaysa magtamasa ng panandaliang ligaya na dulot ng kasalanan. 26 Itinuring niya na mas malaking kayamanan ang magdusa alang-alang kay Cristo, kaysa magtamasa sa mga kayamanan ng Ehipto, sapagkat nakatuon ang kanyang pansin sa gantimpala sa hinaharap. 27 Sa pamamagitan ng pananampalataya ay iniwan niya ang Ehipto, at hindi natakot sa poot ng hari; siya ay matiyagang nagpatuloy sapagkat ang Diyos na hindi nakikita ay kanyang nakita. 28 Sa (F) pamamagitan ng pananampalataya, isinagawa niya ang Paskuwa at ang pagwiwisik ng dugo, upang huwag silang galawin ng Tagapuksa ng mga panganay. 29 Sa (G) pamamagitan ng pananampalataya, tinahak ng mga Israelita ang Dagat na Pula na parang lumalakad sila sa tuyong lupa, ngunit nang tangkain ng mga Ehipcio na gawin ito ay nalunod ang mga ito. 30 Sa (H) pamamagitan ng pananampalataya, gumuho ang pader ng Jerico matapos itong malibot sa loob ng pitong araw. 31 Sa (I) pamamagitan ng pananampalataya, si Rahab na nagbibili ng aliw, ay hindi napahamak kasama ng mga suwail sapagkat mapayapa niyang tinanggap ang mga espiya.

32 Ano (J) pa ba ang dapat kong sabihin? Kukulangin ako ng panahon kung isasalaysay ko pa ang tungkol kina Gideon, Barak, Samson, Jefta, David, Samuel, at tungkol sa mga propeta. 33 Sa (K) pamamagitan ng pananampalataya, ang mga ito ay lumupig ng mga kaharian, naglapat ng katarungan, nagtamo ng mga pangako, nagpatikom ng bibig ng mga leon, 34 pumatay (L) ng naglalagablab na apoy, nakaligtas mula sa mga talim ng tabak, lumakas mula sa kahinaan, naging makapangyarihan sa digmaan, at nagpaurong ng mga hukbong dayuhan. 35 Sa (M) pamamagitan ng pananampalataya, tinanggap ng mga kababaihan ang mga namatay nilang mahal sa buhay nang ang mga ito'y muling buhayin. Ang iba nama'y pinahirapan at tumangging mapalaya upang makamit ang higit na mabuting pagkabuhay na muli. 36 Ang (N) iba'y nagtiis ng paghamak at paghagupit, at maging ng pagkagapos at pagkabilanggo. 37 Ang iba ay (O) pinagbabato hanggang mamatay, ang iba ay nilagari at ang iba ay pinatay sa tabak. Lumakad silang suot ang balat ng mga tupa at kambing, na mga nagdarahop, pinag-uusig, at pinagmamalupitan. 38 Hindi karapat-dapat sa kanila ang daigdig! Nagpalabuy-laboy sila sa mga ilang, sa mga kabundukan, sa mga yungib, at sa mga lungga sa lupa.

39 Ngunit ang lahat ng mga ito, bagaman kinalugdan ng Diyos dahil sa kanilang pananampalataya, ay hindi tumanggap ng ipinangako. 40 Dahil may inihandang mas maganda ang Diyos para sa atin, upang huwag silang gawing sakdal malibang kasama tayo.

Read full chapter

Footnotes

  1. Mga Hebreo 11:24 apo ng Faraon: Sa Griyego, anak ng anak na babae ng Faraon.