Add parallel Print Page Options

Ang aklat na ito ay naglalaman ng pahayag ni Yahweh sa pamamagitan ni Propeta Habakuk.

Inireklamo ni Habakuk ang Kawalang-katarungan

O Yahweh, hanggang kailan ako hihingi ng tulong sa inyo,
    bago ninyo ako dinggin,
    bago ninyo ako iligtas sa karahasan?
Bakit puro kaguluhan at kasamaan
    ang ipinapakita mo sa akin?
Sa magkabi-kabila'y nagaganap ang pagwasak at ang karahasan;
    laganap ang karahasan at ang labanan.
Ang batas ay walang bisa at walang pakinabang,
    at hindi umiiral ang katarungan.
Sa husgado ay laging natatalo ng masasama ang walang kasalanan,
    kaya't nababaluktot ang katarungan.

Ang Tugon ni Yahweh

Pagkatapos(A) ay sinabi ni Yahweh sa kanyang bayan,
“Masdan mo ang mga bansang nakapalibot sa iyo
    at mamamangha ka at magugulat sa iyong makikita.
Hindi magtatagal at mayroon akong gagawing
    hindi mo paniniwalaan kapag nabalitaan mo.
Papalakarin(B) ko sa kapangyarihan ang mga taga-Babilonia—
    ang bansang kilala sa kalupitan at karahasan.
Sinasalakay nila ang lahat ng dako ng daigdig
    upang sakupin ang lupaing hindi kanila.
Naghahasik sila ng takot at sindak;
    ipinagmamapuri nila na sila mismo ang batas.
Ang mga kabayo nila'y mas mabibilis kaysa mga leopardo,
    mas mababangis kaysa mga asong-gubat pagsapit ng gabi.
Ang kanilang mga mangangabayo ay rumaragasa mula sa malalayong lupain;
    para silang mga agila na dumadagit sa kanilang biktima.
Ang kanilang mga hukbo ay marahas na sumasalakay,
    at lahat ay nasisindak habang sila'y nananakop.
    Di mabilang na parang buhangin ang kanilang mga bihag.
10 Hinahamak nila ang mga hari,
    at walang pinunong iginagalang.
Pinagtatawanan lamang nila ang bawat muog,
    sapagkat ito'y kanilang nilulusob at madaling nakukuha.
11 Pagkatapos ay nagpapatuloy silang parang malakas na hangin;
    walang dinidiyos
    kundi ang sarili nilang lakas.”

Muling Dumaing si Habakuk

12 O Yahweh, kayo ay Diyos na walang hanggan.
    Kayo ang aking Diyos, banal at magpakailanman.
O Yahweh, aking Diyos at tanggulan,
    pinili ninyo ang mga taga-Babilonia at sila'y inyong pinalakas.
O Batong matibay, inilagay mo sila upang kami'y pahirapan,
    upang kami'y parusahan.
13 Ngunit paano ninyo natitiis ang mga taksil at masasamang taong ito?
Napakabanal ng inyong paningin upang masdan ang kasamaan.
    Hindi ninyo matitiis ang mga taong gumagawa ng mali.
Bakit hindi kayo kumikibo gayong pinupuksa nila
    ang mga taong higit na mabuti kaysa kanila?
14 Itinuturing mo ang mga tao na gaya ng mga isda,
    o gaya ng mga kulisap na walang mangunguna sa kanila.

15 Binibingwit sila ng mga taga-Babilonia na wari'y isda.
    Itinataboy nila ang mga ito sa mga lambat,
    at pagkatapos ay nagsisigawan sa galak!
16 Kaya't sinasamba pa nila ang kanilang mga lambat,
    at nag-aalay ng mga handog;
sapagkat ito ang nagbibigay sa kanila ng karangyaan.
17 Patuloy ba nilang gagamitin ang kanilang tabak
    at walang awang pupuksain ang mga bansa?

'Habacuc 1 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Si Habakuk ay Dumaing dahil sa Kawalan ng Katarungan

Ang pahayag ng Diyos na nakita ni propeta Habakuk.

O Panginoon, hanggang kailan ako hihingi ng tulong,
    at hindi mo papakinggan?
O dadaing sa iyo ng “Karahasan!”
    at hindi ka magliligtas?
Bakit mo hinahayaang makita ko ang kamalian,
    at tingnan ang kasamaan?
Ang kasiraan at karahasan ay nasa harapan ko;
    paglalaban at pagtatalo ay lumilitaw.
Kaya't ang batas ay hindi pinapansin,
    at ang katarungan ay hindi kailanman nangingibabaw.
Sapagkat pinaliligiran ng masama ang matuwid;
    kaya't ang katarungan ay nababaluktot.

Ang Sagot ng Panginoon

Magmasid(A) kayo sa mga bansa, at tumingin kayo;
    mamangha at magtaka.
Sapagkat ako'y gumagawa ng isang gawain sa inyong mga araw
    na hindi ninyo paniniwalaan kapag sinabi sa inyo.
Sapagkat(B) narito, aking ginigising ang mga Caldeo,
    ang malupit at marahas na bansa,
na lumalakad sa kaluwangan ng lupa,
    upang sakupin ang mga tahanang hindi kanila.
Sila'y kakilakilabot at nakakatakot;
    ang kanilang katarungan at karangalan ay mula sa kanilang sarili.
Ang kanilang mga kabayo ay matutulin kaysa mga leopardo,
    higit na mababangis kaysa panggabing asong-gubat
    at ang kanilang mga mangangabayo ay mabibilis.
Ang kanilang mga mangangabayo ay galing sa malayo;
    sila'y lumilipad na parang agila na nagmamadali upang manakmal.
Silang lahat ay dumarating para sa karahasan;
    na may mukhang pasulong.
    Kanilang tinitipon ang mga bihag na parang buhangin.
10 Kanilang tinutuya ang mga hari,
    at ang mga pinuno ay kanilang pinagtatawanan.
Kanilang kinukutya ang bawat tanggulan;
    sapagkat kanilang binubuntunan ang lupa at sinasakop ito.
11 Pagkatapos ay lalampas sila na parang hangin
    at magpapatuloy, mga taong nagkasala,
    na ang sarili nilang kapangyarihan ay ang kanilang diyos!

Muling Dumaing si Habakuk

12 Di ba ikaw ay mula sa walang hanggan,
    O Panginoon kong Diyos, aking Banal?
    Kami ay hindi mamamatay.
O Panginoon, iyong itinakda sila sa paghuhukom;
    at ikaw, O Malaking Bato, ang nagtatag sa kanila upang magtuwid.
13 “Ang iyong mga mata ay malilinis at hindi makakatingin sa kasamaan,”
    at hindi makakatingin sa kamalian,
bakit mo minamasdan ang taong masasama,
    at tumatahimik ka kapag sinasakmal ng masama
    ang taong higit na matuwid kaysa kanya?
14 Sapagkat ginagawa mo ang mga tao na gaya ng mga isda sa dagat,
    gaya ng mga gumagapang na bagay na walang namumuno.

15 Kanyang binubuhat silang lahat sa pamamagitan ng bingwit,
    kanyang hinuhuli sila sa kanyang lambat,
at kanyang tinitipon sila sa kanyang panghuli,
    kaya't siya'y nagagalak at nagsasaya.
16 Kaya't siya'y naghahandog sa kanyang lambat,
    at nagsusunog ng kamanyang sa kanyang panghuli,
sapagkat sa pamamagitan ng mga iyo'y nabubuhay siya sa karangyaan,
    at ang kanyang pagkain ay sagana.
17 Patuloy ba niyang aalisan ng laman ang kanyang lambat,
    at walang habag na papatayin ang mga bansa magpakailanman?

Ang Caldea ay itinaas upang parusahan ang Juda.

(A)Ang hula na nakita ni Habacuc na propeta.

Oh Panginoon, hanggang kailan dadaing ako, at hindi mo didinggin? Ako'y dadaing sa iyo dahil sa pangdadahas, at hindi ka magliligtas.

Bakit pinagpapakitaan mo ako ng kasamaan, at iyong pinamamasdan ang kasamaan? sapagka't ang kasiraan at pangdadahas ay nasa harap ko; at may pakikipagalit, at pagtatalong bumabangon.

Kaya't ang kautusan ay natitigil, at ang katarungan ay hindi lumalabas kailan man; sapagka't (B)kinukulong ng masama ang matuwid; kaya't ang kahatulan ay lumalabas na liko.

Mangagmasid kayo (C)sa gitna ng mga bansa, at tumingin kayo at mamangha kayo ng kagilagilalas; sapagka't ako'y gumagawa ng isang gawain sa inyong mga kaarawan na hindi ninyo paniniwalaan bagaman saysayin sa inyo.

Sapagka't narito, aking itinitindig ang mga Caldeo, yaong makapangingilabot at marahas na bansa, na lumalakad sa kaluwangan ng lupa, upang magari ng mga tahanang dako na hindi kanila.

Sila'y kakilakilabot at nangakatatakot; ang kanilang kahatulan at ang kanilang karangalan ay mula sa kanilang sarili.

Ang kanilang mga kabayo naman ay matutulin kay sa mga leopardo, at mababangis kay sa lobo sa gabi; at ang kanilang mga mangangabayo ay nagtutumulin na may kapalaluan: oo, ang kanilang mga mangangabayo ay nanganggagaling sa malayo; sila'y nagsisilipad na parang aguila na nagmamadali upang manakmal.

Sila'y nagsisiparitong lahat sa pangdadahas; ang kanilang mga mukha ay nangakatitig sa silanganan; at sila'y nangagpipisan ng mga bihag na parang buhangin.

10 Oo, siya'y nanunuya sa mga hari, at ang mga prinsipe ay katuyaan sa kaniya; kaniyang kinukutya ang bawa't katibayan; sapagka't nagbubunton siya ng alabok, at sinasakop.

11 Kung magkagayo'y lalampas siya na parang hangin, at magdaraan, at magiging salarin, sa makatuwid baga'y (D)siya na ang kapangyarihan ay ang kaniyang dios.

Ang pakikipagsagutan ni Habacuc.

12 (E)Di baga ikaw ay mula sa walang hanggan, Oh Panginoon kong Dios, aking Banal? (F)kami ay hindi mangamamatay. Oh Panginoon, iyong itinakda siya (G)ukol sa kahatulan; at ikaw, Oh Malaking Bato, ay iyong itinatag siya na pinakasaway.

13 Ikaw na may mga matang malinis kay sa tumingin ng kasuwailan, at hindi ka makatitingin sa kasamaan, bakit mo minamasdan ang nagsisigawa ng paglililo, at tumatahimik ka pagka sinasakmal ng masama ang tao na lalong matuwid kay sa kaniya;

14 At kaniyang ginagawa ang mga tao na parang mga isda sa dagat, parang nagsisigapang na walang nagpupuno sa kanila?

15 Kaniyang binubuhat ng (H)bingwit silang lahat, kaniyang hinuhuli sila sa kaniyang dala, at kaniyang pinipisan sila sa kaniyang lambat: kaya't siya'y nagagalak at siya'y masaya.

16 (I)Kaya't siya'y naghahain sa kaniyang lambat, at nagsusunog ng kamangyan sa kaniyang lambat; sapagka't sa pamamagitan ng mga yao'y ang kaniyang bahagi ay mataba, at ang kaniyang pagkain ay sagana.

17 Mawawalan nga baga ng laman ang kaniyang lambat, at hindi mahahabag na pumatay na palagi sa mga bansa.