Genesis 6
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Ang Kasamaan ng Sangkatauhan
6 Napakarami(A) na ng mga tao sa daigdig nang panahong iyon. Nagkaroon sila ng mga anak na babae. 2 Nang makita ng mga anak ng Diyos[a] na ang mga babaing anak ng tao ay magaganda, ang mga ito'y pumili sa kanila ng kanya-kanyang asawa. 3 Sinabi ni Yahweh, “Hindi ko ipapahintulot na mabuhay nang habang panahon ang tao, sapagkat siya'y makalaman. Hindi na lalampas sa 120 taon ang kanyang buhay sa daigdig.” 4 Nang(B) panahong iyon, may mga higante sa ibabaw ng lupa. Sila ang naging bunga ng pakikipagtalik ng mga anak ng Diyos sa mga anak ng tao. Ang mga higanteng iyon ay tinanghal na mga dakilang bayani at tanyag na tao noong unang panahon.
5 Nakita(C) ni Yahweh na laganap na ang kasamaan ng tao sa daigdig, at puro kasamaan na lamang ang palaging nasa isip nito. 6 Kaya't labis na ikinalungkot ni Yahweh na nilikha pa niya ang tao. 7 Sinabi niya, “Lilipulin ko ang lahat ng taong aking nilalang. Lilipulin ko rin ang lahat ng hayop at mga ibon. Ikinalulungkot kong nilalang ko pa ang mga ito.” 8 Ngunit si Noe ay naging kalugud-lugod kay Yahweh.
Si Noe
9 Ito(D) ang kasaysayan ni Noe. Matuwid at mabuting tao si Noe noong kanyang kapanahunan. Namuhay siya ayon sa kalooban ng Diyos. 10 Siya'y may tatlong anak na lalaki, sina Shem, Ham at Jafet. 11 Maliban kay Noe, masasama ang lahat ng tao sa paningin ng Diyos at laganap ang karahasan sa lahat ng dako. 12 Ito ang kalagayang nakita ng Diyos sa buong daigdig; namumuhay sa kasamaan ang lahat ng tao.
Pinagawa ng Malaking Barko si Noe
13 Sinabi ng Diyos kay Noe, “Napagpasyahan ko nang lipulin ang lahat ng tao sa daigdig. Umabot na sa sukdulan ang kanilang kasamaan. Gugunawin ko sila kasama ng daigdig. 14 Kaya gumawa ka ng isang malaking barko na yari sa kahoy na sipres. Lagyan mo ito ng mga silid at pahiran mo ng alkitran ang loob at labas nito. 15 Ang barkong gagawin mo ay 135 metro ang haba, 22 metro ang luwang, at 13.5 metro ang taas. 16 Bubungan mo ito at lagyan ng kalahating metrong pagitan mula sa bubong[b] hanggang sa tagiliran. Gawin mong tatlong palapag ang barko at lagyan mo ng pintuan sa tagiliran. 17 Palulubugin ko sa tubig ang buong daigdig at malilipol ang lahat ng may buhay sa balat ng lupa. 18 Ngunit ako'y gagawa ng kasunduan natin: Isama mo ang iyong asawa at mga anak na lalaki, pati mga asawa nila, at pumasok kayo sa barko. 19 Magsakay ka ng isang lalaki at isang babae ng bawat uri ng hayop at ibon upang magpatuloy ang lahi nila. 20 Magsakay ka rin ng tig-iisang pares sa bawat uri ng ibon at hayop at mga gumagapang sa lupa upang magpatuloy rin ang lahi ng mga ito. 21 Maglaan ka ng lahat ng uri ng pagkain para sa inyo at sa kanila.” 22 At(E) ginawa nga ni Noe ang lahat ng iniutos sa kanya ng Diyos.
Genesis 6
Ang Dating Biblia (1905)
6 At nangyari, nang magpasimula na dumami ang mga tao sa balat ng lupa, at mangagkaanak ng mga babae,
2 Na nakita ng mga anak ng Dios, na magaganda ang mga anak na babae ng mga tao; at sila'y nangagsikuha ng kanikaniyang asawa sa lahat ng kanilang pinili.
3 At sinabi ng Panginoon, Ang aking Espiritu ay hindi makikipagpunyagi sa tao magpakailan man, sapagka't siya ma'y laman: gayon ma'y magiging isang daan at dalawang pung taon ang kaniyang mga araw.
4 Ang mga higante ay nasa lupa ng mga araw na yaon, at pagkatapos din naman na makasiping ang mga anak ng Dios sa mga anak na babae ng tao, at mangagkaanak sila sa kanila: ang mga ito rin ang naging makapangyarihan nang unang panahon na mga lalaking bantog.
5 At nakita ng Panginoon na mabigat ang kasamaan ng tao sa lupa, at ang buong haka ng mga pagiisip ng kaniyang puso ay pawang masama lamang na parati.
6 At nagsisi ang Panginoon na kaniyang nilalang ang tao sa lupa, at nalumbay sa kaniyang puso.
7 At sinabi ng Panginoon, Lilipulin ko ang tao na aking nilalang sa ibabaw ng lupa; ang tao at gayon din ang hayop, at ang mga umuusad at ang mga ibon sa himpapawid; sapagka't pinagsisisihan ko na aking nilalang sila.
8 Datapuwa't si Noe ay nakasumpong ng biyaya sa mga mata ng Panginoon.
9 Ito ang mga lahi ni Noe. Si Noe ay lalaking matuwid at sakdal noong kapanahunan niya: si Noe ay lumalakad na kasama ng Dios.
10 At nagkaanak si Noe ng tatlong lalake: si Sem, si Cham, at si Japhet.
11 At sumama ang lupa sa harap ng Dios, at ang lupa ay napuno ng karahasan.
12 At tiningnan ng Dios ang lupa, at, narito sumama; sapagka't pinasama ng lahat ng tao ang kanilang paglakad sa ibabaw ng lupa.
13 At sinabi ng Dios kay Noe, Ang wakas ng lahat ng tao ay dumating sa harap ko; sapagka't ang lupa ay napuno ng karahasan dahil sa kanila; at, narito, sila'y aking lilipuling kalakip ng lupa.
14 Gumawa ka ng isang sasakyang kahoy na gofer; gagawa ka ng mga silid sa sasakyan, at iyong sisiksikan sa loob at sa labas ng sahing.
15 At ganitong paraan gagawin mo: tatlong daang siko ang haba ng sasakyan, limang pung siko ang luwang, at tatlong pung siko ang taas.
16 Gagawa ka ng isang durungawan sa sasakyan; at wawakasan mo ng isang siko sa dakong itaas; at ang pintuan ng sasakyan ay ilalagay mo sa tagiliran; gagawin mong may lapag na lalong mababa, pangalawa at pangatlo.
17 At ako, narito, ako'y magpapadagsa ng isang baha ng tubig sa ibabaw ng lupa, upang lipulin sa silong ng langit ang lahat ng laman na may hininga ng buhay; ang lahat na nasa lupa ay mangamamatay.
18 Datapuwa't pagtitibayin ko ang aking tipan sa iyo; at ikaw ay lululan sa sasakyan, ikaw, at ang iyong mga anak na lalake, at ang iyong asawa, at ang mga asawa ng iyong mga anak na kasama mo.
19 At sa bawa't nangabubuhay, sa lahat ng laman ay maglululan ka sa loob ng sasakyan ng dalawa sa bawa't uri upang maingatan silang buhay, na kasama mo; lalake at babae ang kinakailangan.
20 Sa mga ibon ayon sa kanikanilang uri, at sa mga hayop ayon sa kanikanilang uri, sa bawa't nagsisiusad, ayon sa kanikanilang uri, dalawa sa bawa't uri, ay isasama mo sa iyo, upang maingatan silang buhay.
21 At magbaon ka ng lahat na pagkain na kinakain, at imbakin mo sa iyo; at magiging pagkain mo at nila.
22 Gayon ginawa ni Noe; ayon sa lahat na iniutos sa kaniya ng Dios, ay gayon ang ginawa niya.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
