Add parallel Print Page Options

Binasbasan ni Jacob ang mga Anak Niya

49 Pagkatapos, tinawag ni Jacob ang mga anak niya, at sinabi, “Magsiparito kayo dahil sasabihin ko sa inyo kung ano ang mangyayari sa inyo sa darating na panahon.

“Mga anak, lumapit kayo at makinig sa akin na inyong ama.

“Ikaw Reuben, na panganay ko, ang kauna-unahang lalaki kong anak. Mas tanyag ka at mas makapangyarihan kaysa sa iyong mga kapatid.

“Pero katulad ka ng kumukulong tubig dahil hindi ka makapagpigil sa iyong pagnanasa, kaya ka sumiping sa aking asawang alipin. Hindi ka na hihigit sa iba.

“Kayo, Simeon at Levi na magkakampi, ginagamit ninyo ang inyong armas sa pagmamalupit sa iba.

“Hindi ako sasama o dadalo sa pagtitipon ninyo dahil pumapatay kayo ng mga tao kapag galit kayo, at pinipilayan ninyo ang mga toro kapag gusto ninyo.

“Susumpain ko kayo dahil sa inyong galit na napakalupit. Paghihiwalayin ko kayo at ipapangalat sa Israel.

“Ikaw Juda, pupurihin ka at igagalang ng iyong mga kapatid. Tatalunin mo ang iyong mga kalaban. Katulad ka ng batang leon na matapos hanapin ang sisilain ay bumabalik sa kanyang lungga at doon magpapahinga. At walang makakapagtangkang gumambala sa kanya. 10 Patuloy kang mamumuno, Juda. Magmumula sa mga lahi mo ang magiging mga pinuno. Kaya magbibigay ng buwis sa iyo ang mga bansa at susunod sila sa iyo. 11 Magiging sagana ang iyong lupain; kaya kahit itali mo ang asno malapit sa pinakamagandang tanim na ubas, hindi niya ito makakayang ubusin dahil sa dami. At kahit ipanglaba pa ang katas ng ubas, hindi ito mauubos. 12 Kaya dahil sa masaganang katas ng ubas, magniningning ang iyong mga mata at sa masaganang gatas higit na puputi ang ngipin mo.

13 “Ikaw Zebulun, maninirahan ka sa tabi ng dagat. Ang lupain mo ay magiging daungan ng mga sasakyang pandagat. Ang lupain mo ay aabot hanggang sa Sidon.

14 “Ikaw Isacar, katulad ka ng malakas na asno pero nagpapahinga sa tirahan ng mga tupa.[a] 15 Titiisin mong magpaalipin kahit pa pagpasanin ka ng mabigat at sapilitang pagtrabahuhin, bastaʼt mabuti at sagana lang ang lupaing titirhan mo.

16 “Ikaw Dan, pangungunahan mong mabuti ang iyong mga tao bilang isa sa mga lahi ng Israel. 17 Magiging katulad ka ng makamandag na ahas sa tabi ng daan na tumutuklaw ng paa ng dumaraan na kabayo, kaya nahuhulog ang nakasakay dito.”

18 Pagkatapos, sinabi ni Jacob, “O Panginoon, naghihintay po ako sa inyong pagliligtas.”

19 Nagpatuloy pa siya sa pagsasalita,

“Ikaw Gad, lulusubin ka ng grupo ng mga tulisan, pero gagantihan mo sila habang tumatakas sila.

20 “Ikaw Asher, magiging sagana ka sa pagkain. Aani ka ng mga pagkain na para sa mga hari.

21 “Ikaw Naftali, katulad ka ng pinakawalang usa na nanganganak ng magagandang supling.

22 “Ikaw Jose, katulad ka ng mailap na asno sa tabi ng bukal o sa tabi ng bangin.[b] 23 Kaiinisan ka ng mga mamamana. Sa galit nila ay papanain ka nila, 24 pero palagi mo rin silang papanain. At ang braso mo ay patuloy na lalakas, dahil sa tulong ng Makapangyarihang Dios ni Jacob, ang tagapagbantay at ang Bato na kanlungan ng Israel. 25 Siya ang Makapangyarihang Dios ng iyong mga ninuno na tumutulong at nagpapala sa iyo. Bibiyayaan ka niya ng ulan at tubig sa mga bukal. At bibiyayaan ka niya ng maraming anak at hayop. 26 Ngayon, marami akong pagpapala; labis pa sa kasaganaan noon ng mga sinaunang kaburulan. Nawaʼy matanggap mo ang mga pagpapalang ito, Jose – ikaw na nakakahigit kaysa sa iyong mga kapatid.

27 “Ikaw Benjamin, katulad ka ng asong lobo na sumisila sa umaga ng kanyang nahuli para kainin, at sa gabi ay pinaghahati-hatian ang natirang nasamsam.”

28 Sila ang 12 anak ni Jacob na pinanggalingan ng mga lahi ng Israel. At iyon ang huling habilin ni Jacob sa bawat isa sa kanila.

Ang Pagkamatay ni Jacob

29 Matapos habilinan ni Jacob ang mga anak niya. Sinabi niya, “Ngayon, sandali na lang at makakasama ko na ang mga kamag-anak ko sa kabilang buhay, ilibing nʼyo ako sa libingan ng aking mga ninuno, doon sa kweba na nasa sa bukid ni Efron na Heteo. 30 Ang bukid na iyon ay nasa Macpela, sa silangan ng Mamre, na sakop ng Canaan. Binili ng lolo kong si Abraham ang bukid na iyon kay Efron para gawing libingan. 31 Doon siya inilibing pati ang lola kong si Sara at ang mga magulang kong sina Isaac at Rebeka, at doon ko rin inilibing si Lea. 32 Ang bukid at kweba ay binili sa mga Heteo.”

33 Pagkatapos magsalita ni Jacob sa kanyang mga anak, nahiga siya at nalagutan ng hininga. At isinama siya sa kanyang mga kamag-anak na sumakabilang buhay na.

Footnotes

  1. 49:14 malakas … tupa: o, asno na kargado na nagpapahinga.
  2. 49:22 Ikaw Jose … bangin: o, Ikaw Jose, katulad ka ng tanim na malapit sa bukal, na gumagapang sa may pader.
'Genesis 49 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Mga Huling Salita ni Jacob

49 Pagkatapos ay tinawag ni Jacob ang kanyang mga anak, at sinabi, “Magtipun-tipon kayo at sasabihin ko sa inyo ang mangyayari sa inyo sa mga araw na darating.

Magtipun-tipon kayo at makinig, kayong mga anak ni Jacob;
    at inyong pakinggan si Israel na inyong ama.

Ruben, ikaw ang aking panganay,
    ang aking kalakasan, ang siyang pasimula ng aking kapangyarihan,
    ang pinakamataas sa karangalan at kalakasan, at siyang kasakdalan ng kapangyarihan.
Kagaya ng kumukulong tubig, ikaw ay hindi mangingibabaw;
    sapagkat, sumampa ka sa higaan ng iyong ama:
    pagkatapos ay dinumihan mo ito—sumampa sa aking tulugan.

Si Simeon at si Levi ay magkapatid;
    ang kanilang mga sandata ay mga kasangkapan ng karahasan.
Huwag nawang pumasok ang aking kaluluwa sa kanilang payo;
    huwag isama ang aking espiritu sa kanilang kapisanan;
Sapagkat sa kanilang galit ay pumatay sila ng tao,
    at sa kanilang sariling kalooban ay nilumpo nila ang baka.
Sumpain ang kanilang galit, sapagkat ito ay mabangis;
    at ang kanilang poot, sapagkat ito ay malupit.
Hahatiin ko sila sa Jacob,
    at ikakalat ko sila sa Israel.

Juda, pupurihin ka ng iyong mga kapatid;
    ang iyong kamay ay malagay sa leeg ng iyong mga kaaway;
    ang mga anak ng iyong ama nawa ay yumukod sa harapan mo.
Si(A) Juda'y isang anak ng leon.
    Aking anak, ikaw ay umahon mula sa pagkahuli,
siya'y yumuko, siya'y lumugmok na parang leon;
    at gaya ng isang babaing leon, sinong makakagising sa kanya?
10 Ang setro ay hindi mahihiwalay kay Juda,
    ni ang tungkod ng pagkapuno sa pagitan ng kanyang mga paa,
hanggang sa ang Shilo ay dumating;[a]
    at ang pagtalima ng mga bayan sa kanya.
11 Itinali ang kanyang batang asno sa puno ng ubas,
    at ang guya ng kanyang asno sa piling puno ng ubas;
nilabhan niya ang kanyang suot sa alak,
    at ang kanyang damit sa dugo ng ubas.
12 Ang kanyang mga mata ay namumula sa alak,
    at ang kanyang mga ngipin ay namumuti sa gatas.

13 Si Zebulon ay tatahan sa dalampasigan,
    at siya'y magiging kanlungan ng mga sasakyang-dagat;
    at ang kanyang hangganan ay magiging hanggang Sidon.

14 Si Isacar ay isang malakas na asno,
    na nahihiga sa gitna ng mga kawan ng mga tupa;
15 at nakakita siya ng dakong pagpapahingahan, na ito ay mabuti,
    at ang lupain ay maganda;
at kanyang iniyuko ang kanyang balikat upang pasanin,
    at naging aliping sapilitang pinagagawa.

16 Si Dan ay hahatol sa kanyang bayan,
    bilang isa sa mga lipi ni Israel.
17 Si Dan ay magiging ahas sa daan,
    isang ulupong sa landas,
na nangangagat ng mga sakong ng kabayo,
    kaya't nahuhulog sa likuran ang sakay niyon.

18 Aking hinintay ang iyong pagliligtas, O Panginoon.

19 Si Gad ay sasalakayin ng isang pulutong ng mandarambong,
    ngunit siya ang sasalakay sa kanilang mga sakong.

20 Mula kay Aser, ang kanyang tinapay ay tataba,
    at siya ay magbibigay ng pagkaing-hari.

21 Si Neftali ay isang babaing usa na pinakawalan,
    na nagbibigay ng isang magandang pananalita.

22 Si Jose ay isang mabungang supling,
    isang mabungang supling sa tabi ng bukal;
    ang kanyang mga sanga'y gumagapang sa ibabaw ng pader.
23 Ginigipit siya ng mga bihasa sa pana,
    at namamana, at naghihintay na tambangan siya.
24 Ngunit ang kanyang busog ay nananatili sa kalakasan,
    at ang mga kamay ng kanyang bisig ay pinalakas
ng mga kamay ng Makapangyarihan ni Jacob
    (sa pangalan ng Pastol, ang Bato ng Israel),
25 sa pamamagitan ng Diyos ng iyong ama, na tutulong sa inyo,
    ng Makapangyarihan sa lahat na magpapala sa inyo,
    pagpapala ng langit mula sa itaas,
mga pagpapala ng mga kalaliman na nalalagay sa ibaba,
    mga pagpapala ng mga dibdib at ng bahay-bata.
26 Ang mga pagpapala ng iyong ama
    ay higit na malakas kaysa pagpapala ng walang hanggang kabundukan,
    sa kasaganaan ng mga burol na walang hanggan;
nawa ang mga iyon ay mapasaulo ni Jose,
    at para sa kilay niya na ibinukod mula sa mga kapatid.

27 Si Benjamin ay isang lobong mabangis;
    sa umaga'y nilalamon niya ang nasila,
    at sa gabi ay paghahatian niya ang samsam.”

28 Ang lahat ng ito ang labindalawang lipi ng Israel. At ito ang sinalita ng kanilang ama sa kanila, at sila'y binasbasan niya, ang bawat isa ayon sa basbas sa kanya.

Ang Pagkamatay at Paglilibing kay Jacob

29 Pagkatapos ay iniutos niya sa kanila, “Ako'y malapit nang makasama sa aking bayan. Ilibing ninyo ako sa tabi ng aking mga magulang, sa yungib na nasa parang ni Efron na Heteo,

30 sa(B) yungib na nasa parang ng Macpela, na nasa tapat ng Mamre, sa lupain ng Canaan, ang parang na binili ni Abraham kay Efron na Heteo, upang maging libingan.

31 Doon(C) nila inilibing si Abraham at si Sara na kanyang asawa; at doon nila inilibing si Isaac at si Rebecca na kanyang asawa; at doon ko inilibing si Lea,

32 sa parang at sa yungib na nandoon na binili mula sa mga anak ni Het.”

33 Pagkatapos(D) na si Jacob ay makapagbilin sa kanyang mga anak, itinikom niya ang kanyang mga paa sa higaan, siya'y nalagutan ng hininga at naging kasama ng kanyang bayan.

Footnotes

  1. Genesis 49:10 Sa ibang kasulatan ay hanggang siya ay dumating sa Shilo .

49 At tinawag ni Jacob ang kaniyang mga anak, at sinabi, Magpipisan kayo, upang maisaysay ko sa inyo ang mangyayari sa inyo sa mga huling araw.

Magpipisan kayo at kayo'y makinig, kayong mga anak ni Jacob; At inyong pakinggan si Israel na inyong ama.

Ruben, ikaw ang aking panganay, ang aking kapangyarihan, at siyang pasimula ng aking kalakasan; Siyang kasakdalan ng kamahalan, at siyang kasakdalan ng kapangyarihan.

Kumukulong parang tubig na umaawas, hindi ka magtataglay ng kasakdalan, Sapagka't, sumampa ka sa higaan ng iyong ama: Hinamak mo nga; sumampa sa aking higaan.

Si Simeon at si Levi ay magkapatid; Mga almas na marahas ang kanilang mga tabak.

Oh kaluluwa ko, huwag kang pumasok sa kanilang payo; Sa kanilang kapisanan, ay huwag kang makiisa, kaluwalhatian ko; Sapagka't sa kanilang galit ay pumatay ng tao: At sa kanilang sariling kalooban ay pumutol ng hita ng baka.

Sumpain ang kanilang galit, sapagka't mabangis; At ang kanilang pagiinit, sapagka't mabagsik. Aking babahagihin sila sa Jacob. At aking pangangalatin sila sa Israel.

Juda, ikaw ay pupurihin ng iyong mga kapatid: Ang iyong kamay ay magpapahinga sa leeg ng iyong mga kaaway: Ang mga anak ng iyong ama ay yuyukod sa harap mo.

Si Juda'y isang anak ng leon, Mula sa panghuhuli, anak ko umahon ka: Siya'y yumuko, siya'y lumugmok na parang leon; At parang isang leong babae; sinong gigising sa kaniya?

10 Ang setro ay hindi mahihiwalay sa Juda, Ni ang tungkod ng pagkapuno sa pagitan ng kaniyang mga paa, Hanggang sa ang Shiloh ay dumating; At sa kaniya tatalima ang mga bansa.

11 Naitatali ang kaniyang batang asno sa puno ng ubas. At ang guya ng kaniyang asno sa puno ng piling ubas; Nilabhan niya ang kaniyang suot sa alak, At ang kaniyang damit sa katas ng ubas.

12 Ang kaniyang mga mata ay mamumula sa alak, At ang kaniyang mga ngipin ay mamumuti sa gatas.

13 Si Zabulon ay tatahan sa daongan ng dagat: At siya'y magiging daongan ng mga sasakyan; At ang kaniyang hangganan ay magiging hanggang Sidon.

14 Si Issachar ay isang malakas na asno, Na lumulugmok sa gitna ng mga tupahan:

15 At nakakita siya ng dakong pahingahang mabuti, At ng lupang kaayaaya; At kaniyang iniyukod ang kaniyang balikat upang pumasan, At naging aliping mangaatag.

16 Si Dan ay hahatol sa kaniyang bayan, Gaya ng isa sa angkan ni Israel.

17 Si Dan ay magiging ahas sa daan, At ulupong sa landas, Na nangangagat ng mga sakong ng kabayo, Na ano pa't nahuhulog sa likuran ang sakay niyaon.

18 Aking hinintay ang iyong pagliligtas, Oh Panginoon.

19 Si Gad, ay hahabulin ng isang pulutong: Nguni't siya ang hahabol sa kanila.

20 Hinggil kay Aser, ay lulusog ang tinapay niya, At gagawa ng masasarap na pagkain.

21 Si Nephtali ay isang usang babaing kawala: Siya'y nagbabadya ng maririkit na pananalita.

22 Si Jose ay sangang mabunga, Sangang mabunga na nasa tabi ng bukal; Ang kaniyang mga sanga'y gumagapang sa pader.

23 Pinamanglaw siya ng mga mamamana, At pinana siya, at inusig siya:

24 Nguni't ang kaniyang busog ay nanahan sa kalakasan, At pinalakas ang mga bisig ng kaniyang mga kamay, Sa pamamagitan ng mga kamay ng Makapangyarihan ni Jacob, (Na siyang pinagmulan ng pastor, ang bato ng Israel),

25 Sa pamamagitan nga ng Dios ng iyong ama, na siyang tutulong sa iyo, At sa pamamagitan ng Makapangyarihan sa lahat, na siyang magpapala sa iyo, Ng pagpapala ng langit sa itaas, Pagpapala ng mga kalaliman na nalalagay sa ibaba, Pagpapala ng mga dibdib at ng bahay-bata.

26 Ang mga basbas ng iyong ama na humigit sa basbas ng aking mga kanunuan Hanggang sa wakas ng mga burol na walang hanggan: Mangapapasa ulo ni Jose, At sa tuktok ng ulo niya na bukod tangi sa kaniyang mga kapatid.

27 Si Benjamin ay isang lobo na mangaagaw: Sa kinaumagaha'y kaniyang kakanin ang huli, At sa kinahapunan ay kaniyang babahagihin ang samsam.

28 Ang lahat ng ito ang labing dalawang angkan ng Israel: at ito ang sinalita ng ama nila sa kanila, at sila'y binasbasan; bawa't isa'y binasbasan ng ayon sa basbas sa kanikaniya,

29 At kaniyang ipinagbilin sa kanila, at sinabi sa kanila: Ako'y malalakip sa aking bayan: ilibing ninyo ako sa kasamahan ng aking mga magulang sa yungib na nasa parang ni Ephron na Hetheo,

30 Sa yungib na nasa parang ng Machpela, na nasa tapat ng Mamre, sa lupain ng Canaan, na binili ni Abraham, na kalakip ng parang kay Ephron na Hetheo, na pinakaaring libingan:

31 Na doon nila inilibing si Abraham at si Sara na kaniyang asawa; na doon nila inilibing si Isaac at si Rebeca na kaniyang asawa; at doon ko inilibing si Lea:

32 Sa parang at sa yungib na nandoon na binili sa mga anak ni Heth.

33 At nang matapos si Jacob na makapagbilin sa kaniyang mga anak, ay kaniyang itinaas at itinikom ang kaniyang mga paa sa higaan, at nalagot ang hininga, at nalakip sa kaniyang bayan.