Genesis 34
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Pinagsamantalahan si Dina
34 Isang araw, umalis si Dina na anak na dalaga nina Jacob at Lea. Binisita niya ang mga dalagang taga-Canaan. 2 Nakita siya ni Shekem na anak ni Hamor na Hiveo, na pinuno sa lugar na iyon. Sinunggaban niya si Dina at pinagsamantalahan. 3 Pero nahulog ang loob niya kay Dina at nagustuhan niya ito, kaya sinuyo niya ang dalaga. 4 Sinabi ni Shekem sa ama niyang si Hamor, “Ama, gawan nʼyo po ng paraan para mapangasawa ko ang dalagang ito.”
5 Nang malaman ni Jacob na dinungisan ni Shekem ang pagkababae ni Dina, hindi muna siya kumibo dahil naroon pa sa bukid ang mga anak niyang lalaki na nagbabantay ng kanyang mga hayop. 6 Pumunta ang ama ni Shekem na si Hamor kay Jacob para makipag-usap.
7 Nang mabalitaan ng mga anak ni Jacob ang nangyari, umuwi sila agad mula sa bukid. Sumama ang loob nila at labis na nagalit kay Shekem dahil sa ginawa niyang hindi nararapat, na nagdala ng kahihiyan sa pamilya ni Jacob.[a]
8 Pero sinabi ni Hamor sa kanila, “Nabighani ang anak kong si Shekem sa dalaga ninyo, kaya nakikiusap akong payagan ninyong mapangasawa siya ng anak ko. 9 At maganda rin na hayaan nating mapangasawa ng mga dalaga ninyo ang mga binata namin at mapangasawa rin ng mga dalaga namin ang mga binata ninyo. 10 Maaari kayong manirahang kasama namin kahit saang lugar ninyo gustuhin. Maaari rin kayong magnegosyo kahit saan at magmay-ari ng lupain dito.”
11 Nakiusap din si Shekem sa ama at sa mga kapatid ni Dina, “Kung maaari po ay mapangasawa ko si Dina na kapatid ninyo. Ibibigay ko po ang kahit anong hilingin ninyo. 12 Kayo po ang bahala kung magkano ang hihilingin ninyo at kung ano ang ireregalo ko para mapangasawa ko ang kapatid ninyo. Babayaran ko po kayo kahit magkano ang hilingin ninyo bastaʼt mapangasawa ko lang po si Dina.”
13 Pero dahil sa dinungisan ni Shekem ang pagkababae ni Dina, niloko ng mga anak ni Jacob si Shekem at ang ama nitong si Hamor. 14 Sinabi nila, “Hindi kami papayag na makapag-asawa si Dina ng isang taong hindi tuli, dahil nakakahiya iyan para sa amin. 15 Papayag lang kami kung ang lahat ng lalaki na taga-rito ay magpapatuli rin kagaya namin. 16 Kung magpapatuli kayo, maaari ninyong mapangasawa ang mga dalaga namin at maaari rin kaming makapag-asawa sa mga dalaga ninyo. At maninirahan kami kasama ninyo para maging isang bayan na lang tayo. 17 Pero kung hindi kayo papayag, kukunin namin si Dina at aalis kami rito.”
18 Nakita nina Hamor at Shekem na mukhang maganda rin ang mungkahing ibinigay ng mga anak ni Jacob. 19 Kaya dahil sa malaking pagmamahal ni Shekem kay Dina, hindi na siya nag-aksaya ng panahon para sundin ang mga sinabi ng mga anak ni Jacob. Si Shekem ang lubos na iginagalang sa sambahayan ng kanyang ama. 20 Pumunta agad sila sa kanyang ama sa pintuan ng lungsod at nagsalita sa mga lalaki sa kanilang lungsod. 21 Sinabi nila, “Palakaibigan ang mga taong ito. Kaya rito na lang natin sila patirahin, at payagan na makapagnegosyo sila kahit saan. Malaki naman ang lupain natin. Maaari tayong makipag-asawa sa mga dalaga nila at makikipag-asawa rin sila sa mga dalaga natin. 22 Pero papayag lang sila na manirahan dito kasama natin bilang isang bayan kung papayag ang lahat ng kalalakihan natin na magpatuli kagaya nila. 23 Kung dito sila titira, magiging atin din ang lahat ng hayop at ari-arian nila. Kaya pumayag na lang tayo sa mungkahi nila para manirahan sila rito na kasama natin.”
24 Pumayag ang lahat ng kalalakihan ng lungsod sa sinabi ni Hamor at ng anak niyang si Shekem. Kaya nagpatuli ang lahat ng kalalakihan nila.
25 Pagkalipas ng tatlong araw, habang mahapdi pa ang sugat ng mga lalaki, pumasok sa lungsod ang dalawang anak ni Jacob na sina Simeon at Levi, na mga kapatid ni Dina. Hindi alam ng mga tao roon na masama pala ang pakay nila. May dala silang mga espada at pinagpapatay nila ang lahat ng lalaki. 26 Pinatay din nila si Hamor at ang anak niyang si Shekem. Kinuha rin nila si Dina sa bahay ni Shekem, at umalis. 27 Pagkatapos, pinasok din ng iba pang anak ni Jacob ang lungsod at kinuha ang mga ari-arian dito. Ginawa nila ito dahil dinungisan ang pagkababae ng kapatid nilang si Dina. 28 Kinuha nila ang mga tupa, baka, asno at ang lahat ng ari-arian doon sa lungsod at bukirin. 29 Sinamsam nila ang lahat ng kayamanan ng lungsod, pati ang mga ari-arian sa loob ng mga bahay. At binihag nila ang lahat ng babae at bata.
30 Ngayon, sinabi ni Jacob kina Simeon at Levi, “Binigyan ninyo ako ng malaking problema. Magkikimkim ng galit sa atin ang mga Cananeo at mga Perezeo sa lupaing ito. Mamamatay tayong lahat kung magkakaisa silang lusubin tayo dahil kaunti lang tayo.”
31 Pero sumagot ang dalawa, “Pababayaan lang ba namin na tratuhin ang kapatid namin na parang isang babaeng bayaran?”
Footnotes
- 34:7 pamilya ni Jacob: sa literal, mga Israelita.
Genesis 34
Ang Dating Biblia (1905)
34 At lumabas si Dina na anak ni Lea, na ipinanganak nito kay Jacob, upang tingnan ang mga anak na babae ng lupaing yaon.
2 At siya'y nakita ni Sichem, anak ni Hamor, na Heveo, na prinsipe sa lupain; at siya'y kinuha at sumiping sa kaniya, at siya'y pinangayupapa.
3 At inilakip niya ang kaniyang kaluluwa kay Dina, na anak ni Jacob at kaniyang sininta ang dalaga, at nakiusap ng kalugodlugod sa dalaga.
4 At si Sichem ay nagsalita sa kaniyang amang kay Hamor, na sinabi, Ipakamit mo sa akin ang dalagang ito na maging asawa ko.
5 Nabalitaan nga ni Jacob na dinahas ang kaniyang anak na si Dina; at ang kaniyang mga anak ay nasa kasamahan ng mga hayop niya sa parang: at tumahimik si Jacob hanggang sa sila'y dumating.
6 At nilabas ni Hamor na ama ni Sichem si Jacob upang makiusap sa kaniya.
7 At ang mga anak ni Jacob ay nagsiuwi mula sa parang nang kanilang mabalitaan: at nangagdamdam ang mga lalake, at nagningas ang kanilang galit, sapagka't gumawa ng kaululan sa Israel, na sinipingan ang anak ni Jacob; bagay na di nararapat gawin.
8 At nakiusap si Hamor sa kanila, na sinasabi, Ang kaluluwa ni Sichem na aking anak ay sumasa iyong anak; ipinamamanhik ko sa inyo na ipagkaloob ninyo sa kaniya na maging asawa niya.
9 At magsipagasawa kayo sa amin; ibigay ninyo sa amin ang inyong mga anak na babae, at ibibigay namin sa inyo ang aming mga anak na babae.
10 At tatahan kayong kasama namin; at ang lupain ay sasa harap ninyo; tumahan kayo at mangalakal kayo riyan at magkaroon kayo ng mga pag-aari riyan.
11 At sinabi ni Sichem sa ama ni Dina, at sa mga kapatid niya, Makasundo nawa ako ng biyaya sa inyong mga mata at ang sabihin ninyo sa akin ay aking ibibigay.
12 Hingin ninyo sa akin ang walang bilang na bigay-kaya at kaloob, at aking ibibigay ayon sa sabihin ninyo sa akin; ipagkaloob lamang ninyo sa akin ang dalaga na maging asawa ko.
13 At nagsisagot na may pagdaraya ang mga anak ni Jacob kay Sichem at kay Hamor na kaniyang ama, at sila'y nagsalitaan, sapagka't kaniyang dinahas si Dina na kanilang kapatid.
14 At sinabi niya sa kanila, Hindi namin magagawa ito, na ibigay ang aming kapatid sa isang hindi tuli; sapagka't isang kasiraan ng puri namin.
15 Sa ganitong paraan lamang papayag kami sa inyo: kung kayo'y magiging gaya namin, na mangatuli ang lahat ng lalake sa inyo;
16 Ay ibibigay nga namin sa inyo ang aming mga anak na babae, at makikisama kami sa inyong mga anak na babae, at tatahan kami sa inyo, at tayo'y magiging isa lamang bayan.
17 Datapuwa't kung ayaw ninyo kaming pakinggan, na kayo'y mangatuli; ay dadalhin nga namin ang aming anak na babae at kami ay yayaon.
18 At ang kanilang mga salita ay kinalugdan ni Hamor at ni Sichem, na anak ni Hamor.
19 At hindi iniliban ng binata ang paggawa niyaon, sapagka't nalugod siya sa anak na babae ni Jacob: at siya ang pinarangalang higit sa buong sangbahayan ng kaniyang ama.
20 At si Hamor at si Sichem na kaniyang anak ay napasa pintuang-bayan ng kanilang bayan, at sila'y nakiusap sa mga tao sa kanilang bayan, na sinasabi.
21 Ang mga taong ito ay tahimik sa atin; kaya't magsitahan sila sa lupain at magsipangalakal sila riyan; sapagka't narito, ang lupain, ay may malabis na kaluwangan sa kanila; tayo'y makisama sa kanilang mga anak na babae, at ating ibigay sa kanila ang ating mga anak.
22 Sa ganito lamang paraan papayagan tayo ng mga taong iyan, sa pagtahan sa atin, na maging isa lamang bayan, kung patuli ang lahat ng lalake sa atin, na gaya naman nila na mga tuli.
23 Di ba magiging atin ang kanilang mga baka at ang kanilang mga pag-aari at ang lahat nilang hayop? Atin lamang silang payagan, at tatahan sa atin.
24 At pinakinggan si Hamor at si Sichem na kaniyang anak, ng lahat na lumalabas sa pintuan ng kaniyang bayan; at ang lahat ng lalake ay nagtuli, ang lahat ng lumalabas sa pintuan ng kaniyang bayan.
25 At nangyari, nang ikatlong araw, nang sila'y nangasasaktan, na ang dalawa sa mga anak ni Jacob, si Simeon at si Levi, na mga kapatid ni Dina, na kumuha ang bawa't isa ng kaniyang tabak, at sila'y lihim na pumasok sa bayan, at kanilang pinatay ang lahat ng mga lalake.
26 At kanilang pinatay si Hamor at si Sichem na kaniyang anak, sa talim ng tabak, at kanilang kinuha si Dina sa bahay ni Sichem, at sila'y nagsialis.
27 Nagsiparoon ang mga anak ni Jacob sa mga patay, at kanilang sinamsaman ang bayan, sapagka't kanilang dinahas ang kapatid nila.
28 Kinuha nila ang kanilang mga kawan at ang kanilang mga bakahan, at ang kanilang mga asno, at ang nasa bayan, at ang nasa parang;
29 At ang kanilang buong yaman, at ang lahat ng kanilang mga anak, at mga asawa, ay dinala nilang bihag at samsam, sa makatuwid baga'y lahat na nasa bahay.
30 At sinabi ni Jacob kay Simeon at kay Levi, Ako'y inyong binagabag, na pinapaging mapagtanim ninyo ako sa mga tumatahan sa lupain, sa mga Cananeo, at sa mga Pherezeo; at akong may kaunting tao, ay magpipisan sila laban sa akin, at ako'y sasaktan nila; at lilipulin ako at ang aking sangbahayan.
31 At kanilang sinabi, Aariin ba niya ang aming kapatid na parang isang patutot?
Genesis 34
New International Version
Dinah and the Shechemites
34 Now Dinah,(A) the daughter Leah had borne to Jacob, went out to visit the women of the land. 2 When Shechem(B) son of Hamor(C) the Hivite,(D) the ruler of that area, saw her, he took her and raped her.(E) 3 His heart was drawn to Dinah(F) daughter of Jacob;(G) he loved(H) the young woman and spoke tenderly(I) to her. 4 And Shechem said to his father Hamor, “Get me this girl as my wife.”(J)
5 When Jacob heard that his daughter Dinah had been defiled,(K) his sons were in the fields with his livestock; so he did nothing about it until they came home.
6 Then Shechem’s father Hamor went out to talk with Jacob.(L) 7 Meanwhile, Jacob’s sons had come in from the fields as soon as they heard what had happened. They were shocked(M) and furious,(N) because Shechem had done an outrageous thing in[a] Israel(O) by sleeping with Jacob’s daughter—a thing that should not be done.(P)
8 But Hamor said to them, “My son Shechem has his heart set on your daughter. Please give her to him as his wife.(Q) 9 Intermarry with us; give us your daughters and take our daughters for yourselves.(R) 10 You can settle among us;(S) the land is open to you.(T) Live in it, trade[b] in it,(U) and acquire property in it.(V)”
11 Then Shechem said to Dinah’s father and brothers, “Let me find favor in your eyes,(W) and I will give you whatever you ask. 12 Make the price for the bride(X) and the gift I am to bring as great as you like, and I’ll pay whatever you ask me. Only give me the young woman as my wife.”
13 Because their sister Dinah had been defiled,(Y) Jacob’s sons replied deceitfully(Z) as they spoke to Shechem and his father Hamor. 14 They said to them, “We can’t do such a thing; we can’t give our sister to a man who is not circumcised.(AA) That would be a disgrace to us. 15 We will enter into an agreement with you on one condition(AB) only: that you become like us by circumcising all your males.(AC) 16 Then we will give you our daughters and take your daughters for ourselves.(AD) We’ll settle among you and become one people with you.(AE) 17 But if you will not agree to be circumcised, we’ll take our sister and go.”
18 Their proposal seemed good to Hamor and his son Shechem. 19 The young man, who was the most honored(AF) of all his father’s family, lost no time in doing what they said, because he was delighted with Jacob’s daughter.(AG) 20 So Hamor and his son Shechem went to the gate of their city(AH) to speak to the men of their city. 21 “These men are friendly toward us,” they said. “Let them live in our land and trade in it;(AI) the land has plenty of room for them. We can marry their daughters and they can marry ours.(AJ) 22 But the men will agree to live with us as one people only on the condition that our males be circumcised,(AK) as they themselves are. 23 Won’t their livestock, their property and all their other animals become ours?(AL) So let us agree to their terms, and they will settle among us.(AM)”
24 All the men who went out of the city gate(AN) agreed with Hamor and his son Shechem, and every male in the city was circumcised.
25 Three days later, while all of them were still in pain,(AO) two of Jacob’s sons, Simeon(AP) and Levi,(AQ) Dinah’s brothers, took their swords(AR) and attacked the unsuspecting city,(AS) killing every male.(AT) 26 They put Hamor and his son Shechem to the sword(AU) and took Dinah(AV) from Shechem’s house and left. 27 The sons of Jacob came upon the dead bodies and looted the city(AW) where[c] their sister had been defiled.(AX) 28 They seized their flocks and herds and donkeys(AY) and everything else of theirs in the city and out in the fields.(AZ) 29 They carried off all their wealth and all their women and children,(BA) taking as plunder(BB) everything in the houses.(BC)
30 Then Jacob said to Simeon and Levi, “You have brought trouble(BD) on me by making me obnoxious(BE) to the Canaanites and Perizzites, the people living in this land.(BF) We are few in number,(BG) and if they join forces against me and attack me, I and my household will be destroyed.”
31 But they replied, “Should he have treated our sister like a prostitute?(BH)”
Footnotes
- Genesis 34:7 Or against
- Genesis 34:10 Or move about freely; also in verse 21
- Genesis 34:27 Or because
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Holy Bible, New International Version®, NIV® Copyright ©1973, 1978, 1984, 2011 by Biblica, Inc.® Used by permission. All rights reserved worldwide.
NIV Reverse Interlinear Bible: English to Hebrew and English to Greek. Copyright © 2019 by Zondervan.