Add parallel Print Page Options

Nakuha ni Jacob ang Pagpapala

27 Si Isaac ay matanda na at halos hindi na makakita, kaya ipinatawag niya si Esau, ang anak niyang panganay. Sinabi niya rito, “Anak, matanda na ako at malapit nang mamatay. Pumunta ka sa parang at mangaso. Ihuli mo ako ng hayop at lutuin ang putahing gusto ko. Pagkakain ko'y igagawad ko sa iyo ang aking basbas bago ako mamatay.”

Nakikinig pala si Rebeca samantalang kinakausap ni Isaac si Esau. Kaya't nang umalis ito upang sundin ang bilin ng ama, tinawag ni Rebeca si Jacob at sinabi, “Narinig ko ang sinabi ng iyong ama kay Esau: ‘Ihuli mo ako ng hayop at lutuin mo para sa akin. Pagkakain ko, babasbasan kita sa harapan ni Yahweh bago ako mamatay.’ Kaya't ganito ang gawin mo, anak: Kumuha ka agad ng dalawang kambing na mataba at iluluto ko para sa iyong ama. Ipaghahanda ko siya ng pagkaing gustung-gusto niya, 10 at ipakain mo sa kanya upang ikaw ang mabigyan ng basbas bago siya mamatay!”

11 Ngunit sumagot si Jacob sa kanyang ina, “Balbon po si Esau, samantalang ako'y hindi. 12 Malalaman ng aking ama na nililinlang ko siya kapag ako'y kanyang nahipo; susumpain niya ako sa halip na basbasan.”

13 Sumagot ang ina, “Hayaan mong sa akin tumalab ang anumang sumpa niya. Basta't sumunod ka, anak; ako na ang bahala. Kumuha ka na ng kambing.” 14 Kumuha nga si Jacob ng kambing, at iniluto ng kanyang ina ang putahing gustung-gusto ng kanyang ama. 15 Binihisan ni Rebeca si Jacob ng pinakamagarang damit ni Esau na nakatabi sa bahay. 16 Ang mga braso at leeg ni Jacob na walang balahibo'y binalutan niya ng balat ng kambing. 17 Pagkatapos, ipinadala sa anak ang putahe na may kasama pang tinapay na niluto rin niya.

18 Lumapit si Jacob kay Isaac. “Ama!” sabi niya.

“Sino ka ba?” tanong nito.

19 “Ako po si Esau,” sagot ni Jacob. “Nagawa ko na po ang inyong iniuutos sa akin. Narito na po ang gusto ninyong pagkain; bumangon na kayo at kainin na ninyo ito nang ako'y mabasbasan na ninyo pagkatapos.”

20 “Napakadali mo naman yatang nakahuli?” tanong ni Isaac.

“Tinulungan po ako ni Yahweh na inyong Diyos,” sagot ni Jacob.

21 Nagtanong muli si Isaac, “Ikaw ba talaga si Esau? Lumapit ka nga rito nang matiyak ko kung ikaw nga.” 22 Lumapit naman si Jacob at siya'y hinawakan ng ama. “Kay Jacob ang tinig ngunit ang bisig ay parang kay Esau!” wika ni Isaac. 23 Hindi niya nakilala si Jacob, sapagkat ang mga bisig nito'y mabalahibo ring tulad ng kay Esau. Babasbasan na sana ni Isaac si Jacob, 24 ngunit muli pang nagtanong, “Ikaw nga ba si Esau?”

“Ako nga po,” tugon ni Jacob.

25 Kaya't sinabi ni Isaac, “Kung gayon, akin na ang pagkain at pagkakain ko'y babasbasan kita.” Iniabot ni Jacob ang pagkain at binigyan din niya ng alak. 26 “Halika anak, at hagkan mo ako,” sabi ng ama. 27 Nang(A) lumapit si Jacob upang hagkan ang ama, naamoy nito ang kanyang kasuotan, kaya't siya'y binasbasan:

“Ang masamyong halimuyak ng anak ko,
    ang katulad ay samyo ng kabukirang si Yahweh ang nagbasbas;
28 Bigyan ka nawa ng Diyos, ng hamog buhat sa itaas,
    upang tumaba ang lupa mo't ikaw nama'y makaranas
    ng saganang pag-aani at katas ng ubas.
29 Hayaan(B) ang mga bansa'y gumalang at paalipin;
    bilang pinuno, ikaw ay kilalanin.
Igagalang ka ng mga kapatid mo,
    mga anak ng iyong ina ay yuyuko sa iyo.
Sila nawang sumusumpa sa iyo ay sumpain din,
    ngunit ang nagpapala sa iyo ay pagpalain.”

30 Matapos igawad ni Isaac ang kanyang basbas, umalis si Jacob. Siya namang pagdating ni Esau na may dalang usa. 31 Niluto niya ito nang masarap at dinala sa ama. Sinabi niya, “Maupo kayo, ama, at kainin ninyo ang dala kong pagkain upang ako'y inyong mabasbasan.”

32 “Sino ka ba?” tanong ni Isaac.

“Si Esau po, ang inyong panganay,” tugon naman niya.

33 Nanginig ang buong katawan ni Isaac. Sabi niya, “Kung gayo'y sino ang naunang nagdala sa akin ng pagkain? Katatapos ko lang kumain nang ika'y dumating. Binasbasan ko na siya at tataglayin niya iyon magpakailanman.”

34 Humagulgol ng iyak si Esau nang marinig ito at nagmamakaawa, “Basbasan din po ninyo ako, ama!”

35 Ngunit sinabi ni Isaac, “Nilinlang ako ng iyong kapatid kaya nakuha niya ang basbas ko para sa iyo.”

36 Nagsalita(C) si Esau, “Dalawang beses na niya akong dinaya, kaya pala Jacob[a] ang kanyang pangalan! Kinuha na niya ang aking karapatan bilang panganay, at ngayo'y inagaw niya pati ang basbas na ukol sa akin! Wala na ba kayong nalalabing basbas para sa akin?”

37 “Wala na akong magagawa, anak,” sagot ni Isaac. “Siya'y panginoon mo na ngayon; ginawa ko nang alipin niya ang kanyang mga kamag-anak. Ibinigay ko na sa kanya ang kasaganaan sa pagkain at inumin, kaya wala nang nalalabi para sa iyo.”

38 Ngunit(D) patuloy na nagmamakaawa sa kanyang ama si Esau, “Talaga bang iisa lang ang inyong basbas, ama? Basbasan na rin ninyo ako.” At patuloy siyang nanangis.

39 Sinabi(E) ni Isaac sa kanya,
“Ang magiging tahanan mo'y malayo sa kasaganaan,
    pati hamog mula sa langit, ika'y pagkakaitan.
40 Tabak(F) mo ang iyong ikabubuhay,
    kapatid mo'y iyong paglilingkuran;
upang kalayaa'y iyong makamit,
    kailangang ikaw ay maghimagsik.”

41 Namuhi si Esau kay Jacob sapagkat ito ang binasbasan ng kanyang ama. Kaya't ganito ang nabuo sa kanyang isipan: “Pagkamatay ng aking ama, at ito'y hindi na magtatagal, papatayin ko si Jacob!”

42 May(G) nakapagsabi kay Rebeca tungkol sa balak ni Esau, kaya't ipinagbigay-alam niya agad ito kay Jacob. Sinabi niya, “Anak, binabalak ng iyong kapatid na patayin ka upang makapaghiganti siya. 43 Makinig ka sa akin, anak. Umalis ka kaagad! Pumunta ka sa Haran at doon ka muna tumira sa aking kapatid na si Laban. 44 Doon ka muna hanggang hindi humuhupa ang galit ng iyong kapatid; 45 malilimutan din niya ang ginawa mo sa kanya. Hayaan mo't pababalitaan kita kung maaari ka nang bumalik. Masakit man sa loob ko ang malayo ka sa akin, lalong hindi ko matitiis ang kayo'y parehong mawala sa akin.”

Pinapunta ni Isaac si Jacob kay Laban

46 Sinabi ni Rebeca kay Isaac, “Hirap na hirap na ang loob ko sa mga dayuhang asawa ni Esau. Kapag Hetea ring tulad nila ang napangasawa ni Jacob, mabuti pang mamatay na ako.”

Footnotes

  1. Genesis 27:36 JACOB: Sa wikang Hebreo, ang salitang “Jacob” at “pandaraya” ay magkasintunog.
'Genesis 27 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

27 At nangyari, nang matanda na si Isaac, at malabo na ang kaniyang mga mata, na ano pa't hindi na siya makakita, ay tinawag si Esau na kaniyang anak na panganay, at sinabi sa kaniya, Anak ko: at kaniyang sinabi, Narito ako.

At sinabi niya, Narito, ako'y matanda, at hindi ko nalalaman ang kaarawan ng aking kamatayan.

Ngayon nga'y kunin mo ipinamamanhik ko sa iyo, ang iyong almas, ang iyong lalagyan ng pana, at ang iyong busog, at lumabas ka sa parang, at ihuli mo ako ng usa;

At igawa mo ako ng masarap na pagkain, na aking ibig, at dalhin mo rito sa akin, upang ako'y kumain; upang ikaw ay basbasan ko bago ako mamatay.

At pinakikinggan ni Rebeca nang nagsasalita si Isaac kay Esau na kaniyang anak. At naparoon si Esau sa parang upang manghuli ng usa, at upang madala.

At isinaysay ni Rebeca kay Jacob na kaniyang anak na sinasabi, Narito, narinig ko ang iyong ama na nagsasalita kay Esau na iyong kapatid, na sinasabi,

Dalhan mo ako ng usa, at igawa mo ako ng pagkaing masarap, upang ako'y kumain, at ikaw ay aking basbasan sa harap ng Panginoon, bago ako mamatay,

Ngayon nga, anak ko, sundin mo ang aking tinig, ayon sa iniutos ko sa iyo.

Pumaroon ka ngayon sa kawan, at dalhin mo rito sa akin ang dalawang mabuting anak ng kambing; at gagawin kong masarap na pagkain sa iyong ama, ayon sa kaniyang ibig.

10 At dadalhin mo sa iyong ama, upang kumain, ano pa't ikaw ay kaniyang basbasan bago siya mamatay.

11 At sinabi ni Jacob kay Rebeca na kaniyang ina, Narito, si Esau na aking kapatid ay taong mabalahibo, at ako'y taong makinis.

12 Marahil ay hihipuin ako ng aking ama, at aariin niya akong parang nagdaraya sa kaniya; at ang aking mahihita ay sumpa at hindi basbas.

13 At sinabi sa kaniya ng kaniyang ina, Sa akin mapunta ang sumpa sa iyo, anak ko: sundin mo lamang ang aking tinig, at yumaon ka, na dalhin mo sa akin.

14 At siya'y yumaon at dinala sa kaniyang ina: at gumawa ang kaniyang ina ng masarap na pagkain, na ibig ng kaniyang ama.

15 At kinuha ni Rebeca ang mainam na damit ni Esau, na kaniyang anak na panganay, na nasa kaniya sa bahay, at isinuot kay Jacob na kaniyang bunsong anak:

16 At ang mga balat ng mga anak ng kambing ay ibinalot sa kaniyang mga kamay, at sa kinis ng kaniyang leeg.

17 At kaniyang ibinigay ang pagkaing masarap, at ang tinapay na kaniyang inihanda, sa kamay ni Jacob na kaniyang anak.

18 At siya'y lumapit sa kaniyang ama, at nagsabi, Ama ko; at sinabi niya: Narito ako; sino ka, anak ko?

19 At sinabi ni Jacob sa kaniyang ama, Ako'y si Esau na iyong panganay; ginawa ko ang ayon sa sinabi mo sa akin: bumangon ka, ipinamamanhik ko sa iyo, maupo ka at kumain ka ng aking usa, upang basbasan ako ng iyong kaluluwa.

20 At sinabi ni Isaac sa kaniyang anak, Ano't kay dali mong nakasumpong, anak ko? At sinabi niya, Sapagka't binigyan ako ng mabuting kapalaran ng Panginoon mong Dios.

21 At sinabi ni Isaac kay Jacob, Lumapit ka rito, ipinamamanhik ko sa iyo upang hipuin kita, anak ko, kung tunay na ikaw ang aking anak na si Esau o hindi.

22 At lumapit si Jacob kay Isaac na kaniyang ama: at hinipo siya, at sinabi, Ang tinig ay tinig ni Jacob, nguni't ang mga kamay ay mga kamay ni Esau.

23 At hindi siya nakilala, sapagka't ang kaniyang kamay ay mabalahibo, gaya ng mga kamay ni Esau na kaniyang kapatid: at sa gayo'y binasbasan siya.

24 At sinabi niya, Ikaw bang tunay ang aking anak na si Esau? At sinabi niya, Ako nga.

25 At kaniyang sinabi, Ilapit mo sa akin, at kakain ako ng usa ng aking anak, upang basbasan ka ng aking kaluluwa. At kaniyang inilapit sa kaniya at kumain siya: at siya'y dinalhan niya ng alak, at uminom.

26 At sinabi sa kaniya ni Isaac na kaniyang ama, Lumapit ka ngayon at humalik ka sa akin, anak ko.

27 At siya'y lumapit at humalik siya sa kaniya: at naamoy ng ama ang amoy ng kaniyang mga suot, at siya'y binasbasan, na sinabi, Narito, ang amoy ng aking anak Ay gaya ng amoy ng isang parang na pinagpala ng Panginoon:

28 At bigyan ka ng Dios ng hamog ng langit, At ng taba ng lupa, At ng saganang trigo at alak:

29 Ang mga bayan ay mangaglingkod nawa sa iyo. At ang mga bansa ay mangagsiyukod sa iyo: Maging panginoon ka nawa ng iyong mga kapatid, At magsiyukod sa iyo ang mga anak ng iyong ina: Sumpain nawa ang mga sumusumpa sa iyo. At maging mapapalad ang mga magpapala sa iyo.

30 At nangyari pagkatapos ng pagbabasbas ni Isaac kay Jacob, at bahagya nang kaaalis ni Jacob sa harap ni Isaac na kaniyang ama, ay dumating si Esau na kaniyang kapatid, na galing sa kaniyang panghuhuli.

31 At siya ma'y gumawa ng masarap na pagkain, at dinala niya sa kaniyang ama; at sinabi niya sa kaniyang ama, Bumangon ang ama ko, at kumain ng usa ng kaniyang anak, upang basbasan ako ng iyong kaluluwa.

32 At sinabi ni Isaac na kaniyang ama sa kaniya, Sino ka? At kaniyang sinabi, Ako ang iyong anak, ang iyong panganay na si Esau.

33 At nangilabot na mainam si Isaac, at sinabi, Sino nga yaong kumuha ng usa at dinala sa akin, at ako'y kumain niyaon bago ka dumating, at aking binasbasan siya? oo, at siya'y magiging mapalad!

34 Nang marinig ni Esau ang mga salita ng kaniyang ama ay humiyaw ng malakas at ng di kawasang kapanglawan: at sinabi sa kaniyang ama. Basbasan mo ako, ako naman, Oh ama ko.

35 At kaniyang sinabi, Naparito ang iyong kapatid sa pamamagitan ng daya, at kinuha ang basbas sa iyo.

36 At kaniyang sinabi, Hindi ba matuwid ang pagkatawag sa kaniyang Jacob? sapagka't kaniyang inagawan ako nitong makalawa: kaniyang kinuha ang aking pagkapanganay; at, narito, ngayo'y kinuha ang basbas sa akin. At kaniyang sinabi, Hindi mo ba ako ipinaglaan ng basbas.

37 At sumagot si Isaac, at sinabi kay Esau. Narito, inilagay ko siyang panginoon mo, at sa kaniya'y ibinigay kong lingkod ang lahat niyang mga kapatid; at sa trigo at sa bagong alak, ay kinandili ko siya; at sa iyo'y ano ngang magagawa ko ngayon anak ko?

38 At sinabi ni Esau sa kaniyang ama, Wala ka ba, kundi isa lamang basbas, ama ko? Basbasan mo ako, ako naman, Oh ama ko. At humiyaw si Esau at umiyak.

39 At sumagot si Isaac na kaniyang ama, at sinabi sa kaniya, Narito, magiging sadya sa taba ng lupa ang iyong tahanan, At sa hamog ng langit mula sa itaas;

40 At sa iyong tabak ay mabubuhay ka, at sa iyong kapatid ay maglilingkod ka; At mangyayari na pagka nakalaya ka, Papagpagin mo sa iyong leeg ang pamatok niya.

41 At kinapootan ni Esau si Jacob, dahil sa basbas na ibinasbas sa kaniya ng kaniyang ama; at sinasabi ni Esau sa sarili, Malapit na ang mga araw ng pagluluksa sa aking ama; kung magkagayo'y papatayin ko si Jacob na aking kapatid.

42 At ang mga salita ni Esau na kaniyang panganay ay nangaibalita kay Rebeca; at kaniyang pinasuguan at tinawag si Jacob, na kaniyang bunso at sa kaniya'y sinabi, Narito, ang iyong kapatid na si Esau ay naaaliw tungkol sa iyo, na inaakalang patayin ka.

43 Ngayon nga, anak ko, sundin mo ang aking tinig; at bumangon ka, at tumakas ka hanggang kay Laban na aking kapatid, sa Haran;

44 At dumoon ka sa kaniyang ilang araw hanggang sa mapawi ang galit ng iyong kapatid.

45 Hanggang ang galit sa iyo, ng iyong kapatid ay mapawi at malimutan niya ang ginawa mo sa kaniya: kung magkagayo'y pasusuguan kita at ipasusundo kita mula roon: bakit kapuwa mawawala kayo sa akin sa isang araw?

46 At sinabi ni Rebeca kay Isaac, Ako'y yamot na sa aking buhay, dahil sa mga anak na babae ni Heth: kung si Jacob ay magasawa sa mga anak ni Heth na gaya ng mga ito, ng mga anak ng lupaing ito, ano pang kabuluhan sa akin ng aking buhay?