Gawa 27
Ang Salita ng Diyos
Naglayag si Pablo Papunta sa Roma
27 Nang ipasiya na kami ay maglalayag na patungong Italia, si Pablo at ang ibang mga bilanggo ay ibinigay sa isang kapitan. Ang pangalan ng senturyon ay Julio, mula sa balangay ng Emperador Augusto.
2 Sumakay kami sa isang barko na mula sa Adrameto. Ito ay maglalayag na sa mga dakong nasa Asya. Kasama namin si Aristarco na isang taga-Macedonia mula sa Tesalonica.
3 Nang sumunod na araw, dumaong kami sa Sidon. Si Julio ay nagpakita ng kagandahang-loob kay Pablo. Pinahintulutan niya siyang pumunta sa kaniyang mga kaibigan upang matanggap niya ang kanilang pagmamalasakit. 4 Nang kami ay maglayag muli buhat doon, naglayag kaming nanganganlong sa Chipre sapagkat pasalungat ang hangin. 5 Nang matawid na namin ang dagat na nasa tapat ng Cilicia at Pamfilia, dumating kami sa Mira ng Licia. 6 Doon ay nasumpungan ng kapitan ang isang barko na mula sa Alexandria. Ito ay maglalayag patungong Italia. Inilulan niya kami roon. 7 Maraming araw kaming naglayag na marahan at may kahirapan naming narating ang tapat ng Cinido. Hindi kami tinulutan ng hangin na makasulong pa kaya naglayag kami na nanganganlong sa Creta. Ito ay nasa tapat ng Salmonte. 8 Sa pamamaybay namin dito, may kahirapan kaming nakarating sa isang dakong tinatawag na Mabuting Daungan. Malapit doon ang lungsod ng Lasea.
9 Nang makalipas ang mahabang panahon, ang paglalayag ay nagiging mapanganib na. At dahil ang pag-aayuno ay nakalampas na, pinayuhan sila ni Pablo. 10 Sinabi sa kanila: Mga ginoo, nakikinita kong ang paglalayag na ito ay makakapinsala at magiging malaking kawalan. Hindi lamang sa lulan at sa barko kundi sa atin ding mga buhay. 11 Ngunit higitna pinaniwalaan ng kapitan ang taga-ugit at ang may-aring barko kaysa sa mga sinabi ni Pablo. 12 Sa dahilang hindi mabuting hintuan sa tag-ulan ang daungan, ipinayo ng nakakarami na maglayag na mula roon. Nagbabaka-sakali silang sa anumang paraan ay makarating sila sa Fenix. Doon nila gugugulin ang tag-ulan. At iyon ay daungan ng Cretana nakaharap sa dakong timugang-kanluran at hilagang-kanluran.
Ang Malakas na Bagyo
13 Nang marahang umihip ang hanging timugan, inakala nilang maisasagawa nila ang kanilang hangarin. Itinaas nila ang angkla at namaybay sa baybayin ng Creta.
14 Ngunit hindi nagtagal, humampas doon ang malakas na hangin na tinatawag na Euroclidon. 15 Nang hinampas ng hangin ang barko at hindi makasalungat sa hangin, nagpadala na lang kami sa hangin. 16 Kami ay nagkubli sa isang maliit na pulo na tinatawagna Clauda. At nahirapan kami na isampa ang bangkang-pangkagipitan. 17 Nang maisampa na ito, gumamit sila ng mga pantulong. Tinalian nila ang ibaba ng barko. At sa takot na baka masadsad sa look ng Sirte, ibinaba nila ang mga layag at sa gayon ay nagpaanod sila. 18 Ngunit patuloy kaming hinahampas at ipinapadpad ng lubhang malakas na hangin sa magkabila. Kinabukasan, nagsimula na silang magtapon ng kanilang lulan sa dagat. 19 Nang ikatlong araw, itinapon ng aming mga kamay ang mga kagamitan ng barko. 20 At maraming araw na hindi namin nakita ang araw ni ang mga bituin man. Napakalakas na bagyo ang dumaan sa amin kaya nawalan na kami ng pag-asa na makakaligtas pa.
21 Nang matagal na silang hindi kumain, tumayo nga si Pablo sa kanilang kalagitnaan. Sinabi niya: Mga ginoo, nakinig sana kayo sa akin at hindi tayo naglayag muli sa Creta. Kung nakinig sana kayo, hindi natin nakamtan ang kapinsalaan at ang kawalang ito. 22 Ngayon, ipinapayo ko sa inyo na lakasan ninyo ang inyong loob sapagkat walang buhay na mapapahamak sa inyo kundi ang barko lamang. 23 Ito ay sapagkat ngayong gabi tumayo sa tabi ko ang isang anghel mula sa Diyos na nagmamay-ari sa akin at siyang aking pinaglilingkuran. 24 Sinabi niya: Pablo, huwag kang matakot. Kinakailangang humarap ka kay Cesar. Narito, ipinagkaloob sa iyo ng Diyos ang lahat ng kasama mo sa paglalayag. 25 Kaya nga, mga ginoo lakasan ninyo ang inyong loob sapagkat sumasampalataya ako sa Diyos at mangyayari ang ayon sa sinalita sa akin. 26 Ngunit kailangang tayo ay mapasadsad sa isang pulo.
Nawasak ang Barko
27 Nang sumapit ang ikalabing-apat na gabi, ipinadpad kami ng hangin paroo’t parito sa Adriatico. Nang maghahating gabi na, inakala ng mga magdaragat na nalalapit na sila sa isang lupain.
28 Tinarok nila at nasumpungang may dalawampung dipa ang lalim. Nang makalayo sila ng kaunti, muli nilang tinarok at nasumpungang may labinlimang dipa ang lalim. 29 Sa takot nilang mapasadsad sa batuhan, naghulog sila ng apat na angkla sa hulihan. Hinahangad nila na mag-umaga na sana. 30 Ngunit nagpupumilit ang mga magdaragat na makatakas sa barko. Nagpakunyari sila na ihuhulog nila ang mga angkla sa unahan. 31 Sinabi ni Pablo sa kapitan at sa mga kawal: Maliban na manatili ang mga ito sa barko, kayo ay hindi makakaligtas. 32 Kaya pinutol ng mga kawal ang mga lubid ng bangkang-pangkagipitan at pinabayaan itong mahulog.
33 Nang mag-uumaga na, ipinamanhik ni Pablo sa lahat na kumain. Sinabi niya: Ngayon ay ikalabing-apat na araw na kayo ay naghihintay. Hindi kayo kumakain at walang tinatanggap na anuman. 34 Kaya nga, ipinamamanhik ko sa inyo na kayo ay kumain dahil ito ay makakatulong na makalagpas kayo sa sakunang ito. Ito ay sapagkat isa mang buhok ay hindi malalagas mula sa ulo ng sinuman sa inyo. 35 Nang masabi na niya ang mga bagay na ito, kumuha siya ng tinapay. Nagpasalamat siya sa Diyos sa harapan ng lahat. Pinagputul-putol niya ito at nagsimulang kumain. 36 Nang magkagayon, lumakas ang loob ng lahat. Sila namang lahat ay kumuha din ng pagkain. 37 Kaming lahat na nasa barko ay dalawang daan at pitumpu’t anim na kaluluwa. 38 Nang mabusog na sila, pinagaan nila ang barko. Itinapon nila sa dagat ang trigo.
39 Kinabukasan, hindi nila makilala ang lupain. Ngunit nabanaagan nila ang isang look ng dagat na may baybayin. Sila ay nag-usap kung maaari nilang maisadsad ang barko mula doon. 40 Pinutol nila ang lubid ng angkla at pinabayaan nila sa dagat. Kasabay nito ay kinakalag nila ang mga tali ng mga timon. Pagkataas ng layag sa unahan ay tinungo nila ang pampang paayon sa ihip ng hangin. 41 Ngunit pagdating sa isang dako na pinagsasalubungan ng dalawang dagat, isinadsad nila ang unahan ng barko. Ito ay tumigil at hindi na kumikilos. Ngunit nagpasimulang mawasak ang hulihan dahil sa kalakasan ng mga alon.
42 Ang balak ng mga kawal ay pagpapatayin ang mga bilanggo. Baka mayroong makalangoy palayo at makatakas. 43 Subalit sa kagustuhang ng kapitan na iligtas si Pablo, ay pinigil niya sila sa gusto nilang gawin. Iniutos niya sa kanila: Sinuman ang marunong lumangoy ay tumalon nang una at nang makarating sa lupa. 44 Sa mga naiwan, ang iba ay sa mga tabla at ang iba naman ay sa mga bagay na galing sa barko. Sa ganitong paraan, ang lahat ay nakarating nang ligtas hanggang sa lupa.
使徒行傳 27
Chinese Contemporary Bible (Traditional)
保羅前往羅馬
27 他們決定讓我們坐船去義大利,於是將保羅和其他囚犯都交給一位皇家兵團的百夫長猶流看管。 2 有一艘亞大米田的船準備沿著亞細亞海岸航行。我們上船啟航,同船的還有帖撒羅尼迦的馬其頓人亞里達古。 3 第二天,船停泊在西頓港,猶流寬待保羅,准他探望當地的朋友,接受他們的照應。
4 我們從那裡啟航後,由於遇到逆風,便沿著塞浦路斯的背風岸前行, 5 經過基利迦和旁非利亞附近的海域,來到呂家的每拉。 6 百夫長在那裡找到一艘從亞歷山大駛往義大利的船,吩咐我們換搭那艘船。
7 一連多日船速十分緩慢,好不容易才駛近革尼土。因為強風船無法前行,只好沿著克里特背風岸航行,經過撒摩尼角。 8 船沿著海岸行進,幾經艱難才到達拉西亞城附近的佳澳。
9 我們耽誤了不少日子,禁食的節期[a]已過,航行很危險,保羅勸告眾人說: 10 「各位,照我看來,如果我們繼續航行,不只會損失貨物和船隻,甚至連我們的性命也難保。」 11 但那百夫長只相信船主和舵手的話,不接受保羅的勸告。 12 由於佳澳港不適宜過冬,大部分人贊成啟航,以為或許可以趕到菲尼基過冬。菲尼基是克里特的一個港口,一面向西南,一面向西北。
驚濤駭浪
13 那時,南風徐徐吹來,他們以為可以按計劃繼續航行,於是起錨沿著克里特行進。 14 可是出發不久,便遇到從島上颳來的猛烈的東北風[b], 15 船被颳得失去控制,我們只好任船隨風漂流。 16 船沿著一個叫高達的小島的背風面前進,大家好不容易才控制住救生船。 17 水手把救生船拉上甲板後,又用繩索加固船身。因為怕船會在賽耳底擱淺,於是收起船帆,任船漂流。 18 第二天,風浪依然猛烈,他們開始把貨物拋進海裡。 19 第三天,他們又親手把船上的用具也拋掉了。 20 一連好幾天都看不到太陽、星辰,風浪肆虐,我們完全放棄了得救的指望。
保羅安慰眾人
21 這時大家已經多日沒有進食,保羅站在他們當中說:「各位當初如果肯聽我勸,不離開克里特,就不會遭受這些損失了。 22 現在我勸大家放心,你們無人會喪命,只是這艘船保不住了。 23 因為昨天晚上,我所歸屬、所事奉的上帝差遣天使站在我身旁, 24 對我說,『保羅,不用怕,你一定會站在凱撒面前,上帝也會保全所有和你同船的人。』 25 所以請各位放心,我深信上帝所說的話必然會成就。 26 只是我們一定會在某個島上擱淺。」
27 第十四天的晚上,我們在亞得里亞海漂來漂去。到了午夜時分,水手都覺得離陸地不遠了, 28 就探測水深,結果約三十六米深,再往前一點,只有二十七米左右。 29 他們怕會觸礁,就從船尾拋下四個錨,暫停前進,期待天亮。 30 水手們想要棄船逃生,假裝要從船頭拋錨,卻偷偷地把救生船放到海裡。 31 保羅對百夫長和士兵們說:「除非他們留下來,否則你們都活不了!」 32 士兵聽了,就砍斷繩索,讓救生船漂走。
33 到了黎明時分,保羅勸大家吃東西,說:「你們提心吊膽、不思飲食已經十四天了。 34 我勸你們吃點東西,好活下去,你們必定毫髮無損。」 35 保羅說完後拿起餅,當眾感謝上帝,然後掰開吃。 36 於是大家都振作起來,吃了些東西。 37 船上共有二百七十六人。 38 吃飽了以後,為了要減輕船的重量,他們把麥子拋進海裡。
安全登陸
39 天亮的時候,水手發現了一片不認識的陸地,看見一個有沙灘的海灣,便決定盡可能在那裡靠岸。 40 於是砍斷錨索,把錨丟在海裡,鬆開舵繩,升起前帆,順著風勢駛向那沙灘。 41 可是,遇到兩流交匯的水域,就在那裡擱了淺,船頭卡在那裡不能動彈,船尾被大浪撞裂了。
42 士兵們想把囚犯全殺掉,怕有人乘機游泳逃走。 43 但百夫長為了救保羅,不准他們輕舉妄動,下令會游泳的先跳到海裡游上岸。 44 其餘的人利用木板和船體的碎片游上岸。結果,全船的人都安全上岸了。
Mga Gawa 27
Ang Biblia (1978)
27 At nang ipasiya na kami ay lalayag na patungo sa Italia, ay ibinigay nila si Pablo at ang iba pang mga bilanggo sa isang senturion na nagngangalang Julio, sa pulutong ni Augusto.
2 At sa paglulan namin sa isang daong Adrameto, na palayag sa mga dakong nasa baybayin ng Asia, ay nagsitulak kami, na kasama namin si (A)Aristarco na isang taga Macedonia mula sa (B)Tesalonica.
3 At nang sumunod na araw ay nagsidaong kami sa Sidon: at (C)pinagpakitaan ni Julio ng magandang-loob si Pablo, at pinahintulutan siyang pumaroon sa kaniyang mga kaibigan, at siya'y magpakaginhawa.
4 At nang kami'y magsitulak buhat doon, ay nagsilayag kami na nagsipanganlong sa Chipre, sapagka't pasalunga ang hangin.
5 At nang matawid na namin ang dagat na nasa tapat ng Cilicia at Pamfilia, ay nagsirating kami sa Mira, na isang bayan ng Licia.
6 At nasumpungan doon ng senturion (D)ang isang daong Alejandria na lumalayag na patungo sa Italia; at inilulan niya kami roon.
7 At nang makapaglayag na kaming marahan nang maraming mga araw, at may kahirapan kaming nakarating sa tapat ng Gnido, na hindi kami tinulutan ng hanging makasulong pa, ay nagsilayag kami na nagsipanganlong sa Creta, sa tapat ng Salmon;
8 At sa pamamaybay namin dito na may kahirapan ay nagsidating kami sa isang dako na tinatawag na Mabubuting Daongan; na malapit doon ang bayan ng Lasea.
9 At nang magugol na ang mahabang panahon, at mapanganib na ang paglalayag, sapagka't nakalampas (E)na ang Pagaayuno, ay pinamanhikan sila ni Pablo,
10 At sa kanila'y sinabi, Mga ginoo, nakikita ko na ang paglalayag na ito ay makapipinsala at magiging malaking kapahamakan, hindi lamang sa lulan at sa daong, kundi naman sa ating mga buhay.
11 Datapuwa't may higit pang paniwala ang senturion sa piloto at sa may-ari ng daong, kay sa mga bagay na sinalita ni Pablo.
12 At sapagka't hindi bagay hintuan sa tagginaw ang daongan, ay ipinayo ng karamihan na tumulak mula roon, at baka sakaling sa anomang paraan ay makarating sila sa Fenix, at doon huminto sa tagginaw; na yao'y daungan ng Creta, na nasa dakong hilagang-silanganan at timugang-silanganan.
13 At nang marahang humihihip ang hanging timugan na inaakalang maisasagawa nila ang kanilang nasa, itinaas nila ang sinepete at namaybay sa baybayin ng Creta.
14 Datapuwa't hindi nalaon at humampas na galing doon ang maunos na hangin, na tinatawag na Euraclidon:
15 At nang ipadpad ang daong, at hindi makasalungat sa hangin, ay nangagpabaya na kami, at kami'y ipinadpad.
16 At sa pagtakbo ng daong na nanganganlong sa isang maliit na pulo na tinatawag na Clauda, ay may kahirapan naming maitaas ang bangka:
17 At nang maitaas na ito, ay nagsigamit sila ng mga lubid, na tinalian ang ibaba ng daong; at, sa takot na baka mapapadpad sa Sirte, ay ibinaba nila ang mga layag, at sa gayo'y napaanod sila.
18 At sapagka't lubhang nakikipaglaban kami sa bagyo, nang sumunod na araw ay (F)nangagsimula silang magtapon ng lulan sa dagat;
19 At nang ikatlong araw ay kanilang ipinagtatapon ng kanilang sariling mga kamay ang mga kasangkapan ng daong.
20 At nang hindi sumisikat sa amin ang araw ni ang mga bituin man nang maraming mga araw, at sumasa ibabaw namin ang isang hindi munting bagyo, ay nawala ang buong pagasa na kami'y makaliligtas.
21 At nang maluwat nang hindi sila nagsisikain, ay tumayo nga si Pablo sa gitna nila, at sinabi, Mga ginoo, nangakinig sana kayo sa akin, at hindi umalis sa Creta, at nailagan ang kapinsalaang ito at kapahamakan.
22 At ngayon ay ipinamamanhik ko sa inyo na inyong laksan ang inyong loob; sapagka't walang buhay na mapapahamak sa inyo, kundi ang daong lamang.
23 Sapagka't (G)nang gabing ito ay tumayo sa tabi ko ang anghel ng Dios na may-ari sa akin, (H)at siya ko namang pinaglilingkuran,
24 Na nagsabi, Huwag kang matakot, Pablo; kailangang ikaw ay humarap kay Cesar: at narito, ipinagkaloob sa iyo ng Dios ang lahat ng kasama mo sa paglalayag.
25 Kaya nga, mga ginoo, laksan ninyo ang inyong loob: (I)sapagka't ako'y sumasampalataya sa Dios, na mangyayari ayon sa sinalita sa akin.
26 Datapuwa't tayo'y (J)kailangang mapapadpad sa isang pulo.
27 Datapuwa't nang dumating ang ikalabingapat na gabi, samantalang kami'y ipinapadpad ng hangin sa magkabikabila ng Dagat ng Adriatico, nang maghahating gabi na ay sinasapantaha ng mga mangdaragat na sila'y nangalalapit na sa isang lupain.
28 At kanilang tinarok, at nasumpungang may dalawangpung dipa; at pagkasulongsulong ng kaunti, ay tinarok nilang muli at nasumpungang may labinglimang dipa.
29 At sa takot naming mapapadpad sa batuhan, ay nangaghulog sila ng apat na sinepete sa hulihan, at iniibig magumaga na.
30 At sa pagpipilit ng mga mangdaragat na mangagtanan sa daong, at nang maibaba na (K)ang bangka sa dagat, na ang dinadahilan ay mangaghuhulog sila ng mga sinepete sa unahan,
31 Ay sinabi ni Pablo sa senturion at sa mga kawal, Maliban na magsipanatili ang mga ito sa daong, kayo'y hindi mangakaliligtas.
32 Nang magkagayo'y pinutol ng mga kawal ang mga lubid ng bangka, at pinabayaang mahulog.
33 At samantalang naguumaga, ay ipinamanhik ni Pablo sa lahat na magsikain, na sinasabi, Ang araw na ito ang ikalabingapat na araw na kayo'y nangaghihintay at nangagpapatuloy sa hindi pagkain, na walang kinakaing anoman.
34 Kaya nga ipinamamanhik ko sa inyo na kayo'y magsikain: sapagka't ito'y sa ikaliligtas ninyo: sapagka't hindi mawawala (L)kahit isang buhok sa ulo ng sinoman sa inyo.
35 At nang masabi na niya ito, at makadampot ng tinapay, ay (M)nagpasalamat siya sa Dios sa harapan ng lahat; at kaniyang pinagputolputol, at pinasimulang kumain.
36 Nang magkagayo'y nagsilakas ang loob ng lahat, at sila nama'y pawang nagsikain din.
37 At kaming lahat na nangasa daong ay dalawang daan at pitongpu't anim na kaluluwa.
38 At nang mangabusog na sila, ay pinagaan nila ang daong, na ipinagtatapon sa dagat ang trigo.
39 At nang magumaga na, ay hindi nila makilala ang lupain; datapuwa't nababanaagan nila ang isang look ng dagat na may baybayin, at sila'y nangagsangusapan kung kanilang maisasadsad ang daong doon.
40 At inihulog ang mga sinepete, at kanilang pinabayaan sa dagat, samantalang kinakalag ang mga tali ng mga ugit; at nang maitaas na nila sa hangin ang layag sa unahan, ay nagsipatungo sila sa baybayin.
41 Datapuwa't pagdating sa isang dako na pinagsasalubungan ng dalawang dagat, (N)ay kanilang isinadsad ang daong; at ang unahan ng daong ay napabunggo at tumigil na hindi kumikilos, datapuwa't nagpasimulang magkawasakwasak ang hulihan sa kalakasan ng mga alon.
42 At ang payo ng mga kawal ay pagpapatayin ang mga bilanggo, upang ang sinoma'y huwag makalangoy at makatanan.
43 Datapuwa't ang senturion, sa pagkaibig na iligtas si Pablo, ay pinigil sila sa kanilang balak; at ipinagutos na ang mga makalangoy ay magsitalon, at mangaunang magsidating sa lupa;
44 At sa mga naiwan, ang iba'y sa mga kahoy, at ang iba nama'y sa mga bagay na galing sa daong. At sa ganito nangyari, (O)na ang lahat ay nangakatakas na ligtas hanggang sa lupa.
Mga Gawa 27
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Ang Paglalakbay ni Pablo Patungong Roma
27 Nang ipasyang maglalayag kami patungong Italia, inilipat sa senturyong ang pangalan ay Julio, ang pamamahala kay Pablo at sa iba pang mga bilanggo, mula sa mga kawal ng Emperador. 2 Pagkasakay sa isang barkong Adrameto na maglalayag patungo sa mga daungan sa baybayin ng Asia, naglayag kami kasama si Aristarco na isang taga-Macedonia mula sa Tesalonica. 3 Kinabukasan ay dumaong kami sa Sidon. Naging mabuti si Julio kay Pablo at pinahintulutan itong makadalaw sa kanyang mga kaibigan upang siya'y matulungan sa kanyang mga pangangailangan. 4 Magmula roo'y naglayag kaming muli, at dahil pasalungat sa amin ang hangin, namaybay kami sa ligtas na bahagi ng Cyprus. 5 Paglampas namin sa tapat ng Cilicia at Pamfilia, nakarating kami sa Mira ng Licia. 6 Nakatagpo roon ang senturyon ng isang barkong Alejandria na naglalayag patungo sa Italia at pinasakay niya kami roon. 7 Mabagal at naging mahirap ang aming paglalayag. Tumagal nang maraming araw bago kami nakarating sa tapat ng Cinido. Nang hindi na kami makapagpatuloy dahil sa hangin, namaybay kami sa ligtas na bahagi ng Creta, sa tapat ng Salmone. 8 Matiyaga kaming namaybay hanggang marating namin ang isang lugar na tinatawag na Mabubuting Daungan, malapit sa lungsod ng Lasea. 9 Dahil mahabang panahon na kaming naglalakbay at mapanganib na ang magpatuloy, sapagkat maging ang pag-aayuno ay nakalampas na, pinayuhan sila ni Pablo. 10 “Mga ginoo,” sabi niya, “sa tingin ko'y mapanganib na ang paglalayag na ito. Maaari na ring mapinsala at manganib, hindi lamang ang kargamento at ang barko, kundi pati na rin ang ating mga buhay.” 11 Ngunit pinaniwalaan ng senturyon ang kapitan at ang may-ari ng barko sa halip na ang mga payo ni Pablo. 12 Sapagkat hindi mabuting hintuan sa taglamig ang daungan, minabuti ng marami na magpatuloy sa paglalakbay, sa pagbabaka-sakaling makarating sila sa Fenix at magpalipas ng taglamig doon. Ito ay daungan ng Creta na nasa dakong hilagang-silangan at timog-silangan.
Bumagyo sa Dagat
13 Nang banayad na umihip ang hanging habagat, inakala nilang maaari na silang maglayag; kaya itinaas nila ang angkla at namaybay sa baybayin ng Creta. 14 Subalit hindi nagtagal at humagunot ang isang bagyo na tinatawag na Euraclidon. 15 Hinampas nito ang barko, at dahil hindi na kami makasalungat, nagpatangay na lamang kami sa hangin. 16 Namaybay kami sa ligtas na bahagi ng isang maliit na pulo na tinatawag na Cauda, at doo'y naisampa namin ang bangkang nakasabit sa barko, bagama't nahirapan kaming gawin iyon. 17 Nang maisampa na ito, gumawa sila ng paraan upang matalian ng lubid ang barko. Dahil sa takot na baka sila sumadsad sa dakong buhanginan ng Sirte, ibinaba nila ang mga layag at sa gayo'y nagpaanod na lamang. 18 Nagpatuloy ang malakas na bagyo sa paghampas sa amin, kaya't kinabukasa'y nagsimula silang magtapon ng mga kargamento sa dagat. 19 At nang sumunod na araw pa ay itinapon na rin nila ang mga kagamitan ng barko. 20 Matagal na di namin nakita ang araw at ang mga bituin, at patuloy pa rin ang malakas na bagyo sa paghampas sa amin, kaya't nawala na ang lahat ng aming pag-asang makaligtas.
21 Nang matagal na silang hindi kumakain, tumayo si Pablo sa gitna nila at nagsalita, “Mga ginoo, kung nakinig sana kayo sa akin at hindi tayo umalis sa Creta, naiwasan sana natin ang pinsala at kapahamakang ito. 22 Ngayon ito ang payo ko: lakasan ninyo ang inyong loob sapagkat walang mapapahamak isa man sa inyo kundi ang barko. 23 Sapagkat nagpakita sa akin kagabi ang isang anghel ng Diyos, ang Diyos na may-ari sa akin at aking pinaglilingkuran. 24 Sinabi ng anghel sa akin, ‘Huwag kang matakot, Pablo. Kailangan mong humarap sa Emperador. Ipinagkaloob ng Diyos sa iyo na iligtas niya ang mga kasama mong naglalakbay.’ 25 Kaya tibayan ninyo ang inyong loob, mga ginoo, sapagkat sumasampalataya ako sa Diyos na mangyayari ang lahat ng sinabi niya sa akin. 26 Subalit kailangang tayo'y mapadpad sa isang pulo.”
27 Pagkalipas ng dalawang linggo sa dagat, patuloy pa rin kaming tinatangay ng hangin sa Dagat Adriatico. Nang maghahating-gabi na ay inakala ng mga mandaragat na sila'y papalapit na sa pampang. 28 Sinukat nila ang tubig at nalamang dalawampung dipa ang lalim; at pagsulong pa nang kaunti ay muli nilang sinukat at nalamang labinlimang dipa na lamang. 29 Sa takot naming mapadpad sa batuhan, naghulog sila ng apat na angkla sa hulihan at nanalanging mag-umaga na sana. 30 Tinangka ng mga mandaragat na tumakas sa barko kaya't ibinaba ang bangka sa dagat, at kunwari'y maghuhulog sila ng mga angkla sa unahan. 31 Ngunit sinabi ni Pablo sa senturyon at sa mga kawal, “Kapag hindi nanatili ang mga taong ito sa barko, hindi kayo maliligtas.” 32 Kaya't pinutol ng mga kawal ang mga lubid ng bangka at pinabayaan itong mahulog.
33 Nang mag-uumaga na, hinimok silang lahat ni Pablo na kumain. Sinabi niya, “Labing-apat na araw na kayong naghihintay at walang kinakaing anuman. 34 Ipinapakiusap kong kumain na kayo! Kailangan ninyo ito para sa inyong kaligtasan. Kahit isang hibla ng buhok sa ulo ninyo ay hindi malalagas.” 35 Nang masabi na niya ito, kumuha siya ng tinapay, nagpasalamat siya sa Diyos sa harapan ng lahat, pinagpira-piraso ang tinapay at nagsimulang kumain. 36 Lumakas ang loob ng lahat, at sila'y kumain din. 37 Dalawandaan at pitumpu't anim na tao kaming lahat na nasa barko. 38 Nang mabusog na sila, itinapon nila sa dagat ang kargang trigo upang gumaan ang barko.
Pagkawasak ng Barko
39 Nang mag-umaga na, nakatanaw sila ng lupa, bagama't hindi nila alam kung anong lugar iyon. Ngunit nabanaagan nila ang isang look na may dalampasigan at binalak nilang maisadsad doon ang barko. 40 Kaya't kinalag nila ang tali ng mga angkla at inihulog ang mga iyon sa dagat. Kinalag din nila ang mga tali ng malalaking sagwan. Itinaas nila ang layag sa unahan at hinayaang itulak ng hangin ang barko patungo sa dalampasigan. 41 Ngunit sumadsad ang barko sa dakong mababaw, sa dakong pinagsasalubungan ng dalawang dagat. Bumaon ang unahan ng barko kaya't hindi makaalis. Ang hulihan naman nito'y winasak ng malalakas na hampas ng alon. 42 Binalak ng mga kawal na pagpapatayin ang mga bilanggo upang walang sinumang makalangoy at makatakas. 43 Subalit nais ng senturyon na iligtas si Pablo kaya pinigil niya ang balak ng mga kawal. Pinatalon niya sa tubig ang mga marunong lumangoy upang mauna na sa pampang. 44 Ang mga naiwan nama'y inutusan niyang sumunod na nakahawak sa mga tabla o sa mga bahagi ng barko. Sa gayon, lahat kami ay ligtas na nakarating sa lupa.
Copyright © 1998 by Bibles International
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
