Add parallel Print Page Options

27 Pagkalipas ng dalawang linggo sa dagat, patuloy pa rin kaming tinatangay ng hangin sa Dagat Adriatico. Nang maghahating-gabi na ay inakala ng mga mandaragat na sila'y papalapit na sa pampang. 28 Sinukat nila ang tubig at nalamang dalawampung dipa ang lalim; at pagsulong pa nang kaunti ay muli nilang sinukat at nalamang labinlimang dipa na lamang. 29 Sa takot naming mapadpad sa batuhan, naghulog sila ng apat na angkla sa hulihan at nanalanging mag-umaga na sana. 30 Tinangka ng mga mandaragat na tumakas sa barko kaya't ibinaba ang bangka sa dagat, at kunwari'y maghuhulog sila ng mga angkla sa unahan. 31 Ngunit sinabi ni Pablo sa senturyon at sa mga kawal, “Kapag hindi nanatili ang mga taong ito sa barko, hindi kayo maliligtas.” 32 Kaya't pinutol ng mga kawal ang mga lubid ng bangka at pinabayaan itong mahulog.

33 Nang mag-uumaga na, hinimok silang lahat ni Pablo na kumain. Sinabi niya, “Labing-apat na araw na kayong naghihintay at walang kinakaing anuman. 34 Ipinapakiusap kong kumain na kayo! Kailangan ninyo ito para sa inyong kaligtasan. Kahit isang hibla ng buhok sa ulo ninyo ay hindi malalagas.” 35 Nang masabi na niya ito, kumuha siya ng tinapay, nagpasalamat siya sa Diyos sa harapan ng lahat, pinagpira-piraso ang tinapay at nagsimulang kumain. 36 Lumakas ang loob ng lahat, at sila'y kumain din. 37 Dalawandaan at pitumpu't anim na tao kaming lahat na nasa barko. 38 Nang mabusog na sila, itinapon nila sa dagat ang kargang trigo upang gumaan ang barko.

Read full chapter