Mga Gawa 22-23
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
22 “Mga magulang at mga kapatid, pakinggan ninyo ang pagtatanggol na gagawin ko ngayon sa inyong harapan.” 2 Nang marinig nilang siya'y nagsasalita sa wikang Hebreo, lalo pa silang tumahimik. Nagpatuloy si Pablo, 3 “Ako'y (A) isang Judio na ipinanganak sa Tarso ng Cilicia, ngunit pinalaki rito sa Jerusalem. Sa ilalim ng pagtuturo ni Gamaliel ay mahigpit akong sinanay ayon sa Kautusan ng ating mga ninuno. Masigasig ako sa paglilingkod sa Diyos, tulad ninyong lahat ngayon. 4 Pinag-usig ko (B) ang mga tagasunod ng Daang ito hanggang sila'y mapatay. Ipinagapos ko sila at ipinabilanggo, maging lalaki at babae. 5 Ang Kataas-taasang Pari at ang buong kapulungan ng mga matatandang pinuno ng bayan ang makapagpapatotoo tungkol dito. Binigyan pa nga nila ako ng mga sulat para sa mga kasamahan nila sa Damasco at nagpunta ako roon upang dakpin ang mga tagasunod ng Daang ito at ibalik sila sa Jerusalem upang parusahan.
Ang Salaysay ni Pablo ng Kanyang Pagbabagong-loob(C)
6 “Habang ako'y naglalakbay at papalapit na sa Damasco, nang magtatanghaling-tapat ay biglang kumislap sa aking paligid ang isang matinding liwanag mula sa langit. 7 Bumagsak ako sa lupa, at narinig ko ang isang tinig na nagsasabi sa akin, ‘Saulo, Saulo, bakit mo ako inuusig?’ 8 Sumagot ako, ‘Sino po kayo, panginoon?’ At sinabi niya sa akin, ‘Ako'y si Jesus na taga-Nazareth na iyong inuusig.’ 9 Nakita ng mga kasamahan ko noon ang liwanag, ngunit hindi nila narinig ang tinig ng nagsalita sa akin. 10 Sinabi ko, ‘Ano po'ng gagawin ko, Panginoon?’ Tumugon siya sa akin, ‘Tumayo ka at pumunta sa Damasco, at sasabihin sa iyo doon ang lahat ng dapat mong gawin.’ 11 Hindi ako makakita dahil sa kaningningan ng liwanag na iyon, kaya't inakay na lamang ako ng aking mga kasamahan patungong Damasco.
12 “Doon ay may lalaking ang pangalan ay Ananias. Masipag siya sa kabanalan, sumusunod sa kautusan, at iginagalang ng mga Judio na naninirahan doon. 13 Pinuntahan niya ako, tumayo sa aking tabi at sinabi sa akin, ‘Kapatid na Saulo, tanggapin mong muli ang iyong paningin!’ Noon di'y bumalik ang aking paningin at nakita ko siya. 14 Pagkatapos ay sinabi ni Ananias sa akin, ‘Hinirang ka ng Diyos ng ating mga ninuno upang mabatid mo ang kanyang kalooban, makita ang kanyang Matuwid na Lingkod, at marinig ang kanyang tinig. 15 Sapagkat magiging saksi ka niya sa lahat ng mga tao tungkol sa mga bagay na iyong nakita at narinig. 16 At ngayon, ano pa'ng hinihintay mo? Tumindig ka, tumawag ka sa kanyang pangalan at magpabautismo, magpahugas ng iyong mga kasalanan.’
Isinugo si Pablo sa mga Hentil
17 “Pagbalik ko sa Jerusalem, habang ako'y nananalangin sa templo ay nagkaroon ako ng pangitain. 18 Nakita ko ang Panginoon na nagsasabi sa akin, ‘Magmadali ka at umalis agad sa Jerusalem, sapagkat hindi nila tatanggapin ang iyong patotoo tungkol sa akin.’ 19 At aking sinabi, ‘Panginoon, sila mismo ang nakaaalam na sa bawat sinagoga ay ibinilanggo ko at hinampas ang mga sumampalataya sa iyo. 20 Nang (D) patayin si Esteban na iyong saksi, ako mismo ay nakatayo sa malapit at sumang-ayon pa sa ginawa nila. Ako pa nga ang nagbantay sa mga damit ng mga pumatay sa kanya.’ 21 Ngunit sinabi ng Panginoon sa akin, ‘Humayo ka, sapagkat susuguin kita sa malayo, sa mga Hentil.’ ”
Si Pablo at ang Opisyal na Romano
22 Pinakinggan siya ng mga tao hanggang sa sandaling ito. Ngunit pagkatapos ay sumigaw sila, “Alisin sa mundo ang ganyang uri ng tao! Hindi siya dapat mabuhay!” 23 Habang nagpapatuloy sila sa pagsisigawan, sa paghahagis ng kanilang mga damit, at pagsasabog ng alikabok sa hangin, 24 ipinag-utos ng kapitan na ipasok si Pablo sa himpilan at ipahagupit habang sinisiyasat upang malaman niya kung bakit ganoon na lamang ang sigawan ng mga tao laban sa kanya. 25 Ngunit nang siya'y kanilang magapos na ng mga panaling-balat, sinabi ni Pablo sa senturyong nakatayo sa malapit, “Ayon ba sa batas na hagupitin ninyo ang isang mamamayang Romano, kahit wala pang hatol ang hukuman?” 26 Nang marinig iyon ng senturyon, pumunta siya sa kapitan at sinabi, “Paano ito? Ang taong ito ay mamamayang Romano!” 27 Lumapit ang kapitan at tinanong si Pablo, “Sabihin mo sa akin, ikaw ba'y mamamayang Romano?” At sinabi niya, “Opo.” 28 Sumagot ang kapitan, “Malaki ang nagastos ko upang maging mamamayang Romano.” Sumagot si Pablo, “Ngunit ako'y isinilang na mamamayang Romano.” 29 Kaya't agad na lumayo sa kanya ang mga magsisiyasat sa kanya. Natakot din ang kapitan sapagkat ipinagapos niya si Pablo, gayong ito pala ay isang Romano.
Si Pablo sa Harap ng Sanhedrin
30 Kinabukasan, dahil nais matiyak ng pinuno ang tunay na dahilan kung bakit isinakdal ng mga Judio si Pablo, iniutos niya sa mga punong pari at sa buong Sanhedrin na magpulong ang mga ito. Pinawalan naman niya si Pablo, pinababa at iniharap sa kanila.
23 Nakatitig si Pablo sa Sanhedrin habang sinasabi, “Mga kapatid, nabuhay ako nang may malinis na budhi sa harapan ng Diyos hanggang sa araw na ito.” 2 At ipinag-utos ng Kataas-taasang Paring si Ananias sa mga nakatayong malapit kay Pablo na siya'y hampasin sa bibig. 3 Nang (E) magkagayo'y sinabi sa kanya ni Pablo, “Sasaktan ka ng Diyos, ikaw na pinaputing pader! Nakaupo ka ba riyan upang hatulan ako ayon sa Kautusan, ngunit labag naman sa Kautusan ang utos mo na hampasin ako?” 4 Sinabi ng mga malapit sa kanya, “Nilalait mo ba ang Kataas-taasang Pari ng Diyos?” 5 At (F) sinabi ni Pablo, “Mga kapatid, hindi ko alam na siya pala ang Kataas-taasang Pari. Sapagkat nasusulat, ‘Huwag mong pagsasalitaan ng masama ang isang pinuno ng iyong bayan.’ ”
6 Nang (G) mapansin ni Pablo na ang ilan ay mga Saduceo at ang iba'y mga Fariseo, sinabi niya nang malakas sa Sanhedrin, “Mga kapatid, ako'y isang Fariseo, anak ng mga Fariseo. Nililitis ako ngayon dahil sa pag-asang bubuhaying muli ang mga patay.” 7 Nang sabihin niya ito, nagtalu-talo ang mga Fariseo at mga Saduceo. Nahati ang kapulungan, 8 sapagkat (H) hindi naniniwala ang mga Saduceo sa muling pagkabuhay, gayundin sa anghel o sa espiritu. Ngunit pinaniniwalaan naman ng mga Fariseo ang lahat ng ito. 9 Lumakas ang kanilang sigawan. Tumindig ang ilan sa mga eskriba na kakampi ng mga Fariseo, at mainit na tumutol, “Wala kaming makitang anumang kasalanan sa taong ito. Ano nga kung siya'y kinausap man ng isang espiritu, o ng isang anghel?” 10 Nang nagiging mainit na ang pagtatalo, natakot ang kapitan na baka magkaluray-luray si Pablo, kaya pinababa niya ang mga kawal, sapilitang ipinakuha si Pablo at ipinabalik sa himpilan. 11 Nang gabing iyon, tumayo ang Panginoon sa tabi ni Pablo at sinabi sa kanya, “Lakasan mo ang iyong loob! Sapagkat kung paano kang nagpatotoo tungkol sa akin sa Jerusalem ay kailangang magpatotoo ka rin sa Roma.”
Ang Tangka sa Buhay ni Pablo
12 Kinaumagahan, nagsabwatan ang mga Judio at nanumpang hindi sila kakain o iinom hangga't hindi nila napapatay si Pablo. 13 Mahigit sa apatnapu ang sumama sa sabwatang ito. 14 Pumunta sila sa mga punong pari at sa matatandang pinuno, at nagsabi, “Buong taimtim kaming nanumpa na hindi titikim ng anumang pagkain hanggang sa mapatay namin si Pablo. 15 Kaya't hilingin ninyo at ng Sanhedrin sa kapitan na muli niyang ibaba rito si Pablo. Magkunwari kayong nais ninyong siyasating mabuti ang paratang tungkol sa kanya. At bago pa siya makarating ay nakahanda na kaming patayin siya.” 16 Ngunit narinig ng pamangking lalaki ni Pablo sa kanyang kapatid na babae ang kanilang balak kaya siya'y pumunta sa himpilan at ibinalita ito kay Pablo. 17 Tinawag ni Pablo ang isa sa mga senturyon, at sinabi niya, “Dalhin mo ang binatilyong ito sa kapitan sapagkat mayroon itong sasabihin sa kanya.” 18 Kaya't sinamahan nga ng senturyon ang binatilyo sa kapitan, at sinabi niyon, “Tinawag po ako ng bilanggong si Pablo, at ipinakiusap na dalhin ko sa iyo ang binatilyong ito sapagkat may sasabihin daw ito sa iyo.” 19 Hinawakan ng kapitan ang binatilyo sa kamay, at sa isang tabi ay palihim siyang tinanong, “Ano'ng sasabihin mo sa akin?” 20 Sumagot ang binatilyo, “Nagkasundo po ang mga Judio na ipakiusap sa inyo na dalhin bukas si Pablo sa Sanhedrin, at kunwari'y sisiyasatin siyang mabuti. 21 Subalit huwag kayong maniniwala sa kanila. Aabangan siya ng mahigit apatnapung tao na sumumpang hindi kakain o iinom hanggang siya'y hindi napapatay. Handa na sila ngayon at pasya na lamang ninyo ang hinihintay.” 22 Pinaalis ng kapitan ang binatilyo, at ipinagbilin sa kanya, “Huwag mong sasabihin kaninuman na ipinaalam mo ito sa akin.”
Si Pablo sa Harap ni Gobernador Felix
23 Pagkatapos ay tinawag ng kapitan ang dalawa sa mga senturyon, at sinabi niyon, “Maghanda kayo ng dalawandaang kawal kasama ng pitumpung mangangabayo at dalawandaang may sibat upang magtungo sa Cesarea ngayong ikasiyam[a] ng gabi. 24 Maghanda rin kayo ng mga hayop na masasakyan ni Pablo, at siya'y ligtas ninyong ihatid kay Gobernador Felix.” 25 At lumiham siya ng ganito:
26 “Sa kagalang-galang na Gobernador Felix, pagbati mula kay Claudio Lisias. 27 Ang taong ito'y hinuli ng mga Judio, at papatayin na sana nila. Ngunit nang malaman kong siya'y isang mamamayang Romano, dumating akong may kasamang mga kawal at siya'y iniligtas ko. 28 Sa hangad kong malaman ang dahilan kung bakit siya'y kanilang isinakdal, pinaharap ko siya sa kanilang Sanhedrin. 29 Nalaman kong ang sakdal sa kanya'y may kinalaman sa kanilang kautusan, ngunit walang paratang laban sa kanya na sapat upang siya'y ipapatay at ipabilanggo. 30 Nang ipaalam sa akin na may banta sa buhay ng taong iyan, ipinadala ko siya agad sa iyo, at ipinag-utos ko rin sa mga nagsasakdal sa kanya na sabihin sa harapan mo ang mga paratang laban sa kanya.”
31 Sinunod ng mga kawal ang iniutos sa kanila. Kinagabiha'y dinala siya sa Antipatris. 32 Kinabukasan, pinasamahan nila si Pablo sa mga mangangabayo, samantalang sila'y nagbalik sa kampo. 33 Nang makarating sila sa Cesarea ay iniharap nila si Pablo sa gobernador, at ibinigay ang dala nilang liham. 34 Matapos basahin ang liham, tinanong ng gobernador si Pablo kung tagasaan siya. Nang malamang siya'y taga-Cilicia 35 ay kanyang sinabi, “Diringgin ko ang kaso mo pagdating ng mga nagsakdal sa iyo.” At ipinag-utos niyang bantayan si Pablo sa himpilan ni Herodes.
Footnotes
- Mga Gawa 23:23 o ikatlong oras sa kanilang pagbilang. Sa Griyego, ikatlong oras.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.