Add parallel Print Page Options

Si Pablo sa Efeso

19 Samantalang nasa Corinto si Apolos, dumaan si Pablo sa mga dakong loob ng lupain hanggang makarating sa Efeso. Natagpuan niya roon ang ilang alagad. Nagtanong siya sa kanila, “Tinanggap ba ninyo ang Banal na Espiritu nang kayo'y sumampalataya?” Sumagot sila, “Hindi. Ni hindi pa namin narinig na may Banal na Espiritu.” “Kung gayo'y sa ano kayo nabautismuhan?” tanong niya.

“Sa bautismo ni Juan,” sagot nila. Sinabi (A) ni Pablo, “Nagbautismo si Juan ng bautismo ng pagsisisi. Sinabi niya sa mga tao na sila'y manampalataya sa darating na kasunod niya, samakatuwid ay si Jesus.” Nang marinig nila ito, sila'y binautismuhan sa pangalan ng Panginoong Jesus. Nang maipatong na ni Pablo sa kanila ang kanyang mga kamay, bumaba sa kanila ang Banal na Espiritu at sila'y nagsalita ng mga ibang wika at nagpahayag ng propesiya. Sila'y humigit-kumulang sa labindalawang lalaki.

Pumasok si Pablo sa sinagoga, at sa loob ng tatlong buwan ay buong tapang na nakipagpaliwanagan at nanghikayat tungkol sa paghahari ng Diyos. Ngunit nagmatigas ang ilan. Ayaw nilang maniwala at nagsalita pa ng masama tungkol sa Daan ng Panginoon sa harap ng kapulungan. Kaya't umalis doon si Pablo at isinama ang mga alagad. Araw-araw siyang nakipagpaliwanagan sa bulwagan ni Tiranno.[a] 10 Nagpatuloy ito sa loob ng dalawang taon. Dahil dito, ang lahat ng mga Judio at Griyegong naninirahan sa Asia ay nakarinig ng salita ng Panginoon.

Ang mga Anak ni Eskeva

11 Gumawa ang Diyos ng mga di-pangkaraniwang kababalaghan sa pamamagitan ni Pablo. 12 Pati mga panyo o mga tapis na napadikit sa kanyang katawan na dinadala sa mga maysakit ay nagiging dahilan upang sila'y gumaling at lumalabas sa kanila ang masasamang espiritu. 13 Doon ay may ilang Judio na pagala-gala na nagpapalayas ng masasamang espiritu sa pamamagitan ng salamangka. Nangahas silang bigkasin ang pangalan ng Panginoong Jesus sa mga sinasapian ng masasamang espiritu. Sinabi nila, “Sa pangalan ni Jesus na ipinapangaral ni Pablo, inuutusan ko kayong lumabas.” 14 Pitong anak na lalaki ni Eskeva, isang punong paring Judio, ang gumagawa nito. 15 Ngunit sinagot sila ng masamang espiritu, “Kilala ko si Jesus, at kilala ko si Pablo; ngunit sino kayo?” 16 At sinunggaban sila ng taong sinasapian ng masamang espiritu. Lahat sila ay dinaig niya, anupa't hubad at sugatan silang tumakas sa bahay na iyon. 17 Nabalitaan ito ng lahat ng mga Judio at ng mga Griyegong naninirahan sa Efeso. Pinagharian silang lahat ng takot, at higit na pinapurihan ang pangalan ng Panginoong Jesus. 18 Marami sa mga sumampalataya ang dumating at hayagang nagtapat ng kanilang mga gawain. 19 Marami sa mga gumagamit ng mga salamangka ang nagtipon at nagsunog ng kanilang mga aklat sa harapan ng madla. Nang kanilang bilangin ang halaga niyon, umabot ito ng may limampung libong salaping pilak. 20 Sa gayong paraan lumaganap at lubos na nanaig ang salita ng Panginoon.

Read full chapter

Footnotes

  1. Mga Gawa 19:9 Sa ibang manuskrito ng isang Tiranno, mula sa ikalabing-isa ng umaga hanggang ikaapat ng hapon.