Add parallel Print Page Options

26 “Mga kapatid, mga anak ni Abraham, at sa inyong may takot sa Diyos, sa atin ipinadala ang salitang ito ng kaligtasan. 27 Sapagkat hindi nakilala ng mga mamamayan ng Jerusalem at ng kanilang mga pinuno si Jesus. Hindi rin nila nauunawaan na sa kanilang paghatol sa kanya'y tinupad nila ang mga pahayag ng mga propeta na kanilang binabasa tuwing Sabbath. 28 Bagama't (A) wala silang natagpuang sapat na dahilan upang siya'y ipapatay, hiningi pa rin nila kay Pilato na siya'y patayin. 29 Nang (B) matupad na nila ang lahat ng nasusulat tungkol sa kanya, siya'y kanilang ibinaba mula sa punongkahoy at inilibing. 30 Subalit siya'y ibinangon ng Diyos mula sa kamatayan. 31 At (C) sa loob ng maraming mga araw ay nagpakita siya sa mga sumama sa kanya mula sa Galilea hanggang sa Jerusalem. Sila ngayon ang kanyang mga saksi sa taong-bayan. 32 Kami ang nangangaral sa inyo ng Magandang Balita, na ang ipinangako ng Diyos sa ating mga ninuno, 33 ay (D) tinupad din niya sa atin na kanilang mga anak, nang kanyang muling buhayin si Jesus! Gaya ng nasusulat sa ikalawang awit,

    ‘Ikaw ay aking Anak,
    sa araw na ito'y naging Ama mo ako.’

34 (E) Tungkol sa kanyang muling pagkabuhay at di pagkaagnas, ay ganito ang sinabi ng Diyos,

‘Ipagkakaloob ko sa inyo ang mga banal at maaasahang pangako kay David.’

35 Sinabi din niya sa iba pang bahagi, (F)

‘Hindi mo hahayaang dumanas ng pagkaagnas ang iyong Hinirang.’

36 Matapos maglingkod ni David ayon sa kalooban ng Diyos noong kanyang panahon, siya'y nahimlay at inilibing kasama ng kanyang mga ninuno. Dumanas siya ng pagkaagnas. 37 Subalit siya na muling binuhay ng Diyos ay hindi dumanas ng pagkaagnas. 38 Dahil dito'y dapat ninyong malaman, mga kapatid, na sa pamamagitan ni Jesus ay ipinahahayag sa inyo ang kapatawaran ng mga kasalanan; 39 at sa pamamagitan niya ang bawat sumasampalataya ay pinalalaya sa lahat ng bagay, pag-aaring ganap na hindi ninyo makakamit sa Kautusan ni Moises. 40 Kaya nga mag-ingat kayo, na huwag mangyari sa inyo ang sinabi ng mga propeta:

41 ‘Tingnan (G) ninyo, mga mapanlibak!
    Manggilalas kayo at mapahamak;
sapagkat isasagawa ko sa inyong panahon,
    ang bagay na hindi ninyo mapaniniwalaan, kahit sabihin sa inyo ng sinuman.’ ”

42 Habang palabas na sina Pablo at Bernabe, nakiusap ang mga tao na muli nilang ituro ang mga salitang ito sa susunod na Sabbath. 43 Nang matapos ang pulong sa sinagoga, sumunod kina Pablo at Bernabe ang maraming Judio at mga nahikayat sa Judaismo. Hinikayat sila ng mga apostol na magpatuloy mamuhay ayon sa kagandahang-loob ng Diyos.

44 Nang sumunod na Sabbath ay nagtipon ang halos buong lungsod upang pakinggan ang salita ng Panginoon.[a] 45 Nang makita ng mga Judio ang napakaraming tao, napuno sila ng inggit, kaya sinalungat nila ang mga sinasabi ni Pablo at nilait siya. 46 Ngunit buong tapang na sinabi nina Pablo at Bernabe, “Sa inyo muna sana kailangang ipahayag ang salita ng Diyos. Ngunit dahil itinatakwil ninyo ito, hinahatulan ninyo ang inyong sarili na hindi karapat-dapat sa buhay na walang hanggan. Kaya't sa mga Hentil na kami pupunta. 47 Ganito (H) ang iniutos sa amin ng Panginoon,

‘Inilagay kitang isang ilaw sa mga Hentil,
    upang ikaw ay maghayag ng kaligtasan hanggang sa dulo ng daigdig.’ ”

48 Nang marinig ito ng mga Hentil, nagalak sila at pinarangalan ang salita ng Panginoon; at sumampalataya ang lahat ng mga itinalaga para sa buhay na walang hanggan.

49 Kaya't lumaganap ang salita ng Panginoon sa buong lupain. 50 Subalit inudyukan ng mga Judio ang mga babaing relihiyosa at iginagalang sa lipunan, gayundin ang mga pangunahing lalaki sa lungsod. Nagsimula sila ng pag-uusig laban kina Pablo at Bernabe, at sila'y pinalayas nila sa kanilang lupain. 51 Kaya't (I) ipinagpag ng dalawa ang alikabok sa kanilang mga paa bilang saksi laban sa tagaroon, at pagkatapos ay nagtungo sa Iconio. 52 At ang mga alagad ay napuspos ng kagalakan at ng Banal na Espiritu.

Read full chapter

Footnotes

  1. Mga Gawa 13:44 Panginoon, sa ibang manuskrito Diyos.