Mga Gawa 11-19
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Ang Ulat ni Pedro sa Iglesya sa Jerusalem
11 Nabalitaan ng mga apostol at ng mga kapatid na nasa Judea na tinanggap din ng mga Hentil ang salita ng Diyos. 2 Kaya't nang pumunta si Pedro sa Jerusalem ay nakipagtalo sa kanya ang mga kabilang sa pangkat ng pagtutuli. 3 “Bakit ka pumunta sa bahay ng mga hindi tuli? Kumain ka pang kasalo nila?” 4 Kaya isinalaysay sa kanila ni Pedro ang buong pangyayari. Sinabi niya, 5 “Habang ako'y nasa lungsod ng Joppa at nananalangin, nawalan ako ng malay at nagkaroon ng isang pangitain. Nakita ko ang isang tulad ng malapad na kumot na nakabitin sa apat na sulok at ibinababa mula sa langit hanggang sa aking kinaroroonan. 6 Tinitigan ko itong mabuti at nakita ko roon ang mga hayop na lumalakad sa lupa at mga hayop na mababangis at mga hayop na gumagapang at mga ibon sa himpapawid. 7 Nakarinig din ako ng isang tinig na nagsasabi sa akin, ‘Tumindig ka, Pedro; magkatay ka at kumain.’ 8 Subalit sinabi ko, ‘Hindi ko magagawa iyan, Panginoon. Sapagkat kailanma'y hindi ako kumain ng anumang bagay na marumi at karumal-dumal.’ 9 Ngunit muling sinabi sa akin ng tinig mula sa langit, ‘Huwag mong ituring na marumi ang nilinis na ng Diyos.’ 10 Tatlong ulit itong nangyari, at muling hinatak ang lahat ng iyon paakyat sa langit. 11 Nang sandaling iyon, dumating sa bahay na aking tinutuluyan ang tatlong lalaking sinugo sa akin buhat sa Cesarea. 12 Iniutos sa akin ng Espiritu na huwag akong mag-atubiling sumama sa kanila. Sinamahan din ako ng anim na kapatid na ito at pumasok kami sa bahay ng lalaki. 13 Isinalaysay niya sa amin kung paanong nakita niya ang anghel na nakatindig sa kanyang bahay, na nagsabi, ‘Magsugo ka ng tao sa Joppa at ipatawag mo si Simon, na tinatawag ding Pedro. 14 Sasabihin niya sa iyo ang mga salita na sa pamamagitan ng mga iyon ay maliligtas ka at ang iyong buong sambahayan.’ 15 Nang ako'y magsimulang magsalita, bumaba sa kanila ang Banal na Espiritu tulad ng nangyari sa atin noong una. 16 At (A) naalala ko ang sinabi ng Panginoon, ‘Nagbautismo sa tubig si Juan, subalit kayo'y babautismuhan sa Banal na Espiritu.’ 17 Kung ibinigay sa kanila ng Diyos ang kaloob gaya ng kanyang ibinigay sa atin nang tayo'y sumampalataya sa Panginoong Jesu-Cristo, sino akong hahadlang sa Diyos?” 18 Nang marinig nila ang mga ito, tumahimik sila at niluwalhati ang Diyos, na sinasabi, “Kung gayo'y binigyan din ng Diyos ang mga Hentil ng pagkakataong magsisi upang magkamit ng buhay.”
Ang Iglesya sa Antioquia
19 Samantala, (B) nagkawatak-watak ang mga mananampalataya dahil sa pag-uusig na nangyari kay Esteban. Naglakbay sila hanggang sa Fenicia, sa Cyprus, at sa Antioquia. Sa mga Judio lamang nila ipinangangaral ang salita saanman sila makarating. 20 Gayunman, mayroon sa kanilang taga-Cyprus at taga-Cirene na pagdating sa Antioquia ay nangaral din sa mga Griyego tungkol sa Panginoong Jesus. 21 Ginabayan sila ng kamay ng Panginoon, at napakaraming sumampalataya at nagbalik-loob sa Panginoon. 22 Nabalitaan ito ng iglesya na nasa Jerusalem kaya isinugo nila sa Antioquia si Bernabe. 23 Nang dumating siya roon at makita ang pagpapala ng Diyos, nagalak siya at hinimok ang bawat isa na manatiling tapat sa Panginoon nang buong puso. 24 Sapagkat siya'y mabuting tao, puspos ng Banal na Espiritu at ng pananampalataya, napakaraming tao ang nahikayat na manampalataya sa Panginoon. 25 Pagkatapos ay nagtungo si Bernabe sa Tarso upang hanapin si Saulo. 26 Nang siya'y kanyang matagpuan ay isinama niya ito sa Antioquia. Kaya isang taon silang nagtitipon kasama ng iglesya, at nagturo sa napakaraming tao. Doon sa Antioquia unang tinawag na mga Cristiano ang mga alagad.
27 Nang panahong iyon ay dumating sa Antioquia ang mga propetang galing sa Jerusalem. 28 (C) Tumindig ang isa sa kanila na ang pangalan ay Agabo, at sa pamamagitan ng Espiritu ay nagpahayag na magkakaroon ng matinding taggutom sa buong daigdig. Nangyari ito noong panahon ni Claudio. 29 Nagpasya ang mga alagad, na ayon sa makakaya ng bawat isa'y magpadala ng tulong sa mga kapatid na naninirahan sa Judea. 30 Ganito nga ang kanilang ginawa at sa pamamagitan nina Bernabe at Saulo ay ipinadala nila ang kanilang tulong sa mga matatandang namamahala ng iglesya.
Ang Pagpatay kay Santiago at ang Pagdakip kay Pedro
12 Nang mga panahong iyon, sinimulang usigin ni Haring Herodes ang ilan sa mga kaanib ng iglesya. 2 Pinapatay niya sa pamamagitan ng tabak si Santiago na kapatid ni Juan. 3 Nang makita niyang ito'y ikinatuwa ng mga Judio, ipinadakip naman niya si Pedro. Pista noon ng Tinapay na Walang Pampaalsa. 4 Pagkatapos dakpin si Pedro, ikinulong siya sa bilangguan at pinabantayan sa apat na pangkat na mga kawal. Balak ni Herodes na iharap siya sa taong-bayan pagkatapos ng Paskuwa. 5 Habang nasa bilangguan si Pedro, nagkaroon ng taimtim na pananalangin sa Diyos ang iglesya para sa kanya.
Ang Pagpapalaya ng Anghel kay Pedro
6 Nang gabing si Pedro ay malapit nang iharap ni Herodes sa mga tao, natutulog si Pedro na nakatanikala sa pagitan ng dalawang kawal. Mayroon pang mga bantay sa harap ng pintuan, 7 nang biglang lumitaw ang isang anghel ng Panginoon at isang liwanag ang tumanglaw sa kulungan. Tinapik niya si Pedro sa tagiliran at ginising. “Bumangon ka! Bilis!” sabi ng anghel. At nakalag ang mga tanikala sa kanyang mga kamay. 8 Sinabi sa kanya ng anghel, “Magbihis ka at isuot mo ang iyong mga sandalyas.” Sumunod naman si Pedro. “Magbalabal ka at sumunod sa akin,” dagdag ng anghel. 9 Sumunod si Pedro sa labas, na nag-aakalang siya'y nananaginip. Hindi niya alam na tunay ang nangyayari sa pamamagitan ng anghel. 10 Nadaanan nila ang una at pangalawang bantay, at dumating sila sa pintuang-bakal na patungo sa lungsod. Ito'y kusang nabuksan para sa kanila at sila'y lumabas. Pagkaraan nila sa isang lansangan ay agad siyang iniwan ng anghel.
11 Noon natauhan si Pedro, kaya kanyang sinabi, “Ngayo'y natitiyak ko na sinugo ng Panginoon ang kanyang anghel at iniligtas ako mula sa kamay ni Herodes at sa lahat ng binabalak ng mga Judio.”
12 Nang mapag-isip-isip niya ito, pumunta siya sa bahay ni Maria, ang ina ni Juan na tinatawag ding Marcos. Doon nagtitipon at nananalangin ang maraming tao. 13 Nang kumatok siya sa pinto, isang babaing katulong na ang pangalan ay Roda ang lumapit upang alamin kung sino ang kumakatok. 14 Nang makilala niya ang tinig ni Pedro, sa laki ng tuwa'y hindi na niya nagawang buksan ang pinto. Sa halip ay tumakbo siya paloob at sinabing si Pedro ang nasa pintuan. 15 “Nababaliw ka na,” sabi nila sa kanya. Ngunit nang ipinilit niya na naroon talaga si Pedro, kanilang sinabi, “Anghel niya iyon.” 16 Samantala'y patuloy sa pagkatok si Pedro. Nang kanilang buksan, nakita nila si Pedro at sila'y namangha. 17 Sila'y sinenyasan niyang tumahimik, pagkatapos ay isinalaysay sa kanila kung paano siya inilabas ng Panginoon mula sa bilangguan. Pagkasabi niyang “Ipagbigay-alam ninyo ito kay Santiago, at sa mga kapatid,” siya'y umalis at pumunta sa ibang dako.
18 Kinaumagahan, gulung-gulo ang mga kawal dahil hindi nila alam kung ano ang nangyari kay Pedro. 19 Nang hindi pa rin siya matagpuan matapos maipahanap ni Herodes, ipinasiyasat nito ang mga bantay at ipinag-utos na sila'y patayin.
Buhat sa Judea, si Pedro ay pumunta sa Cesarea, at doon nanirahan.
Ang Pagkamatay ni Herodes
20 Matagal nang umaapaw ang galit noon ni Herodes sa mga taga-Tiro at taga-Sidon. Nagkaisa ang mga tao na pumunta sa kanya upang makipagkasundo, sapagkat umaasa ang kanilang bayan sa lupain ng hari para sa kanilang ikabubuhay. Hinikayat nila si Blasto na katiwala ng hari upang tulungan sila.
21 Sumapit ang takdang araw at isinuot ni Herodes ang damit-hari at naupo sa trono, at sa kanila'y nagtalumpati. 22 Sumigaw ang taong-bayan, “Ito'y tinig ng diyos at hindi ng tao!” 23 Noon di'y agad siyang sinaktan ng isang anghel ng Panginoon, sapagkat hindi niya ibinigay ang kaluwalhatian sa Diyos. Kinain siya ng mga uod at namatay.
24 Samantala, ang salita ng Diyos ay patuloy na lumaganap at marami pa ang nahikayat. 25 Matapos magampanan ang kanilang tungkulin sa Jerusalem, nagbalik sina Bernabe at Saulo na kasama si Juan na tinatawag ding Marcos.
Ang Pagsusugo kina Bernabe at Saulo
13 Sa iglesya sa Antioquia ay may mga propeta at mga guro. Kabilang dito sina Bernabe, si Simeon na tinatawag ding Negro, si Lucio na taga-Cirene, si Manaen na malapit kay Herodes, at si Saulo. 2 Habang sila'y sumasamba sa Panginoon at nag-aayuno, sinabi sa kanila ng Banal na Espiritu, “Ibukod ninyo para sa akin sina Bernabe at Saulo. Tinawag ko sila para sa isang gawain.” 3 Pagkatapos nilang mag-ayuno at manalangin, ipinatong nila ang kanilang mga kamay sa dalawa at sila'y pinahayo.
Ang Pangangaral sa Cyprus
4 Dahil sila'y isinugo ng Banal na Espiritu, pumunta ang dalawa sa Seleucia at buhat doo'y naglayag patungong Cyprus. 5 Nang makarating sila sa Salamis, ipinangaral nila ang salita ng Diyos sa mga sinagoga ng mga Judio. Kasama rin nila si Juan bilang katulong. 6 Nilakbay nila ang buong pulo hanggang sa Pafos. Nakatagpo nila roon ang isang Judiong salamangkero at huwad na propeta na ang pangalan ay Bar-Jesus. 7 Kasama siya ng gobernador na si Sergio Paulo na isang lalaking matalino. Ipinatawag ng gobernador sina Bernabe at Saulo sapagkat nais niyang mapakinggan ang salita ng Diyos. 8 Ngunit upang huwag sumampalataya ang gobernador, sinalungat sila ni Elimas na salamangkero, sapagkat iyon ang kahulugan ng kanyang pangalan. 9 Subalit tinitigan siya ni Saulo, na kilala rin bilang Pablo, na puspos ng Banal na Espiritu, 10 at pinagsabihang, “Ikaw! Anak ka ng diyablo! Kaaway ka ng lahat ng katuwiran! Punung-puno ka ng lahat ng pandaraya at panlilinlang! Kailan ka ba titigil sa pagbaluktot sa matutuwid na daan ng Panginoon? 11 Ngayo'y parurusahan ka ng kamay ng Panginoon. Mabubulag ka at hindi mo makikita ang liwanag sa loob ng maikling panahon.”
Noon di'y tinakpan ng maitim na ulap ang mga mata ni Elimas, at siya'y lumibot na humahanap ng aakay sa kanya. 12 Sumampalataya ang gobernador nang makita ang nangyari, sapagkat siya'y namangha sa turo tungkol sa Panginoon.
Sa Antioquia ng Pisidia
13 Mula sa Pafos, naglayag si Pablo at ang kanyang mga kasama hanggang sa Perga sa Pamfilia. Ngunit iniwan sila ni Juan at nagbalik sa Jerusalem. 14 Nagpatuloy sila mula sa Perga hanggang Antioquia ng Pisidia. Nang araw ng Sabbath, pumasok sila sa sinagoga at umupo. 15 Matapos ang pagbasa mula sa Kautusan at sa Mga Propeta, nagpasabi sa kanila ang mga tagapamahala ng sinagoga, “Mga kapatid, kung mayroon kayong salitang magpapalakas ng loob ng mga tao, sabihin ninyo.” 16 Kaya't tumindig si Pablo at matapos senyasan ang mga tao upang tumahimik, ay nagsabi,
“Mga Israelita, at kayong may takot sa Diyos, makinig kayo. 17 Ang (D) Diyos ng bayang ito ng Israel ang humirang sa ating mga ninuno, at sila'y ginawa niyang malaking bansa nang sila'y nakipamayan sa Ehipto. At sa pamamagitan ng kanyang dakilang kapangyarihan, sila'y inilabas doon. 18 (E) Sa loob ng apatnapung taon ay kanyang pinagtiisan sila sa ilang. 19 Nang (F) malipol na niya ang pitong bansa sa lupain ng Canaan ay ipinamana sa kanila ang lupain, 20 sa (G) loob ng halos apatnaraan at limampung taon. Pagkatapos, sila ay binigyan niya ng mga hukom hanggang sa panahon ni propeta Samuel. 21 (H) Matapos nito'y humingi sila ng hari at ibinigay sa kanila ng Diyos ang isang lalaki mula sa lipi ni Benjamin, si Saul na anak ni Kish. Siya'y naghari sa loob ng apatnapung taon. 22 (I) Matapos alisin ng Diyos si Saul, si David naman ang pinili ng Diyos upang maghari sa kanila. Nagpatotoo ang Diyos tungkol sa kanya, na nagsasabing, ‘Natagpuan kong si David na anak ni Jesse ay isang lalaking malapit sa aking puso. Gagawin niya ang aking buong kalooban.’ 23 Mula sa kanyang salinlahi'y ipinagkaloob ng Diyos sa Israel si Jesus na Tagapagligtas, gaya ng kanyang ipinangako. 24 Bago (J) pa siya dumating ay nangaral na si Juan ng bautismo ng pagsisisi sa buong bayan ng Israel. 25 At (K) samantalang tinatapos ni Juan ang kanyang gawain, sinabi niya sa mga tao, ‘Sino ba ako sa inyong akala? Hindi ako ang Cristo. Ngunit masdan ninyo ang dumarating na kasunod ko. Hindi ako karapat-dapat kahit magkalag man lamang ng kanyang sandalyas.’
26 “Mga kapatid, mga anak ni Abraham, at sa inyong may takot sa Diyos, sa atin ipinadala ang salitang ito ng kaligtasan. 27 Sapagkat hindi nakilala ng mga mamamayan ng Jerusalem at ng kanilang mga pinuno si Jesus. Hindi rin nila nauunawaan na sa kanilang paghatol sa kanya'y tinupad nila ang mga pahayag ng mga propeta na kanilang binabasa tuwing Sabbath. 28 Bagama't (L) wala silang natagpuang sapat na dahilan upang siya'y ipapatay, hiningi pa rin nila kay Pilato na siya'y patayin. 29 Nang (M) matupad na nila ang lahat ng nasusulat tungkol sa kanya, siya'y kanilang ibinaba mula sa punongkahoy at inilibing. 30 Subalit siya'y ibinangon ng Diyos mula sa kamatayan. 31 At (N) sa loob ng maraming mga araw ay nagpakita siya sa mga sumama sa kanya mula sa Galilea hanggang sa Jerusalem. Sila ngayon ang kanyang mga saksi sa taong-bayan. 32 Kami ang nangangaral sa inyo ng Magandang Balita, na ang ipinangako ng Diyos sa ating mga ninuno, 33 ay (O) tinupad din niya sa atin na kanilang mga anak, nang kanyang muling buhayin si Jesus! Gaya ng nasusulat sa ikalawang awit,
‘Ikaw ay aking Anak,
sa araw na ito'y naging Ama mo ako.’
34 (P) Tungkol sa kanyang muling pagkabuhay at di pagkaagnas, ay ganito ang sinabi ng Diyos,
‘Ipagkakaloob ko sa inyo ang mga banal at maaasahang pangako kay David.’
35 Sinabi din niya sa iba pang bahagi, (Q)
‘Hindi mo hahayaang dumanas ng pagkaagnas ang iyong Hinirang.’
36 Matapos maglingkod ni David ayon sa kalooban ng Diyos noong kanyang panahon, siya'y nahimlay at inilibing kasama ng kanyang mga ninuno. Dumanas siya ng pagkaagnas. 37 Subalit siya na muling binuhay ng Diyos ay hindi dumanas ng pagkaagnas. 38 Dahil dito'y dapat ninyong malaman, mga kapatid, na sa pamamagitan ni Jesus ay ipinahahayag sa inyo ang kapatawaran ng mga kasalanan; 39 at sa pamamagitan niya ang bawat sumasampalataya ay pinalalaya sa lahat ng bagay, pag-aaring ganap na hindi ninyo makakamit sa Kautusan ni Moises. 40 Kaya nga mag-ingat kayo, na huwag mangyari sa inyo ang sinabi ng mga propeta:
41 ‘Tingnan (R) ninyo, mga mapanlibak!
Manggilalas kayo at mapahamak;
sapagkat isasagawa ko sa inyong panahon,
ang bagay na hindi ninyo mapaniniwalaan, kahit sabihin sa inyo ng sinuman.’ ”
42 Habang palabas na sina Pablo at Bernabe, nakiusap ang mga tao na muli nilang ituro ang mga salitang ito sa susunod na Sabbath. 43 Nang matapos ang pulong sa sinagoga, sumunod kina Pablo at Bernabe ang maraming Judio at mga nahikayat sa Judaismo. Hinikayat sila ng mga apostol na magpatuloy mamuhay ayon sa kagandahang-loob ng Diyos.
44 Nang sumunod na Sabbath ay nagtipon ang halos buong lungsod upang pakinggan ang salita ng Panginoon.[a] 45 Nang makita ng mga Judio ang napakaraming tao, napuno sila ng inggit, kaya sinalungat nila ang mga sinasabi ni Pablo at nilait siya. 46 Ngunit buong tapang na sinabi nina Pablo at Bernabe, “Sa inyo muna sana kailangang ipahayag ang salita ng Diyos. Ngunit dahil itinatakwil ninyo ito, hinahatulan ninyo ang inyong sarili na hindi karapat-dapat sa buhay na walang hanggan. Kaya't sa mga Hentil na kami pupunta. 47 Ganito (S) ang iniutos sa amin ng Panginoon,
‘Inilagay kitang isang ilaw sa mga Hentil,
upang ikaw ay maghayag ng kaligtasan hanggang sa dulo ng daigdig.’ ”
48 Nang marinig ito ng mga Hentil, nagalak sila at pinarangalan ang salita ng Panginoon; at sumampalataya ang lahat ng mga itinalaga para sa buhay na walang hanggan.
49 Kaya't lumaganap ang salita ng Panginoon sa buong lupain. 50 Subalit inudyukan ng mga Judio ang mga babaing relihiyosa at iginagalang sa lipunan, gayundin ang mga pangunahing lalaki sa lungsod. Nagsimula sila ng pag-uusig laban kina Pablo at Bernabe, at sila'y pinalayas nila sa kanilang lupain. 51 Kaya't (T) ipinagpag ng dalawa ang alikabok sa kanilang mga paa bilang saksi laban sa tagaroon, at pagkatapos ay nagtungo sa Iconio. 52 At ang mga alagad ay napuspos ng kagalakan at ng Banal na Espiritu.
Sa Iconio
14 Ganoon din ang nangyari sa Iconio. Magkasamang pumasok sina Pablo at Bernabe sa sinagoga ng mga Judio. Nangaral sila roon at marami sa mga Judio at Griyego ang sumampalataya. 2 Ngunit ang mga Hentil ay inudyukan ng mga Judiong ayaw sumampalataya, at nilason ang kanilang mga pag-iisip laban sa mga kapatid. 3 Dahil dito'y matagal na nanatili roon sina Pablo at Bernabe at buong tapang na nangaral para sa Panginoon. Pinatunayan naman ng Panginoon ang pangangaral nila tungkol sa kanyang kagandahang-loob sa pamamagitan ng mga himala at mga kababalaghang kanilang ginagawa. 4 Kaya't nagkabaha-bahagi ang mga mamamayan ng lungsod. Ang iba ay pumanig sa mga Judio, ang iba nama'y sa mga apostol. 5 Pinagtangkaan ng mga Hentil at ng mga Judio, kasama ang kanilang mga pinuno, na saktan at batuhin ang mga apostol. 6 Subalit nang nalaman iyon ng dalawa, sila'y tumakas patungong Listra at Derbe, mga lungsod ng Licaonia, at sa mga karatig na lupain. 7 Ipinangaral nila roon ang Magandang Balita.
Sa Listra
8 Sa Listra ay may isang lalaking kailanma'y hindi makalakad sapagkat lumpo na mula nang ipanganak. 9 Nakinig siya sa pangangaral ni Pablo. Nang titigan siya ni Pablo at makitang mayroon siyang pananampalataya upang mapagaling, 10 malakas niyang sinabi, “Tumayo ka nang tuwid!” Lumukso ang lalaki at nagsimulang maglakad. 11 Nang makita ng maraming tao ang ginawa ni Pablo, nagsigawan sila sa wikang Licaonia, “Bumaba sa atin ang mga diyos sa anyong tao!” 12 Tinawag nilang Zeus si Bernabe at Hermes si Pablo, sapagkat siya ang pangunahing tagapagsalita. 13 Nagdala ng mga baka at ng mga bulaklak sa pintuan ng lungsod ang pari ni Zeus na ang templo ay nasa harap ng lungsod, sapagkat siya, kasama ng napakaraming tao, ay nais maghandog sa mga apostol.
14 Ngunit nang marinig ito ng mga apostol na sina Bernabe at Pablo, pinunit nila ang kanilang mga damit at sumisigaw na tumakbo sa gitna ng mga tao, 15 “Mga (U) ginoo, bakit ninyo ginagawa ang mga ito? Mga tao rin kaming gaya ninyo! Ipinangangaral namin sa inyo ang Magandang Balita upang talikuran na ninyo ang mga bagay na ito na walang kabuluhan at magbalik-loob kayo sa buháy na Diyos, ang lumikha ng langit, ng lupa, ng dagat, at ng lahat ng naroroon. 16 Noong nakaraang mga panahon ay hinayaan niyang lumakad ang lahat ng mga bansa sa kanilang mga sariling daan. 17 Gayunma'y hindi niya hinayaang mawalan siya ng saksi sa mga kabutihang kanyang ginawa. Binibigyan niya kayo ng ulan mula sa langit at ng mga masaganang panahon; binubusog niya kayo ng pagkain at pinupuno ng kagalakan ang inyong mga puso.” 18 Sa kabila ng mga salitang ito'y bahagya lamang nilang napigil ang napakaraming tao sa paghahandog sa kanila.
19 Ngunit dumating doon ang mga Judiong buhat sa Antioquia at Iconio; at nang maudyukan nila ang maraming tao, pinagbabato nila si Pablo at kinaladkad siya sa labas ng lungsod, sa pag-aakalang siya'y patay na. 20 Ngunit nang paligiran siya ng mga alagad, tumayo siya at pumasok sa lungsod. Kinabukasan, umalis siya kasama ni Bernabe patungong Derbe.
Ang Pagbabalik sa Antioquia
21 Ipinangaral nila ang Magandang Balita sa lungsod na iyon, at ginawang mga alagad ang marami. Pagkatapos nito'y nagbalik sila sa Listra, sa Iconio, at sa Antioquia, 22 habang pinatatatag ang loob ng mga alagad, at pinapayuhang manatiling tapat sa pananampalataya. Sinabi nila, “Daranas tayo ng maraming kapighatian bago tayo makapasok sa kaharian ng Diyos.” 23 Nagtalaga sila sa bawat iglesya ng matatandang tagapamahala. Matapos manalangin na may pag-aayuno, sila ay kanilang itinagubilin sa Panginoon na kanilang sinampalatayanan. 24 Tinahak nila ang Pisidia at nagtungo sa Pamfilia. 25 Nang makapangaral na sila sa Perga ay tumuloy sila sa Atalia. 26 Mula roon ay naglayag sila pabalik ng Antioquia. Doon sila ipinagkatiwala noon sa pagkalinga ng Diyos tungo sa gawaing ngayon ay natapos na nila. 27 Pagdating nila sa Antioquia, tinipon nila ang iglesya at iniulat ang lahat ng mga bagay na ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila, at kung paanong binuksan niya ang pagkakataon upang sumampalataya ang mga Hentil. 28 Nanatili sila roong kasama ang mga alagad nang mahaba-habang panahon.
Ang Pagpupulong sa Jerusalem
15 May (V) ilang taong dumating sa Antioquia mula sa Judea na nagtuturo ng ganito sa mga kapatid, “Malibang kayo'y tuliin ayon sa Kautusan ni Moises, hindi kayo maliligtas.” 2 Mahigpit na nakipagtalo sina Pablo at Bernabe sa kanila tungkol dito. At dahil naging mainit ang kanilang salungatan, sina Pablo at Bernabe, kasama ang iba pa, ay inatasang pumunta sa Jerusalem upang isangguni ang suliraning ito sa mga apostol at sa matatandang tagapamahala ng iglesya. 3 Sinugo nga sila ng iglesya. Sa kanilang pagdaan sa Fenicia at Samaria, iniulat nila ang pagbabalik-loob ng mga Hentil, na nakapagbigay ng malaking kagalakan sa lahat ng mga kapatid. 4 Nang makarating sila sa Jerusalem, malugod silang tinanggap ng buong iglesya, ng mga apostol at ng matatanda. Iniulat nila ang lahat ng bagay na ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila. 5 Subalit tumindig ang ilang kaanib sa pangkat ng mga Fariseo at nagsabi, “Kailangang tuliin ang mga Hentil at utusang sundin ang Kautusan ni Moises.” 6 Nagtipon ang mga apostol at ang matatanda upang pag-usapan ang bagay na ito. 7 Pagkatapos (W) ng maraming talakayan, tumindig si Pedro at sinabi sa kanila, “Mga kapatid, nalalaman ninyo na noon ay hinirang ako ng Diyos mula sa inyo, upang sa pamamagitan ng aking pangangaral ay mapakinggan ng mga Hentil ang Magandang Balita, at sila'y sumampalataya. 8 At (X) ang Diyos na nakaaalam ng puso ng tao ay nagpatunay sa kanila nang pagkalooban sila ng Banal na Espiritu tulad ng nangyari sa atin. 9 Walang pagtatangi na ginawa ang Diyos sa atin at sa kanila; sa halip, nilinis din niya ang kanilang mga puso nang sila'y sumampalataya. 10 Kaya ngayon, bakit ninyo sinusubok ang Diyos at iniaatang sa mga alagad ang mga pasaning kahit tayo o ang ating mga ninuno'y hindi nakayang pasanin? 11 Sumasampalataya tayo na tayo'y maliligtas sa pamamagitan ng kagandahang-loob ng Panginoong Jesus, gayundin sila.” 12 Tumahimik ang buong kapulungan at pinakinggan ang salaysay nina Bernabe at Pablo tungkol sa mga himala at kababalaghang ginawa ng Diyos sa mga Hentil sa pamamagitan nila. 13 Pagkatapos nila, si Santiago naman ang nagsalita, “Mga kapatid, pakinggan ninyo ako. 14 Ipinaliwanag na ni Simon[b] kung paanong unang dinalaw ng Diyos ang mga Hentil, upang sila rin ay maging bayan para sa kanyang pangalan. 15 Sumasang-ayon dito ang mga salita ng mga propeta, tulad ng nasusulat,
16 ‘Pagkatapos (Y) ng mga ito, ako'y babalik,
at muli kong itatayo ang bumagsak na tolda ni David;
muli ko itong ibabangon mula sa pagkaguho,
17 upang hanapin ng nalabi sa mga tao ang Panginoon,
at ng lahat ng mga Hentil na tinatawag sa aking pangalan,
sabi ng Panginoon na gumawa ng mga ito,
18 na nagpakilala mula noong una.’
19 Kaya't ako'y humahatol na huwag na nating pahirapan ang mga Hentil na nagbabalik-loob sa Diyos. 20 Sa (Z) halip, sulatan natin sila na huwag kumain ng mga pagkaing pinarumi dahil ihinandog sa diyus-diyosan, huwag makiapid, at huwag kumain ng dugo at ng hayop na binigti. 21 Sapagkat noong araw pa ay ipinangangaral na ang Kautusan ni Moises sa bawat lungsod at binabasa sa mga sinagoga tuwing Sabbath.”
Ang Sulat sa mga Mananampalatayang Hentil
22 Nang magkagayo'y minabuti ng mga apostol at ng matatandang tagapamahala, at ng buong iglesya, na pumili ng mga lalaki mula sa kanilang hanay at isugo sa Antioquia kasama nina Pablo at Bernabe. Isinugo nila si Judas na tinatawag na Barsabas, at si Silas, mga lalaking iginagalang ng mga kapatid. 23 Sa pamamagitan nila'y ipinadala ang liham na ganito ang nilalaman:
“Kaming mga apostol, mga matatanda, at mga kapatid ay bumabati sa mga kapatid na Hentil na nasa Antioquia, Syria at Cilicia. 24 Yamang nabalitaan namin na ginugulo kayo ng ilang tao na galing dito, kahit hindi namin sila inutusan, 25 napagkasunduan naming magpadala sa inyo ng mga sugo. Kasama sila ng ating mga minamahal na sina Bernabe at Pablo, 26 mga taong nagsuong sa panganib ng kanilang buhay alang-alang sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 27 Isinugo namin sina Judas at Silas upang ipaliwanag sa inyo ang nilalaman ng liham na ito. 28 Minabuti ng Banal na Espiritu at minabuti rin naming huwag na kayong bigyan ng mabigat na pasanin maliban sa mga ito na talagang kailangan: 29 Huwag kayong kakain ng anumang ihinandog sa mga diyus-diyosan, ng dugo, at ng mga binigting hayop. Huwag kayong makikiapid. Iwasan ninyo ang mga bagay na ito at mapapabuti kayo. Paalam.”
30 Pinaalis ang mga sugo at pumunta ang mga ito sa Antioquia. Nang matipon na nila ang kapulungan ay kanilang ibinigay ang sulat. 31 Pagkabasa nila nito, sila ay nagalak sa kanilang narinig. 32 Sina Judas at Silas, na mga propeta rin, ay marami pang sinabi na nagpalakas ng loob at nagpatatag sa mga kapatid. 33 Pagkatapos na manatili roon ng ilang panahon, sila'y payapang pinabalik ng mga kapatid sa mga nagsugo sa kanila. 34 [Ngunit minabuti ni Silas ang manatili roon.][c] 35 Nanatili sina Pablo at Bernabe sa Antioquia, at kasama ng marami pang iba, ay nagturo at nangaral ng salita ng Panginoon.
Ang Paghihiwalay nina Pablo at Bernabe
36 Makaraan ang ilang araw, sinabi ni Pablo kay Bernabe, “Balikan natin at dalawin ang mga kapatid sa bawat lungsod na pinangaralan natin ng salita ng Panginoon, at tingnan natin kung ano ang kalagayan nila.” 37 Nais ni Bernabe na kanilang isama si Juan, na tinatawag ding Marcos. 38 Ngunit (AA) iginiit ni Pablo na huwag itong isama, sapagkat humiwalay ito noon at mula sa Pamfilia ay hindi na sumama sa kanilang gawain. 39 Nagkaroon sila ng mainitang pagtatalo na humantong sa kanilang paghihiwalay. Isinama ni Bernabe si Marcos, at naglayag patungong Cyprus. 40 Pinili naman ni Pablo si Silas, at sila'y umalis matapos ipagtagubilin ng mga kapatid sa pag-iingat ng Panginoon. 41 Naglakbay siya sa Syria at Cilicia at pinatatag ang mga iglesya.
Si Timoteo Kasama nina Pablo at Silas
16 Nakarating si Pablo sa Derbe at sa Listra. Naroon ang isang alagad na ang pangalan ay Timoteo. Siya'y anak ng isang babaing Judio na mananampalataya at Griyego naman ang kanyang ama. 2 Maganda ang patotoo tungkol sa kanya ng mga kapatid sa Listra at Iconio. 3 Nais ni Pablo na isama si Timoteo, kaya't tinuli niya ito alang-alang sa mga Judiong nasa lugar na iyon, sapagkat alam ng lahat na Griyego ang kanyang ama. 4 Sa kanilang paglalakbay sa mga lungsod, ipinababatid nila ang mga katuruang napagpasyahan ng mga apostol at ng matatandang tagapamahala sa Jerusalem. 5 Kaya't lumakas ang mga iglesya sa pananampalataya at nadagdagan ang kanilang bilang araw-araw.
Ang Pangitain ni Pablo sa Troas
6 Naglakbay sina Pablo sa lupain ng Frigia at Galacia, sapagkat pinagbawalan sila ng Banal na Espiritu na ipangaral ang salita sa lalawigan ng Asia. 7 Pagdating nila sa hangganan ng Misia, tinangka nilang makapasok sa Bitinia ngunit hindi sila pinahintulutan ng Espiritu ni Jesus. 8 Kaya't paglampas nila sa Misia ay nagtungo sila sa Troas. 9 Kinagabihan ay nagkaroon ng pangitain si Pablo: may isang lalaking taga-Macedonia ang nakatayo at nakikiusap sa kanya, “Pumunta ka rito sa Macedonia at tulungan mo kami.” 10 Pagkakita niya sa pangitain, gumayak kami agad papunta sa Macedonia, sapagkat natitiyak naming kami'y tinawag ng Diyos upang ipangaral sa kanila ang Magandang Balita.
Ang Pagsampalataya ni Lydia
11 Mula sa Troas, tumuloy kami sa Samotracia, at kinabukasan naman ay sa Neapolis. 12 Mula roon ay nagtungo kami sa Filipos, na sakop ng Roma at pangunahing lungsod sa nasasakupan ng Macedonia. Nanatili kami sa lungsod na ito ng ilang araw. 13 Nang araw ng Sabbath ay pumunta kami sa labas ng lungsod sa may tabi ng ilog na sa palagay namin ay may dakong panalanginan. Naupo kami at nakipag-usap sa mga babaing nagtitipon doon. 14 Isa sa mga nakinig sa amin ang isang babaing ang pangalan ay Lydia, isang sumasamba sa Diyos. Siya ay mula sa lungsod ng Tiatira at mangangalakal ng mga telang kulay-ube. Binuksan ng Panginoon ang kanyang puso upang makinig nang mabuti sa mga sinasabi ni Pablo. 15 Nang siya'y mabautismuhan na, kasama ang kanyang sambahayan, ay nakiusap siya sa amin, “Kung itinuturing ninyong ako'y tapat na lingkod ng Panginoon, doon na kayo tumuloy sa aking tahanan.” At kami'y napilit niya.
Sina Pablo at Silas sa Bilangguan ng Filipos
16 Minsang papunta kami sa dakong dalanginan, sinalubong kami ng isang batang babaing alipin na may espiritu ng panghuhula. Malaki ang pakinabang ng kanyang mga amo dahil sa kanyang panghuhula. 17 Sinusundan-sundan niya kami nina Pablo, habang sumisigaw ng ganito, “Ang mga taong ito'y mga lingkod ng Kataas-taasang Diyos! Ipinapahayag nila sa inyo ang daan ng kaligtasan.” 18 Ginawa niya ito sa loob ng maraming araw. Ngunit nang mainis na si Pablo ay lumingon siya at sinabi sa espiritu, “Iniuutos ko sa iyo sa pangalan ni Jesu-Cristo, lumabas ka sa kanya.” At lumabas ang espiritu nang oras ding iyon. 19 Ngunit nang makita ng kanyang mga amo na wala na ang kanilang pinagkakakitaan, sinunggaban nila sina Pablo at Silas, at kinaladkad sa pamilihan upang iharap sa mga pinuno. 20 Pinaratangan sila ng ganito sa harap ng mga hukom, “Ang mga taong ito ay mga Judio, at ginugulo nila ang ating lungsod. 21 Nagtuturo sila ng mga kaugaliang bilang mga Romano'y hindi natin nararapat gawin at tanggapin.” 22 Sinunggaban sila ng maraming tao, pinunit ang kanilang mga damit at ipinahagupit. 23 Pagkatapos hagupitin nang maraming ulit, itinapon sila sa bilangguan, at pinabantayang mabuti. 24 Nang matanggap ng bantay ang utos na ito, kanyang ipinasok sila sa kaloob-looban ng bilangguan at inilagay ang kanilang mga paa sa pagitan ng dalawang mabibigat na kahoy. 25 Nang maghahating-gabi na, sina Pablo at Silas ay nanalangin at umawit ng mga himno sa Diyos, habang nakikinig naman ang ibang bilanggo. 26 Biglang lumindol nang malakas, at nayanig ang mga pundasyon ng bilangguan. Agad na nabuksan ang lahat ng mga pinto, at nalagot ang mga tanikala ng lahat ng mga bilanggo. 27 Nang magising ang bantay ng bilangguan at makitang bukas ang mga pinto, inakala niyang nakatakas ang mga bilanggo. Dahil dito'y binunot niya ang kanyang tabak at nagtangkang magpakamatay. 28 Ngunit sumigaw nang malakas si Pablo, “Huwag mong saktan ang iyong sarili! Naririto kaming lahat!” 29 Humingi ng ilaw ang bantay at tumakbo paloob, at nanginginig na nagpatirapa sa harapan nina Pablo at Silas. 30 Nang sila'y dalhin sa labas ay sinabi niya, “Mga ginoo, ano ang dapat kong gawin upang maligtas?” 31 At kanilang sinabi, “Sumampalataya ka sa Panginoong Jesus at maliligtas ka, ikaw at ang iyong sambahayan.” 32 Ipinangaral nila sa kanya ang salita ng Panginoon at sa lahat ng nasa kanyang tahanan. 33 Nang oras ding iyon ng gabi, hinugasan ng bantay ang kanilang mga sugat at siya'y nagpabautismo, kasama ang kanyang buong sambahayan. 34 Matapos na patuluyin sa kanyang tahanan, sila'y ipinaghanda niya ng pagkain. Siya at ang kanyang buong sambahayan ay nagalak na sumampalataya sa Diyos. 35 Kinaumagahan, nagsugo ng mga kawal ang mga hukom upang sabihin sa bantay, “Pakawalan mo ang mga taong iyan.” 36 Sinabi ng bantay kay Pablo, “Ipinag-utos ng mga hukom na pakawalan na kayo. Kaya maaari na kayong umalis at humayo nang payapa.” 37 Subalit sinabi ni Pablo sa mga kawal, “Hinampas nila kami sa harap ng madla at ipinabilanggo nang walang anumang paglilitis, gayong kami'y mamamayang Romano. At ngayo'y palihim nila kaming palalayain? Hindi maaari! Sila ang pumarito at magpalaya sa amin!” 38 Iniulat ito ng mga kawal sa mga hukom at nang malamang sila'y mga mamamayang Romano, sila'y natakot. 39 Kaya pumunta sila sa bilangguan at humingi ng paumanhin kina Pablo. Pagkatapos ay pinalaya nila ang mga ito at pinakiusapang umalis ng lungsod. 40 Pagkalabas sa bilangguan, nagtuloy sila sa bahay ni Lydia. Doon ay dinatnan nilang nagtitipon ang mga kapatid. Bago sila umalis, pinagbilinan nilang magpakatatag ang mga ito sa pananampalataya.
Sa Tesalonica
17 Dumaan sina Pablo at Silas sa Amfipolis at Apolonia, pagkatapos ay nagtungo sa Tesalonica, kung saan may sinagoga ng mga Judio. 2 Ayon sa kanyang nakaugalian, pumasok si Pablo doon, at sa loob ng tatlong Sabbath ay nakipagtalakayan sa kanila gamit ang mga Kasulatan. 3 Ipinaliliwanag at pinatutunayan niya na kailangang magdusa ang Cristo at muling mabuhay mula sa kamatayan. Sinabi niya, “Ang Jesus na ito na aking ipinangangaral sa inyo—siya ang Cristo!” 4 Nahikayat ang ilan sa kanila at sumama kina Pablo at kay Silas, gayundin ang napakaraming relihiyosong Griyego, at marami-raming pangunahing babae. 5 Subalit dahil sa inggit, nagsama ang mga Judio ng ilang masasamang tao mula sa pamilihan at nang makapagtipon sila ng maraming tao ay nanggulo sa lungsod. Nilusob nila ang bahay ni Jason at hinahanap sina Pablo at Silas, sa kagustuhang maiharap ang mga ito sa mga tao. 6 Nang hindi nila natagpuan ang dalawa, kinaladkad nila si Jason at ang ilang kapatid sa harap ng mga pinuno ng lungsod, habang sumisigaw ng ganito, “Napasok ang ating lungsod ng mga taong lumikha ng gulo saan man makarating![d] 7 Pinatuloy sila ni Jason sa kanyang tahanan. Lahat sila ay lumalabag sa mga utos ng Emperador, at sinasabi nilang may ibang hari na ang pangalan ay Jesus!” 8 Naligalig ang maraming tao at ang mga pinuno ng lungsod nang marinig nila ang sigawang ito. 9 Pinagpiyansa nila si Jason at ang kanyang mga kasama bago sila pinakawalan.
Sa Berea
10 Pagsapit ng gabi ay agad pinaalis ng mga kapatid sina Pablo at Silas patungo sa Berea. Pagdating doon ay pumasok sila sa sinagoga ng mga Judio. 11 Higit na mararangal ang mga tao roon kaysa mga taga-Tesalonica. Tinanggap nila ang salita nang buong pananabik at sinisiyasat araw-araw ang mga Kasulatan kung tunay nga ang ipinapangaral sa kanila. 12 Kaya marami sa kanila ang sumampalataya, kabilang ang marami-raming Griyego—mga babae at mga lalaking ginagalang sa lipunan. 13 Subalit nang malaman ng mga Judio sa Tesalonica na ipinangaral din ni Pablo ang salita ng Diyos sa Berea, nagpunta sila roon upang guluhin at sulsulan ang maraming tao. 14 Kaya pinaalis agad ng mga kapatid si Pablo at pinapunta sa tabing-dagat. Nagpaiwan naman doon sina Silas at Timoteo. 15 Sinamahan si Pablo ng mga naghatid sa kanya hanggang Atenas. Pagkatapos, iniwan nila si Pablo taglay ang kanyang bilin para kina Silas at Timoteo na sumunod sa lalong madaling panahon.
Sa Atenas
16 Samantalang hinihintay sila ni Pablo sa Atenas, labis siyang nanlumo nang makita niyang sobrang dami ng mga diyus-diyosan sa lungsod. 17 Kaya't sa sinagoga ay araw-araw siyang nakipagtalakayan sa mga Judio at sa mga relihiyosong tao, gayundin sa mga taong nagkataong nasa pamilihan. 18 Nakipagtalo rin sa kanya ang ilan sa mga pilosopong Epicureo at Estoico. Ilan sa kanila'y nagtanong, “Ano ba ang sinasabi ng madaldal na ito?” Sinabi ng iba, “Para siyang tagapagbalita ng mga ibang diyos”—sapagkat ipinangangaral niya si Jesus at ang Muling Pagkabuhay. 19 Siya'y kinuha nila at dinala sa Areopago, at tinanong, “Maaari ba naming malaman kung ano itong bagong aral na sinasabi mo? 20 Bago sa aming pandinig ang mga itinuturo mo, kaya nais naming malaman ang kahulugan ng mga ito.” 21 Wala nang pinagkakaabalahan ang lahat ng mga taga-Atenas at ang mga dayuhang naninirahan doon kundi ang mag-usap o makinig ng mga bagong bagay. 22 Kaya't tumindig si Pablo sa gitna ng Areopago, at nagsabi, “Mga lalaking taga-Atenas, napapansin kong sa lahat ng bagay, kayo'y lubhang may takot sa mga diyos. 23 Sapagkat sa paglalakad ko sa lungsod, at sa pagmamasid ng mga bagay na inyong sinasamba, nakatagpo rin ako ng isang dambanang may nakasulat na ganito: ‘SA DIYOS NA HINDI KILALA.’ Ang inyong sinasambang hindi ninyo kilala ang siyang ipahahayag ko sa inyo. 24 Ang Diyos (AB) na gumawa ng sanlibutan at ng lahat ng mga bagay na naririto ang Panginoon ng langit at ng lupa. Siya'y hindi naninirahan sa mga templong ginawa ng tao. 25 Hindi rin siya pinaglilingkuran ng mga kamay ng tao na para bang mayroon siyang kailangan, gayong siya ang nagbibigay ng buhay, hininga at ng lahat ng bagay sa sangkatauhan. 26 Nilikha niya mula sa isa[e] ang bawat bansa upang manirahan sa ibabaw ng buong lupa. Itinakda niya ang kanya-kanyang panahon at mga hangganan. 27 Ginawa niya ito upang kanilang hanapin ang Diyos, baka sakaling sa kanilang paghahanap ay matagpuan siya. Ang totoo'y hindi naman siya malayo sa bawat isa sa atin. 28 Sapagkat “sa kanya tayo'y nabubuhay, at kumikilos, at nasa kanya ang ating pagkatao.” Tulad ng sinabi ng ilan sa inyong mga makata, ‘Tayo man ay kanyang mga supling.’ 29 Yamang tayo'y mga supling ng Diyos, hindi natin dapat isiping ang pagiging Diyos ay katulad ng ginto, o ng pilak, o ng bato, na pawang likhang-kamay at kathang-isip ng tao. 30 Pinalampas ng Diyos ang mga panahon ng kamangmangan. Subalit ngayo'y ipinag-uutos niya sa lahat ng tao sa lahat ng dako na magsisi. 31 Sapagkat nagtakda siya ng araw ng kanyang makatarungang paghatol sa sanlibutan sa pamamagitan ng lalaking kanyang hinirang. Pinatunayan niya ito sa lahat nang kanyang muling buhayin ang taong iyon mula sa kamatayan.” 32 Nang kanilang marinig ang tungkol sa muling pagkabuhay, nangutya ang ilan. Ngunit sinabi ng iba, “Pakikinggan ka naming muli tungkol dito.” 33 At umalis si Pablo doon. 34 Subalit sumama sa kanya ang ilan at sumampalataya. Isa sa kanila si Dionisio na taga-Areopago, at isang babaing ang pangalan ay Damaris at iba pang mga kasama nila.
Sa Corinto
18 Pagkatapos nito umalis si Pablo sa Atenas at nagtungo sa Corinto. 2 Natagpuan niya roon si Aquila, isang Judiong taga-Ponto. Kararating lamang niya mula sa Italia kasama ang kanyang asawang si Priscila. Umalis sila ng Roma sapagkat ipinag-utos ni Claudio na ang lahat ng Judio ay umalis doon. Nakipagkita si Pablo sa kanila. 3 Dahil pareho ang kanilang hanapbuhay, ang paggawa ng tolda, si Pablo ay doon na sa kanilang tahanan nakitira. Doon sila magkasamang nagtrabaho. 4 Siya'y nakikipagpaliwanagan tuwing araw ng Sabbath sa sinagoga at nagsisikap na mahikayat sa pananampalataya ang mga Judio at mga Griyego. 5 Nang dumating na sina Silas at Timoteo mula sa Macedonia, iniukol na ni Pablo ang sarili sa pangangaral at pagpapatotoo sa mga Judio na si Jesus ang Cristo. 6 Nang siya'y salungatin nila at laitin, ipinagpag niya ang kanyang kasuotan at sa kanila'y sinabi, “Hindi ko na ságutin ang inyong dugo! Kasalanan na ninyo kung kayo'y mapahamak! Mula ngayo'y pupunta na ako sa mga Hentil.” 7 Kaya siya'y umalis doon at tumira sa bahay ng isang lalaking ang pangalan ay Tito Justo, isang taong may takot sa Diyos. Ang kanyang bahay ay katabi ng sinagoga. 8 Sumampalataya sa Panginoon si Crispo na pinuno ng sinagoga, kasama ang kanyang buong sambahayan. Sumampalataya at nabautismuhan ang maraming taga-Corinto dahil sa pakikinig kay Pablo. 9 Isang gabi, sinabi ng Panginoon kay Pablo sa isang pangitain, “Huwag kang matakot! Patuloy kang mangaral at huwag kang tumahimik. 10 Sapagkat kasama mo ako. Walang sinumang taong mananakit sa iyo sapagkat marami akong tagasunod sa lungsod na ito.” 11 Kaya't nanatili siya roon ng isang taon at anim na buwan, habang itinuturo sa kanila ang salita ng Diyos. 12 Subalit nang si Galio ang naging gobernador ng Acaia, nagkaisa ang mga Judio na dakpin si Pablo at dalhin sa hukuman. 13 Kanilang sinabi, “Hinihikayat ng taong ito ang mga tao na sumamba sa Diyos sa paraang labag sa batas.” 14 At nang magsasalita na si Pablo ay sinabi ni Galio sa mga Judio, “Kung ang usaping ito'y tungkol sa masamang gawa o mabigat na kasalanan, may dahilan akong pakinggan kayong mga Judio. 15 Subalit dahil ang usaping ito'y tungkol sa mga salita at mga pangalan at sa inyong sariling batas, kayo na ang bahala rito. Ayaw kong maging hukom sa mga bagay na iyan.” 16 At sila'y pinalabas niya sa hukuman. 17 Sinunggaban nilang lahat si Sostenes, ang tagapamahala ng sinagoga, at siya'y binugbog sa harapan ng hukuman. Ngunit hindi iyon pinansin ni Galio.
Ang Muling Pagbabalik sa Antioquia
18 Nanatili pa roon si Pablo ng ilang araw, at pagkatapos ay nagpaalam na sa mga kapatid. Bago siya naglayag, nagpaahit siya ng buhok sa Cencrea, dahil siya'y may panata. Buhat doo'y naglakbay siya patungong Syria, kasama ang mag-asawang sina Priscila at Aquila. 19 Pagdating nila sa Efeso ay iniwan niya roon ang dalawa, ngunit pumasok muna siya sa sinagoga at nakipagpaliwanagan sa mga Judio. 20 Nang siya'y pakiusapan nilang tumigil pa roon nang mas mahabang panahon, hindi siya pumayag. 21 Ngunit sinabi niya nang siya'y nagpaalam sa kanila, “Babalik ako sa inyo kung loloobin ng Diyos.” At siya'y naglayag buhat sa Efeso. 22 Pagdating niya sa Cesarea, pumunta siya sa Jerusalem at bumati sa iglesya, pagkatapos ay nagtungo sa Antioquia. 23 Pagkatapos tumigil doon nang ilang panahon, siya'y muling naglakbay at nagpalipat-lipat sa mga lupain ng Galacia at Frigia, habang pinalalakas ang pananampalataya ng mga alagad.
Si Apolos sa Efeso at sa Corinto
24 Dumating sa Efeso ang isang Judio na ang pangalan ay Apolos, na tubong Alejandria. Mahusay siyang magsalita at dalubhasa sa Kasulatan. 25 Naturuan ang taong ito tungkol sa Daan ng Panginoon. Maalab siyang nangaral at nagturo nang wasto tungkol kay Jesus, bagaman ang nalalaman lamang niya ay hanggang sa bautismo ni Juan. 26 Siya'y nagsimulang magsalita nang buong tapang sa sinagoga. Nang marinig siya nina Priscila at Aquila ay kanilang inanyayahan siya sa bahay nila at ipinaliwanag sa kanya nang mas mabuti ang Daan ng Diyos. 27 Nang ibig na niyang tumawid patungong Acaia, pinalakas ng mga kapatid ang kanyang loob at sinulatan nila ang mga alagad doon na siya'y malugod na tanggapin. Pagdating niya roon, malaki ang kanyang naitulong sa mga taong sumampalataya dahil sa kagandahang-loob ng Diyos. 28 Sapagkat makapangyarihan niyang dinaig sa harap ng madla ang mga Judio, at mula sa mga Kasulatan ay pinatunayang si Jesus ang Cristo.
Si Pablo sa Efeso
19 Samantalang nasa Corinto si Apolos, dumaan si Pablo sa mga dakong loob ng lupain hanggang makarating sa Efeso. Natagpuan niya roon ang ilang alagad. 2 Nagtanong siya sa kanila, “Tinanggap ba ninyo ang Banal na Espiritu nang kayo'y sumampalataya?” Sumagot sila, “Hindi. Ni hindi pa namin narinig na may Banal na Espiritu.” 3 “Kung gayo'y sa ano kayo nabautismuhan?” tanong niya.
“Sa bautismo ni Juan,” sagot nila. 4 Sinabi (AC) ni Pablo, “Nagbautismo si Juan ng bautismo ng pagsisisi. Sinabi niya sa mga tao na sila'y manampalataya sa darating na kasunod niya, samakatuwid ay si Jesus.” 5 Nang marinig nila ito, sila'y binautismuhan sa pangalan ng Panginoong Jesus. 6 Nang maipatong na ni Pablo sa kanila ang kanyang mga kamay, bumaba sa kanila ang Banal na Espiritu at sila'y nagsalita ng mga ibang wika at nagpahayag ng propesiya. 7 Sila'y humigit-kumulang sa labindalawang lalaki.
8 Pumasok si Pablo sa sinagoga, at sa loob ng tatlong buwan ay buong tapang na nakipagpaliwanagan at nanghikayat tungkol sa paghahari ng Diyos. 9 Ngunit nagmatigas ang ilan. Ayaw nilang maniwala at nagsalita pa ng masama tungkol sa Daan ng Panginoon sa harap ng kapulungan. Kaya't umalis doon si Pablo at isinama ang mga alagad. Araw-araw siyang nakipagpaliwanagan sa bulwagan ni Tiranno.[f] 10 Nagpatuloy ito sa loob ng dalawang taon. Dahil dito, ang lahat ng mga Judio at Griyegong naninirahan sa Asia ay nakarinig ng salita ng Panginoon.
Ang mga Anak ni Eskeva
11 Gumawa ang Diyos ng mga di-pangkaraniwang kababalaghan sa pamamagitan ni Pablo. 12 Pati mga panyo o mga tapis na napadikit sa kanyang katawan na dinadala sa mga maysakit ay nagiging dahilan upang sila'y gumaling at lumalabas sa kanila ang masasamang espiritu. 13 Doon ay may ilang Judio na pagala-gala na nagpapalayas ng masasamang espiritu sa pamamagitan ng salamangka. Nangahas silang bigkasin ang pangalan ng Panginoong Jesus sa mga sinasapian ng masasamang espiritu. Sinabi nila, “Sa pangalan ni Jesus na ipinapangaral ni Pablo, inuutusan ko kayong lumabas.” 14 Pitong anak na lalaki ni Eskeva, isang punong paring Judio, ang gumagawa nito. 15 Ngunit sinagot sila ng masamang espiritu, “Kilala ko si Jesus, at kilala ko si Pablo; ngunit sino kayo?” 16 At sinunggaban sila ng taong sinasapian ng masamang espiritu. Lahat sila ay dinaig niya, anupa't hubad at sugatan silang tumakas sa bahay na iyon. 17 Nabalitaan ito ng lahat ng mga Judio at ng mga Griyegong naninirahan sa Efeso. Pinagharian silang lahat ng takot, at higit na pinapurihan ang pangalan ng Panginoong Jesus. 18 Marami sa mga sumampalataya ang dumating at hayagang nagtapat ng kanilang mga gawain. 19 Marami sa mga gumagamit ng mga salamangka ang nagtipon at nagsunog ng kanilang mga aklat sa harapan ng madla. Nang kanilang bilangin ang halaga niyon, umabot ito ng may limampung libong salaping pilak. 20 Sa gayong paraan lumaganap at lubos na nanaig ang salita ng Panginoon.
Ang Kaguluhan sa Efeso
21 Pagkatapos ng mga pangyayaring ito, sa patnubay ng Espiritu ay nagpasya si Pablo na dumaan sa Macedonia at sa Acaia bago pumunta sa Jerusalem. Sabi niya, “Pagkagaling ko roon ay kailangan ko ring pumunta sa Roma.” 22 Pinauna niya sa Macedonia ang dalawa sa mga tumutulong sa kanya, sina Timoteo at Erasto, samantalang siya ay tumigil nang ilang panahon sa Asia. 23 Nang panahon ding iyon, nagkaroon ng malaking kaguluhan tungkol sa Daan ng Panginoon. 24 May isang panday-pilak doon na nagngangalang Demetrio ang gumagawa ng mga dambanang pilak ni Artemis. Pinagkakakitaan ito ng malaki ng mga panday doon. 25 Tinipon ni Demetrio ang kanyang mga manggagawa, kasama ang iba pang may ganoon ding hanapbuhay, at sinabi, “Mga kasama, alam ninyong malaki ang pakinabang natin sa trabahong ito. 26 Nakikita ninyo at naririnig na laganap na hindi lamang sa Efeso kundi halos sa buong Asia ang ginagawa nitong si Pablo. Nahikayat niya at nailigaw ang napakaraming tao. Sinasabi niyang hindi mga diyos ang ginawa ng kamay. 27 May panganib na hindi lamang mawalan ng dangal ang hanapbuhay nating ito, kundi mawalan din ng halaga ang templo ng dakilang diyosang si Artemis. Maaari pang matanggalan ng kadakilaan ang diyosa, na sinasamba ng buong Asia at ng daigdig.” 28 Nang marinig nila ito, nagsiklab ang kanilang galit at nagsigawan, “Dakila si Artemis ng Efeso!” 29 Nagkagulo sa buong lungsod at sama-sama nilang nilusob ang tanghalan, at sinunggaban sina Gaio at Aristarco, mga taga-Macedonia, na kasama ni Pablo sa paglalakbay. 30 Nais sana ni Pablo na humarap sa mga taong-bayan ngunit hindi siya pinayagan ng mga alagad. 31 Nagpadala rin ng mensahe sa kanya ang ilan sa mga kaibigan niyang pinuno sa Asia at siya'y pinakiusapang huwag mangahas lumapit sa tanghalan. 32 Samantala, magulung-magulo ang kapulungan, at iba-iba ang isinisigaw ng taong-bayan at karamihan sa kanila ay hindi alam kung bakit sila naroroon. 33 Itinulak ng mga Judio si Alejandro papuntang unahan, at ang ilan sa mga tao'y may iniuudyok sa kanya. Sumenyas si Alejandro na nais niyang ipagtanggol ang sarili sa mga taong-bayan. 34 Ngunit nang makilala nila na siya'y isang Judio, sabay-sabay nilang isinigaw sa loob ng halos dalawang oras, “Dakila si Artemis ng Efeso!” 35 Nang mapatahimik na ng kalihim ng bayan ang maraming tao ay kanyang sinabi, “Mga lalaking taga-Efeso, sino ba sa mga tao ang hindi nakaaalam na ang lungsod ng Efeso ang tagapag-ingat ng templo ng dakilang si Artemis at ng kanyang estatwa na nahulog mula sa langit? 36 Yamang hindi maikakaila ang mga bagay na ito, dapat kayong huminahon at huwag gumawa ng anumang bagay na padalus-dalos. 37 Ang mga taong dinala ninyo rito'y hindi naman magnanakaw sa templo o lumalapastangan sa ating diyosa. 38 Kaya't kung si Demetrio at ang mga panday na kasama niya ay mayroong sakdal laban kaninuman, bukas ang mga hukuman at naroon ang mga pinuno. Doon kayo magreklamo. 39 Ngunit kung may iba pang bagay kayong hinahangad, dapat itong lutasin sa nararapat na kapulungan. 40 Sapagkat nanganganib tayong maparatangan ng panggugulo sa araw na ito dahil wala naman tayong maibibigay na katwiran sa kaguluhang ito.” 41 Pagkasabi niya ng mga ito, pinaalis na niya ang mga tao.
Footnotes
- Mga Gawa 13:44 Panginoon, sa ibang manuskrito Diyos.
- Mga Gawa 15:14 Simon: Sa Griyego, Simeon.
- Mga Gawa 15:34 Wala ang talatang ito sa mga mas naunang manuskrito.
- Mga Gawa 17:6 lumilikha ng gulo...makarating. Sa Griyego binabaligtad ang mundo.
- Mga Gawa 17:26 Sa ibang manuskrito mula sa isang dugo.
- Mga Gawa 19:9 Sa ibang manuskrito ng isang Tiranno, mula sa ikalabing-isa ng umaga hanggang ikaapat ng hapon.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.