Add parallel Print Page Options

Ang Pamamaalam ni Pablo sa mga Namumuno ng Iglesya sa Efeso

17 Habang nasa Miletus si Pablo, may pinapunta siya sa Efeso para sabihin sa mga namumuno sa iglesya na makipagkita sa kanya. 18 Pagdating nila, sinabi ni Pablo sa kanila, “Alam ninyo kung paano akong namuhay noong kasama pa ninyo ako, mula nang dumating ako sa lalawigan ng Asia. 19 Naglingkod ako sa Panginoon nang may kapakumbabaan at pagluha.[a] Maraming kahirapan ang tiniis ko dahil sa masasamang balak ng mga Judio laban sa akin. 20 Alam din ninyo na wala akong inilihim sa inyo sa aking pagtuturo tungkol sa mga bagay na para sa inyong ikabubuti, na itinuro ko sa publiko at sa bahay-bahay. 21 Pinaalalahanan ko ang mga Judio at mga hindi Judio na kailangan nilang magsisi sa kanilang mga kasalanan at magbalik-loob sa Dios, at sumampalataya sa ating Panginoong Jesus. 22 Ngayon, pupunta ako sa Jerusalem dahil ito ang utos ng Banal na Espiritu sa akin. Hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa akin doon. 23 Ang alam ko lang, kahit saang lungsod ako pumunta, pinapaalalahanan ako ng Banal na Espiritu na bilangguan at pag-uusig ang naghihintay sa akin. 24 Pero hindi mahalaga sa akin kung ano man ang mangyari sa akin, matapos ko lamang ang gawain na ibinigay sa akin ng Panginoong Jesus, na maipangaral ang Magandang Balita tungkol sa biyaya ng Dios.

Read full chapter

Footnotes

  1. 20:19 pagluha: Marahil dahil sa kanyang pagdadalamhati para sa mundo.

Ang Pamamaalam ni Pablo sa Iglesya ng Efeso

17 Mula sa Mileto ay nagpadala siya ng mensahe sa Efeso at ipinatawag ang matatandang namamahala ng iglesya. 18 Pagdating nila ay kanyang sinabi,

“Nalalaman ninyo kung paano akong namuhay noong kasama ninyo ako. Mula sa unang araw ng pagtuntong ko sa Asia, 19 naglingkod ako sa Panginoon nang buong pagpapakumbaba, na may luha at pagtitiis sa gitna ng maraming pagsubok dahil sa mga pagtatangka ng mga Judio. 20 Sa pagtuturo ko sa inyo, sa harap man ng madla o sa bahay-bahay, hindi ko ipinagkait na ihayag ang anumang bagay na kapaki-pakinabang. 21 Ipinahayag ko sa mga Judio at sa mga Griyego na dapat nilang talikuran ang kanilang mga kasalanan upang magbalik-loob sa Diyos at sumampalataya sa ating Panginoong Jesu-Cristo. 22 At ngayon, bilang isang bilanggo ng Espiritu, patungo ako sa Jerusalem, na hindi nalalaman kung ano ang mangyayari sa akin doon. 23 Ang tanging alam ko'y sa bawat lungsod, ang Banal na Espiritu ang nagpahayag sa akin na mga tanikala at kapighatian ang naghihintay sa akin. 24 Subalit (A) hindi ko itinuturing na mahalaga ang aking buhay, maganap ko lamang ang aking tungkulin at ang gawaing tinanggap ko mula sa Panginoong Jesus— ang magpahayag ng Magandang Balita tungkol sa kagandahang-loob ng Diyos.

Read full chapter