Add parallel Print Page Options

22 Nagpatuloy si Pedro sa pagsasalita, “Mga kababayan kong Israelita, makinig kayo sa akin! Si Jesus na taga-Nazaret ay sinugo ng Dios sa inyo, at pinatotohanan ito ng Dios sa pamamagitan ng mga himala at kamangha-manghang ginawa niya sa pamamagitan ni Jesus. Alam nʼyo mismo ang mga ito dahil ang lahat ng itoʼy nangyari rito sa inyo. 23 Alam na noon pa ng Dios na itong si Jesus ay ibibigay sa inyo at ganito na talaga ang kanyang plano. Ipinapatay ninyo siya sa mga makasalanang tao na nagpako sa kanya sa krus. 24 Ngunit binuhay siya ng Dios at iniligtas mula sa kapangyarihan ng kamatayan, dahil ang totoo, kahit ang kamatayan ay walang kapangyarihang pigilan siya. 25 Ito ang sinabi ni David na para rin sa kanya,

    ‘Alam kong ang Panginoon ay lagi kong kasama at hindi niya ako pinapabayaan, kaya hindi ako nangangamba.
26 Kaya masaya ako, at hindi mapigil ang aking pagpupuri sa Dios.
    At kahit mamatay ako, may pag-asa pa rin ako.
27 Sapagkat alam kong hindi mo ako pababayaan doon sa libingan.[a]
    Hindi mo rin hahayaang mabulok ang iyong tapat na lingkod.
28 Itinuro mo sa akin ang daan patungo sa buhay,
    at dahil sa palagi kitang kasama, masayang-masaya ako.’[b]

29 “Mga kababayan, malinaw na hindi tinutukoy ni David ang kanyang sarili, dahil ang ating ninunong si David ay namatay at inilibing, at hanggang ngayon ay alam natin kung saan siya nakalibing. 30 Si David ay propeta at alam niya na nangako ang Dios sa kanya na ang isa sa kanyang mga lahi ay magmamana ng kanyang kaharian. 31 At dahil alam ni David kung ano ang gagawin ng Dios, nagsalita siya tungkol sa muling pagkabuhay ni Cristo, na hindi siya pinabayaan sa libingan at hindi nabulok ang kanyang katawan. 32 Ang kanyang tinutukoy ay walang iba kundi si Jesus na muling binuhay ng Dios, at kaming lahat ay saksi na muli siyang nabuhay. 33 Itinaas siya sa kanan ng Dios.[c] At ibinigay sa kanya ng Ama ang Banal na Espiritung ipinangako sa kanya. Ang Banal na Espiritung ito ay ipinadala naman ni Jesus sa amin, at ang kanyang kapangyarihan ang siyang nakikita ninyo at naririnig ngayon. 34-35 Hindi si David ang itinaas sa langit, pero sinabi niya,

    ‘Nagsalita ang Panginoon sa aking Panginoon[d]:
    Umupo ka rito sa kanan ko hanggang sa mapasuko ko sa iyo ang iyong mga kaaway.’

36 Kaya dapat talagang malaman ng lahat ng Israelita na itong si Jesus na ipinapako nʼyo sa krus ang siyang pinili ng Dios na maging Panginoon at Cristo.”

37 Nang marinig iyon ng mga tao, tumagos ito sa kanilang puso. Kaya nagtanong sila kay Pedro at sa kanyang kasamang mga apostol, “Mga kapatid, ano ang dapat naming gawin?” 38 Sumagot si Pedro sa kanila, “Magsisi ang bawat isa sa inyong mga kasalanan at magpabautismo sa pangalan ni Jesu-Cristo,[e] at mapapatawad ang inyong mga kasalanan at matatanggap ninyo ang regalo ng Dios na walang iba kundi ang Banal na Espiritu. 39 Sapagkat ang Banal na Espiritung ito ay ipinangako para sa inyo, at sa inyong mga anak, at sa lahat ng taong nasa malayo – sa lahat ng tatawagin ng Panginoon nating Dios na magsisilapit sa kanya.”

40 Marami pang ipinahayag si Pedro para patunayan sa kanila ang kanyang sinabi. At hiniling niya sa kanila, “Iligtas ninyo ang inyong sarili sa masamang henerasyong ito.” 41 Marami ang naniwala sa kanyang mensahe at nagpabautismo agad sila. Nang araw na iyon, mga 3,000 tao ang nadagdag sa mga mananampalataya. 42 Naging masigasig sila sa pag-aaral ng mga itinuturo ng mga apostol, sa pagtitipon bilang magkakapatid, sa paghahati-hati ng tinapay, at sa pananalangin.

Ang Pamumuhay ng mga Mananampalataya

43 Maraming himala at kamangha-manghang ginawa ang Dios sa pamamagitan ng mga apostol. Kaya namuhay ang mga tao nang may paggalang at takot sa Dios. 44 Maganda ang pagsasamahan ng mga mananampalataya, at pinag-isa nila ang kanilang mga ari-arian para makabahagi ang lahat. 45 Ipinagbili nila ang kanilang mga lupa at mga ari-arian, at ang peraʼy ipinamahagi nila sa kanilang mga kasama ayon sa pangangailangan ng bawat isa. 46 Araw-araw, nagtitipon sila sa templo at naghahati-hati ng tinapay sa kanilang mga bahay. Lubos ang kagalakan nila sa kanilang pakikibahagi sa pagkain, 47 at palagi silang nagpupuri sa Dios. Nagustuhan sila ng lahat ng tao. Araw-araw ay idinaragdag sa kanila ng Panginoon ang mga taong kanyang inililigtas.

Read full chapter

Footnotes

  1. 2:27 libingan: o, lugar ng mga patay; sa literal, Hades. Ganito rin sa talatang 31.
  2. 2:28 Salmo 16:8-11.
  3. 2:33 Itinaas siya sa kanan ng Dios na siyang pinakamataas na posisyon.
  4. 2:34-35 Panginoon: Sa Griego: Kurios, na ang ibig sabihin ay Panginoon o amo.
  5. 2:38 sa pangalan ni Jesu-Cristo: Ang ibig sabihin, sa pagpapakilala na silaʼy kay Jesu-Cristo na.

22 “Pakinggan ninyo ito, mga Israelita. Itong si Jesus na taga-Nazareth ay pinatunayan sa inyo ng Diyos sa pamamagitan ng mga himala, mga kababalaghan at mga tandang ginawa ng Diyos sa pamamagitan niya. Alam ninyo ito sapagkat naganap ang mga ito sa gitna ninyo. 23 Sa mula't mula pa'y alam na at ipinasya na ng Diyos na ibigay sa inyo si Jesus. At ipinako ninyo siya sa krus at ipinapatay sa mga makasalanan. 24 Subalit ang Diyos ang muling bumuhay sa kanya, at nagpalaya sa kanya mula sa pagdurusa ng kamatayan, dahil wala naman itong kakayahang maghari sa kanya. 25 Gaya nga ng sinabi ni David tungkol sa kanya:

‘Noon pa'y nakita kong lagi kong kapiling ang Panginoon;
    Siya'y kasama ko[a] kaya't hindi ako matitinag.
26 Dahil dito'y nagalak ang aking puso at sa dila ko'y nag-umapaw ang tuwa,
    at ang aking katawan ay mabubuhay sa pag-asa.
27 Sapagkat ang kaluluwa ko'y hindi mo hahayaan sa kamatayan[b];
    o ipahihintulot man lang na ang iyong Banal ay makaranas ng kabulukan.
28 Ipinakita mo sa akin ang mga daan ng buhay,
    at sa piling mo'y mapupuno ako ng kagalakan.’

29 Mga kapatid, buong katiyakang sasabihin ko sa inyo na ang ating ninunong si David ay namatay at inilibing. At ang libingan niya'y nasa atin hanggang ngayon. 30 Palibhasa'y propeta si David noong nabubuhay pa, nalalaman niya ang taimtim na pangako sa kanya ng Diyos: na magiging haring tulad niya ang isa mula sa kanyang angkan. 31 Nakita na at ipinahayag na ni David na muling bubuhayin ng Diyos ang Cristo nang kanyang sabihin:

    ‘Hindi siya pinabayaan sa daigdig ng mga patay; ni ang katawan niya'y makaranas ng kabulukan.’

32 Ngayon, kaming lahat ay mga saksi na ang Jesus na ito ay muling binuhay ng Diyos. 33 Dahil iniluklok siya sa kanan ng Diyos, at tinanggap niya mula sa Ama ang ipinangakong Banal na Espiritu, nakikita at naririnig ninyo ito na ibinuhos sa amin ngayon. 34 Sapagkat hindi si David ang umakyat sa langit, subalit sinabi niya: Ang Panginoon ang nagsabi sa aking Panginoon: ‘Maupo ka sa aking kanan, 35 hanggang mailagay ko sa ilalim ng iyong mga paa ang iyong mga kaaway.’ 36 Kaya't dapat malaman ng buong sambahayan ng Israel, na itong si Jesus na inyong ipinako sa krus ay itinalaga ng Diyos na Panginoon at Cristo.” 37 Nabagabag ang kanilang kalooban nang marinig nila ang sinabi ni Pedro, kaya't nagtanong sila kay Pedro at sa ibang mga apostol, “Mga kapatid, ano ang dapat naming gawin?” 38 Sumagot si Pedro, “Talikuran ninyo ang inyong kasalanan at magpabautismo kayo sa pangalan ni Jesu-Cristo upang patawarin kayo, at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Banal na Espiritu. 39 Sapagkat para sa inyo ang pangako, at para sa inyong mga anak, at sa lahat ng nasa malayo, at sa lahat ng tatawagin ng ating Panginoong Diyos tungo sa kanya.” 40 Marami pang sinabi si Pedro bilang patunay upang sila'y himukin. Nakiusap siya sa kanila, “Iligtas ninyo ang inyong mga sarili mula sa masamang lahing ito.” 41 Kaya't nagpabautismo ang tumanggap sa kanyang sinabi. At nang araw na iyon, may tatlong libong katao ang nadagdag sa mga alagad. 42 Masigasig silang nanatili sa mga turo ng apostol, sa pagsasama-sama bilang magkakapatid, sa pagpuputul-putol ng tinapay, at sa pananalangin.

Ang Buhay ng Magkakapatid

43 Naghari sa lahat ang takot, at maraming kababalaghan at himala ang naganap sa pamamagitan ng mga apostol. 44 At (A) nagsama-sama ang lahat ng mga mananampalataya at ibinahagi ang kanilang mga ari-arian para sa lahat. 45 Ipinagbili nila ang kanilang mga ari-arian at mga kayamanan at ang napagbilhan ay ipinamahagi sa lahat, ayon sa pangangailangan ng bawat isa. 46 Araw-araw silang nagsasama-sama sa templo, at nagpuputul-putol ng tinapay sa bahay-bahay. Ginagawa nila ang mga ito nang may galak at bukás na kalooban. 47 Habang nagpupuri sila sa Diyos at kinalulugdan ng lahat ng mga tao, ay araw-araw namang idinaragdag ng Panginoon sa kanila ang kanyang mga inililigtas.

Read full chapter

Footnotes

  1. Mga Gawa 2:25 Sa Griyego, nasa kanan ko.
  2. Mga Gawa 2:27 Sa Griyego, sa Hades, lugar ng kamatayan.