Add parallel Print Page Options

Nagpaliwanag si Pedro Patungkol sa Kaniyang Gawain

11 Narinig ng mga apostol at ng mga kapatid sa Judea na tumanggap din ang mga Gentil ng salita ng Diyos.

Nang umahon si Pedro sa Jerusalem, nakipagtalo sa kaniya ang mga nasa pagtutuli. Sinabi nila: Nakisalamuha ka sa mga taong hindi tuli at kumaing kasalo nila.

Ngunit sinimulan ni Pedro ang maayos na pagsasaysay sa kanila ng mga pangyayari. Sinabi niya: Ako ay nasa lungsod ng Jope na nananalangin. Sa aking kalalagayang tulad ng nananaginip, nakakita ako ng isang pangitain. May isang kaga­mitang bumababa na gaya ng malapad na kumot. Ibinababa ito mula sa langit na may nakatali sa apat na sulok at umabot hanggang sa akin. Tinitigan ko iyon at pinagwari. Nakita ko ang mga hayop sa lupa na may tig-apat na paa, ang mga mababangis na hayop, ang mga gumagapang na hayop at ang mga ibon sa himpapawid. Nakarinig din ako ng isang tinig na nagsasabi sa akin: Tumindig ka, Pedro. Kumatay ka at kumain.

Ngunit sinabi ko: Hindi maaari, Panginoon, sapagkat kailanman ay walang anumang pangkaraniwan o marumi na pumasok sa aking bibig.

Ngunit sumagot muli sa akin ang tinig mula sa langit: Ang nilinis ng Diyos ay huwag mong ipalagay na pangkaraniwan. 10 Ito ay nangyari ng tatlong ulit at muling binatak ang lahat sa langit.

11 At narito, agad na dumating ang tatlong lalaki sa bahay na tinutuluyan ko. Sila ang mga isinugo sa akin mula sa Cesarea. 12 Sinabi sa akin ng Espiritu na sumama ako sa kanila ng walang pag-aalinlangan. Sumama rin naman sa akin ang anim na mga kapatid na ito at pumasok kami sa bahay ng lalaking iyon. 13 Isinalaysay niya sa amin kung paano niya nakita ang isang anghel sa kaniyang bahay. Ito ay nakatayo at nagsabi sa kaniya: Magsugo ka sa Jope ng mga lalaki. At ipasundo mo si Simon na tinatawag na Pedro. 14 Siya ang magsasaysay sa iyo ng mga salita, sa ikaliligtas mo at ng iyong buong sambahayan.

15 Nang ako ay magsimulang magsalita, bumaba sa kanila ang Banal na Espiritu tulad din naman ng pagbaba niya sa atin noong pasimula. 16 Naalaala ko ang salita ng Panginoon kung paanong sinabi niya: Tunay na si Juan ay nagbawtismo sa tubig. Ngunit kayo ay babawtismuhan sa Banal na Espiritu. 17 Kung binigyan sila ng Diyos ng ganoon ding kaloob na ibinigay sa atin na sumampalataya sa Panginoong Jesucristo, sino ba ako na makakasalungat sa Diyos?

18 Nang marinig nila ang mga bagay na ito, tumahimik sila. Pinuri nila ang Diyos na sinasabi: Kung gayon ay binigyandin naman ng Diyos ang mga Gentil ng pagsisisi patungo sa buhay.

Ang Iglesiya sa Antioquia

19 Ang mga mananampalatayang nangalat dahil sa kahi­rapan na nangyari kay Esteban ay naglakbay hanggang sa Fenicia, sa Chipre at sa Antioquia. Wala silang ibang pinagsaysayan ng salita kundi ang mga Judio lamang.

20 Ngunit ang ilan sa kanila na taga-Chipre at taga-Cerene ay dumating sa Antioquia. Sila ay nagsalita sa mga Judio naang wika ay Griyego at ipinangangaral ang ebanghelyo ng Panginoong Jesus. 21 Ang kamay ng Panginoon ay sumakanila. Marami sa kanila ang sumampalataya at nanumbalik sa Panginoon.

22 Ang ulat patungkol sa mga bagay na ito ay nakarating sa pandinig ng iglesiya na nasa Jerusalem. Sinugo nila si Bernabe hanggang sa Antioquia. 23 Nang siya ay dumating, nakita niya ang biyaya ng Diyos. Siya ay nagalak at ipinamanhik niya sa lahat na sa kapasiyahan ng kanilang puso ay manatili sila sa Panginoon. 24 Ito ay sapagkat siya ay mabuting tao, puspos ng Banal na Espiritu at ng pananampalataya. Kaya ang napaka­raming tao ay nadagdag sa Panginoon.

25 Si Bernabe ay pumunta sa Tarso upang hanapin si Saulo. 26 At nang siya ay matagpuan niya, dinala niya siya sa Antioquia. Nangyari na sa buong isang taon, sila ay nakipag­tipon sa buong iglesiya. Sila ay nagturo sa maraming tao. Ang mga alagad ay unang tinawag na mga Kristiyano sa Antioquia.

27 Nang panahong iyon, may mga propetang lumusong mula sa Jerusalem at dumating sa Antioquia. 28 Tumindig ang isa sa kanila na nagngangalang Agabo. Ipinahayag niya sa pamamagitan ng Espiritu na magkakaroon ng malaking taggutom sa buong sanlibutan. Ito ay nangyari sa kapanahunan ni Claudio Cesar. 29 Nakatalaga na ang loob ng mga alagad na magpadala ng tulong sa mga kapatid na nakatira sa Judea, ayon sa kakayanan ng bawat isa. 30 Ipinadala nila ito sa mga matanda sa pamamagitan ng kamay ni Bernabe at ni Saulo.

Iniligtas ng Anghel si Pedro Mula sa Bilangguan

12 Nang panahon ding iyon, ipinadakip ni haring Herodes ang ilan sa mga tao sa iglesiya upang pahirapan.

Pinatay niya sa pamamagitan ng tabak si Santiago na kapatid ni Juan. Nang makita niya na ikinatutuwa ito ng mga Judio, ipinadakip rin niya si Pedro. Nangyari ito noong mga Araw ng Tinapay na walang Pampaalsa. Ipinabilanggo ni Herodes si Pedro ng mahuli niya ito. Siya ay ibinigay sa apat na pangkat na may tig-aapat na kawal upang bantayan. Binabalak ni Herodes na iharap si Pedro sa mga tao pagkatapos ng paggunita sa araw ng Paglampas.

Si Pedro nga ay binantayan sa bilangguan, ngunit ang iglesiya ay maningas na nanalangin sa Diyos patungkol sa kaniya.

Sa gitna ng dalawang kawal si Pedro ay natutulog na nagagapos ng dalawang tanikala. Ang mga bantay sa harap ng pintuan ay nagbabantay sa bilangguan. Ito ay nangyari nang gabing ilalabas na siya ni Herodes. At narito, tumayo sa tabi niya ang isang anghel ng Panginoon. Lumiwanag ang isang ilaw sa gusali at tinapik ng anghel si Pedro sa tagiliran. Siya ay ginising na sinasabi: Bumangon kang madali. Nalaglag ang mga tanikala sa kaniyang mga kamay.

Sinabi sa kaniya ng anghel: Magbihis ka at itali mo ang iyong mga panyapak. Gayon ang ginawa niya. Sinabi niya sa kaniya: Isuot mo ang iyong balabal at sumunod ka sa akin. Siya ay lumabas at sumunod. Hindi niya alam na totoo ang nangyayaring ito sa pamamagitan ng anghel dahil ang akala niya ay nakakita lamang siya ng isang pangitain. 10 Nilampasan na nila ang una at ikalawang bantay. Dumating sila sa pintuang bakal na patungo sa lungsod at ito ay kusang nabuksan para sa kanila. Sila ay lumabas at nagpatuloy sa isang lansangan. Bigla na lamang siyang iniwan ng anghel.

11 Nang maliwanagan si Pedro, sinabi niya: Ngayon ko nalamang totoong sinugo ng Panginoon ang kaniyang anghel upang iligtas ako mula sa kamay ni Herodes at sa mang­yayaring inaasahan ng mga Judio.

12 Habang pinag-iisipan niya ito, nakarating siya sa bahay ni Maria, na ina ni Juan, na tinatawag na Marcos. Nagkatipun-tipon dito ang marami at nananalangin. 13 Nang si Pedro ay tumuktok sa pintuan, lumabas at sumagot ang isang dalagita. Ang pangalan niya ay Roda. 14 Nang makilala niya ang tinig ni Pedro, hindi niya nabuksan ang tarangkahan sa tuwa. Siya ay tumakbo sa loob at ipinagbigay-alam na si Pedro ay nakatayo sa harap ng tarangkahan.

15 Sinabi nila sa kaniya: Nababaliw ka. Ngunit pinatutunayan niyang siya nga. Kaya sinabi nila: Iyon ay kaniyang anghel.

16 Ngunit si Pedro ay patuloy na kumakatok. Nang mabuksan na nila ang tarangkahan, nakita nila siya at namangha sila. 17 Ngunit hinudyatan niya sila na tuma­himik. Isinaysay niya sa kanila kung papaano siya inilabas ng Panginoon sa bilangguan. Sinabi niya: Ipagbigay-alam ninyo ang mga bagay na ito kay Santiago at sa mga kapatid. Siya ay umalis at nagpunta sa ibang dako.

18 Nang mag-umaga na, lubhang nagkagulo ang mga kawal dahil sa pagkawala ni Pedro. 19 Siya ay ipinahanap ni Herodes at hindi siya nasumpungan. Dahil dito siniyasat niya ang mga bantay at ipinag-utos na sila ay patayin. Siya ay lumusong sa Cesarea mula sa Judea at doon nanatili.

Namatay si Herodes

20 Galit na galit si Herodes sa mga taga-Tiro at taga-Sidon. Sila ay nagkakaisang pumaroon sa kaniya. Nang mahimok nila si Blasto na katiwala ng hari, ipinamanhik nila ang pagkaka­sundo sapagkat ang lupain nila ay pinakakain ng lupain nghari.

21 Pagsapit ng takdang araw, si Herodes ay nagsuot ng damit-hari. Umupo siya sa luklukan at nagtalumpati sa kanila. 22 Ang mga tao ay sumigaw: Tinig ng diyos at hindi ng tao. 23 Siya ay kaagad na hinampas ng isang anghel ng Panginoon sapagkat hindi niya ibinigay ang kaluwalhatian sa Diyos. Siya ay kinain ng mga uod at namatay.

24 Ang salita ng Diyos ay lumago at lumaganap.

25 Sina Bernabe at Saulo ay bumalik galing sa Jerusalem nang maganap na nila ang kanilang paglilingkod. Isinama nila si Juan na tinatawag na Marcos.

Sinugo sina Bernabe at Saulo

13 Sa iglesiya nga na nasa Antioquia ay may mga propeta at mga guro. Sila ay sina Bernabe, Simeon na tinatawag na Negro at si Lucio na taga-Cerene. Kabilang din si Manaem na kinakapatid ni Herodes na tetrarka at si Saulo.

Nang sila ay naglilingkod sa Panginoon at nag-aayuno, sinabi ng Banal na Espiritu: Ibukod ninyo sa akin si Bernabe at si Saulo para sa gawaing kung saan sila ay tinawag ko. Nang makapanalangin na sila at makapag-ayuno, ipinatong nila ang kanilang mga kamay sa kanila at pagkatapos nito, sila ay pinahayo.

Sa Chipre

Kaya nga, sila na sinugo ng Banal na Espiritu ay lumusong sa Seleucia. Buhat doon ay naglayag sila hanggang sa Chipre.

Nang sila ay nasa Salamina, ipinangaral nila ang salita ng Diyos sa mga sinagoga ng mga Judio. Kasama rin naman nila si Juan na kanilang lingkod.

Nang matahak na nila ang buong pulo hanggang sa Pafos, nakatagpo sila ng isang manggagaway, isang bulaang propeta. Siya ay isang Judio na ang pangalan ay Bar-Jesus. Kasama siya ng gobernador na si Sergio Paulo na isang lalaking matalino. Siya ang nagpatawag kay Bernabe at kay Saulo dahil hinahangad niyang mapakinggan ang salita ng Diyos. Ngunit hinadlangan sila ni Elimas na mangga­gaway. Ang kahulugan ng pangalang Bar-Jesus ay Elimas. Pinagsisikapan niyang ilihis sa pananampalataya ang gobernador. Ngunit tinitigan siya ni Saulo, na tinatawag ding Pablo, na puspos ng Banal na Espiritu. 10 Sinabi niya: O ikaw na anak ng diyablo, puno ka ng lahat ng pandaraya at ng lahat ng panlilinlang. Ikaw na kaaway ng lahat ng katuwiran, hindi ka ba titigil sa paglihis ng mga daang matuwid ng Panginoon? 11 At ngayon, narito, ang kamay ng Panginoon ay nasa iyo. Mabubulag ka at hindi mo makikita ang araw sa ilang panahon.

Kaagad na nahulog sa kaniya ang isang ulap at ang kadiliman. Siya ay lumibot na naghahanap ng aakay sa kaniya.

12 Nang magkagayon, nang makita ng gobernador ang nang­yari, sumampalataya siya. At lubos silang namangha sa katuruan ng Panginoon.

Sa Antioquia ng Pisidia

13 Si Pablo at ang kaniyang mga kasama ay naglayag mula sa Pafos at umabot sa Perga ng Pamfilia. Si Juan ay humiwalay sa kanila at bumalik sa Jerusalem.

14 Nang makaraan sila sa Perga, dumating sila sa Antioquia ng Pisidia. Sila ay pumasok sa sinagoga nang araw ng Sabat at sila ay umupo. 15 Pagka­tapos ng pagbasa ng aklat ng kautusan at ng aklat ng mga propeta, ang mga pinuno sa sinagoga ay nagpasabi sa kanila. Sinabi nila: Mga kapatid, kung mayroon kayong salita na makakapagpalakas ng loob sa mga tao, magsalita kayo.

16 Tumayo si Pablo at inihudyat ang kamay na sinabi: Mga lalaking taga-Israel, kayong may takot sa Diyos, makinig kayo. 17 Ang Diyos ng mga taong ito ng Israel ay pinili ang ating mga ninuno. Pinarangalan niya ang mga tao nang sila ay nanirahan sa bayan ng Egipto at inilabas niya sila mula roon sa pamamagitan ng makapangyarihang bisig. 18 Sa loob ng halos apatnapung taon ay pinagtiisan niya ang kanilang mga pag-uugali sa ilang. 19 Nang maibagsak na niya ang pitong bansa sa lupain ng Canaan, hinati niya sa kanila ang kanilang bayan. 20 Pagkatapos ng mga bagay na ito, nagbigay siya ng mga hukom.

Ito ay naganap sa loob ng halos apatnaraan at limampung taon hanggang kay Samuel na propeta.

21 Pagkatapos ay humingi sila ng hari. Ibinigay sa kanila ng Diyos si Saulo na anak ni Kis. Siya ay mula sa angkan ni Benjamin. Naghari siya sa kanila sa loob ng apatnapung taon. 22 Nang siya ay inalis niya, itinindig niya para sa kanila si David upang maging hari. Siya rin naman ang pinatotohanan niya na sinabi:

Nasumpungan ko si David na anak ni Jesse. Siya ang lalaking ayon sa aking puso na gagawa ng buong kalooban ko.

23 Sa lahi ng taong ito, ayon sa pangako, ang Diyos ay nagtindig ng isang Tagapagligtas sa Israel. Siya ay si Jesus. 24 Bago siya dumating ay nangaral muna si Juan ng bawtismo ng pagsisisi sa lahat ng mga tao sa Israel. 25 Nang ginaganap na ni Juan ang kaniyang katungkulan, sinabi niya: Sino ba ako sa akala ninyo? Hindi ako ang Mesiyas. Ngunit narito, may isang dumarating sa hulihan ko. Hindi ako karapat-dapat magkalag ng mga panyapak ng kaniyang mga paa.

26 Mga kapatid, mga anak ng lahi ni Abraham at sa inyong mga may takot sa Diyos, sa inyo ipinadadala ang salita ng kaligtasang ito. 27 Ito ay sapagkat hindi siya nakilala ng mamamayan ng Jerusalem at ng kanilang mga pinuno. Ngunit sa paghatol sa kaniya, ginanap nila ang mga hula ng mga propeta na binabasa tuwing araw ng Sabat. 28 Bagaman hindi sila nakakita ng anumang dahilan upang hatulan siya ng kamatayan, hiniling pa rin nila kay Pilato na siya ay patayin. 29 Nang maganap na nila ang lahat ng mga bagay na nasusulat patungkol sa kaniya, ibinaba siya ng mga alagad mula sa kahoy at inilagay sa libingan. 30 Ngunit siya ay binuhay ng Diyos mula sa mga patay. 31 Maraming araw siyang nakita ng mga naging kasama niya sa pag-ahon mula sa Galilea hangggang sa Jerusalem. Sila ang mga naging saksi niya sa mga tao.

32 Ipinangangaral namin sa inyo ang ebanghelyo na ipinangako sa ating mga ninuno. 33 Tinupad din ito ng Diyos sa atin na mga anak nila nang muli niyang buhayin si Jesus. Gaya rin naman ng nasusulat sa ikalawang Awit:

Ikaw ay aking Anak. Sa araw na ito ay ipina­nganak kita.

34 Patungkol naman sa muli niyang pagkabuhay mula sa mga patay upang hindi magbalik sa pagkabulok ay nagsalita siya ng ganito:

Ibibigay ko sa iyo ang mga tapat na pangako ng Diyos kay David.

35 Kaya nga, sinabi rin niya sa ibang Awit:

Hindi mo pababayaan na ang iyong Banal ay magdanas ng pagkabulok.

36 Ito ay sapagkat si David, nang matapos niyang paglingkuran ang kaniyang sariling lahi ayon sa kalooban ng Diyos ay namatay. Siya ay inilibing sa piling ng kaniyang mga ninuno at dumanas ng pagkabulok. 37 Ngunit siya na muling binuhay ng Diyos ay hindi dumanas ng pagkabulok.

38 Kaya nga, alamin ninyo ito mga kapatid, na sa pamama­gitan ng lalaking ito ay ibinabalita sa inyo ang kapatawaranng mga kasalanan. 39 Sa pamamagitan niya, ang lahat ng sumasampalataya ay pinaging-matuwid sa lahat ng bagay. Sa mga bagay na ito ay hindi kayo maaaring mapapaging-matuwid sa pamamagitan ng kautusan ni Moises. 40 Mag-ingat nga kayo na huwag mangyari sa inyo ang sinalita ng mga propeta:

41 Narito, kayong mga mapangutya, mamangha kayo at mapapahamak sapagkat may gagawin ako sa inyong mga araw. Ito ay isang gawa na sa anumang paraan ay hindi ninyo paniniwalaan kahit na may isang tao pang magsabi sa inyo.

42 Nang ang mga Judio ay nakaalis na sa sinagoga, ipina­manhik ng mga Gentil sa kanila na ang mga salitang ito ay ipangaral sa kanila sa susunod na araw ng Sabat. 43 Nang makaalis na ang kapulungan sa sinagoga, marami sa mga Judio at mga naging Judiong masisipag sa kabanalan ang sumunod kay Pablo at kay Bernabe. Sila ay kinausap nila sila at hinimok na manatili sa biyaya ng Diyos.

44 Nang sumunod na araw ng Sabat ay nagkatipon ang halos buong lungsod upang makinig ng Salita ng Diyos. 45 Nang makita ng mga Judio ang maraming tao, sila ay napuno ng inggit. Tinutulan nila ang mga bagay na sinalita ni Pablo. Sumasalungat sila at nanunungayaw.

46 Kaya si Pablo at Bernabe ay buong tapang na nagsabi: Kinakailangang sa inyo muna sabihin ang salita ng Diyos. Itinakwil at hinatulan ninyong hindi kayo karapat-dapat sa buhay na walang hanggan. Kaya tingnan nga ninyo, kami ay bumaling sa mga Gentil. 47 Ito ay sapagkat sa ganitong paraan ay iniutos sa amin ng Panginoon:

Itinalaga kita bilang isang ilaw sa mga Gentil para sa kaligtasan hanggang sa mga kadulu-duluhan ng daigdig.

48 Nang marinig ito ng mga Gentil ay nagalak sila. Niluwalhati nila ang salita ng Panginoon at sumampalataya ang lahat ng mga itinalaga sa buhay na walang hanggan.

49 Ang salita ng Panginoon ay dinala nila sa buong lupain. 50 Ngunit inudyukan ng mga Judio ang mga babaeng pala­simba at yaong may matataas na kalagayan at ang mga pangunahing lalaki sa lungsod. At sila ay nagsimula pag-uusig laban kay Pablo at Bernabe. Pinalayas nila sila sa lupaing iyon. 51 Ipinagpag nina Pablo at Bernabe ang alikabok ng kanilang mga paa laban sa kanila. Pagkatapos sila ay pumaroon sa Iconio. 52 Ang mga alagad ay napuspos ng kagalakan at ng Banal na Espiritu.

Sa Iconio

14 Sa Iconio, sila ay magkasamang pumasok sa sinagoga ng mga Judio. Sila ay nagsalita, at sumampalataya ang napakaraming tao kapwa mga Judio at mga Griyego.

Ngunit inudyukan ng mga di naniniwalang Judio ang mga Gentil. At pinasama ang kanilang mga isipan laban sa mga kapatid. Sila nga ay tumira doon ng mahabang panahon. Buong tapang silang nangaral para sa Panginoon. Pinatotohanan ng Panginoon ang salita ng kaniyang biyaya at pinagkalooban silang gawin ang mga tanda at mga kamangha-manghang gawa sa pamamagitan ng kanilang mga kamay. Ngunit ang napaka­raming tao sa lungsod ay nagkabaha-bahagi. Ang isang bahagi ay pumanig sa mga Judio at ang isang bahagi naman ay pumanig sa mga alagad. Nagkaroon ng kilusan sa mga Gentil at sa mga Judio rin naman kasama ang kanilang mga pinuno upang sila ay hamakin at batuhin. Nang nalaman nila ito, sila ay tumakas patungong Listra at Derbe na mga lungsod ng Licaonia at sa mga lupain sa palibot nito. Doon sila ay patuloy na nangaral ng ebanghelyo.

Sa Listra at Derbe

May isang lalaki sa Listra na ang mga paa ay walang lakas at siya ay nakaupo. Kailanman ay hindi siya nakalakad sapagkat siya ay lumpo, mula pa sa tiyan ng kaniyang ina.

At narinig ng taong ito na nagsasalita si Pablo. Tinitigan siya ni Pablo at nakita na siya ay may pananampalataya na siya ay mapapagaling. 10 Sinabi sa kaniya sa malakas na tinig: Tumayo ka nang matuwid. Siya ay lumukso at lumakad.

11 Nang makita ng napakaraming tao ang ginawa ni Pablo, nagsigawan sila. Sinabi nila sa wikang Licaonia: Ang mga diyos ay bumaba sa atin na katulad ng mga tao. 12 Si Bernabe ay tinawag nilang Zeus. Si Pablo naman ay Hermes sapagkat siya ang punong tagapagsalita. 13 Ang saserdote ni Zeus na nasa harap ng kanilang lungsod ay nagdala ng mga toro at mga putong na bulaklak sa mga pintuang-daan. Ibig niyang maghandog ng hain, kasama ang maraming tao.

14 Nang marinig ito ng mga apostol na sina Pablo at Bernabe, hinapak nila ang kanilang mga damit. Tumakbo sila sa gitna ng napakaraming tao at sumigaw. 15 Sinabi nila: Mga kalalakihan, bakit ninyo ginawa ang mga bagay na ito? Kami ay mga tao ring may damdaming katulad ninyo. Nangaral kami ng ebanghelyo sa inyo upang mula sa mga bagay na ito na walang kabuluhan ay bumalik kayo sa Diyos na buhay. Siya ang gumawa ng langit, lupa, dagat at lahat ng nasa mga yaon. 16 Nang mga nakaraang panahon, pinabayaan niyang ang lahat ng mga bansa ay lumakad sa kanilang mga sariling daan. 17 Gayunman, hindi siya nagpabayang di-magbigay patotoo patungkol sa kaniyang sarili. Gumawa siya ng mabuti at nagbigay sa atin ng ulan na galing sa langit at ng mga panahong sagana. Binubusog ang ating mga puso ng pagkain at ng katuwaan. 18 Sa mga pananalitang ito ay bahagya na nilang napigil ang maraming tao sa paghahandog ng hain sa kanila.

19 Dumating ang mga Judiong buhat sa Antioquia at Iconio na nanghimok ng maraming tao. Pinagbabato nila si Pablo at kinaladkad nila siya sa labas ng lungsod. Inaakala nilang siya ay patay na. 20 Ngunit samantalang ang mga alagad ay nakatayo sa paligid niya, tumindig siya. Pumasok siya sa lungsod. Kinabukasan pumunta siya sa Derbe kasama si Bernabe.

Si Pablo at Bernabe ay Bumalik sa Antioquia ng Siria

21 Nang maipangaral na nila ang ebanghelyo sa lungsod na iyon at makapagturo sa maraming alagad, bumalik sila sa Listra, sa Iconio at sa Antioquia.

22 Pinatatag nila ang mga kaluluwa ng mga alagad. Ipinamanhik niya sa kanila na sila ay manatili sa pananampalataya na sa pamamagitan ng maraming mga paghihirap, kinakailangang pumasok tayo sa paghahari ng Diyos. 23 Nang makapagtalaga na sila ng mga matanda sa bawat iglesiya, at nang makapanalangin na may pag-aayuno, sila ay kanilang itinagubilin sa Panginoon na kanilang sinampalatayanan. 24 Tinahak nila ang Pisidia at pumaroon sa Pamfilia. 25 Nang maipangaral na nila ang salita sa Perga, lumusong sila sa Atalia.

26 Mula doon ay naglayag sila sa Antioquia na kung saan sila ay itinagubilin sa biyaya ng Diyos para sa gawaing natapos nila. 27 Nang dumating sila at matipon na ang iglesiya, isinaysay nila ang lahat ng mga bagay na ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila. Isinaysay rin nila kung paanong binuksanng Diyos sa mga Gentil ang pintuan ng pananampalataya. 28 Tumira sila roon nang mahabang panahon kasama ng mga alagad.

Ang Pulong sa Jerusalem

15 May ilang mga kalalakihan ang bumaba mula sa Judea at nagturo sa mga kapatid. Sinabi nila: Malibang kayo ay patuli ayon sa kaugalian ni Moises, hindi kayo maliligtas.

Kaya nga, dahil kina Pablo at Bernabe ay nagkaroon ng mahigpit na kaguluhan at pagtatalo sa kanila. Pinagpasiyahan nilang suguin sina Pablo at Bernabe at ilan pa sa kanila na umahon sa Jerusalem at makipagkita sa mga apostol at sa mga matanda patungkol sa katanungang ito. Sinugo nga sila ng iglesiya. Nang sila ay nagdaan sa Fenecia at Samaria, ibinalita nila ang pagnunumbalik ng mga Gentil. Sila ay nakapagbigay ng malaking kagalakan sa lahat ng mga kapatid. Nang sila ay dumating sa Jerusalem, tinanggap sila ng iglesiya, ng mga apostol at ng mga matanda. Isinaysay nila ang lahat ng bagay na ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila.

Ngunit tumindig ang ilan sa sekta ng mga mananam­palatayang Fariseo. Sinabi nila: Kinakailangang sila ay tuliin at iutos sa kanila na ganapin ang kautusan ni Moises.

Nagtipon ang mga apostol at ang mga matanda upang pag-usapan ang bagay na ito. Pagkatapos ng maraming pagtatalo, tumindig si Pedro. Sinabi niya sa kanila: Mga kapatid, nalalaman natin na nang nakaraang mga araw ay hinirang ako ng Diyos mula sa inyo. Hinirang ako upang sa pamamagitan ng aking bibig ay mapakinggan ng mga Gentil ang salita ng ebanghelyo at upang sila ay sumampalataya. Sila ay kinilala ng Diyos na nakakaalam ng puso ay siya ring nagbigay sa kanila ang Banal na Espiritu na gaya rin naman ng ginawa niya sa atin. Wala siyang ibinibigay na anumang kaibahan sa atin at sa kanila. Nilinis niya ang kanilang mga puso sa pamamagitan ng pananampalataya. 10 Ngayon nga, bakit ninyo sinusubuk ang Diyos? Bakit ninyo nilalagyan ng pamatok ang mga alagad na kahit ang ating mga ninuno, ni tayo man ay hindi makadala? 11 Subalit sa pamamagitan ng biyaya ng Panginoong Jesucristo tayo ay naniniwala na maliligtas tayo, gaya rin naman nila.

12 Pagkatapos nito, tumahimika ang napakaraming tao. Pinakinggan nila sina Pablo at Bernabe na nagsasaysay ng mga tanda at ng mga kamangha-manghang gawa na ginawa ng Diyos sa mga Gentil sa pamamagitan nila. 13 Nang tumahimik sila, sumagot si Santiago na sinasabi: Mga kapatid, pakinggan ninyo ako. 14 Isinalaysay na ni Simeon kung paanong noong una ay dinalaw ng Diyos ang mga Gentil upang pumili sa kanila ng mga tao para sa kaniyang pangalan. 15 Naaayon ito sa mga salita ng mga propeta. Ayon sa nasusulat:

16 Pagkatapos nito, ako ay babalik at itatayo kong muli ang tolda ni David na bumagsak. Itatayo kong muli ang mga nasira nito at ito ay aking ititindig muli. 17 Upang hanapin nawa ng nalabi sa mga tao ang Panginoon at ng lahat ng mga Gentil na tinatawag sa aking pangalan. Ito ang sabi ng Panginoon na gumawa ng lahat ng mga bagay na ito. 18 Alam ng Diyos ang lahat ng kaniyang mga gawa mula sa walang hanggan.

19 Dahil dito, ang hatol ko ay huwag gambalain iyong mga Gentil na nanumbalik sa Diyos. 20 Sa halip, sulatan natin sila na lumayo sa mga bagay na nadungisan ng diyos-diyosan, sa kasalanang sekswal, sa mga binigti at sa dugo. 21 Ito ay sapagkat mula pa nang unang panahon, sa bawat lungsod ay may mga nangaral na patungkol sa mga isinulat ni Moises. Binabasa ito sa mga sinagoga bawat araw ng Sabat.

Ang Sulat ng Kapulungan sa mga Mananampalatayang Gentil

22 Nang magkagayon, minabuti ng mga apostol at ng mga matanda gayundin ng buong iglesiya na humirang ng mga lalaking mula sa kanila upang suguin sila sa Antioquia kasama nina Pablo at Bernabe. Sila ay sina Judas na tinatawag na Barsabas at si Silas na mga tagapanguna sa mga kapatid.

23 Sumulat sila ng ganito:

Kaming mga apostol, mga matanda at mga kapatid ay bumabati sa inyo na aming mga kapatid na nasa mga Gentil sa Antioquia, sa Siria at sa Cilicia.

24 Sumulat kami sapagkat nabalitaan namin na ang ilang umalis sa amin ay gumugulo sa inyo sa pamama­gitan ng mga salita. Nililigalig nila ang inyong mga kaluluwa na sinasabi: Kinakailangang kayo ay tuliin at ganapin ang kautusan. Hindi kami nag-uutos ng ganito sa kaninuman sa kanila. 25 Kaya minabuti namin ang may pagkakaisang magsugo sa inyo ng mga hinirang na lalaki. Sila ay kasama ng aming mga minamahal na Bernabe at Pablo. 26 Sila ay mga lalaking nagsusuong ng kanilang mga buhay alang-alang sa pangalan ng ating Panginoong Jesucristo. 27 Kaya nga, sinugo namin sina Judas at Silas. Sila ay magsasaysay rin naman sa inyo ng gayunding mga bagay. 28 Ito ay sapagkat minabuti ng Banal na Espiritu at minabuti rin namin na huwag kayong atangan ng lalong mabigat na pasanin maliban sa mga bagay na ito na kinakailangan. 29 Lumayo kayo sa mga bagay na ini­handog sa mga diyos-diyosan, sa dugo, sa mga binigti at sa kasalanang sekswal. Kung iingatan ninyo anginyong mga sarili mula sa mga bagay na ito ay makakabuti sa inyo. Paalam na sa inyo.

30 Kaya nang sila ay kanilang mapayaon na, lumusong sila sa Antioquia at nang kanilang mapagtipun-tipon ang napaka­raming tao, kanilang ibinigay ang sulat. 31 Nang mabasa na nila ito, nagalak sila dahil lumakas ang kanilang kalooban. 32 Si Judas at si Silas, na mga propeta rin naman ay nagpalakas ng kalooban ng mga kapatid sa pamamagitan ng maraming mga salita. Sila ay pinatatag nila. 33 Nang sila ay makagugol na ng ilang panahon doon, sila ay payapang pinabalik sa mga apostol ng mga kapatid. 34 Ngunit minabuti ni Silas na magpaiwan doon. 35 Naiwan din sina Pablo at Bernabe sa Antioquia. Itinuturo nila at ipina­ngangaral ang salita ng Panginoon na kasama naman ng iba.

Hindi Nagkasundo sina Pablo at Bernabe

36 Pagkaraan ng ilang araw, sinabi ni Pablo kay Bernabe: Balikan natin at dalawin ang mga kapatid sa bawat lungsod na pinangaralan natin ng salita ng Panginoon. Alamin natin kung ano ang kalagayan nila. 37 Nakapagpasiya na si Bernabe na isama nila si Juan na tinatawag na Marcos. 38 Ngunit inisip ni Pablo na hindi mabuting siya ay isama nila sapagkat humiwalay siya sa kanila sa Pamfilia at hindi sumama sa kanila sa gawain. 39 Nagkaroon ng mahigpit na pagtatalo kaya sila ay naghiwalay sa isa’t isa. Isinama ni Bernabe si Marcos at naglayag sa Chipre. 40 Hinirang ni Pablo si Silas at yumaon sila na ipinagtagubilin ng mga kapatid sa biyaya ng Diyos. 41 Tinahak nila ang Siria at Cilicia, na pinatatatag ang mga iglesiya.

Sumama si Timoteo kina Pablo at Silas

16 Siya ay dumating sa Derbe at sa Listra. Narito, isang alagad na nagngangalang Timoteo ang naroroon. Siya ay anak ng isang babaeng Judio na mananampalataya, ngunit ang kaniyang ama ay isang Griyego.

Siya ay kinikilalang may mabuting patotoo sa mga kapatid na nasa Listra at Iconio. Ibig ni Pablo na isama siya. Kinuha niya siya at tinuli alang-alang sa mga Judio na nasa dakong iyon sapagkat nalalaman ng lahat na ang kaniyang ama ay isang Griyego. Sa pagtahak nila sa mga lungsod, ibinigay nila ang mga batas, na pinag­pasiyahan ng mga apostol at ng mga matanda sa Jerusalem na kanilang dapat sundin. Kaya nga, ang mga iglesiya ay naging matibay sa pananampalataya at nadadagdagan ang bilang araw-araw.

 

Nakita ni Pablo sa Isang Pangitain ang Isang Lalaking Taga-Macedonia

Pagdaan nila sa Frigia at sa lalawigan ng Galacia, pinag­bawalan sila ng Banal na Espiritu na mangaral ng salita sa Asya.

Nang dumating sila sa Misia, pinagsikapan nilang makapasok sa Bitinia, ngunit hindi sila pinahintulutan ng Banal na Espiritu. Pagkaraan nila sa Misia, lumusong sila patungong Troas. Isang gabi, si Pablo ay nakakita ng isang pangitain. May isang lalaking taga-Macedonia na nakatayo at namamanhik sa kaniya. Sinasabi nito: Tumawid ka sa Mace­donia at tulungan mo kami. 10 Pagkatapos niyang makita ang pangitain, agad naming sinikap na magtungo sa Macedonia. Buo ang aming paniniwalang tinatawag kami ng Panginoon upang ipangaral ang ebanghelyo sa kanila.

Ang Pagsampalataya ni Lydia Doon sa Filipos

11 Paglayag nga mula sa Troas ay tuwiran kaming naglayag patungo sa Samotracia. Kinabukasan, nagtuloy kami sa Neapolis.

12 Mula roon, nagtuloy kami sa Filipos. Ito ay isang kolonya ng Roma at pangunahing lungsod ng Macedonia. Nanatili kami ng ilang araw sa lungsod na iyon.

13 Nang araw ng Sabat ay lumabas kami ng lungsod, sa tabi ng ilog kung saan ang pananalangin ay kinaugaliang gawin. Kami ay umupo at nakipag-usap sa mga babaeng nagkakatipon. 14 Ang isa sa mga babae na naroroon ay mula sa lungsod ng Tiatira. Ang pangalan niya ay Lydia. Siya ay mangangalakal ng telang kulay ube. Siya ay sumasamba sa Diyos at nakinig sa amin. Binuksan ng Panginoon ang kaniyang puso upang kani­lang pahalagahan ang mga bagay na sinabi ni Pablo. 15 Nang siya at ang kaniyang sambahayan ay mabawtismuhan na, namanhik siya sa amin. Kung ako ay ibinibilang ninyong tapat sa Panginoon, tumuloy kayo sa aking bahay at kayo ay manatili roon. At nahimok niya kami.

Si Pablo at Silas sa Bilangguan

16 Nangyari na nang kami ay patungo sa pook-dalanginan, sinalubong kami ng isang dalagitang may espiritu ng panghuhula. Malaki ang kinikita ng kaniyang mga panginoon sa pamamagitan ng kaniyang panghuhula.

17 Siya ay sumunod kay Pablo at sa amin. Sumisigaw siya na sinasabi: Ang mga lalaking ito ay mga alipin ng Kataas-taasang Diyos. Ipina­ngangaral nila sa atin ng daan ng kaligtasan. 18 Maraming araw na ginagawa niya ang ganito. Ngunit si Pablo, na nabagabag, ay humarap at sinabi sa espiritu: Iniutos ko sa iyo sa pangalan ni Jesucristo, lumabas ka sa kaniya. At ito ay lumabas agad sa oras ding iyon.

19 Ngunit nang makita ng kaniyang mga panginoon na wala na silang pag-asang kumita sa pamamagitan niya, hinuli nila sina Pablo at Silas. Kinaladkad nila sila sa pamilihang dako, sa harapan ng mga may kapangyarihan. 20 Nang maiharap na sila sa mga hukom, sinabi nila: Ang mga lalaking ito, bilang mga Judio, ay lubos na nanggugulo sa ating lungsod. 21 Sila ay nagpapahayag ng mga kaugaliang hindi natin nararapat na tanggapin o gawin bilang mga taga-Roma.

22 Sama-samang tumindig ang karamihan laban sa kanila. Hinapak ng mga hukom ang kanilang mga damit. Kanilang iniutos na sila ay paluin ng mga pamalong kahoy. 23 Nang masugatan na nila sila nang marami, inihagis nila sila sa bilangguan. Iniutos sa punong-bantay ng bilangguan na bantayan silang mabuti. 24 Nang tanggapin nito ang gayong utos, inihagis nila sila sa kaloob-looban ng bilangguan. Inilagay ang kanilang mga paa sa mga pamiit na napakasakit.

25 Nang maghahating-gabi na, sina Pablo at Silas ay nana­langin at umaawit ng papuri sa Diyos. Sila ay pinapakinggan ng mga bilanggo. 26 Bigla na lamang nagkaroon ng isang malakas na lindol. Anupa’t umuga ang mga patibayan ng bilangguan. Kaagad ay nabuksan ang lahat ng mga pinto at nakalas ang mga gapos ng bawat isa. 27 Ang punong-bantay ng bilangguan ay nagising sa pagkakatulog. Nang makita niyang bukas ang mga pinto ng bilangguan, binunot niya ang kaniyang tabak. Magpapa­kamatay na sana siya sa pag-aakalang nakatakas na ang mga bilanggo. 28 Ngunit si Pablo ay sumigaw ng malakas na sinabi: Huwag mong saktan ang iyong sarili sapagkat naririto kaming lahat.

29 Siya ay humingi ng mga ilaw at tumakbo sa loob. Siya ay nanginginig na nagpatirapa sa harapan nina Pablo at Silas. 30 Inilabas niya sila at sinabi: Mga ginoo, ano ang kina­kailangan kong gawin upang maligtas?

31 Sinabi nila: Sumampalataya ka sa Panginoong Jesucristo at maliligtas ka, ikaw at ang iyong sambahayan. 32 Sinalita nila sa kaniya ang salita ng Panginoon at gayundin sa lahat ng nasa kaniyang bahay. 33 Sila ay kinuha niya sa oras ding iyon ng gabi. Hinugasan ang kanilang mga sugat. Kaagad ay binawtis­muhan siya at ang buo niyang sambahayan. 34 Dinala niya sila sa kaniyang bahay. Hinainan niya sila ng pagkain at nagalak din ang buo niyang sambahayan sapagkat sila ay sumam­palataya sa Diyos.

35 Nang umaga na, ang mga hukom ay nagsugo ng mga sarhento. Sinabi nila: Pakawalan mo ang mga lalaking iyan. 36 Ang punong-bantay ng bilangguan ay nag-ulat kay Pablo ng mga salitang ito: Nagsugo ang mga pinuno na kayo ay pakawalan. Lumabas nga kayo ngayon at humayo kayong payapa.

37 Ngunit sinabi ni Pablo sa kanila: Pinalo nila kami sa hayag na hindi nahatulan. Bagaman kami ay mga mamama­yang Romano, inihagis nila kami sa bilangguan. Ngayon ay palihim nila kaming palalayain. Hindi. Kinakailangang sila mismo ang pumarito at pakawalan nila kami.

38 Iniulat ng mga sarhento ang mga salitang ito sa mga hukom. Natakot sila nang marinig nila na sila ay mga Romano. 39 Sila ay pumaroon at namanhik sa kanila. Nang mailabas na nila sila, hiniling nila sa kanila na lumabas sa lungsod. 40 Sila ay lumabas sa bilangguan at nagpunta sa bahay ni Lydia. Nang makita nila ang mga kapatid, pinatibay nila ang kalooban ng mga kapatiran at sila ay umalis.

Sa Tesalonica

17 Pagkaraan nila sa Antipolis at Apolonia, dumating sila sa Tesalonica. Dito ay may sinagoga ng mga Judio.

Si Pablo ay pumasok doon ayon sa kaniyang kaugalian. Siya ay nakipagpaliwanagan sa kanila sa mga kasulatan sa loob ng tatlong araw ng Sabat. Ipinaliliwanag niya sa kanila ang kasulatan at ipinakikita ang katibayang kinakailangang ang Cristo ay magbata at muling mabuhay mula sa mga patay. Ang Jesus na ipinangangaral ko sa inyo ang siyang Mesiyas. Ang ilan sa kanila ay nahikayat at sumama kay Pablo at kay Silas. Nahikayat din ang maraming Griyegong palasamba sa Diyos at maraming mga pangunahing babae.

Ngunit ang mga Judio na hindi nanampalataya ay naiinggit. Sila ay nagsama ng ilang masamang tao mula sa pamilihan. Nagtipon sila ng isang grupo at ginulo ang lungsod. Nilusob nila ang bahay ni Jason at pinagsikapan nilang maiharap sila sa mga tao. Nang hindi nila sila matagpuan, kinaladkad nila si Jason at ang ilang kapatid sa harap ng opisyales ng lungsod. Ipinagsisigawan nilang: Sila na mga nanggugulo sa sanlibutan ay pumunta rin dito. Sila ay tinanggap ni Jason. Silang lahat ay gumagawa ng laban sa mga utos ni Cesar. Sinasabi nila: May ibang hari, si Jesus. At kanilang ginulo ang napakaraming tao at ang mga pinuno ng lungsod, nang marinig nila ang mga bagay na ito. Nang matanggap na nila ang sapat na salapi para kay Jason at para sa iba, sila ay pinalaya nila.

Sa Berea

10 Kinagabihan ay agad-agad na pinaalis ng mga kapatid sina Pablo at Silas papuntang Berea. Pagdating nila roon, sila ay pumasok sa sinagoga ng mga Judio.

11 Sila ay higit na mararangal na tao kaysa sa mga taga-Tesalonica. Tinanggap nila ang salita ng buong sigasig. Sinaliksik nila ang mga kasulatan araw-araw kung tunay nga ang mga bagay na ito. 12 Kaya nga, marami sa kanila ang sumampalataya. Gayundin ang mga iginagalang na babaeng Griyego at ang maraming lalaki ay sumampalataya.

13 Ngunit nang malaman ng mga Judiong taga-Tesalonica na ang salita ng Diyos ay ipinangaral ni Pablo sa Berea. Pumunta sila doon at kanilang ginulo ang mga tao. 14 Kaya kaagad na pinaalis ng mga kapatiran si Pablo na waring patungo siya sa dagat. Subalit sina Silas at Timoteo ay nanatili pa roon. 15 Si Pablo ay dinala sa Atenas ng mga nag-iingat sa kaniya. Sila ay nagbalik taglay ang utos ni Pablo para kina Silas at Timoteo na sila ay agad na sumunod sa kaniya.

Sa Atenas

16 Habang hinihintay sila ni Pablo sa Atenas, nahamon ang kaniyang kalooban nang makita niyang ang buong lungsod ay punong-puno ng mga diyos-diyosan.

17 Kaya siya ay nakiki­pagkatwiranan sa mga Judio sa loob ng sinagoga at sa mga taong palasamba. Gayundin, araw-araw siyang nakikipagka­twiranan sa sinumang makatagpo niya sa pamilihan. 18 Ilan sa mga pilosopong Epicureo at Estoico ay nakipag-usap sa kaniya. Sinabi ng ilan: Ano ang ibig sabihin ng lalaking ito na nagsasalita ng walang kabuluhan? Ang iba ay nagsasabing para siyang tagapangaral ng mga kakaibang diyos sapagkat ipinangangaral niya si Jesus at ang pagkabuhay na mag-uli. 19 Siya ay kinuha nila at dinala siya sa burol ng Areo. Sinabi nila: Maaari bang malaman namin kung ano itong bagong aral na sinasalita mo? 20 Ito ay sapagkat nagdadala ka ng mga kakaibang bagay sa aming mga pandinig. Gusto nga naming malaman kung ano ang kahulugan ng mga bagay na ito. 21 Ginugugol ng mga taga-Atenas at ng mga nakikipamayan doon ang kanilang panahon, hindi sa ano pa man, kundi sa pagsasalaysay o pakikinig ng mga bagong bagay.

22 Kaya si Pablo ay tumayo sa gitna ng burol ng Areo at nagsabi: Mga lalaking taga-Atenas, napapansin kong sa lahat ng mga bagay ay lubha kayong tapat sa inyong relihiyon. 23 Ito ay sapagkat sa aking paglalakad at pagmamasid sa mga bagay na inyong sinasamba ay nakakita ako ng isang dambana. Doon ay may nakaukit na ganito: SA ISANG DIYOS NA HINDI KILALA. Siya na inyong sinasamba bagaman hindi ninyo nakikilala, siya ang aking ipinangangaral sa inyo.

24 Ang Diyos na lumikha ng sanlibutan at ng lahat na narito ay ang Panginoon ng langit at lupa. Hindi siya tumitira sa mga banal na dako na ginawa ng mga kamay. 25 Hindi rin naman siya pinaglilingkuran ng mga kamay ng mga tao na para bang nangangailangan siya ng anumang bagay. Hindi, siya mismo ang nagbibigay sa lahat ng buhay at ng hininga at ng lahat ng mga bagay. 26 Ginawa niya mula sa isang dugo ang bawat bansa ng mga tao upang manahan sa ibabaw ng buong lupa. Itinakda na niya nang una pa ang mga kapana­hunan at ang mga hangganan ng kanilang pananahanan. 27 Ginawa niya ito upang hanapin nila ang Pangi­noon at sa kanilang pag-aapuhap ay baka sakaling masumpungan nila siya. Gayunman siya ay hindi malayo sa bawat isa sa atin. 28 Ito ay sapagkat sa pamamagitan niya tayo ay nabubuhay, kumikilos at mayroong pagkatao. Gaya naman ng sinabi ng ilan sa inyong sariling makata: Dahil tayo rin naman ay kaniyang mga anak.

29 Yamang tayo nga ay mga anak ng Diyos, hindi marapat na isipin natin na ang kaniyang pagka-Diyos ay tulad ng ginto, pilak o ng bato na inukit sa pamamagitan ng kalinangan at kathang-isip ng tao. 30 Ang mga panahon ng di-pagkaalam ay hindi na nga pinansin ng Diyos. Ngunit ngayon ay iniuutos niya sa sa lahat mga tao sa bawat dako na magsisi. 31 Ito ay sapagkat nagtakda siya ng isang araw na hahatulan niya ang sanlibutan ayon sa katuwiran sa pamamagitan ng lalaking itinalaga niya. Pinatunayan niya ito sa lahat ng mga tao nang siya ay kaniyang buhayin mula sa mga patay.

32 Nang marinig nila ang patungkol sa muling pagkabuhay ng mga patay, nanglibak ang ilan. Ngunit sinabi ng iba: Muli ka naming pakikinggan patungkol dito. 33 Sa gayon ay umalis si Pablo sa kanilang kalagitnaan. 34 Ngunit sumama sa kaniya ang ilang mga tao at sumampalataya. Sa kanila na sumam­palataya ay kabilang si Dionisio na taga-burol ng Areo, at isang babaeng nagngangalang Damaris at ang iba pa nilang kasama.

Sa Corinto

18 Pagkatapos ng mga bagay na ito, si Pablo ay umalis sa Atenas at pumunta sa Corinto.

Natagpuan niya roon ang isang Judiong nagngangalang Aquila, lalaking tubo sa Ponto. Kasama niya ang kaniyang asawa na si Priscilla kagagaling pa lamang nila sa Italia, sapagkat iniutos ni Claudio na ang lahat ng mga Judio ay umalis sa Roma. Si Pablo ay lumapit sa kanila. Dahil sa magkatulad ang kanilang hanap­buhay, siya ay nakipanuluyan sa kanila. Ang hanapbuhay nila ay ang paggawa ng mga tolda. Tuwing araw ng Sabat ay nakikipagkatwiranan siya sa sinagoga. Hinihimok niya ang mga Judio at ang mga Griyego.

Nang dumating na sina Silas at Timoteo mula sa Macedonia, si Pablo ay nagkaroon ng kabigatan sa espiritu na magpatotoo sa mga Judio na si Jesus ang siyang Mesiyas. Nang sila ay tumutol at namusong, ipinagpag ni Pablo ang kaniyang mga damit at sinabi sa kanila: Ang dugo ninyo ay sumainyong mga ulo. Wala na akong pananagutan sa inyo. Kaya mula ngayon ay paroroon ako sa mga Gentil.

Umalis siya roon at dumating sa bahay ng isang lalaking nagngangalang Justo. Siya ay sumasamba sa Diyos at ang bahay niya ay katabi ng sinagoga. Si Crispo na pinuno ng sinagoga at ang kaniyang buong sambahayan ay nanampalataya sa Panginoon. Sa pamamagitan ng pakikinig, marami sa mga taga-Corinto ang sumampalataya at nabawtismuhan.

Kinagabihan, sinabi ng Panginoon kay Pablo sa pamama­gitan ng pangitain: Huwag kang matakot kundi magsalita ka at huwag kang tumahimik. 10 Ito ay sapagkat ako ay sumasaiyo at walang sinumang gagawa ng masama upang saktan ka sapagkat marami akong mga tao sa lungsod na ito. 11 Siya ay nanatili roon ng isang taon at anim na buwan na itinuturo sa kanila ang salita ng Diyos.

12 Ngunit nang si Galio ay naging gobernador ng Acaya, ang mga Judio ay nagkaisang tumindig laban kay Pablo at siya ay dinala sa harapan ng hukuman. 13 Sinabi nila: Hinihikayat ng lalaking ito ang mga tao upang sumamba sa Diyos laban sa kautusan.

14 Ngunit nang magsasalita na si Pablo, sinabi ni Galio sa mga Judio: O, mga Judio, kung ito ay patungkol sa kalikuan o napakasamang gawa nararapat lamang na pakinggan ko kayo. 15 Ngunit yamang ito ay patungkol sa mga pagtatalo patungkol sa mga salita, mga pangalan at sa inyong sariling kautusan, kayo na ang bahala sa inyong sarili sapagkat ayaw kong maging tagahatol sa mga bagay na ito. 16 Itinaboy ni Galio sila sa hukuman. 17 Hinawakan ng lahat ng mga Griyego si Sostenes na pinuno ng sinagoga at hinampas siya sa harapan ng hukuman. Hindi man lamang pinansin ni Galio ang mga bagay na ito.

Sina Priscila, Aquila at Apollos

18 Si Pablo ay nanatili roon ng maraming araw. Pagkatapos, nagpaalam siya sa mga kapatid at buhat doon ay naglayagsiya patungo sa Siria. Kasama niya sina Priscila at Aquila. Ginupit niya ang kaniyang buhok nang siya ay nasaCencrea na sapagkat natapos na niya ang kaniyang sinumpaan.

19 Dumating siya sa Efeso at iniwan niya sila roon. Ngunit siya ay pumasok sa sinagoga at nakipagtalo sa mga Judio. 20 Sila ay namanhik sa kaniya na tumigil pa roon ng ilang panahon. Ngunit hindi siya pumayag. 21 Subalit siya ay nagpaalam sa kanila, sinabi niya: Kinakailangang sa anumang paraan ay makapagdiwang ako sa nalalapit na kapistahan sa Jerusalem. Ngunit babalik akong muli sa inyo kung loloobin ng Diyos. Siya ay naglayag buhat sa Efeso. 22 Nang makalunsad na siya sa Cesarea, siya ay umahon at bumati sa iglesiya. Pagkatapos nito ay lumusong siya sa Antioquia.

23 Nang makagugol na siya roon ng ilang panahon ay umalis na siya. Nilibot niya ang lalawigan ng Galacia at Frigia na pinatatatag ang lahat ng mga alagad.

24 Dumating sa Efeso ang isang Judio na nagngangalang Apollos. Siya ay isang lalaking taga-Alexandria na magaling manalita at may malawak na kaalaman patungkol sa mga kasulatan. 25 Ang lalaking ito ay tinuruan sa daan ng Panginoon. Yamang siya ay may maningas na espiritu, sinalita niya at itinuro ng walang kamalian ang mga bagay patungkol sa Panginoon. Ngunit ang nalalaman lamang niya ay ang patungkol sa bawtismo ni Juan. 26 Siya ay nagpasimulang magsalita ng buong katapangan sa sinagoga. Nang marinig siya nina Priscila at Aquila, siya ay isinama nila. Ipinaliwanag nilang maingat sa kaniya na walang kamalian ang daan ng Panginoon.

27 Nang ibig niyang dumaan sa Acaya, sumulat ang mga kapatid sa mga alagad na tanggapin siya. Nang dumating siya roon, lubos siyang tumulong sa mga sumampalataya sa pamamagitan ng biyaya. 28 Ito ay sapagkat may kapang­yarihang dinaig niya ng hayagan ang mga Judio. Ipinakita niya sa pamamagitan ng mga kasulatan na si Jesus ang Mesiyas.

Si Pablo sa Efeso

19 Nangyari, na samantalang si Apollos ay nasa Corinto, tinahak ni Pablo ang daan sa hilaga at dumating sa Efeso. Nakasumpong siya roon ng ilang alagad.

Sinabi niya sa kanila: Tinanggap ba ninyo ang Banal na Espiritu nang sumampalataya kayo?

Sinabi nila sa kaniya: Hindi man lang namin narinig na may Banal na Espiritu.

Sinabi niya: Kung gayon, anong bawtismo ang tinanggap ninyo?

Sinabi nila: Ang bawtismo ni Juan.

Sinabi ni Pablo: Nagbawtismo nga si Juan ng bawtismo ng pagsisisi. Sinabi niya sa mga tao na sila ay dapat sumam­palataya sa kaniya na darating sa hulihan niya, samakatuwid ay si Jesus na siyang Mesiyas. Nang ito ay marinig ng mga taga-Efeso, sila ay nabawtismuhan sa pangalan ng Panginoong Jesus. Nang ipinatong ni Pablo ang kaniyang mga kamay sa kanila, bumaba sa kanila ang Banal na Espiritu. Sila ay nagsalita ng mga wika at naghayag ng salita ng Diyos. Ang bilang ng mga lalaki ay humigit kumulang sa labindalawa.

Pumasok siya sa sinagoga at nagsalita siya ng may katapangan. Sa loob ng tatlong buwan, siya ay nakikipag­katwiranan at nanghihikayat patungkol sa mga bagay na nauukol sa paghahari ng Diyos. Ang ilan ay nagmatigas at ayaw maniwala. Sa harapan ng maraming tao pinagsalitaan nila ng masama ang Daan. Kaya umalis siya sa kanila. Inihi­walay niya ang mga alagad mula sa kanila at araw-araw ay nakikipagkatwiranan sa paaralan ni Tirano. 10 Ito ay tumagal ng dalawang taon. Anupa’t ang lahat ng nakatira sa Asya ay nakarinig ng salita ng Panginoong Jesus. Sila ay ang mga Judio at gayundin ang mga Griyego.

11 Ang Diyos ay gumawa ng mga di-pangkaraniwang himala sa pamamagitan ng mga kamay ni Pablo. 12 Kahit na ang mga panyo o mga tapis na mapadaiti sa kaniyang balat ay dinadala sa mga may karamdaman. Sila ay gumaling sa kanilang mga karamdaman at ang mga karumal-dumal na espiritu ay lumalabas mula sa kanila.

13 May ilan sa mga Judiong pagala-gala na nagpapalayas ng mga karumal-dumal na espiritu ay nagsimulang sambitin ang pangalan ng Panginoong Jesus. Sinasabi nila: Ipinag-uutos namin sa inyo sa pamamagitan ni Jesus na siyang ipina­ngangaral ni Pablo. 14 Pitong anak na lalaki ni Esceva na isang Judio at pinunong-saserdote ang gumagawa nito. 15 Sumagot ang masamang espiritu at sinabi sa kanila: Kilala ko si Jesus at nakikilala ko si Pablo. Ngunit sinu-sino kayo? 16 Ang lalaking may karumal-dumal espiritu ay lumundag sa kanila at nagapi sila dahil siya ay higit na malakas kaysa sa kanila. Kaya tumakas sila mula sa bahay na iyon na mga sugatan at mga walang anumang damit.

17 Nalaman ito ng lahat ng mga Judio at gayundin ng mga Griyego na nakatira sa Efeso. At silang lahat ay natakot at ang pangalan ng Panginoong Jesus ay lalong dinakila. 18 Marami rin naman sa mga mananampalataya ang dumating. Inihayag nila at isinaysay ang kanilang mga masasamang gawa. 19 Marami sa mga gumagawa ng panggagaway ang nagdala ng kanilang mga aklat at pinagsusunog sa paningin ng lahat. Binilang nila ang halaga ng mga iyon. Natuklasan nilang umabot sa limampung libong putol na pilak ang halaga nito. 20 Sa gayong paraan, lumagong may kapangyarihan ang salita ng Panginoon at ito ay nanaig.

21 Pagkatapos nga na maganap ang mga bagay na ito, binalak ni Pablo sa kaniyang loob na dumaan muna sa Macedonia at Acaya, at sa Jerusalem. Sinabi niya: Pagkagaling ko roon, kinakailangang makita ko naman ang Roma. 22 Nang maisugo na niya sa Macedonia ang dalawang naglingkod sa kaniya, nanatili siya nang ilang panahon sa Asya. Ang dalawang sinugo niya ay sina Timoteo at Erasto.

Ang Kaguluhan sa Efeso

23 Nangyari, na sa panahong iyon ay may naganap na malaking kaguluhan patungkol sa Daan.

24 Ito ay sapagkat may isang lalaking panday-pilak na nagngangalang Demetrio. Siya ay gumagawa ng mga dambanang pilak ni Artemis.[a] Ito ay pinagkakakitaan nang malaki ng mga panday-pilak. 25 Tinipon ni Demetrio ang lahat gayundin ang mga gumagawa ng gayong gawain. Sinabi niya: Mga kalalakihan, nalalaman ninyo na yumayaman tayo sa hanapbuhay na ito. 26 Nakikita ninyo at naririnig, hindi lamang sa Efeso kundi halos sa buong Asya nakahimok ang Pablong ito at ibinabaling niya ang maraming tao. Sinasabi niyang walang mga diyos na ginawa ng kamay. 27 Nanganganib na mapasama ang pangalan ng panganga­lakal nating ito. Hindi lamang iyon, kundi gayundin ang templo ng dakilang diyosang si Artemis ay ituturing na walang halaga. Mababawasan na ang kadakilaan niya na sinasamba ng buong lalawigan ng Asya at ng sanlibutan.

28 Nang marinig nila ito, napuno sila ng poot. Nagsigawan sila na sinasabi: Dakila ang Artemis ng mga taga-Efeso. 29 Napuno ng kalituhan ang buong lungsod. Pinagkaisahan nilang lusubin ang dulaan. Sinunggaban nila sina Gayo at Aristarco na mga taga-Macedonia at mga kasama ni Pablo sa paglalakbay. 30 Nang ibig pasukin ni Pablo ang mga tao, hindi siya pinahintulutan ng mga alagad. 31 Ang ilan sa mga pinuno ng Asya na mga kaibigan niya ay nagsugo sa kaniya. Ipinamanhik nila sa kaniya na huwag pumunta sa dulaan.

32 Ang iba nga ay sumisigaw ng ibang bagay at iba naman ang isinisigaw ng iba dahil ang buong kapulungan ay nasa kalituhan. Hindi malaman ng nakakarami kung bakit sila ay nagkakatipon. 33 Inilabas nila si Alexander mula sa maraming tao. Ipinagtutulakan siya ng mga Judio na pumunta sa may dakong harapan. Inihudyat ni Alexander ang kaniyang mga kamay na ibig sanang magtanggol sa harapan ng mga tao. 34 Ngunit nang nakilala nila na siya ay isang Judio, nagkaisa silang lahat sa paulit-ulit na pagsigaw. Sa loob ng halos dalawang oras ay kanilang isinisigaw: Dakila ang Artemis ng mga taga-Efeso.

35 Nang mapatahimik na ng kawaning-lungsod ang kara­mihan, sinabi niya: Kayong mga lalaking taga-Efeso, sino sa mga tao ang hindi nakakaalam na ang lungsod ng mga taga-Efeso ay tagapag-ingat ng templo ng dakilang diyosang si Artemis at ng diyos-diyosang nahulog mula kay Zeus? 36 Yamang hindi nga maikakaila ang mga bagay na ito ay dapat lang na pumayapa kayo. Hindi kayo dapat gumawa ng anumang bagay na pabigla-bigla. 37 Ito ay sapagkat dinala ninyo rito ang mga lalaking ito na hindi naman nagnakaw sa templo, ni namusong man sa inyong diyosa. 38 Kung si Demetrio nga at ang kasamahan niyang mga panday ay may anumang sakdal laban sa kanino man, bukas ang hukuman. May mga gobernador tayo, bayaan ninyong magsakdal ang isa’t isa. 39 Ngunit kung may katanungan kayo sa ano pa mang mga bagay, lulutasin ito ayon sa nararapat na kapulungan. 40 Tayo ay nanganganib na maipagsakdal ng paghihimagsik dahil sa gulong nangyari sa araw na ito na walang anumang kadahilanan. Ito ay sapagkat hindi tayo makakapagpaliwanag patungkol sa magulong pagkakatipon na ito. 41 Pagkasabi niya nito, pinauwi na niya ang mga tao.

Footnotes

  1. Gawa 19:24 Sa salin ng Griyego ay Artemis, sa Latin ay Diana.

Ang Ulat ni Pedro sa Iglesya sa Jerusalem

11 Nabalitaan ng mga apostol at ng mga kapatid na nasa Judea na tinanggap din ng mga Hentil ang salita ng Diyos. Kaya't nang pumunta si Pedro sa Jerusalem ay nakipagtalo sa kanya ang mga kabilang sa pangkat ng pagtutuli. “Bakit ka pumunta sa bahay ng mga hindi tuli? Kumain ka pang kasalo nila?” Kaya isinalaysay sa kanila ni Pedro ang buong pangyayari. Sinabi niya, “Habang ako'y nasa lungsod ng Joppa at nananalangin, nawalan ako ng malay at nagkaroon ng isang pangitain. Nakita ko ang isang tulad ng malapad na kumot na nakabitin sa apat na sulok at ibinababa mula sa langit hanggang sa aking kinaroroonan. Tinitigan ko itong mabuti at nakita ko roon ang mga hayop na lumalakad sa lupa at mga hayop na mababangis at mga hayop na gumagapang at mga ibon sa himpapawid. Nakarinig din ako ng isang tinig na nagsasabi sa akin, ‘Tumindig ka, Pedro; magkatay ka at kumain.’ Subalit sinabi ko, ‘Hindi ko magagawa iyan, Panginoon. Sapagkat kailanma'y hindi ako kumain ng anumang bagay na marumi at karumal-dumal.’ Ngunit muling sinabi sa akin ng tinig mula sa langit, ‘Huwag mong ituring na marumi ang nilinis na ng Diyos.’ 10 Tatlong ulit itong nangyari, at muling hinatak ang lahat ng iyon paakyat sa langit. 11 Nang sandaling iyon, dumating sa bahay na aking tinutuluyan ang tatlong lalaking sinugo sa akin buhat sa Cesarea. 12 Iniutos sa akin ng Espiritu na huwag akong mag-atubiling sumama sa kanila. Sinamahan din ako ng anim na kapatid na ito at pumasok kami sa bahay ng lalaki. 13 Isinalaysay niya sa amin kung paanong nakita niya ang anghel na nakatindig sa kanyang bahay, na nagsabi, ‘Magsugo ka ng tao sa Joppa at ipatawag mo si Simon, na tinatawag ding Pedro. 14 Sasabihin niya sa iyo ang mga salita na sa pamamagitan ng mga iyon ay maliligtas ka at ang iyong buong sambahayan.’ 15 Nang ako'y magsimulang magsalita, bumaba sa kanila ang Banal na Espiritu tulad ng nangyari sa atin noong una. 16 At (A) naalala ko ang sinabi ng Panginoon, ‘Nagbautismo sa tubig si Juan, subalit kayo'y babautismuhan sa Banal na Espiritu.’ 17 Kung ibinigay sa kanila ng Diyos ang kaloob gaya ng kanyang ibinigay sa atin nang tayo'y sumampalataya sa Panginoong Jesu-Cristo, sino akong hahadlang sa Diyos?” 18 Nang marinig nila ang mga ito, tumahimik sila at niluwalhati ang Diyos, na sinasabi, “Kung gayo'y binigyan din ng Diyos ang mga Hentil ng pagkakataong magsisi upang magkamit ng buhay.”

Ang Iglesya sa Antioquia

19 Samantala, (B) nagkawatak-watak ang mga mananampalataya dahil sa pag-uusig na nangyari kay Esteban. Naglakbay sila hanggang sa Fenicia, sa Cyprus, at sa Antioquia. Sa mga Judio lamang nila ipinangangaral ang salita saanman sila makarating. 20 Gayunman, mayroon sa kanilang taga-Cyprus at taga-Cirene na pagdating sa Antioquia ay nangaral din sa mga Griyego tungkol sa Panginoong Jesus. 21 Ginabayan sila ng kamay ng Panginoon, at napakaraming sumampalataya at nagbalik-loob sa Panginoon. 22 Nabalitaan ito ng iglesya na nasa Jerusalem kaya isinugo nila sa Antioquia si Bernabe. 23 Nang dumating siya roon at makita ang pagpapala ng Diyos, nagalak siya at hinimok ang bawat isa na manatiling tapat sa Panginoon nang buong puso. 24 Sapagkat siya'y mabuting tao, puspos ng Banal na Espiritu at ng pananampalataya, napakaraming tao ang nahikayat na manampalataya sa Panginoon. 25 Pagkatapos ay nagtungo si Bernabe sa Tarso upang hanapin si Saulo. 26 Nang siya'y kanyang matagpuan ay isinama niya ito sa Antioquia. Kaya isang taon silang nagtitipon kasama ng iglesya, at nagturo sa napakaraming tao. Doon sa Antioquia unang tinawag na mga Cristiano ang mga alagad.

27 Nang panahong iyon ay dumating sa Antioquia ang mga propetang galing sa Jerusalem. 28 (C) Tumindig ang isa sa kanila na ang pangalan ay Agabo, at sa pamamagitan ng Espiritu ay nagpahayag na magkakaroon ng matinding taggutom sa buong daigdig. Nangyari ito noong panahon ni Claudio. 29 Nagpasya ang mga alagad, na ayon sa makakaya ng bawat isa'y magpadala ng tulong sa mga kapatid na naninirahan sa Judea. 30 Ganito nga ang kanilang ginawa at sa pamamagitan nina Bernabe at Saulo ay ipinadala nila ang kanilang tulong sa mga matatandang namamahala ng iglesya.

Ang Pagpatay kay Santiago at ang Pagdakip kay Pedro

12 Nang mga panahong iyon, sinimulang usigin ni Haring Herodes ang ilan sa mga kaanib ng iglesya. Pinapatay niya sa pamamagitan ng tabak si Santiago na kapatid ni Juan. Nang makita niyang ito'y ikinatuwa ng mga Judio, ipinadakip naman niya si Pedro. Pista noon ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Pagkatapos dakpin si Pedro, ikinulong siya sa bilangguan at pinabantayan sa apat na pangkat na mga kawal. Balak ni Herodes na iharap siya sa taong-bayan pagkatapos ng Paskuwa. Habang nasa bilangguan si Pedro, nagkaroon ng taimtim na pananalangin sa Diyos ang iglesya para sa kanya.

Ang Pagpapalaya ng Anghel kay Pedro

Nang gabing si Pedro ay malapit nang iharap ni Herodes sa mga tao, natutulog si Pedro na nakatanikala sa pagitan ng dalawang kawal. Mayroon pang mga bantay sa harap ng pintuan, nang biglang lumitaw ang isang anghel ng Panginoon at isang liwanag ang tumanglaw sa kulungan. Tinapik niya si Pedro sa tagiliran at ginising. “Bumangon ka! Bilis!” sabi ng anghel. At nakalag ang mga tanikala sa kanyang mga kamay. Sinabi sa kanya ng anghel, “Magbihis ka at isuot mo ang iyong mga sandalyas.” Sumunod naman si Pedro. “Magbalabal ka at sumunod sa akin,” dagdag ng anghel. Sumunod si Pedro sa labas, na nag-aakalang siya'y nananaginip. Hindi niya alam na tunay ang nangyayari sa pamamagitan ng anghel. 10 Nadaanan nila ang una at pangalawang bantay, at dumating sila sa pintuang-bakal na patungo sa lungsod. Ito'y kusang nabuksan para sa kanila at sila'y lumabas. Pagkaraan nila sa isang lansangan ay agad siyang iniwan ng anghel.

11 Noon natauhan si Pedro, kaya kanyang sinabi, “Ngayo'y natitiyak ko na sinugo ng Panginoon ang kanyang anghel at iniligtas ako mula sa kamay ni Herodes at sa lahat ng binabalak ng mga Judio.”

12 Nang mapag-isip-isip niya ito, pumunta siya sa bahay ni Maria, ang ina ni Juan na tinatawag ding Marcos. Doon nagtitipon at nananalangin ang maraming tao. 13 Nang kumatok siya sa pinto, isang babaing katulong na ang pangalan ay Roda ang lumapit upang alamin kung sino ang kumakatok. 14 Nang makilala niya ang tinig ni Pedro, sa laki ng tuwa'y hindi na niya nagawang buksan ang pinto. Sa halip ay tumakbo siya paloob at sinabing si Pedro ang nasa pintuan. 15 “Nababaliw ka na,” sabi nila sa kanya. Ngunit nang ipinilit niya na naroon talaga si Pedro, kanilang sinabi, “Anghel niya iyon.” 16 Samantala'y patuloy sa pagkatok si Pedro. Nang kanilang buksan, nakita nila si Pedro at sila'y namangha. 17 Sila'y sinenyasan niyang tumahimik, pagkatapos ay isinalaysay sa kanila kung paano siya inilabas ng Panginoon mula sa bilangguan. Pagkasabi niyang “Ipagbigay-alam ninyo ito kay Santiago, at sa mga kapatid,” siya'y umalis at pumunta sa ibang dako.

18 Kinaumagahan, gulung-gulo ang mga kawal dahil hindi nila alam kung ano ang nangyari kay Pedro. 19 Nang hindi pa rin siya matagpuan matapos maipahanap ni Herodes, ipinasiyasat nito ang mga bantay at ipinag-utos na sila'y patayin.

Buhat sa Judea, si Pedro ay pumunta sa Cesarea, at doon nanirahan.

Ang Pagkamatay ni Herodes

20 Matagal nang umaapaw ang galit noon ni Herodes sa mga taga-Tiro at taga-Sidon. Nagkaisa ang mga tao na pumunta sa kanya upang makipagkasundo, sapagkat umaasa ang kanilang bayan sa lupain ng hari para sa kanilang ikabubuhay. Hinikayat nila si Blasto na katiwala ng hari upang tulungan sila.

21 Sumapit ang takdang araw at isinuot ni Herodes ang damit-hari at naupo sa trono, at sa kanila'y nagtalumpati. 22 Sumigaw ang taong-bayan, “Ito'y tinig ng diyos at hindi ng tao!” 23 Noon di'y agad siyang sinaktan ng isang anghel ng Panginoon, sapagkat hindi niya ibinigay ang kaluwalhatian sa Diyos. Kinain siya ng mga uod at namatay.

24 Samantala, ang salita ng Diyos ay patuloy na lumaganap at marami pa ang nahikayat. 25 Matapos magampanan ang kanilang tungkulin sa Jerusalem, nagbalik sina Bernabe at Saulo na kasama si Juan na tinatawag ding Marcos.

Ang Pagsusugo kina Bernabe at Saulo

13 Sa iglesya sa Antioquia ay may mga propeta at mga guro. Kabilang dito sina Bernabe, si Simeon na tinatawag ding Negro, si Lucio na taga-Cirene, si Manaen na malapit kay Herodes, at si Saulo. Habang sila'y sumasamba sa Panginoon at nag-aayuno, sinabi sa kanila ng Banal na Espiritu, “Ibukod ninyo para sa akin sina Bernabe at Saulo. Tinawag ko sila para sa isang gawain.” Pagkatapos nilang mag-ayuno at manalangin, ipinatong nila ang kanilang mga kamay sa dalawa at sila'y pinahayo.

Ang Pangangaral sa Cyprus

Dahil sila'y isinugo ng Banal na Espiritu, pumunta ang dalawa sa Seleucia at buhat doo'y naglayag patungong Cyprus. Nang makarating sila sa Salamis, ipinangaral nila ang salita ng Diyos sa mga sinagoga ng mga Judio. Kasama rin nila si Juan bilang katulong. Nilakbay nila ang buong pulo hanggang sa Pafos. Nakatagpo nila roon ang isang Judiong salamangkero at huwad na propeta na ang pangalan ay Bar-Jesus. Kasama siya ng gobernador na si Sergio Paulo na isang lalaking matalino. Ipinatawag ng gobernador sina Bernabe at Saulo sapagkat nais niyang mapakinggan ang salita ng Diyos. Ngunit upang huwag sumampalataya ang gobernador, sinalungat sila ni Elimas na salamangkero, sapagkat iyon ang kahulugan ng kanyang pangalan. Subalit tinitigan siya ni Saulo, na kilala rin bilang Pablo, na puspos ng Banal na Espiritu, 10 at pinagsabihang, “Ikaw! Anak ka ng diyablo! Kaaway ka ng lahat ng katuwiran! Punung-puno ka ng lahat ng pandaraya at panlilinlang! Kailan ka ba titigil sa pagbaluktot sa matutuwid na daan ng Panginoon? 11 Ngayo'y parurusahan ka ng kamay ng Panginoon. Mabubulag ka at hindi mo makikita ang liwanag sa loob ng maikling panahon.”

Noon di'y tinakpan ng maitim na ulap ang mga mata ni Elimas, at siya'y lumibot na humahanap ng aakay sa kanya. 12 Sumampalataya ang gobernador nang makita ang nangyari, sapagkat siya'y namangha sa turo tungkol sa Panginoon.

Sa Antioquia ng Pisidia

13 Mula sa Pafos, naglayag si Pablo at ang kanyang mga kasama hanggang sa Perga sa Pamfilia. Ngunit iniwan sila ni Juan at nagbalik sa Jerusalem. 14 Nagpatuloy sila mula sa Perga hanggang Antioquia ng Pisidia. Nang araw ng Sabbath, pumasok sila sa sinagoga at umupo. 15 Matapos ang pagbasa mula sa Kautusan at sa Mga Propeta, nagpasabi sa kanila ang mga tagapamahala ng sinagoga, “Mga kapatid, kung mayroon kayong salitang magpapalakas ng loob ng mga tao, sabihin ninyo.” 16 Kaya't tumindig si Pablo at matapos senyasan ang mga tao upang tumahimik, ay nagsabi,

“Mga Israelita, at kayong may takot sa Diyos, makinig kayo. 17 Ang (D) Diyos ng bayang ito ng Israel ang humirang sa ating mga ninuno, at sila'y ginawa niyang malaking bansa nang sila'y nakipamayan sa Ehipto. At sa pamamagitan ng kanyang dakilang kapangyarihan, sila'y inilabas doon. 18 (E) Sa loob ng apatnapung taon ay kanyang pinagtiisan sila sa ilang. 19 Nang (F) malipol na niya ang pitong bansa sa lupain ng Canaan ay ipinamana sa kanila ang lupain, 20 sa (G) loob ng halos apatnaraan at limampung taon. Pagkatapos, sila ay binigyan niya ng mga hukom hanggang sa panahon ni propeta Samuel. 21 (H) Matapos nito'y humingi sila ng hari at ibinigay sa kanila ng Diyos ang isang lalaki mula sa lipi ni Benjamin, si Saul na anak ni Kish. Siya'y naghari sa loob ng apatnapung taon. 22 (I) Matapos alisin ng Diyos si Saul, si David naman ang pinili ng Diyos upang maghari sa kanila. Nagpatotoo ang Diyos tungkol sa kanya, na nagsasabing, ‘Natagpuan kong si David na anak ni Jesse ay isang lalaking malapit sa aking puso. Gagawin niya ang aking buong kalooban.’ 23 Mula sa kanyang salinlahi'y ipinagkaloob ng Diyos sa Israel si Jesus na Tagapagligtas, gaya ng kanyang ipinangako. 24 Bago (J) pa siya dumating ay nangaral na si Juan ng bautismo ng pagsisisi sa buong bayan ng Israel. 25 At (K) samantalang tinatapos ni Juan ang kanyang gawain, sinabi niya sa mga tao, ‘Sino ba ako sa inyong akala? Hindi ako ang Cristo. Ngunit masdan ninyo ang dumarating na kasunod ko. Hindi ako karapat-dapat kahit magkalag man lamang ng kanyang sandalyas.’

26 “Mga kapatid, mga anak ni Abraham, at sa inyong may takot sa Diyos, sa atin ipinadala ang salitang ito ng kaligtasan. 27 Sapagkat hindi nakilala ng mga mamamayan ng Jerusalem at ng kanilang mga pinuno si Jesus. Hindi rin nila nauunawaan na sa kanilang paghatol sa kanya'y tinupad nila ang mga pahayag ng mga propeta na kanilang binabasa tuwing Sabbath. 28 Bagama't (L) wala silang natagpuang sapat na dahilan upang siya'y ipapatay, hiningi pa rin nila kay Pilato na siya'y patayin. 29 Nang (M) matupad na nila ang lahat ng nasusulat tungkol sa kanya, siya'y kanilang ibinaba mula sa punongkahoy at inilibing. 30 Subalit siya'y ibinangon ng Diyos mula sa kamatayan. 31 At (N) sa loob ng maraming mga araw ay nagpakita siya sa mga sumama sa kanya mula sa Galilea hanggang sa Jerusalem. Sila ngayon ang kanyang mga saksi sa taong-bayan. 32 Kami ang nangangaral sa inyo ng Magandang Balita, na ang ipinangako ng Diyos sa ating mga ninuno, 33 ay (O) tinupad din niya sa atin na kanilang mga anak, nang kanyang muling buhayin si Jesus! Gaya ng nasusulat sa ikalawang awit,

    ‘Ikaw ay aking Anak,
    sa araw na ito'y naging Ama mo ako.’

34 (P) Tungkol sa kanyang muling pagkabuhay at di pagkaagnas, ay ganito ang sinabi ng Diyos,

‘Ipagkakaloob ko sa inyo ang mga banal at maaasahang pangako kay David.’

35 Sinabi din niya sa iba pang bahagi, (Q)

‘Hindi mo hahayaang dumanas ng pagkaagnas ang iyong Hinirang.’

36 Matapos maglingkod ni David ayon sa kalooban ng Diyos noong kanyang panahon, siya'y nahimlay at inilibing kasama ng kanyang mga ninuno. Dumanas siya ng pagkaagnas. 37 Subalit siya na muling binuhay ng Diyos ay hindi dumanas ng pagkaagnas. 38 Dahil dito'y dapat ninyong malaman, mga kapatid, na sa pamamagitan ni Jesus ay ipinahahayag sa inyo ang kapatawaran ng mga kasalanan; 39 at sa pamamagitan niya ang bawat sumasampalataya ay pinalalaya sa lahat ng bagay, pag-aaring ganap na hindi ninyo makakamit sa Kautusan ni Moises. 40 Kaya nga mag-ingat kayo, na huwag mangyari sa inyo ang sinabi ng mga propeta:

41 ‘Tingnan (R) ninyo, mga mapanlibak!
    Manggilalas kayo at mapahamak;
sapagkat isasagawa ko sa inyong panahon,
    ang bagay na hindi ninyo mapaniniwalaan, kahit sabihin sa inyo ng sinuman.’ ”

42 Habang palabas na sina Pablo at Bernabe, nakiusap ang mga tao na muli nilang ituro ang mga salitang ito sa susunod na Sabbath. 43 Nang matapos ang pulong sa sinagoga, sumunod kina Pablo at Bernabe ang maraming Judio at mga nahikayat sa Judaismo. Hinikayat sila ng mga apostol na magpatuloy mamuhay ayon sa kagandahang-loob ng Diyos.

44 Nang sumunod na Sabbath ay nagtipon ang halos buong lungsod upang pakinggan ang salita ng Panginoon.[a] 45 Nang makita ng mga Judio ang napakaraming tao, napuno sila ng inggit, kaya sinalungat nila ang mga sinasabi ni Pablo at nilait siya. 46 Ngunit buong tapang na sinabi nina Pablo at Bernabe, “Sa inyo muna sana kailangang ipahayag ang salita ng Diyos. Ngunit dahil itinatakwil ninyo ito, hinahatulan ninyo ang inyong sarili na hindi karapat-dapat sa buhay na walang hanggan. Kaya't sa mga Hentil na kami pupunta. 47 Ganito (S) ang iniutos sa amin ng Panginoon,

‘Inilagay kitang isang ilaw sa mga Hentil,
    upang ikaw ay maghayag ng kaligtasan hanggang sa dulo ng daigdig.’ ”

48 Nang marinig ito ng mga Hentil, nagalak sila at pinarangalan ang salita ng Panginoon; at sumampalataya ang lahat ng mga itinalaga para sa buhay na walang hanggan.

49 Kaya't lumaganap ang salita ng Panginoon sa buong lupain. 50 Subalit inudyukan ng mga Judio ang mga babaing relihiyosa at iginagalang sa lipunan, gayundin ang mga pangunahing lalaki sa lungsod. Nagsimula sila ng pag-uusig laban kina Pablo at Bernabe, at sila'y pinalayas nila sa kanilang lupain. 51 Kaya't (T) ipinagpag ng dalawa ang alikabok sa kanilang mga paa bilang saksi laban sa tagaroon, at pagkatapos ay nagtungo sa Iconio. 52 At ang mga alagad ay napuspos ng kagalakan at ng Banal na Espiritu.

Sa Iconio

14 Ganoon din ang nangyari sa Iconio. Magkasamang pumasok sina Pablo at Bernabe sa sinagoga ng mga Judio. Nangaral sila roon at marami sa mga Judio at Griyego ang sumampalataya. Ngunit ang mga Hentil ay inudyukan ng mga Judiong ayaw sumampalataya, at nilason ang kanilang mga pag-iisip laban sa mga kapatid. Dahil dito'y matagal na nanatili roon sina Pablo at Bernabe at buong tapang na nangaral para sa Panginoon. Pinatunayan naman ng Panginoon ang pangangaral nila tungkol sa kanyang kagandahang-loob sa pamamagitan ng mga himala at mga kababalaghang kanilang ginagawa. Kaya't nagkabaha-bahagi ang mga mamamayan ng lungsod. Ang iba ay pumanig sa mga Judio, ang iba nama'y sa mga apostol. Pinagtangkaan ng mga Hentil at ng mga Judio, kasama ang kanilang mga pinuno, na saktan at batuhin ang mga apostol. Subalit nang nalaman iyon ng dalawa, sila'y tumakas patungong Listra at Derbe, mga lungsod ng Licaonia, at sa mga karatig na lupain. Ipinangaral nila roon ang Magandang Balita.

Sa Listra

Sa Listra ay may isang lalaking kailanma'y hindi makalakad sapagkat lumpo na mula nang ipanganak. Nakinig siya sa pangangaral ni Pablo. Nang titigan siya ni Pablo at makitang mayroon siyang pananampalataya upang mapagaling, 10 malakas niyang sinabi, “Tumayo ka nang tuwid!” Lumukso ang lalaki at nagsimulang maglakad. 11 Nang makita ng maraming tao ang ginawa ni Pablo, nagsigawan sila sa wikang Licaonia, “Bumaba sa atin ang mga diyos sa anyong tao!” 12 Tinawag nilang Zeus si Bernabe at Hermes si Pablo, sapagkat siya ang pangunahing tagapagsalita. 13 Nagdala ng mga baka at ng mga bulaklak sa pintuan ng lungsod ang pari ni Zeus na ang templo ay nasa harap ng lungsod, sapagkat siya, kasama ng napakaraming tao, ay nais maghandog sa mga apostol.

14 Ngunit nang marinig ito ng mga apostol na sina Bernabe at Pablo, pinunit nila ang kanilang mga damit at sumisigaw na tumakbo sa gitna ng mga tao, 15 “Mga (U) ginoo, bakit ninyo ginagawa ang mga ito? Mga tao rin kaming gaya ninyo! Ipinangangaral namin sa inyo ang Magandang Balita upang talikuran na ninyo ang mga bagay na ito na walang kabuluhan at magbalik-loob kayo sa buháy na Diyos, ang lumikha ng langit, ng lupa, ng dagat, at ng lahat ng naroroon. 16 Noong nakaraang mga panahon ay hinayaan niyang lumakad ang lahat ng mga bansa sa kanilang mga sariling daan. 17 Gayunma'y hindi niya hinayaang mawalan siya ng saksi sa mga kabutihang kanyang ginawa. Binibigyan niya kayo ng ulan mula sa langit at ng mga masaganang panahon; binubusog niya kayo ng pagkain at pinupuno ng kagalakan ang inyong mga puso.” 18 Sa kabila ng mga salitang ito'y bahagya lamang nilang napigil ang napakaraming tao sa paghahandog sa kanila.

19 Ngunit dumating doon ang mga Judiong buhat sa Antioquia at Iconio; at nang maudyukan nila ang maraming tao, pinagbabato nila si Pablo at kinaladkad siya sa labas ng lungsod, sa pag-aakalang siya'y patay na. 20 Ngunit nang paligiran siya ng mga alagad, tumayo siya at pumasok sa lungsod. Kinabukasan, umalis siya kasama ni Bernabe patungong Derbe.

Ang Pagbabalik sa Antioquia

21 Ipinangaral nila ang Magandang Balita sa lungsod na iyon, at ginawang mga alagad ang marami. Pagkatapos nito'y nagbalik sila sa Listra, sa Iconio, at sa Antioquia, 22 habang pinatatatag ang loob ng mga alagad, at pinapayuhang manatiling tapat sa pananampalataya. Sinabi nila, “Daranas tayo ng maraming kapighatian bago tayo makapasok sa kaharian ng Diyos.” 23 Nagtalaga sila sa bawat iglesya ng matatandang tagapamahala. Matapos manalangin na may pag-aayuno, sila ay kanilang itinagubilin sa Panginoon na kanilang sinampalatayanan. 24 Tinahak nila ang Pisidia at nagtungo sa Pamfilia. 25 Nang makapangaral na sila sa Perga ay tumuloy sila sa Atalia. 26 Mula roon ay naglayag sila pabalik ng Antioquia. Doon sila ipinagkatiwala noon sa pagkalinga ng Diyos tungo sa gawaing ngayon ay natapos na nila. 27 Pagdating nila sa Antioquia, tinipon nila ang iglesya at iniulat ang lahat ng mga bagay na ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila, at kung paanong binuksan niya ang pagkakataon upang sumampalataya ang mga Hentil. 28 Nanatili sila roong kasama ang mga alagad nang mahaba-habang panahon.

Ang Pagpupulong sa Jerusalem

15 May (V) ilang taong dumating sa Antioquia mula sa Judea na nagtuturo ng ganito sa mga kapatid, “Malibang kayo'y tuliin ayon sa Kautusan ni Moises, hindi kayo maliligtas.” Mahigpit na nakipagtalo sina Pablo at Bernabe sa kanila tungkol dito. At dahil naging mainit ang kanilang salungatan, sina Pablo at Bernabe, kasama ang iba pa, ay inatasang pumunta sa Jerusalem upang isangguni ang suliraning ito sa mga apostol at sa matatandang tagapamahala ng iglesya. Sinugo nga sila ng iglesya. Sa kanilang pagdaan sa Fenicia at Samaria, iniulat nila ang pagbabalik-loob ng mga Hentil, na nakapagbigay ng malaking kagalakan sa lahat ng mga kapatid. Nang makarating sila sa Jerusalem, malugod silang tinanggap ng buong iglesya, ng mga apostol at ng matatanda. Iniulat nila ang lahat ng bagay na ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila. Subalit tumindig ang ilang kaanib sa pangkat ng mga Fariseo at nagsabi, “Kailangang tuliin ang mga Hentil at utusang sundin ang Kautusan ni Moises.” Nagtipon ang mga apostol at ang matatanda upang pag-usapan ang bagay na ito. Pagkatapos (W) ng maraming talakayan, tumindig si Pedro at sinabi sa kanila, “Mga kapatid, nalalaman ninyo na noon ay hinirang ako ng Diyos mula sa inyo, upang sa pamamagitan ng aking pangangaral ay mapakinggan ng mga Hentil ang Magandang Balita, at sila'y sumampalataya. At (X) ang Diyos na nakaaalam ng puso ng tao ay nagpatunay sa kanila nang pagkalooban sila ng Banal na Espiritu tulad ng nangyari sa atin. Walang pagtatangi na ginawa ang Diyos sa atin at sa kanila; sa halip, nilinis din niya ang kanilang mga puso nang sila'y sumampalataya. 10 Kaya ngayon, bakit ninyo sinusubok ang Diyos at iniaatang sa mga alagad ang mga pasaning kahit tayo o ang ating mga ninuno'y hindi nakayang pasanin? 11 Sumasampalataya tayo na tayo'y maliligtas sa pamamagitan ng kagandahang-loob ng Panginoong Jesus, gayundin sila.” 12 Tumahimik ang buong kapulungan at pinakinggan ang salaysay nina Bernabe at Pablo tungkol sa mga himala at kababalaghang ginawa ng Diyos sa mga Hentil sa pamamagitan nila. 13 Pagkatapos nila, si Santiago naman ang nagsalita, “Mga kapatid, pakinggan ninyo ako. 14 Ipinaliwanag na ni Simon[b] kung paanong unang dinalaw ng Diyos ang mga Hentil, upang sila rin ay maging bayan para sa kanyang pangalan. 15 Sumasang-ayon dito ang mga salita ng mga propeta, tulad ng nasusulat,

16 ‘Pagkatapos (Y) ng mga ito, ako'y babalik,
at muli kong itatayo ang bumagsak na tolda ni David;
    muli ko itong ibabangon mula sa pagkaguho,
17 upang hanapin ng nalabi sa mga tao ang Panginoon,
    at ng lahat ng mga Hentil na tinatawag sa aking pangalan,
    sabi ng Panginoon na gumawa ng mga ito,
18 na nagpakilala mula noong una.’

19 Kaya't ako'y humahatol na huwag na nating pahirapan ang mga Hentil na nagbabalik-loob sa Diyos. 20 Sa (Z) halip, sulatan natin sila na huwag kumain ng mga pagkaing pinarumi dahil ihinandog sa diyus-diyosan, huwag makiapid, at huwag kumain ng dugo at ng hayop na binigti. 21 Sapagkat noong araw pa ay ipinangangaral na ang Kautusan ni Moises sa bawat lungsod at binabasa sa mga sinagoga tuwing Sabbath.”

Ang Sulat sa mga Mananampalatayang Hentil

22 Nang magkagayo'y minabuti ng mga apostol at ng matatandang tagapamahala, at ng buong iglesya, na pumili ng mga lalaki mula sa kanilang hanay at isugo sa Antioquia kasama nina Pablo at Bernabe. Isinugo nila si Judas na tinatawag na Barsabas, at si Silas, mga lalaking iginagalang ng mga kapatid. 23 Sa pamamagitan nila'y ipinadala ang liham na ganito ang nilalaman:

“Kaming mga apostol, mga matatanda, at mga kapatid ay bumabati sa mga kapatid na Hentil na nasa Antioquia, Syria at Cilicia. 24 Yamang nabalitaan namin na ginugulo kayo ng ilang tao na galing dito, kahit hindi namin sila inutusan, 25 napagkasunduan naming magpadala sa inyo ng mga sugo. Kasama sila ng ating mga minamahal na sina Bernabe at Pablo, 26 mga taong nagsuong sa panganib ng kanilang buhay alang-alang sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 27 Isinugo namin sina Judas at Silas upang ipaliwanag sa inyo ang nilalaman ng liham na ito. 28 Minabuti ng Banal na Espiritu at minabuti rin naming huwag na kayong bigyan ng mabigat na pasanin maliban sa mga ito na talagang kailangan: 29 Huwag kayong kakain ng anumang ihinandog sa mga diyus-diyosan, ng dugo, at ng mga binigting hayop. Huwag kayong makikiapid. Iwasan ninyo ang mga bagay na ito at mapapabuti kayo. Paalam.”

30 Pinaalis ang mga sugo at pumunta ang mga ito sa Antioquia. Nang matipon na nila ang kapulungan ay kanilang ibinigay ang sulat. 31 Pagkabasa nila nito, sila ay nagalak sa kanilang narinig. 32 Sina Judas at Silas, na mga propeta rin, ay marami pang sinabi na nagpalakas ng loob at nagpatatag sa mga kapatid. 33 Pagkatapos na manatili roon ng ilang panahon, sila'y payapang pinabalik ng mga kapatid sa mga nagsugo sa kanila. 34 [Ngunit minabuti ni Silas ang manatili roon.][c] 35 Nanatili sina Pablo at Bernabe sa Antioquia, at kasama ng marami pang iba, ay nagturo at nangaral ng salita ng Panginoon.

Ang Paghihiwalay nina Pablo at Bernabe

36 Makaraan ang ilang araw, sinabi ni Pablo kay Bernabe, “Balikan natin at dalawin ang mga kapatid sa bawat lungsod na pinangaralan natin ng salita ng Panginoon, at tingnan natin kung ano ang kalagayan nila.” 37 Nais ni Bernabe na kanilang isama si Juan, na tinatawag ding Marcos. 38 Ngunit (AA) iginiit ni Pablo na huwag itong isama, sapagkat humiwalay ito noon at mula sa Pamfilia ay hindi na sumama sa kanilang gawain. 39 Nagkaroon sila ng mainitang pagtatalo na humantong sa kanilang paghihiwalay. Isinama ni Bernabe si Marcos, at naglayag patungong Cyprus. 40 Pinili naman ni Pablo si Silas, at sila'y umalis matapos ipagtagubilin ng mga kapatid sa pag-iingat ng Panginoon. 41 Naglakbay siya sa Syria at Cilicia at pinatatag ang mga iglesya.

Si Timoteo Kasama nina Pablo at Silas

16 Nakarating si Pablo sa Derbe at sa Listra. Naroon ang isang alagad na ang pangalan ay Timoteo. Siya'y anak ng isang babaing Judio na mananampalataya at Griyego naman ang kanyang ama. Maganda ang patotoo tungkol sa kanya ng mga kapatid sa Listra at Iconio. Nais ni Pablo na isama si Timoteo, kaya't tinuli niya ito alang-alang sa mga Judiong nasa lugar na iyon, sapagkat alam ng lahat na Griyego ang kanyang ama. Sa kanilang paglalakbay sa mga lungsod, ipinababatid nila ang mga katuruang napagpasyahan ng mga apostol at ng matatandang tagapamahala sa Jerusalem. Kaya't lumakas ang mga iglesya sa pananampalataya at nadagdagan ang kanilang bilang araw-araw.

Ang Pangitain ni Pablo sa Troas

Naglakbay sina Pablo sa lupain ng Frigia at Galacia, sapagkat pinagbawalan sila ng Banal na Espiritu na ipangaral ang salita sa lalawigan ng Asia. Pagdating nila sa hangganan ng Misia, tinangka nilang makapasok sa Bitinia ngunit hindi sila pinahintulutan ng Espiritu ni Jesus. Kaya't paglampas nila sa Misia ay nagtungo sila sa Troas. Kinagabihan ay nagkaroon ng pangitain si Pablo: may isang lalaking taga-Macedonia ang nakatayo at nakikiusap sa kanya, “Pumunta ka rito sa Macedonia at tulungan mo kami.” 10 Pagkakita niya sa pangitain, gumayak kami agad papunta sa Macedonia, sapagkat natitiyak naming kami'y tinawag ng Diyos upang ipangaral sa kanila ang Magandang Balita.

Ang Pagsampalataya ni Lydia

11 Mula sa Troas, tumuloy kami sa Samotracia, at kinabukasan naman ay sa Neapolis. 12 Mula roon ay nagtungo kami sa Filipos, na sakop ng Roma at pangunahing lungsod sa nasasakupan ng Macedonia. Nanatili kami sa lungsod na ito ng ilang araw. 13 Nang araw ng Sabbath ay pumunta kami sa labas ng lungsod sa may tabi ng ilog na sa palagay namin ay may dakong panalanginan. Naupo kami at nakipag-usap sa mga babaing nagtitipon doon. 14 Isa sa mga nakinig sa amin ang isang babaing ang pangalan ay Lydia, isang sumasamba sa Diyos. Siya ay mula sa lungsod ng Tiatira at mangangalakal ng mga telang kulay-ube. Binuksan ng Panginoon ang kanyang puso upang makinig nang mabuti sa mga sinasabi ni Pablo. 15 Nang siya'y mabautismuhan na, kasama ang kanyang sambahayan, ay nakiusap siya sa amin, “Kung itinuturing ninyong ako'y tapat na lingkod ng Panginoon, doon na kayo tumuloy sa aking tahanan.” At kami'y napilit niya.

Sina Pablo at Silas sa Bilangguan ng Filipos

16 Minsang papunta kami sa dakong dalanginan, sinalubong kami ng isang batang babaing alipin na may espiritu ng panghuhula. Malaki ang pakinabang ng kanyang mga amo dahil sa kanyang panghuhula. 17 Sinusundan-sundan niya kami nina Pablo, habang sumisigaw ng ganito, “Ang mga taong ito'y mga lingkod ng Kataas-taasang Diyos! Ipinapahayag nila sa inyo ang daan ng kaligtasan.” 18 Ginawa niya ito sa loob ng maraming araw. Ngunit nang mainis na si Pablo ay lumingon siya at sinabi sa espiritu, “Iniuutos ko sa iyo sa pangalan ni Jesu-Cristo, lumabas ka sa kanya.” At lumabas ang espiritu nang oras ding iyon. 19 Ngunit nang makita ng kanyang mga amo na wala na ang kanilang pinagkakakitaan, sinunggaban nila sina Pablo at Silas, at kinaladkad sa pamilihan upang iharap sa mga pinuno. 20 Pinaratangan sila ng ganito sa harap ng mga hukom, “Ang mga taong ito ay mga Judio, at ginugulo nila ang ating lungsod. 21 Nagtuturo sila ng mga kaugaliang bilang mga Romano'y hindi natin nararapat gawin at tanggapin.” 22 Sinunggaban sila ng maraming tao, pinunit ang kanilang mga damit at ipinahagupit. 23 Pagkatapos hagupitin nang maraming ulit, itinapon sila sa bilangguan, at pinabantayang mabuti. 24 Nang matanggap ng bantay ang utos na ito, kanyang ipinasok sila sa kaloob-looban ng bilangguan at inilagay ang kanilang mga paa sa pagitan ng dalawang mabibigat na kahoy. 25 Nang maghahating-gabi na, sina Pablo at Silas ay nanalangin at umawit ng mga himno sa Diyos, habang nakikinig naman ang ibang bilanggo. 26 Biglang lumindol nang malakas, at nayanig ang mga pundasyon ng bilangguan. Agad na nabuksan ang lahat ng mga pinto, at nalagot ang mga tanikala ng lahat ng mga bilanggo. 27 Nang magising ang bantay ng bilangguan at makitang bukas ang mga pinto, inakala niyang nakatakas ang mga bilanggo. Dahil dito'y binunot niya ang kanyang tabak at nagtangkang magpakamatay. 28 Ngunit sumigaw nang malakas si Pablo, “Huwag mong saktan ang iyong sarili! Naririto kaming lahat!” 29 Humingi ng ilaw ang bantay at tumakbo paloob, at nanginginig na nagpatirapa sa harapan nina Pablo at Silas. 30 Nang sila'y dalhin sa labas ay sinabi niya, “Mga ginoo, ano ang dapat kong gawin upang maligtas?” 31 At kanilang sinabi, “Sumampalataya ka sa Panginoong Jesus at maliligtas ka, ikaw at ang iyong sambahayan.” 32 Ipinangaral nila sa kanya ang salita ng Panginoon at sa lahat ng nasa kanyang tahanan. 33 Nang oras ding iyon ng gabi, hinugasan ng bantay ang kanilang mga sugat at siya'y nagpabautismo, kasama ang kanyang buong sambahayan. 34 Matapos na patuluyin sa kanyang tahanan, sila'y ipinaghanda niya ng pagkain. Siya at ang kanyang buong sambahayan ay nagalak na sumampalataya sa Diyos. 35 Kinaumagahan, nagsugo ng mga kawal ang mga hukom upang sabihin sa bantay, “Pakawalan mo ang mga taong iyan.” 36 Sinabi ng bantay kay Pablo, “Ipinag-utos ng mga hukom na pakawalan na kayo. Kaya maaari na kayong umalis at humayo nang payapa.” 37 Subalit sinabi ni Pablo sa mga kawal, “Hinampas nila kami sa harap ng madla at ipinabilanggo nang walang anumang paglilitis, gayong kami'y mamamayang Romano. At ngayo'y palihim nila kaming palalayain? Hindi maaari! Sila ang pumarito at magpalaya sa amin!” 38 Iniulat ito ng mga kawal sa mga hukom at nang malamang sila'y mga mamamayang Romano, sila'y natakot. 39 Kaya pumunta sila sa bilangguan at humingi ng paumanhin kina Pablo. Pagkatapos ay pinalaya nila ang mga ito at pinakiusapang umalis ng lungsod. 40 Pagkalabas sa bilangguan, nagtuloy sila sa bahay ni Lydia. Doon ay dinatnan nilang nagtitipon ang mga kapatid. Bago sila umalis, pinagbilinan nilang magpakatatag ang mga ito sa pananampalataya.

Sa Tesalonica

17 Dumaan sina Pablo at Silas sa Amfipolis at Apolonia, pagkatapos ay nagtungo sa Tesalonica, kung saan may sinagoga ng mga Judio. Ayon sa kanyang nakaugalian, pumasok si Pablo doon, at sa loob ng tatlong Sabbath ay nakipagtalakayan sa kanila gamit ang mga Kasulatan. Ipinaliliwanag at pinatutunayan niya na kailangang magdusa ang Cristo at muling mabuhay mula sa kamatayan. Sinabi niya, “Ang Jesus na ito na aking ipinangangaral sa inyo—siya ang Cristo!” Nahikayat ang ilan sa kanila at sumama kina Pablo at kay Silas, gayundin ang napakaraming relihiyosong Griyego, at marami-raming pangunahing babae. Subalit dahil sa inggit, nagsama ang mga Judio ng ilang masasamang tao mula sa pamilihan at nang makapagtipon sila ng maraming tao ay nanggulo sa lungsod. Nilusob nila ang bahay ni Jason at hinahanap sina Pablo at Silas, sa kagustuhang maiharap ang mga ito sa mga tao. Nang hindi nila natagpuan ang dalawa, kinaladkad nila si Jason at ang ilang kapatid sa harap ng mga pinuno ng lungsod, habang sumisigaw ng ganito, “Napasok ang ating lungsod ng mga taong lumikha ng gulo saan man makarating![d] Pinatuloy sila ni Jason sa kanyang tahanan. Lahat sila ay lumalabag sa mga utos ng Emperador, at sinasabi nilang may ibang hari na ang pangalan ay Jesus!” Naligalig ang maraming tao at ang mga pinuno ng lungsod nang marinig nila ang sigawang ito. Pinagpiyansa nila si Jason at ang kanyang mga kasama bago sila pinakawalan.

Sa Berea

10 Pagsapit ng gabi ay agad pinaalis ng mga kapatid sina Pablo at Silas patungo sa Berea. Pagdating doon ay pumasok sila sa sinagoga ng mga Judio. 11 Higit na mararangal ang mga tao roon kaysa mga taga-Tesalonica. Tinanggap nila ang salita nang buong pananabik at sinisiyasat araw-araw ang mga Kasulatan kung tunay nga ang ipinapangaral sa kanila. 12 Kaya marami sa kanila ang sumampalataya, kabilang ang marami-raming Griyego—mga babae at mga lalaking ginagalang sa lipunan. 13 Subalit nang malaman ng mga Judio sa Tesalonica na ipinangaral din ni Pablo ang salita ng Diyos sa Berea, nagpunta sila roon upang guluhin at sulsulan ang maraming tao. 14 Kaya pinaalis agad ng mga kapatid si Pablo at pinapunta sa tabing-dagat. Nagpaiwan naman doon sina Silas at Timoteo. 15 Sinamahan si Pablo ng mga naghatid sa kanya hanggang Atenas. Pagkatapos, iniwan nila si Pablo taglay ang kanyang bilin para kina Silas at Timoteo na sumunod sa lalong madaling panahon.

Sa Atenas

16 Samantalang hinihintay sila ni Pablo sa Atenas, labis siyang nanlumo nang makita niyang sobrang dami ng mga diyus-diyosan sa lungsod. 17 Kaya't sa sinagoga ay araw-araw siyang nakipagtalakayan sa mga Judio at sa mga relihiyosong tao, gayundin sa mga taong nagkataong nasa pamilihan. 18 Nakipagtalo rin sa kanya ang ilan sa mga pilosopong Epicureo at Estoico. Ilan sa kanila'y nagtanong, “Ano ba ang sinasabi ng madaldal na ito?” Sinabi ng iba, “Para siyang tagapagbalita ng mga ibang diyos”—sapagkat ipinangangaral niya si Jesus at ang Muling Pagkabuhay. 19 Siya'y kinuha nila at dinala sa Areopago, at tinanong, “Maaari ba naming malaman kung ano itong bagong aral na sinasabi mo? 20 Bago sa aming pandinig ang mga itinuturo mo, kaya nais naming malaman ang kahulugan ng mga ito.” 21 Wala nang pinagkakaabalahan ang lahat ng mga taga-Atenas at ang mga dayuhang naninirahan doon kundi ang mag-usap o makinig ng mga bagong bagay. 22 Kaya't tumindig si Pablo sa gitna ng Areopago, at nagsabi, “Mga lalaking taga-Atenas, napapansin kong sa lahat ng bagay, kayo'y lubhang may takot sa mga diyos. 23 Sapagkat sa paglalakad ko sa lungsod, at sa pagmamasid ng mga bagay na inyong sinasamba, nakatagpo rin ako ng isang dambanang may nakasulat na ganito: ‘SA DIYOS NA HINDI KILALA.’ Ang inyong sinasambang hindi ninyo kilala ang siyang ipahahayag ko sa inyo. 24 Ang Diyos (AB) na gumawa ng sanlibutan at ng lahat ng mga bagay na naririto ang Panginoon ng langit at ng lupa. Siya'y hindi naninirahan sa mga templong ginawa ng tao. 25 Hindi rin siya pinaglilingkuran ng mga kamay ng tao na para bang mayroon siyang kailangan, gayong siya ang nagbibigay ng buhay, hininga at ng lahat ng bagay sa sangkatauhan. 26 Nilikha niya mula sa isa[e] ang bawat bansa upang manirahan sa ibabaw ng buong lupa. Itinakda niya ang kanya-kanyang panahon at mga hangganan. 27 Ginawa niya ito upang kanilang hanapin ang Diyos, baka sakaling sa kanilang paghahanap ay matagpuan siya. Ang totoo'y hindi naman siya malayo sa bawat isa sa atin. 28 Sapagkat “sa kanya tayo'y nabubuhay, at kumikilos, at nasa kanya ang ating pagkatao.” Tulad ng sinabi ng ilan sa inyong mga makata, ‘Tayo man ay kanyang mga supling.’ 29 Yamang tayo'y mga supling ng Diyos, hindi natin dapat isiping ang pagiging Diyos ay katulad ng ginto, o ng pilak, o ng bato, na pawang likhang-kamay at kathang-isip ng tao. 30 Pinalampas ng Diyos ang mga panahon ng kamangmangan. Subalit ngayo'y ipinag-uutos niya sa lahat ng tao sa lahat ng dako na magsisi. 31 Sapagkat nagtakda siya ng araw ng kanyang makatarungang paghatol sa sanlibutan sa pamamagitan ng lalaking kanyang hinirang. Pinatunayan niya ito sa lahat nang kanyang muling buhayin ang taong iyon mula sa kamatayan.” 32 Nang kanilang marinig ang tungkol sa muling pagkabuhay, nangutya ang ilan. Ngunit sinabi ng iba, “Pakikinggan ka naming muli tungkol dito.” 33 At umalis si Pablo doon. 34 Subalit sumama sa kanya ang ilan at sumampalataya. Isa sa kanila si Dionisio na taga-Areopago, at isang babaing ang pangalan ay Damaris at iba pang mga kasama nila.

Sa Corinto

18 Pagkatapos nito umalis si Pablo sa Atenas at nagtungo sa Corinto. Natagpuan niya roon si Aquila, isang Judiong taga-Ponto. Kararating lamang niya mula sa Italia kasama ang kanyang asawang si Priscila. Umalis sila ng Roma sapagkat ipinag-utos ni Claudio na ang lahat ng Judio ay umalis doon. Nakipagkita si Pablo sa kanila. Dahil pareho ang kanilang hanapbuhay, ang paggawa ng tolda, si Pablo ay doon na sa kanilang tahanan nakitira. Doon sila magkasamang nagtrabaho. Siya'y nakikipagpaliwanagan tuwing araw ng Sabbath sa sinagoga at nagsisikap na mahikayat sa pananampalataya ang mga Judio at mga Griyego. Nang dumating na sina Silas at Timoteo mula sa Macedonia, iniukol na ni Pablo ang sarili sa pangangaral at pagpapatotoo sa mga Judio na si Jesus ang Cristo. Nang siya'y salungatin nila at laitin, ipinagpag niya ang kanyang kasuotan at sa kanila'y sinabi, “Hindi ko na ságutin ang inyong dugo! Kasalanan na ninyo kung kayo'y mapahamak! Mula ngayo'y pupunta na ako sa mga Hentil.” Kaya siya'y umalis doon at tumira sa bahay ng isang lalaking ang pangalan ay Tito Justo, isang taong may takot sa Diyos. Ang kanyang bahay ay katabi ng sinagoga. Sumampalataya sa Panginoon si Crispo na pinuno ng sinagoga, kasama ang kanyang buong sambahayan. Sumampalataya at nabautismuhan ang maraming taga-Corinto dahil sa pakikinig kay Pablo. Isang gabi, sinabi ng Panginoon kay Pablo sa isang pangitain, “Huwag kang matakot! Patuloy kang mangaral at huwag kang tumahimik. 10 Sapagkat kasama mo ako. Walang sinumang taong mananakit sa iyo sapagkat marami akong tagasunod sa lungsod na ito.” 11 Kaya't nanatili siya roon ng isang taon at anim na buwan, habang itinuturo sa kanila ang salita ng Diyos. 12 Subalit nang si Galio ang naging gobernador ng Acaia, nagkaisa ang mga Judio na dakpin si Pablo at dalhin sa hukuman. 13 Kanilang sinabi, “Hinihikayat ng taong ito ang mga tao na sumamba sa Diyos sa paraang labag sa batas.” 14 At nang magsasalita na si Pablo ay sinabi ni Galio sa mga Judio, “Kung ang usaping ito'y tungkol sa masamang gawa o mabigat na kasalanan, may dahilan akong pakinggan kayong mga Judio. 15 Subalit dahil ang usaping ito'y tungkol sa mga salita at mga pangalan at sa inyong sariling batas, kayo na ang bahala rito. Ayaw kong maging hukom sa mga bagay na iyan.” 16 At sila'y pinalabas niya sa hukuman. 17 Sinunggaban nilang lahat si Sostenes, ang tagapamahala ng sinagoga, at siya'y binugbog sa harapan ng hukuman. Ngunit hindi iyon pinansin ni Galio.

Ang Muling Pagbabalik sa Antioquia

18 Nanatili pa roon si Pablo ng ilang araw, at pagkatapos ay nagpaalam na sa mga kapatid. Bago siya naglayag, nagpaahit siya ng buhok sa Cencrea, dahil siya'y may panata. Buhat doo'y naglakbay siya patungong Syria, kasama ang mag-asawang sina Priscila at Aquila. 19 Pagdating nila sa Efeso ay iniwan niya roon ang dalawa, ngunit pumasok muna siya sa sinagoga at nakipagpaliwanagan sa mga Judio. 20 Nang siya'y pakiusapan nilang tumigil pa roon nang mas mahabang panahon, hindi siya pumayag. 21 Ngunit sinabi niya nang siya'y nagpaalam sa kanila, “Babalik ako sa inyo kung loloobin ng Diyos.” At siya'y naglayag buhat sa Efeso. 22 Pagdating niya sa Cesarea, pumunta siya sa Jerusalem at bumati sa iglesya, pagkatapos ay nagtungo sa Antioquia. 23 Pagkatapos tumigil doon nang ilang panahon, siya'y muling naglakbay at nagpalipat-lipat sa mga lupain ng Galacia at Frigia, habang pinalalakas ang pananampalataya ng mga alagad.

Si Apolos sa Efeso at sa Corinto

24 Dumating sa Efeso ang isang Judio na ang pangalan ay Apolos, na tubong Alejandria. Mahusay siyang magsalita at dalubhasa sa Kasulatan. 25 Naturuan ang taong ito tungkol sa Daan ng Panginoon. Maalab siyang nangaral at nagturo nang wasto tungkol kay Jesus, bagaman ang nalalaman lamang niya ay hanggang sa bautismo ni Juan. 26 Siya'y nagsimulang magsalita nang buong tapang sa sinagoga. Nang marinig siya nina Priscila at Aquila ay kanilang inanyayahan siya sa bahay nila at ipinaliwanag sa kanya nang mas mabuti ang Daan ng Diyos. 27 Nang ibig na niyang tumawid patungong Acaia, pinalakas ng mga kapatid ang kanyang loob at sinulatan nila ang mga alagad doon na siya'y malugod na tanggapin. Pagdating niya roon, malaki ang kanyang naitulong sa mga taong sumampalataya dahil sa kagandahang-loob ng Diyos. 28 Sapagkat makapangyarihan niyang dinaig sa harap ng madla ang mga Judio, at mula sa mga Kasulatan ay pinatunayang si Jesus ang Cristo.

Si Pablo sa Efeso

19 Samantalang nasa Corinto si Apolos, dumaan si Pablo sa mga dakong loob ng lupain hanggang makarating sa Efeso. Natagpuan niya roon ang ilang alagad. Nagtanong siya sa kanila, “Tinanggap ba ninyo ang Banal na Espiritu nang kayo'y sumampalataya?” Sumagot sila, “Hindi. Ni hindi pa namin narinig na may Banal na Espiritu.” “Kung gayo'y sa ano kayo nabautismuhan?” tanong niya.

“Sa bautismo ni Juan,” sagot nila. Sinabi (AC) ni Pablo, “Nagbautismo si Juan ng bautismo ng pagsisisi. Sinabi niya sa mga tao na sila'y manampalataya sa darating na kasunod niya, samakatuwid ay si Jesus.” Nang marinig nila ito, sila'y binautismuhan sa pangalan ng Panginoong Jesus. Nang maipatong na ni Pablo sa kanila ang kanyang mga kamay, bumaba sa kanila ang Banal na Espiritu at sila'y nagsalita ng mga ibang wika at nagpahayag ng propesiya. Sila'y humigit-kumulang sa labindalawang lalaki.

Pumasok si Pablo sa sinagoga, at sa loob ng tatlong buwan ay buong tapang na nakipagpaliwanagan at nanghikayat tungkol sa paghahari ng Diyos. Ngunit nagmatigas ang ilan. Ayaw nilang maniwala at nagsalita pa ng masama tungkol sa Daan ng Panginoon sa harap ng kapulungan. Kaya't umalis doon si Pablo at isinama ang mga alagad. Araw-araw siyang nakipagpaliwanagan sa bulwagan ni Tiranno.[f] 10 Nagpatuloy ito sa loob ng dalawang taon. Dahil dito, ang lahat ng mga Judio at Griyegong naninirahan sa Asia ay nakarinig ng salita ng Panginoon.

Ang mga Anak ni Eskeva

11 Gumawa ang Diyos ng mga di-pangkaraniwang kababalaghan sa pamamagitan ni Pablo. 12 Pati mga panyo o mga tapis na napadikit sa kanyang katawan na dinadala sa mga maysakit ay nagiging dahilan upang sila'y gumaling at lumalabas sa kanila ang masasamang espiritu. 13 Doon ay may ilang Judio na pagala-gala na nagpapalayas ng masasamang espiritu sa pamamagitan ng salamangka. Nangahas silang bigkasin ang pangalan ng Panginoong Jesus sa mga sinasapian ng masasamang espiritu. Sinabi nila, “Sa pangalan ni Jesus na ipinapangaral ni Pablo, inuutusan ko kayong lumabas.” 14 Pitong anak na lalaki ni Eskeva, isang punong paring Judio, ang gumagawa nito. 15 Ngunit sinagot sila ng masamang espiritu, “Kilala ko si Jesus, at kilala ko si Pablo; ngunit sino kayo?” 16 At sinunggaban sila ng taong sinasapian ng masamang espiritu. Lahat sila ay dinaig niya, anupa't hubad at sugatan silang tumakas sa bahay na iyon. 17 Nabalitaan ito ng lahat ng mga Judio at ng mga Griyegong naninirahan sa Efeso. Pinagharian silang lahat ng takot, at higit na pinapurihan ang pangalan ng Panginoong Jesus. 18 Marami sa mga sumampalataya ang dumating at hayagang nagtapat ng kanilang mga gawain. 19 Marami sa mga gumagamit ng mga salamangka ang nagtipon at nagsunog ng kanilang mga aklat sa harapan ng madla. Nang kanilang bilangin ang halaga niyon, umabot ito ng may limampung libong salaping pilak. 20 Sa gayong paraan lumaganap at lubos na nanaig ang salita ng Panginoon.

Ang Kaguluhan sa Efeso

21 Pagkatapos ng mga pangyayaring ito, sa patnubay ng Espiritu ay nagpasya si Pablo na dumaan sa Macedonia at sa Acaia bago pumunta sa Jerusalem. Sabi niya, “Pagkagaling ko roon ay kailangan ko ring pumunta sa Roma.” 22 Pinauna niya sa Macedonia ang dalawa sa mga tumutulong sa kanya, sina Timoteo at Erasto, samantalang siya ay tumigil nang ilang panahon sa Asia. 23 Nang panahon ding iyon, nagkaroon ng malaking kaguluhan tungkol sa Daan ng Panginoon. 24 May isang panday-pilak doon na nagngangalang Demetrio ang gumagawa ng mga dambanang pilak ni Artemis. Pinagkakakitaan ito ng malaki ng mga panday doon. 25 Tinipon ni Demetrio ang kanyang mga manggagawa, kasama ang iba pang may ganoon ding hanapbuhay, at sinabi, “Mga kasama, alam ninyong malaki ang pakinabang natin sa trabahong ito. 26 Nakikita ninyo at naririnig na laganap na hindi lamang sa Efeso kundi halos sa buong Asia ang ginagawa nitong si Pablo. Nahikayat niya at nailigaw ang napakaraming tao. Sinasabi niyang hindi mga diyos ang ginawa ng kamay. 27 May panganib na hindi lamang mawalan ng dangal ang hanapbuhay nating ito, kundi mawalan din ng halaga ang templo ng dakilang diyosang si Artemis. Maaari pang matanggalan ng kadakilaan ang diyosa, na sinasamba ng buong Asia at ng daigdig.” 28 Nang marinig nila ito, nagsiklab ang kanilang galit at nagsigawan, “Dakila si Artemis ng Efeso!” 29 Nagkagulo sa buong lungsod at sama-sama nilang nilusob ang tanghalan, at sinunggaban sina Gaio at Aristarco, mga taga-Macedonia, na kasama ni Pablo sa paglalakbay. 30 Nais sana ni Pablo na humarap sa mga taong-bayan ngunit hindi siya pinayagan ng mga alagad. 31 Nagpadala rin ng mensahe sa kanya ang ilan sa mga kaibigan niyang pinuno sa Asia at siya'y pinakiusapang huwag mangahas lumapit sa tanghalan. 32 Samantala, magulung-magulo ang kapulungan, at iba-iba ang isinisigaw ng taong-bayan at karamihan sa kanila ay hindi alam kung bakit sila naroroon. 33 Itinulak ng mga Judio si Alejandro papuntang unahan, at ang ilan sa mga tao'y may iniuudyok sa kanya. Sumenyas si Alejandro na nais niyang ipagtanggol ang sarili sa mga taong-bayan. 34 Ngunit nang makilala nila na siya'y isang Judio, sabay-sabay nilang isinigaw sa loob ng halos dalawang oras, “Dakila si Artemis ng Efeso!” 35 Nang mapatahimik na ng kalihim ng bayan ang maraming tao ay kanyang sinabi, “Mga lalaking taga-Efeso, sino ba sa mga tao ang hindi nakaaalam na ang lungsod ng Efeso ang tagapag-ingat ng templo ng dakilang si Artemis at ng kanyang estatwa na nahulog mula sa langit? 36 Yamang hindi maikakaila ang mga bagay na ito, dapat kayong huminahon at huwag gumawa ng anumang bagay na padalus-dalos. 37 Ang mga taong dinala ninyo rito'y hindi naman magnanakaw sa templo o lumalapastangan sa ating diyosa. 38 Kaya't kung si Demetrio at ang mga panday na kasama niya ay mayroong sakdal laban kaninuman, bukas ang mga hukuman at naroon ang mga pinuno. Doon kayo magreklamo. 39 Ngunit kung may iba pang bagay kayong hinahangad, dapat itong lutasin sa nararapat na kapulungan. 40 Sapagkat nanganganib tayong maparatangan ng panggugulo sa araw na ito dahil wala naman tayong maibibigay na katwiran sa kaguluhang ito.” 41 Pagkasabi niya ng mga ito, pinaalis na niya ang mga tao.

Footnotes

  1. Mga Gawa 13:44 Panginoon, sa ibang manuskrito Diyos.
  2. Mga Gawa 15:14 Simon: Sa Griyego, Simeon.
  3. Mga Gawa 15:34 Wala ang talatang ito sa mga mas naunang manuskrito.
  4. Mga Gawa 17:6 lumilikha ng gulo...makarating. Sa Griyego binabaligtad ang mundo.
  5. Mga Gawa 17:26 Sa ibang manuskrito mula sa isang dugo.
  6. Mga Gawa 19:9 Sa ibang manuskrito ng isang Tiranno, mula sa ikalabing-isa ng umaga hanggang ikaapat ng hapon.