Add parallel Print Page Options

10 Nasa ilalim ng sumpa ang lahat na umaasa sa mga gawa ng Kautusan, (A) sapagkat nasusulat, “Sumpain ang hindi tumutupad sa lahat ng nakasulat sa aklat ng Kautusan.” 11 Maliwanag (B) na walang sinumang itinuturing na matuwid sa harap ng Diyos sa pamamagitan ng Kautusan. Ang kasulatan ay nagsabi, “Ang matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya.”[a] 12 Subalit (C) ang Kautusan ay hindi nakasalig sa pananampalataya. Sa halip, sabi nga ng kasulatan, “Ang tumutupad sa mga hinihingi ng Kautusan ay mabubuhay sa pamamagitan nito.” 13 Subalit si Cristo ay isinumpa para sa atin (D) at tinubos niya tayo mula sa sumpa ng Kautusan. Ayon nga sa nakasulat, “Sumpain ang bawat binibitay sa punongkahoy.” 14 Tinubos tayo ni Cristo upang ang pagpapalang ipinangako ng Diyos kay Abraham ay ipagkaloob din sa mga Hentil sa pamamagitan ni Cristo Jesus, at upang sa pamamagitan ng pananampalataya ay tanggapin natin ang Espiritu na siyang ipinangako.

Ang Pangako kay Abraham

15 Mga kapatid, hayaan ninyong magbigay ako ng isang pang-araw-araw na halimbawa: kapag napagtibay na ang isang kasunduan, hindi na ito mapapawalang-bisa o madadagdagan. 16 Ngayon, nangako ang Diyos kay Abraham at sa kanyang binhi. Hindi sinasabi ng kasulatan na, “At sa mga binhi,” na nangangahulugang marami, kundi “At sa iyong binhi,” na nangangahulugang isa lamang, at ito'y si Cristo. 17 Ito (E) ang ibig kong sabihin: Ang kasunduan na dati nang pinagtibay ng Diyos ay hindi mapapawalang-bisa ng Kautusan. Ang mga pangako ng Diyos ay hindi mapapawalang-saysay ng Kautusan, na dumating lamang pagkaraan ng apatnaraan at tatlumpung taon. 18 Sapagkat (F) kung ang pamana ay nakasalig sa Kautusan, hindi na ito nakasalig sa pangako. Subalit ayon sa kagandahang-loob ng Diyos ay kanyang ipinagkaloob kay Abraham ang pamana bilang katuparan ng kanyang pangako.

Ang Layunin ng Kautusan

19 Kung ganoo'y bakit ibinigay pa ang Kautusan? Idinagdag ito upang ipakita ang mga pagsuway, hanggang sa dumating ang binhi na siyang pinangakuan. Ibinigay ang Kautusan sa pamamagitan ng mga anghel, sa tulong ng isang tagapamagitan. 20 Ngunit hindi kailangan ang tagapamagitan kung iisang panig lamang ang gumagawa ng kasunduan—at ang Diyos ay iisa.

21 Nangangahulugan bang ang Kautusan ay sumasalungat sa mga pangako ng Diyos? Hindi! Kung may kautusang ibinigay na makapagbibigay-buhay, sana'y ituturing na matuwid ang tao sa pamamagitan ng pagsunod niya dito. 22 Ngunit ayon sa kasulatan, ang lahat ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng kasalanan, upang ang pangako ay makamtan ng mga mananampalataya sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo.

Read full chapter

Footnotes

  1. Galacia 3:11 o Ang matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya ay mabubuhay.