Filipos 1
Ang Biblia (1978)
1 Si Pablo at si (A)Timoteo, na mga alipin ni Cristo Jesus, sa lahat ng mga banal (B)kay Cristo Jesus na nangasa (C)Filipos, pati ng mga (D)obispo at ng mga (E)diakono:
2 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesucristo.
3 (F)Ako'y nagpapasalamat sa aking Dios, sa tuwing kayo'y aking naaalaala,
4 Na parating sa bawa't daing ko, ay masayang nananaing ako na patungkol sa inyong lahat,
5 Dahil sa inyong pakikisama (G)sa pagpapalaganap ng evangelio, mula nang unang araw hanggang ngayon;
6 Na ako'y may lubos na pagkakatiwala sa bagay na ito, na ang nagpasimula sa inyo ng mabuting gawa, ay lulubusin (H)hanggang sa araw ni Jesucristo:
7 Gaya ng matuwid na aking isiping gayon tungkol sa inyong lahat, sapagka't kayo'y nasa aking puso, palibhasa'y, (I)sa aking mga tanikala at (J)pagsasanggalang at sa pagpapatunay naman sa evangelio, kayong lahat na kasama ko ay may bahagi sa biyaya.
8 Sapagka't saksi ko ang Dios, (K)kung gaano ang pananabik ko sa inyong lahat sa (L)mahinahong habag ni Cristo Jesus.
9 At ito'y idinadalangin ko, na ang inyong pagibig ay lalo't lalo pang sumagana nawa sa (M)kaalaman at sa lahat ng pagkakilala;
10 Upang (N)inyong kilalanin ang mga bagay na magagaling; upang kayo'y maging mga tapat at walang kapintasan (O)hanggang sa kaarawan ni Cristo;
11 Na mangapuspos ng (P)bunga ng kabanalan, na ito'y sa pamamagitan ni Jesucristo, (Q)sa ikaluluwalhati at ikapupuri ng Dios.
12 Ngayon ibig ko na inyong maalaman, mga kapatid, na ang mga bagay na nangyari sa akin ay nangyari sa lalong ikasusulong ng evangelio;
13 Ano pa't ang aking mga tanikala kay Cristo ay nahayag sa lahat ng mga bantay ng pretorio, at sa mga iba't iba pa;
14 At ang karamihan sa mga kapatid sa Panginoon, na palibhasa'y may pagkakatiwala sa aking mga tanikala, ay lalong nagkaroon ng tapang upang salitaing walang takot ang salita ng Dios.
15 Tunay na ipinangangaral ng iba si Cristo sa kapanaghilian at sa pakikipagtalo; at ng mga iba naman sa mabuting kalooban:
16 Ang isa'y gumagawa nito sa pagibig, palibhasa'y nalalaman na ako'y nalalagay sa (R)pagsasanggalang ng evangelio;
17 Datapuwa't itinatanyag ng iba si Cristo dahil sa pagkakampikampi, hindi sa pagtatapat, na ang iniisip ay dalhan ako ng kapighatian sa aking mga tanikala.
18 Ano nga? gayon man, sa lahat ng paraan, maging sa pagdadahilan o sa katotohanan, ay itinatanyag si Cristo; at sa ganito'y nagagalak ako, oo, at ako'y magagalak.
19 Sapagka't nalalaman ko na ang kahihinatnan nito'y sa aking ikaliligtas, (S)sa pamamagitan ng inyong pananaing at kapuspusan (T)ng Espiritu ni Cristo,
20 Ayon sa aking maningas na paghihintay at pagasa, na, (U)sa anoma'y hindi ako mapapahiya, kundi (V)sa buong katapangan, na gaya ng dati, gayon din naman ngayon, ay dadakilain si Cristo sa aking katawan, maging sa pamamagitan ng kabuhayan, o sa pamamagitan ng kamatayan.
21 Sapagka't sa ganang akin (W)ang mabuhay ay si Cristo, at ang mamatay ay pakinabang.
22 Nguni't kung ang mabuhay sa laman ay siya kong palad,—ito'y magiging mabungang pagpapagal, na aywan ko nga kung ano ang aking pipiliin.
23 Sapagka't ako'y nagigipit (X)sa magkabila, akong may nasang (Y)umalis at suma kay Cristo; sapagka't ito'y lalong mabuti:
24 Gayon ma'y ang manatili sa laman ay siyang lalong kinakailangan dahil sa inyo.
25 At sa pagkakatiwalang ito, ay aking nalalaman na ako'y mananatili, oo, at mananatili ako na kasama ninyong lahat, sa ikasusulong ninyo at ikagagalak sa pananampalataya;
26 Upang managana ang inyong pagmamapuri kay Cristo Jesus sa akin sa pamamagitan ng aking pagharap na muli sa inyo.
27 Ang inyo lamang pamumuhay (Z)ay maging karapatdapat sa evangelio ni Cristo: upang, maging ako ay dumating at kayo'y makita, o wala man sa harap ninyo, ay mabalitaan ko ang inyong kalagayan, na (AA)kayo'y matitibay sa isang espiritu, (AB)na kayo'y mangagkaisa ng kaluluwa (AC)na nangagsisikap sa pananampalataya sa evangelio;
28 At sa anoman ay huwag kayong mangatakot sa mga kaaway: (AD)na ito sa kanila ay malinaw na tanda ng kapahamakan, datapuwa't tanda ng inyong pagkaligtas, at ito'y mula sa Dios;
29 Sapagka't sa inyo'y (AE)ipinagkaloob alangalang kay Cristo, hindi lamang upang manampalataya sa kaniya, kundi upang magtiis din naman alangalang sa kaniya:
30 Yamang taglay ninyo ang pakikipagbuno (AF)na inyong nakita rin sa akin, at ngayo'y nababalitaan ninyong taglay ko.
Filipos 1
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
1 Mula kina (A) Pablo at Timoteo, mga lingkod ni Cristo Jesus, para sa lahat ng mga banal kay Cristo Jesus na nasa Filipos, kasama ang mga tagapangasiwa at ang mga tagapaglingkod:[a] 2 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at mula sa Panginoong Jesu-Cristo.
Panalangin ni Pablo para sa mga Taga-Filipos
3 Nagpapasalamat ako sa aking Diyos tuwing naaalala ko kayo. 4 Sa bawat panalangin ko para sa inyong lahat, lagi akong nananalanging may kagalakan, 5 dahil sa inyong pakikibahagi upang maipalaganap ang ebanghelyo, mula nang unang araw hanggang ngayon. 6 Lubos ang aking pagtitiwala na ang Diyos na nagpasimula sa inyo ng mabuting gawa ang tatapos nito hanggang sa araw ni Cristo Jesus. 7 Tama lamang na ganoon ang isipin ko tungkol sa inyong lahat, dahil kayo'y nasa aking puso.[b] Ang dahilan nito'y kayong lahat ay aking mga katuwang sa biyaya ng Diyos maging sa aking pagkakabilanggo, sa pagtatanggol at pagpapatunay sa ebanghelyo. 8 Sapagkat saksi ko ang Diyos, kalakip ang pagmamahal ni Cristo Jesus kung gaano ang pananabik ko sa inyong lahat. 9 Idinadalangin ko na lalo pang sumagana ang inyong pag-ibig kalakip ang kaalaman at malalim na pang-unawa; 10 upang matiyak ninyo kung alin ang pinakamahalagang bagay. Sa gayon, kayo'y maging dalisay at sa inyo'y walang maisusumbat pagsapit ng araw ni Cristo, 11 yamang kayo'y napuno ng bunga ng katuwiran sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, tungo sa kaluwalhatian at karangalan ng Diyos.
Ang Mithiin ni Pablo
12 Nais kong malaman ninyo, mga kapatid, na ang mga bagay na nangyari sa akin ay nagbigay-daan sa paglaganap ng ebanghelyo, 13 anupa't (B) naging malinaw sa lahat ng mga bantay ng pamahalaang Romano at sa iba pang tao na ang aking pagkabilanggo ay dahil kay Cristo. 14 Kaya karamihan sa mga kapatid sa Panginoon ay nagkaroon ng lakas ng loob na ipahayag nang buong tapang at walang takot ang salita ng Diyos dahil sa aking pagkabilanggo.
15 Totoo nga na ipinangangaral ng iba si Cristo sapagkat sila'y naiinggit at nais lamang makipagpaligsahan, samantalang ang iba naman ay dahil sa mabuting hangarin. 16 Ang mga ito'y nangangaral dahil sa pag-ibig sapagkat alam nila na ako'y itinalaga para ipagtanggol ang ebanghelyo. 17 Ipinangangaral naman ng iba si Cristo dahil sa mga pansariling layunin; wala silang katapatan, at ang hangarin ay lalo pa akong pahirapan sa aking pagkakabilanggo. 18 Ano naman ito sa akin? Ang mahalaga ay naipapahayag si Cristo kahit sa anong paraan, pakunwari man o tunay ang layunin. Dahil dito'y nagagalak ako at ako'y patuloy na magagalak, 19 sapagkat alam kong ang pangyayaring ito ay para sa aking kaligtasan, sa pamamagitan ng inyong mga panalangin at sa tulong ng Espiritu ni Jesu-Cristo. 20 Gaya ng aking pinakahihintay at inaasahan, hindi ako mapapahiya sa anumang kadahilanan, kundi sa pagkakaroon ko ng buong katapangan, si Cristo ay dadakilain ngayon, tulad ng dati, sa aking katawan, sa pamamagitan man ng buhay o ng kamatayan. 21 Sapagkat para sa akin ang mabuhay ay si Cristo, at ang mamatay ay pakinabang. 22 Kung ako man ay mabubuhay sa katawan, ito'y mangangahulugan na mas maraming bagay pa ang ibubunga ng aking gawain. Ngunit hindi ko alam kung alin ang aking pipiliin. 23 Ako'y naiipit sa dalawang ito: Nais ko nang lumisan at makapiling si Cristo, sapagkat ito'y lalong mabuti. 24 Subalit ang manatili sa katawan ay higit na kailangan para sa inyong kapakanan. 25 At sa paniniwalang ito, alam kong mananatili pa ako at magpapatuloy na kasama ninyong lahat, para sa inyong pag-unlad at kagalakan sa pananampalataya. 26 Sa muli kong pagpunta sa inyo ay masagana akong magiging bahagi ng inyong pagmamalaki na nakay Cristo Jesus.
27 Mamuhay lamang kayo sa paraang karapat-dapat sa ebanghelyo ni Cristo. Sa gayon dumating man ako at kayo'y makita, o wala man sa harap ninyo at mabalitaan ko ang inyong kalagayan, malalaman kong kayo'y matatag na naninindigan sa iisang espiritu, at may isang layunin na sama-samang ipinaglalaban ang pananampalataya ng ebanghelyo, 28 at sa anumang paraan ay hindi kayang takutin ng inyong mga kaaway. Para sa kanila ito ay tanda ng kanilang pagkapahamak, ngunit sa inyo naman ay tanda ng inyong kaligtasan, at ito'y galing sa Diyos. 29 Sapagkat ipinagkaloob sa inyo alang-alang kay Cristo, hindi lamang ang manampalataya sa kanya, kundi ang magdusa rin alang-alang sa kanya, 30 yamang (C) nararanasan ninyo ang pakikipaglaban na nakita ninyong hinarap ko, at ngayo'y nababalitaan ninyong kinakaharap ko pa rin.
Footnotes
- Filipos 1:1 o mga obispo at mga diakono.
- Filipos 1:7 o sapagkat ako'y nasa inyong puso.
Filipos 1
Ang Dating Biblia (1905)
1 Si Pablo at si Timoteo, na mga alipin ni Cristo Jesus, sa lahat ng mga banal kay Cristo Jesus na nangasa Filipos, pati ng mga obispo at ng mga diakono:
2 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesucristo.
3 Ako'y nagpapasalamat sa aking Dios, sa tuwing kayo'y aking naaalaala,
4 Na parating sa bawa't daing ko, ay masayang nananaing ako na patungkol sa inyong lahat,
5 Dahil sa inyong pakikisama sa pagpapalaganap ng evangelio, mula nang unang araw hanggang ngayon;
6 Na ako'y may lubos na pagkakatiwala sa bagay na ito, na ang nagpasimula sa inyo ng mabuting gawa, ay lulubusin hanggang sa araw ni Jesucristo:
7 Gaya ng matuwid na aking isiping gayon tungkol sa inyong lahat, sapagka't kayo'y nasa aking puso, palibhasa'y, sa aking mga tanikala at pagsasanggalang at sa pagpapatunay naman sa evangelio, kayong lahat na kasama ko ay may bahagi sa biyaya.
8 Sapagka't saksi ko ang Dios, kung gaano ang pananabik ko sa inyong lahat sa mahinahong habag ni Cristo Jesus.
9 At ito'y idinadalangin ko, na ang inyong pagibig ay lalo't lalo pang sumagana nawa sa kaalaman at sa lahat ng pagkakilala;
10 Upang inyong kilalanin ang mga bagay na magagaling; upang kayo'y maging mga tapat at walang kapintasan hanggang sa kaarawan ni Cristo;
11 Na mangapuspos ng bunga ng kabanalan, na ito'y sa pamamagitan ni Jesucristo, sa ikaluluwalhati at ikapupuri ng Dios.
12 Ngayon ibig ko na inyong maalaman, mga kapatid, na ang mga bagay na nangyari sa akin ay nangyari sa lalong ikasusulong ng evangelio;
13 Ano pa't ang aking mga tanikala kay Cristo ay nahayag sa lahat ng mga bantay ng pretorio, at sa mga iba't iba pa;
14 At ang karamihan sa mga kapatid sa Panginoon, na palibhasa'y may pagkakatiwala sa aking mga tanikala, ay lalong nagkaroon ng tapang upang salitaing walang takot ang salita ng Dios.
15 Tunay na ipinangangaral ng iba si Cristo sa kapanaghilian at sa pakikipagtalo; at ng mga iba naman sa mabuting kalooban:
16 Ang isa'y gumagawa nito sa pagibig, palibhasa'y nalalaman na ako'y nalalagay sa pagsasanggalang ng evangelio;
17 Datapuwa't itinatanyag ng iba si Cristo dahil sa pagkakampikampi, hindi sa pagtatapat, na ang iniisip ay dalhan ako ng kapighatian sa aking mga tanikala.
18 Ano nga? gayon man, sa lahat ng paraan, maging sa pagdadahilan o sa katotohanan, ay itinatanyag si Cristo; at sa ganito'y nagagalak ako, oo, at ako'y magagalak.
19 Sapagka't nalalaman ko na ang kahihinatnan nito'y sa aking ikaliligtas, sa pamamagitan ng inyong pananaing at kapuspusan ng Espiritu ni Cristo,
20 Ayon sa aking maningas na paghihintay at pagasa, na, sa anoma'y hindi ako mapapahiya, kundi sa buong katapangan, na gaya ng dati, gayon din naman ngayon, ay dadakilain si Cristo sa aking katawan, maging sa pamamagitan ng kabuhayan, o sa pamamagitan ng kamatayan.
21 Sapagka't sa ganang akin ang mabuhay ay si Cristo, at ang mamatay ay pakinabang.
22 Nguni't kung ang mabuhay sa laman ay siya kong palad, ito'y magiging mabungang pagpapagal, na aywan ko nga kung ano ang aking pipiliin.
23 Sapagka't ako'y nagigipit sa magkabila, akong may nasang umalis at suma kay Cristo; sapagka't ito'y lalong mabuti:
24 Gayon ma'y ang manatili sa laman ay siyang lalong kinakailangan dahil sa inyo.
25 At sa pagkakatiwalang ito, ay aking nalalaman na ako'y mananatili, oo, at mananatili ako na kasama ninyong lahat, sa ikasusulong ninyo at ikagagalak sa pananampalataya;
26 Upang managana ang inyong pagmamapuri kay Cristo Jesus sa akin sa pamamagitan ng aking pagharap na muli sa inyo.
27 Ang inyo lamang pamumuhay ay maging karapatdapat sa evangelio ni Cristo: upang, maging ako ay dumating at kayo'y makita, o wala man sa harap ninyo, ay mabalitaan ko ang inyong kalagayan, na kayo'y matitibay sa isang espiritu, na kayo'y mangagkaisa ng kaluluwa na nangagsisikap sa pananampalataya sa evangelio;
28 At sa anoman ay huwag kayong mangatakot sa mga kaaway: na ito sa kanila ay malinaw na tanda ng kapahamakan, datapuwa't tanda ng inyong pagkaligtas, at ito'y mula sa Dios;
29 Sapagka't sa inyo'y ipinagkaloob alangalang kay Cristo, hindi lamang upang manampalataya sa kaniya, kundi upang magtiis din naman alangalang sa kaniya:
30 Yamang taglay ninyo ang pakikipagbuno na inyong nakita rin sa akin, at ngayo'y nababalitaan ninyong taglay ko.
Filipos 1
Ang Salita ng Diyos
Pagbati
1 Akong si Pablo at si Timoteo ay mga alipin ni Cristo Jesus. Kami ay sumusulat sa lahat ng mga banal kay Cristo Jesus na nasa Filipos gayundin sa mga tagapamahala at sa mga diyakono.
2 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesucristo.
Pasasalamat at Pananalangin
3 Nagpapasalamat ako sa aking Diyos tuwing maaala-ala ko kayo.
4 Humihiling ako sa Diyos na may galak para sa inyong lahat sa tuwing dumadalangin ako. 5 Ito ay dahil sa inyong pakikipag-isa sa ebanghelyo mula pa noong unang araw hanggang ngayon. 6 Lubos akong nakakatiyak sa bagay na ito, na siya na nagsimula ng mabuting gawa sa inyo ay magtatapos nito hanggang sa araw ni Jesucristo.
7 Matuwid lamang na maging ganito ang aking kaisipan sa inyong lahat sapagkat kayo ay nasa puso ko. Kayong lahat ay kabahagi ko sa biyaya, sa pagkatanikala, sa pagtatanggol at sa pagpapatunay na totoo ang ebanghelyo. 8 Ito ay sapagkat ang Diyos ang aking saksi kung gaano ang pananabik ko sa inyong lahat na tulad ng pagmamalasakit na mayroon si Jesucristo.
9 Ito ang aking panalangin na ang inyong pag-ibig ay lalung-lalo pang sumagana sa kaalaman at sa lahat ng pagkaunawa. 10 Dalangin ko rin na mapili ninyo ang mga bagay na pinakamabuti upang kayo ay maging tapat at walang kapintasan hanggang sa araw ni Cristo. 11 At upang kayo ay mapuspos ng mga bunga ng katuwiran sa pamamagitan ni Jesucristo sa ikaluluwalhati at sa ikapupuri ng Diyos.
Ang mga Tanikala ni Pabloay Nagpalaganap sa Ebanghelyo
12 Mga kapatid, ibig kong maunawaan ninyo ngayon na ang mga bagay na nangyari sa akin ay nagbunga ng paglaganap ng ebanghelyo. 13 Dahil dito, naging maliwanag sa lahat ng mga bantay sa palasyo at sa lahat ng iba pang tao na ako ay nakatanikala dahil kay Cristo. 14 Dahil sa aking pagkatanikala ang nakararami sa mga kapatid sa Panginoon ay lalong nagtiwala sa Panginoon, sila ay lalong naging malakas ang loob sa pangangaral ng salita nang walang takot.
15 Totoo ngang may ilang nangangaral patungkol kay Cristo dahil sa inggit at dahil sa paglalaban-laban ngunit ang iba naman ay sa mabuting kalooban. 16 Ang ilan ay naghahayag patungkol kay Cristo dahil sa makasariling hangarin, hindi sa katapatan ng kalooban, na nag-aakalang ito ay makakadagdag ng paghihirap sa aking pagkakatanikala. 17 Ngunit ang iba ay gumagawa nang dahil sa pag-ibig, na kanilang nalalaman na ako ay itinalaga sa pagtatanggol sa ebanghelyo. 18 Ano nga ang kahalagahan nito? Ang mahalaga ay naipangaral si Cristo sa anumang paraan, maging sa pagkukunwari o sa katotohanan. Dahil dito, ako ay nagagalak at patuloy na magagalak.
19 Sapagkat nalalaman kong ang kahihinatnan nito ay ang aking kalayaan sa pamamagitan ng inyong pananalangin may paghiling at sa pamamagitan ng mga ipinagkakaloob ng Espiritu ni Jesucristo. 20 Ito ay ayon sa aking mataimtim na pag-asam at pag-asa na sa anuman bagay ay hindi ako mapapahiya. Sa halip, sa pagtaglay ko ng buong katapangan na gaya rin ng dati, aydakilain si Cristo sa aking katawan maging sa buhay o sa kamatayan. 21 Ito ay sapagkat sa ganang akin, ang mabuhay ay si Cristo at ang mamatay ay pakinabang. 22 Ngunit kung ang mabuhay sa laman ay mangangahulugan ng mabungang pagpapagal, hindi ko malaman kung ano ang aking pipiliin. 23 Ito ay sapagkat napipigilan ako ng dalawang pagpipilian. Nais kong pumanaw na upang mapasa piling ni Cristo na ito ay lalong mabuti. 24 Ngunit ang manatili sa katawan ay higit na kailangan dahil sa inyo. 25 Dahil lubos akong nakakatiyak sa bagay na ito,nalalaman kong ako ay mananatili at patuloy na makakasama ninyong lahat sa inyong pagsulong at kagalakan sa inyong pananampalataya. 26 Ito ay upang kung muli ninyo akong makasama ay mag-umapaw ang inyong pagmamapuri kay Cristo Jesus dahil sa akin.
27 Kinakailangang mamuhay kayong karapat-dapat sa ebanghelyo ni Cristo upang kung ako ay pumunta riyan at makita kayo o hindi man ay makabalita ako ng patungkol sa inyo, na kayo ay nananatiling matatag sa iisang espiritu at iisang isipan at sama-sama ninyong ipinagtatanggol ang pananampalataya ng ebanghelyo. 28 At hindi kayo maaaring takutin sa anumang paraan ng inyong mga kaaway. Sa kanila, ito ay maliwanag na palatandaan patungo sa kanilang ikapapahamak. Para sa inyo, ito ay sa ikaliligtas, at ito ay mula sa Diyos. 29 Sapagkat ipinagkaloob sa inyo alang-alang kay Cristo, hindi lamang ang sumampalataya sa kaniya kundi ang magbata rin naman ng hirap alang-alang sa kaniya. 30 Nasa inyo ang pakikipagbakang nakita ninyong nasa akin at nababalitaan ninyong nasa akin ngayon.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Copyright © 1998 by Bibles International
