Ezra 7
Ang Biblia, 2001
Si Ezra ay Dumating sa Jerusalem
7 Pagkatapos ng mga bagay na ito, sa paghahari ni Artaxerxes na hari ng Persia, si Ezra na anak ni Seraya, na anak ni Azarias, na anak ni Hilkias,
2 na anak ni Shallum, na anak ni Zadok, na anak ni Ahitub,
3 na anak ni Amarias, na anak ni Azarias, na anak ni Meraiot,
4 na anak ni Zeraias, na anak ni Uzi, na anak ni Buki,
5 na anak ni Abisua, na anak ni Finehas, na anak ni Eleazar, na anak ni Aaron, na punong pari—
6 ang Ezrang ito ay umahon mula sa Babilonia. Siya'y isang eskribang dalubhasa sa kautusan ni Moises na ibinigay ng Panginoong Diyos ng Israel. Ipinagkaloob sa kanya ng hari ang lahat niyang hiniling, sapagkat ang Panginoon niyang Diyos ay kasama niya.
7 At umahon din patungo sa Jerusalem sa ikapitong taon ni Artaxerxes na hari, ang ilan sa mga anak ni Israel, at ilan sa mga pari at mga Levita, ang mga mang-aawit at mga tanod sa pinto, at ang mga lingkod sa templo.
8 Siya'y dumating sa Jerusalem nang ikalimang buwan, sa ikapitong taon ng hari.
9 Sa unang araw ng unang buwan ay nagsimula siyang umahon mula sa Babilonia, at sa unang araw ng ikalimang buwan ay dumating siya sa Jerusalem, sapagkat ang mabuting kamay ng kanyang Diyos ay nasa kanya.
10 Inilagak ni Ezra ang kanyang puso upang saliksikin ang kautusan ng Panginoon, upang sundin ito at ituro sa Israel ang kanyang mga batas at mga tuntunin.
Ang Sulat ni Artaxerxes kay Ezra
11 Ito ang sipi ng sulat na ibinigay ng Haring Artaxerxes kay Ezra na pari, ang eskriba, isang marunong sa mga bagay ng mga utos ng Panginoon at ng kanyang mga alituntunin sa Israel:
12 “Si Artaxerxes, hari ng mga hari, kay Ezra na pari, na kalihim[a] ng kautusan ng Diyos ng langit. At ngayon,
13 ako'y gumagawa ng utos na sinumang kabilang sa bayan ng Israel o ang kanilang mga pari o mga Levita sa aking kaharian na nagnanais pumunta sa Jerusalem, ay maaaring sumama sa iyo.
14 Sapagkat ikaw ay sinugo ng hari at ng kanyang pitong tagapayo upang mag-usisa tungkol sa Juda at Jerusalem ayon sa kautusan ng iyong Diyos na nasa iyong kamay,
15 at upang dalhin din ang pilak at ginto na kusang inihandog ng hari at ng kanyang mga tagapayo sa Diyos ng Israel na ang tahanan ay nasa Jerusalem,
16 kasama ang lahat ng pilak at ginto na iyong matatagpuan sa buong lalawigan ng Babilonia, pati ang kusang-loob na handog ng taong-bayan at ng mga pari na mga kusang-loob na ipinanata para sa bahay ng kanilang Diyos na nasa Jerusalem.
17 Sa pamamagitan ng salaping ito, buong sikap kang bibili ng mga toro, mga lalaking tupa, mga kordero, pati ng mga handog na butil at ng mga inuming handog ng mga iyon, at ang mga iyon ay iyong ihahandog sa ibabaw ng dambana ng bahay ng inyong Diyos na nasa Jerusalem.
18 Anumang inaakala mo at ng iyong mga kapatid na mabuting gawin sa nalabi sa pilak at ginto, maaari ninyong gawin ayon sa kalooban ng inyong Diyos.
19 Ang mga kagamitang ibinigay sa iyo para sa paglilingkod sa bahay ng iyong Diyos ay dalhin mo sa harapan ng Diyos ng Jerusalem.
20 Anumang kakailanganin pa sa bahay ng iyong Diyos na may pagkakataon kang magbigay, ay magbigay ka mula sa kabang-yaman ng hari.
21 “At ako, si Haring Artaxerxes, ay gumagawa ng utos para sa lahat ng ingat-yaman sa lalawigan sa kabila ng Ilog: Anumang hingin sa inyo ni Ezra na pari, na eskriba ng kautusan ng Diyos ng langit ay gawin nang buong sikap,
22 hanggang sa isandaang talentong pilak, isandaang takal ng trigo, isandaang takal[b] na alak, isandaang takal na langis, at asin na walang takdang dami.
23 Anumang iniutos ng Diyos ng langit, gawin ito nang lubos para sa bahay ng Diyos ng langit; baka ang kanyang poot ay maging laban sa kaharian ng hari at ng kanyang mga anak.
24 Ipinagbibigay alam din namin sa inyo na hindi matuwid na patawan ng buwis, buwis sa kalakal, o upa ang sinuman sa mga pari, mga Levita, mga mang-aawit, mga tanod sa pinto, mga lingkod sa templo, o ang iba pang lingkod ng bahay na ito ng Diyos.
25 “At ikaw, Ezra, ayon sa karunungan ng iyong Diyos na taglay mo, humirang ka ng mga mahistrado at mga hukom na makakahatol sa buong bayan sa lalawigan sa kabila ng Ilog, yaong lahat na nakakaalam ng mga kautusan ng iyong Diyos; at yaong mga hindi nakakaalam niyon ay inyong turuan.
26 Sinumang hindi susunod sa kautusan ng iyong Diyos at sa kautusan ng hari, mahigpit na igagawad sa kanya ang hatol, maging sa kamatayan o sa pagtatapon o sa pagsamsam ng kanyang mga ari-arian, o sa pagkabilanggo.”
27 Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng ating mga ninuno na naglagay ng ganitong bagay sa puso ng hari, upang pagandahin ang bahay ng Panginoon na nasa Jerusalem;
28 at nagpaabot sa akin ng kanyang tapat na pag-ibig sa harapan ng hari, at ng kanyang mga tagapayo, at sa harapan ng lahat ng mga makapangyarihang pinuno ng hari. Ako'y nagkaroon ng tapang, sapagkat ang kamay ng Panginoon kong Diyos ay nasa akin, at tinipon ko ang mga pangunahing lalaki mula sa Israel upang pumuntang kasama ko.
Ezra 7
Ang Biblia (1978)
Si Ezra ay dumating sa Jerusalem.
7 Pagkatapos nga ng mga bagay na ito, sa paghahari ni (A)Artajerjes (B)na hari sa Persia, si Ezra na anak ni Seraias, na anak ni Azarias, na anak ni Hilcias,
2 Na anak ni Sallum, na anak ni Sadoc, na anak ni Achitob,
3 Na anak ni Amarias, na anak ni Azarias, na anak ni Meraioth,
4 Na anak ni Zeraias, na anak ni Uzzi, na anak ni Bucci,
5 Na anak ni Abisue, na anak ni Phinees, na anak ni Eleazar, na anak ni Aaron, na pangulong saserdote:
6 Ang Ezra na ito ay yumaon mula sa Babilonia. At (C)siya'y kalihim na bihasa sa kautusan ni Moises, na ibinigay ng Panginoon, ng Dios ng Israel: at tinulutan siya ng hari sa lahat niyang kahilingan, ayon sa (D)kamay ng Panginoon niyang Dios na sumasa kaniya.
7 (E)At nakiahon sa Jerusalem ang ilan sa mga anak ni Israel, at sa mga saserdote, (F)at sa mga Levita, at sa mga mangaawit, at sa mga tagatanod-pinto, at sa mga (G)Nethineo, sa ikapitong taon ni Artajerjes na hari.
8 At siya'y naparoon sa Jerusalem sa ikalimang buwan, na sa ikapitong taon ng hari.
9 Sapagka't sa unang araw ng unang buwan ay nagpasimula siyang umahon mula sa Babilonia, at sa unang araw ng ikalimang buwan ay dumating siya sa Jerusalem, ayon sa mabuting kamay ng kaniyang Dios na sumasa kaniya.
10 Sapagka't inilagak ni Ezra ang kaniyang puso na hanapin ang kautusan ng Panginoon, at upang gawin, at upang (H)magturo sa Israel ng mga palatuntunan at mga kahatulan.
Ang sulat ni Artajerjes kay Ezra.
11 Ito nga ang salin ng sulat na ibinigay ng haring Artajerjes kay Ezra na saserdote, na kalihim, na kalihim sa mga salita ng mga utos ng Panginoon, at ng kaniyang mga palatuntunan sa Israel.
12 Si Artajerjes, na (I)hari ng mga hari, kay Ezra na saserdote, na kalihim sa kautusan ng Dios ng langit, na sakdal at iba pa.
13 Ako'y gumagawa ng pasiya, na silang lahat na sa bayan ng Israel, at ang kanilang mga saserdote at ang mga Levita, sa aking kaharian, na nagakala ng kanilang sariling kusang kalooban na nagsiparoon sa Jerusalem, ay magsisama sa iyo.
14 Yamang ikaw ay sinugo sa ganang hari at ng kaniyang (J)pitong kasangguni, upang magusisa tungkol sa Juda at Jerusalem, ayon sa kautusan ng iyong Dios na nasa iyong kamay;
15 At dalhin ang pilak at ginto na inihandog na kusa ng hari at ng kaniyang mga kasangguni sa Dios ng Israel, na ang tahanan ay nasa Jerusalem.
16 At ang lahat na pilak at ginto na iyong masusumpungan sa buong lalawigan ng Babilonia, pati ng kusang handog ng bayan, at ng mga saserdote, na mga naghahandog na kusa sa bahay ng kanilang Dios na nasa Jerusalem;
17 Kaya't ibibili mo ng buong sikap ang salaping ito ng mga toro, mga lalaking tupa, mga kordero, pati ng mga (K)handog na harina at ng mga (L)handog na inumin ng mga yaon, at iyong ihahandog sa ibabaw ng dambana ng bahay ng inyong Dios na nasa Jerusalem.
18 At anomang akalain mong mabuti at ng iyong mga kapatid na gawin sa labis sa pilak at ginto, gawin ninyo ayon sa kalooban ng inyong Dios.
19 At ang mga sisidlang nabigay sa iyo na ukol sa paglilingkod sa bahay ng iyong Dios, ibigay mo sa harap ng Dios sa Jerusalem.
20 At anomang kakailanganin pa sa bahay ng iyong Dios, na ipagkakailangan mong ibigay, ibigay mo na mula sa bahay ng kayamanan ng hari.
21 At ako, akong si Artajerjes na hari, nagpasiya sa lahat na mga tagaingat-yaman na nasa dako roon ng Ilog, na anomang hingin sa inyo ni Ezra na saserdote, na kalihim sa kautusan ng Dios ng langit, ibigay ng buong sikap,
22 Hanggang isang daang talentong pilak, at hanggang isang daang takal ng trigo, at isang daang bath ng alak at isang daang bath ng langis, at asin na walang tasa.
23 Anomang iniutos ng Dios ng langit, gawing lubos sa bahay ng Dios ng langit; sapagka't bakit magkakaroon ng poot ng Dios laban sa kaharian ng hari at ng kaniyang mga anak?
24 Pinatototohanan din naman namin sa inyo, na tungkol sa sinoman sa mga saserdote at mga Levita, mga mangaawit, mga tagatanod-pinto, mga Nethineo, o mga lingkod sa bahay na ito ng Dios, ay hindi marapat na lapatan sila ng (M)buwis, kabayaran, o upa.
25 At ikaw, Ezra, ayon sa karunungan ng iyong Dios na nasa iyong kamay, maghalal ka ng mga magistrado, at mga hukom, na makakahatol sa buong bayan na nasa dako roon ng Ilog, niyaong lahat na nakatatalos ng mga kautusan ng iyong Dios; at turuan ninyo yaong hindi nakakaalam.
26 At sinomang hindi tumupad ng kautusan ng iyong Dios, at ng kautusan ng hari, gawin sa kaniya ang kahatulan ng buong sikap, maging sa kamatayan, o sa pagtatapon o sa pagsamsam ng mga pagaari, o sa pagkabilanggo.
27 Purihin ang Panginoon, ang Dios ng ating mga magulang, na naglagak ng ganyang mga bagay na gaya nito sa puso ng hari, na pagandahin ang bahay ng Panginoon na nasa Jerusalem:
28 (N)At nagdulot sa akin ng kahabagan sa harap ng hari, at ng kaniyang mga kasangguni, at sa harap ng lahat na may kayang prinsipe ng hari. At ako'y tumibay ayon sa kamay ng Panginoon kong Dios na sumasa akin, at ako'y nagpisan mula sa Israel ng mga pangulong lalake upang magsiahong kasama ko.
Ezra 7
Ang Dating Biblia (1905)
7 Pagkatapos nga ng mga bagay na ito, sa paghahari ni Artajerjes na hari sa Persia, si Ezra na anak ni Seraias, na anak ni Azarias, na anak ni Hilcias,
2 Na anak ni Sallum, na anak ni Sadoc, na anak ni Achitob,
3 Na anak ni Amarias, na anak ni Azarias, na anak ni Meraioth,
4 Na anak ni Zeraias, na anak ni Uzzi, na anak ni Bucci,
5 Na anak ni Abisue, na anak ni Phinees, na anak ni Eleazar, na anak ni Aaron, na pangulong saserdote:
6 Ang Ezra na ito ay yumaon mula sa Babilonia. At siya'y kalihim na bihasa sa kautusan ni Moises, na ibinigay ng Panginoon, ng Dios ng Israel: at tinulutan siya ng hari sa lahat niyang kahilingan, ayon sa kamay ng Panginoon niyang Dios na sumasa kaniya.
7 At nakiahon sa Jerusalem ang ilan sa mga anak ni Israel, at sa mga saserdote, at sa mga Levita, at sa mga mangaawit, at sa mga tagatanod-pinto, at sa mga Nethineo, sa ikapitong taon ni Artajerjes na hari.
8 At siya'y naparoon sa Jerusalem sa ikalimang buwan, na sa ikapitong taon ng hari.
9 Sapagka't sa unang araw ng unang buwan ay nagpasimula siyang umahon mula sa Babilonia, at sa unang araw ng ikalimang buwan ay dumating siya sa Jerusalem, ayon sa mabuting kamay ng kaniyang Dios na sumasa kaniya.
10 Sapagka't inilagak ni Ezra ang kaniyang puso na hanapin ang kautusan ng Panginoon, at upang gawin, at upang magturo sa Israel ng mga palatuntunan at mga kahatulan.
11 Ito nga ang salin ng sulat na ibinigay ng haring Artajerjes kay Ezra na saserdote, na kalihim, na kalihim sa mga salita ng mga utos ng Panginoon, at ng kaniyang mga palatuntunan sa Israel.
12 Si Artajerjes, na hari ng mga hari, kay Ezra na saserdote, na kalihim sa kautusan ng Dios ng langit, na sakdal at iba pa.
13 Ako'y gumagawa ng pasiya, na silang lahat na sa bayan ng Israel, at ang kanilang mga saserdote at ang mga Levita, sa aking kaharian, na nagakala ng kanilang sariling kusang kalooban na nagsiparoon sa Jerusalem, ay magsisama sa iyo.
14 Yamang ikaw ay sinugo sa ganang hari at ng kaniyang pitong kasangguni, upang magusisa tungkol sa Juda at Jerusalem, ayon sa kautusan ng iyong Dios na nasa iyong kamay;
15 At dalhin ang pilak at ginto na inihandog na kusa ng hari at ng kaniyang mga kasangguni sa Dios ng Israel, na ang tahanan ay nasa Jerusalem.
16 At ang lahat na pilak at ginto na iyong masusumpungan sa buong lalawigan ng Babilonia, pati ng kusang handog ng bayan, at ng mga saserdote, na mga naghahandog na kusa sa bahay ng kanilang Dios na nasa Jerusalem;
17 Kaya't ibibili mo ng buong sikap ang salaping ito ng mga toro, mga lalaking tupa, mga kordero, pati ng mga handog na harina at ng mga handog na inumin ng mga yaon, at iyong ihahandog sa ibabaw ng dambana ng bahay ng inyong Dios na nasa Jerusalem.
18 At anomang akalain mong mabuti at ng iyong mga kapatid na gawin sa labis sa pilak at ginto, gawin ninyo ayon sa kalooban ng inyong Dios.
19 At ang mga sisidlang nabigay sa iyo na ukol sa paglilingkod sa bahay ng iyong Dios, ibigay mo sa harap ng Dios sa Jerusalem.
20 At anomang kakailanganin pa sa bahay ng iyong Dios, na ipagkakailangan mong ibigay, ibigay mo na mula sa bahay ng kayamanan ng hari.
21 At ako, akong si Artajerjes na hari, nagpasiya sa lahat na mga tagaingat-yaman na nasa dako roon ng Ilog, na anomang hingin sa inyo ni Ezra na saserdote, na kalihim sa kautusan ng Dios ng langit, ibigay ng buong sikap,
22 Hanggang isang daang talentong pilak, at hanggang isang daang takal ng trigo, at isang daang bath ng alak at isang daang bath ng langis, at asin na walang tasa.
23 Anomang iniutos ng Dios ng langit, gawing lubos sa bahay ng Dios ng langit; sapagka't bakit magkakaroon ng poot ng Dios laban sa kaharian ng hari at ng kaniyang mga anak?
24 Pinatototohanan din naman namin sa inyo, na tungkol sa sinoman sa mga saserdote at mga Levita, mga mangaawit, mga tagatanod-pinto, mga Nethineo, o mga lingkod sa bahay na ito ng Dios, ay hindi marapat na lapatan sila ng buwis, kabayaran, o upa.
25 At ikaw, Ezra, ayon sa karunungan ng iyong Dios na nasa iyong kamay, maghalal ka ng mga magistrado, at mga hukom, na makakahatol sa buong bayan na nasa dako roon ng Ilog, niyaong lahat na nakatatalos ng mga kautusan ng iyong Dios; at turuan ninyo yaong hindi nakakaalam.
26 At sinomang hindi tumupad ng kautusan ng iyong Dios, at ng kautusan ng hari, gawin sa kaniya ang kahatulan ng buong sikap, maging sa kamatayan, o sa pagtatapon o sa pagsamsam ng mga pag-aari, o sa pagkabilanggo.
27 Purihin ang Panginoon, ang Dios ng ating mga magulang, na naglagak ng ganyang mga bagay na gaya nito sa puso ng hari, na pagandahin ang bahay ng Panginoon na nasa Jerusalem:
28 At nagdulot sa akin ng kahabagan sa harap ng hari, at ng kaniyang mga kasangguni, at sa harap ng lahat na may kayang prinsipe ng hari. At ako'y tumibay ayon sa kamay ng Panginoon kong Dios na sumasa akin, at ako'y nagpisan mula sa Israel ng mga pangulong lalake upang magsiahong kasama ko.
Ezra 7
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Dumating si Ezra sa Jerusalem
7 1-6 Pagkalipas ng maraming taon, nang si Artaserses ang hari ng Persia, dumating si Ezra sa Jerusalem galing sa Babilonia. Si Ezra ay anak ni Seraya. Si Seraya ay anak ni Azaria. Si Azaria ay anak ni Hilkia. Si Hilkia ay anak ni Shalum. Si Shalum ay anak ni Zadok. Si Zadok ay anak ni Ahitub. Si Ahitub ay anak ni Amaria. Si Amaria ay anak ni Azaria. Si Azaria ay anak ni Merayot. Si Merayot ay anak ni Zerahia. Si Zerahia ay anak ni Uzi. Si Uzi ay anak ni Buki. Si Buki ay anak ni Abishua. Si Abishua ay anak ni Finehas. Si Finehas ay anak ni Eleazar. Si Eleazar ay anak ni Aaron na punong pari.
Si Ezra ay isang tagapagturo na lubos ang kaalaman sa Kasulatan na ibinigay kay Moises ng Panginoon, ang Dios ng Israel. Ibinigay ng hari ang lahat ng hiniling niya dahil tinutulungan siya ng Panginoon na kanyang Dios. 7 May sumama ring mga Israelita sa kanya nang bumalik siya sa Jerusalem noong ikapitong taon ng paghahari ni Artaserses. Kabilang sa mga sumama ay ang mga pari, mga Levita, mga mang-aawit, mga guwardya ng mga pintuan ng templo, at mga utusan sa templo. 8-9 Umalis si Ezra sa Babilonia nang unang araw ng unang buwan. At sa tulong ng Dios, nakarating siya sa Jerusalem nang unang araw ng ikalimang buwan, nang ikapitong taon ng paghahari ni Artaserses. 10 Tinulungan siya ng Dios dahil itinalaga niya ang sarili niya sa pag-aaral at pagtupad ng Kautusan ng Panginoon, at sa pagtuturo ng mga tuntunin at mga utos nito sa mga Israelita.
Ang Sulat ni Artaserses kay Ezra
11 Ito ang nilalaman ng sulat na ibinigay ni Haring Artaserses kay Ezra na pari at tagapagturo, na lubos na nakakaalam ng mga utos at mga tuntunin na ibinigay ng Panginoon sa mga taga-Israel:
12 “Ako si Haring Artaserses ang hari ng mga hari. Nangungumusta ako sa iyo, Ezra, na pari at tagapagturo ng Kautusan ng Dios ng kalangitan.
13 “Iniuutos ko na kahit sino sa mga Israelita rito sa kaharian ko, pati mga pari at mga Levita, na gustong sumama sa iyo sa pagbalik sa Jerusalem ay maaari mong isama. 14 Inuutusan kita at ng aking pitong tagapayo na alamin mo ang mga nangyayari sa Juda at sa Jerusalem kung talaga bang sinusunod nila ang Kautusan ng iyong Dios, na lubos mong nalalaman.[a] 15 Inuutusan din kita na dalhin mo ang mga ginto at pilak na kusang-loob kong ibinibigay at ng mga tagapayo ko sa Dios ng Israel na nananahan sa Jerusalem. 16 Dalhin mo rin ang lahat ng pilak at ginto na matatanggap mo galing sa lalawigan ng Babilonia, pati na rin ang mga kusang-loob na tulong ng mga mamamayan ng Israel at ng mga pari nila para sa templo ng kanilang Dios sa Jerusalem. 17 Tiyakin mo na ang perang ito ay gagamiting pambili ng mga toro, mga lalaking tupa, mga batang lalaking tupa, mga butil, at inuming handog sa altar ng templo ng inyong Dios sa Jerusalem. 18 Ang matitirang ginto at pilak ay pwede nʼyong gamitin ng mga kababayan mo sa kahit anong gusto nʼyo ayon sa kalooban ng Dios. 19 Ngunit ang mga kagamitang ipinagkatiwala sa iyo na gagamitin sa paglilingkod sa templo ng iyong Dios ay ibigay mong lahat sa Dios ng Jerusalem. 20 Kung may iba ka pang kailangan para sa templo, kumuha ka lang ng panggastos sa pondo ng kaharian.
21 “Ako, si Haring Artaserses, ang nag-uutos sa lahat ng ingat-yaman ng lalawigan sa kanluran ng Eufrates na ibigay nʼyo ang anumang hilingin sa inyo ni Ezra na pari at tagapagturo ng Kautusan ng Dios ng kalangitan. 22 Bigyan nʼyo siya hanggang 3,500 kilong pilak, 300 sakong trigo, 550 galong alak, 550 galong langis ng olibo, at kahit gaano kadaming asin na kinakailangan. 23 Ibigay nʼyo rin ang lahat ng kinakailangan sa templo ayon sa iniutos ng Dios ng kalangitan. Sapagkat kung hindi, magagalit siya sa kaharian ko at sa mga anak ko. 24 Ipinapaalam din namin sa inyo na huwag ninyong pagbayarin ng buwis at ng iba pang bayarin ang mga pari, mga Levita, mga musikero, mga guwardya ng mga pintuan ng templo, mga utusan sa templo, at iba pang nagtatrabaho sa templo ng Dios.
25 “At ikaw, Ezra, ayon sa karunungang ibinigay sa iyo ng Dios, pumili ka ng mga tagapamahala at mga hukom na nakakaalam ng Kautusan ng iyong Dios at sila ang mangangasiwa sa lahat ng tao sa lalawigan sa kanluran ng Eufrates. At ang mga tao na hindi nakakaalam ng Kautusan ay turuan mo. 26 Sinumang hindi tumupad sa Kautusan ng iyong Dios o kayaʼy sa kautusan ng hari ay parurusahan ng kamatayan, o paaalisin sa lugar niya, o kukunin ang ari-arian niya, o ikukulong siya.”
Pinuri ni Ezra ang Dios
27 Sinabi ni Ezra, “Purihin ang Panginoon, ang Dios ng mga ninuno natin, na humipo ng puso ng hari na parangalan niya ang templo ng Panginoon sa Jerusalem. 28 Dahil sa kabutihan sa akin ng Panginoon, mabuti ang pagtrato sa akin ng hari at ng mga tagapayo niya, at pati na ng lahat ng makapangyarihan niyang opisyal. At dahil nga tinutulungan ako ng Panginoon na aking Dios, nagkaroon ako ng lakas ng loob para tipunin ang mga pinuno ng Israel para sumama sa akin sa Jerusalem.”
Footnotes
- 7:14 na lubos mong nalalaman: o, na ipinagkatiwala sa iyo.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
